Dagli 003


Sabi ni Hemingway, dapat ginagawang disiplina ang pagsusulat. Hindi pwedeng kung kailan lang may inspirasyon. Walang may mangyayari sayo kung ganun. Dapat araw-araw may sinusulat ka. Kahit hindi seryoso basta sumusulat. Kwento mo sa sarili mo kung ano ang nangyari sa araw mo. mga problema mo, gusto mong mangyari. Dapat may desenteng pwesto, walang distraksyon. Dapat may mga minimun words para disiplina. Kung wala talaga, simple lang payo niya. Sumulat ka lang ng isang totoong pangungusap. Walang pinapaliwanag kundi katotohanan. Nagustohan ko si pareng Ernest kasi simple ang mga kwento nya, at pangungusap. Pero kung pagtyagaan mo talaga, maliligaw ka rin. Binabasa ko ngayon ang libro nyang A Moveable Feast, memoir daw nya tungkol sa panahon na kinalagi niya sa Paris. Dito ko nakuha ang ewan na payo tungkol sa isang totoong pangungusap kada araw. Kung kailan sya namatay saka lang nalathala ang librong ito. Kasi huli na nya itong sinulat. Wala na sya sa Paris. Ibang klase. Parang work of fiction na. Dreamy ang Paris na binibigay nya sa akin. O ang Paris na kanyang kamalayan, isang kamalayan ng matandang manunulat na kalaunan ay papatayin ang sarili nya. Natakot ako baka ito rin ang mangyayari sa Miag-ao dahil sa pinagsusulat ko. Hindi mo na mararanasan ang lugar sa kung ano sya, kundi ayon na lang kung ano sya para sa iba. Mga Amerikano lang naman ang mahilig magromansa sa Paris. Mga dayo. Tulad ko. Ang mga dayo ang mahilig bumuhay ng mga lugar. Lahat tayo lumalaki sa paniniwalang may isang lugar sa labas ng ating kinalakihan na mas makapagbibigay ng kahulugan sa buhay natin. Pagdating doon, madidismaya tayo kasi wala naman palang pinagkaiba ang mga lugar sa mga tula kesa sa mga lugar na hindi ginagawan ng tula. Pero ayaw natin magpatalo sa payak na realidad. Basa parin ng tula o kwento, kinig ng mga awit, nood ng mga pelikula. Mahirap tandaan na bilog ang mundo. Walang mga sulok, tuluyan. Ang laki yata ng ulo ko ah. Hemingway na agad. Sabi nya araw-araw. Sabi ko seseryosohin ko to ngayong taon. Ako pa lang mag-isa sa kwarto, bukas pa malamang darating ang room mates ko, nakatayo pa ang tatlong kama. Ibang klase. Unang araw pa lang palpak na. Mabuti nga.

Dagli 002


Sasakay na sana ako ng traysikel kanina pabalik sa dorm nang kinausap ako ng isang lalaki. Namumukhaan ko sya pero nakalimutan ko ang pangalan. Si Manong Cesar pala. Nakikipagkwentuhan sya sa ibang drayber ng traysikel. Nakilala ko si Mang Cesar mga dalawang taon na rin ang nakalipas. Malaki ang tinulong nya sa amin noong sa baranggay kami nila inaassign para sa CWTS. Nakitulog pa kami sa baranggay hall nila. Pinagtripan pa mga kaklase kong sosyalan at balisa. Mga kwentong aswang daw. Mag-ingat daw kami. Dinidiskitahan ang mga dayo. Alam naman naming pinagtitripan lang kami pero takot na takot ang dalawa sa kagrupo ko. Kasama si Mang Cesar si Kagawad Lando at ang asawa nitong buntis. Hindi pa gaanong malaki. Kinamusta ko ang mga nakilala namin doon. Mga bata, mga magsasaka. Ayos naman daw ang buhay. Ganon pa rin. Kinamusta ko rin si Kagawad Lando at ang asawa nito. Patay na raw si Pilar. Hindi kinaya ang panganganak. Lalong bumabaw ang takot ng ilan sa amin noong gabing ‘yon. Humingi ako ng pasensya at nagpaalam.

Dagli 001


Naging interesante lang ang pananatili ko sa Miag-ao noon makilala ko si Emily. Taga-Miag-ao at Psychology ang kinukuha. May ilang buwan din kaming nagkasama sa cheering. Gabi-gabing practice hanggang alas-dies. Akala ko hindi ako makakaahon sa gawain sa college. Langhiya ang dami ko pa lang bakanteng oras. Isang hapon, napadpad ako sa Brgy. H. Ang baranggay pagkatapos ng tulay. Pauwi na sana ako. Mga alas kwatro. Naglalakad ako papuntang highway para mag-abang ng traysikel pabalik sa dorm. Nakasalubong ko si Emily na nakapambahay. Litong-lito. Hindi nakapaniwala sa daan ako. Tinanong ako anong ginagawa ko doon. Sabi ko may pinuntahan na kamag-anak. Ganon ba, sabi nya. Aalis na ako nang niyaya nya akong pumunta sa tulay. Oo, sa tulay. Sabi ko bakit. Wala. Nakapunta ka na ba doon? Hindi pa. Maliit lang ang tulay. Dalawang lanes at may daanan ang mga tao sa gilid. Masikip. Kinakabahan nga ako minsan kasi sabay-sabay dumadaan ang mga jeepney, bus, truck, at traysikel dito. May bakal na pondasyon ang tulay. Sa kaliwa nito, makikita ang mga bundok sa isang magandang eksena. Nakakabalisa tuwing sa jeepney ako, dadaan dito, at ilang segundo lang tapos na ang tanawin na to. Sa susunod naman na byahe. Nakakamangha pero hindi naman yung high na high. Maya’t maya may dumadaan at siempre nakaharang kami sa daanan ng mga tao. Sabi ko ano ginagawa natin dito. Wala, sabi nya. Masdan mo ang ilog. Tumingin ako sa ilalim at medyo natutuyo ito. Maraming bato. Sa sobrang tuyo ng ilog, may mga matataas na damong tumutubo sa gilid nito. Sabi ko ano ngayon. Wala. Sumagi na ba sa isip mong tumalon sa mga tulad nito. Lintik. Medyo kinakabahan ako. Bakit? Wala lang, sabi nya. Ano kaya pakiramdam ng hangin ilang sandali bago ka mamatay. Ewan. Kung gusto mo, payo ko, mag zipline ka o bungee jumping. Thrill lang pala hanap mo. Gago iba yan. Sinasadya mo yan eh. Ginastosan mo pa. Gusto ko yung hangin na namararamdaman ng taong sumuko na sa buhay. Tinignan ko lang sya. Paano kaya, tuloy nya, habang nahuhulog ka, biglang nagbago ang isip mo. Ewan sabi ko. Walang kwenta, sabi ko, bakit mo ba ako dinala dito. Sumama ka naman sabi nya.

Huling Tango sa Cinematheque


Natapos ang pelikula ng alas-siete imedya. Naghahanda nang magsara ang cinematheque. Salamat. Balik kayo sa sunod. Oo. Maganda ang kwento. Hindi ito pinansin ni Philip. Maliban sa upoan ng security guard. Pareho sa upoan sa loob, pang-sine. Swabe. Ngimuti siya. Lumabas sya at tinext kung saan na ang pinsan nya. May kasama sya sa labas ng cinematheque. Babae. May tinatawagan. Tahimik na ang Dalan Solis. “Hello?” sabi ng babae sa telepono. “Kakatapos lang. Sayang.” Sinubukan ni Philip na hindi makinig. Hindi nya napigilan ang sarili.

Ang babae ang unang kumausap sa kanya, “May hinihintay ka rin?”

Ngumiti lang si Philip. Tinignan ang telepono kung may sumagot na text.

“Ang kulit naman ng kasama ko.”

“Ako nga rin.”

“Maganda pa naman ng palabas.”

“Oo nga.” Pepot Artista ang kakatapos lang na pelikula. Sinulat at dinirek ni Doy del Mundo. Sa wakas, nag-direk din si del Mundo. Tungkol ang kwento sa isang batang gustong maging child-star para maiahon sa hirap ang pamilya.

Binuksan ng babae ang telepono. Hindi napigilan ni Philip ang tumitig. Kahit malabo ang lighting, maganda pa rin ang babae. Naaliw si Philip sa sarili nya. “Nakahapunan ka na ba?” Bahala na.

“Ha?” nag-isip ang babae. Tinignan ang oras sa relo. “Hindi pa nga eh.”

“Sasakay ka ng SM?”

“Naku, baka anong oras na tayo makarating doon.”

“Oo nga no?”

“May Chowking malapit dito.”

“Sige.”

Naglakad sila. Lena ang pangalan ng babae. Magdalena, pinaikli. Binuksan ng guard ang pinto para sa kanila. Marami pang tao. 24/7 ang branch na to. Pumila sila. Iniwan si Philip sa pila para makareserba ng mesa si Lena. Umupo sya sa mesang pang dalawa lang. Binayaran na ni Philip ang order. Masungit ang kahera. Sige lang.

“Alam mo, may writer na Magdalena din ang pangalan.” sabi ni Philip dala ang numero ng order nila.

“Talaga?”

“Oo.”

“Ano mga nasulat nya?”

“Marami. Napakarami. Pero walang may nagbabasa.”

“Malungkot.”

“Kahit ako.”

“Bakit mo sya kilala?”

“Alam ko lang.”

“Writer ka rin ba?”

“Sinusubukan.”

Dumating ang order nila. Kumain sila.

“Ako, tamad akong magbasa.” sabi ni Lena.

“Bakit naman?”

“Ewan.”

“Pero mahilig ka sa pelikula?”

“Sinasamba ko sila.”

“Hindi lang sine ang may kayang magkwento.”

“Totoo din.”

“Lahat ng tao dito ay may kanya-kanyang kwento.”

Tumingin sila sa paligid.

“Yan ba ang mga sinusulat mo?”

“Ang alin?”

“Tungkol sa araw-araw.”

“Minsan tungkol sa gabi din.”

Ngumiti si Lena. “Sige nga, gumawa ka ng kwento.”

“May kwento na ako tungkol sa isang 24/7 na fast food restaurant. Pero hindi ko pa nasulat.”

“Talaga?”

“Basta isang gabi may iba’t ibang tao sa restaurant. Empleyado, gwardya, manager, costumer, pulubi.”

“Tapos?”

“Basta may mangyayari sa kanila.”

“Yun na yun?”

“Oo.”

“Boring.”

“Ang buhay ay boring.”

“Kaya ka nga nagsusulat eh.”

“Basta.”

“Gawin mong horror.”

“Multo sa fast food?”

“Oo naman.”

“Bakit may magmumulto sa fast food?”

“Wala, dahil namatay sa sunog.”

“Hindi ito nasunog.”

“Pero yung sa taas.”

“Sa taas lang.”

“Nakita mo ba?”

“Hindi. Isang umaga, papunta ako sa klase. Sa West. Konti lang ang jeep sa Iznart. Sabi may sunog. Grabe ang traffic. Noong pauwi na ako saka ko nakita. Wala naman daw nasaktan.”

“Pero may sunog. Sapat na yun.”

“Paano?”

“Nakakatakot.”

“Gusto mong malaman kung ano mas nakakatakot?

“Ano?”

“Yung mga namatay noong Batas Militar.”

“Wag.”

“Bakit?”

“Basta.”

“May mas nakakatakot pa doon.”

“Wag.”

“Yung mga namatay pagkatapos ng Batas Militar.”

“Wag.”

“Bakit?”

“Magiging masyadong seryoso ang usapan na to.”

“Tapos?”

“Masama yun. Kakatapos lang natin manood ng sine.”

“Tapos?”

“Masyadong mabilis ang pagbalik sa realidad.”

“Tapos?”

“Ngayon lang tayo nagkakilala, dapat mababaw lang muna ang pag-usapan.”

Sasagot pa sana ni Philip. Nag-vibrate ang telepono nya sa bulsa. Napatigil si Philip. Tinignan nya ang telepono. Una na raw syang umuwi sabi ng pinsan nya. Pasensya. Bawi lang sa susunod.

“Konti lang kasi ang nangyayari sa Iloilo.”

“Hindi yan totoo.” sagot ni Philip.

“Buti pa ang Paris.”

“Hindi yan totoo.” ulit ni Philip.

“Napanood mo na ba ang Paris, je t’aime?”

“Oo naman.”

“Di ba maraming nangyayari sa Paris.”

“Pelikula lang yun.”

“Dito, tamad ang mga tao kahit sa pangalan. Iloilo ang syudad, Iloilo din ang probinsya.”

“Ano masama doon?”

“Hindi sigurado. Wala na ba ibang pangalan?”

“Kastila ang nagbigay ng pangalan sa Iloilo. Parte sa pagbuo ng imperyo ang pagpangalan sa mga lugar, pagguhit ng mapa.”

“Ano tawag ng mga ninuno natin sa lugar na to?”

“Wala.”

“Bakit?”

“Hindi importante kung taga saan ka noong unang panahon.”

“Malungkot pala noon.”

“Masaya noon.”

Hindi pinansin ni Lena ang banat nya.

“Ngayon kung gagawa tayo ng Iloilo, palangga ta ka masyadong magulo.”

“Mas maganda pakinggan, Iloilo, gugma ko.”

“Pwede rin.” Lumiwanag ang mukha ni Lena. “Gumawa ka.”

“Ha?”

“Sumulat ka ng mga kwento sa Iloilo, gugma ko.”

“Hindi pwede. Masyado akong matapang. Hindi cheesy.”

“Kahit na.”

“Ewan.”

“Dapat may kwento tungkol sa Iloilo Cinematheque.”

Tumawa si Philip. “Gusto ko parang Last Tango in Paris.”

“Ano yun?”

“Basta—”

Tumayo bigla si Lena at sinagot ang telepono. Inisip ni Philip paano ipaliwanag ang kwento ng Last Tango in Paris sa pinakasimpleng paraan. Mahirap. Sige lang. Bumalik si Lena sa mesa. “Kailangan ko nang umalis.”

“Bakit?”

“Dyan na ang nobyo ko. Yung kasama mo, anong sabi?”

“Uwi nalang daw ako.”

“Ganun ba? Sige mauna muna ako.”

“Ingat.”

“Isulat mo ha.” Ngumiti si Lena.

Hindi mapigilan ni Philip na marinig ang mga sigaw ni Marlon Brando.

Ngumiti din si Philip.

last-tango-in-paris
image from http://mymillionthblog.wordpress.com/2012/11/17/80/

Dagli 000


Bago pa man naging derektor ng malalaking produksyon tulad ng Batman at Inception, gumawa si Christopher Nolan ng isang pelikulang may pamagat na Following. Simple lang ang kwento; tungkol sa isang writer na hindi makasulat. Medyo gasgas na kung iisipin. Pero ang ginagawa nya, sinusundan nya ang mga tao. Kahit sino lang. Habang sinusundan ang kung sino mang matipuhan nya, umaasa syang makakuha ng isang material na pwedeng isulat. Medyo sira kung iisipin pero sya yung bida eh. Isang araw, mali yung napili nyang sundan. Isang magnanakaw, na napansin na sinusundan nga sya. Kinumpronta yung bida, nakinig sa paliwanag, at niyaya sa isang raket. Pagnanakaw. At panggugulo ng buhay ng ibang tao sa pamamagitan ng pagnanakaw. Exciting at masaya. Tuwangtuwa ang writer. Sa paghalukay ng mga gamit ng kung sino man, ginagawan nila ito ng kwento. Walang pakialam kung tama o mali. Ang pinaka-interesanteng parte ng pelikula para sa akin ay noon pinag-usapan nila ang diary. Sabi ng writer, personal yan, wag nating pakialaman. Sabi ng magnanakaw. Tanga. Nagsusulat ang tao sa diary ng mga sekreto, pagnanasa, dahil sa kalalimlaliman, gusto nilang may makabasa nito. Na sana balang araw, may makaintindi kung sino sya talaga at kung ano ang pinagdadaanan niya. Iniingat-ingatan pero gusto rin ikalat, ilantad pa nga sa lahat. Para sa akin, yung ang pinaka-kaluluwa ng kwento, ng pelikula, ng kahit anong likhang sining. Sa huli, finrame lang pala ang bidang writer. Hindi ko na alam kung paano nagkadugtong-dugtong ang lahat. Alam mo na, film noir, neo noir, ewan. Hilig ko yung mga ganitong tipo ng pelikula pero hindi pinroseso ng utak ko. Yung eksena lang tungkol sa diary ang natira. Nahuli ng pulis at kinulong ang writer sa lahat ng kagaguhan ng isang taong naisipan niya lang sundan. Nagbabasakaling may maisulat sya. Kawawang writer. Kawawang writer. Kawawang writer.

Noypi Noir


KUNG maglandian ang magnobyo sa harap ko parang nasa loob sila ng sinehan. Malamig, madilim, komportable, at sa mga dambuhalang larawan lang nakatingin ang lahat. Kabaliktaran ng sinehan ang jeepney. Masikip, mainit, at gusto mo na lang matapos ang byahe mo. Ako si Felipe Marlowe at dalawampung taon na akong hindi nakababalik sa Miag-ao. Limang taon nang huli akong bumalik sa Iloilo. Ito ang problema sa mga balikbayan, kahit sa Maynila lang naman ako, isang oras na eroplano, ang mga lugar ay parehong pamilyar at banyaga. Habang tumitingin ako sa bintana ng lumilipad na jeepney paraang nanood ako ng pelikula. Pero hindi tulad ng karaniwang panonood ng sine, may kinalaman ako sa kwento at ang kwento ay may kinalaman din sa akin.

[Mrs. Feliza Pascual, 48, dorm manager ng biktima]

Kamusta naman si Marion bilang dormer?
Pascual: Okay naman. Mabait. Sumusunod naman sa mga patakaran. Hindi pa siya nabigyan ng GR. Wala naman akong naririnig na reklamo tungkol sa kanya.

Malapit ba siya sa mga ka dorm niya? Sumasali sa mga activities?
Pascual: Makikita mo naman siya parati. Pero hindi siya madalas sa lobby. Tapos iilan lang ang mga lalapit na kaibigan. Pero alam mo, galanteng bata yan.

Paano mo nasabi?
Pascual: Noong nag-dorm sportfest kami. Sa closing, may program lang kami pero walang handaan. Hindi naman napag-usapan. Nagulat ako nagpresinta siya sagutin ang hapunan ng lahat. Simpleng salo lang naman. Nagkataon pa lang birthday niya.

Maliban doon, may napansin ba kayong kakaiba sa kanya?
Pascual: Ito madalas tong mangyari. Parati siyang wala dito. Hindi siya natutulog dito. Wala naman problema kasi nagfa-file naman ng permit. Sabi daw kasama ang nobyo. Hindi naman ko naman pinag-isipan masyado kasi hindi si Marion ang tipo ng babae na madaling mapahamak. Alam mo na.

NASA Iloilo ako dahil sa anak ko. Hikain at maya’t mayang nasa hospital. Hindi kami kinasal ng nanay niya pero sinusustetuhan ko siya. Mga tatlong taon din kaming nagsama, at isang hikaing batang babae ang naging bunga. Bago sa kanya may kinasama din ako ng limang taon, buti walang bunga. Hindi madrama ang isang ‘yon. May pinupormahan na naman ako ngayon, hindi naman isyu ang anak. Ang lalaki naman, binata habang buhay.

