Dagat


Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig.
Hindi maiintindihan ni Alan ay kung bakit nya kasama ang mga maiingay na kaklase nung hayskul sa kani-kanilang unang Chrismas Break sa kolehiyo, sa harap ng dagat ng Tigbauan. Hayskul reunion daw. Bakit, tanong ni Alan sa mga ka barkada, tayo mauulila sa isa’t isa? E nung April lang tayo magkasama. Magkakasama pa nga tayo sa schools natin ngayon e.
“Ang KJ mo talaga Alan,” sabi ni Edmund habang sinasampay ang tuwalya sa upuan. Kakatapos lang nilang magbanlaw pagkatapos maligo sa dagat nang halos buong umaga. Kasama din nila sina Ferdinand at Paul. Mga kabarkada na nag aaral ng nursing sa syodad. Nagpapalabas ng sama ng loob ang dalawa dahil may three units sila ng Theology nung first sem. “Grabe kaya tatlong oras kada linggo” sabi ni Paul.
“Bat kasi kayo nag aral sa Catholic na university, yan tuloy,” sabi ni Edmund. “Sa amin walang uniform, walang dress code, walang religion—”
“Oo,” pasok ni Ferdinand, “wala ring mall!”
Tawanan. Pinipigilan ni Edmund ang pag tawa, nagiisip ng maiisumbat pabalik.
“Walang mall,” sagot ni Edmund, “Kaya walang gastos! O, ano?”
Walang hangganan ang palitan ng kwento. Kanya kanyang grupo din. Ang mga babae dito, mga lalaki dun. Kwento tungkol sa bagong school, sa kurso, sa mga bagong kaklase. Kwento tungkol sa gano ka iba ang college sa highschool. Di tumagal ay puro kwentong highschool naman. Mga kalokohan at dramahan. Kahit magtatanghali na, tuloy pa rin ang palitan ng mga alaala at tawa.
Hindi sabay-sabay ang pagdating ng mga tao. Napahinto si Alan nang napansin ang bagong dating. Nagdududa pa si Alan nung una. “Si Veronika ba yun?” tanong ni Paul, “di ko alam na pinaiklian nya pala ang buhok nya.”
Nagtinginan silang apat. Siniko ni Ferdinand si Paul at binulong, “Cool lang…”
Nagpatuloy si Edmund magkwento, “Dun kasi sa Miagao, pinaka respitado kaming mga Soc.Sci. majors…” Napansin ni Alan na hindi rin naniniwala sina Paul at Ferdinand sa mga kwento ni Edmund.
Biglang tumayo si Ferdinand, “Oo, sige na. Umalis ka na dyan…” nakatingin ito sa duyan na ilang cottage din ang layo sa kanila. Umalis ang isa pang guest ng resort na nakahiga dito. “Lipat tayo dun!” sigaw ni Ferdinand. At nagtakbuhan sila papunta sa duyan. Nagtinginan ang ilang tao sa kanilang apat. Una nakarating si Ferdinand at agad itong humiga.
“Teka,” sabi ni Edmund, hinahabol ang hininga, “ang daya. Saan kami uupo?”
Nakatali ang duyan sa magkatabing puno ng niyog. Malayo ito sa mga cottage pero mas malapit sa dagat. “Ewan ko,” sabi ni Ferdinand, “sa buhangin.”
“Badtrip naman o,” sabi Paul at umupo. Umupo na rin si Alan at Edmund sa medyo mainit na buhangin. Naka talikod sila sa dagat. Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig. Malakas ang hangin at maingay ang mga alon. Tuloy ang kwentuhan. Pinipigilan ni Alan na lumingon at pagmasdan ang bagong buhok ni Veronika.
Nakalipas ang kalahating oras ay lumapit ang ilan sa kaklase nilang mga babae kasama si Veronika.
“Uy, boys,” sabi ni Beth, “Mauna na kami ha.”
“E ano ngayon?” tanong ni Edmund.
Tumawa pati ang mga babae.
“Hay naku Ed! Hindi ka pa rin nagbabago.”
“Bat naman ako magbabago? Sige ingat kayo. Tambay muna kami dito.”
“Hatid nyo naman kami.”
“Ha? E ang tatanda nyo na e.”
“Sige na Ed. Bilisan mo na.” Naintindihan ni Edmund kung ano gusto mangyari ni Beth.
