Dalawang Uri ng Paalam


“Love is just a game they play in high school.”
The Cure

Minsan napag-usapan naming magkaklase kung ano ang pinakanatutunan namin sa unang taon sa kolehiyo. Iba-iba ang mga sagot ng mga kasama ko. Merong parang parte ng kanilang pag-mature. ‘Yung tipong mas alam na nila ang mga pasikot-sikot sa syodad, mas marunong na silang mag-budget ng allowance, o kaya ay mas masipag na silang mag-aral. Meron din mga sagot na medyo nakakaalarma. Hindi ka sigurado kung nagbibiro. Natutunan daw nila sa kolehiyo ang uminom, manigarlyo, o di kaya ay ang mag-nightout. Ang pinaka na gustuhan ko ay ‘yung mga kwento sa mga bagong tuklas na mga katangian na ‘di nila alam na nand’yan pala. Meron akong kaklase na nag-aaral tumugtog ng gitara, meron din nag-aaral ng drawing. Meron ding natuklasan na may leadership skills pala s’ya.

Nang ako na dapat ang magbahagi ng leksyon, nahirapan ako. Tinignan ko ang mga kaklase na halos isang taon ko palang kakilala, pero parang kapatid na ang turing sa akin. Ang pinakanatutunan ko kasi ay ‘yung hindi na ako masaya sa kurso namin, o at least ‘yun ang iniisip ko. Masaya ang mood ng lahat kaya hindi ko naman deretsahang sinabi. Nagpagka-poetic pa ako, sabi ko, “Ako, nalaman ko na may dalawang uri pala ng paalam.” Nagsitaasan ang mga kilay nila sa kung ano ang pinagsasabi ko. Kuhang-kuha ko ang atensyon nila, tinuloy ko, “Ang unang uri ay ‘yung madalas natin ginagamit. ‘Yun bang ‘paalam, pero sana tigilan mo ako’ na tipo. Ginagamit para malaman o ma-confirm na ayaw ng sinasabihan mo na umalis ka.” Namuo ang ngiti sa ilan sa mga kasama ko, “‘Yung ikalawang uri ng paalam ay ‘yung,” huminga muna ako nang malalim, “‘paalam na’.” Iba-iba ang reaksyon ng mga kaklase ko. Konting biruan at tuloy ulit ang palitan ng mga kwento. Tahimik lang si Bernard. S’ya lang kasi ang nakakaalam kung bakit ‘yun ang mga pinagsasabi ko.

Kate, ang tawag daw sa ginawa o sa kondisyon ko ay nomadism. Ito daw ang sitwasyon kung saan ang isang tao ay palipat-lipat ng tirahan o umaalis sa ibang lugar dahil sa isang traumatic na karanasan sa partikular na lugar. Nomad kasi, ano ba ang ginagawa ng mga nomad? Byahe lang nang byahe, walang permamenteng tirahan.

Matagal na rin akong hindi nakasulat. Sulat bilang isang personal na libangan. Tuloy naman ang sulat ko sa klase at para sa college paper. Sa totohanan lang, ikaw ang sinisini ko. Writer’s block na ilang buwan ang durasyon. Kapag nakaupo na ako at may blangkong paper, nabablangko din ang isip ko. Pero kung wala naman, lumilipad ang mga idea ko. Parang ang dami kong gustong sabihin. Parang kalokohan din kasi halos lahat nang iniisip ko ay tungkol sa kung ano ang nangyari sa atin. Marami akong panahon para mag-isip. Kung si Bernard pa, ‘to philosophize’. Ewan.

Sabi ko gagawa ako ng kwento. E wala naman akong maisip na plot o ewan. Tapos sabi ko liham. Masyado namang boring. So parang ipinagsama ko ang dalawang konsepto at ito ang kinalabasan. Isang kwentong liham. Parang kwento, na parang liham na hindi naman, on both cases ha. Ewan ko ba. Basta ang importante masabi ko, pagkatapos natin magkita ulit, kung paano ako nakaabot dito sa Manila.