Pumunta ako sa boss ko isang hapon para humingi ng advance. “Wag na,” sabi nito, sabay hithit sa tabaco nakaipit sa mga matatabang daliri, “May kaso ako para sayo. Sa Iloilo pa. maresolba mo lang to, malaking maitutulong nito sa anak mo.” Sampung taon na akong pulis, dalawang taon bilang inspector, halos tatlong taon na ring freelance ika nga. Ilang beses din ako nagpalipat-lipat ng presinto sa Maynila. Hindi naman problema kasi wala naman pamilya, walang pirmanenteng tirahan, walang problema. Ngayon lang ako napadpad sa Iloilo dahil sa trabaho. Wala namang espesiyal sa mga kaso na hinahawakan o tinutulungan kong ma resolba; rape, ninakawan, patayan, ni-rape, ninakawan at pinatay.

Dalawang araw na ang nakalipas nang pinatay ang isang estudyanteng babae habang papauwi sa dorm, sa loob ng kampus. 17 lang ang dalaga at unang beses na may nangyari ganito. Wala sanang problema kung taga-Miag-ao lang ang biktima. Pero ang unibersidad na to ay binubuo ng mga dayo. Isa lang ito sa maraming kampus ng unibersidad sa buong bansa. Hindi ko pa inabutan to. Iba mag-isip ang mga kabataang dayong ‘to. Kaya siguro ako ang pinadala nila. Alanganing taga-rito, alanganing dayo. Mapapabilis-bilis man lang ang kaso.

[Kristopher Larios, 19, upperclass ng biktima]
Ano pagkakilala mo kay Marion?
Larios: Ayos naman. Marunog makisama.

Bakit kanga ulit dito? Kahit pang freshman lang ang dorm na to?
Larios: Parang peer councilor ako. Mag ate at kuya kami dito. Kung may problema sila, pwede kang lapitan

Kamusta naman relasyon ni Marion sa mga ka batch niya?
Larios: Konti lang kaibigan nyang malapit. Nagulat nga kami noong sumali siya sa isang partido eh

Yung nag-organize ng candle lighting?
Larios: Oo. Doon siya yata huling nakita kasama si Joel.

Ikaw wala ka bang partido?
Larios: Ah, bawal kaming mga peer councilors. Bawal ang partido, bawal ang frat o soro

Bakit?
Larios: Siempre baka gamitin namin ang posisyon para ma-recruit sila. Gusto kasi ni Maam, dapat maranasan nila walang org na demanding para sila mismo ang makapag set ng priorities nila kalaunan.

[Daisy de los Santos, 2, anak ng imbestigador]
Hello?
De los Santos: Low?

Kamusta ka na?
De los Santos: Low?

Pasensya ka na ha. Trabaho si Papa eh.
De los Santos: …

Dalhan kita ng pasalubong.
De los Santos: Papa.

Oo si Papa mo to.
De los Santos: Papa.

Sige, babye.
De los Santos: Papa.

BUMABA ako sa Union Building ng unibersidad. Pilit kong inalala kung ano ang mukha ng lugar na to bago pinatayo ang eskwelahan. Wala akong maalala. Sinalubong ako ng isang estudyante. Payat na lalaki, naka-maong at itim na t-shirt. Karamihan sa mga tao sa paligid ay naka-itim din. Sinamahan niya ako papunta sa opisina ng student affairs. Masikip ang opisina ng head guidance councilor, si Mrs. Elsa Severino, matabang babae, chinita, parang nanay kung magsalita. Kasama na sa trabaho. Pinakilala niya ako sa lalaking na naka-uniporme ng university police, si Mang Jack Monteverde, may bakante pang upuan para sa akin. Mas gusto kong nakatayo. Lumabas sa kwarto ang estudyanteng naghatid sakin.

“Kailan ka dumating inspector Marlowa?”

“Kaninang umaga lang.”

“Kamusta naman ang byahe mo?”

“Ayos lang. Pagkatapos kong magtanghalian sa syudad, dumeretso na ako dito.”

“Salamat. Nabasa mo yung report na i-email sayo?”

“Oo, pero pag-aaralan ko pa siguro ng mas mabuti.”

“Nakatulong ba yung interviews?” tanong ni Mang Jack.

“Oo, siempre. Pero gusto ko pa sanang magtanong-tanong pa.”

Pumasok ulit ang estudyante kanina. Nag-usap ang mga mata nila ng guidance councilor. “Tsaka nga pala,” sabi nito. “Gusto ni Raymond na mag-volunteer bilang assistant mo. Student assistant siya namin dito.”

“Wala kayong sinabi tungkol sa isang assistant. Makakadistorbo lang ang imbestigasyon sa pag-aaral niya.” Hindi ko man lang tinignan ang binata.

“Si Marion ay malapit kong kaibigan. Kaya rin gusto kong personal na tumulong.” Tumahimik ang buong kwarto. Mararamdaman mo pa ang bigat ng hangin. Mukhang desidido naman ang bata. Nalito ako nang bumigay ako at pumayag. Nagbago ang itsura nito. Parang bata na binilihan ng bagong laruan. Hindi ko gusto ang angas ng batang ito.

[Anna Bernal, 16, roommate ng biktima]
Ano si Marion bilang roommate?
Bernal: Mabait. Malinis. Wala kang problema

Nagkukwento ba siya ng mga problema?
Bernal: Minsan pero madalas tungkol sa klase. Mga hindi niya maintindihan, o may ayaw na schedule, tanghali, alas-siete ganun.

Nag birthday daw si Marion sito sa dorm. Galante din ba sya sa inyo?
Bernal: Minsan dinadalhan kami ng pasalubong pagkain galing sa syudad. Kung kailan nga lang may dala. Parati ring nagyaya kung kumakain.

Itong nobyo na si Joel. Gaano niyo siya ka kilala?
Bernal: Hindi masyado. Gulat nga kami eh.

Hindi ba siya nagkukwento? Tuwing nag-aaway, mga ganun?
Bernal: Wala eh. Nahihiya rin kami magtanong.

Hindi ba pinagsasamantalahan ni Joel si Marion? Sa usapin ng pera, halimbawa?
Bernal: Hindi naman. Kung tutuusin nga yan pa ang pinag-awayan nila minsan. Parati kasing binibilhan ng regalo ni Marion. Lalo noong binilhan nya ng sapatos. Nalaman ng lahat. Medyo masama yung pagkakwento.

MARAMI akong malalayong kamag-anak pero hindi pa nila alam na nasa Miag-ao ako. Mas mabuti nga yon. Hindi na nila kailangan magpanggap na interesado sila sa akin. Nangako ang unibersidad ng matitirahan sa takbo ng imbestigasyon. Matutulog ako sa guest room ng isang dorm. Ito rin and dorm ni Raymond at dati ni Marion. Nagpresinta pa si Raymond na dalhin ang gymbag ko para ilagay sa traysikel. Habang papunta sa dorm area, nakita ko ang general na anyo ng kampus. Walang mga bakod, malalayo ang mga building, konteng mga ilaw, paraiso to sa mga kriminal.

Pagdating sa dorm, nakaharap ko ang dorm manager, si Mrs. Pascual, isang namang nanay ng mga estudyante. Halatang maraming iniisip at kulang sa tulog. Siya ang tumatayong nanay sa lampas isang daang kabataan na umuupa sa dorm. Namatay ang isa, natataranta ang iba, kasama na ang kanilang mga tunay na magulang. Tapos papasok pa ako.

“Ma’am, kaya ko na sarili ko. Gusto ko po kayong makausap mam’ya.”

Pumasok din sa guest room si Raymond. Habang hinuhubad ko ang mga sapatos ko pinapaliwanag niya ang ilan sa mga patakaran sa dorm. Kung saan ang kwarto niya, anong oras ang curfew, kung sino-sino ang ibang staff at student assistants. Nakaupo siya sa bakanteng kama ng guest room. Di ko na natiis, “Raymond, anong trip mo?”

“Po?”

“Bakit nandito ka?”

“Assistant niyo po ako.”

“Bakit nga sabi?”

“Pinaliwanag naman kanina…”

“Oo. Pero bakit mo ginagawa ang ginagawa mo?” napatigil siya. Seryoso ako, at seryosong bagay tong hinahawakan ko.

“Kasi po,” simula niya, mas kalmado, “matagal ko na pong gusto masangkot sa ganito.”

“Masangkot sa ganito?”

“Ang ibig ko pong sabihin, sa isang imbestigasyon.”

“Bakit?”

“Gusto ko eh.”

“Ano ba kinukuha mo?”

“Literature po.”

“Eh bakit hindi ka kumuha ng criminology?”

“Mahilig po akong magbasa eh.”

Hindi ko na napigilan ang pagtawa ko.

“Seryoso po, mahilig po kasi ako samga crime stories at detective fiction. Yung suspense. Hindi mo alam kung sino talaga yung pumatay hangang sa huli. Pati na rin ng pelikula.”

Tumigil muna kao sa paglalabas ng mga gamit galing sa bag. “Alam mo naman totoong namatay ang kaibigan mo di ba?” Nilabas ko ang case ng baril ko at pinakita sa kanta. “At totoo rin ang baril ko.” Malagkit ang tingin niya sa 9mm, manghang-mangha. “Sana pag-isipan mo yan ng mabuti para makatulong ka”

“Opo. Pasensya na po.”

“Ayos lang. Pahinga muna ako. Bumalik ka dito pagkalipas ng isang oras. Magsisimula na tayo.”

“Sige po. Pangako hindi magiging sagabal. Dapat alisto parati sa mundong walang moralidad.”

“Ano sabi mo?”

“Mundong amoral po. Wala ng tama o mali. Pinupursige lang ng mga tao ang kanilang mga pansariling interest. Mundong noir!”

Patay kang bata ka.

[Manuel Hernando, 52, ama ng biktima]
Hello po sir?

Hernando: Kamusta na?
Nandito na po ako sa Miag-ao.

Hernando: Mabuti. Kailan ka matatapos?
Biernes ng gabi. Balik na ako Maynila kinaumagahan.

Hernando: Ipapasundo kita.
Huwag na po.

Hernando: Ako na ang bahala.
Salamat po.

Hernando: Nakausap mo na ba si Joel?
Hindi pa.

Hernando: Hindi siya. Mabuting bata yan. Hanapin mo ang totoong pumatay.
Opo. Meron po ditong Raymond. Makulit. Malapit daw sila ni Marion.

Hernando: Hindi ko maalala.
Ganun po ba.

Hernando: Basta bilisan mo.
Opo. Ako po ang bahala.

Hernando: Sige.

ALAS kwatro dapat babalik si Raymond sa guest room. Quarter to four palang papunta na akong sementeryo. Hindi rin ako nagtagal doon. Saka ako nag-ikot-ikot sa banwa. Marami ang mga bagong gusali at mga establishamentong tsak na malulugi noon. Mga studio, bangko, internet shops at mga restaurant. Parang syudad din kahit papano ang dating ng banwa. Pero iba pa rin. Matagal humabol ang mga gawi ng mga tao. Nagmerienda ako sa isang 24/7 na tinapayan sa tabi ng munisipyo. Isipin mo yun, 24/7. Marami ang bumibili, pero karamihan sa mga hindi nag-take out ay mga kabataan. Yung mga medyo matanda, inuuwi pa rin ang tinapay. Nasa gilid ng highway papuntang Antique ang tinapayan. Maraming traysikel pero konti lang ang dumadaan na mga sasakyan. Kadalasan mga lumilipad na jeepney, L300, truck o bus na parang nauubusan ng lupa. Minsan mas nakakamatay ang ganitong klaseng kalye kesa sa mga tulad ng EDSA.

Nakatingin lang ako sa aspaltong kalsada. Habang ngumunguya, hindi ko rin naman tinatadaan ang mga mukha ng mga tao o kulay ng mga sasakyan. Blangko. May babaeng tumigil sa harap ko. Mahabang buhok, naka-berdeng uniporme, may bag, pero may bitbit pang malalaking libro at record book. Tulala din siya. Blangko. Patay kang bata ka.

“Ikaw pa talaga yan Felipe?” tanong niya, mahinhin na boses. Isa sa mga maraming boses na matagal ko nang tinangap na hindi ko na maririnig pa. Kapitbahay at kababata ko si Lourdes. Ni hindi ko nga alam na malapit lang bahay niya sa amin kung hindi ako nag-grade one. Pagkatapos ng klase, nilapitan ako ng tiyahin niya. Sasama na raw ako sa kanila pauwi kasi wala akong sundo. Siempre kinabahan ako. Pero siempre din, kilala ko ang tatay at hindi ito ang unang beses na walang sumundo sa akin. Sabi ko sa sarili, bahala na kung kidnapper to. Dalawa naman kami ang kukunin. Marami ang nagulat nang mas pinili ng tatay ko ang magpatayo ng clinic sa Miag-ao kesa sa syudad mag practice. Wala naman sanang problema pero bagong labas lang siya sa med school noon. Ang bata-bata pa. Ang tatay naman ni Lourdes US Navy, ang nanay teacher sa high school. At malamang sumunod si Lourdes sa mga yapak nito. High profile na kami noon, kaya mas madalas ipaalala samin ang wag-kumausap-sa-di-mo-kilala routine. Ngumiti ako. Yung hindi pilit. At niyaya siyang magmerienda.

“Kamusta ka na?”

“Mabuti naman. Ano ginagawavmo dito? Nag-internet lang ako dyan sandali.” Sabay turo sa kalapit na cafe.

“May trabaho lang. Doon pa nga ako sa dorm ngayon eh. Imbestigasyon tungkol sa estudyanteng namatay.” Nagbago agad ang mukha niya. Nalungkot, parang siya ang namatayan.

“Ah, oo. Nakakahinayang nga eh. Doon din ako actually papunta sa staff house. Teacher kasi yung nobyo ko. Naging estudyante pa nga yata niya ang bata.” Matagal-tagal din ako hindi nakaramdam ng kirot sa dibdib. Akala ko namanhid na ako ng trabaho. Hindi pa pala lubusan.

“Ganun ba. Sa dorm ako eh. Sa guest room ako. Sa Balay Napulak. Alam mo yun?”

“Yata, hindi ako ganong natandaan eh. Magkakamukha pa naman ang mga dorms.”

“Basta doon. Mga ilang araw din siguro ako dito. Kailnagan matapos to agad.”

“Oo nga. Gusto mo magkasama tayo mag-dinner mamya? Doon sa unit ni Victor. Marami namang karenderya doon, bili lang tayo ng ulam.”

Wala naman akong plano kaya pumayag ako. Hiningi ko nalang ang number niya. Mga alas-sais daw sana doon na ako. Hindi siya pwedeng gabihin. May pasok pa bukas. At baka wala nang masasakyan. Sabi ko susunod ako agad may pupuntahan lang ako. Walang problema, sabi niya, text mo lang ako. Sineyasan niya ang isang drayber ng traysikel na kulang nalang ng isang pasahero. Saka tumawid sa kalye kanina ko ang pinagmamasdan.

[Gretchen de los Santos, 32, dating kinakasama ng imbestigador]
Hello?

De los Santos: O, saan ka na?
Dito sa Miag-ao.

De los Santos: Sa mga kamag-anak ka ba?
Hindi sa dorm din ako.

De los Santos: Kamusta sitwasyon dyan?
Tahimik. Parang hindi unibersidad.

De los Santos: Hindi pa parating tahimik dyan? Malayo sa syudad.
Hindi ganito ka tahimik.

De los Santos: Kailan balik mo?
Sabado.

De los Santos: Sige.
Kamusta na siya?

De los Santos: Heto. Sumasakit na ulo ko.
Pati ikaw magkakasakit nyan eh.

De los Santos: Wala ako dito bukas. Nakiusap na ako kay Paula na bantayan siya.
Bakit naman?

De los Santos: Baka masisante na ako. Marami na akong absent.
Sige. Gasing ba siya ngayon?

De los Santos: Heto. Teka lang.

BAGO naubos ang ilaw ng hapon, pumunta ako sa dagat.

Kailangan kong kamustahin ang kaibigan kong si Dencio Santos o Den nalang. Ang Felipe ko nga ginawa nyang Feli noong college. Kaklase ko noong hayskul pero naging mas malapit kami noong sabay kami nag-aral sa syudad. Kasama ko pa sa boarding house sa Jalandoni. Habang pababa, kaliwa’t kanan na mga malalaki at magagarang mga bahay. May naka-park pang tigdadalawang sasakyan sa mga garahe. Hindi ko nga nakikita mula dito. Habang lumalakas ang simoy ng dagat, nag-aabang nalang ako ng isang palatandaan sa namakakaturo kung saan siya.

Pagkatapos ng mga malalaking bahay. Makikita mo na ang dagat, at ang mga maliliit na mga bangkang pang-isda. Naglalakad-lakad pa ako hanggang nakarating sa isang basketball court ng baranggay. Isa lang ang ring pero pinagtsatsagaan. Masigla ang laro. Tatluhan. Wala nang pantaas ang mga kalalakihan. Huling-huli ang atensyon ng lahat. Meron ding mga kababaihan ang nga kukwentuhan sa isang tiangge. Maraming mga bata ang naghahabulan, ang ilan naghihintay ng pagkakataon na makalaro din ng basketball. Karaniwan ang mga dalagita pa lang pero may bitbit ng sangol. Mukha pang sakitin, at walang salawal. Sa di kalayuan, nakita ko na hinahanap ko. Isang malaking paskil, welga laban sa konstruction ng isang resort. Kulay pula ang mga letra. Marami ring mga mas maliit na paskil at mga plakard. Parang campsite. Campsite karamihan ng mga taong pirmamenteng nagkakamping. Nakatayo lang ako nakatingin sa squatters. Lumabas din ang isang lalaking nakasalamin, mahaba nag buhok. Tinignan niya ako ng masama, lumapit nang dahan-dahan. Lumabas ang pilyong ngiti. Nagkaharap kami.

“Dito ka ba para bansagan akong komunista?”

Sinakyan ko na. “Basta hindi mo ako unahan at tatawaging pasista.” Hindi na namin napigilan ang pagtawa. Pagkatapos ang isang mahigpit na yakap, pinag-tripan pa ang mukha ko. “Feli ikaw ba to? Ilang taon na?”

“Mga walo?”

“Gago halos sampu na kaya.” Tawanan.

“Ano kailangan mo? Aanib ka ba sa aming kausa?”

“Hindi imbestigasyon sa namatay na estudyante.” Sumeryoso din ang mukha niya. “Napadaan lang ako nang nabalitaan ko to.”

“Oo, si Marion. Mabait na bata yun. Kilala ako nun. Minsan napadaan din yan dito.”

“Ano ginawa niya dito?”

“Edi nag-volunteer. Tumulong dito. Hindi mo ba alam na ang mga estudyante na lang ang dahilan kung bakit hindi pa kami pinapadalhan ng bulldozer dito?”

“Ano bang merong dyan?” tanong ko.

“Pinapaalis ang mga tao. Magpapatayo daw ng resort dito ang isang kompanyang Koreano. Para daw may puntahan naman ang mga turista pagkatapos nila magpa-picture sa simbahan. Ang relocation site, kung saang bundok. Eh paano yan mga mangingisda mga tao dito. Ang mga bata sa banwa nag-aaral. Ano nalang mangyayari sa mga taong ito?”

Hindi ko alam ang isasagot ko.

“Mga ilang araw din ako dito. Kanina lang ako dumating. Pumunta na nga ako sa sementerio kanina eh.”

“Ganun ba? Baka gusto mong tumambay? Inum? Marami nang pwedeng inuman dito.”

“Oo nga eh. Depende. Bukas pa ako magsisimula talaga. Sana matapos ko agad.”

“Biernes ng gabi? Okay yun?”

“Sige subukan ko.”

“May student assistant pa nga ako eh. Tinakasan ko. Si Raymond. Kilala mo?”

