Dagat


Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig.
Hindi maiintindihan ni Alan ay kung bakit nya kasama ang mga maiingay na kaklase nung hayskul sa kani-kanilang unang Chrismas Break sa kolehiyo, sa harap ng dagat ng Tigbauan. Hayskul reunion daw. Bakit, tanong ni Alan sa mga ka barkada, tayo mauulila sa isa’t isa? E nung April lang tayo magkasama. Magkakasama pa nga tayo sa schools natin ngayon e.
“Ang KJ mo talaga Alan,” sabi ni Edmund habang sinasampay ang tuwalya sa upuan. Kakatapos lang nilang magbanlaw pagkatapos maligo sa dagat nang halos buong umaga. Kasama din nila sina Ferdinand at Paul. Mga kabarkada na nag aaral ng nursing sa syodad. Nagpapalabas ng sama ng loob ang dalawa dahil may three units sila ng Theology nung first sem. “Grabe kaya tatlong oras kada linggo” sabi ni Paul.
“Bat kasi kayo nag aral sa Catholic na university, yan tuloy,” sabi ni Edmund. “Sa amin walang uniform, walang dress code, walang religion—”
“Oo,” pasok ni Ferdinand, “wala ring mall!”
Tawanan. Pinipigilan ni Edmund ang pag tawa, nagiisip ng maiisumbat pabalik.
“Walang mall,” sagot ni Edmund, “Kaya walang gastos! O, ano?”
Walang hangganan ang palitan ng kwento. Kanya kanyang grupo din. Ang mga babae dito, mga lalaki dun. Kwento tungkol sa bagong school, sa kurso, sa mga bagong kaklase. Kwento tungkol sa gano ka iba ang college sa highschool. Di tumagal ay puro kwentong highschool naman. Mga kalokohan at dramahan. Kahit magtatanghali na, tuloy pa rin ang palitan ng mga alaala at tawa.
Hindi sabay-sabay ang pagdating ng mga tao. Napahinto si Alan nang napansin ang bagong dating. Nagdududa pa si Alan nung una. “Si Veronika ba yun?” tanong ni Paul, “di ko alam na pinaiklian nya pala ang buhok nya.”
Nagtinginan silang apat. Siniko ni Ferdinand si Paul at binulong, “Cool lang…”
Nagpatuloy si Edmund magkwento, “Dun kasi sa Miagao, pinaka respitado kaming mga Soc.Sci. majors…” Napansin ni Alan na hindi rin naniniwala sina Paul at Ferdinand sa mga kwento ni Edmund.
Biglang tumayo si Ferdinand, “Oo, sige na. Umalis ka na dyan…” nakatingin ito sa duyan na ilang cottage din ang layo sa kanila. Umalis ang isa pang guest ng resort na nakahiga dito. “Lipat tayo dun!” sigaw ni Ferdinand. At nagtakbuhan sila papunta sa duyan. Nagtinginan ang ilang tao sa kanilang apat. Una nakarating si Ferdinand at agad itong humiga.
“Teka,” sabi ni Edmund, hinahabol ang hininga, “ang daya. Saan kami uupo?”
Nakatali ang duyan sa magkatabing puno ng niyog. Malayo ito sa mga cottage pero mas malapit sa dagat. “Ewan ko,” sabi ni Ferdinand, “sa buhangin.”
“Badtrip naman o,” sabi Paul at umupo. Umupo na rin si Alan at Edmund sa medyo mainit na buhangin. Naka talikod sila sa dagat. Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig. Malakas ang hangin at maingay ang mga alon. Tuloy ang kwentuhan. Pinipigilan ni Alan na lumingon at pagmasdan ang bagong buhok ni Veronika.
Nakalipas ang kalahating oras ay lumapit ang ilan sa kaklase nilang mga babae kasama si Veronika.
“Uy, boys,” sabi ni Beth, “Mauna na kami ha.”
“E ano ngayon?” tanong ni Edmund.
Tumawa pati ang mga babae.
“Hay naku Ed! Hindi ka pa rin nagbabago.”
“Bat naman ako magbabago? Sige ingat kayo. Tambay muna kami dito.”
“Hatid nyo naman kami.”
“Ha? E ang tatanda nyo na e.”
“Sige na Ed. Bilisan mo na.” Naintindihan ni Edmund kung ano gusto mangyari ni Beth.
“Tara Paul, samahan muna natin sila.”
“Ha?” angal ni Paul. Tinignan ni Edmund sa mata. “Ah, okay, oo ba. Mabilis lang naman e. Ferdinand.”
“Ha? E aagawin to ni Alan yung duyan ko.”
“Bantayan ko muna,” sabi ni Veronika.
Sinakyan na lang ni Alan. Naiwan silang dalawa. Nakaupo si Veronika sa duyan at di gumalaw si Alan sa pwesto nya.
Lumilipad ang tingin ni Alan. Sa bunga ng niyog, sa mga dahon nito, sa cottage nila, sa ibang guest ng resort. Hindi makatingin kay Veronika.
“Kamusta ka na?” tanong ni Veronika.
“Ayos lang,” sagot ni Alan, “Kala ko uuwi na kayo.”
“Sila lang. Kakarating ko lang kaya.”
“Yun nga e.”
“Pumayat ka yata.”
“Puyat. Kasama ba naman si Ed sa dorm.”
Tumawa si Veronika, “Talaga, mag roommate kayo?”
“Hindi. Yun nga mas malala. Hindi ko sya roommate pero parati sya sa room namin.”
“Hay. Ed talaga.”
“Ikaw, bat ka nagpagupit?”
“Wala lang. Bagong look.”
Ngumiti si Alan, “Naisip ko rin.”
“Matagal na tayo hindi nagkikita.”
“Maganda ang Miag-ao. Hindi mo siguro magugustohan dun. Pero gusto ko dun.”
“Talaga? Masyal kaya ako dun. Hindi pa ako nakapunta dun.”
“Wag na. Mapapagod ka lang sa byahe.”
“Kamusta ka na?”
“Sabing ayos lang nga.”
“Ang ganda ng dagat.”
“Oo, napakalawak. Pagnakarating ka dun sa dulo, mas malawak pa pala kesa sa inaakala mo.”
“Ang lalim ah. Ganyan ba natutunan nyo sa Miagao?”
“Yan at marami pang iba.”
“Kailangan ko talaga pumunta ng Miagao.”
“Wag na sabi.”
Tuwama sila pareho.
“Alan,” sabi ni Veronika, “hindi ko alam kung ano ang sasabihin.”
Ngumiti si Alan, “Wala naman nagsabi na dapat tayo magusap.”
“Oo nga.”
Ilang minuto hindi sila nagsalita.
