Mga Bayani


Gusto ko maging bayani,
mag-isip higit sa aking sarili
at magplano higit sa kasalukuyan.

Gusto ko maging bayani,
at paratangan ng pagiging erehe,
filibustero, siraulo, bandido.

Gusto ko maging bayani,
tumanda sa kulungan,
mamatay nang bata.

Gusto ko maging bayani,
pero walang mga kalye at parke ang
ipapangalan sa akin o mga araw ng
bakasyon sa aking alaala.

Gusto ko maging bayani,
pero hindi ako pangnanasahan ng Kasaysayan
pagkat higit sa aking pangarap,
ay ang aming bilang, at
ibig amin magtagumpay!

Komedya ng Kasaysayan


Hindi naging simple ang proseso ng pagsakop ng mga Kastila sa mga ninuno natin. Ang iba, tahasang nakipaglaban tulad ni Lapu-lapu, ang iba naman nakipagkaibigan sa mga dayuhan. Noon, basta makuha mo ang loob ng datu o pinuno ng isang baranggay, kuha mo na rin ang buong pangkat na iyon. Ang mga datu (bilang tao at pangkat ng mga makapangyarihan) ay ang mga naging principalia o mayayaman ng kolonial na panahon.

Magkakalayo ang mga tinitirahan ng mga sinang-unang Filipino. Kailangan ng mga Kastila na tipunin sila sa isang lugar para lalo mapadali ang pagsakop sa kanila. Gamit ang dahas at iba pang paraan ay natipon din ang karamihan ng mga ‘indio’. Pinatayo nila ang plaza-complex kung saan magkakalapit ang mga simbahan, paaralan, tindahan, sementeryo, at mga importanteng institution. Hanggang ngayon ay in place pa rin ang arrangement na ito. Pero marami pa rin ang hindi na enganyo sa mga Kastila partikular ang mga misyonario at sa kanilang dalang pananampalataya.

Ang ginawa ng mga Kastila ay gawing engrande ang mga selebrasyon ng simbahan. Ginawa ang mga naunang fiesta sa kapuluan. Binigyan ng mga Kastila ang bawat lugar at barrio ng kanya-kanyang patron na santo. Kada taon, pinagdidiwang ang pista ng santong ito. Maraming pagkain, musika, palaro, at iba pang gawain. Ngayon meron ng dahilan ang mga ‘indio’ na nanatili sa mga bundok para bumaba. At para mapabilis ang pag-indoctrinate sa mga ‘indio’ dinala din ng mga Kastila ang kanilang mga dula at mga kwento galing Europa. Hindi ganito ka engrande magselebra ang mga European ng mga pista, sa mga former colonies lang ito tulad ng Pinas at karamihang bansa sa Latin America.

Natutunan ng mga ‘indio’ ang tungkol sa mga kaharian, hari, reyna, prinsipe, at mga prinsesa ng Europa. Nakita nila kung paano dapat umasta na isang ‘binibini’ at ‘ginoo’, ang ‘alipin’ at ‘dugong bughaw’. Isa sa mga uri ng dula na napakinabangan ng husto ay ang komedya. Madalas kwentong pag-ibig at tungkol sa pagbabangaan ng mga ‘cristiano’ at ‘moro’. Siempre parating panalo ang mga Kristiano. Dahan-dahang nakuha ng mga Kastila ang loob ng mga ‘indio’ at dumami ang mga conversion o mga binyag. Natuto rin ang mga ‘indio’ kamuhian ang mga ‘moro’ sa Timog na nakasama nila sa di hamak na mas mahabang panahon kesa sa mga Kastila.

moro_moro_dance
photo credits:http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/Tagalog_Homepage99/impacts_of_spanish_rule_in_the_p.htm

Mahirap paniwalaan na mababago ng isang dula ang pananaw ng mga tao pero kailangang isipin na nangyari ang mga produksyon ng mga dulang ito sa halos tatlong daang taon, ilang beses kada taon. Kahit wala na nag kapangyarihang kolonial ay nanatili ang mga dula na ito. Hanggang ngayon ay nanatili pa rin ang mga ideya na dinala ng mga ito. Makikita mo ito tuwing nanood ng teleserye sa telebisyon at balitang pulitika, at kahit sa pag-aaral ng kasaysayan.