“Ah, oo. Si Raymond. Cruz? Malapit yun kay Marion. Ikaw naman gusto lang tumulong ng bata”

“Ang kulet eh. Pakiramdam niya pelikula tong trabaho ko. Ewan ko ba.”

“Pabayaan mo na. Palabasa kasi yun eh. Medyo nag-aapaw ang imahenasyon.” Tawanan. Kinuha ko rin ang number niya at naglakad pabalik sa sakayan ng traysikel. Hahatid niya sana ako kaso may kailangan pang tapusin. Dumaan ako ulit sa mga magagarang bahay at parang hindi man lang pumasok sa kamalayan ko ang kalagayan ng mga pinagtatagol ni Dencio.

[Ruby Guzman, 17, roommate ng biktima]
Gaano mo kakilala si Joel?
Guzman: Siempre kasama ko sa kurso pero hind rin kami malapit. Gulat nga akong nalamang sila ni Marion.

Wala ba tong mga kaaway?
Guzman: Wala naman. Marunong din kasing lumugar eh.

Alam mo bang may nakitang droga sa kwarto niya sa boarding house?
Guzman: Yun nga ang pinaka hindi ko inaasahan. Ilang beses pa namang natutulog doon si Marion.

[Joel Lazaro, 17, nobyo ng biktima]
Kamusta ka na Joel?
Lazaro: Heto.

Nakausap mo ba mga magulang mo?
Lazaro: Binisita lang ako ng kuya ko. Hindi pa alam ni Mama.

Saan ba mama mo?
Lazaro: Sa Italy

Yung tatay mo?
Lazaro: Hiwalay na sila. Wala na kaming balita

Paano kayo nagkakilala ni Marion?
Lazaro: Naiwan ko ang isang notebook ko sa room na sila ang gagamit. Hinintay ko at nagpasalamat. Tapos tinandaan ko siya, bati-bati lang muna. Hanggang nalaman ko na pareho pala mga bakanteng oras namin. Doon na nagsimula.

Anong nangyari ng Lunes ng gabi?
Lazaro: Naghapunan kami sa banwa at bumalik sa boarding house ko. Doon lang muna kami. Sabi nya kailangan nyang umuwi sa dorm. Sabi ko mamya, papasakayin ko lang siya ng traysikel.

May pinagawayan ba kayo?
Lazaro: Wala. Nagbanyo lang ako. Pagbalik ko, umiiyak siya. Kailangan daw niyang umalis. Ayaw magpasama. Hindi ko maintindihan. Pinabayaan ko lang. Minsan ganyan talaga siya.

Pag-usapan natin yung drogang nakita sa kwarto mo.
Lazaro: Ano naman kinalaman nun.

Baka yun ang nakita niya.
Lazaro: Tapos?

Saka lang niya nalaman na gumagamit ka?
Lazaro: Oo. Siguro.

Gaano na katagal?
Lazaro: Nitong college lang

Dito ba sa Miag-ao ang kinukuhan mo?
Lazaro: Hindi.sa syudad. Para lang sa sarili ko

Tapos?
Lazaro: Wala.

Mga anong oras umalis si Marion?
Lazaro: Mga alas-dies.

KUNG kailan ako dumating sa waiting shed sa labas ng staff house saka umandar ang ilaw nito. Sa tabi ng mga dorms ang ilang units ng mga bahay. Iba’t iba ang mga desenyo at kapasidad. Pinatayo din ang mga ito para sa pangangailanan ng mga empleyado at guro ng unibersidad. At siempre sa mas murang halaga. Ang iba, mga empleyadong nag-sasama. Dito na pinalaki ang pamilya. Malaking ginhawa ang dulot ng malapit at murang pabahay sa mga empleyado. Ang nakapagtataka lang, bakit walang nilaan na mga housing units ang mga unibersidad sa syudad para sa mga empleyado nito. Nagpatayo nga ng unibersidad sa Miag-ao pero tila lalo lang ito tinulak sa laylayan.

Lahat nagtataka at nagsipagtinginan sa akin. Mga estudyante, empleyado, kapamilya nila. Ang iba naman marunong magdala. Karamihan, palpak. Nag-aabang muna ako sa mga bumababa ng traysikel baka si Lourdes na. Nagulat nalang ako tinawag niya ako galing sa likuran. Malapit lang ang unit ng nobyo. Mga tatlong unit lang galing sa waiting shed. Magkakamukha nga ang mga bahay pero hindi rin mapagkakaila na nagbago na. Ang mga halaman, bulaklak, palamuti. Sinalubong kami ni Victor sa pintuan, sabik sa bisita. Magkasing tangkad lang sila ni Lourdes, moreno, at matipuno ang pangangatawan. Naka-puting polo pa siya at itim na pantalon pero naka tsinelas nalang. Propesor ng Math at kasama nya sa bahay ang isa pang titser sa kanilang department. Pero wala ngayon kasi may dinaluhan na workshop sa syudad. May estudyante din silang kasama sa bahay, pinaparentahan ang bakanteng kwarto. Mamaya pa raw dadating ang estudyante, nakikitambay muna at sabay na ring naghahapunan sa mga kaklase.

Akala ko bibili kami ng ulam sa karenderya, pero nagtake-out na pala si Victor ng pritong manok at sisig sa banwa nang malaman na may bisita si Lourdes. Konti lang yung salo-salo pero sa tingin ko hindi yon mauubos naming tatlo. “So, Felipe—” simula ni Victor.

“Feli nalang” mabilis ko sagot.

“Kailan ka dumating?”

“Kaninang umaga lang. Nitong hapon lang sa Miag-ao.”

“Kamusta ang kaso? Tsk, tsk, malaking trahedya.”

“Bukas ko pa opisyal na sisimulan. Pero napag-aralan ko na yung reports. Mga dagdag na interviews pa siguro.”

“Ganun ba. Matagal ka na bang pulis?”

“Hindi na ako pulis. Pero mga ilang taon din ako nagserbisyo na pulis. Halos tatlong taon na rin akong parang freelance na imbestigador.”

“Anong mga kaso hinahawakan mo? Mga raid, sindikato ganun?”

“Minsan. Pero madalas kung ano lang lumalapit sakin. Nawawalang kamag-anak, nangangaliwang asawa, mga ganun. Minsan yung mga most wanted na ganyan, tina-track down ko rin.” Alisto silang nakikinig.

“Pasensya ka na. Alam mo namang parehong kaming titser nito si Lourdes. Sa TV o balita lang namin nalalaman ang mga ganyan.”

“Ayos lang.”

“May asawa ka na ba Feli?” tanong ni Lourdes.

“Wala eh. Binata pa rin. Pero may anak akong isa. Babae, magto-two years old na.” Pinakita ko ang litrato sa wallet ko. Aliw na aliw sila. “Pero hindi kami kasal ng nanay. At hindi na rin kami nagsasama.” Makikita ang dismaya sa mukha ni Lourdes. Parang wala lang kay Victor.

“Wala rin kasing kasiguradohan ang trabaho ko eh. Minsan okay, minsan hindi. Ang gastos sa kasal nilaan nalang sa bata. Sakitin pa naman.”

“Anong sakit?”

“Hikain. Alam mo naman ang Maynila. Sabi ko nga dalhin sa probinsya eh. Taga-Batangas ang nanay. Kaso ang trabaho sa syudad eh. So, iniingatan nalang.”

“So kamusta yung imbestigasyon? Ano ba talaga nangyari?” Binigyan ko sila ng pinakamaikli at simpleng buod. Lunes ng gabi umatend ng isang candle lighting activity si Marion sa harap ng College of Arts and Sciences. Natapos ang vigil mga alas siete imedya. Huling nakita kasama ang di umanong nobyo nito si Joel. Pumunta daw sa banwa para maghapunan. Nakapag-text pa si Marion sa room mate nya na gagabihin siya pero sa dorm siya matutulog. Madalas daw kasing sa banwa kasama si Joel, nagpapalipas ng gabi yung dalaga. Hindi na nakauwi si Marion. Mga alas siete ng umaga nakita ang bangkay sa damuhan sa gilid ng highway, malapit lang sa lupa sa entrance. Ang kinamatay, naubusan ng hininga. May mga pasa sa braso so nanlaban ang dalaga. Si Joel ang primary suspect, pero walang proweba. Ang ibang angulo baka napag-tripan, ninakawan.

“Kailangan ko pang mag-interview pa para malaman kung siya nga nakakita sa kanya. Mga naka-away, ganun. Kailangan ko rin gumawa ng report at recommendation kung ano ang dapat gawin. Sa madaling salita kung ano ang puno’t dulo nito.”

“Hindi naman sa minamaliit ko ang skills mo,” sabi ni Lourdes. “Pero bakit sayo binigay tong kaso?”

“Yun nga ring pinagtataka ko. Mabigyan lang ng sapat na oras at kooperasyon, kayang-kaya to ng Miag-ao pulis. Pero yung tatay ni Marion, kilala yung hepe ko dati. Naghahanap ng pinakama—, yung walang waring trabaho, focus lang sa kaso ng dalaga. Ako ang naisip ng boss ko. Ilonggo pa, sa Miag-ao pa lumaki. Kahit sa Maynila ako, pinauwi talaga ako dito.”

“Dyosko. Ang seryoso naman nyan.” sabi ni Victor. “Hayaan nalang natin si Feli gawin ang trabaho niya.”

“Oo nga,” sabi ko. “Kayo? Musta ang trabaho? Paano kayo nagkakilala?”

“Alam mo ba Feli,” nagbago na ang aura ng lugar. “Apat na taon akong nag-aral dito pero kahit kailan, hindi ko to nakita si Lourdes—”

“Baka kasi nag-aaral din ako sa Iloilo.”

“—Grumaduate, nagtrabaho dalawang taon sa syudad—”

“Tsaka naman ako bumalik dito para magturo.”

“Tapos, isang araw hindi ko na natiis, kailangan kong bumalik sa Miag-ao. Nag-apply akong lecturer, tagap naman. Litong-lito mga kaibigan at pamilya ko. Anong gagawin mo doon? Walang may mangyayari sayo doon. Siempre, naniwala ka rin ng konti. Nangamba rin. Sa unang sem ko palang bilang titser, nag-organize ang mga estudyante ko ng mata quiz bee. Inimbitahan ang mga schools sa Miag-ao. Si Lourdes ang isa sa mga titser na sinamahan ang mga estudyante. Talo sila agad pero wala akong paki-alam.” Tawanan. “Dahil sa araw na yon nakita ko sa ang dahilan bakit bumalik ako sa Miag-ao.” Nakangiti si Lourdes pero medyo naiirita. Malamang ilang beses na tong ikwento si Victor. Ngumiti na ako. “Sa Septembre, pista ng Miag-ao, magpapakasal kami.” Kinuha pa ni Victor ang kamay ni Lourdes at pinakita ang engagemet ring. “Pinag-ipunan ko yan. Konti pa naman ang sweldo ko. Pero okay lang. Kasi, pagkatapos namin magpakasal, pupunta kami Korea!”

“Talaga?” sabi ko, “Honeymoon?”

“Hindi! Doon kami magtatrabaho. May batchmate ako doon. May bakanteng daw na pwesto. Pinadala ko naman ang application. Okay daw. Kahit pa raw dalhin ko asawa ko. Sabi ko, teka, maghahanap muna ako ng asawa!”

Naalala ko tuloy nang magtrabaho ako sa Cebu. May isang lugar na aakalain mong Korea. May restaurant, hotel, convenience store, eskwelahan, simbahan, inuman, pang Koreano lahat. Dinadayo ng mga estudyanteng nag-aaral ng English. Kung Filipino ka at mapadpad ka doon, ibig sabihin trabaho habol mo doon. Hay. Mga taga-Miag-ao pumupunta sa Korea, ang mga Koreano pumupunta sa Miag-ao. Patay kang bata ka.

“Tsaka nga pala,” sabi ko, para maiba naman. “Lourdes, binisita ko si Dencio kanina. Hindi pa rin pala napapagod sa pagiging aktibista yon.”

“Ah, oo. Sa Baybay.”

“Yan ba yung pinapaalis na mga squat—illegal settlers?”

“Oo. Kaklase namin ni Lourdes yun noong hayskul.”

“Ganun ba.” Nagbago na ang tono ni Victor. “Sana paayuhan mo yung kaibigan mo na wag nang idamay ang mga bata sa kalokohan niya.”

“Bakit naman?”

“Wala naman silang mapapala sa protesta-protesta yang eh. Pati si Marion yata naenganyo sa kanila. Sayang. Kung gusto nilang makatulong sa bayan, mag-aral sila, at grumaduate sa oras. Dyosko.”

Mabilis na sinalba ni Lourdes ang kwentuhan. Mas komplikado pa pala sa inakala ko ang sitwasyon dito. Matalinong tao naman ni Victor. Ewan ko lang kung may pakinabang siya sa labas ng unibersidad.

[Hilda Reyes, 20, officer sa orgization]
Paano mo nakilala si Marion?
Reyes: Isa sa mga bagong members namin. Hindi na ako sigurado kung sino nag-recuit sa kanya.

Kamusta naman siya?
Reyes: Mabait. Masipag, masinop. Kung may utos ka o assignment kang ibibigay sa kanya, gagawin nya agad.

Wala ba syang kinukwentong problema sa inyo?
Reyes: Wala naman. Pero yung nga eh. Hindi siya makwento. Kung may meeting lang siya dyan. Kakausapin ka rin naman kung lalapitan mo. Pero yun nga. Introvert eh.

Kwento mo yung activity niyo.
Reyes: Candle lighting at konting program tungkol sa human rights violations. Konti lang kami. Hindi lampas sa tatlumpo. Kaya noong natapos, mga alas-siete imedya, nagkayayaan kami na sabay nang maghapunan. Tumangi si Marion at magkasama nalang raw sila si Joel. Yun ang huling beses namin siya nakita. Magkasama silang dalawa.

Mukha bang may pinagtatalunan sila? Tampuhan?
Reyes: Wala naman.

Kapartido niyo ba si Joel?
Reyes: Hindi, kahit sino man pwedeng sumali sa activity

BUMALIK ako sa dorm at dinatnan ang isa candle lighting sabay prayer vigil. Marami ang dumalo, lahat naka-itim. Nakasalubong ko si Raymond sa lobby. Mukhang wala sa sarili pero biglang nabuhayan pagpasok ko. Pinaliwanag kong may binisita lang ako sa banwa. Nakapaghapunan na rin ako. “Alam mo naman na hindi ako bisita dito di ba?” sabi ko saka lang siya tuluyang kumalma. Bukas kami magsisimula ng mga interview, pwede siya tumulong sa pag record at pagtranscribe. Sinabihan ko rin siyang magpahinga. Sinabihan ko rin ang sarili kong kailangan ko rin ito. Pumunta siya sa mga kasama. Tinignan ko ulit ang eksena. Sabi ni Dencio, watak-watak daw ang mga estudyante. Mukhang hindi naman.

BUONG araw kaming magkasama ni Raymond. Talagang nag-absent sa mga klase nya. Maliban sa isa. Mga 3:30 nagpaalam syang babalik sa dorm. May exam daw pagka-alas kwatro. Kakatapos lang namin kausapin si Joel. Dumaan muna ako sa tinapayan ulit para bumili ng makakain. Mukhang masisinan ang kwentuhan ng tatlong lalaki sa isang mesa. Naunang tumingin ang isa sa akin habang nagbabayad ako. Isa-isa din tumingin ang mga kasama nya. Ang plano ko, babalik na rin pero umupo ako sa katabing mesa para masiguradong hindi ako ang pinag-uusapan nila. Sinimulan kong kainin ang binili kong pan de coco. Tumahimik sila. Nakatalikod ako sa kanila pero alam ko na ang mga ekspresyon sa mga mukha nila. Naghintay pa ako. Sabi ng isa, “Paano yan, baka matagalan pa bago dumating ang sunod.” Walang sumagot sa kanya. Katahimikan ulit. Kumuha pa ako ng isa pang pan de coco. Nagyaya na ang isa, “Alis na muna ako.” Tumayo sila. Lumingon pa sa akin ang isa bago umalis. Ang isa, noong nasa malayo na lumingon. Malayo ang tingin ko nang tumigil si Anna sa harap ko, isa sa mga room mate ni Marion. Ngimiti lang siya at pumili ng tinapay. Sinabayan ko na sa pag-alis. Tumawid kami para makasakay ng traysikel pabalik sa dorm. “O, merienda?” tanong ko sa kanya.

“Opo. Kamusta na yung kay…”

“Heto. Dapat ko nang pagdugtungin.”

“Ganun po ba.”

“Di ba ikaw ang nagsabing nagulat ka nang makitang makasama si Joel at Marion?”

“Opo.”

“Ano nakakagulat doon?”

“Eh akala naming lahat sila ni Raymond ang nagkakamabutihan eh.”

“Bakit hindi mo yan sinabi kanina?” Hindi na ako umasa ng sagot.

DUMIRETSO ako sa boy’s wing ng dorm. Buti hindi ko nakalimutan ang room number ni Raymond. Nasa gitna ang kabinet ng apat na tao sa loob. Walang tao sa oras na yon. Iniisa-isa ko ang mga gamit nila sa kanilang mga kama at study table. Humanap ako ng palatandaan na kay Raymond ang pwestong yon. Inuukay ko ang photocopy sa isang mesa nang may pumasok. “Sino ka? Ano ginagawa mo dyan?” May takot sa mata ng binita. Pinahiran ko muna ang pawis sa noo ko. “Ah, wala. Hinahanap ko ang mga gamit ni Raymond.” Napuna na nya na ako ang imbestigador. Tinuro nya ang sa kabilang kama. Maraming libro sa mesa ni Raymond. At may black and white poster ni Humphrey Bogart sa pinto ng kabinet nya. Nagkataong hindi nakakandado. Nakatingin lang ang binata sa akin. “Basta may hinahanap lang ako. Wag kang mag-alaala.” Hinalukay ko ang mga damit nya, hindi sigurado sa hinahanap ko. Sa ilalim ng mga maruruming damit nya may isang bloke nakabalot sa duck tape. Nakilala ko agad. Mga isang kilo din ito. Ito malamang ang dahilan kung bakit umalis si Marion sa boardinghouse ni Joel. Tsaka nya nakasalubong si Raymond. Nakatayo lang ang binata sa gilid ko. Hindi nya nakikita ang ginagawa ko dahil sa pinto ng kabinet. Mukha ni Bogart lang nakatingin sa kanya. Nilabas ko ang 9mm ko, pinunasan at tinago sa mga damit. Bahala na. Basta may dahilan para maaresto siya. Sunod na ang kumpisal. Pasimple kong nilagay sa bulsa sa likod ko ang bloke. Nagkasya naman. “Okay na,” sabi ko, “Saan nga ulit ang banyo nyo dito?” Tinuro naman nya.

PAGBALIK ni Raymond sa dorm, nakita nya akong nakaupo sa labas. Kinamusta nya ako. Niyaya ko syang umupo katabi ang mga halaman ni Mrs. Pascual. Wala naman siyang ginawang kalokohan habang nag-iinterview. Alis na ako mamyang gabi kaya sinubukan ko na siyang kaibiganin. “Raymond,” sabi ko. “kwento mo nga yung tungkol sa pelikula na hilig mo?”

“Film noir po?”

“Huo. Yun.”

“Basta mga kwento tungkol sa mga krimen na sumikat pagkatapos ng World War One. Nang tumagal ginawan ng mga pelikula. Tungkol sa dective na hinahabol ang kriminal.”

“Pakiramdam mo ba a la film noir tong ginawa natin?”

“Wala. Masyadong boring.”

