Inuman


“Ang tanging kasalanan ko sa mundo, “sigaw ni Arthur, “ay ang magmahal ng isang magandang babae!”
Lasing si Arthur. Inaalayan sya ni Robert sa kanan at ni Alan sa kaliwa. Kasawa rin nila si Jake at Edmund. Lahat sila nakainum. Paekis-ekis na rin maglakad si Edmund. Malapit nang mag hating gabi. Naglalakad sila pabalik sa dorm.
“Pano tayo makakapasok sa dorm nito?” tanong ni Robert.
“Ewan.” sagot ni Alan.
“Langhiyang Art, binigyan pa tayo ng problema.” sabi ni Edmund.
Tinuturing nila si Arthur bilang pinakamatalino sa bagong barkada nila. Mahilig magkwento at magdebate. Parating may librong hawak. Maraming alam sa mundo. Nangyaya ito ng inuman.
Sya parating namumuno sa diskusyon. Nagtanong sya kung alam nila ang ibig sabihin ng Social Democracy. Walang may alam, ipinaliwanag nya. Tinanong kung ano ang masasabi nila. Nag kwento din sya bakit kailangan ng political will sa bansa. Kung may silbi pa ba ang SK. Ano ang problema sa sistema ng edukasyon sa Pinas. Masaya ang lahat na nagiinuman.
Dahan-dahan na tungo ang usapan sa pamilya. Na-miss na ni Arthur ang bahay nila sa Davao. Magdadalawang buwan na syang hindi nakauwi. Nahihirapan pa rin syang mag Hiligaynon. Kamusta na kaya ang mga ka barkada sa hayskul. Nagpalitan ng mga kwento. Napansin na nila na marami na ang na iinom ni Arthur.
“Sabay sabay tayo pare,” sabi ni Arthur habang tinataas ang baso, “ang toast na to, ay para sa mga kabataang matatapang ang mga pananaw ngunit merong mga duwag na damdamin! Sana wag tayong tularan ng mga susunod na henerasyon!”
Mag roommates sina Jake at Arthur. Sabi ni Jake madaling araw na pumasok si Arthur sa kwarto. Nagising sya nang marinig ang paghulog ng cellphone ni Arthur sa sahig. Napansin rin nya na namumula ang mga mata ni Arthur. Kinaumagahan, kinamusta nya si Arthur. Ayos lang daw. Inum daw mamya.
“Nakakagago naman nito,” sabi ni Arthur, “bat ba tayo nag aaral sa bundok at gubat?”
Nasa harap lang ng campus ang pinaginuman nilang bar at restaurant. Kaso ang dorm nila ay isa’t kalahati pang kilometro. Limang minuto lang na byahe galing dorm papunta sa klase nila pag naka traysikel. Pag naglalakad sila, mga kalahating oras din. Wala ng mga traysikel at may kasama pa silang lasing.
Aspalto ang daan. Sa magkabilang gilid ay gubat. Paakyat-pababa din ang daan. Merong mga streetlights sa kaliwa nila pero hindi ganong maliwanag. Magkakalayo din ang mga streetlights. Malamig ang hangin. Malaking pasalamat nila na maganda ang panahon. Bilog ang buwan at maraming bituin.
Nangangawit na ang mga balikat at mga binti nina Robert at Alan.
“Jake,” sabi ni Robert, “Ikaw naman dito o.”
“Sige, badtrip naman si Art e.” pinalitan ni Jake si Robert.
“Ed,” sabi ni Alan, “ako rin, nakakapagod e.”
“Bahala ka dyan,” sagot ni Edmund. “Baka sukahan ako nyan.”
“Wala ka talagang kwenta Ed.”
“Oo nga,” biglang sagot ni Arthur, “Wala ka talagang kwenta Ed. Bakla ka no?”
“Baka ikaw, lasenggo.” mabilis na tira ni Edmund.
“Ewan. Hindi naman ako lasing e. Nakainum lang.”
“Kaya pala hindi ka makalakad ng maayos.” komento ni Robert.
“Oo nga.” sangayon ni Edmund.
“San naba ako? Tama. Yung mga magagandang babae…”
“Nakainum o hindi, maingay talaga ang isang to.” sabi ni Jake.
“Bilisan na lang natin.” sabi ni Alan.
“Kung iisipin,” patuloy ni Arthur, “nasa palad ng sino mang magandang dalaga ang mundo.” Tumigil saya at naghintay ng reaksyon galing sa mga kasama.
Sinakyan naman ni Edmund, “Bakit naman? Hay nako.”
“Kasi, nagkakarandapa lang ang lahat ng binata sa kanya. At dahil dito masamang disisyon ang magkaroon ng isang magandang nobya.”
“Tapos?”
