Romansa at Nostalgia sa Bride for Rent (Mae Cruz, 2014)


[asahan ang mga spoilers]

NOONG UNA KONG MAKITA ANG trailer ng Bride for Rent, akala ko talaga remake sya ng Audition (1999) ni Takashi Miike. Ang kwento ng Audition ay tungkol din sa isang lalaki, isang byudo, na nagpasyang mahanap ulit ng asawa. Isa syang producer at ang naisip nyang pinakamainam at pinakamadaling paraan para makahanap ng ideal na mapapangasawa ay sa paraan ng isang audition. Gumawa sila ng isang parang casting call ng isang pelikula o project kung saan ang bidang role ay sa isang asawa. Marami ang dumating. At sa huli, may nagustuhan din naman ang byudo. Nang tumagal, pinaliwanag nyang gawa-gawa lang ang project pero naghahanap talaga sya ng asawa. Simula ng ligawan. Ang problema, ang babaeng ito ay merong malagim na nakaraan; minolestya noong bata pa at naging psychopath. Ang huling 30 minutes ng pelikula ay isang nakapa-creative at innovative na torture scene. 30 minutes. Patay ang lalaki, tuloy ang buhay ng babae. Lost oppurtunity, yan lang ang masasabi ko. Star Cinema, lost oppurtunity…

Ayon sa mga kritiko, ang Audition ni Miike ay isang bintana sa gender politics ng lipunang Hapon; nakapamaunlad pero napakababa pa rin ang posisyon ng kababaihan (mas mababa pa lalo ang posisyon ng mga migrant workers, kabilang na mga Filipino). At hindi isolated case ang Audition, parte ito ng isang mas malaking subgenre ng Japanese horror na ‘torture films’. Naniniwala ako na ganito rin ang posisyon ng Bride for Rent; pangunahing intensyon ang mang-aliw pero merong mas malalim na kahulugan o di kaya komentaryo pa. Sa sanaysay na ito, hihimay-himayin ko ang balangkas ng naratibo ng Bride for Rent at iuugay sa mas marami nang naunang ‘infidelity stories’ na ngayo’y namamayani sa parehong telebisyon at sine kung saan ang institusyon ng kasal ang sentrong diskurso. Bakit ngayon lumalabas ang mga teksong ito? At higit sa lahat anu-ano ang mga sosyal na realidad na pinaghuhugutan nila ng materyal? Bakit sila tinatangkilik?

SI ROCCO (XIAN LIM) AY ISANG BATANG negosyante, may ari ng advertizing agency kasama ang barkada na sya ring mga kasosyo. Dahil bago pa lang, mahina ang kita, kailangan ng malaking kapital. Ang posibleng pagkukunan ay ang mamanahin ni Rocco sa kanyang Lola (Pelita Corales). Pero, makukuha nya lang ito kung mag-aasawa sya. Binalikan nila ang mga ex, walang pwede. Hanggang sa nag-resort sila na magpanggap na lang. Patawag ng audition. Pumunta naman ni Rocky (Kim Chiu), isang breadwinner ng isang mahirap na pamilya, naglalako ng underwear pero sumasideline bilang talent. Sya ang napili ni Rocco at pinaliwanag ang kontrata. Pinakilala sa Lola, kasal na daw sila sa huwes. Hindi kumbinsido si Lola, gusto ng kasal sa simbahan. Wala sa usapan, pero payag pa rin si Rocky. Kinagabihan, nabisto agad ni Lola na nagpapangap lang ang dalawa. Pero ayos lang. Gustong turuan ng leksyon si Rocco, tuloy ang pagpapanggap, ngayon may bayad mula kay Rocco meron din mula kay Lola. At alam nyo na ang mangyayari. Hindi inaasahang makakagustuhan sila. Ayaw pala ni Rocco sa kasal kasi iniwan sya ng tatay noong bata pa, may gustong patunayan. Si Rocky, matindi din ang attachment sa tatay at pamilya, kaya handang sumugal para sa kanila. (Kanya-kanyang Oedipus complex lang yan)

