Isang Hapon sa Miag-ao


Isang hapon sa Miag-ao nang makilala si Alan si Emily.
Kakatapos lang ng sembreak at wala pang estudyante na gusto mag-aral. Pabalik na si Alan sa dorm. Halos dalawang kilometro ang layo ng college nila mula sa dorm. Kailangan sumakay sa traysikel papunta sa ibang college, sa admin building, sa infirmary, at sa banwa.
Lima silang pasahero sa traysikel. Nasa backride si Alan, puro na babae yung iba. Sa pagitan ng masayang kwentuhan ng tatlong babae nasiraan ang traysikel. Namatay ang makina at tumigil ito. Ilang beses sinubukan ng drayber na paandarin ulit. Nagtinginan na ang mga pasahero.
“Pwede bang bumaba na lang kayo?” tanong ng drayber habang kinakamot ang ulo, “Tatawag na lang ako ng isa pang traysikel.”
Binalik nya ang tiglilimang pisong pamasahe.
“Okay lang po,” sabi ng isang babae, “maglalakad na lang kami.” Tuloy ulit ang tatlong babae sa kwentuhan nila.
“Klasmayt tayo sa Math di ba?” tanong ng isa pang babae kay Alan. Maikli ang buhok at may dalang gitara. Pamilyar sya kay Alan.
“Oo, yata.” sagot ni Alan.
“Ano ginawa nyo kanina?”
“Wala naman. Parang orientation pa rin. Absent ka ba kanina?”
“Oo, natural. Hindi naman ako magtatanong kung alam ko di ba?”
Tintawanan ni Alan ang sarili. “Oo nga naman.”
“Maglalakad ka ba?”
“Siguro,” Malayo na ang mga kasama nilang pasahero kanina, “wala namang dumadaan na traysikel dito na may bakante pa.”
“Oo nga, tara.” Nagsimula silang maglakad. Sinisubukan ng drayber hanapin ang problema sa makina.
“Ano nga pangalan mo?” Gawa sa aspalto ang dinadaanan nila.
“Alan, ikaw?” Malawak at maburol ang kanilang campus. Magkakalayo din ang mga gusali.
“Emily.” Marami at matataas ang mga puno sa magkabilang gilid nila.
“San ba dorm mo?” May sariling komunidad sa loob ng kampus.
“Sa banwa, taga-Miag-ao lang ako.” May mga naninirahan na dito bago pa pinatayo ang unibersidad nung 70s.
“Bat ka pa pupunta sa dorm area?” Ang mga residente sa campus ay magsimula ng mga negosyong boarding house o karinderya para sa mga estudyante.
“May mga kaibigan ako dun, tambay.” Marami ring mga alagang hayop tulad ng kambing at baka na gumagala sa damuhan ng campus.
“Ayos ah.”
“Kamusta stay mo dito sa Miag-ao?”
“Ayos naman.”
“Badtrip no? May pasok na ulit. Balik na naman sa bundok.”
Tumawa si Alan, “Ummm. Oo, pero ayos na rin. Nasanay na rin nung first sem e.”
“Oo nga pala. Di ka ba na babadtrip dito? Taga saan ka ba?”
“Molo.”
“Molo. Syodad talaga. Pag labas mo, dyan na kailangan mo. Mga tindahan. Dito maglalakad ka pa. Dami ding jeep. Konti lang ang effort, mas malayo pa mararating mo.”
“Totoo. Nakakasawa din e. Dun ka lumaki. Syempre naghahanap ka rin ng mga bago.”
“E dito, walang mall, walang sine, walang nightlife.”
Ngumiti si Alan. “Bat mo ba pinagsasabi yan?”
“Alam mo, sabi nila, karamihan daw sa kaso ng teen-age o unwanted pregnancy sa syodad ay hindi mga taga-syodad.”
Nag-isip si Alan, “Bakit daw?”
“Kasi mga taga malalayong lugar mula sa syodad ang nabubuntis. Nag aaral o nagtatrabaho at nagbo-boarding house sa syodad.”
“Talaga? Sino nagsabi?”
“Ewan, na kwento lang sa akin. Mukhang totoo naman. Kasi iba ang kinalakihan nila. Tapos bigla mo silang ilalagay sa gitna ng matitingkad na ilaw ng syodad. Malayo sa kanilang mga tirahan at mga nakasanayan.”