“Syempre, pinagaagawan sya. Pag may nakita lang syang konting mali sayo, mapapaisip nya na, bakit ako poproblemahin tong tao to? Kahit sinong lalaki nagkakagusto sakin.”
“Hindi naman siguro lahat tol ganyan.” Sabi ni Alan.
“Umm. Pwede. Siguro. Pero hindi mo madi-deny e. Meron silang surplus. Anytime, pwedeng palitan. Di ba?”
“Tama.” sagot ni Edmund.
“Actually alam ko naman yon. Yung nobya ko dun sa Davao. Nobya dati pala. Kung pwede ngalang ayokong lumapit dun e. Napakaganda na alam mo talaga na problema lang dadalhin ng babaeng yun sayo. Hay nako.”
“Bakit mo pa rin pinursige?” tanong ni Edmund.
“Ewan. Basta nagkatabi kami sa isang klase. Nagusap kami. Tapos hindi ko na matigilan ang sarili ko.”
“Hay nako.”
“Anong oras na ba to?” tanong ni Robert, “Pwede pa kaya tayo makapasok?”
“11:45,” sagot ni Edmund. “kaya pa yan.”
“Hindi nyo ako maiintindihan.” sabi ni Arthur, “Hindi nyo pa kasi napagdaanan to.”
“Yan si Alan,” sabi ni Edmund, “kaka iwan lang sa kanya ng kaklase namin sa hayskul.”
“Ed, ano ba?” pikon na sabi ni Alan.
“Ayos lang yan tol,” sabi ni Arthur, “Astig ka nga e.”
“Bakit?”
“Parang wala lang sayo. Astig. Ako na perwisyo ko pa kayo. Astig. Gastos pa.”
“Pabayaan mo na. Wala ka na mang mababago sa nangyari.”
“Mag kwento ka kaya tol?”
“Heto na naman tayo.” sabi ni Edmund.
“Gago ka Ed. Basta ibang usapan naman yung sa akin.”
“Ikaw bahala. Basta, sana inunahan ko na lang. Summer pa lang may kutob na kasi ako. Pero hindi ko lang pinapansin. Ginawa pang dahilan ang pag aaral ko dito. Malayo raw. Tangina. Sana dun nalang ako sa amin.”
“Iiwan ka pa rin naman nya.” sabi ni Jake.
“Kahit papano magkasama kami dun.”
“Mas mabuti na nandito ka.” sabi ni Alan.
“Malayo ako sa bahay. Sa barkada. Buti na lang dito kayo.”
“Minsan kailangan lumayo para makapag isip.”
“Ewan ko Alan. Basta sana kasing kalmado ako gaya sayo.”
“Mawawala rin yan tol.” sabi ni Edmund.
“Oo nga. Walang bagay na hindi kayang ituro ng panahon.”
Ngumiti si Alan. “Tama yan tol.”
“Sa tingin mo, bakit ka nya iniwan?” tanong ni Edmund.
“Parati kasi akong may ginagawa. Parating busy. Ano kasi yon. Parang masayahin. Free-spirited ba. Parang wala lang. Puro adventure lang yata nasa isip nun e. Pinapangaralan ko nga parati e. Minsan lang kami mag kasama, pinapagalitan ko pa. Ang boring ko pa. Ewan. Tapos ito? Miagao men! Iloilo! Ewan ko ba kung pano ako naka rating dito.”
“Hay nako,” sabi ni Edmund, “malayo nga tayo sa syodad, pero hindi sa bisyo.”
“Tama Ed! Bisyo!” sagot ni Arthur. “Mga babaeng yan!”
“Sa tingin ko Art,” sabi ni Jake, “ang ibig sabihin ni Ed ang alak hindi ang syota mo.”
“Ah, ganun ba?” tumawa si Arthur.
“Langhiyang buhay to o.” sabi ni Edmund, “ayoko na. hindi na ako makikipagtalo sa may sayad na to.”
“Tama na yan,” sabi ni Alan, “bilisan na lang natin. Ano ba yan Art? Ayosin mo naman maglakad. Kanina pa tayo naglalakad, siguro naman nabawasan na yang tama mo.”
Tumawa si Arthur, “Sensya ka na talaga pare. Maganda rin ba nobya mo dati Alan?”
Sinakyan na lang ni Alan, “Oo,” tumawa sya, “syempre lang.”
“Oo nga naman,” sabi ni Arthur, “Ano ginawa mo?”
“Ha?” Hindi komportable si Alan sa pag kwento, “Wala, pinabayan ko lang. Kasi, ewan ko. Ayoko ko nang pahabain ang usapan. Wala naman akong maraming tanong nung nagsimula, bat ako mag hahanap ng mga sagot nang…matapos na…ewan ko.”