“Hindi ka naman dapat mabahala,” sabi ni Alan, “Wala kang dapat ipaliwanag. Umpisa palang alam ko na darating at darating tayo dito.”
“Bat mo pa pinatuloy?”
“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hindi ko sinubukan.”
“E, ako. Mapapatawad mo ba ako?”
“Mahirap magalit sa mga tulad mo. Ayos na rin, kasi sinubukan mo rin.”
“Ewan ko. Tadhana na lang ang bahala.”
Ngumiti si Alan, “Tadhana? Ang tanda mo na pero naniniwala ka pa dyan? Alam mo ba na ang mga naniniwala sa tadhana ay mga taong tamad o…”
“O ano?”
“Mga taong takot.”
Pinilit ni Veronika ngumiti, “Astig ah.”
Tinignan ni Alan ang kanyang mga mata, “Sabing hindi natin kailangan magusap e.”
Pinanindigan ni Veronika ang ngiti nya, “Wala to.”
“Alam ko rin ang gusto mo sabihin sakin ngayon.”
“Dami mong alam ah.”
Sumikip ang dibdib ni Alan, “Magkaibigan pa naman tayo e.”
“Ibig ba sabihin nun, pwede na ako pumunta ng Miag-ao?”
“Mas gusto ko ang Miag-ao kung ano sya ngayon. Magkaibigan pa rin naman tayo kahit hindi ka pumunta sa Miag-ao.”
“Oo nga.”
“Hindi natin kailangan magusap. Ang ganda ng dagat.”
“Oo nga. Dito muna tayo. Buti magkaibigan na tayo ulit. Magiging ayos na ang lahat.”
Tinignan ni Alan ang dagat. Hindi na nya malaman kung saan natatapos ang dagat at kung saan nagsisimula ang langit. Sayang, isip ni Alan, hindi mo mararamdaman kung gano ko gusto maniwala
Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig.

Christmas Party


“Bago ba yang tshirt mo Alan?” tanong ni Edmund.
“Hindi. Tagal na kaya nito.” sagot ni Alan.
Kakatapos lang nilang maligo at mag ayos. Naglalakad sila papuntang karinderia. Madilim na ang dorm area. Tahimik at mahamog. Umulan nung hapon.
“Kadalasan kasi bago ang mga tshirt ng mga tao pag Christmas party. Pormahan talaga.”
“Ewan. Pati ba naman nyan nakikita mo.”
“Oo ba.” sagot ni Edmund, “Pati yung karinderia may decorations o.”
May parol at ilang Christmas lights ang harapan ng karinderiang kinakainan nila parati.
“Light dinner lang tayo nang mabilis.” sabi ni Edmund. “Mukhang matatagalan pa yung mag start ang program.”
Pumili sila ng ulam at binayaran ito.
“Anong meron sa inyo ngayon Alan?” tanong ni Aling Celia, ang may ari ng karinderia.
“May Christmas party po sa dorm.” sagot ni Alan.
“Ah, ganun ba.”
“Konti lang po ang mga tao ngayon ah.” komento ni Edmund habang nagbabayad.
“Ganyan talaga. Byernes ng gabi eh. Nag siuwian ang mga estudyante.”
“Ah,” sabi ni Edmund at kinuha ang sukli nya.
Umupo sila sa isa sa mga mesa. Parehong nakaharap sa TV, nanood ng balita.
“Teka nga pala tol, ano gift mo sa ka exchange gift mo? Babae, lalaki?” tanong ni Edmund.
“Babae. Hindi ko nga alam kung ano gusto nun eh. Binilhan ko lang ng mug. Para magamit nya.”
“Ayos na yon. Pag di mo alam ang gusto ng nabunot mo. Bilhan mo sya ng mapakikinabangan nya.”
“Yun nga rin eh.”
“Ako binilhan ko ng isang set ng panyo. Isang set nga sana ng brip eh. Kaso di ko alam yung size nya.”
Tumawa silang dalawa. “Gago ka talaga Ed.”
“Speaking of gifts, may binigay si, nu nga pangalan nun? Yang classmate mo sa Math.”
“Ha? Ah, si Emily. Wala yun. CD na binurn nya. Rockers yun eh.”
“Bat ka nya binigyan?”
“May pinahiram kasi akong libro sa kanya ngayong bakasyon.”
“Anong libro?”
“Basta. James Joyce.”
“Ewan. Parating kayo magkasama mag lunch di ba?”
“Oo, medyo hawig sched naman eh. Kaya yun.”
“At mabait sya.”
“Oo, astig kausap.”
“So?” tanong ni Edmund. Tumigil si Alan sa kangunguya. Ngumiti si Alan.
“Kaibigan ko lang yun.”
“Wala naman akong sinabi ah.”
“Dun din yon papunta ang kwentuhan.”
“Ewan. Pansin ko lang ha, ganda ng ngiti mo pag magkasama kayo.”
“Wala yun. E ano kung ngumingiti ako?”
Ngumiti ni Edmund. “Ano pa hinihintay mo?”
“Ha? Ano ba Ed. Naisip ko rin yan. Pero, baka natutuwa lang ako sa kanya.”
“Oo nga pala, langhiya naman o.”
“Isa pa, ayoko rin eh. Ayos naman ako.”
“Hay ewan ko sayo. Bilis ng oras.”
“Grabe nga eh. Sembreak,ngayon Christmas break. Next year summer break naman. Second year na tayo. Ang bilis.”
Napansin ni Edmund na blanko ang tingin ni Alan.
“Alam mo tol,” sabi ni Edmund, “nagkausap kami ng isang araw.”
“Sino?”
“Alam mo na.”
“Ah, ano daw?”
“Wala. Kamusta. Nagkasalubong lang eh. Umalis din agad.”
“Mukha naman syang ayos or ano…”
“Ayos lang. Mukhang. Ewan.”
“Edi ayos din.”
“Hanggang kailan mo ba gagawin yan tol?”
“Ano ibig mong sabihin?”
“Subukan mo syang kausapin. Ikaw lang ang mahihirapan sa kakatiis mong yan.”
“Parang na manhid na nga ako eh.”
Tumayo sila at naglakad pabalik sa dorm. Kanya-kanyang Christmas lights ang mga magkakatabing dorm. Maririnig sa malayo ang tugtog mula sa dorm nila.
“Kahit magkaiba ugali natin pero buti na lang magkaibigan tayo.”
“Bakit?”
“Pag ikaw lang mag isa, mabilis kang tatanda.”
Ngumiti si Alan, “Kung ikaw lang mag isa hindi ka na tatanda.”
Tumawa silang dalawa.
“Ako tol,” sabi ni Edmund, “nababadtrip lang ako eh. Hindi ko nakikita ang saysay kung bakit nagkakaroon pa rin tayo ng mga ganitong klaseng kwentuhan.”
“Bakit naman?”