“Alam mo. Walang sapat na motibo si Joel para patayin si Marion. Hindi siya.”

“Heto na. Oras na para maghanap pa ng lead.”

Ngumiti ako. “Raymond bakit mo ginawa?”

“Wala si Marion sa sarili nya. Disididong-disidido syang isumbong si Joel. Iyak ng iyak. Niyakap ko sya. Pasimpleng pinuyuhan na masamang plano yan. Inisip sigurong kasama din ako sa operasyon. Tumakbo, sinabol ko, nang maabutan ko, nagsisigaw. Nataranta na ako.” Tumigil muna sya. Diretso ang mukha nya pero umaapaw ang pighati sa mga mata nya. “Mabuting tao si Marion. Pero baluktot mag-isip. Kung hinayaan ko siya, sisirain niya ang kanyang sarili, ang unibersidad, ang kanyang ama, ang Miag-ao.”

“Gusto mo ba talaga si Marion?”

“Hindi na importante yan eh. Tapos na eh. Ginampanan ko lang ang tungkulin ko sa plot.”

“Sinabihan ko na ang Miag-ao police. Papunta na sila dito. Huwag ka sanang gumawa ng gulo.”

“Teka, masamang—” Tumayo siya, pinigilan ko siya.

“Wag kang mag-alala. Tagapagbasa ka lang. Hanapbuhay ko to.”

SUMAMA ako sa presinto, kalmado naman si Raymond. Lumabas na ako, nanghihinayang wala na ang isang baril ko. Dumidilim na sa banwa saka ko lang naisipan na pagmasdan ng simbahan. Ito lang ang bukambibig ng mga makikilala ko tuwing binabangit ko taga dito ako. Papasok pa sana pero hindi natuloy. Nakalimutan ko rin kung bakit ko yon gusto gawin. Niyaya ako ng isang matanda na nakaupo sa isa sa mga bench sa gilid ng simbahan. Hindi ko siya namumukhaan. “Kamusta ka na iho?”

“Mabuti naman po. Pasenya na po pero sino sila?”

“Pambihira. Di bale, hindi mo naman talaga ako makikilala. Tulad mo, madalas din akong wala dito. Pagbalik ko, ibang lugar na siya.”

“Trabaho eh.”

“Oo nga naman. Naaresto na ba yung talagang pumatay sa dalaga?”

“Huo. Pero hindi pa tapos ang trabaho ko.”

“Nakapaghihinayang. Ang babata, ang tatalino.”

“Ganyan talaga.”

“Ganyan talaga…pero ganyan ba dapat? Pasensyahan mo na ako. Ang tanda ko na pero mahilig pa rin akong mang usisa.”

“Ako nga ho eh, hanapbuhay ko yan.”

“Kasing talino ka rin ng tatay at kuya mo. Kahit ano pa sabihin nila.”

“Binisita ko nga ho eh.”

“Mabuti. Magsisimba ka ba sana?”

“Hindi ho. Gusto ko lang makita ulit.”

“Hay buong buhay tayong kumakayod tas babalik lang tayo sa Miag-ao para mamatay. Ganyan nalang ang pakinabang nya. Kung saan pinapanganak at kung saan nababawian ng hininga. Hiwalay na tayo sa lupa. Malalaman mo rin gusto kong sabihin. Habang tumatanda ka, napapagod ka ring lokohin ang sarili mo.”

“Magkaibigan ba kayo ng tatay ko?”

“Hindi masyado. Pero nandito ako nang namatay yung kuya mo. Kaya siguro nag-pulis ka no?”

“Hindi na po ako pulis. Tinigil ko na.”

“Ganun ba? Kahit na.”

Hindi ko maabot kung anong gustong sabihin ng lalaking to. “Pasenya na po pero kailangan ko nang umalis.”

“Sige. Mabuti at nabangit ni Lourdes na nandito ka.”

GINABI na kami ni Den sa hapunan. Kumain kami sa isang restaurant na resort na rin. Maraming mga umiinom, kabilang na ang mga estudyante. Biernes ng gabi pa naman. Niyaya ni Den si Lourdes pero baka maalanganin daw. Pagkatapos maghapunan, pumunta kami sa dalampasigan para mapalayo sa ingay ng karaoke. May dala kaming tig-iisang bote ng beer. Malakas ang hangin at maingay ang alon. Nagkakarinigan pa naman kami ni Den. Makikita ang ilaw mula sa mga barkong sa laot. Pambihirang tanawin. Puti at malilit din ang mga ilaw. Hindi mo malaman kung saan natatapos ang dagat at kung saan nagsisimula ang langit.

“Kailan balik mong Maynila?” tanong ni Den.

“Mamya. First flight eh. May maghahatid naman sa akin galing dito.”

“Hindi ako makapaniwala sa nagawa ni Raymond yun.”

“Ewan. Puro mapupusok.”

“Alam mo Fel, may mga kwento lang akong naririnig. Hindi lang daw simpleng tampuhan ang dahilan ng krimen.”

Uminom muna ako ng beer. “Alam ko yun. Kaya nga ako dito eh.”

Si Den naman ang uminom. “Ewan ko ba. Hindi ko na alam ang nangyayari sa lugar na kinalakihan natin.”

“Mula naman noon, marami problema eh.”

“Walang katapusang problema. Alam mo yan siguro ang dahilan kung bakit ko ginagawa ang ginagawa ko.”

“Maliban sa noon muntik ka ng malunod?”

“Siempre dyan yan parati. Ito yung gusto kong ituro sa mga bata. Walang mundo sa labas, o realidad, o outside world. Hindi sila ligtas na pamantasan. Bawat galaw mo, ay isang tungalian.” Pinabayaan ko lang si Den. “Baril mo ba yung nakita sa kwarto ni Raymond?”

“Oo. Malas nga eh.”

“Wala ka bang extra?”

“Meron.” Tinutok ko ang baril sa tagiliran niya. Hindi siya pumalag. Uminom ulit at lumingon-lingon pa.

“Magiging malinis ba yan?”

“Ewan. May silencer naman. Lasing ang mga tao sa loob. Ang may ari ng inuman, namanhid na sa mga nangyari.”

“Yun ang problema pare sa lugar natin eh. Masyadong mapagmahal. Kung may dadating, aarugain. Kung may aalis, ipag-iingat pa. Wala siyang boses.”

“Eto naman ang gusto mo di ba? Mamatay sa mga paniniwala mo?”

Tumawa siya. “Ano tingin mo sa akin, Rizal o Ninoy? Aanhin ko ang pangalan sa libro o mukha sa pera kung namatay akong talunan?”

Hinila ko ang gatilyo. Dalawang beses. Panandaliang lumabas ang kirot sa mukha ni Dencio. Pagkatapos ay parang natutulog lang siya. Umilaw at nag-vibrate ang cellphone si Den sa bulsa siya. Kinuha ko ito. May text galing kay Lourdes: “Papunta na ako. Dyan ba kayo sa dalampasigan?” Kanina pa sila nag-uusap. Mga sampung minuto na ang nakalipas ng pumasok ang unang text. May narinig akong mga hakbang sa aking likuran. Hindi na gumagalaw ang tao sa likod ko. Hinigpitan ko ang hawak sa baril at inubos ang laman ng beer ko. May narinig na akong mga hikbi. Patay kang bata ka, ang ganda ng dagat.

Kalagitnaan ng Tag-araw (pasintabi kay Manuel Arguilla)


Naghiwalay ang ating bida kay Stephen sa bandang J.M. Basa, sa kanto ng Guanco. Sumakay ito sa isang Jaro CPU na jeepney at hindi sya sigurado kung kailan sila magkikita muli. Tumawid siya pabalik sa bagong ‘restored’ na gusali sa Aldeguer. Bagong kulay ito, matingkad at de bricks na ang side walk nito. Pero ang mga parehong tinderang mga Muslim pa rin ang umuupa dito. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Mga alas-kwartro na pero mainit pa rin ang araw. Dumaan siya sa isa pang gusaling niri-restore. Nagtaka kung ano ang kalalabasan nito. Nagpasya syang dadaan nalang muna sa Robinsons bago umuwi. Masyado pang maaga. Kung sasakay sya ng jeepney dito, iikot pa ito sa Plaza Libertad at kung anong oras na sya darating sa mall. Naglakad-lakad nalang siya sa Aldeguer papuntang Iznart, doon pwede syang sumakay. Kahit papano may silong naman ang mga gusali at nakakaaliw pa nga pagmasdan ang bakas ng syudad na tinayo ng mga Amerikano noong kinalat nila ang kanilang romantikong proyekto. Neoclassical ang banat, mukhang abandonado pero ginagamit pa ang sa baba. Gagawin daw mala-Vigan o Intramuros ang tinaguriang ‘city proper’. Ang iba Paris pa daw.

Siguradong hindi magugustuhan ni Sabrina maglakad sa ulan sa Paris na to. Binabaha. Nasa gilid ng Iloilo Central Market ang ating bida nang may babae sa harap nya ang bigla nalang nabitawan ang dala. Shoulder bag, bukas, at natapon ang ilang laman. Agad na lumapit ang ating bida. Mukhang nahihilo ang babae. Nagtinginan na ang mga tao sa paligid. humingi siya ng tulong. Inalalayan nila. Inalis sa init.

“Ayos ka lang ba?” tanong nya.

Nakatingin lang ang babae sa ating bida. May dinaanan kaninang kainan o panederya at sumenyas ang ibang tao na lumapit, pahingi ng tubig. Mabilis naman na pumunta ang isang bantay may dalang tubig sa bote. Maginawginaw pa. “Magkano?”

“Pabayaan mo na. Anong nangyari sa kanya?”

Pinainom nila ang babae at nahimasmasan rin sya. Saka lang nakita ng ating bida kung gaano sya ka ganda. Maikli ang buhok nya at maliliit, maamo ang mga mata. Magkasingtangkad lang sila siguro. Kiniliti ang alaala ng ating bida. Nakita niya na ang bida. Kulay ube ang sapatos nito. Pagkatapos ng ilang minuto, wala nang nag-aalala. Nagsimula ng magbiroan. Nagtatanong. Walang nakain, tulog, may sakit, buntis.

“Ayos lang po ako.” Sabi ng dalaga.

Pinasakay lang nila ng jeepney sa Iznart papunta sa direksyon sa bagong Filipino-Chinese arch. Walang katapusan ang pasasalamat nya. Dahan-dahan, bumalik sa dati ang eksena sa lugar. Naparalisa ang ating bida. Sasakay din sana siya. Pero baka magkailangan kung sumabay siya. Mapipilitan siyang usisain ang babae. Kailangan din niyang magkwento tungkol sa sarili. Mahirap talaga magkwentuhan sa jeepney. Nag-isip-isip sya at nagpasya na lakarin nalang hanggang Robinsons. Pagdating sa De Leon, tuloy-tuloy naman. Nanibago ang ating bida sa mga lugar na nakikita nya lang noon mula sa sasakyan. May nadaan syang lalaki na akala nya pinagsisigawana ng mabuting balita. Pero hindi pamilyar ang sinasabi nito. “Lahat ay unibersal! Pero hindi lahat ay mapagkakakitaan! Mas madaling mabasa ang ilan kesa sa ilan! Mas ligtas!” Tinignan niya ito at tumingin din ito sa kanya. Agad siyang umiwas. Nakampante lang ang loob ng ating bida pagtawid niya ng Valeria.

Pagdating sa Simbahan ng Sta. Teresita, nakita niya ang babae mula sa malayo. Tumingin sa kaliwa at kanan, mabilis na tumawid sa kabilang banda ng Quezon. Mukhang maayos naman ang lakad nito. Hinabol niya ang hininga. Inayos ang buhok, pinahiran ang pawis. Dahandahan sinundan ang dalaga. Napatingin lang siya sa entrance ng mall. Kinalimutan na niyang ang ginaw sa loob, at patuloy sa paglakad. Biglang lumingon ang babae. Nakita rin sya agad.

“Ikaw pala.”

Kwentuhan. Saan ka ba pupunta. Sa Miag-ao. Dinaanan nila ang ilang empleyado ng mall na nagme-merienda sa mga sidewalk vendors. Ang ilan nagsisigarilyo.

“Ako din.” Sabi ng ating bida.

“Sama na tayo.”

Dumaan sila sa gilid ng Super. Masikip ang daanan. Marumi pa. Mga paninda, basura, gulay, kamatis, nakahilerang mga sasakyan sa harap ng mga nakahilerang mga tindahan. Mga truck at malalaking jeepney na nilimitahan ang biglang na pwedeng pumasok sa syudad. umabot sila sa paradahan ng Miag-ao. Malapit nang mapuno ang jeep sa naka pila.

“Kasya pa dalawa!”

Nagdadalawang isip ang ating bida pero pumasok pa rin siya. Masikip sa loob. Ang mga bakanteng upuan ay magkahiwalay. Naupo ang babae sa kaliwa, sa unahan banda. Umupo naman ang ating bida sa kanan, sa likuran banda. Nagsimula nang tumakbo ang sasakyan. Maraming tao ang nakikiukay sa mga damit na relief. Ngumiti lang dalaga sa ating bida mula sa malayo. Ano kaya ang aabutan nya doon? Kalagitnaan ng tag-araw. Malamang wala. Parang nabasa ko na ang lahat ng ito, sabi ng ating bida sa kanyang sarili. Pero di hamak na mas madrama yun. Konti lang ang matatawa sa sitwasyon niya. Mukhang kaya ng ating bida sundan ang babae hanggang sa dulo ng mundo.

Malate


BIERNES ng umaga nang dumaan kami sa Solidaridad. Sa wakas nakita ko rin sya. Ilang libro na rin ang nabasa ko na inilathala nito. Hindi ko alam nasa Ermita na ako. Nakakalito. Basta sa Malate ako tumutuloy habang nandito ako sa Maynila. Serado pa ito nang makita ko. Mga alas-siete. Dahan-dahan nang nagiging matao ang Padre Faura. Babalikan kita mamya. Dumeretso kami sa klinika kung saan kami magpapa-medical. Di tulad ng Solidaridad, makikita mo ito agad. Maraming tao ang sa labas. Nakapila. Marami ang naghahanap-buhay. Nagbebenta ng mga bagay sa malamang nakalimutang ng aplikante, ballpen, folder, photocopy. Marami ding sidewalk vendors. Maaga nagsisimula ang buhay dito. Alas-otso pa yata magbubukas ang klinika pero pinapasok na ang mga tao. Namangha ako. Mahigpit din ang seguridad. May K-9 pa. Minamarkahan ang mga pwede lang pumasok. Ibang klase. Hindi ako nasanay. Walang ganitong eksena sa Filipinia section ng library.

MABILIS natapos ang medical. Pagsinabi kong mabilis, ibig sabihin hindi kami nalipasan ng gutom sa kahihintay. Mga dalawang hanggang tatlong oras din kami sa klinik. Mabuti naman ang serbisyo. Mababait ang mga staff, naka-aircon ang buong gusali, may mga upuan para sa mga naghihintay. Pagkatapos naming magtanghalian, makukuha namin ang results. Pagsinabi kong makuha, ibig sabihin sinasabi sa amin kung may problema pa o wala. Okay ang sa mga kapatid ko pero may sablay sa akin. May problema ang baga ko. Suspected TB daw. Kailangan ng sputum test. Tatlong araw. Kada umaga, kukunan ako ng plema para masigurado wala akong TB. Ibig sabihin, tatlongaraw pa akong absent sa klase. Unexcused yun ha. Buti nalang kalagitnaan ng semester kaya medyo walang exam. Panaka-nakang assignment lang. Okay lang yun. Panigurado din naman yun eh. Basta lalabas ka ng bansa ganyan daw yun. Sigurado ako walang ganyan noon. Lalo na sa panahon ng pananakop.

NAKATIRA ako sa ate ko. May apartment sya sa Alonso Street, Malate. Maliit lang ito. Walang masyadong mga bar o motel sa kalye. Sumasakay kami ng jeep papuntang klinik pero pwede namang lakarin. Mas mainam din ang jeep minsan kasi hindi naman pedestrian friendly ang lugar. Hindi pare-pareho ang lapad ng daanan, kung meron man. Marurumi at matao, mga vendors, mga parokyano ng mga tindahan. Lunes ng umaga bumalik sa Iloilo ang mga kapatid ko. Bago pumasok sa opisina hinatid muna ako ng ate ko sa klinik. Wala na, kakayanin. Lahat ng kailangan ko nasa knapsack ko na. Passport, official letter galing sa embassy, request sa klinik, pera ng pambayad, ID, pati ang isang kopya ng The Protestant Ethic and the Spirit of Capitalism dala ko. Ulit naging maasikaso naman ang mga empleyado. Pagsabi ko sa gaurd na dito ako para sa sputum test binigyan nya ako ng mask at minarkahan ang kamay ko. Pumunta ako sa fourth floor at nakitang ang ibang applicants na may suspected TB, naka mask kaming lahat. Number 61 ang number ko sa pila. Mga seven thirty to ha. Wala pa akong almusal. Bawal. Alas-otso pa magisismula ang pagkuha ng plema o extraction. Buti nalang dala ko ang jacket ko at medyo lumalamig na ang silid. Tumabi ako sa isang manatang mag-asawa. Nagtatalo pa. May hinahabol kasing interview sa embassy. Sinubukan kong makinig sa cellphone ko pero kinalimutan ko ito. Nagsimula na ang extraction. Mga sampung tao lang at a time. sinubukan kong magbasa pero hindi ako mapakali. Walang pumapasok. Sino ba namang gago ang magbabasa ng Max Weber sa klinik. Halos dalawang oras bago ako tinawag ang numero ko. I-scan muna ang bar code sa resibo ko. Lumabas ang pangalan ko at picture ko sa computer. Dinoble check ng medtech ang mukha ko at pinasuot ulit ang mask ko. Naglimog ako sa isag lababo at pinapasok sa isa sa maraming maliit na cubicle. May upuan at binigyan ako ng lalagyan ng plema. Tatlong malalalim na hininga tsaka ubo. Dapat sa tyan galing hindi sa lalamunan. Maririnig ko rin ang mga ubo sa ibang kwarto. Pagkatapos ng ilang beses, nakapaglabas din ako ng plema. Masakit ang lalamuna ko, ang dibdib at mangiyakngiyak pa. Nakikita kong natatapos na ang iba na huli pa ngang pumasok. Pagtingin ko sa relo, mga labinglimang minuto din ako doon. Pinuperwesyo ko ang ibang naghihintay. Tinignan ng med tech ang naipon ko. “Konti pa sir..” Walanghiya, gusto ko nalang matapos to.