Hindi agad nakasagot si Arthur. “Hindi ko na isip yan ah.”
Nagtinginan sila. Patuloy ang paglakad nila.
“Ayos lang yan Art,” sabi ni Jake, “pabayaan mo yan. Andito ka sa ‘bundok at gubat’ para mag aral. Ang dami-dami kaya ng mga chicks dito. Hindi mo lang mamamalayan, ayos ka na.”
“Tama, yun nga!” sigaw ni Arthur.
“Ha?”
“Yun nga ang totoong problema!”
“Ang alin?” Nalilito sila.
“Ang dami-dami!” sigaw ni Arthur, “masyadong marami!”
“Ang mga babae?”
“Hinde! Ang mga tulad nito!”
“Mga lasenggo?” tanong ni Edmund.
“Hindi, masyadong maraming ang mga kwentong pag-ibig!”
“Natuluyan na…”
“Hindi Ed. Yung ang problema sa bansang ito e. Hindi sa buong mundo pala. Masyadong maraming kwentong pag-ibig. Ang mga tao ay nabubuhay sa mundo, nainiisip na ang pag ibig ang saysay kung bakit tayo nandito. Ang pag-ibig ay hindi ‘an end in itself’. Isa syang ‘mean’, isang instrumento. Nagbabasa ba kayo ng mga libro ni D.H. Lawrence?”
“Wala na ako may maintindihan.” komento ni Robert.
“Masyadong obsessed ang mga tao sa romantic love. Pero syempre, gaya nga ng sinabi ni Alan, kailan man hindi natin ito lubusang maiintindihan o makokontrol.”
“May sinabi ka bang ganun?” tanong ni Jake.
“Siguro. Ewan. Wag ka nang maingay.” sagot ni Alan.
“At dahil dito,” patuloy ni Arthur, “Wala ng panahon ang mga tao para sa ibang uri ng pag-ibig. Pagmamahal sa kapwa, sa kalikasan, sa bansa, sa Diyos. Pagmamahal sa edukasyon at sining. At syempre ang pagmamahal sa sarili. At kapag nawala ang romantic love o maging unrequited love na sya, iniisip ng mga tao na katapusan na ng mundo.”
“Very good example,” sabi ni Edmund, “tignan mo sarili mo.”
Malapit na sila sa kanilang dorm. Patay na halos lahat ng ilaw sa ibang dorm. “Ed, time check.” sabi ni Jake.
“Naloko na. 12:13 na. Sige lang kaya pa to.”
Namatay na ang mga streetlights. Hangang alas-dose lang ang mga ito. Lalong dumilim ang dinadaanan nila. Lalong lumiwanag ang buwan at mga bituin.
“Pasensya na talaga kayo sa akin. Patay tayong lahat nito.”
“Buti alam mo. Matatapos din ang kwentuhang-lasing na to. ” sabi ni Edmund.
“Art, baka makalusot tayo, subukan mo ngang lumakad mag isa.” sabi ni Robert.
Hindi na tumba si Arthur pero hindi umalis si Alan sa tabi nya, baka sakali ma alanganin.
“Teka Art,” sabi ni Alan, “di ba sabi mo hindi ka nagka gusto sa nobya mo dahil sa maganda sya?”
“Oo,” sagot ni Arthur.
“Ang swerte pala ng nobya mo eh. Kasi sabi mo kanina di ba, nagkakarandapa ang mga lalaki sa kanya? Bale hindi na sya sigurado kung gusto ba talaga sya ng tao kung sino talaga sya o gusto lang malapit sa kanya kasi nga ‘maganda’ sya.”
Sina Arthur at Alan na lang ang naguusap. Hindi na nakikinig ang iba, kinakabahan kung ano ang hahatnan nila pagpasok sa dorm.
“Darating ang araw,” patuloy ni Alan, “na tatanda sya, at mawawala na ang ‘kagandahan’ nya. May mga mas ‘maganda’ naman na paliligiran ng mga tao. Pero ikaw, wala kang pakialam kahit hindi na sya ‘maganda’ kasi hindi naman yon ang nakita mo sa kanya.
“Pabayaan mo lang muna. Magulo lang isipan nun. Sa matagalan, malalaman nya na konti lang ang tulad mo, at hindi mo alam baka…yon, depende na sa inyo. Ang importante ay yung pakay mo dito sa ‘bundok at gubat’ na lugar na to.”
“Galing Alan. Salamat. Wala naman akong dapat ikabahala. Kalian man hindi mag-iisa ang isang magandang babae. Mabuti to. Tatambay na ako kasama mo parati. Turuan mo ako pano makalimot.”
Muntik ng nakalimutan ni Alan na lasing si Arthur.
“Pano kita matuturuan, ni hindi ko pa nga nagawa yon?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s