-0-

Si Andres Bonifacio ay dating aktor sa mga moro-moro o komedya. Ito nga ang ginamit na parang controlling metaphor sa pelikulang Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio (Mario O’Hara, 2010). Sinalaylay ng kwento ang mga huling araw ni Andres at kanyang kapatid na si Policarpio habang nililitis sila ng Pamahalaang Rebolusyonario na tinatag ni Emilio Aguinaldo at ng kanyang mga tagasuporta. Ibang klaseng period drama ito. Halos lahat ng mga historical movies na ginagawa, sa loob o labas man ng bansa, ay gino-glorify ang nakaraan. Reni-reenact ang mga pangyayari na dapat ipagmalaki ng mga kasalukuyang henerasyon. Pero sa huling pelikula ni O’Hara parang sinasampal sa mukha ng mga kasalukuyang henerasyon ang isang pangyayari na hindi na resolba, o tahasang pinagtatakpan.

Pinagdidiwang ang Bonifacio Day tuwing November 30. Kaarawan ito ni Andres Bonifacio. Pero ang Rizal Day ay tuwing December 30, araw na pinatay sya. Ibig ba sabihin nito, naging bayani si Bonifacio sa araw na pinanganak siya habang si Rizal naman ay naging bayani noong pinatay siya? Isang paboritong isyu sa akademia ang Rizal-Bonifacio dichotomy. Sino ang mas karapat dapat na pambansang bayani? Technically parahe silang ‘national hero’ pero si Rizal ang ‘National Hero’ (alinsunod sa gusto ng mga Amerikano). Sabi ng ibang scholars, there’s no such thing as a Rizal-Bonifacio dichotomy. Mataas ang respeto ni Bonifacio kay Rizal. Nagpresenta pa nga ito na itakas si Rizal sa Dapitan. Bale, hindi naging magkasalungat ang mga paniniwala ng dalawa kailan man. Magkaiba nga lang ng approach (reform vs revolution). So ano dapat ang debate? Bonifacio laban Aguinaldo? Di hamak na mas magaling na rebolusyonaryo si Aguinaldo kesa kay Bonifacio. Sapat na ba ang military brilliance ni Aguinaldo para pagtakpan ang mga maling desisyon nagawa niya?
Rizal Bonifacio Aguinaldo
photo credits: http://todosabongga.blogspot.com/2011/06/kasarinlan.html
Isang bagay lang ang malinaw sa analisis na ito: sa kasaysayan, kapag ang debate ay nakasentro sa mga tao, walang patutunguhan ang pagtatalo. Ang mga bayani ay mga tao din. Mga imperpekto, at may kanya-kanyang baho. Ang mga tagasuporta ay iha-highlight ang mga mabubuting aspeto habang ang mga kalaban ay iha-highlight ang mga negatibo. Isang stalemate.

Kapag ang nakaraan ay hindi malinaw, hindi uusad ang kasalukuyan. Kapag ang nakaraan ay hindi malinaw, nawawala ang halaga nito sa kasalukuyan.

-0-

Mahalagang balikan ang ang kwento nina Rizal, Bonifacio, at Aguinaldo dahil na rin sa kasalukuyang sitwasyong pulitika sa bansa. Ang presidente ay anak ng dalawang ‘makabagong bayani’ pero ang performance niya ang nagfo-fall short sa ekspektasyon at pangangailangan ng mga tao. Ang isang senador ay anak naman ng diktador, pero para sa ilan isa ring bayani. Ang dalawang to ay hindi lamang embodiment ng problema sa political dynasties pero pati na rin sa paggamit sa nakaraan bilang kapital sa pulitika. At dahil nga magulo kahit ang recent history, kanya-kanyang gamit ang dalawang to (at ang iba, tulad ni Enrile at ang kanyang memoir) sa nakaraan para sa kanilang mga interes.

Marami akong nakikita sa Facebook ng mga post na binabanatan si PNOY at kanyang mga magulang, “wala namang nagawa si Ninoy, hindi pagmamay-ari ni Cory ang EDSA, etc…” Sa unang tingin ay maganda ang intensyon ng mga post na ito. Hero-worship bashing to e. Pero ang problema naman meron din ng mga post na tinatangol si Marcos, “umunlad ang bansa, pinatayo niya ang so-and-so, etc” Kung titirahin mo ang ‘Aquino Myth’ para lang palitan ng ‘Marcos Myth’, e wala pa ring mangyayari.

