Byahe


“Ang tagal,” sabi ni Edmund.
“Parang uulan pa.” dagdag ni Alan.
Nakaupo silang dalawa sa plaza. Naghihintay ng jeep pabalik sa syodad ng Iloilo. Nakaharap sila sa kilid ng simbahan ng Miag-ao. Konti lang ang dumadaan kahit sa highway. Kadalsan mga bus papuntang Antique. Marami ring ibang taong naghihintay ng masasakyan.
“Anong oras na ba?” tanong ni Edmund.
“5:15,” sagot ni Alan, “sabing sumakay na tayo kanina e. Kulit kasi.”
“Oo na. Relax ka nga lang tol. Sabi sa akin hangang seven daw ang last trip pa puntang city.”
“Sana andito sila, kung sino man mga yon, para sabihan din ako.”
“Ba’t ba ang KJ mo ngayon?”
“Ed, didilim na, sa Miag-ao pa rin tayo. Sino ang di mababadtrip?”
“Oo na. Sensya. Nalibang ako kanina e.”
“Langhiyang mga babae yon. Kung hindi sila natin nakasalubong, malamang nakauwi na tayo.”
“Wag mo naman sisihin ang mga chicks tol.”
“Ikaw ang sinisisi ko, gago.”
“Ay, okay. Pero wag mong sabihin na hindi ka nag enjoy kanina?”
“Ewan.” Ngumiti si Alan.
“Yan ang sinasabi ko!” tumawa si Edmund, “Ganda ng naka-black no?”
“Naka-shorts lang, maganda na.”
“So ano ibig mong sabihin?”
“Manyak ka at mas maganda—Ewan.”
“Sino? Taposin mo.”
“Yung naka-yellow.”
“Talaga? Sabi ko na nga ba e. May number ako dito.”
“Wag na. Wag mo na akong idamay sa kalokohan mo.”
“Text mo lang, kalokohan agad.”
“Ang tanda na natin Ed. College na nga tayo o. Di ko na trip yan.”
“Naghiwalay lang kayo ni—” tumigil si Edmund nang makita ang mukha ni Alan. Matagal bago sila nagsalita ulit.
“Ang tagal na nun tol,” sabi ni Edmund, seryoso ang tono.
“Yun nga e.”
“Hangang ngayon di ko pa rin maintindihan. Parang ang gulo.”
“Hindi naman.”
“Mag kwento ka kasi.”
“Parang ayaw ko na rin. Paulit-ulit lang. Wala naman mababago sa nangyari. Para saan pa?”
Huminga ng malalim si Edmund. “Ang ingay-ingay ko pero pag ganitong usapan—ewan ko sayo.”
“Buti nga.”
“Ewan.”
“Ayos lang ako Ed. Salamat.”
“Dito lang ako tol kung kailangan mo ako.”
“Sobrang cheezy.” Tumawa silang dalawa.
“Buti na lang,” sabi ni Edmund, “wala na sina Maureen. Pag narinig tayo ng mga yon, iisipin na mga bakla tayo.”
“Langhiyang buhay to o.”
May tumigil na bus sa harapan nila. Nakatayo ang kundoktor sa pintuan, “Iloilo kayo?” Sumakay sila at nang napuno na ang bus agad din itong umalis.
“Hay, byahe na naman,” sabi ni Edmund.
“Ayos lang.”
“Syempre na unahan mo ako dyan sa bintana e.”
“Think of it na ito na ang punishment sayo dahil muntik na tayo hindi nakauwi.”
“Oo na. Okay din pala sumakay sa bus a.”
“Oo. Kahit di aircon. Presko naman yung hangin. Wag ka lang matulog.” Tumawa silang dalawa.
“Baka pag gising mo,” sabi ni Edmund, hinahabol ang hininga, “sa Culasi o Pandan ka na.”
“Hay nako. Okay din tong mapalayo tayo sa syodad pa minsan-minsan.”
Hindi agad sumagot si Edmund. “Galit ka ba sa kanya tol?”
“Hindi. Medyo. Nung una. Ewan.”
“Ano plano mo ngayon?”
“Wala. Di ko alam.”
“So bakit daw?”
“Maraming lang syang dahilan. Hindi ko na nga maalala lahat. Basta. Parang parating na rin e.”
“Sana di ka pumayag.”
“Naisip ko rin. Pero, walang-wala na ako. Lahat ng bagay parang sinasabi na ‘di ako dapat dito’”
“Badtrip naman nyan.”
“Hayaan mo na. Kailangan daw nyang matutong mag isa e.”
“Dont worry tol. Ako bahala sayo.”
“Wag na. Baka kung ano mangyari sa akin. ” Tumawa silang dalawa.
Siningil sila ng kungdoktor.
Pagkalipas ng ilang minuto nagtanong si Edmund.“Pero tol, paminsan-minsan, hinahanap mo pa rin ba sya?”
Malayo ang tingin ni Alan sa bintana. Lumulobog na ang araw sa dagat ng Miag-ao. Dumadami na rin ang itim na ulap. Gusto nya ng matulog sa byahe sa sobrang pagod. Huminga sya ng malalim at pinikit ang mga mata.
“Hindi lang paminsan-minsan…”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s