PAGLABAS ko, mga alas-nuebe, hindi ko akalain na masasabik akong langhapin ang hangin ng Ermita. Naghanap ako ng makakainan ng almusal. Napadpad ako sa isang Chowking. Napadaan ako sa ulit sa Solidaridad, bagong bukas lang ito. Saka na, may pera nga ako, pero dapat pagkasyahin ko to sa loob ng apat na araw pa. Habang kumakain ng chow fan, isang pamilyar na pigura ang pumasok sa restauraant. Nakatalikod pero nakikilala ko ang tindig. Paglingon nya, nagtinginan muna kami ni sir Stanley. Sya ang unang ngumiti at dala ang number ng order nya umupo sa table ko. Hindi ako makapaniwala. Wala akong subject sa kaya ngayon pero kumuha ako ng Philippine Literature sa ilalim nya last sem. Nagtuturo rin sya ng Spanish sa Pol Sci at History. Buti nakilala naman ako. Anong ginagawa mo dito sabi nya. Sabi ko may inaasikaso lang sir, medical eh. Hindi ko na kinailangan ipaliwanag pa. Laking Amerika si sir Stanley, pero dito nagcollege sa Pinas. Pareho na mga Filipino ang mga magulang nya. Mas pinili nyang manirahan sa kanyang ‘homeland’ kesa bumalik sa US. Tinanong nya ako kung tuloy ang pagsulat ko. Nabasa nya kasi ang isang maikling kwento ko sa college paper. Sabi ko oo sir. Marami na nga akong nasulat eh. Tinitipon ko na. Talaga? Pabasa naman. Email ko nalang sabi ko. Sige, pag-usapan natin bukas, may lakad ako ngayon eh. May title ka na ba? Tanong nya. Oo. Ano daw. Sabi ko, Mga Hapon sa Miag-ao. Tuwang-tuwa sya. Paliwanag ko tungkol sa buhay estudyante sa Miag-ao lalo na sa dorm. Kung ano ang nangyayari sa mga kabataang kung ilalagay sa bagong lugar. Tulad dito ngayon. Lahat ba nangyari sa hapon? Hindi sagot ko, wala nga kinalaman sa hapon ang mga kwento eh. Echos lang. Tumawa sya ulit, nagtinginan ang mga tao sa paligid. Pagpipistahan yan ng mga kritiko. Pagbalik ko sa apartment ng ate ko natulog ako ulit. Saka ako inihanda ang mga kwento ko para i-email.

SA ikalawang umaga, mas maaga pa kaming dumating ng ate ko. 6:30 pa lang doon na ako. Parang wala lang. Marami din ang mas inagahan din ang dating. Yung number ko lampas 50 pa rin. Hindi na ako nagdala ng libro. May kinaibigan pa ako. Mag-asawa yata, nagtatanong kung paano gagawin. Bale unang araw lang nila yun. Pinaliwanag ko naman. Medyo masakit pa rin lalamunan ko pero hindi nakakaabala sa pagkain. Ang pinoproblema nila kung sino ang magbabantay ng dala nilang bata. Mga seven years old. Nagpumilit daw sumama. Mukhang mabait naman, ayaw lang mahiwalay sa nanay at tatay nya. Nag-uusap sila sa dialekto. Tantsa ko Ilokano. Pero ewan. Magpipresinta sana akong magbantay pero siempre nauna ako. Tinanong ako ng lalaki kung sino ang nagrequest sa akin. Sabi ko mama ko. Mano-mano lang kasi sila. At isasama ang bata. Dyosko. Iniisip ko kung ano ang magiging buhay ng bata doon, kung saan man sila pupunta. Ni hindi pa nga siguro alam ng bata kung ano ang ginagawa nya sa klinik ng alas-siete ng umaga. Bakit mahaba ang pila. Walang kwentang bakasyon, sana nagpaiwan nalang sya.

NANGANGAWIT na ako mga paa ko sa bookstore ng dumating si sir Stanley. Walang katapusan ang paghingi nya ng pasensya. Sabi nya alas-dose kami magkikita. Eh mga ala-una imedya nya na akong inabutan sa tinitignan ang ilang libro ni Italo Calvino na hindi ko naman bibilhin. Pagod ang mukha nya. Hindi yung pisikal, yung mukhang walang tulog. Maraming problema. Mabuting bagay rin pala na hindi sya dumating agad. Medyo konting tao nalang ang kumakain sa mga restaurant. Pinapalibutan pa naman ang Robinsons Ermita ng ilang unibersidad. Pumunta kami sa isang Italian na restaurant. Paborito daw nya, kapangalan pa niya. Libre na nya ako. Sabi ko hindi, may pero naman ako. Nagpumilit sya. Nagpumilit din ako, seryoso may pera ako, allowance galing sa ate ko. Tawanan nalang kami. Kinamusta nya muna ang medical ko. Sabi ko kaya pa naman. Malapit nalang matapos, lampas kalahati na. Kailangan nang bumalik sa Miag-ao. At sa mga karinderya nito. Tawanan ulit. Sya naman ang kinamusta ko. Kaliwa’t kanang mga problema. Mga papeles, naiwang trabaho. Magaan na kwentuhan lang. Nahihiya pa nga ako. Sabi ko third year na ako. Anong plano pagakatapos ng college? Hindi pa ako sigurado. Wag kang mag-teacher. Tawanan. Doon narin lang ang usapan tinanong ko na sya kung paano nya naging teacher. Wala naman, mahilig sa libro eh. Hindi natiis ang trabahong opisina. Tinanong ko sya kung bakit sya titser sa Pilipinas. Masaya naman daw ang buhay sa Amerika. Hindi sila mayaman pero nakakaraos din. Hindi pa naman daw nya naranasan ang racist na violence o discrimination. Pero malalaman mo naman eh. Iba ka eh. Lumaki kang ibang ang anyo, itsura, at parang may sariling mundo kayo sa loob ng bahay na wala sa labas. Dahan-dahan syang natutong mag-Hiligaynon at Tagalog. Pinapaligiran din sya ng matatandang Filipino parating bukambibig ang Pilipinas. Kailan ka uuwi, sino ang bagong dating, may pasalubong, anong balita doon. Nakita nya ang ilang litrato nito at ilang pelikula, parang nakapunta na sya doon kahit hindi umalis ng Amerika. Nagsimula syang magbasa ng mga libro. Bulusan, Santos, Villa, at marami pang iba. Pagkatapos ng hayskul nagpasya sya umuwi dito. Mainit ang pagtangap sa kanya pero parang dismaya sya ng konti. Sabi nya sa sarili, eto na yon? Pero minahal pa rin nya ang bansa. Natutunan nya raw galing sa mga magsasaka at mangingisda noong nagvo-volunteer work sya. Mga taong direktang nakikisalamuha sa lupa, sa kalikasan. Ito daw ang mga tao hindi nangangarap na magbyahe. Alam kasi nila na kahit saan sila, ganun pa rin yon. Hindi pa nakontento sa Maynila, umuwi pa sa Iloilo. Pagkalipas ng mga sampung taon din, natangap nya ang balita na malala na ang sakit ng tatay nya. Naghanda sya para lumipad pero nagtaka nya nang silang dalawa daw ang pupunta sa Pinas. Ayaw na raw nito sa Amerika. Gusto lang nyang mamatay kung saan sya pinanganak. Hospital din. Pagkalipas ng anim na buwan, namatay na ang tatay nya. Pero hindi sya umiyak. Halos hindi nya kilala ang tao. Trabaho ng trabaho, kontento na basta’t walang problema sa skwela. Sayang at hindi nya nabasa ang sinulat nya. Magkakasamaan lang sila ng loob. Ang isa pang dahilan ay payapang syang namatay. Ang importante nasa Pinas na sya. Walang kwenta ang mga pelikulang tungkol sa mga OFW na puro iyakan, letse. Masalimuot ang buhay OFW hindi dahil maraming iyakan kundi dahil wala ka nang panahon para umiyak. Magda-drama ka eh kailangan mo magtrabaho. Magda-drama ka dito sa Pinas, eh lalo kang magugutom nyan eh. Mga mayayaman lang ang mahilig umiyak. Masaya magbyahe kung may pera, pero kung ito ang hinahanap mo, tapos na. Hindi ka taga-dito, hindi ka taga-doon. Pariso mag-aboard, pero pagdoon ka, dito na ang paraiso. Anong meron dito, anong meron doon? Dumating ang pagkain namin at sya naman ang nakinig sa mga kwento ko.

MGA alas-kwatro, naghiwalay na kami. Rush hour na raw. Natural wala naman akong magawa sa mall so bumalik nalang ako sa apartment ng ate ko. Gusto ko sanang buksan ang laptop para tignan ang draft ng mga kwento ko. Pero hindi natuloy. Masyadong malalim ang tama ng kwento ni sir Stanley sa karanasan nya sa labas pati na rin sa loob ng bansa. Tinutukso din ako ng The Protestant Ethic sa paanan ng kama ko. Pagod ako pero masyadong hapon na para matulog pa. Ulit. Mahirap pagniyaya ako ng ate ko na maghapunan pero tulog ako. Iba talaga ang takbo ng buhay sa dorm. Sarili ko lang pinoproblema ko. Nakalabas na ang laptop ko kaya manood nalang ako ng pelikula. Meron akong nasimulan na. La Dolce Vita ni Fellini, inantok ako sa haba at bagal ng kwento, letseng mga art-film to. Tatlong oras din. Matagal na sa laptop ko pero kailan ko lang naisipan panoorin, o simulan. Tungkol sa isang journalist at ang mga balitang kinokover nya sa Italy. Mga showbiz kadalasan, the sweet life nga. Dyosko, balikbaliktarin mo na ang mundo, hindi mangyayari sa akin ang ganito. May isang parte ng pelikula sa binisita sya ng tatay nya galing probinsya, napasyal sa Rome. Nakita nya ang anak nya, si Marcello, na nakatambay lang sa isang kalyeng may nakahilerang mga cafe. O anak, sabi ng tatay, akala ko may trabaho ka? Oo nga po. Nagtatrabaho ako ngayon. E mukhang nakatambay ka lang dito ah? Basta tay, paliwanag ni Marcello, sa lugar na to, ang kailangan mo lang gawin ay maghintay. Di nagtagal, may nagsampalan na, sigawan, alisto agad, nasulat agad ang balita para bukas. Mga artista. Namangha ang tatay. La Dolce Vita. Pagkatapos ng pelikula, nagkataong namang nagtext ang ate ko na gagabihin sya. Kumain ka nalang. Sinuot ko ulit ang sapatos at bumalik sa mall. Sa labas, nabubuhay na ulit ang Malate. Kung iisipin hindi naman ito na mamatay. Kapag kasama ko ang ate ko, wala na akong panahon para pagmasdan ang lugar. Dapat alisto, wala ako sa Iloilo. Nagkakahilera lang ang mga hotel, motel, KTV Bar, money changer, at iba pa. Alam na alam na ng lahat ang nangyayari sa lugar na to, wala nang may pakialam. May mga litrato pa ng mga babae sa tarpoline, naka-costume pa, ang salita, kung hindi Ingles, Koreano o Hapon. May target market pa talaga. Lahat gusto lang maghanapbuhay. Kung tatanungin ako kung ano ginagawa ko dito, ito rin ang sagot ko. Estudyante ako, nag-absent sa skwela, para magpa-medical, mapa makalabas ng bansa. Sa pormal na depinisyon, puta rin ako. Katawan ang kapital. Sabi nga ni Pete Lacaba, mga puta tayong lahat. Tinutulak ang katawan sa limitasyon para buhayin ang katawan. Nagkakandarapa ang mga Filipino lumabas ng bansa, nagkakandarapa din ang mga banyaga para makapasok dito. Sa Malate nagkakasalubong ang lahat. Ang Filipino para sa mas maginhawang buhay, ang banyaga para sa murang sex. Parehong ginawa para mabigyan ng kahulugan ang mga buhay sa mundong walang pakialam. Dyosko, Mabini pa naman ang pangalan ng kayle. Ang dakilang paralitiko. Letse. Kung makikita ni Mabini tong lugar na to, tyak na sasabihin niyang wala itong pinagkaiba sa pagkasulat ng kasaysayan. Bago tumawid sa Pedro Gil, may nadaan akong isang babae nakikipag tawaran sa isang foreigner. Binubugaw ang anak. Wala pa siguro sampung taong gulang ang bata. Pinilit kong kalimutan ang mga salitang narinig ko at ang imahe habang kumakain ako ng hamburger. Parang art-film din pala. May writer, ako. At may makulay na mundo ng kontradiksyon na ginagalawan ko, La Dolce Vita!

PINAKAMASAYA ang huling araw ko ng pagkuha ng plema. Unang araw, maraming tao, agahan sa sunod. Ikalawang araw, mas maaga, pero marami pa ring tao. Logically, mas aagahan ko pa lalo. Ginawa ko naman, lalong nabadtrip ang ate ko. Pagod syang umuwi galing opisina tapos kailangan nyang gumising ng 5:30 para ihatid ako pero alas-otso pa ang pasok nya. Hindi naman sya pwedeng matulog ulit. Pagdating ko sa klinik, alas-sais pa lang nasa loob na ako. Pero ang number ko, lampas 80 na, dalawang oras bago magsimula ang operasyon. May bagong batch na naman, dumadami kami ng dumadami. Sabi pa nga ng katabi ko, andami palang may TB sa Pinas no? Tumawa ako pero hindi ko na dinugtungan. Pakiramdam ko tamang desisyon yon. Alas-dies na at hindi pa ako inabutan. Nagdiskarte na ang staff, ilang oras na naghihintay ang mga tao; walang almusal, walang tulog, may mga bata, may mga matatanda, walang upuan para sa lahat. Umaksyon ang isang medtech. Sige po, para medyo mabawasan ang mga tao, ang susunod na dalawampung tao ay sasama sa akin. Sa rooftop natin gagawin ang extraction. Nabunutan ng tinik ang mga tao, kabilang na ako. Sama ako sa next twenty na yon. Nagkwentuhan kami sa elevator, habang naghihintay. Sabi ng isang ale, tignan nyo nga mga sarili nyo, mukha bang may TB ang mga to. Tawanan. Kanya-kanya nang dugtong. Kasi panigurado lang. Hindi naman accurate ang x-ray. Perwisyo sa trabaho. Saang probinsya ka ba. Wala akong pakialam sa kanila, ang pinansin ko ang lola sa kaliwa ko. Nakidagdag din sya ng kwento pero ito ang sabi nya, “Kasabad gani, sa Iloilo pa ko ya halin.” Isang matanda, gumigising ng umaga, walang almusal, pumipila ng ilang oras, mag-isa, at nakakaintindi pero hindi nakakasalita ng Tagalog. Sabi ko, “Ay ako man nay, taga-Iloilo man ako.” “Taga din ka ya to?” “Sa Oton ko nay, ikaw haw?” “Sa Janiuay. Gin request ako sang bata ko nga nurse sa Yale.” “Ako nay, si Mama ko ara sa Canada.” Natigil ang kwentuhan namin dahil umakyat na kami. Pagdating sa rooftop, may nakahanda na mga upuan na magkakalayo. Medyo madilim pa at malakas ang hangin. Pagkabigay sa amin ng container sinabihan kaming, pakibilis ho ha, mukha kasing uulan. Pagpwesto namin, mas matagal yata ako kesa sa unang araw ko pa. Nakatingin ba naman ako sa Maynila. Matataas na gusali, walang ganyan sa Iloilo. Nakakamangha pa rin, kahit alam na alam ko kung ano ang sa ilalim nyan. Umaambon na. Double time na sa mga malalalim na hininga at pilit na ubo. Nakakahalo-halo na ang antok, pagod, gutom, ginaw, at takot na maulanan. Sa pinakamahabang umaga ko sa Maynila, ang pinakamatamis na mga salitang narinig ko ay, “Okay na po sir!”

PINAKITA ko sa medtech na uuwi na akong Iloilo bukas ng umaga. Kung pwede sana unahing ianalyse ang plema ko. Putik, ang sama pakingan. Balikan ko nalang daw mamya pagkatapos magtanghalin. Dumeretso na ako sa Padre Faura at pumasok sa kakabukas lang na mall. Konti pa lang ang tao at makikita mo pang naglilinis pa nga ang mga empleyado. Sa wakas, makakapili din ako kung saan ako kakain. Gutom na gutom na ako pero nag-ikot pa talaga ako. Medyo mahal, masyadong malaki ang serving, medyo di ako pamilyar sa ganyang pagkain, may ganyan naman sa Iloilo. Nagrerebolusyon na ang tiyan ko nang magtext si sir Stanley, “Hoy, dito ako sa Cafe Adriatico. Kain ka na ba?” Lumabas nalang ako at tinahak ang kahabaan ng Adriatico hanggang Remedios Circle. Iba talaga ang maglakad sa loob ng mall kesa sa labas. Paa parin ang gumagana pero iba ang nakikita mo. Pagdating ko doon, nakita ko ang pangalang Cafe Adriatico sa isang lumang bahay na ginawang restaurant. Mayabang yung tindig ng gusali. Hindi ko sya masisisi, nagsulputan ba naman ang mga hotel, condo, convience store, at KTV Bar sa paligid nya. Pagpasok ko, medyo madilim sa loob. Panahon ng Kastila ang dating per naka-aircon. Nakaupo si sir Stanley sa isang maliit na bilog na mesang mukhang antigo din. Nagkakape sya. Tahimik sa loob at konti lang ang tao. Binigyan kami ng menu. Medyo kinabahan ako. Naghanap ako ng mura. “Wag kang mag-alala Jacob,” sabi ni sir Stanley, “Ako baha sayo.” Kamustahan. Aalis na syang papuntang Amerika mamayang gabi. Sabi ko bukas pa ako babalik ng Iloilo, hahabulin ko ang student council elections. Tapos pinaliwanag ko ang kalbaryo ko nitong umaga. Pinagtawan pa ako ng loko. Hindi mo sinabi agad, sabi nya, sana sa fastfood nalang tao. Okay lang. Maganda naman dito. Hinding-hindi ako pupunta sa lugar na to kung ako lang. Pinagmasdan ko ang ibang antigong santos na nakadisplay. Antigo kasi walang mga kamay. Hindi na sila kailangan bihisan o sindihan ng kandila. Matanda na kasi, marami na silang nakita. Ewan ko sayo, sabi ni sir Stanley, baka pwede mo yang gawing pastor ng mga people with disablitites. Nilalagay sa museum ang mg ilang santo pero ang buhay na taong may kapansanan hindi mabigyan ng disenteng buhay. Sunod naman naming pinag-usapa ang mga lampara. Hindi naka ilaw, naka-display lang. Parang Rizal lang ah, sabi nya. Sayang, dugtong ko, at nag-chicken out si Basilio. Nag-iisip sya ng masasagot ng dumating ang pagkain namin. Kumain ka lang muna. Handa ka na bang bumalik sa Miag-ao? Ewan, sabi ko. Pakiramdam ko isa akong perpetuwal na dayuhan. Hayaan mo, magiging bagong bayani ka na rin! Tawanan. Bayani na kumakayod para lang may makain ang pamilya. Lahat naman tayo kumakayod, gusto natin ng mabuting buhay. Bakit ang lumalabas lang ng bansa ang bayani? Ang daming bayani pero bakit masalimuot pa rin ang kondisyon natin? Pag-aralan mo yan, taga-soc sci ka di ba? Pag-aralan mo ang mga pangarap ng mga tao. Hindi yung resulta ng tagumpay o ng pagkabigo. Yung pangarap mismo. Himay-himayin mo. Tumigil ni sir Stanle nang mapansin ang mga empleyado ng restaurant na nagbubulungan. Lumingon ito at tinignan ko na rin. May pumasok na foreigner; matanda, mataba, naka-shorts, at sandals. May kasamang Filipina, mas bata, maikli ang damit at medyo sobra-sobra ang palamuti sa mukha. At sa buong katawan. Tinignan lang ako ni sir Stanley. Bakit ganun, simula naman nya. Lahat tayo gusto ng may magmahal sa atin. Kung pwede, may kaya, may itsura, bonus points nalang kung matalino o mabait. Kung may kukontra, wag ka dyan bobo yan o gago yan. Sasagutin ka ng, pag-ibig eh. Wala namanng kakaiba sa kwento nila, isang malumbay na banyaga, isang malumbay na Filipina. Parehong binansagang pangit ng kanilang kultura, naghahanap ng kasama sa buhay, ka-sex. Id o pleasure principle ni Freud, will to life ni Schopenhauer. Pero pagmakakomento ang ibang tao, ay pera lang habol nyan, ay katawan mo lang habol nyan. Kaya nga ginawa ang konsepto ng pag-ibig eh. Para takpan ang lahat ng to. Pero bakit may iba? Bakit may mga sitwasyon sa lalangamin ka sa kilig pero meron naman masusuka ka sa diri. Maniwala ka, Jacob, alam ko sinasabi ko. Ulit, pangarap, pagnanasa. Pag-aralan mo yan. Para sa akin yan ang puno’t dulo ng sining. Itong ang pinakacriticism nya ng mga kwento ko. Antigong santo at foriegn affairs. Pagkalipas ng mga dalawang buwan, nabalitaan nalang namin na namatay na si Stanley Pasta. Kung sya lang ang papapiliin ayaw nyang tawaging Sir o Señor Pasta.