-0-

Hanggang ngayon patok pa rin sa mga Filipino ang komedya. Naghahanap pa rin sila ng mga bayani. May panalo at may talo. Kaya siguro maraming artista ang pumapasok sa pulitika. Malamang binuboto sila dahil masyadong magulo ang realidad na gusto nalang ng mga tao na ang bayani sa palabas ay maging bayani na rin sa totoong buhay. Ang tanong ngayon, saan na ang mga extra at supporting characters?

Mahirap ipaliwanag na ang kasaysayan ay magpapatuloy kahit walang mga bayani. Ang isang bayan na naghahapan pa rin ng mga bayani walang patutunguhan. Uusad nga ang kanilang kwento pero paikot-ikot naman. Sa araw ni Bonifacio hindi sapat na gunitain ang kanyang kabayanihan. Dapat tangapin ng lahat na hindi niya, o kahit sino,pagmamay-ari ang kasasaysayan. Ang kasaysayan ay sumatutal ng lahat ng desisyon ng isang bayan. Ang kasaysayan ay hindi kay Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Aquino o Marcos. Ang kasaysayan ay ating lahat. Kung ito’y nakakahiya, lahat tayo ay dapat laitin. Kung itong magiting, lahat tayo’y dapat purihin.

Dapat siguro ay itigil na natin ang pagtangkilik sa mga moro-moro o komedya. Ginamit ito noon para tayo’y watak-watakin at sakupin. Sa ganitong paraan pa rin ito gumagana. Wala tayo ibang sinasakup kundi ang isa’t isa. Panahon na para isulat ang ating kasaysayan. Hindi nabuhay sina Bonifacio at ang iba pang bayani para lang magkaron tayo nang mga long weekend.

hipster_andres_bonifacio_by_stinglacson-d3jgkr12
photo credits:http://stinglacson.deviantart.com/art/Hipster-Andres-Bonifacio-214084621

Walang Uusbong Bayani


Kahit isa-isahin pa natin sila;
si Jose ay hindi nagpakasal,
si Juan at Antonio
ay pawang marahas,
si Andres ay anakpawis
at lampang sundalo
habang si
Emilio nama’y modelong
Pulitiko.

Maraming binawas para
gawing Bayani ang isang tao
para ang kasaysayan maging banal
puno ng mga Santo.

Pinatayuan ng munomento
tinakda ang araw ng mga pista.
Sinagot ang mga naghahanap
ng mga bagong matutularan,

“Walang uusbong Bayani
kung ang pagbabago ay
dinadaan nalang sa dasal.”

Kasaysayan ng Wika, Wika sa Kasaysayan


Bago pa man napasailalim ang Pilipinas sa Imperyal Espanya meron nang natatanging mga kultura at mga wika ang bansa. Este, wala pa pala ‘Pilipinas’ noon. Pero madalas ang interaksyon ng mga tao di lang sa kapwa Filipino kundi pati sa mga banyaga. Madalas silang nagkakalakal pero minsan nakikipagdigma din sila. Meron ding mga epiko, alamat, kaalamang bayan, paniniwalang espiritwal. Meron ding sistema ng pagsusulat, ang Alibata. Nakasulat ito sa mga dahon, kawayan, o bato. Ayon sa mga historians kung medyo natagalan lang ang mga Kastila sa pagdating, maaring nakabuo ang mga ninuno natin ng sariling nasyon at wika.

Noong nasakop na ang mga ninuno natin, malaki ang kampanya na ginawa ng mga Kastila para burahin ang sinangunang kultura. Pinagsusunog nila ang karamihan sa mga ‘documents’ sa Alibata. Notable na instrument siempre ang relihiyon. Isa sa mga polisiya ng mga Kastila para mapanatiling watak-watak ang mga Filipino ay ang hindi pagturo ng wikang Espanyol. Sa halip, sila ang nag-aral ng mga wika sa kapuluan. Natakot sila na dahil sa isang common na wika, maaring magorganisa ang mga Indio laban sa kanila.

Pero siempre meron ding natuto ng Espanyol sa pagitan ng pag-aaral. Ang sistema ng edukasyon noon ay kontrolado ng mga prayle at eksklusibo lang sa mga mayayaman. Noong patapos na ang 19th na daantaon ay may mga pagbabago sa polisya ng Espanya. Nangibabaw ang liberalism at nagkaroon ng pagkakataon ang mga mayayamang Pilipino na mag-aral sa Europa. Doon ay na expose sila sa mga modernong ideya lalo na kina Locke at Rousseau.

