Photocopy


Lumabas si Jun sa kanilang bahay, imbes na sumakay sa jeep papuntang syodad, sumakay sya sa papuntang Miag-ao. Mas gusto ni Jun ang trabaho pag Lunes hangang Myerkules. Naka-assign sya sa Miag-ao. Pag Huwebes hangang Sabado sa syodad sya. Di hamak na mas malapit ang Miag-ao sa bahay nila sa Guimbal.
Nagtatrabaho sya para sa mag-asawang Intsik na may ari ng maraming photocopier. Halos lahat ng unibersidad sa lungsod ng Iloilo ay may mga units sila. Kung di malapit sa skwelahan, sa loob mismo ang pwesto nila.
Sa loob ng jeep, malalaman mo agad kung estudyante ang pasehero. Madalas silang maraming dala, malalaki ang mga bag. Karamihan ng mga estudyante ay mga taga-syodad at umuuwi pag-Sabado at babalik pagka-Lunes. Dala rin nila ang kanilang mga gamit para sa linggong iyon.
“Nag-klase ba si sir nung byernes?” sabi ng estudyante sa katabi nya.
“Oo. Lagot ka na naman.”
“Saan banda na ang idiniskas nyo?”
“Rousseau. Sa part na ‘man is born free but everywhere in chains’”
“Okay. Ano ibig sabihin nun?”
“Ewan.”
Pinaka-matatalino daw ang mga estudyante ng unibersidad nag pagpapasukan ngayon ni Jun. Sila din ang nagturo sa kanya na dapat ‘photocopy’ daw at hindi ‘xerox’ ang tawag sa mga ginagawa nya. Xerox daw ang tatak ng makina ng photocopier.
Bumaba si Jun at naglakad papunta sa pwesto nya sa College of Arts and Sciences. Nakagraduwayt sya nang hayskul pero di na kayang mag kolehiyo. Nagtrabaho din sya ng ilang taong sa palengke ng Guimbal para tulungan ang tiyang may pwesto dun. Nang tumagal, naiisipan nyang mag hanap ng trabaho sa syodad. Maswerteng natangap agad sya bilang taga-photocopy. Lalo syang natuwa nang malaman na pwede pala sya sa Miag-ao lang ma distino. Magtatatlong taon na rin sya sa trabaho. Mabilis nang gumalaw ang kayang kamay sa pag-operate ng makina.
Ilang minuto bago mag alas nwebe nang makarating sya sa makina nya. Binati sya ni Bong. Mas bata ng ilang taon si Bong sa kanya. Taga-Guimbal din ito. Nahanda na nito ang makina nya at nilalagayan na nya ang bondpaper. Nakakandado pa ang makina ni Jun. Binuksan nya ito at inayos ang mga papel. Nilagay din nya ang bagong tinta. Inayos rin nya ang ilang readings na iniiwan sa kanya. Madalas na iniiwan lang ng Prof ang mga readings sa photocopier at bahala na ang mga estudyante kumuha ng kopya. Inayos na din ang lalagyan ng kita, siniguradong may sukli.
“Kamusta pare?” tanong ni Bong.
“Ayos lang, ikaw?”
“Ganun pa rin. Ilang linggo na lang pala bakasyon na naman.”
“Oo nga, magiging matumal naman to. Walang pasok eh.”
May estudyanteng babae nagpa-photocopy kay Jun ng ilang pahina ng libro.
May lumapit na dalawang estudyanteng lalaki.
“Kuya,” tanong ng isa, “may iniwan po ba si Sir Reyes na reading dito?”
“Tignan mo lang dyan,” sagot ni Jun. Hinanap ng binata ang kailangan nya.
Natapos ang kinukopya ni Jun para sa babae. Istinaypler nya ito at siningil ang babae. Umalis ang babae, wala na syang sukli.
“Ito po kuya yung amin.” Sabay abot ng readings. “Bale…ilan Jake?”
“Nagpadala na rin si Mel sa akin. Tatlo lahat.”
“Tatlo pong kopya.”
Sinimulan ni Jun ang pagkopya.
May dumating na isang pang lalaki, kakilala ang dalawa. “Uy. Alan, Jake, wala ba kayong pasok?”
“Wala, “ sagot ni Jake, “Ikaw Ed?”
“Meron. Photocopy muna ako.” Tinanong si Jun, “Kuya meron iniwan dito para sa Psych101?”
“Hanapin mo lang dyan.” Patuloy ang pagkopya ni Jun.
“Eto,” sabay kuha ng readings. “Malapit na lang summer na.”
“Oo nga eh.” sagot ni Jake.
“Parang malulunod ako sa readings.”
“Kami nga rin eh.” Dagdag ni Alan.
Natapos ang mga kopya nina Jake. Binigay ni Ed ang sa kanya. “Isang kopya lang po.”
Tinignan nina Alan ang readings. “Ang gastos din pala nito no?”
“Sinabi mo pa.” sagot ni Ed, “Hintayin nyo ako ha.”
“Oo ba,” sagot ni Jake.
“Alam nyo may nabasa ako minsan,” kwento ni Ed, “sa komiks ngalang. Kalokohan talaga yun. Sinasadya daw ng mga prof na damihan ang reading kasi may porsyento sila sa kita mula dito. Konspirasi ba.”
Tumawa si Jake, “Walang kwenta naman nyan.”
“Alam ko,” sagot ni Ed, “you never know di ba? Ang kapal-kapal ng readings, hindi naman na uubos discuss. Hindi naman lahat lumalabas sa exam.”
“Ewan ko sayo.” Sabi ni Alan, “Tapos na sayo o.”
Istinaypler ni Juna ng readings ni Ed.
“Magkano po lahat?”
“Kinse.”
Binayaran ni Ed. “Salamat po.”
Umalis silang tatlo. Nagkukwentuhan sa mga mabubuti at masasamang epekto ng internet sa lipunan lalo na sa kabataan.
Umupo si Jun sa silya. Naghintay ng ibang kostumer.
“Uy,” tawag ni Bong, “Ano problema ng mga yun?”
“Ewan ko.”
“Na sobrahan yata sa talino mga yun. Mga adik.”
Tumawa silang dalawa.
“Sino nga pala nanalo sa liga kagabi?” tanong ni Jun.
Nagkwentuhan sila ng basketbol.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s