SAKA ko lang naisip kung paano kaimportante ang ilang araw ko sa Malate noon. Kaya ko sinubukan isulat to. At pag-aralan. Pagkatapos malaman na okay naman ang resulta ng test, nawala ang pagod ko. Iku-culture pa raw ng tatlong buwan ang samples ko. Babalik ako para i-x-ray ulit. Hindi rin ako binigyan ng medical certificate so bahala na ako sa buhay ko sa pagkuha ng make-up exams. Pumunta ako sa Solidaridad at nag pakalula sa mga libro. Sabi nga si Borges, ang langit ay parang aklatan. Eto na yun. Ang lahat ng mga iniidolo ko nandito. Makata, nobelista, kritiko, inteltektwal. May kapatiran sila dito. Nagdadamayan, nagtutulungan. Pinakamagaling sa pinakamagaling. Iniisip ko ang mga kakarampot ng mga kwento ko sa Miag-ao. Siguradong hindi bagay ang mga yun dito. Hindi yun pangaklatan. Kailangan lang ilabas para bigyan daan at espasyo ang mga importanteng bagay. Kung ako si Simoun, dito ko itatanim ang lampara. At iyon ang magiging mitsa ng rebolusyon.

UMUWI ako sa Iloilo kinabukasan, bumalik sa klase, at namuhay ulit sa Miag-ao, kinamusta ng mga titser at kakilala, parang wala lang ako pinuntahan na malayo.

Mga Simbahan


Sobra sila sa kwaro at pero walang may umaangal. Nasa dulo sila ng isang wing ng dorm. Katabi lang ng isang upperclass dorm. Abot madalas ang ingay sa kabila. Magkakadikit ang apat na kabinet sa kanang pader. Makikita mo agad sa pagpasok mo. Sa kaliwa naman pinagdidikit na rin nila ang apat na kama. Parang isang malaking kama. Kasya kahit may makitulog pang dalawa. Hindi naman maintindihan ang posisyon ng mga study table nila. Nakaharap sa bintana ang study table ni Arthur. Mainit kung umaga pero wala namang problema kung gabi. Presko pa nga. Binabasa niya ulit ang text ng nanay niya na babawi nalang sa susunod na padala. Ginamit din ni Arthur ang calculator ng cellphone para pagkasyahin ang baon sa linggong iyon.

Hindi matutukan ni Arthur ang photocopy niya tungkol sa Western Architecture. Nag-aalala siya sa pamilya niya sa Leyte. Hindi pa nga niya nasimulan ang reflection paper. Walang pinoproblema ang mga kasama ni Arthur sa kwarto. Kung meron man, hindi ito makikita. Si Alan nakiki-type gamit ang laptop ni Edmund. Kasama si Hans, nagbabasa si Edmund ng pinuslit ng kopya ng FHM. Si Tom gumagamit din ng laptop, pinag-aaralan ulit ang mga litratong kinuha kanina. Si Bert, nakahiga sa kama niya, nanonood ng pelikula sa laptop. Wala namang problema, hindi naman nila kaklase si Bert sa Humanities.

“Dyoskong simbahan to!” sabi ni Tom. Hinimas niya ang mga mata tsaka tumayo papunta sa kabinet. Binuksan at hinanap ang mug nito, kinuha ding ang isang sachet ng kape at binuksan gamit ang gunting. “Ikaw, Art,” tanong ni Alan, “tapos mo na paper mo?” Nagisingan si Arthur, “Ha? Wala pa eh. Nagbabasa nga ako ulit.” Tinignan ni Arthur ang oras sa cellphone, alas-nuebe na pala. Lalabas na sana si Tom nang mabitawan nito ang kutsara. Nakuha ang atensyon ng lahat sa ingay. “Malas,” sabi ni Tom. Bumalik sa kabinet at kumuha ng isa pang kutsara. “Alam mo ibig sabihin nyan?” tanong ni Edmund. “May bisita tayong babae.”

“Sana kamukha ni Stella,” dagdag ni Hans sabay turo sa isang babaeng naka two piece sa magazine. “Patingin nga…” sabi ni Alan at tinignan sandali. “Okay lang. Pakita mo kay Art.” Tumayo si Hans dala ang magazine. Biglang pumasok si John, bitbit ang laptop. Nakuha din ang atensyon ng lahat. “Palpak yata ang kutsara,” komento ni Edmund.

“Anong kutsara?” tanong ni John, litong-lito.

“Wala. Nahulog kasi ang kutsara ni Tom,” paliwanag ni Hans sabay pakita kay Arthur ang pahina. Stella nga ang pangalan ng modelo. May magandang sports car din sa likod ni Stella. Maganda naman, sabi ni Arthur. “So dapat may bisita kaming babae.”

“Kaya palpak,” sabi ni Tom saka lumabas. Balisa pa rin si John.

“Alam niyo kahit hindi nahulog ang kutsara. Pupunta pa rin ako dito.”

Sila naman ang nalito.

“Oo nga,” sabi ni Edmund, “Pero sabi kasi ng mga matatanda—“

“Hindi naman totoo yan eh,” mabilis na sumbat ni John. Si Edmund naman ang napikon.

“Sino ba nagsabi na totoo?”

“Kayo.”

“Anong kami. Palpak nga eh.”

“Bale totoo siya pero naging palpak. Kasi lalaki ako.”

Si Hans na ang nagpakalma. “John. Ano ba problema mo? Ba’t mo siniseryoso?”

“Kayo naman nagsimula eh,” dahilan niya. Sasagot pa sana si Edmund pero pinigilan na siya ni Alan. “Ano ba pinunta mo John?” tanong ni Alan.

“Magtatanong sana ako ng format ng paper. Tapos niyo na ba sa inyo?” Parang nabunutan ng tinik sa dibdib ang lahat. Hindi nila akalain na magiging ganun ang takbo ng kwentuhan nila buong gabi. Nanood pa rin si Bert ng pelikula sa laptop niya.

HUWEBES ang deadline para sa isang paper sa klase nila sa Humanities. Miyerkules ng hapon lang nilang naisipan seryosohin ang gawain. Alas-tres ng hapon sinundo nina Helen at Sally sina Hans, Alan, at Arthur. Dapat kasama si Edmund, pero walang balita sa kanya. Ang plano, silang magkadorm lang ang pupunta. Huli nang malaman nila na niyaya pala ni Hans si Sally. Nagulat ang lahat bakit kasama si Helen. Pati si Helen. Sumakay sila ng traysikel papuntang banwa. Bumaba ang lahat sa plaza, tawid lang ng simbahan. Sinabi ni Arthur, sa drayber na sa tindahan nalang siya bababa. Saka din napuna ni Alan ang intensyon ni Hans kaya nagpresinta itong samahan si Arthur. “Sunod lang kami!” sabi ni Arthur. Pinagtawanan nila si Hans nang makaalis ang traysikel.

Sa harap ng palengke, may sangay ang Palawan Pawnshop. Umupo si Alan habang nag-fill up ng form si Arthur sa de rehas na counter. Pinagmasdan ni Alan ang security guard at ang shotgun nito. Tinabihan siya ni Arthur at naghintay na tawagin ang pangalan nito. “Magkano nga utang ko sayo tol?” tanong ni Arthur.

“70”

Nagbilang si Arthur sa kanyang isip at nakita ito ni Alan sa mukha niya. “Sige tol,” sagot ni Arthur. “Mababayaran kita ngayon.”

“Ayos lang Art. Hindi ko pa naman kailangan ang pera.”

“Sige na. Para mabawasan man lang. Ikaw din.”

“Tsaka nga pala. Pinupormahan ba ni Hans si Sally?”

“Oo. Tagal na kaya.”

“Akala ko—” tinawag ang pangalan ni Arthur. Binilang nito ang pera at tinago. Binayaran ang utang niya kay Alan. Umalis na sila papuntang simbahan. “Akala ko,” tuloy ni Alan. “si Gina ang kursunada nun?”

“Wala na raw yata eh.”

“Bakit naman? Parating magkasama ang dalawang yun ah?”

“Eh hindi raw pwedeng magkanobyo si Gina. Aral daw muna. Alam mo na.”

“Baka nagpapakipot lang. Si Hans tagala o…”

“Ewan. Kita mo ba yung mukha niya nang makita si Sally kasama si Helen. Gago talaga. Hirapan din akong pigilan ang pagtawa.”

“Ano ba yan. Kailangan may mag wingman.”

“Anong wingman?”

“Yung kakausap kay Helen para masolo ni Hans si Sally.”

“Bahala siya sa buhay niya. Wag kaya nating pansinin? Experiment lang. Mga ten minutes lang.”

“Tignan hanggang saan kaya ni Hans.” Pinagtawanan nalang nila, habang paakyat sa maburol na highway. Tumawid sila sa harap ng cultural center. Dinaanan nila ang mga pasaherong nag-aabang ng bus o jeepney papuntang San Joaquin o Antique.

PUMASOK sina Arthur at Alan sa harap na gate ng simbahan. Kita agad ang grandiosong facade ng simbahan. Nakatayo ito sa gilid ng highway, sa sentro ng banwa. Sa paligid nito maraming mga establishimento tulad ng mga tindahan, karinderya, pati na rin bangko. Maraming tao ang nasa loob ng ‘church grounds’. Karamihan mga estudyante na nagpapalipas ng oras. Pumunta sila kina Hans na nakaupo sa damuan sa may lilim ng puno. Meron dig plate ng UNESCO na nakasulat sa Filipino at Ingles; PANDAIGDIGANG PAMANANG POOK, Simbahan ng Santo Tomas de Villanueva, Miag-ao, Iloilo. Isa sa apat na simbahang Baroque sa Pilipinas na itinala noong 1993 sa talaan ng Pandaigdigang Pamana alinsunod sa 1972 UNESCO Kumbensyon ukol sa Pangangalaga ng Pandaigdigang Pamanang Pangkultura at Pangkalikasan. Taglay ng Simbahan ng Santo Tomas de Villanueva ang pambihirang kahalagahang unibersal na nararapat na pangalagaan para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan. Nakatingin silang lima sa simbahan.

“So, ano na?” tanong ni Alan.

“Ewan,” sagot ni Helen, “tatanungin nga sana namin kayo eh.”

“Ha? Basta reflect daw sa isang work of art.”

Umupo na rin sa damuhan sina Arthur at Alan.

“Yung sariling reflection lang ba?” tanong ni Hans, “Kung ano lang?”

Pinagmasdan din ni Arthur ang hugis at porma ng simbahan pero iba ang nasa isip niya. Hindi niya maalis ang mata sa pigura ng isang lalaki o higante o santo na may batang angkas-angkas sa likuran nito. Santo Niño malamang. Maraming puno at tanim; mukhang niyog, papaya, at bayabas. Bago siya lumuwas sa Iloilo may balitang may ipapatayong mall sa kanilang bayan sa Leyte. Sa isang bakanteng lote sa dulo ng banwa nila. Nakunpirma ang bulong-bulongan nang magsidatingan ang mga bulldozer at truck na nagsimulang tapanin ang lugar. Huli niyang kita sa lugar, may mga takip na ito sa paligid. May mga salitang ‘No Trespassing’ at ‘Safety First’. Noong una, natuwa sya sa ideya ng mall sa kanilang lugar. Pwedeng yung lakarin galing sa bahay nila. Maliit lang daw pero ayos na rin. Baka may sinehan pa. Kailangan pang bumyahe ng apatnapung minuto para makapunta sa syudad pero mawawala na ang abalang ito kung nandyan na ang mall.

May pwesto sina Arthur sa palengke at ito pangunahing pinagkakakitaan nila. Empleyado din sa munisipyo ang tatay niya. Tuwing hapon at buong araw ng Sabado at Linggo tumutulong siya sa nanay niya sa pagbantay. Ang mga kaibigan niya yung mga kabataan din parati sa palengke. Pagkalipas ng halos limang buwan, nagbukas na ang mall. Mabuti naman ang pagtanggap ng mga tao sa bayan nila. Pati na rin sa mga kalapit sa lugar, yung mga mas malayo pa sa syudad. Pero nitong huli, mas na raramdaman ng mga tulad nila nanay ni Arthur ang implikasyon ng mall. Dahan-dahan kumonti ang kita ng pwesto nila. Hindi lang ito pinansin noong una. Saka sumonood ng mawala ang mga suki ng nanay nya. Halos kalahati ng kita ng pwesto nila nakasalalay sa mga suki nilang maramihan kung bumili. Nagtanong-tanong ang nanay at nalaman na sa mall na sila bumibili. May malinis daw at may aircon pa, kahit mas mahal ng konti. Hindi lang nag-iisa ang karanasan ng nanay ni Arthur. Pati ang ibang tindero at tindera ay napapansin ito. Pinag-usapan ito sa pulong ng kanilang kooperatiba at nagpagpasyahan na dalhin ito sa atensyon ng munisipyo. Na dismaya ang lahat nang lubos maunawaan ang sitwasyon. Ang kasunduan, pwedeng ipatayo ang mall basta ang mga empleyado nito ay mga taga-doon din sa lugar nila. Mga saleslady, gwardiya, janitor. Ano ang gusto nilang gawin? Ipasara ang mall? Marami ang din ang maapektohan. Hanggang ngayon patuloy paring pinag-aaralan ng kooperatiba kung ano ang dapat at pwede nilang gawin. Samantala, dalawang beses ng huli dumating ang allowance ni Arthur. Medyo lumaki na rin ang utang niya sa mga kaibigan. Patapos na ang unang semester at problema pa niya ang alamutan para sa party at dorm shirt. Hindi pa alam ni Arthur kung saan kukunin ang pera para doon.

May dumating na dalawang van sa kabilang banda ng grounds. Naglabasan ang mga turista at nagsipakuha ng litrato ng simbahan. May pamilya, meron ding mukhang magkakabarkada. Meron pang puti. Nagkukwentuhan sila nang maiisipan ni Arthur na kumuha din ng litrato, “Hans, maganda ba camera ng cellphone mo?”

“Ayos lang. Bakit naman?”

“Kuha din tayo ng pictures para pwede nating gamitin mam’ya.”

“Sige, pwede. Yung cellphone mo nalang kaya.”

Pinakita ni Arthur ng cellphone na lumang modelo, walang camera. Binigay ni Hans ang cellphone. “Sige, ako rin,” dagdag ni Alan. “Sama tayo Helen?” Ngimiti si Arthur. Nakakasunduan silang tatlo.

“Sige. Tara,” yaya ni Helen. “Dyan na muna kayong dalawa,” sabi nito kay Sally at Hans. Lumapit din sila sa simbahan at nag-asal turista. Sayang at serado ang simbahan kapag walang misa.

BUMALIK sa kwarto si Tom. Napuno ng amoy ng kape ang buong silid. “Alam nyo ba yung pinag-uusapan nina John sa labas?” tanong ni Tom.

“Ano?” tanong ni Edmund.

“Gumagawa kasi sila ng project. Environmental issues daw. Yung mga dito sa unibersidad ang napili nila. Waste management, segregations, toxic waste, mga ganun.”

“Tapos?” si Hans naman nagtanong at nilapit sa bintana ang cellphone.

“Nag-interview sila sa maintenance department ng kampus. Nagtanong sila kung ano mga problema. Kulang sa pondo, kulang sa tao, alam nyo na. Nakakatawa lang daw noong tinanong nila kung ano ang pwedeng gawin nila bilang mga estudyante. Siempre, pangalagaan ang mga gamit sa unibersidad. Tapos—”

“Bilis na!” sumbat ni Edmund.

“Oo na. Basta kwento ng mga trabahador, parati daw nasisira ang banyo ng mga babae. Parating barado. Kung anu-ano ang fina-flush sa inidoro. Napkin, tissue, pati panty, at ito ha, mga condom. Nagsipagtawanan ang mga taga-maintenance. May basurahan naman sa tabi mismo ng inidoro!” Tumawa si Tom pero hindi siya agad nasabayan. Pagkatapos lumutang at lumubog ang ideya sa kanilang isip, nagsipagngitian din sila.

“Buti nga yon,” sabi ni Arthur, distracted na sa binabasa, “may protection.”

“Oo nga,” sangayon ni Alan.

“Maganda naman talaga eh. Pero sana i-dispose nila ng maayos.” Hindi na napigilan ni Edmund ang pagtawa.

“Lintik na buhay to,” sabi ni Tom at umupo sa study table. “Yan ang problema nila ngayon sa labas. Paano nila i-explain sa mga babae na sana wag kayong mag-flush ng condom sa inidoro. Parang joke lang pero seryosong bagay siya eh.”

“Edi,” sagot ni Hans, “iutos sa lalaki ang pagtapon!” Tawanan. “Para mabawasan ang problema ng mga taga-maintenace.”

“Saan daw ba nangyari yan?” tanong ni Alan.

“Basta dorn daw,” sagot ni Tom. “Ewan kung sa mga freshmen hall o upperclass.”

“O pareho!” tawanan ulit.

“Room check!” sabi ng boses babae sa labas ng pinto. Napatahimik silang lahat. Pumasok sina Grace at Loren. May dalang check list. “Bakit parang biglang natahimiik kayo nang—whoa, andami nyo dito ah?” Pinigilan ng lahat ang pagtawa. “Ano ba pinag-uusapan niyo?” tanong ni Grace habang ini-isa-isa ang mga pangalan.

“Wala yon,” sabi ni Hans.

“Talaga? Eh kung markahan ko kaya ng absent ang mga hindi dapat nandito?” Nagreak si Ed. Walangpakialam si Bert.

“Wala nga sabi,” sabi ulit ni Hans. “Pabayaan mo na.”

“Okay lang sa isang kondisyon,” sabi ni Loren, sabay labas ng isang maliit na bundle galing sa bulsa. ”Sali kayo sa Fun Run namin.”

Nagtinginan lang sila. Tinignan ni Tom ang mga ticket. “Sige na,” tuloy ni Loren. “Fifty pesos lang.”

“May iba’t ibang division naman eh,” dagdag ni Grace. “Kahit yung pinakamaikli lang sa inyo.” Pinagpasapasahan ang mga ticket.

“Uy, for a cause to ha!” sabi ni Loren. “Pupunta ang procedes nito sa partner foundation ng org namin. Tapos gagamitin ang pera sa mga anti-global warming activities.”

“Nakapag-exercise ka na, nakatulong ka pa sa kalikasan!” dagdag ni Grace, sales talk na.

“Kina-career nyo talaga to no?” tanong ni Tom sabay balik ng ticket.

“Sige na, hindi pa kami nakakabenta eh.”

“Kaya nga umalis na kayo kasi wala kayong mapapala sa amin.” sabi ni Edmund.

“Teka,” sabi ni Hans, “pwedeng pa-reserve lang? Dalawa. Hindi pa ako sigurado eh. May yayain lang ako. Text ko lang kayo.”

“Sige,” sabi ni Loren, lumiwanag ang mukha. “Text mo ako agad.” Lumabas na sila. Narinig pa ang boses ng dalawa sa kabilang kwarto. “Room check!”

