Huling Araw ng Abril


Advertisements

Tayo (Paikot-ikot)


Bakit ako nandito?
Bakit kailangan kong gumising
sa umaga at matulog sa gabi,
madalas siesta pa tuwing hapon.
Bakit kailangan kong makinig sa
aking mga magulang, sumunod
ng mga batas, iwasan ang magkasala?
Bakit kailangan kong magpuyat
sa kakaaral para maka-graduate
at balang araw ay makapagtrabaho?
Bakit sinasamba ang pera?
Bakit masama maging bakla o
tomboy? Bakit kailangan makipagtalik?
Bakit maraming takot mamatay?
Ikaw man ay nasa sa syudad o
sa mga palayan at mga bundok,
mamatay ka pa rin. Ang buhay ay
isang byahe: Saan tayo
galing? Saan tayo papunta?
Sino ang ating iniwan? Sino ang
ating makikita? Sino ang ating kasama?
Bakit ka nandito?

Kailangan nating sumagot!
Kung hindi, wala tayong pinagkaiba sa
Electric fan na bumubuga ng hanging
Hinihigop din nya, umaasa sa kuryente.

Edmund (Pauwi galing Kabataan)


Nagbabantay ang ako sa tindahan namin,
naka pwesto sa gilid ng daan, kaya
maraming suking tsuper.
May dumaan na motorsiklo.
Tapos tumigil ang isang jeep.
“Hay naku! Kita mo yon?
Pulis ang nakasakay dun.
Walang helmet. Pabili nga
Ng sigarilyo. Pasindi.
Samalat.”
Binigay ko ang sukli.
“Grabe silang manghuli ng mga naka-motor
Na walang helmet pero sila mismo
Hindi ito sinusunod.”
Umalis ang jeep,
Napangiti ako pagkatapos
mabasa ang “no smoking” sa likod
Ng upoan ng tsuper.

Mario (Pauwi galing Klase)


Magkasama kami ni Juan at Joe
na umuwi isang hapon sa Leganes.
Dumadan kami sa tulay sa Diversion nang
sinabi ni Juan, “Pare, ang dami pa lang
Bukaw sa Iloilo River no?”
Tumawa si kami ni Joe.
“Bukaw” sabi ni ko, “ay owl sa English.
Bakhaw ang tawag sa mga halaman na yan.
May lugar ngang Bakhaw, Mandurriao di ba?
Pero ang iba, Tabucan ang tawag dyan.
May lugar rin na Tabucan ang pangalan.”
Tumawa sina Joe at Juan.
Sabi ni Joe, “Mabuti pa, mangroves na lang!
Para di na magka misunderstanding!”

Sandra (Papuntang Sentro)


Maniwala ka, sa tenga lang
maganda ang mga katagang,
“ilaw ng tahanan.” Kailangan
kong dalhin sa sentro tong
si bunso para pabakunahan ng libre.
Dalawang buwan na lang magiging kuya
na rin sya. Sabi ng mga kumare
ko, “Lima na lalaki mo, sana babae naman!”
Hinimas ko ang tyan, “Dyosko, wag na!”
Dumaan kami ng aking panganay
sa harap ng paaralan.
Siguradong gwapo sya pagsuot ang
puting polo. Hinintay ko, pero
di nya na sinabing, “Nay, gusto kong
mag-aral.” Sasagutin ko lang sya ng,
“Tanongin mo tatay mo mamya
kung tapos na syang pumasada ng sikad.”
“Hayaan mo anak,” sabi ko, “Mahirap
parin tayo kasi maraming kurap.
Konting tiis lang, may awa ang Diyos.”
At tinignan nya ang kanyang bagong kapatid sa aking tyan.

Anton (Pauwi galing Simbahan)


Parang langit sa taas ang kisame,
inaangat ng mga makinis na haligi.
Nakikita ng altar ang daan-daang tao,
pumipila at naghihintay ng pagkakataon
tangapin ang Diyos. Hindi kailangan
pumunta sa dulo ng pila, pwedeng
maki sal-ot. Pagbibigyan naman ng de
alahas ang naka-tsinelas at ng
maka-maong ang naka-slacks.

Malungkot isipin ang liit ng simbahan sa mundo
at ang ikli ng isang oras sa isang linggo.