Ang pinaka-importanteng parte ng pelikula ay noong nakabistuhan na, kinailangan ni Lola na bigyan ng advice si Rocco tungkol sa kasal. Marami daw ang natatakot sa kasal, natatakot sa ‘forever’. Kasi daw, ang iniisip nila, perpekto ang ‘forever’. Pero hindi. Ang ‘forever’ daw ay binubuo ng araw-araw, araw-araw na pagdisisyon na mamahalin mo pa rin ang taong kasama mo. Maganda di ba? Sinabi na yan minsan ni Zizek; love is not perfecting the imperfect but finding perfection in the imperfect. Sangayon naman ako dito. Pero problematic din ang pagsabi ng mga salitang ito dahil sa format ng pelikula. Romantic-comedy, ibig sabihin, malamang younger audiences ang target nito. At ang mga tauhan, ay mga young adults, ito yung mga taong talagang pinag-iisipan (o pinuproblema) ang usapin ng kasal. (Hindi ko na kinonsider na parehong Chinoy ang mga bida, lalo lang gugulo ang usapan) Sa madaling salita, niri-reinforce ng Bride for Rent ang institution ng kasal. Marami namang rom-com na hindi nagtatapos sa kasalan. Dito mo na makikita ang elective affinity ng Bride for Rent sa iba pang pelikula o kwento ‘infidelity’; kabit, querida, dalawang-babae-nagpapatayan-para-sa-lalaki. Sa huli, pagkatapos ng iyakan, sapalan, at seksing(?) love scene(s), kailangan linawin kung sino ang ‘legal wife’ at kung sino ang ‘other woman’. Bakit umusbong at tinatangkilik ang mga kwentong ito? Kailangan tignan ang mga nangyayari sa institution ng kasal sa aktwal na lipunan.

ANG PAMILYA ANG SENTRO NG lipunang Filipino. Sa hirap ng buhay at inefficient na estado (mahirap ang buhay dahil sa inefficient na estado), wala kang maaasan kundi ang pamilya mo o di kaya mga kamag-anak. Walang disenteng retirement program, kaya pamilya ang nag-aalaga sa mga matatanda. Walang disenteng educational program, kaya pamilya ang gumagapang sa pag-aaral ng mga bata. Walang disenteng healthcare program, kaya pamilya ang kumakayod para may pangpagamot. Sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng bansa, madalas, pamilya mo lang ang matatakbuhan mo. Kaya isang seryosong usapin ang kasal o pagbuo ng sariling pamilya. Kaya merong konsepto ng sukob (Bawal magpakasal sa loob ng isang taon ang dalawang magkapatid o kapag may lamay. Ang mga ritwal na ito ay parehong [economically, socially, mentally] stressful para sa buong pamilya, kaya kailangan limitahan). Mababa rin ang tingin sa mga matatandang dalaga (pero walang konsepto ng ‘matandang binata’) dahil wala silang sariling pamilya na sinusuportahan o sumusuporta sa kanila.

Ngayon, ang institusyon ng kasal at pamilya mismo ay nasa krisis, dala na rin ng marami pwersa. Una ang patuloy na pag-export ng mga manggagawa sa labas ng bansa; noong una, mga lalaki, ngayon, mas maraming babae o feminized na ang labor export. Mga pamilyang walang nanay, o tatay, o parehong malayo, meron lang breadwinner na panganay tulad ni Rocky. Tawag nga ng ilan dito ay ang pagkaroon ng postfamily, at may kalakip itong pagbabago ng mga relasyon. Sunod, ang iba’t ibang grupo na humahamon o gustong baguhin ang institusyon ng kasal; LGBT at pro-RH bill pa lang ang medyo tanyag, wala pa ang pro-divorce at pro-abortion. Ang mahihirap, nagli-live-in (cohabitation) na lang dahil hindi kayang magpakasal, ang middle class nagli-live-in din o di kaya dini-delay ang kasal dahil kailangan munang mag-ipon. O di kaya lubusan nang hindi naniniwala sa kasal tulad ni Rocco. Nagiging katanggap-tanggap na rin ang singe parent, babae man o lalaki. Bumababa ang halaga (value) ng kasal pero hindi ito lubusang maibalikwas. Merong mismatch sapagitan ng mga namamayaning pananaw (modern) at materyal na kondition (feudal, semifeudal).