“Wala. Hindi ka ba napapagod?”
“Oo. Pero, ewan. Nasanay na eh.”
Lalong lumalakas ang tugtog habang palapit sila sa dorm.
“Hanggang umaga naman to.” sabi ni Edmund.
“Sinabi mo pa.”
“Ang pinakaimportante ay yung Ngayon. At magpa-party tayo ngayon. Kalimutan ang NSTP bukas!”
Tumawa silang dalawa.
“’Ngayon’ pala ha,” ngumiti si Alan, “sige subukan ko, gift ko sayo.”
“Hindi, gift mo sa sarili mo.”
Nasa labas na sila ng dorm. Nagpapatay-sindi na ang mga makukulay na ilaw. Unti-unti nang dumadami ang tao sa loob. Suot ang kanilang mga bagong damit at bitbit ang mga regalo.
“Tama na yan!” sabi ni Edmund. “Parati na lang tayo nag iisip ng malalim. Magsasawa ka rin sa kakaisip nyan. Pasok na tayo.”
Tumawa si Alan. “Napakalayo pa pare, pero papunta na ako dun.”

“Blessed are the forgetful: for they get the better even of their blunders.”
-Friedrich Nietzsche

Inuman


“Ang tanging kasalanan ko sa mundo, “sigaw ni Arthur, “ay ang magmahal ng isang magandang babae!”
Lasing si Arthur. Inaalayan sya ni Robert sa kanan at ni Alan sa kaliwa. Kasawa rin nila si Jake at Edmund. Lahat sila nakainum. Paekis-ekis na rin maglakad si Edmund. Malapit nang mag hating gabi. Naglalakad sila pabalik sa dorm.
“Pano tayo makakapasok sa dorm nito?” tanong ni Robert.
“Ewan.” sagot ni Alan.
“Langhiyang Art, binigyan pa tayo ng problema.” sabi ni Edmund.
Tinuturing nila si Arthur bilang pinakamatalino sa bagong barkada nila. Mahilig magkwento at magdebate. Parating may librong hawak. Maraming alam sa mundo. Nangyaya ito ng inuman.
Sya parating namumuno sa diskusyon. Nagtanong sya kung alam nila ang ibig sabihin ng Social Democracy. Walang may alam, ipinaliwanag nya. Tinanong kung ano ang masasabi nila. Nag kwento din sya bakit kailangan ng political will sa bansa. Kung may silbi pa ba ang SK. Ano ang problema sa sistema ng edukasyon sa Pinas. Masaya ang lahat na nagiinuman.
Dahan-dahan na tungo ang usapan sa pamilya. Na-miss na ni Arthur ang bahay nila sa Davao. Magdadalawang buwan na syang hindi nakauwi. Nahihirapan pa rin syang mag Hiligaynon. Kamusta na kaya ang mga ka barkada sa hayskul. Nagpalitan ng mga kwento. Napansin na nila na marami na ang na iinom ni Arthur.
“Sabay sabay tayo pare,” sabi ni Arthur habang tinataas ang baso, “ang toast na to, ay para sa mga kabataang matatapang ang mga pananaw ngunit merong mga duwag na damdamin! Sana wag tayong tularan ng mga susunod na henerasyon!”
Mag roommates sina Jake at Arthur. Sabi ni Jake madaling araw na pumasok si Arthur sa kwarto. Nagising sya nang marinig ang paghulog ng cellphone ni Arthur sa sahig. Napansin rin nya na namumula ang mga mata ni Arthur. Kinaumagahan, kinamusta nya si Arthur. Ayos lang daw. Inum daw mamya.
“Nakakagago naman nito,” sabi ni Arthur, “bat ba tayo nag aaral sa bundok at gubat?”
Nasa harap lang ng campus ang pinaginuman nilang bar at restaurant. Kaso ang dorm nila ay isa’t kalahati pang kilometro. Limang minuto lang na byahe galing dorm papunta sa klase nila pag naka traysikel. Pag naglalakad sila, mga kalahating oras din. Wala ng mga traysikel at may kasama pa silang lasing.
Aspalto ang daan. Sa magkabilang gilid ay gubat. Paakyat-pababa din ang daan. Merong mga streetlights sa kaliwa nila pero hindi ganong maliwanag. Magkakalayo din ang mga streetlights. Malamig ang hangin. Malaking pasalamat nila na maganda ang panahon. Bilog ang buwan at maraming bituin.
Nangangawit na ang mga balikat at mga binti nina Robert at Alan.
“Jake,” sabi ni Robert, “Ikaw naman dito o.”
“Sige, badtrip naman si Art e.” pinalitan ni Jake si Robert.
“Ed,” sabi ni Alan, “ako rin, nakakapagod e.”
“Bahala ka dyan,” sagot ni Edmund. “Baka sukahan ako nyan.”
“Wala ka talagang kwenta Ed.”
“Oo nga,” biglang sagot ni Arthur, “Wala ka talagang kwenta Ed. Bakla ka no?”
“Baka ikaw, lasenggo.” mabilis na tira ni Edmund.
“Ewan. Hindi naman ako lasing e. Nakainum lang.”
“Kaya pala hindi ka makalakad ng maayos.” komento ni Robert.
“Oo nga.” sangayon ni Edmund.
“San naba ako? Tama. Yung mga magagandang babae…”
“Nakainum o hindi, maingay talaga ang isang to.” sabi ni Jake.
“Bilisan na lang natin.” sabi ni Alan.
“Kung iisipin,” patuloy ni Arthur, “nasa palad ng sino mang magandang dalaga ang mundo.” Tumigil saya at naghintay ng reaksyon galing sa mga kasama.
Sinakyan naman ni Edmund, “Bakit naman? Hay nako.”
“Kasi, nagkakarandapa lang ang lahat ng binata sa kanya. At dahil dito masamang disisyon ang magkaroon ng isang magandang nobya.”
“Tapos?”
“Syempre, pinagaagawan sya. Pag may nakita lang syang konting mali sayo, mapapaisip nya na, bakit ako poproblemahin tong tao to? Kahit sinong lalaki nagkakagusto sakin.”
“Hindi naman siguro lahat tol ganyan.” Sabi ni Alan.
“Umm. Pwede. Siguro. Pero hindi mo madi-deny e. Meron silang surplus. Anytime, pwedeng palitan. Di ba?”
“Tama.” sagot ni Edmund.
“Actually alam ko naman yon. Yung nobya ko dun sa Davao. Nobya dati pala. Kung pwede ngalang ayokong lumapit dun e. Napakaganda na alam mo talaga na problema lang dadalhin ng babaeng yun sayo. Hay nako.”
“Bakit mo pa rin pinursige?” tanong ni Edmund.