“Syempre kung taga-syodad ka, marunong ka na sa takbo ng buhay dun.”
“Tama. Pero pag hindi, madali kang mahulog sa mga bisyo. Ang daming pwedeng gawin e. Ang daming mapagkakaabalahan. Mula sa simpleng buhay, nagiging komplikado.”
“Tapos?”
“Wala, naisip ko lang ang sitwasyon na yon. Kasi karamihan ng mga estudyante dito, tulad mo, ay mga taga-syodad. So sanay kayo sa mabilisan at komplikadong buhay, tapos ilalagay kayo dito sa gitna ng mga burol at simpleng pamumuhay.”
Lumiko sila pakaliwa. Dinaanan nila ang ilang pribadong apartment at boarding house. Apat lang ang mga dorm sa kampus at hindi sapat para sa lahat.
“Syempre,” sagot ni Alan, “nakakabagot. Ano ba naman gagawin mo sa dorm? Isang tv para sa lahat. May oras pa kung kailan pwedeng gamitin. May internet naman kahit papano pero iba talaga.”
“Parang ang bagal ng buhay dito no? Pag wala kang gagawing related sa klase, wala, tulog ka na lang.”
“Yun nga, nakakatamad. Naghahanap ka ng mall.”
Tumawa si Emily. “Umm…oo, masaya din sa mall. Pero masaya din kaya pag boring.”
“Masaya pag boring? Bakit?”
“Kasi pag madami tayo ginagawa o pag enjoy-enjoy lang parang hindi na tayo nagiisip. Focus lang sa ginagawa. Pero pag bored ka, marami kang naiisip.”
“Totoo yan.” sabi ni Alan, “Marami kang maalala. Ewan ko ba.”
“Mga ano ba na aalala mo? Mga bagay na matagal na dapat kalimutan? Naks.” Tumawa si Emily.
“Hindi. Bagay na ni hindi nga dapat nangyari.”
“Problema ba yan sa babae? Chicks, ganun?”
“Oo na parang hindi. Ewan. Napagod na nga ako sa kakaisip e.”
“Ayos lang yan. Lahat naman dumadaan dyan.”
Hindi agad sumagot si Alan. “Alam mo, hindi talaga ako kumportable sa ganito.”
“Sa alin?”
“Sayo. Parang ang talino mo. Ang kadalasan kasi, pag babae, parang puro love lang pinaguusapan. At kung ano pang kababawan.”
Tumaas ang kilay ni Emily. “Ah, ganun? Kung magsuntukan kaya tayo dito.”
“Kadalasan nga lang.” tumawa si Alan, “Hindi lahat ng pagkakataon.”
“Ah, mabuti nagkaliwanagan tayo.”
“Astig ka nga eh. Ano nga tawag sa tulad mo? Empowered? Feminist?”
“Parang ganun na rin.”
“Nakakaingit, pakiramdam ko kasi ang tagal ko na hindi nakapag isip ng matino.”
“Ayos lang yan. Kailangan ko to sa course e. Hindi pwede ang emotions sa polsci.”
“Polsci ka? May kaibigan akong polsci. Si Arthur.”
“Ah, si Art.”
“Bakit di kita kilala? Alam mo, sumama kami sa sem-ender party ng polsci last sem. Sa resort. Buong maghapon kami nakatambay dun.”
“Ah, sayang, di ako sumama e. Di rin ako nagdo-dorm. Kaya siguro di mo ako kilala.”
“Yung nga. Ang saya nun. Bat di ka sumama?”
“Tatawanan mo lang dahilan ko.”
“Hindi naman. Siguro, masyado. Bakit ba?”
“Takot ako sa dagat.”
“Takot ka sa dagat? Muntik ka na bang malinod one time or parang ganun?”
“Hindi. May kilala lang ako. Nalunod talaga. Ewan ko ba.”
“Ay, sorry. Malapit na kamag anak?”
Tumawa si Emily, “Hindi, manliligaw.”
Nagulat si Alan, “Sorry talaga.”
“Ewan. Kung iisipin, hindi naman sya manliligaw kasi hindi sya nanligaw talaga.”
“Wala akong may naintindihan sa sinabi mo.”