Ang mismatch na ito ay isang conducive na kondisyon para sa pag-usbong ng mga infidelity film o stories. Ang lahat ng problema ng lipunan ay nae-embody sa figura ng kerida, ang home-wrecker. Ibig sabihin ang mga infidelity stories ay nostalgic sa isang nakaraan kung saan isang tao lang ang nagdadala ng problema, at ang nakaraan na ito ay kathang-isip lamang. Mas madaling sisihin ang isang maharot na babae kesa problemahin ang nagkakabuhol-buhol na mga sulirain ng panahon.

DITO NA PAPASOK ANG POTENSYAL ng Bride for Rent. Oo, niri-reinforce pa rin nya ang kasal pero kahit papano ay may level pa rin ng disenchantment (hindi perfect ang forever, etc) bago ang happy ever after. Ang disenchantment na ito ay kailangan itaas sa politikal na antas. Ang kasalan at pagmamahalan ay hindi nangyayari sa loob ng isang vacuum: ikaw at ang iyong mahal sa buhay ay parte pa rin ng lipunan. Kailangan makialam at makisangkot sa paglutas ng mga isyu sa labas ng tahanan dahil malaki ang kanilang kapangyarihan para impluwensyahan ang mga nangyayari sa loob ng tahanan. Ang matiwasay na pagmamahal ay mabubuhay lamang sa isang matiwasay na lipunan na makakamit lamang ng malawakang pagbabago.

At wala nang mas dakila pa sa ganitong klase ng happy ever after.

U.P.C.A.T. (Roman Olivares, 2008)


Sa isang bansa kung saan naka-display ang mga diploma sa sala, kung saan mantra ang ‘kabataan ang pag-asa ng bayan’, kung saan isa pang mantra ang ‘edukasyon lang ang yaman na mapapamana namin sayo’, ang Unibersidad ng Pilipinas, bilang pinakapremiyadong pamantasan ay isang importante teksto. Isa pang mantra ang ‘UP and others’. Natural mga taga-UP lang yata ang naniniwala dito. Madalas, mas importante pa ang makapasok dito kesa maka-graduate (on time or otherwise). Ito ang tinatalakay ng U.P.C.A.T., tungkol sa dalawang magkaibigan na pinapangarap na makapasok sa unibersidad. Bago ang atake ng pelikula kasi nasa foreground ang adolescent anxieties at sa background lang ang romance. Sa tingin ko isa ito sa iilang tunay na coming-of-age Filipino films. Ang problema, nag-rely ang naratibo sa mga stereotypes regarding college; biktima ng frat hazing, mga estudyanteng nagrebelde (yung literal hindi angst lang). Ibig sabihin, kahit ibawas mo ang U.P. sa formula, buo pa rin ang kwento. Isa sigurong magandang treatment ng U.P. para sa mga future film makers ay ang nagbabagong anyo nito, na bahagyan ring ginawa ng pelikula. Ngayon, ang U.P. imbes na maging sentro ng committed scholarship ay nagiging branding nalang. Kaya ang dating ‘freedom’ na ginagamit para ibalikwas ang mga reaksyonaryong pananiniwala na kinalakihan ay ginagamit na lang ngayon para sa burgis decadence (parties, mga bisyo, pagka-arogante, postmodernism, hehe). Ang pamagat ng pelikulang ito?
S.T.F.A.P.