“Ewan. Basta nagkatabi kami sa isang klase. Nagusap kami. Tapos hindi ko na matigilan ang sarili ko.”
“Hay nako.”
“Anong oras na ba to?” tanong ni Robert, “Pwede pa kaya tayo makapasok?”
“11:45,” sagot ni Edmund. “kaya pa yan.”
“Hindi nyo ako maiintindihan.” sabi ni Arthur, “Hindi nyo pa kasi napagdaanan to.”
“Yan si Alan,” sabi ni Edmund, “kaka iwan lang sa kanya ng kaklase namin sa hayskul.”
“Ed, ano ba?” pikon na sabi ni Alan.
“Ayos lang yan tol,” sabi ni Arthur, “Astig ka nga e.”
“Bakit?”
“Parang wala lang sayo. Astig. Ako na perwisyo ko pa kayo. Astig. Gastos pa.”
“Pabayaan mo na. Wala ka na mang mababago sa nangyari.”
“Mag kwento ka kaya tol?”
“Heto na naman tayo.” sabi ni Edmund.
“Gago ka Ed. Basta ibang usapan naman yung sa akin.”
“Ikaw bahala. Basta, sana inunahan ko na lang. Summer pa lang may kutob na kasi ako. Pero hindi ko lang pinapansin. Ginawa pang dahilan ang pag aaral ko dito. Malayo raw. Tangina. Sana dun nalang ako sa amin.”
“Iiwan ka pa rin naman nya.” sabi ni Jake.
“Kahit papano magkasama kami dun.”
“Mas mabuti na nandito ka.” sabi ni Alan.
“Malayo ako sa bahay. Sa barkada. Buti na lang dito kayo.”
“Minsan kailangan lumayo para makapag isip.”
“Ewan ko Alan. Basta sana kasing kalmado ako gaya sayo.”
“Mawawala rin yan tol.” sabi ni Edmund.
“Oo nga. Walang bagay na hindi kayang ituro ng panahon.”
Ngumiti si Alan. “Tama yan tol.”
“Sa tingin mo, bakit ka nya iniwan?” tanong ni Edmund.
“Parati kasi akong may ginagawa. Parating busy. Ano kasi yon. Parang masayahin. Free-spirited ba. Parang wala lang. Puro adventure lang yata nasa isip nun e. Pinapangaralan ko nga parati e. Minsan lang kami mag kasama, pinapagalitan ko pa. Ang boring ko pa. Ewan. Tapos ito? Miagao men! Iloilo! Ewan ko ba kung pano ako naka rating dito.”
“Hay nako,” sabi ni Edmund, “malayo nga tayo sa syodad, pero hindi sa bisyo.”
“Tama Ed! Bisyo!” sagot ni Arthur. “Mga babaeng yan!”
“Sa tingin ko Art,” sabi ni Jake, “ang ibig sabihin ni Ed ang alak hindi ang syota mo.”
“Ah, ganun ba?” tumawa si Arthur.
“Langhiyang buhay to o.” sabi ni Edmund, “ayoko na. hindi na ako makikipagtalo sa may sayad na to.”
“Tama na yan,” sabi ni Alan, “bilisan na lang natin. Ano ba yan Art? Ayosin mo naman maglakad. Kanina pa tayo naglalakad, siguro naman nabawasan na yang tama mo.”
Tumawa si Arthur, “Sensya ka na talaga pare. Maganda rin ba nobya mo dati Alan?”
Sinakyan na lang ni Alan, “Oo,” tumawa sya, “syempre lang.”
“Oo nga naman,” sabi ni Arthur, “Ano ginawa mo?”
“Ha?” Hindi komportable si Alan sa pag kwento, “Wala, pinabayan ko lang. Kasi, ewan ko. Ayoko ko nang pahabain ang usapan. Wala naman akong maraming tanong nung nagsimula, bat ako mag hahanap ng mga sagot nang…matapos na…ewan ko.”
Hindi agad nakasagot si Arthur. “Hindi ko na isip yan ah.”
Nagtinginan sila. Patuloy ang paglakad nila.
“Ayos lang yan Art,” sabi ni Jake, “pabayaan mo yan. Andito ka sa ‘bundok at gubat’ para mag aral. Ang dami-dami kaya ng mga chicks dito. Hindi mo lang mamamalayan, ayos ka na.”
“Tama, yun nga!” sigaw ni Arthur.
“Ha?”
“Yun nga ang totoong problema!”
“Ang alin?” Nalilito sila.
“Ang dami-dami!” sigaw ni Arthur, “masyadong marami!”
“Ang mga babae?”
“Hinde! Ang mga tulad nito!”
“Mga lasenggo?” tanong ni Edmund.
“Hindi, masyadong maraming ang mga kwentong pag-ibig!”
“Natuluyan na…”
“Hindi Ed. Yung ang problema sa bansang ito e. Hindi sa buong mundo pala. Masyadong maraming kwentong pag-ibig. Ang mga tao ay nabubuhay sa mundo, nainiisip na ang pag ibig ang saysay kung bakit tayo nandito. Ang pag-ibig ay hindi ‘an end in itself’. Isa syang ‘mean’, isang instrumento. Nagbabasa ba kayo ng mga libro ni D.H. Lawrence?”
“Wala na ako may maintindihan.” komento ni Robert.
“Masyadong obsessed ang mga tao sa romantic love. Pero syempre, gaya nga ng sinabi ni Alan, kailan man hindi natin ito lubusang maiintindihan o makokontrol.”
“May sinabi ka bang ganun?” tanong ni Jake.
“Siguro. Ewan. Wag ka nang maingay.” sagot ni Alan.
“At dahil dito,” patuloy ni Arthur, “Wala ng panahon ang mga tao para sa ibang uri ng pag-ibig. Pagmamahal sa kapwa, sa kalikasan, sa bansa, sa Diyos. Pagmamahal sa edukasyon at sining. At syempre ang pagmamahal sa sarili. At kapag nawala ang romantic love o maging unrequited love na sya, iniisip ng mga tao na katapusan na ng mundo.”
“Very good example,” sabi ni Edmund, “tignan mo sarili mo.”
Malapit na sila sa kanilang dorm. Patay na halos lahat ng ilaw sa ibang dorm. “Ed, time check.” sabi ni Jake.
“Naloko na. 12:13 na. Sige lang kaya pa to.”
Namatay na ang mga streetlights. Hangang alas-dose lang ang mga ito. Lalong dumilim ang dinadaanan nila. Lalong lumiwanag ang buwan at mga bituin.
“Pasensya na talaga kayo sa akin. Patay tayong lahat nito.”
“Buti alam mo. Matatapos din ang kwentuhang-lasing na to. ” sabi ni Edmund.
“Art, baka makalusot tayo, subukan mo ngang lumakad mag isa.” sabi ni Robert.