-0-

Hindi ako sigurado sayo pero ang first year ko ay maluwag. Maluwag in the sense na marami akong free time. Maluwag din kasi nga GE subjects palang karamihan ng subjects ko. Parang review lang ng high school. Alam mo naman ako, pag may pagkakataon, libro kaagad ang inaatupag ko. Hindi ako ganong nakikihalubilo sa mga classmates ko dahil para sa akin, mabababaw ang pinag-uusapan nila. At least kadalasan. Pakiramdam ko, pagkatapos natin maghiwalay, ang laking panahon ang inaksaya ko. Nung tayo pa, bihira lang ko magbasa, o di kaya di ako maka-concentrate. Sa dami ba naman ng kalokohan na pinaniwala mo sa akin.

Bitbit ang libro ko naghahanap ako ng pwesto sa loob ng campus na magandang reading corner. Maniwala ka, hindi ito naging madali. Di tulad ng high school, wala kaming homeroom. So pag walang klase, para kaming mga pulubi na palaboy-laboy sa campus. Ang iba nagmu-malling, ang iba, internet o DOTA, ang iba talagang naka-tanga lang.
Malayo ang library sa college namin, at marami echos na policy na ‘di ko na inalam. Para sa akin, hindi student friendly ang library. Merong mga dapat mag log in/log out, merong bawal ang magdala ng ballpen, at bawal magdala ng sariling libro! Imaginin mo ‘yon? Pero ‘di rin ako sigurado kasi na badtrip na ako. Kasalanan ko rin naman, hindi kasi ako nag-attend ng orientation. So saan ako napadpad? Sa parang grandstand ng school. Nakaharap ito sa football field. Sa gitna ito at ideal sa activities ng mga indibiduwal na colleges man o ng buong university. Pero kung sa ordinaryong araw, wala naman gumagamit nito. At least, konti lang. Dito ang reading corner ko.

Dito ko nakilala, hindi naman, kilala ko na s’ya pero dito kami nagkamabutihan. Ang natatangi kong kaklaseng si Bernard. Magkasingtangkad lang kami, pero ‘di hamak na mas malaki ang tyan n’ya. Iconic din sa klase ang bilog nyang salamin kagaya nung kay John Lennon. Hiniram n’ya ang librong binabasa ko, “Light in August, William Faulkner. Hindi ko kilala ‘to a. Mahilig kang magbasa no?”

“Oo naman. ‘Yun lang naman yung pinakaluho ko.”

“Oo nga. Maganda s’ya. Kumpara mo sa DOTA, o nightout, o mga sapatos, o alak, o sigarilyo. Ito, mura, tipid sa kuryente at marami ka pang matutunan.”

“Ano ba mga pinagbabasa mo?”

“Kahit ano naman. Novels din madalas. Pero hindi kasing sosyal ni Faulkner. Yung mga tipong Stephen King lang. Mga bestseller ba.”

“Okay din kaya ‘yan. Nagbabasa din ako ‘yan paminsan-minsan.”

“Mababa kasi ang tingin ng mga academics sa mga pop fiction. Bahala sila sa buhay nila. Mga Nobel Prize o Pulitzer ewan. Pinahihirapan lang nila ang mga sarili. Kasi may standards yun di ba? ‘Literature’, ‘Art’, ‘Classic’, echos.”

“Siempre kailangan din ng mga ‘yan para ma-preserve yung culture or something kahit papano ‘di ba?”

“Tama rin. Oo, tama ka. Pero ewan mas maganda ang buhay noon. Halimbawa, ‘yung mga epic poems. Isa ‘yun sa mga pinakalibangan nila. Mayaman, mahirap, nalilibang sa pag-recite ng epic poems. Ngayon, edukado ka kung nagbabasa ka ng Faulkner, pero kung nangbabasa ka ng Tagalog pocket book, ano ang tawag sayo? Kasambahay?” Tumawa kami, “Sila naman yung mahilig nun ‘di ba?”

“Okay ah,” sagot ko, “literature at art bilang resulta din ng class struggle. Marxist na birada.”