Kabilang sa mga ilustrado sina Rizal, Lopez-Jaena, Del Pilar, atbp. Tinatag nila ang Kilusang Propaganda na ang layunin ay gawing probinsya ng Espanya ang Pilipinas. Kapag nangyari na ito, magiging mamayang Kastila ang mga Filipino at kasama na dito ang mga karapatan at representasyon sa Cortez. Binuo nila ang La Solaridaridad, ang peryodiko na naglalaman ng mga artikulong tumatalakay sa reporma sa Pilipinas. Espanyol ang wikang ginamit nila. Hindi nagtagumpay ang Kilusang Propaganda sa maraming dahilan kabilang na ang kakulangan ng kasangkapan at pagaaway-away ng mga ilustrado.

Dahil walang nangyari sa mapayapang reporma, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan na ang layunin ay ang ganap na kasarinlan sa pamamagitan ng armadong paraan. Malaki ang papel na ginapanan ng wika, particular ang Tagalog, sa rebolusyon. Merong revolutionary organ ang Katipunan, ang Kalayaan. Meron itong mga artikulo ni Emilio Jacinto at iba pa. Pinakita ng Kalayaan ang plano ng Katipunan. Kinalat ito sa iba’t ibang kalapit na probinsya at nakatulong ito sa paglaki ng pwersa ng Katipunan mula 300 naging 3000 (Agoncillo, 1977). Pinakita lang nito na nagkakaintindihan ang mga tao sa sariling wika at pwede ito gamitin para isulong ang interes ng mga tao. Yun nga lang, isang copya lang ng Kalayaan ang na imprenta at nakalat. Nalaman agad ng mga Kastila ito at nagpasya ang Katipunan na tigilin na ang proyekto.

Naging matagumpay ang rebolusyon pero saka naman dumating ang mga Amerikano. Ang mga bagong layang mga Filipino ay may bago namang kaaway. Binenta pala ng mga Kastila ang Pilipinas sa US sa pagitan ng Treaty of Paris. Bakbakan ulit. Natalo ang mga Filipino dahil mas armado at may angkop na pagsasanay ang pwersa ng Kano. Para tuluyang na sakop ang mga Filipino, gumamit ang mga Kano ng psychological tactic na pagbigay ng bagay na ipinagkait sa mga Filipino, edukasyon. Nagtatag ng secular public system of education ang mga Kano. Pero ang ginamit sa mga paaralan na ito ay Ingles bilang medium of instruction. Tumaas nga ang literacy ng mga Filipino, pero tuluyan din silang na pacify.

Ang mga Kano ay nagpatupad ng mga hakbang para sugpuin ang mkabayang dyornalismo at panitikan. Ayon sa Sedition Law ng 1902, sino man ang magsabi o magsulat ng mga bagay laban sa US at Insular Government ay pwedeng ikulong sa mahabang panahon at pagbabayarin ng malaking multa. Marami ang nakulong na mga manunulat sa dyaryo, mandudula, atbp. Dito na nagsimula ang proseso ng ‘miseducation’. Dahil nga Ingles ang medium og instruction, kailangan ng mga Ingles din na mga kasangkapan. Ang mga Filipino ay natuto tungkol kina Lincoln at Washington kesa kina Rizal at Bonifacio. Dahan-dahan naging mataas ang pagtingin nila sa kulturang Amerikano.

“They had to be disoriented form their nationalist goals because they had to become good colonials. The ideal colonial was the carbon copy of his conqueror, the conformist follower of the new dispensation. He had to forget his past and unlearn the nationalist virtues in order to live peacefully, if not comfortably, under the colonial order. The new Filipino generation learned of the lives of American heroes, sang American songs, and dreamt of snow and Santa Claus.” (Constantino, 1966) Yung mga promising na estudyante, pinadala pa sa US para mag-aral o para tuluyang ma-immerse sa kulturang Amerikano.

Tinatag noong 1935 ang Commonwealth of the Philippines na si Manuel L. Quezon ang pangulo at Sergio Osmena bilang bise. Ang Pilipinas ay magkakaruon ng transition period ng sampung taon bago ganap na maging malayang bansa. Ayon sa mga delegado ng 1935 Constitutional Convention kailangan ng wikang pambansa na sariling atin. Dagdag pa ni Quezon, magiging instrument ito para mapagkaisa ang mga Filipino. November 13 1936 nang tinatag ang Institute of National Language. Ang pinakalayunin nito ay manaliksik at tukuyin ang pinakaangkop na wika sa bansa na pwedeng gawing basehan ng wikang pambansa.