Feng Shui (Chito Roño, 2004)


Ito ang pelikulang nagsimula ng lahat, ang nagdefine ng Pinoy blockbuster horror movie. Kwento ng isang nanay na may napulot na bagwa na nagdala ng maraming swerte sa pamilya nya. Hindi nya alam, may kapalit pala ang lahat ng ito. Kung gagamit natin ulit ang formula ni Zizek sa horror movies, kwento lang ito ng isang nanay na sinusubukang pagsabayan ang buhay pamilya at ang career nya, at kagimbalgimbal ang resulta. Kulturang Tsinoy ang source of horror pero hindi ito racist. Ang paniniwalang Tsino, lalo na tungkol sa swerte, ay nilagay sa kontekso ng lipunang Filipino kung saan tila swerte lang yata ang katubusan sa malaking divide sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Ang pinapangarap na bahay ng new middle class sa isang subdivision ay naging espasyo ng kakatakutan. Sa huli, hindi nalupig si ‘Lotus Feet’, simbolo ng aristokrasya. Matibay ang kaayusan, at hindi sapat ang swerte para matibag ito.

Side Effects (Steven Soderbergh, 2013)


Si Emily (Rooney Mara) ay problemadong babae. Apat na taong nakulong ang kanyang asawa at isang araw bigla nya nalang sya nagtangkang magpakamatay. Sya ay nadi-depress. Pumunta sya kay Dr. Jonathan Banks (Jude Law) para magpatulong sa problema. Nagkataon naman na may bagong gamot na sinusubukan ang doktor. Pinagamit nya kay Emily. Maraming side effects ang bagong gamot, pagkahilo, pagbago ng gana sa pagkain. Pagkalipas ng apat na araw, pinatay ni Emily ang asawa nya. Ang sinisi, ang gamot na binigay ni Banks, at natural, dahan-dahan nasira ang career at buhay niya . Hindi sya na kuntento, pinursige ang kaso ni Emily at mas komplikado pa ang nadiskubre nya. Ngayon mukha sya naman ang sira ulo. Pagkatapos ng umaatikabong tagisan ng talino, naresolba din ni ang lahat. Ang Side Effects ay isang brilliant na pelikulang marahil pangunahing tumatalkay sa mga problema ng mga individual pero higit na kumukumento sa isang komplikadong kaayusan na pinapatakbo ng pera, pulitka, agham. Isang kaayusan na madaling malunod ang kung sino man. Malabong ma-appreciate ito ng Filipino audience, pero medyo magkahawig naman ang atake ng pelikula sa ilang Pinoy na pelikula kung saan sinasakal at pinapatay ng lipunan ang individual (e.g. Maynila sa mga Kuko ng Liwanag). Ang madalas ng diskarte sa Pinoy productions ay trahedya, pakonsensya ang mensahe, sa Side Effects naman, i-transcend ang kaayusan. Obviously ang pinakamainam sa solusyon ay hindi tragic o transcendentalist, kundi baguhin mismo ang mga estrukturang mapanupil.

Markova Comfort Gay (Gil Portes, 2000)


Maliban na lang sa awkward na pag-arte ni Loren Legarda, wala kang makikitang problema sa pelikulang ito. Heto na naman si Dolphy sa gay role pero seryoso ang atake. Tungkol sa isang matandang bakla, si Walter, na piniling ilabas ang kwento ng buhay nya lalo na noong World War Two. Ginawa ang pelikula sa kasagsagan ng paglabas ng mga lolang tinawag na mga comfort women o mga ginahasa at pinarausan ng mga sundalong Hapon. Nagsimula si Walter mula sa pagkabinata/pagkadalaga, kung paano sya naging Walterina, nagtrabaho sila bilang mga performers bago, habang, at pagkatapos ng digmaan, hanggang sa isa-isa nang namatay ang mga kabarkada nya. Natapos lang ang kwento nya, nagdududa pa rin si Loren, at dito ang pinakapulitikal na mensahe ng pelikula, na si Walter mismo ang nagsabi, nagpapakatotoo ka na nga, wala pang naniniwala sayo. Maganda itong palaisipan sa mga kasalukuyang mga membro at tagasuporta ng tinaguriang ‘gay movement’ o ‘gay pride’. Sapat na bang lumabas sa closet? Maraming magkakadugtong na isyu ang ‘niladlad’ ng Markova; World War Two at kasaysayan, comfort women, elderly, usapin ng pagkabading, pati na kahirapan dahil si Winston mismo ang nagte-train ng ilang Japayuki. Pinakita niya at ng ibang bakla sa kwento na sila ay parte din ng lipunan, ng kasaysayan, tumatanda, at namamatay kahit gaano pa sila kamasayahin. Bakit makukuntento sa paglabas sa ‘closet’ kung dapat itong sirain?