“Tama, pero ayoko ngang tawaging ‘Marxist’. Pangalan palang kasi may connotation na. Masipag kasi ang mga tao magbigay ng mga pangalan at connotation na pabor sa kanilang agenda. Isa pa, para sa akin, ang layunin ng sining ay mapagkaisa ang lahat ng tao. Mapakita sa pare-pareho lang tayo at kailangan natin mahalin ang kapwa.”

Sa mga puntong ‘yun, high na high na ako. “Lintik naman o, Bernard pangalan mo ‘di ba?”

“At ikaw si Norman, ang batang nerd at loner na sa tingin ng ibang girls sa klase ay cute. Sa tingin ko, hindi naman sila na popogian sayo, na iintriga lang. Hay nako.”

Tumawa kami ulit. “Salamat. Malamang tama ka.”

May kinuha s’yang nakaipit sa libro ko, “Teka, ano ‘to? Sonnet? Poem ba ‘to?”
Parang napahiya ako.

“Oo, pero ‘di pa ‘yan tapos. Malamang ‘di ko na ‘yan matatapos. May writer’s block kasi ako ngayon.”

“Shit. Nosebleed ako a. Sumusulat din ako. Kaso short stories yung trip ko. Hindi yung pang-Palanca ha, yung trip-trip lang. Sabi ko nga sa mga kaibigan ko, hindi ‘to literature, ito ay kwento. Hindi ako writer, ako ay isang storyteller. Malaki pinagkaiba nun.”

“Nakita mo ba yung announcement sa editorial exam sa college paper?” tanong ko sa kanya.

“Ah…hindi yata.” Halatang nagbibiro sya, “Yung bukas ng hapon, one to four pm, room QH206. Deadline of application form ngayong hapon?” Sabay naman kaming tumawa.

Naging matalik ko nang kaibigan si Bernard.

-0-

Ang first year ko ay para na ring isang bagong pagkabuhay. Merong kasabihan na tell me who your friends are and I’ll tell you who you are. Malaki ang katotohanan sa kasabihang ito. Ang mga tao sa paligid natin ay madalas na nagbibigay ng ating katauhan, ating identity. Ako ay naging bagong tao dahil halos sa lahat ng oras ang mga bagong kaibigan ang kasama ko. Tinanong ako ni Mama kung may mga kaklase ba ako sa hayskul na sa W— din magka-college. Meron din naman. Siempre alam mo ‘yan. Pero sa ibang colleges. Sa Arts and Sciences ako lang nag-iisa. Ang mga kabarkada ko naman lahat ay sa ibang skwelahan nag-aaral.

Hindi ko malimutan na ang unang kwento na narinig ko tungkol sa akin ay pagiging suplado. Meron kasing tendency sa mga freshman na humanap ng parang ‘haven’ sa kanilang hayskul friends. Sa unang araw ng klase, sa kahit anong klase, parating magkasama ang mga magkaklase noong hayskul. Natural naman ito dahil siempre, may pinagsamahan na sila. Nagkakaroon ka ng pagkakataon makilala ang di mo ka-close noong hayskul . alam mo naman na hindi yon ang sitwasyon sa akin. Kung iisipin, wala na akong pakialam sa mga kaklase ko noong hayskul. Hindi ako unang bumabati, at hindi ako nakikitambay para makipagkamustahan.

Maliban kay Bernard naging malapit ako sa dalawa pang kaklase. Si Daniel, o Danny at si Victor. Kung iisipin si Bernard na nga ang nagpakilala sa kanila sa akin. Naging malapit ako sa kanila kasi malapit sila kay Bernard. Nangtumagal napansin na si Bernard ang ‘malamig’ na pakikitungo ko sa mga classmates natin. Kaibigan na n’ya kasi ang ilan. Ganyan ka ma-PR si Bernard. Sabi nga ni Danny ipinanganak s’yang pulitiko. Sinimulan na kasi akong kamustahin nina Beth, Lourdes, tsaka ni Lea. Nagtaka si Bernard kung bakit pa sa kanya tinatanong. Sabi nila, nagbago na kasi ako.