Hindi na tumba si Arthur pero hindi umalis si Alan sa tabi nya, baka sakali ma alanganin.
“Teka Art,” sabi ni Alan, “di ba sabi mo hindi ka nagka gusto sa nobya mo dahil sa maganda sya?”
“Oo,” sagot ni Arthur.
“Ang swerte pala ng nobya mo eh. Kasi sabi mo kanina di ba, nagkakarandapa ang mga lalaki sa kanya? Bale hindi na sya sigurado kung gusto ba talaga sya ng tao kung sino talaga sya o gusto lang malapit sa kanya kasi nga ‘maganda’ sya.”
Sina Arthur at Alan na lang ang naguusap. Hindi na nakikinig ang iba, kinakabahan kung ano ang hahatnan nila pagpasok sa dorm.
“Darating ang araw,” patuloy ni Alan, “na tatanda sya, at mawawala na ang ‘kagandahan’ nya. May mga mas ‘maganda’ naman na paliligiran ng mga tao. Pero ikaw, wala kang pakialam kahit hindi na sya ‘maganda’ kasi hindi naman yon ang nakita mo sa kanya.
“Pabayaan mo lang muna. Magulo lang isipan nun. Sa matagalan, malalaman nya na konti lang ang tulad mo, at hindi mo alam baka…yon, depende na sa inyo. Ang importante ay yung pakay mo dito sa ‘bundok at gubat’ na lugar na to.”
“Galing Alan. Salamat. Wala naman akong dapat ikabahala. Kalian man hindi mag-iisa ang isang magandang babae. Mabuti to. Tatambay na ako kasama mo parati. Turuan mo ako pano makalimot.”
Muntik ng nakalimutan ni Alan na lasing si Arthur.
“Pano kita matuturuan, ni hindi ko pa nga nagawa yon?”

Dorm


Binuksan ni Alan ang kwarto nina Edmund. Nakaupo si Robert sa study table nya. “Tol? Si Ed?”
“Dun. Pasok ka lang.”
Nakahiga sa kama si Edmund. Bukas at nagpapatugtog sa laptop nya.
“Oy,” sabi ni Alan, “pahiram na.”
“Ha? Ginagamit ko pa e.”
“Wala ka namang ginagawa e.”
“Oo na.” bumangon si Edmund at inayos ang laptop. “Sama na tayo. Kukuwa rin ako ng mainit na tubig sa labas.”
Kinuha ni Alan ang laptop at lumabas sila papuntang lobby ng dorm. Dala ni Edmund ang tasa nya.
“Ang sama ng panahon,” sabi ni Edmund. “Ang sarap matulog.”
“Oo nga e.”
Halos kada hapon umuulan. Kadalasan hangang umaga. Mas malakas ang ulan ngayong gabi kesa sa pangkaraniwan.
“Ingatan mo yan ha. Ilan ba kayo sa group?”
“Dalawa lang kami. Handa na lahat. Gagawan na lang ng power point.”
“Anong subject ba yan?”
“History.”
Marami pang tao sa lobby. Nakapalibot sa tv, nanunuod ng teleserye. Ang iba nagkukwentuhan. May isang grupo na naglalaro ng chess. Maraming laptop na nakabukas, ginagamit ang wi-fi.
“San ba partner mo?”
“Yung babaeng naka puti.” Tinuro ni Alan.
“Langhiya ka. Yan yung crush ng room mate ko.”
“Talaga? Hindi ko nga alam na kasama natin dito yan sa dorm e.”
“Hindi ka kasi lumalabas ng kwarto.”
“Marami akong ginagawa e.”
“Ano pangalan nya?”
“Veronika.”
Lumaki ang mga mata ni Edmund. “Ano sabi mo?”
“Veronika. Bakit?” Tinignan ni Alan si Edmund.
“Wala.” Ngumiti si Edmund
“Wag mo akong simulan. Kailangan to sa klase.”
Nilapitan ni Edmund. “Hi Veronika. Ako nga pala si Ed. Kaibigan ni Alan.” Ngumiti si Veronika. Tinignan nya si Alan.
“Sya yung hihiraman natin ng laptop. Pasensyahan mo na, siraulo yan.”
“Sige,” sabi ni Edmund, “timpla muna ako.” Pumunta sya sa water heater.
Umupo si Alan sa tabi ni Veronika at binuksan ang laptop.
“Ikaw na lang mag type.” Sabi ni Veronika, “Hindi ako magaling dyan e.”
“Sige.”
Bumalik si Edmund. “Veronika, may nickname ka ba? Pwede ba kitang tawaging Ika?”
“Ed,” sabi ni Alan, naiirita. “Ano ba?”
“Ayos lang.” sabi ni Veronika.
“Nakaka-badtrip e. Kailangan natin tapusin to.”
“Wag kang mag alala,” sabi ni Edmund. “Kahit ilang araw mo pa yan hiramin laptop ko. Okay lang.”
“Ed, umalis ka na nga.”
“Oo na. Pabayaan mo lang yan si Alan. May kaklase rin kami dati na Veronika ang pangalan. Dun muna ako.” Pumunta si Edmund sa mga nagtsi-chess.
“Gago talaga yun.” Sabi ni Alan.
“Ayos lang. Saya nga e. At least may kaibigan ka agad dito sa dorm.”
“Buti nga lang di ko naging room mate yun. Ah, wala sigurong tulugan.” Tumawa si Veronika. “Ba’t ikaw?”
“Meron din. Pero di talaga ako sanay mapalayo sa bahay.”
“Alan,” tawag ni Edmund, hawak ang cellphone, “City tayo bukas.”
“Ayoko.”
“Wala ka namang pasok ah.”
“Dito lang ako. Maaga pa klase pagka Huwebes e.”
“Di ka ba uuwi sa inyo? Balik lang tayo agad pagka hapon. Sige na miss na miss ko na ang mall e.”
Tumawa si Veronika. “Okay lang ako tol, punta na lang ko sa library bukas.”
“Ika, kausapin mo nga yan.”
“Bat ayaw mong umuwi?” tanong ni Veronika.
“Basta ang gastos sa syodad. Dito lang ako.”
Huminga nang malalim si Edmund. “Ewan ko sayo tol. Bahala ka sa buhay mo.”
“Pabayaan mo na kasi ako.”
“Ang lapit ng bahay nyo. Taga Leganes pa nga ako.”
“Basta.”
“Oo na. Ingatan mo yan ha. Good luck. Good night Ika.”
Bumalik si Edmund sa kwarto nya.
“Pasensya talaga Ik-Veronika. Ang kulit ni Ed.”
“Ayos lang.”
“Hay nako. San na ba tayo?”
Binuksan ni Veronika ang dalang libro. “Na highlight ko na ang importanteng parte ng report natin.”