“Tanungin niyo kaya sina John kung paano niyo matutulungan ang kalikasan,” sabi ni Tom. Tawanan. Biglang namatay ang ilaw at nagsigawan ang mga tao sa lobby. Mga cellphone at laptop nalang ang nagbibigay ng ilaw. Nagsalita rin si Bert, “Malas, hindi pa naman ako nakapag-charge!”

SUMANDAL lang sa upuan si Arthur, pinapahinga ang mga mata. Pagdilat niya, itim lang ang nakikita siya sa labas. Hindi rin nagsigalaw ang mga kasama sa kwarto. Kanya-kanyang bukas ng cellphone, nagbibigay ng panaka-nakang ilaw. Bumigay na ang laptop ni Bert at Edmund. Pinatay rin ni Tom ang laptop nito. Lumabas si Tom at Hans sa lobby para tignan ang sitwasyon doon. Naglabasan ang mga estudyante at nagsindi ng ilang kandila. May ilang sinusubukang mag-aral pero karamihan ay nagkukwentuan lang. Pinili nalang ni Hans na lumabas muna ng dorm para makahanap ng signal. Bumalik si Tom sa kwarto.

“Anong meron doon Tom?” tanong ni Edmund.

“Wala, kwentuhan. Ni wala ka ngang mauupuan doon eh.”

“Paano to ngayon?” tanong ni Arthur.

“Ewan. Siguro hintayin nating bumalik ang ilaw.”

“May kandila ba kayo?” tanong ni Alan.

“Uy, bawal daw magsindi sa loob ng kwarto.”

“Meron ka ba? Iingatan naman natin eh.”

Ginamit nila ang mga cellphone bilang flashlight at naghanap sa kabinet ni Tom. May nakita sila, iisang kandila. Nagpasya silang itayo to sa dulo ng isang kama para malinawagan ang buong kwarto. Kinakabahan si Arthur kung sakaling mapabayaan ang kandila. Naglabasan ang mga anino nila sa dilaw na ilaw. Nagtinginan lang sila.

“Dito na muna tayo,” payo ni Edmund. “Wala ka namang gagawin sa labas. Hindi sana mainit.” Sumangayon ang lahat. Pumunta na rin si Arthur sa kama niya. Para silang mga bata na naghihintay kwentuhan ng lola nila.

“Kamusta ang paper?” tanong ni Tom.

“Wala pa eh” sagot ni Alan, “Nagsusulat na ako dito pero walang saysay. History lang sinimulan ko.”

“Tungkol saan ba paper niyo?” tanong ni Bert.

“Reflection papaer sa isang work of art daw.” sagot ni Arthur. “Simbahan ng Miag-ao ang napili namin.”

“Ikaw, may nasimulan ka na?’

“Wala, pinag-aaralan ko lang yung art tradition niya. Baroque ganun.”

“Ano nga ibig sabihin ng baroque Art?” tanong ni Edmund.

Hindi alam ni Arthur kung paano ipaliwanag. “Basta.”

“Putik paano ko ba isusulat yung sa akin.”

Lahat sila nakatingin sa kandila. Dahan-dahan itong umiikli. Pasimpleng nagpapapatong-patong na ang mga patak nito. Sumasayaw ang ilaw, sumasabay ang mga anino nila.

“Gusto nyo…kwentuhan tayong ghost stories?” anyaya ni Bert. Tinginan sila. “May alam ba kayo?”

“Alam nyo yung babae sa jeep sa sinabihan ng tsuper na sunugin ang damit na suot niya kasi wala siyang ulo sa salamin?” mabilis na salaysay ni Tom. Kinutya siya.

“Alam na ng lahat yan eh,” sabi ni Bert. “Isa yatang prerequesite yan sa pag-aaral dito sa unibersidad yan eh.”

“Meron pa akong isa,” si Tom pa rin.

“Ayusin mo ha.”

“Yung tungkol sa med student sa elevator? Narinig niyo na yon?”

Nagkusot ang noo ng iba.

“Sige, sige, kwento na!”

“Basta ang med student ay pauwi na. Tapos na ang shift. Gabi, natural. Sumakay siya sa elevator pababa. Wala nang masyadong tao sa floor. May isang tao na sa elevator, naka uniform din. Empleyado o estudyante din. May isa pa sanang tao ang gagamit ng elevator, tumatakbo papunta dito, sumisenyas na sandali lang, sandali lang. Bago makaabot, sinira na ng med student ang elevator. Nagtaka ang kasama nito. Tinanong bakit hindi mo pinasakay yung babae. Sabi ng med student, kita mo yung pulang bracelet sa kanang kamay niya? Ibig sabihin noon patay na siya at na enbalsamo na. Ah talaga, sabi ng kasama niya, pulang bracelet, tulad nito? Sabay pakita ng kanang kamay nito.”

Sumigaw si Edmund, “AAAhahhahahah…” nagulat ang lahat at ng tumagal sinabayan na rin ang pagtawa. Ang iba, tahimik lang.

“Lintek,” sabi ni Bert, malapad ang ngiti. “Okay yung ah. Pero sa Maynila pa rin naman yun eh. Yung galing dito naman sa Miag-ao.”

“Ako meron ako,” presinta ni Edmund, “makinig kayo ng mabuti medyo mahaba. May kakilala ako sa banwa na ikinuwento lang daw ito sa kanya. Basa ganito. Isang araw, may tumawag sa bahay ng kakilala niya. Isang lalaki, sabi daw nagkakilala daw sila ng babae sa Smallville ng kakalipas na Sabado. Nalito ang babae kasi hindi naman ito napasyal doon. Pero pinagkiit ng lalaki na siya daw, kasi pareho yung boses, binigyan pa ng number. Pumunta ang lalaki sa Miag-ao at nagkipagkita sa babae. Laking gulat nito na iba nga ang babae; mukha, tangkad, pangangatawan. Pero pareho ang boses. Labis ang lungkot ng lalaki. Malakas ang tama eh. Sabi daw buong gabi silang nagkwentuhan ng babae at hinatid pa nga ito sa bahay nito. Alam pa raw niya ang lugar at makikita niya ito agad kasi daw maraming Christmas lights. December nangyari to ha. So nagpasya ang babae na puntahan nila ang lugar kung saan nga ito hinatid. Kita niyo dyan sa highway sa ilalim ng tulay? Kung saan tayo nag-aabang ng jeepney. Doon sila pumunta. Siempre walang bahay, puro mga puno lang.”

Tahimik. Ina-absorb ang kwento. “Walang hiya ka Ed,” sabi ni Bert, “dumadaan pa naman ako dyan sa shortcut papuntang Fisheries kung nagmamadali ako.”

“May shortcut pala dyan?” tanong ni Alan.

“Oo, galing kang highway lusot ka sa daan papuntang Fisheries. Baka sa sunod sa iba na ako lulusot.” Tumawa sila pero may halong nerbiyos. “Ako na ang susunod,” sabi ni Bert, sabik na sabik. “Makinig kayo ha. Alam niyo kung saan ang pwesto ng guard sa CAS? Sa may hagdan? Kwento ito ng isang guard na naka-night shift. Wala namang tao doon kung gabi, so ronda lang every hour. Siguraduhin lang na walang problema. 5:30 ang start ng shift niya. Pagkatapos masiguradong nakalock na lahat ng kwarto, naghapunan muna siya, may dala siyang baon. Halos alas-siete na, habang kumakain nagulat sya na may mabilis na umakyat na mga tatlong estudyante. ‘Teka lang manong may kukunin lang kami, mabilis lang’, boses babae at agad na lumiko sa kanan sa Bio department. Sumagot pa ang guard, ‘Hoy nalock ko na lahat ng kwarto dyan’ pero hindi na niya naabutan. Di bale, babalik rin sila. Hindi naman ito ang unang beses na may nakalimutan ang mga estudyante o staff. Bumalik siya sa pagkain. Nagtaka siya nang tapos na siya pero wala paring bumalik para sa susi ang mga estudyante. Oras ng ronda. Wala siyang nakitang mga estudyante. Natapos na ang ronda wala pa rin, siguro umalis nalang. Malaki ang building, tatlong palapag din yon. Hindi lang niya naabutan. Marami namang labasan. So balik sa pwesto. Mga alas-nuebe na, habang nakikinig ng radyo, bumaba ang mga isang dosenang estudyante. Nakukuwentuhan, parang kakatapos lang ng normal na klase. Hindi naman siya natakot, nalito lang. tinawag pa niya, ‘Hoy, saan kayo galing? Anong kurso nyo?’ pero walang pumansin sa kanya. Ito yung pinakanakaktakot. Luma ang mga damit ng mga estyudante. Luma as in 1950s na porma, pati ayos ng buhok nila, makaluma. Niradyo niya ang isa pang guard sa Union Building, tsak na dadaan ang mga estudyante. ‘Wala naman ah,’ sagot ng isang guard. ‘eh kanina, papunta dito na mga estudyante, may nakita ka ba?’ Ulit, wala daw. Nanigas ang guard sa upuan siya. Tulala siya ng ilang minuto. Hanggang may bumababa ulit na estudyante, yung boses na narinig niya kanina. Mag-isa lang ito. Babae. Sabi nito, ‘Salamat manong ha…’ Ngumiti pa ito sa kanya. Hindi na siya muling naka ronda sa gabing iyon.”

“Salamat tol ha,” banat ni Arthur, “siguradong hindi na ako magpapagabi sa AS.” Tawanan pero may halong nerbiyos ulit.

“Ikaw Art?” tanong ni Bert, “may alam ka ba?”

“Pasensya na tol. Wala eh. Isa pa, marami akong iniisip ngayon eh.”

“Pwede bang ako nalang?” tnaong ni Alan.

“Siempre naman.”

“Sige. Ito mas makakrelate tayo. Dito kasi sa dorm. Kwento lang ng upperclass ko. Basta kita nyo yung fire exit dyan sa labas? May pintuan tayo dito sa baba. May hagdan yung girls. Noon, wala pang mga kandado ang mga yan—”

“Fire exit pa talaga sila, pwedeng labasan.” sabi ni Edmund.

“Oo, pinasira na ang mga yan kasi ginagamit ng pasaway na dormers. Yung mga lampas curfew, yung hindi nga dormer. Alam nyo na. Noong pumasok tong upperclass ko sa dorm, naka kandado na ang fire exit. Isang gabi, matutulog na siya nag may narinig syang kumakalas sa mga bakal sa labas. Pinagtaka pa niya, parang sya lang ang nakakarinig. Lumabas siya at nahagilapan sandali ang anyo ng isang taong naka-puti na bumaba sa hagdan tsaka tumakbo. Hindi yung white lady na porma ha. Puting t-shirt lang. Siempre di niya masyadong pinansin. Mga after two weeks pabalik siya sa kwarto at may nakita naman siya. Nakaputi pa rin pero ngayon paakyat naman. Nagtaka siya kasi wala pang curfew noon, bale pwede naman siyang dumaan sa harap. Nagkataon din na mag-isa lang siya sa hallway sa mga oras na yon. Kaya walang ibang witness, ika nga. Ikinuwento na niya sa mga room mates niya, pati sa ibang kakilala na babae sa taas. Wala daw ibang nakapansin. Sinumbong sa staff ng dorm, tinignan ang fire exit, nakakandado pa rin. Matagal bago siya may nakita ulit dumaan sa fire exit. Dito natakot na siya, kasi hapon nang muling may dumaan sa fire exit. Maliwanag ha, medya nagdududa na siya sa mga nakikita niya. Ulit, siya lang ang nakakita. Pero ang pinakagrabe sa lahat ay noong isang gabi may kumakalas ulit. Maingay na maingay. Parang nag-eeskandalo. Hindi na yung pasimpleng dadaan, yung bang gustong sirain ang pinto ng fire exit. Ulit sya lang ang nakakarinig. Tulog na mga roommates niya. Nang hindi na niya matiis. Bumangon siya at sa pagbukas ng pinto ang babaeng nakaputi na nakatayo sa labas.”

“Walanghiya!” Hiyawan.

“Saan daw bang room niya noon?”

“Dito mismo sa room natin.”

Katahimikan. Naging mas malakas ang hiyawan ng may kumatok at biglang bumukas ang pinto. Isang babaeng nakaputi. Nagulat din ito sa reaksyon nila. “Hoy!” sigaw ni Grace, “Anong nangyayari sa inyo?!” Nagsitawanan na sila nang mas malinaw na nakita ang mukha ni Grace.

“Wala,” sabi ni Bert, “kwentuhan lang. Ghost stories eh.”

“Mga bwisit kayo, nagulat ako. Nasaan na ba si Hans?”

“Sa lobby yata. Bakit ba?”

“Wala, bibili na raw siya ng ticket para sa fun run eh. Akala ko dito siya. Dyan na kayo.” Lumabas si Grace at hinahabol pa rin nila ang kanilang hininga. Malapit ng maubos ang kandila. Maya-maya pa bumalik na rin ang ilaw. Narinig pa nila ang hiyawan galing sa lobby. Walang may nakapansin na madalas babae ang multo sa kwentong kababalaghan.

DAHAN-DAHAN na bumalik sa dati ang kulay sa loob ng kwarto. Halos walang natira sa kandila. Nagsiandar na ulit ang mga laptop at bumalik sa pagtrabaho ng paper tungkol sa simbahan. Magsisimula na sanang magbasa ulit si Arthur nang nagtext ang nanay niya. Natatanong kung natangap na niya ang pera. Nawala naman ang signal. Lumabas nalang siya. Dala ang ballpen, notebook at readings pumunta siya sa study area ng boys wing.

Ang study area nila ay hindi masyadong espesyal. Isang bakanteng espasyo na may mahaba at malaking mesa. Maraming upuan at may blackboard pa. Mainam ito sa mga group works, meetings, kung kailangan mo ng mas malaking working space, o kung talagang magulo ang kwarto niyo. Walang tao sa study area at pumwesto si Arthur sa harap ng bintana para magka-signal. Natype na niya ang reply saka niya lang nalaman na wala na pala syang load. Nag-isip muna si Arthur. Hindi naman siguro mag-aalala si nanay. May tunog ng mga hakbang sa hallway at tumigil ito sa likuran ni Arthur. “Art? Ginagawa mo dito?” tanong ni Hans,

“Wala, naghahanap lang ng signal. Tsaka magsusulat na sana.”

“Ah, teka lang ha. Banyo lang ako.” Pumunta si Hans sa banyo at shower room. Bumalik din ito agad. Umupo ito sa tabi ni Arthur, abala din sa cellphone. “Sino tinext mo tol?” tanong ni Hans. “Nobya mo sa Leyte?”

“Hindi. Si nanay. Nakalimutna ko wala na pala akong load.”

“Ha? Importante ba? Heto, unli ako.” Sabay presinta ng cellphone. Tinignan ni Arthur, nadadalawang isip. “Okay lang tol,” tangi niya.

“Sige na. Baka mag-aalala si nanay mo.”

“Sige. Isang text lang naman eh.” Kinuha ni Arthur ang cellphone at nagtype.

“Hindi kayo lumabas? Ano ginawa nyo?”

“Nagpalitan ng ghost stories ang mga loko.”

“Ah oo nga pala. Pinagtripan nyo daw si Grace?”

“Wala ah. Gulat lang kami. Saya namin kanina.”

“Sayang. May tinitext kasi ako eh.”

“Okay lang.” binalik ni Arthur ang cellphone.

“Salamat nga pala kanina tol ha.”

“Wala yon.”

“Sya nga pala. Musta na paper mo?”

“Heto may notes na. Pero hindi ko pa alam eh.”

“Ako nga rin. Hindi ko kasi maintindihan. Basta nagagandahan naman ako sa simbahan. Yun lang.”

“Oo nga eh. Ako medyo may ideas na ako.”

“Kwento mo naman.”

Tinignan lang siya ni Arthur.

“Promise, di ko kokopyahin. Para magka-ideas din ako.”

“Eh parang ganun na rin yun eh.”

“Sige na.”

“Basta ang simbahan, art sya kasi expression sya ng partikular na tao, yung architect, ng partikular na tradition at panahon, baroque. Pero espesyal ang simbahan kasi ginagamit siya, may pakinabang. Hindi lang pang-display. Pagkalipas ng panahon nagiging parte na sya ng buhay ng tao; mga pamilya, magkaibigan, tulad mo magkasintahan, ng kumunidad. Pati nga ng mga rebolusyonario. Kinukunekta nito ang mga tao sa isa’t isa, sa mga nauna sa kanila, at sa mga susunod pa. Sa tingin ko ito ang tunay na batayan ng sining.”

“Teka, kung ganyan ibig sabihin pati ang dorm na to ay simbahan? Ang classrooms, ang palengke, ang mall? Kung lahat espesyal, walang espesyal. Kinukunekta nga ang mga tao pero anong klaseng koneksyon? Paano kung Muslim ako? O katutubo? Ang sining ay hindi lang para ipakita ang kagandahan ng mundo o ng malikhaing kapasidad ng tao, kundi pati ang mga kontradiksyon nito, mga antogonismo, tunggalian.”

Pareho silang napatigil at nag-isip. Nakaharap sa bintana. Hindi na natiis ni Hans.

“Sa wakas,” sabi ni Hans “may isusulat din ako.”

“Ayusin mo ha. Baka sabihin nag kopyahan tayo.”

“Oo. Ako bahala.”

“Tsaka nga pala Hans, ilan na yung utang ko sayo?”

“100 yata.”

“Sige. Pwede bang 50 pesos lang muna?”

Nahalata ni Hans ang bigat sa boses ni Arthur. “Okay lang tol. Hindi ko pa naman kailangan. Budget mo nalang muna allowance mo.”

“Salamat ha. May babayaran pa sa dorm. Siguro hindi nalang ako kukuha ng t-shirt.”

“O, bakit naman?”

“Gastos nga.”

“Paano yan? Dapat may picture tayong naka-dorm shirt.”

“Okay lang. Ako nalang kukuha ng litrato.”

Kinabukasan binayaran ni Hans ang para sa dorm t-shirt ni Arthur ng hindi nito alam. Sa katapusan ng sem, nagpapicture silang nakasamang suot ang dorm shirt. Bago sila naghiwalay, nagreply ang nanay ni Arthur. “Pasensya ka na anak. Ingat lang dyan parati. Mag-aral ng mabuti. Wag kalimutan magdasal bago matulog.” Huminga ng malalim si Arthur. Sinimulan na niyang isulat ang mga refleksyon niya sa simbahan.

Alamat ng Alamat


Fernando Amorsolo "Rice Harvesting" Oil on canvas, 24 x 34 inches

Fernando Amorsolo
“Rice Harvesting”
Oil on canvas, 24 x 34 inches


image from http://www.fernandoamorsolopaintings.com/Fernando_Amorsolo_Biography_Page.htm

NOONG unang panahon, nagkataong nakaupo si Sheena sa labas ng dorm nang tinanong ni Ompong ang kanyang nanay na nagtitinda ng merienda kung ano ang alamat ng alamat. Limang taon gulang na batang lalaki si Ompong. Hindi pa nag-aaral kaya sinasama ng kanyang nanay, si Aling Rosa, tuwing magtitinda ito sa labas ng dorm. Ilang henerasyon na ng mga estudyante ang napagbentahan ni Aling Rosa ng suman, sapin-sapin, banana cue, turon at iba pang kakanin. Hinhintay naman ni Sheena ang mga kaklaseng sina Maureen at Dexter para pagplanuhan ang isang group presentation sa klase.

“Naku,” sabi ni Aling Rosa. “saan mo na ba nakuha ang kwentong yan?”