Minsan nag-inuman kami sa boarding house ni Victor, taga-Aklan pala s’ya, ikinuwento ni Bernard sa akin ‘yon. Sabi ko, “Nagbago? Paano?”

“Ewan ko sayo. Bakit hindi mo kasi kinakausap ang mga kaklase mo?”

“Ano naman pag-uusapan namin?”

“Ewan. Ang importante magkwentohan kayo paminsan-minsan. Mga kaibigan mo ‘yon e.”

Natawa lang ako sa dahilan, “Ewan.”

“Tungkol naman ba to sa syota mo dati?”

Sumingit si Victor, “Ah, taga-W— din ba ex mo Norman? Sino?”

“Wala,” sagot ko, “pabayaan n’yo si Bernard. Pinapalaki lang nito ang isyu. Ni hindi nga isyu e.”

“Parang alam ko ‘yan Norman,” sabi ni Danny, “Hindi lang ako sigurado ha. Sa tingin ko, pakiramdam mo parang tinalikuran ka ng mga kaibigan mo.”

“Ha?” sabi ko, “Ano ibig mong sabihin?”

“Unang syota mo ‘yun no? Ganyan talaga ‘yan.”

“Ummm,” sabi ni Bernard, “Mr. Psychologist, pwede paki paliwanag kung ano gusto mong sabihin?”

“Noong nakipaghiwalay si pareng Norman, pakiramdam n’ya, nag-conspire ang buong mundo laban sa kanya. Norman, basura ‘yan ang iniisip mo. Tigilan mo ‘yan.”

“Ganun?” tanong ni Victor, “Tama rin. Alam mo Norman, hindi naman pwedeng mag-take sides sila e. Pareho kayong mga kaibigan ng mga ‘yon.”

“E, wala naman akong sinasabi na kampihan nila ako a,” sabi ko.

“Tahimik na nga lang ako.”

“Yun,” sabi ni Danny, “tahimik ka. Wala kang may ikinukwentohan. Maliban sa amin siguro. Pero s’ya malamang meron. Kaya ‘yung sympathy nila sa kanya hindi sayo, at least sa isip mo. Kaya parang lumalabas na wala silang pakialam sayo. ‘Matibay’ ka e. Kaya mo ang sarili mo.”

Sabi ni Bernard, “Sisihin mo ego mo. Ito, tagay mo na to.”

Maniwala ka Kate, sa oras na ‘yon hindi ko alam kung sino ang lasing; ako o sila, wala o lahat kami.

-0-

Pareho kaming natangap ni Bernard sa college paper. Tinanong kami kung ano ang specialty naman. Sagot ni Bernard, “Specialty? Parang ulam? Hehe. Joke lang po. Short Story po. Literary.” Sabi ko naman, poetry. Natuwa si Kuya Jeff, editor-in-chief namin. Mapakikinabangan daw kami sa literary folio. Pero sa ngayon, journalism muna talaga. May issue kami kada tatlong buwan, minsan apat, salamat sa time management skills ni Bernard. Tapos sa end ng school year, merong literary folio.

Pinakamagandang bagay na siguro ng first year ko ang matagap sa college paper. Nakakasulat na ako ulit kahit papano, meron kaming discount sa tuition, at meron kaming sariling office. Hindi na ako tumatambay sa grandstand. Simple lang ang office namin pero may mga silya, mga mesa, may electric fan, may official computer. Para naring secong home ko ang office. Dito ako nagbabasa at minsan sumusulat. Meron kaming mga locker kaya dito ko iniiwan ang mga gamit ko. Pag PE, dito rin ako nagbibihis. Pagnagmamadali, dito na rin ako nagpi-print ng assignments. Si Bernard kahit hindi nagmamadali. At, take note, may games ang PC namin. Merong Age of Empires at siempre ‘yung usong-uso noon na Plants vs. Zombies. Pag inaantok, natutulog din ako sa office. Naging mas madali ang buhay ko dahil sa office na ‘yun.