Ang iniisip ko lang, dapat sana matutukan din ng kritikal na atensyon ang ibang pelikula ni Dolphy kung saan bakla ang role, hindi lang mga tulad nito na sadya ang pag-tackle ng pagkabakla.

Patayin Mo sa Sindak si Barbara (Celso Ad Castillo, 1974)


Ewan ko lang kung may iba pang nakapuna, pero maliban sa pari, driver, at isang boy, si Nick (Dante Rivero) lang ang lalaki na tauhan na pelikulang ito? Basically sa kanya umiikot ang kwento. Isang araw, napauwi si Barbara (Susan Roces) mula US para sa libing ng kapatid nya, si Ruth (Rosanna Ortiz). Nagpakamatay si Ruth dahil sa selos, anxiety, at despair na rin dahil may babae daw si Nick. Seryoso. Pinatay nya ang sarili kasi ayaw aminin ni Nick na may chicks sya. Bago sya mamatay, pinagsusumpa nya si Nick at ang babae nito, habang nangangakong babantayan ang anak na si Karen (Beth Manglongat). Dito na sya sumanib sa manika. Wala pa rin sa sarili si Nick pagkatapos ng libing, galit ang anak nya sa kanya, ayaw na ni Barbara sa kanya. Basically na castrate na si Nick. Ang kwento, pwede nang matapos doon. Pero hindi, si Barbara talaga ang gustong tudasin ng espirito ni Ruth. Bale dapat sana ang pamagat, “Turuan lang natin ng leksyon ang asawang nangaliwa pero tangina patayin natin hindi lang sa sindak ang kabit nya kahit pa stepsister ko pa sya.” Mabigat din ang Christian symbolism sa pelikula, kaya natural, overtly patriarchal din ang treatment sa mga tauhan na sina Ruth at Barbara. Dalawang babae na handang magpatayan para sa lalaki (phallus). Maganda ang pelikula, medyo sobra lang yata sa mga monologue, pero mapapatinding pa rin ang balahibo mo. Subukan ko naman humanap ng kopya sa version ni Chito Roño.

Hellboy (Guillermo del Toro, 2004)


Isa ito mga pelikula na ilang beses nang ni-recommend sa akin, sa pinakamahabang panahon, mula hayskul pa. Pero tila hindi ito ang tipo ng superhero movie na talagang gagawan ko nang paraan para mapanood. Buti na lang at hindi ako nadismaya. Maaksyon, bastante ang acting, nasa lugar ang paggamit ng humor, refreshing diskarte ni Ron Perlman bilang antihero. Sa tingin ko lang, medyo sumobra na sa symbols. May Nazis na sa umpisa, may crucifix pa ang father figure ni Hellboy. Maliban na ‘excess’ na ito, wala akong problema sa pelikula.