“Kina kuya Tim,” sagot ni Ompong. Kilala ni Sheena si Tim. Palabiro, malamang pinagkatuwaan naman si Ompong. Maraming natutuwang estudyante kay Ompong dahil makwento ito. Tuwing bibili sila kay Aling Rosa, kinakamusta rin nila ito. “Natutunan daw nila sa klase,” patuloy ni Ompong. “Sinabi niya sa akin ang mga alamat ng pinya, atis, papaya, pati nga alamat ng Iloilo alam ko na. Lahat daw ng bagay ay may alamat, hindi nga lang alam ng lahat. Baka sa susunod daw ikukwentohan nya ulit ako.”

“Tama siya dyan,” sabi ni Aling Rosa. “Pero bakit pati naman alamat ng alamat gusto mong malaman?” Napangiti si Aling Rosa sa estudyanteng sinusuklian nya. Dito na nagsimulang makinig ni Sheena sa kwentuhan. Binuksan nya ang cellphone at pinaglaruan para magmukhang preokupado. Mga sampung minuto na siyang naghihintay sa mga kasama.

“Siempre po,” dahilan ni Ompong. “hindi pwedeng nagsulpot lang ang mga alamat. Dapat may pinagmulan din ang mga ito.”

MADALAS may kasamang isa pang babae si Aling Rosa. Asawa yata ng kapatid niya. Ito ang madalas na kakwentuhan nya sa maghapon. Wala ang babaeng ito ngayon kaya pinatulan na ni Aling Rosa ang mga tanong ni Omong para pampalipas oras at para maaliw na rin ang saliri:

Matagal na panahon na ang nakalipas, kwento ni Aling Rosa, sa isang tahimik na baryo merong dalawang batang matalik na magkaibigan; isang babae, si Ligaya, at isang lalaki, si Julio.

Isang hapon, papauwi na sila pagkatapos makipaglaro sa ibang bata nang may nakita silang isang brown envelope. Merong papeles sa loob nito at may pera at cheke pa raw. Pinakita nila sa nanay ni Julio at sinabi kaagad sa kapitan. Ang envelope pala ay pagmamay-ari ng isang mag asawa na nagpapatayo ng bahay sa kanilang lugar. Ang mag asawang Paredes ay mga taga-syudad at gustong makaroon ng bahay na malayo sa ingay ng lungsod. Ang lalaki ay isang doktor habang ang babe ay isang teacher.

Nahulugan daw ng sangol ang babae at hindi na makapag-anak pa. May ampon sila pero malaki na rin ito at lumabas ng bansa. Natuwa ang mag-asawa, lalo ni si Dok Paredes kina Ligaya at Julio at bilang pasasalamat ipapasyal daw silang dalawa sa syudad. Tuwang-tuwa ang dalawa. Pero hindi pumayag si Misis Paredes. Sabi niya gusto niya paaralin ang dalawa at tumulong sa bahay kung matapos na ito. Pagkalipas ng ilang buwan natapos na ito. Isang lamaki at magarang bahay. Maganda ang hardin. Laking pasalamat ng mga taga-barrio kasi may maliit na klinik si Dok Paredes na sinama. Tumulong si Ligaya sa paglalaba, pagluluto at paglilinis. Si Julio naman sa pag-iigib ng tubig at paghahardin. Nang tumagal ay nagpasya si Misis Paredes na tumigil sa trabaho at manatili nalang sa bahay nila sa Miag-ao. Dahil may panahon na si Misis Paredes, napasyal din silang dalawa sa syudad.

LUMAKI sina Ligaya at Julio na may dalawang tahanan. Si Misis. Paredes ang nag-aasikaso sa kanila tungkol sa kanilang pag-aaral. Siya ang bumili ng mga bag, notebook, nagpatahi sa uniporme at nagpili ng sapatos. Naging parehong mahusay na estudyante ang dalawa dahil na rin sa tulong ni Misis Paredes. Laking pasalamat raw ng mga magulang nila sa tulong ni Misis Paredes. Pawang mahihirap lang na mga magsasaka sila at marahil sina Ligaya at Julio ang makapag-aahon sa kanila sa mas mabuting buhay kesa sa pagsasaka.

Nagbinata at nagdalaga sina Ligaya at Julio. Naging malapit si Ligaya kay Misis Paredes at tinuruan itong magpaganda. Si Julio naman tumulong sa klinika ni Dok Paredes. Naging mahilig din ito sa pagbabasa. Nang matapos ang hayskul ang dalawa, kinausap ni Misis Paredes ang asawa tungkol sa plano nitong ipagpatuloy ang pag-aaral sa dalaw sa kolehiyo. Sayang naman. Sabi ni Dok Paredes masyado itong magastos kaya baka isa lang ang kayanin nila. Nagpasya silang si Julio ang pagpaparalin. Dapat sa syudad siya mag-aral at mapapalayo sa siya sa pamilya. Delikado ang syudad para sa isang dalaga kaya si Julio nalang. Laking tuwa ni Dok Paredes nang tanungin nito si Julio kung ano ang gusto maging nito. Sinabi ni Julio na gusto rin nyang maging doktor.

UMALIS si Julio at nag-aral sa Maynila pagkatapos grumaduate ng hayskul. Nakatira siya sa isang malapit na kaibigan ni Dok Paredes na isa ring doktor. Merong itong sariling klinika, at nagsisilbing assistant si Julio kung wala itong pasok. Mabuti naman ang pag-aaral niya. Hindi naman masyadong matatas ang mga grado niya pero ayos na rin. Nang tumagal naghanap pa siya ng trabaho. At kahit papano ay makapagpapadala na siya ng pera sa pamilya. Pagkalipas ng isang taon, nagdisisyon si Julio na hindi na umuwi tuwing bakasyon para makadagdag sa padala niya. Lumalaki na rin ang mga kapatid niya at gusto niya sanang magpag-aral din ang mga ito.

Si Ligaya naman ang nanatili sa baryo. Madalas siyang nakikinood kasama si Misis Paredes ng mga pelikula at drama sa telebisyon. Isang araw ay umuwi sa baryo si Aling Tonya sa kanila. Matagal din naging kasamabahay ito sa syudad sa isang pamilyang Instik. Bilang kalingawan, nagbabasa siya ng mga pocketbook kasama ang ibang katulong. Hiraman sila ng mga ibang katulong sa mga kapitbahay. Kung may sobrang pera, nakakabili rin. Pagkalipas ng ilang taon, nakakolekta siya ng daan-daang piraso ng pocketbook. Dahil wala na itong lugar sa bahay ng Instik, dinala ni Aling Tonya ang ilan sa baryo. Noong una isa lang ang pinahiram kay Ligaya. Naalala niya tuloy si Julio, parating subsob sa libro. Mabilis niya itong natapos at sunod-sunod na ang mga kanyang paghiram. Di nagtagal, bumibili na rin siya ang mga pocketbook niya. Nakatuwa nga ang magbasa ng mga kwento.

Marami ang nagsasabi kay Ligaya na nasa edad na siya ng pangangasawa. May ilan-ilan din naman na manliligaw sa baryo. Pero hindi niya ito pinag-uukolan ng panahon. Ayaw niyang mag-asawa ng kapwa taga-baryo. Gusto niyang makilala ang kanyang sariling prince charming. Pinag-isipan niya itong nang mabuti, pagkalipas ng ilang araw ay nagpasya ng lumuwas sa syudad ng Iloilo. Pumayag naman sina Dok at Misis, at ang kanyang pamilya. Pumasok din siya bilang kasambahay tulad ni Aling Tonya. Tuwing Sabado at Linggo, sinasama siyang mamsyal ng mag-asawa para bantayan ang mga bata. Unti-unti hindi na rin umuwi si Ligaya sa baryo tulad ni Julio.

NAG-ARAL si Julio sa isang kilalang unibersidad sa gitna ng lungsod. Marami siyang kaklase na galing din sa nayon at mga anak ng mga magsasaka. Meron din naman mga taga-lungsod. Wala naman naging alitan sa dalawang grupo. Naging mabuti pa nga ang kanilang pagsasama. Handang matuto ang mga taga-nayon sa mga gawi sa lungsod at handa naman ang mga taga-lungsod na gabayan sila. Pinakita sa kanila kung paano mag-aliw, saan dapat mamasyal, ano dapat ang kinakain at kung ano pa ang pinagkakagastusan.

MEDYO sa laylayan ng sentro naman napadpad si Ligaya. Pawang mga tahanan lang ang sa lugar. May mas mantandang kasambahay ang pamilya na si Aling Mercy. Siya ang nagturo kay Ligaya kung ano ang mga gawain sa bahay. Laking nayon din si Aling Mercy at sa bakanteng oras nila ay nagkukwentuhan sila tungkol sa buhay sa bukid. Sabik din na nakikinig ang mga alaga nilang mga bata tungkol sa mga kalabaw, palayan, at batis.

ISANG araw may nakilala si Julio na kilalang estudyante, si Edgardo or Edgar na lang. Taga-nayon din si Edgar pero hindi siya nakikisama sa mga lakad ng karamihan sa kaklase nila. Madalas, nakaupo lang ito sa tabi, nagbabasa o di kaya nagsusulat. Tinanong siya ni Julio kung ano ang sinusulat nito. Sabi nito mga tula. Para kaninong babae yan? tanong ni Julio. Wala, sagot ni Edgar, para sa mga hindi marunong tumula. Para sa ibang tao. Para sa iba. Naging mabuti silang magkaibigan. Nag-ikot sila sa lungsod at tinignan ang ibang mukha nito. Pumunta sila sa looban at nakisalamuha sa mga iniiwasan ng karamiha, lungga di umano ng mga kriminal, puta, at magnanakaw. Karamihan sa kanila ay galing din sa nayon pero minalas sa lungsod. Unti-unti, naubos ang oras ni Julio para libangin ang sarili. Natuto siyang makisama sa ibang tao. Di nagtagal, sumusulat na rin siya ng mga tula. Hindi para sa ngalan ng pag-ibig kundi para sa ngalan ng iba.

ISANG hapon, pinaghahanap ng amo ni Ligaya ang kanilang drayber na si Miguel. Lumabas si Ligaya at nakita itong nakikipagkwentuhan sa kasambahay ng kapitbahay. Imbes na isumbong ang dalawa, sinakyan na lang ni Ligaya. Naging malapit pa sya kay Rosario. Tulad ni Ligaya laking bukid din si Rosario, walang kakilala sa syudad. Mabuti nalang at nandyan si Miguel. Ikinuwento nito kung paano sila nagkakilala at nagkamabutihan. Nang tumagal, pati ang mga problema ng dalawa, alam na ni Ligaya. Nabanggit ni Ligaya na sana may buhay pag-ibig din siya tulad ni Rosario. Hayaan mo, sabi ni Rosario, darating din ang lalaki para sayo. Pero ngayon, tulong ito, aliwin mo muna sarili mo dito, sabay abot ng isang manipis na libro kay Ligaya. Maikling nobela ng romansa. Natapos agad ni Ligaya ang libro at humiram pa ulit. Nabuhay ulit ang hilig niya sa mga nobelang ito. Tinabi na niya ang sweldo para makabili pa minsan-minsan. Madalas syang naiirita sa kwento at sa mga tauhan. Isang gabi, sinubukan ni Ligaya sumulat ng isang kwentong romansa. Nang matapos, pinabasa niya kay Miguel at Rosario. Nabuhayan ng loob si Ligaya at sinundan pa ang mga kwentong romansa.

PAGKATAPOS mag-aral ni Julio bumalik siya sa kanila. Nalaman nyang aalis ang mag-asawa at pupuntahan ang kanilang anak sa Amerika. Dahil wala ng doktor sa kanilang lugar, kay Julio lumapit ang mga tao. Ang problema, walang pambayad ang mga tao sa kanyang serbisyo. Wala rin naman silang binabayad noon kay Dok Paredes pero mahaba na ang karanasan noon at nakapag-ipon na. Ikinadismaya ng tatay ni Julio ang sitwasyon. Akala niya maiaahon na sila sa hirap si Julio. Yon pala, mas pinili pa nitong tulungan ang kapwa mahirap. Isang gabi nagkaalitan sila. Pinilit ni Mang na bumalik si Julio sa lungsod para magtrabaho. Dinahilan ni Julio na mas gusto niyang manatili nalang sa kanilang lugar. Ito ang gusto ni Dok Paredes. Nagulat si Mang Jose at sinumbatan si Julio, pero ako ang iyong tatay! Umalis si Julio na mainit ang ulo. Matagal din syang nawala.

MABILIS ang pagsulat ni Ligaya. Mga dalawang linggo bago siya makatapos ng isang libro. Sa loob ng isang taon, marami-rami na ang libro ang naisulat niya. Konti lang ang bayad sa kanya pero tuloy-tuloy ang pagpasok. Pinabayaan lang siya ng kanyang mga amo. Hindi naman daw para sa kanila ang mga libro na sinusulat ni Ligaya. Dahan-dahan, nakapag-ipon din si Ligaya at napasemento ang kanilang bahay sa nayon. Simple lang naman pero mas mabuti na kesa dati. Pagkatapos ng tatlong taon, naghiwalay ang mag-asawang pinagtatrabahuhan niya. May kerida ang lalaki. Ang babae babalik sa mga magulang nito kasama ang mga bata. Hindi na kailangan ang serbisyo ni Ligaya. Di naman siya ganong nanghinayang. Umuwi rin siyang pansamantala. Patuloy siyang nagsulat ng mga kwentong pag-ibig. Di nagtagal niyaya siya ng isa ring kaibigan na maghanap ng trabaho sa labas. Tulad ni Dok, pumunta rin si Ligaya sa Amerika. Pero bilang kasambahay pa rin.

UNTI-UNTI, lumala ang sitwasyon sa buong kaharian. Lalong humihirap ang buhay. Nagsimula nang magkagulo sa syudad. Wala pa ring balita kay Julio. Hanggang isang araw, dumating ang ilang pulutong ng mga kawal sa tahimik na bayan nina Julio. Pumunta daw sila doon para kalabanin at sugpuin ang mga aswang na nagpupugad sa kabundukan. Gusto daw ng mga aswang na patayin ang hari at kamkamin ang kapangyarihan sa kanilang interes. Walang may na intindihan sina Mang Jose at Manang Nora. Ayaw lang nilang masakan. Isang gabi, pumunta ang mga kawal sa bahay nila, pinaghahanap si Julio. Hinalugad nila ang munting bahay pero wala silang nakita. Kasapi raw ng mga aswang si Julio. Dapat daw ipaalam sa kanila kung bumalik si Julio. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik nga si Julio. May kasama itong sugatan. Kinuha nito ang gamit sa kwarto at ginamot ang mga sugat. Habang nagpapahinga na ang kanyang kasama kinausap siya ng nanay niya. Ano ba ang pinaggagawa mo, tanong nito, mangiyakngiyak. Sabi ni Julio, nay para sa ating lahat ito. Parati kitang pinagdadasal, tuloy ng nanay, sana maiwas ka sa panganib. Nay, sagot ni Julio, walang mangyayari sayo sa kakadasal. Wag ka ngang magsalita ng ganyan, sumbat nito. Kung magkaka ganyan ka rin lang sana hindi ka nalang nag-aral. Nay, sabi ni Julio, iisang diyos lang ang dinadasalan mo at ng mga taong nagpapahirap sa iyo. Sinampal ni Manang Nora si Julio. Umiiyak papunnta sa kwarto. Hindi man lang hinarap ni Mang Jose si Julio. Pagkagising ng mag-asawa, wala na si Julio at ang kasama nito. Pagkalipas ng dalawang linggo, nakita ang bangkay ni Julio. Pinatay ng mga aswang, ayon sa mga kawal.

WALA rin namang naging malaking problema si Ligaya sa Amerika. Maliban lang siguro sa ginaw ng panahon. Hindi masyado ang pangungulila, meron naman siya mga kaibigang Filipino. Kung mag-isa lang siya, parati siyang kinakabahan. Imbes na mamasyal sa bakanteng oras, nagkulong nalang si Ligaya at nagsulat. Tumatanda na rin siya at nagsimulang tinanong ang sarili kung kailan kaya niya maiisulat ang kanyang kwentong pag-ibig. Isang araw habang naglalakad pauwi, may nagpakilala ang isang binata sa kanya. Matangkad, matangos ang ilong at blonde pa ang buhok. Matagal na raw siyang pinagmamasdan. Ngayon lang nakalakas ng loob. Niyaya siyang lumabas. At nagsimula na nga ang kwentong pag-ibig ni Ligaya. Nagsama sila sa isang bahay pero ayaw ni Larry magpakasal o magka-anak. Wala namang problema. Pero nang mawalan ng trabaho ni Larry, naging masalimuot na ang lahat. Alak, sigarilyo, sugal, droga, sinimula na niyang saktan si Ligaya. Isang gabi, umuwing lasing si Larry at mukhang sasaktan naman si Ligaya. Hindi na nakapagtiis si Ligaya at nanlaban siya. Nasaksak niya si Larry at napatay. Dinala ang usapin sa korte at napatunayan walang sala si Ligaya. Naging munting bayani si Ligaya hindi lamang sa kapwa Filipino kundi pati sa lahat ng babae. Sinulat niya ang isang libro ang lahat ng pinagdaanan niya. Naging mabenta ang libro at ginawan pa nga ng pelikula. Pagkalipas ng anim na buwan, nakalimutan ng mundo si Ligaya. Pero kahit papano tuluyan na rin naahon si Ligaya ang kanyang pamilya sa kahirapan.

NANG bumalik si Ligaya sa kanilang lugar, halos wala itong pinagkaiba. Maalikabok pa rin ang daan at mahirap ang buhay. Nalungkot siya ng husto nang malaman ang nangyari kay Julio. Ayaw pa pag usapan nang magtanong-tanong siya. Kahit yung mga magulang ni Julio, gusto nalang manahimik. Isang araw may pumuntang dalawang bata, isang babae at isang lalaki sa bahay ni Ligaya, may dalang brown envelope. Parang nabunutan ng tinik si Ligaya. Ang papeles na akala niyang nawala na. Pinagmasdan ni Ligaya ang dalwang bata at naalala ang mga pinag-daanan nila ni Julio. Tinanong niya kung nag-aaral sila. Hindi daw, sagot ng mga bata. Nagpasya si Ligaya na tustusan ang gastos ng kanilang pag-aaral. Nang umalis na ang mga bata, binuksan ni ligaya ang envelope at binasa ang manuscripto ng mga tulang makabayan ni Julio. Nakakapukawdamdamin ang mga ito. Ibang klaseng kwentong pag-ibig ang napili ni Julio. Naiyak siya sa lungkot dahil naging masalimuot ang kwentong pag-ibig na kahit bata pa lang siya, ay inaasam na niya.

AT doon nagsimula ang alamat ng alamat, sabi ni Aling Rosa habang nagliligpit, noong pinilit kalimutan ng mga taga-baryo ang kwento ni Julio at ginawang inspirasyon ang kwento ni Ligaya. Umuwi na ang nagtitinda ng kakain kasama ang aliw na aliw na si Ompong. Hindi makapaniwala si Sheena na ganun ang naging kwento na dapat sana’y kwentong pambata. Tapos na silang mag usap ng mga kaklase pero halos walang pumasok sa ulo niya. Papasok na siya sa dorm nang may lumabas na dalawang bata, isang lalaki at isang babae, naghahabulan at tuwang-tuwa.

Fernando Amorsolo "Planting Rice" 1951

Fernando Amorsolo
“Planting Rice”
1951


image from http://www.artfreaks.com/forums/index.php/gallery/image/97-fernando-amorsolo-planting-rice-1951/