Ang napili ay Tagalog. Marami ang nagsasabi na Tagalog ang napili dahil Tagalog si Quezon. Isa sa mga prominenteng kritiko ay si Osmena, isang Bisaya. Bakit Tagalog e magkasing dami naman ang nagsasalita ng Bisaya at Tagalog (at ibang major dialects tulad ng Hiligaynon at Ilocano). Ang sagot ay nasa tanong na mismo. Kahit anong dialect pa ang mapili, kokontrahin pa rin ito. Isa pa ang Tagalog ay isang basehan lamang. Iba ang Tagalog sa Filipino. Ang Filipino ay naghihiram ng mga salita mula sa ibang dialect para lalo itong mapayaman.

Magandang halimbawa ang mga salitang ‘bana’(husband), ‘kawatan’(thief), ‘palawig’ (extend). Ito ay mga salitang Hiligaynon pero dahil na rin sa convenience, ginamit na ito sa Filipino. Isa pa, ang mga dialect sa bansa ay galing lang sa isang pangkat ng mga wika. Ibig sabihinm magkakahawig lang ang mga ito at medaling pag-aralan. Meron ding mga salita na pareho ang kahulugan sa iba’t ibang dialect. Halimbawa ang ‘mata’. Kahit saan ka sa Pilipinas, ang ‘mata’ ay ‘mata’.

Balik sa kasaysayan. Hindi natapos ang ten-year transition period ng Commonwealth dahil sa World War Two. Ang mga Hapon ay may sariling agenda. Nagtatag sila ng sistema ng edukasyon para burahin ang impluwensya ng mga Amerikano sa mga Filipino. Ginamit ang Filipino bilang medium of instruction, pero at the same time, ang Niponggo. Ang layunin ng mga Hapon ay diumano ipakita na lahat ng mga Asyano ay magkakapatid at mga salot ang mga Kano. Promising di ba? Pero tulad ng US, may imperial interests din ang mga Hapon. May hawig sa taktika ng mga Kano. Pero hindi ito naging matagumpay kasi siempre digmaan, halos wala na nga makain ang mga tao, mag-aaral pa sila. Yung malala pa, pagkatapos ng digmaan, ang tingin ng mga Filipino sa mga Kano ay mga tagapagligtas. Lalo pang tumibay ang attachment ng mga Filipino sa mga Kano at sa kanilang kultura.

Pagkatapos ng digmaan, naging malaya na ang bansa. Paherong mabuti at masama ang pagtuto ng mga Filipino ng banyagang wika (Agoncillo, 1977). Nakapaginterak ang mga Filipino sa buong mundo, perong naging mababa ang tingin nila sa sariling kultura. Ang polisiya ay hindi nagbago, Ingles pa rin ang medium of instruction, at official language sa business, governmental, at legal proceedings.
“A foreign tongue as a medium of instruction constitutes an impediment to learning and to thinking because a student first has to master new sounds, new inflections, and new sentence constructions. His innermost thoughts find difficulty of expression, and lack of expression in turn prevents the further development of thought. Thus we find in our society a deplorable lack of serious thinking among great sections of the population. We half understand books and periodicals written in English. We find it an ordeal to communicate with each other through a foreign medium, and yet we have so neglected our native language that we find ourselves at a loss expressing ourselves in this language.” (Constantino, 1966)

Noon, konti lang ang may access sa impormasyon sa pagitan man ng media o edukasyon.pero ngayon, kahit sino na ang makakabili ng dyaryo o radio o TV o Internet pa nga. Nakatulong din ang mass media para lumago ang Filipino, pero mas malaki ang epekto ng ipinasok ng mass media sa bansa, mga kanta, pelikula, palabas, libro. Hindi na limitado sa US o Western na kultura, pati na Hapon at Koreano na media (at kultura) ay tinatangkilik na rin.

Malinaw na sa bawat importanteng nangyayari sa bansa, parating may bagay na may kinalaman ang wika. Hindi ito nakakagulat, sabi nga ni Jacob Burckhart, ang wika ang kaluluwa ng isang nasyon. Kung gusto talaga natin baguhin ang sitwasyon ng bansa, hindi sapat ang pagsisi ng lahat ng problema sa mga kurap na pulitiko. Kailangan matuto sa kasaysayan. Ang wikang pambansa ay binuo hindi para mag away-away tayo o para maging mababa ang tingin natin sa atin sarili. Ang wikang pambansa ay para magkaisa tayo at magkaroon tayo ng pagkatao lalo na ngayon sa panahon ng globalisasyon.