“Nice. Patingin nga.”
“Ito. Pero pakiramdam ko kailangan pa natin i-summarize. Piliin lang ang lalabas sa slides.”
“Sige. Tabi muna natin to.” Nilagay ni Alan ang laptop sa mesa. Pinag aralan ang mga hinaylayt ni Veronika.
“Alan, bakit ayaw mong umuwi sa inyo? Wala namang pasok bukas.”
“Ha? Ah, wala. Marami akong ginagawa. Tulad nito.”
“Nainggit lang kasi ako sayo. Anytime, pwede kang umuwi.”
“Nakakapagod e.”
“Taga saan ka ba?”
“Sa Molo. Mga one hour and a half. Ikaw?”
“Kalibo.”
“Ay, sorry. Ang layo pala. Kailan ka huling umuwi sa inyo?”
“Mga two weeks ago pa. Yun nga sinasabi mo. Nakakapagod. Lalo na gastos. Homesick na talaga ako.”
“Ayos lang yan. Komportable ka ba dito sa dorm?”
“Oo naman. Pero noong unang linggo, hindi ako makatulog. Pero ayos na rin.”
“Ba’t dito ka pa nag aral? Ang layo.”
“Dito daw maganda. Ikaw bakit dumayo ka pa dito sa Miag-ao?”
“Sa city naman talaga ako dapat mag aaral. Kaso, basta. At tsaka sabi mo nga, maganda dito.”
“Sabi ni Mama dito daw para matuto ako mag-isa.”
Matagal bago nagsalita si Alan. “May naalala lang ako.”
“Ano?”
“Wala, yung kakilala ko.”
“Ah. Sulat siguro muna natin yung outline para madali.”
“Sige.”
Sinulat ni Veronika sa yellowpad habang dinidikta ni Alan.
“Yun rin siguro,” sabi ni Alan, “Dito ako nag aral dahil gusto kong matutong mag-isa.”
Ngumiti si Veronika. “Masaya dito sa dorm. Iba-iba ang mga tao. Minsan may di ka makasundo, pero ayos lang. Maganda kasi wala sa kontrol mo ang lahat ng bagay.”
“Alam ko yan, puro teen-ager ba naman. Ala-una na, gising pa rin, kwentuhan lang.”
“Parang klasrum na rin ang dorm. Ang dami mong malalaman.”
“Oo nga e.”
Sinimulan ni Alan i-type ang report nila.
Unti-unti nang umuhupa ang ulan sa labas.

Byahe


“Ang tagal,” sabi ni Edmund.
“Parang uulan pa.” dagdag ni Alan.
Nakaupo silang dalawa sa plaza. Naghihintay ng jeep pabalik sa syodad ng Iloilo. Nakaharap sila sa kilid ng simbahan ng Miag-ao. Konti lang ang dumadaan kahit sa highway. Kadalsan mga bus papuntang Antique. Marami ring ibang taong naghihintay ng masasakyan.
“Anong oras na ba?” tanong ni Edmund.
“5:15,” sagot ni Alan, “sabing sumakay na tayo kanina e. Kulit kasi.”
“Oo na. Relax ka nga lang tol. Sabi sa akin hangang seven daw ang last trip pa puntang city.”
“Sana andito sila, kung sino man mga yon, para sabihan din ako.”
“Ba’t ba ang KJ mo ngayon?”
“Ed, didilim na, sa Miag-ao pa rin tayo. Sino ang di mababadtrip?”
“Oo na. Sensya. Nalibang ako kanina e.”
“Langhiyang mga babae yon. Kung hindi sila natin nakasalubong, malamang nakauwi na tayo.”
“Wag mo naman sisihin ang mga chicks tol.”
“Ikaw ang sinisisi ko, gago.”
“Ay, okay. Pero wag mong sabihin na hindi ka nag enjoy kanina?”
“Ewan.” Ngumiti si Alan.
“Yan ang sinasabi ko!” tumawa si Edmund, “Ganda ng naka-black no?”
“Naka-shorts lang, maganda na.”
“So ano ibig mong sabihin?”
“Manyak ka at mas maganda—Ewan.”
“Sino? Taposin mo.”
“Yung naka-yellow.”
“Talaga? Sabi ko na nga ba e. May number ako dito.”
“Wag na. Wag mo na akong idamay sa kalokohan mo.”
“Text mo lang, kalokohan agad.”
“Ang tanda na natin Ed. College na nga tayo o. Di ko na trip yan.”
“Naghiwalay lang kayo ni—” tumigil si Edmund nang makita ang mukha ni Alan. Matagal bago sila nagsalita ulit.
“Ang tagal na nun tol,” sabi ni Edmund, seryoso ang tono.
“Yun nga e.”
“Hangang ngayon di ko pa rin maintindihan. Parang ang gulo.”
“Hindi naman.”
“Mag kwento ka kasi.”
“Parang ayaw ko na rin. Paulit-ulit lang. Wala naman mababago sa nangyari. Para saan pa?”
Huminga ng malalim si Edmund. “Ang ingay-ingay ko pero pag ganitong usapan—ewan ko sayo.”
“Buti nga.”
“Ewan.”
“Ayos lang ako Ed. Salamat.”
“Dito lang ako tol kung kailangan mo ako.”
“Sobrang cheezy.” Tumawa silang dalawa.
“Buti na lang,” sabi ni Edmund, “wala na sina Maureen. Pag narinig tayo ng mga yon, iisipin na mga bakla tayo.”
“Langhiyang buhay to o.”
May tumigil na bus sa harapan nila. Nakatayo ang kundoktor sa pintuan, “Iloilo kayo?” Sumakay sila at nang napuno na ang bus agad din itong umalis.
“Hay, byahe na naman,” sabi ni Edmund.
“Ayos lang.”
“Syempre na unahan mo ako dyan sa bintana e.”
“Think of it na ito na ang punishment sayo dahil muntik na tayo hindi nakauwi.”
“Oo na. Okay din pala sumakay sa bus a.”
“Oo. Kahit di aircon. Presko naman yung hangin. Wag ka lang matulog.” Tumawa silang dalawa.
“Baka pag gising mo,” sabi ni Edmund, hinahabol ang hininga, “sa Culasi o Pandan ka na.”
“Hay nako. Okay din tong mapalayo tayo sa syodad pa minsan-minsan.”
Hindi agad sumagot si Edmund. “Galit ka ba sa kanya tol?”
“Hindi. Medyo. Nung una. Ewan.”
“Ano plano mo ngayon?”
“Wala. Di ko alam.”
“So bakit daw?”
“Maraming lang syang dahilan. Hindi ko na nga maalala lahat. Basta. Parang parating na rin e.”
“Sana di ka pumayag.”
