Araw ng Mga Puso


Kung saan tila naglalabasan
mga damdamin at hinaing sa hangin,
saka din ako magkukulong.
Ito’y kamangha-mangha pero walang
malalim na pinaghuhutugan,
ayokong mapagod at malito
sa mga mahahabang pila, matataong
kainan, at nagmamahalang simbolo
ng pag-ibig (di umano).

Mas gusto kong makaharap
ang isang pinaglumaang libro
o pagtawanan ang paboritong
palabas sa telebisyon. At sa
aking pagkahedonista, kailangan ko
rin mahiwalay sa iyo.

Pero huwag kang mag-alala, nag-iwan ako
ng mga kapirasong tula;
para kahit ang wakas ng iyong araw
ng mga puso ay maging tahimik din,
mga letra lamang sa papel ang kasama,
habang umiikot sa iyong isapan ang mga
tanong tulad ng “Ano ibig sabihin nito?”
at malalaman mo lamang ang sagot
sa pagkikita natin sa iyong mga panaginip.

Ang Iyong Mga Kamay


(pasintabi kay Pablo Neruda)

Ang iyong mga kamay,
munti at marikit,
ay madalas kong maabutan
na nanlalamig o di kaya
pinagpapawisan; direktang
daluyan ng hindi ko matiyak
kung kaba nga ba o pananabik.

Ang iyong mga kamay,
tahimik at pagod,
ay kumakayod at nagtyatyaga
para balang araw ay
maging gamit sa paggamot
sa katawan na may sakit.
Pero noon, bago pa ito
naging payak at determinado
ay minsan ding nangarap
sumulat ng mga tula,
na lunas naman sa
kapansanan ng kaluluwa.

Ang iyong mga kamay,
malambot at masigla,
ay isang baul ng walang
katapusang sekreto, at
madali ko itong makita
na pinipitas ang mga bituin
o nagpupunyal sa karagatan,
kung mabawasan man lang
ang kanilang nerbyos,
kahit konti lamang.

Ang iyong mga kamay,
tapat at mayumi,
ang pinakadalisay na yumakap
sa aking mga kamay
na walang kapaguran
humabi ng mga mito’t himala.

At sa pagtapos ng araw, aking mahal,
kung kailan kita ihahatid,
ang iyong mga kamay
ay tahimik na namamaalam
pero ang kanilang init at higpit
ay kailan man hindi ako iiwan.

Matatamis na Kontradiksyon


Gusto nya maging artista sa entablado
Pero ayaw nyang kinukunan ng litrato

Ayaw nya magkaroon ng kasintahan
Pero ito’y nakalagay sa kanyang listahan

Ayaw nya sinasabihan ng ‘mahal kita’
Pero hinahawakan ko ang kanyang mga kamay

Patong-patong ang pangamba sa pag-aaral ng medisina
Pero walang humpay din ang panggigilgil sa mga bata

At sa bawat araw, tila ako’y nahahawa sa kanya
Mga bagay na kinamumuhian ngayon ay sinasabi at ginagawa

Hindi alam kung ito ba ay talagang may patutunguhan
Ako’y kinakabahan pero ako rin ay tumatapang.

Ngayong araw


Ngayong araw na
ito ang pinakamalalang
araw ng aking bakasyon;
nahirapan makatulog kagabi dahil
hindi matutuloy ang lakad sana
kasama ang isang matagal na kakilala,
pagkagising umaambon, mukhang
sa pambihirang pagkakataon
tama ang media sa supertyphoon
perong noong uminit sa hapon
sana tinuloy ko nalang ang
pagnood ng pelikula tungkol sa
tadhana sa syudad ng Buenos Aires,
Ayos naman kung hindi mahuli ang sine
kasi patapos na ang rin yung malalim
at bagong dokumentaryo
ni Slavoj Zizek,
labis ang aking pangungulila sa kanyang
malutong na tono at lumilipad
na mga diskurso
pero palpak ang file at hindi mabasa,
kung ano-ano na ang na-install
sa laptop, ang kanyang bungot ay
di ko pa rin nakita.
Nagmukmuk nalang sa kama
kapiling ang libro ng mga
dagli ni Eros Atalia
at kung kailan susuko na sa antok,
saka nag-text na bumili ka
ng bigas sa palengke, pera mo
lang muna. Nakasiesta din sa wakas,
napasarap at pagising, ako nalang ang hindi
nakakain, malamig na bistek
masayang pagtyagaan
ngunit saka naman may sumabog
at nawala ang ilaw
sa aming baranggay.
Sa dilim hindi makabasa, nagmuni-muni
kung paano naging pinakamalalang
araw ito ng bakasyon,
magbabago sana
ang anyo nitong tula kung
natuloy lang ang lakad
kamasa ang isang matagal na kakilala,
edi sana mas matamis ang ginaw at tahimik
ng aking nakakabagot pero
binabagyong tuwina.