“Bale, kaibigan ko lang talaga. Kasi binasted ko. After isang araw, hindi nya nakapasok sa skwela. Nalunod na pala sya. May bagyo nun e. Patapos na kami ng third year. Tayo pala.”
“May bagyo? Ano parang nalunod yung bangka?”
“Hindi. Wala sya sa bangka. Naliligo sila.”
“Naliligo sila habang bumabagyo?”
“Actually ang mga siraulong pinsan nya lang. Nakatambay lang sya malapit sa tubig. Tapos malakas na alon. Yun naabot sya.”
“Tapos? Wala bang ginawa mga kasama nya?”
“Yun pa nga nakakabadtrip. Una natuwa pa ang mga gago. Kasi ayaw nyang maligo di ba? Tapos na realize nila, mga after five minutes na parang di yata nya umaahon. Hinanap na nila. After isang pang five minutes nakita nila ang katawan nya, di gumagalaw at malayo na. Humingi na sila ng tulong.”
“Nakakagago naman nyan. Hindi nga sya dapat nan dun e.”
“Ewan. Mga isang lingo din ako di mapakali. Pakiramdam ko, kasalan ko.”
“Hindi naman. Hindi mo naman inaasahan.”
“Oo, at tsaka hindi naman mababago ang mga nangyari kapag sinisisi ko ang sarili.”
Walang sinabi ni Alan. Tinignan nya lang ang daan. Nasa dorm area na sila. Marami estudyante ang nasa labas. Lampas alas singko na. Makikita mo ang mga bundok mula sa dorm area.
“Nang masanay na ako,” sabi ni Emily, “na isip ko kung na manhid na ba ako.”
“Na manhid ka nga ba?”
“Hindi. May nararamdaman pa rin ako, pero sinisigurado kong hindi ito makakaapekto sa akin.”
“Astig ah. Ang talino mo. Na gulat talaga ako.”
“Gulat na ano?”
“Wala, kalimutan mo na yon. Gumagawa ka ba ng mga kanta?” Tinuro ni Alan ang gitara ni Emily.
“Minsan. Ito lang libangan ko e. Ikaw?”
“Mahilig lang ako makinig sa mga kanta. Sinubukan kong mag aral nung high school, pero di ko tinuloy.”
“Bakit naman?”
“Ewan. Tinamad ako.”
Ngumiti si Emily. “Sa gulo ng mundo ngayon, musika ay isa sa mga iilang bagay na may saysay pa.”
“Tama.”
“Ikaw? Ano ba mga hilig mo?”
“Wala naman. Minsan libro. Pero mabagal ako magbasa.”
“Buti na yun kesa sa wala. Yan ang problema sa mga tao e.”
“Ang alin?”
“Hindi nila alam kung ano gusto nila. Hindi nila kilala ang mga sarili.”
“Ha? Hindi ko maintindihan.”
“Sa panahon ngayon, wala nang oras ang mga tao magtanong. Ang dami na kasing distraction. Marami ang nabubuhay at namamatay nang di nalalaman kung ano ang kahulugan ng buhay. Sa tingin kasi nila nasagot na ang lahat ng tanong.”
Napaisip ng malamin si Alan.
“Kapag nagtanong lang ang mga Pilipino at magkaisa. Matukoy nila kung ano talaga ang gusto nilang mangyari sa buhay at bansa nila. Magiging ayos na ang lahat.”
“Ang idealistic mo ah.”
“Alan, idealism ang nagpapatakbo sa kasaysayan. Kung walang nagtatanong at naghahanap ng mga sagot, walang mangyayari.”
“Ibang klase.”
“Yun lang masasabi mo?”
“E nag iisip pa ako e, este nagtatanong.”
Tumawa si Emily. “Oo na. San dorm mo?”
“Ang sunod pa. Nakakapagod.”
“Oo nga e.”
“Dapat magkwentuhan pa tayo.”
“Oo ba. Mag klasmayt naman tayo.”
“Putik, ang dami kong dapat pag isipan.”
“Ewan ko sayo.”
Tinignan ni Alan ang paligid.
“Ang ganda ng mga hapon sa Miag-ao.”
Ngumiti si Emily. “Hapon? E pagod na mga tao pag hapon e. Mas maganda ang mga umaga sa Miag-ao. Sa kahit saan.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s