“Naisip ko rin. Pero, walang-wala na ako. Lahat ng bagay parang sinasabi na ‘di ako dapat dito’”
“Badtrip naman nyan.”
“Hayaan mo na. Kailangan daw nyang matutong mag isa e.”
“Dont worry tol. Ako bahala sayo.”
“Wag na. Baka kung ano mangyari sa akin. ” Tumawa silang dalawa.
Siningil sila ng kungdoktor.
Pagkalipas ng ilang minuto nagtanong si Edmund.“Pero tol, paminsan-minsan, hinahanap mo pa rin ba sya?”
Malayo ang tingin ni Alan sa bintana. Lumulobog na ang araw sa dagat ng Miag-ao. Dumadami na rin ang itim na ulap. Gusto nya ng matulog sa byahe sa sobrang pagod. Huminga sya ng malalim at pinikit ang mga mata.
“Hindi lang paminsan-minsan…”

Isang Hapon sa Miag-ao


Isang hapon sa Miag-ao nang makilala si Alan si Emily.
Kakatapos lang ng sembreak at wala pang estudyante na gusto mag-aral. Pabalik na si Alan sa dorm. Halos dalawang kilometro ang layo ng college nila mula sa dorm. Kailangan sumakay sa traysikel papunta sa ibang college, sa admin building, sa infirmary, at sa banwa.
Lima silang pasahero sa traysikel. Nasa backride si Alan, puro na babae yung iba. Sa pagitan ng masayang kwentuhan ng tatlong babae nasiraan ang traysikel. Namatay ang makina at tumigil ito. Ilang beses sinubukan ng drayber na paandarin ulit. Nagtinginan na ang mga pasahero.
“Pwede bang bumaba na lang kayo?” tanong ng drayber habang kinakamot ang ulo, “Tatawag na lang ako ng isa pang traysikel.”
Binalik nya ang tiglilimang pisong pamasahe.
“Okay lang po,” sabi ng isang babae, “maglalakad na lang kami.” Tuloy ulit ang tatlong babae sa kwentuhan nila.
“Klasmayt tayo sa Math di ba?” tanong ng isa pang babae kay Alan. Maikli ang buhok at may dalang gitara. Pamilyar sya kay Alan.
“Oo, yata.” sagot ni Alan.
“Ano ginawa nyo kanina?”
“Wala naman. Parang orientation pa rin. Absent ka ba kanina?”
“Oo, natural. Hindi naman ako magtatanong kung alam ko di ba?”
Tintawanan ni Alan ang sarili. “Oo nga naman.”
“Maglalakad ka ba?”
“Siguro,” Malayo na ang mga kasama nilang pasahero kanina, “wala namang dumadaan na traysikel dito na may bakante pa.”
“Oo nga, tara.” Nagsimula silang maglakad. Sinisubukan ng drayber hanapin ang problema sa makina.
“Ano nga pangalan mo?” Gawa sa aspalto ang dinadaanan nila.
“Alan, ikaw?” Malawak at maburol ang kanilang campus. Magkakalayo din ang mga gusali.
“Emily.” Marami at matataas ang mga puno sa magkabilang gilid nila.
“San ba dorm mo?” May sariling komunidad sa loob ng kampus.
“Sa banwa, taga-Miag-ao lang ako.” May mga naninirahan na dito bago pa pinatayo ang unibersidad nung 70s.
“Bat ka pa pupunta sa dorm area?” Ang mga residente sa campus ay magsimula ng mga negosyong boarding house o karinderya para sa mga estudyante.
“May mga kaibigan ako dun, tambay.” Marami ring mga alagang hayop tulad ng kambing at baka na gumagala sa damuhan ng campus.
“Ayos ah.”
“Kamusta stay mo dito sa Miag-ao?”
“Ayos naman.”
“Badtrip no? May pasok na ulit. Balik na naman sa bundok.”
Tumawa si Alan, “Ummm. Oo, pero ayos na rin. Nasanay na rin nung first sem e.”
“Oo nga pala. Di ka ba na babadtrip dito? Taga saan ka ba?”
“Molo.”
“Molo. Syodad talaga. Pag labas mo, dyan na kailangan mo. Mga tindahan. Dito maglalakad ka pa. Dami ding jeep. Konti lang ang effort, mas malayo pa mararating mo.”
“Totoo. Nakakasawa din e. Dun ka lumaki. Syempre naghahanap ka rin ng mga bago.”
“E dito, walang mall, walang sine, walang nightlife.”
Ngumiti si Alan. “Bat mo ba pinagsasabi yan?”
“Alam mo, sabi nila, karamihan daw sa kaso ng teen-age o unwanted pregnancy sa syodad ay hindi mga taga-syodad.”
Nag-isip si Alan, “Bakit daw?”
“Kasi mga taga malalayong lugar mula sa syodad ang nabubuntis. Nag aaral o nagtatrabaho at nagbo-boarding house sa syodad.”
“Talaga? Sino nagsabi?”
“Ewan, na kwento lang sa akin. Mukhang totoo naman. Kasi iba ang kinalakihan nila. Tapos bigla mo silang ilalagay sa gitna ng matitingkad na ilaw ng syodad. Malayo sa kanilang mga tirahan at mga nakasanayan.”
“Syempre kung taga-syodad ka, marunong ka na sa takbo ng buhay dun.”
“Tama. Pero pag hindi, madali kang mahulog sa mga bisyo. Ang daming pwedeng gawin e. Ang daming mapagkakaabalahan. Mula sa simpleng buhay, nagiging komplikado.”
“Tapos?”
“Wala, naisip ko lang ang sitwasyon na yon. Kasi karamihan ng mga estudyante dito, tulad mo, ay mga taga-syodad. So sanay kayo sa mabilisan at komplikadong buhay, tapos ilalagay kayo dito sa gitna ng mga burol at simpleng pamumuhay.”
Lumiko sila pakaliwa. Dinaanan nila ang ilang pribadong apartment at boarding house. Apat lang ang mga dorm sa kampus at hindi sapat para sa lahat.
“Syempre,” sagot ni Alan, “nakakabagot. Ano ba naman gagawin mo sa dorm? Isang tv para sa lahat. May oras pa kung kailan pwedeng gamitin. May internet naman kahit papano pero iba talaga.”
“Parang ang bagal ng buhay dito no? Pag wala kang gagawing related sa klase, wala, tulog ka na lang.”
“Yun nga, nakakatamad. Naghahanap ka ng mall.”
Tumawa si Emily. “Umm…oo, masaya din sa mall. Pero masaya din kaya pag boring.”
“Masaya pag boring? Bakit?”
“Kasi pag madami tayo ginagawa o pag enjoy-enjoy lang parang hindi na tayo nagiisip. Focus lang sa ginagawa. Pero pag bored ka, marami kang naiisip.”