Dinamiko ng Panitikan


Mahal, magunaw man ang mundo
binabasa mo pa rin ang
napili mong libro,
tila wala ng lugar ang
mga biro ko na
naririnig ng buong klase
sa nilikha mong uniberso.

Mas nakakabihag ang iyong mga mata
kapag may inaatupag, sa wakas
hindi mo malalaman na hindi ko tinigilan
ang pagnakaw ng panandaliang tingin.

Habang inaaliw mo ang sarili sa libro
saka dumating sa akin ang dinamiko
ng panitikan, ilang daangtaon nang
pinag-iisipan ng mga pilosopo:

Magugunaw ang tao sa kapayakan ng
mundo; ang bato ay hindi pwedeng
bato lamang. Dapat maging luha ng
isang diwatang nagluluksa
hangang nabuo ang kalawakan.
Kailangan ang mga mito at bugtong
para manatiling matino ang mga tao,

kaya iingatan ko parin ang ating
kwento kahit gaano man pait,
pagkat sa araw na ito’y aking kalimutan
tila magiging malinis na ang hangin
pero wala nang makakadaan sa aking dibdib.

Maling Diskarte


Hindi nga ako nakapasok
sa mga panaginip mo,
kinulong mo naman
ako sa’yong kalawakan.

Ang karaniwang babae kapag
makakasalubong ang hinahangaang
binata ay nagpapaganda,
inaayos ang buhok, binabandera
ang ngiti sabay bati.
Ikaw, medyo baliktad, malayo pa
lang ako, napapatigil ka rin
naman, pero tsaka bumibilis ang
‘yong paglakad, kumikirot ang noo,
at nabubura ang ngiti.

Hindi nga ako nakapasok
sa puso mo
kinulong mo naman
ako sa’yong isipan.

Balang araw, baka magkausap
tayo, (sana hindi ka pa
rin kalmado)
ipaliliwanag ko sayo
na parang ganun
na rin ‘yon.

Afternoon in the Arctic


The afternoon, with
her warmth and slow
winds, tell me stories
of the city: dull
and transient, full of lights.
Of past lovers trying
to talk, is her favorite.

Your face is most
deviant, out of place
in these hours of easy music.

You told me of new
friends and forgotten hobbies
while I have nothing to
share except verses of poems
I half understand but find beautiful.

I remember your hair like children playing
on my face as you lean on my chest,
we would exchange secrets like
breathing.
Now, every word
conceals another, every
sentence masking an emotion.

“Afternoons” you said, “are getting awfully
warm.” I’m sweating myself but it
feels cool beneath my skin like rain
embracing me.

“You know,” I replied, “ in the Arctic,
they have twenty hours of daylight.”

They even have to check their watches
to know if it’s time
to rest.

isang tulang hindi mabigyan ng pamagat


Bago matulog, naisip ko na hindi mo nasabi
Kung kamusta yung tulang binigay ko sayo

Kasi pareho tayong nagmamadali ng oras na yon.
Siguro malakas ang tawa mo nang ikinumpara

Kita sa isang pananda, wala ka namang ginawa
Kundi ngitian ako kapag nagkakasalubong tayo.

Ngayon “Tampuhan” na lang ni Juan Luna
Ay nakikita ko sa mga mukha natin.

Ikaw ay parang isang bituin na may perpektong
Lugar sa langit na hindi kayang baguhin ni sino man,

o isang tulang hindi mabigyan ng pamagat

Kahit ng isang makata. Ang panahon na ikaw ay
Maikakahon ay ang panahon kung kailan ako’y

Lalaya at mauunawan ang tunay na dahilan paano
Ka naging pananda:babaeng mahal ang kanyang kalayaan.

Mas malakas malamang ang tawa mo ngayon kapag
Naaalala ang hapon na yon at hindi ito hihina

Kahit magugunaw na ang mundo bukas o
kahit kaarawan mo ngayong gabi.


photo credits:http://en.wikipedia.org/wiki/File:Tampuhan_by_Juan_Luna.jpg

Bonus Question


Lumapit ka sa akin at
tinanong ako kung ano ang
sagot ko sa bonus question:
ano ang pinaka importanteng
bagay ang natutunan mo
sa klaseng ito?
Tinignan kita at sinubukang
tangapin na hindi ko
na ulit masisilayan ang
iyong mga mata sa
kanilang anyo ngayon
na parang may musika.
Sabi ko, “basta, akin na lang yun.”

Umalis ka para asikasuhin
ang mga bagay-bagay.

Huminga ako nang malalim
bago umalis din para
asikasuhin ang mga bagay-
bagay.

colors of your voice


My friend’s face
turned grey as he
advised me to stop
creating reason to talk
to you because I could
never count every
strand of sunlight
but I found your blue
haven, and I will
dwell there, right
between purple afternoons
to gather the
colors of your voice
then arrange them in
my white palm and hurl
my work to the sky when
everyone’s asleep , so
that a poet staying up
to fix the universe
could hear from his window
a brief red sunrise
during a
colorless
midnight.