Turks fruit [Turkish Delight] (Paul Verhoeven, 1973)


Nalaman ko ang pelikulang dahil sa kapatid ko, na nagkataong may nakita na parang ‘list of most fucked up films’ sa internet. At marami na akong napanood at nagandahan sa listahan na yon! Antichrist, Salo, A Clockwork Orange. Ito yung hinanapan nya ng kopya kasi daw love story. Love story nga xa, at medyo kailangan ng matibay na sikmura para ma-gets ang pag-ibig nina Erik (Rutger Hauer) at Olga (Monique van de Ven). Sex dito, panggulo doon, at sex ulit. Makwela, pasaway, offensive sa mores ng kahit kanino, hindi lang sa mga matatanda. Sa tingin ko ito ang mas carnivalesque version ng Last Tango in Paris. Pag-ibig sa pinaka-raw at ‘earthly’ na anyo nito. Ito daw ang considered greatest Dutch film of all time, dyosko, gusto ko yatang pumunta sa lugar kung saan mga ganitong klase pelikula ang pinagkakaaliwan ng nakakarami.

The Strangers (Lawrence Fajardo, 2012)


Maraming mahahalaga at importante punto ang The Stangers, sa kasamaang palad malamang malalaktawan ang mga ito dahil sa kahinaan nito sa formal na antas. Kwento ng isang burgis na pamilya na mukhang magbabakasyon para ipagdiwang ang 18th birthday ng kambal, si Dolfo (Enrique Gil) at Pat (Julia Montes). Sa tradisyon ng mga cliche, babyahe sila sa isang di pamilyar na lugar, maaaksidente (may nasagasaan sila), at ang hudyat para sa tunay na kababalaghan ay kung masiraan sila at ma-stranded sa gitna ng kawalan. Pati mga tauhan na palaging present sa ibang horror movies, nandito din. Yung driver na walang magawa sa saksakyan at ang kasambahay na masyadong superstitious (may ‘taming’ pa galing Capiz! Salamat sa dyos wala syang Bisaya o Ilonggo na tono). Ang una mong mapapansin sa kwento ay ang misteryosong karakter ni Enchong, isang dating biktima ng aswang at naging cazadores a la Blade. May tumulong din sa mga bida, mga taga-baryo na hindi mo agad pagtitiwalan. Ang sunod na mangyayari siempre ay isa-isa silang mamamatay. Pero bakit mo pa rin kailangan taposin ang pelikula? Dahil ang mga totoong aswang ay hindi yung mga tagabaryo kundi ang mga dayo mismo. Kaya mo yun? Binaliktad ang aswang-narrative convention ng 180 degrees. Ikaw na bahala kung ano ang metaphor ng ‘the stangers’, mapa land grabbing man, extra judicial killings, or militarization. Sayang at madali itong miss dahil sa loopholes ng plot. Mukhang palpak na horror flick lang ang The Strangers na medyo namanol sa special effects pero naniniwala akong mas marami pa itong sinasabi.

De tu ventana a la mia [Chrysalis] (Paula Ortiz, 2011)


Ito ang klase ng pelikula na napakakonti ng nakikita mo, pero alam mong napakarami ng nangyayari. Kwento ng tatlong babae sa iba’t ibang panahon; si Violet (Leticia Dolera) isang dalaga noong 1920s na naghihitay sa isang lalaki na marahil hindi na babalik, si Ines (Maribel Verdú), asawa ng isang anakista noong 1940s, kasagsagan ng Spanish Civil War, at si Luisa (Luisa Gavasa) isang matandang dalaga noong 1970s na nalaman na may breast cancer at nag-aasam ng sariling dakilang pag-ibig habang niyayanig ang syudad ng aktibismo. Ang premise na pinahihiwatig ng mga kwento ay love story pero ang kanilang mga tamis at kasawian ay humahanay sa kasaysayan ng isang bansa at ang masalimuot na posisyon ng kanyang kababaihan. Kaya parang ang buhay sa kanila ay mula lang sa bintana, nakikinita nila pero di lubos na nararansan. Unti-unti na kayanan din nilang mahunin ito ay nakamit ang liberasyon, gaano man kaliit. Malinis at hindi nagmamadali ang pagsalaysay, ang mga imahen ay naging isang tula. Sa kung sino man ang gagawa ng pelikula na tulad sa structure ng De tu ventana a la mia pero sa Pilipinas ang context, siguradong walang katapusan ang mapaghuhugutan ng material.