“Totoo yan.” sabi ni Alan, “Marami kang maalala. Ewan ko ba.”
“Mga ano ba na aalala mo? Mga bagay na matagal na dapat kalimutan? Naks.” Tumawa si Emily.
“Hindi. Bagay na ni hindi nga dapat nangyari.”
“Problema ba yan sa babae? Chicks, ganun?”
“Oo na parang hindi. Ewan. Napagod na nga ako sa kakaisip e.”
“Ayos lang yan. Lahat naman dumadaan dyan.”
Hindi agad sumagot si Alan. “Alam mo, hindi talaga ako kumportable sa ganito.”
“Sa alin?”
“Sayo. Parang ang talino mo. Ang kadalasan kasi, pag babae, parang puro love lang pinaguusapan. At kung ano pang kababawan.”
Tumaas ang kilay ni Emily. “Ah, ganun? Kung magsuntukan kaya tayo dito.”
“Kadalasan nga lang.” tumawa si Alan, “Hindi lahat ng pagkakataon.”
“Ah, mabuti nagkaliwanagan tayo.”
“Astig ka nga eh. Ano nga tawag sa tulad mo? Empowered? Feminist?”
“Parang ganun na rin.”
“Nakakaingit, pakiramdam ko kasi ang tagal ko na hindi nakapag isip ng matino.”
“Ayos lang yan. Kailangan ko to sa course e. Hindi pwede ang emotions sa polsci.”
“Polsci ka? May kaibigan akong polsci. Si Arthur.”
“Ah, si Art.”
“Bakit di kita kilala? Alam mo, sumama kami sa sem-ender party ng polsci last sem. Sa resort. Buong maghapon kami nakatambay dun.”
“Ah, sayang, di ako sumama e. Di rin ako nagdo-dorm. Kaya siguro di mo ako kilala.”
“Yung nga. Ang saya nun. Bat di ka sumama?”
“Tatawanan mo lang dahilan ko.”
“Hindi naman. Siguro, masyado. Bakit ba?”
“Takot ako sa dagat.”
“Takot ka sa dagat? Muntik ka na bang malinod one time or parang ganun?”
“Hindi. May kilala lang ako. Nalunod talaga. Ewan ko ba.”
“Ay, sorry. Malapit na kamag anak?”
Tumawa si Emily, “Hindi, manliligaw.”
Nagulat si Alan, “Sorry talaga.”
“Ewan. Kung iisipin, hindi naman sya manliligaw kasi hindi sya nanligaw talaga.”
“Wala akong may naintindihan sa sinabi mo.”
“Bale, kaibigan ko lang talaga. Kasi binasted ko. After isang araw, hindi nya nakapasok sa skwela. Nalunod na pala sya. May bagyo nun e. Patapos na kami ng third year. Tayo pala.”
“May bagyo? Ano parang nalunod yung bangka?”
“Hindi. Wala sya sa bangka. Naliligo sila.”
“Naliligo sila habang bumabagyo?”
“Actually ang mga siraulong pinsan nya lang. Nakatambay lang sya malapit sa tubig. Tapos malakas na alon. Yun naabot sya.”
“Tapos? Wala bang ginawa mga kasama nya?”
“Yun pa nga nakakabadtrip. Una natuwa pa ang mga gago. Kasi ayaw nyang maligo di ba? Tapos na realize nila, mga after five minutes na parang di yata nya umaahon. Hinanap na nila. After isang pang five minutes nakita nila ang katawan nya, di gumagalaw at malayo na. Humingi na sila ng tulong.”
“Nakakagago naman nyan. Hindi nga sya dapat nan dun e.”
“Ewan. Mga isang lingo din ako di mapakali. Pakiramdam ko, kasalan ko.”
“Hindi naman. Hindi mo naman inaasahan.”
“Oo, at tsaka hindi naman mababago ang mga nangyari kapag sinisisi ko ang sarili.”
Walang sinabi ni Alan. Tinignan nya lang ang daan. Nasa dorm area na sila. Marami estudyante ang nasa labas. Lampas alas singko na. Makikita mo ang mga bundok mula sa dorm area.
“Nang masanay na ako,” sabi ni Emily, “na isip ko kung na manhid na ba ako.”
“Na manhid ka nga ba?”
“Hindi. May nararamdaman pa rin ako, pero sinisigurado kong hindi ito makakaapekto sa akin.”
“Astig ah. Ang talino mo. Na gulat talaga ako.”
“Gulat na ano?”
“Wala, kalimutan mo na yon. Gumagawa ka ba ng mga kanta?” Tinuro ni Alan ang gitara ni Emily.
“Minsan. Ito lang libangan ko e. Ikaw?”
“Mahilig lang ako makinig sa mga kanta. Sinubukan kong mag aral nung high school, pero di ko tinuloy.”
“Bakit naman?”
“Ewan. Tinamad ako.”
Ngumiti si Emily. “Sa gulo ng mundo ngayon, musika ay isa sa mga iilang bagay na may saysay pa.”
“Tama.”
“Ikaw? Ano ba mga hilig mo?”
“Wala naman. Minsan libro. Pero mabagal ako magbasa.”
“Buti na yun kesa sa wala. Yan ang problema sa mga tao e.”
“Ang alin?”
“Hindi nila alam kung ano gusto nila. Hindi nila kilala ang mga sarili.”
“Ha? Hindi ko maintindihan.”
“Sa panahon ngayon, wala nang oras ang mga tao magtanong. Ang dami na kasing distraction. Marami ang nabubuhay at namamatay nang di nalalaman kung ano ang kahulugan ng buhay. Sa tingin kasi nila nasagot na ang lahat ng tanong.”
Napaisip ng malamin si Alan.
“Kapag nagtanong lang ang mga Pilipino at magkaisa. Matukoy nila kung ano talaga ang gusto nilang mangyari sa buhay at bansa nila. Magiging ayos na ang lahat.”
“Ang idealistic mo ah.”
“Alan, idealism ang nagpapatakbo sa kasaysayan. Kung walang nagtatanong at naghahanap ng mga sagot, walang mangyayari.”
“Ibang klase.”
“Yun lang masasabi mo?”
“E nag iisip pa ako e, este nagtatanong.”
Tumawa si Emily. “Oo na. San dorm mo?”
“Ang sunod pa. Nakakapagod.”
“Oo nga e.”
“Dapat magkwentuhan pa tayo.”
“Oo ba. Mag klasmayt naman tayo.”
“Putik, ang dami kong dapat pag isipan.”
“Ewan ko sayo.”
Tinignan ni Alan ang paligid.
“Ang ganda ng mga hapon sa Miag-ao.”
Ngumiti si Emily. “Hapon? E pagod na mga tao pag hapon e. Mas maganda ang mga umaga sa Miag-ao. Sa kahit saan.”