“Tara Paul, samahan muna natin sila.”
“Ha?” angal ni Paul. Tinignan ni Edmund sa mata. “Ah, okay, oo ba. Mabilis lang naman e. Ferdinand.”
“Ha? E aagawin to ni Alan yung duyan ko.”
“Bantayan ko muna,” sabi ni Veronika.
Sinakyan na lang ni Alan. Naiwan silang dalawa. Nakaupo si Veronika sa duyan at di gumalaw si Alan sa pwesto nya.
Lumilipad ang tingin ni Alan. Sa bunga ng niyog, sa mga dahon nito, sa cottage nila, sa ibang guest ng resort. Hindi makatingin kay Veronika.
“Kamusta ka na?” tanong ni Veronika.
“Ayos lang,” sagot ni Alan, “Kala ko uuwi na kayo.”
“Sila lang. Kakarating ko lang kaya.”
“Yun nga e.”
“Pumayat ka yata.”
“Puyat. Kasama ba naman si Ed sa dorm.”
Tumawa si Veronika, “Talaga, mag roommate kayo?”
“Hindi. Yun nga mas malala. Hindi ko sya roommate pero parati sya sa room namin.”
“Hay. Ed talaga.”
“Ikaw, bat ka nagpagupit?”
“Wala lang. Bagong look.”
Ngumiti si Alan, “Naisip ko rin.”
“Matagal na tayo hindi nagkikita.”
“Maganda ang Miag-ao. Hindi mo siguro magugustohan dun. Pero gusto ko dun.”
“Talaga? Masyal kaya ako dun. Hindi pa ako nakapunta dun.”
“Wag na. Mapapagod ka lang sa byahe.”
“Kamusta ka na?”
“Sabing ayos lang nga.”
“Ang ganda ng dagat.”
“Oo, napakalawak. Pagnakarating ka dun sa dulo, mas malawak pa pala kesa sa inaakala mo.”
“Ang lalim ah. Ganyan ba natutunan nyo sa Miagao?”
“Yan at marami pang iba.”
“Kailangan ko talaga pumunta ng Miagao.”
“Wag na sabi.”
Tuwama sila pareho.
“Alan,” sabi ni Veronika, “hindi ko alam kung ano ang sasabihin.”
Ngumiti si Alan, “Wala naman nagsabi na dapat tayo magusap.”
“Oo nga.”
Ilang minuto hindi sila nagsalita.
“Hindi ka naman dapat mabahala,” sabi ni Alan, “Wala kang dapat ipaliwanag. Umpisa palang alam ko na darating at darating tayo dito.”
“Bat mo pa pinatuloy?”
“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hindi ko sinubukan.”
“E, ako. Mapapatawad mo ba ako?”
“Mahirap magalit sa mga tulad mo. Ayos na rin, kasi sinubukan mo rin.”
“Ewan ko. Tadhana na lang ang bahala.”
Ngumiti si Alan, “Tadhana? Ang tanda mo na pero naniniwala ka pa dyan? Alam mo ba na ang mga naniniwala sa tadhana ay mga taong tamad o…”
“O ano?”
“Mga taong takot.”
Pinilit ni Veronika ngumiti, “Astig ah.”
Tinignan ni Alan ang kanyang mga mata, “Sabing hindi natin kailangan magusap e.”
Pinanindigan ni Veronika ang ngiti nya, “Wala to.”
“Alam ko rin ang gusto mo sabihin sakin ngayon.”
“Dami mong alam ah.”
Sumikip ang dibdib ni Alan, “Magkaibigan pa naman tayo e.”
“Ibig ba sabihin nun, pwede na ako pumunta ng Miag-ao?”
“Mas gusto ko ang Miag-ao kung ano sya ngayon. Magkaibigan pa rin naman tayo kahit hindi ka pumunta sa Miag-ao.”
“Oo nga.”
“Hindi natin kailangan magusap. Ang ganda ng dagat.”
“Oo nga. Dito muna tayo. Buti magkaibigan na tayo ulit. Magiging ayos na ang lahat.”
Tinignan ni Alan ang dagat. Hindi na nya malaman kung saan natatapos ang dagat at kung saan nagsisimula ang langit. Sayang, isip ni Alan, hindi mo mararamdaman kung gano ko gusto maniwala
Mataas pa ang araw at medyo nakakasilaw ang tubig.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s