Marami pang naitulong sa amin ang pagiging staffers sa paper. Dahil kailangan sa balita, marami kami naging kakilala sa Admin, sa OSA, sa Dean’s Office, atbp. Naging malapit din kami sa ibang staff-writers na ibang year level at ibang course. At dahil nakikitambay din minsan sina Danny at Victor sa office, nakikitambay din ang mga kaklase nila. I’ll tell you who my friends are and you tell me who your friends are, para barkada! Tapos katabi ng office ng publication ay ang office ng student council. So mga kaibigan ulit. Siempre mas maraming kaibigan si Bernard. Kapag enrollment, hindi pangkalahatan ang pagbayad, kaya kami mismo ang nagkokolekta ng publication fee galing sa mga estudyante. So? Nakakapagod pero marami kaming nakikilala. In short nagiging sikat kami, at least sa college namin. Kalokohan talaga. Nagsisimulana rin akong makihalubilo sa mga klasmayts ko.

Nasa huling bahagi na kami ng editing at lay-outing ng literary folio nang bumisita ka sa W— at nagkausap tayo.

-0-

Matagal pa bago ko nasabi kina Bernard ang buong kwento tungkol sa atin. Ni hindi nga ako komportable na tawaging ‘kwento natin’. Kwento natin siguro pero sa persective ko. Meron din sa perspective mo. At meron din ‘yung kwento talaga. Nakakahinayang dahil madalas hindi na nalalaman ang ‘kwento talaga’. Ewan ko. Nang tinanong ko kay Bernard paano n’ya nalaman na may bumabagabag sa akin, sabi n’ya siguradong may problema ang taong kasing seryoso ko. Meron bagay na pinagiisipan nang husto. Sabi ni Danny hindi daw ‘yon nakakabuti sa kalusugan ko, ayon daw kay Freud. Mga damdamin na sinu-supress. Masama daw kasi iniipon ko, at delekado kapag lalabas. Dagdag pa ni Bernard, “Lalo na ngayon, sabi mo may writer’s block ka ‘di ba?”

Isang araw, September ‘yon, birthday ni Danny, hinamon nila ako. Pagkatapos namin magtangahalian, manglilibre si Danny ng ice cream. Hindi daw n’ya ako bibilhan kung ‘di ko ikukwento sa kanila. Sabi ko, “Ayos lang, ako lang bibili ng ice cream ko.”

“Norman?” tanong ni Danny habang naglalakad kami papunta sa suki naming karinderya sa labas ng W—, “Gago ka ba? Kaya ka nga hinahamon e para masabi mo na. Alam ko naman na afford mo ang ice cream e. Kahit ilang galon pa. Sige na,”

“Wala naman mawawala sayo,” dagdag ni Victor, “Tapos na ‘di ba?” ‘Yun ang nag-trigger sa akin. Ayos na lang pag-usapan kasi tapos na. Huminga ako nang malalim at ikinuwento sa kanila.

Nakaupo na kami lahat at may kanya-kanyang ulam at meron pang two liters na Pepsi, compliments from the birthday boy. “Okay, pangalan n’ya ay Kate,” sinimulan ko, “Sa school namin, kapag kaklase mo noong first year, hangang fourth year na ‘yun. Maganda siempre—”

“Bias,” singit ni Bernard.

“Sige, hindi naman maganda, conventional e. Maputi, magaling lang manamit, marunong magdala ng sarili. Nothing special kung iisipin—”

“Bitter,” singit naman ni Danny. Tawanan.

“Tutuloy ko pa ba ‘to?” sabi ko, “Ang gulo n’yo e.”

“Oo na, sorry. Tuloy pare,” sabi ni Bernard pero ngumingiti pa rin.

“Magkakilala kami pero ‘yun lang. May barkada naman akong sarili e. Wala lang. Sa mga groupwork lang nagkakausap, mga ganun. Pero nagbago ‘yun noong third year.”

“Heto na,” sabi ni Danny sabay nguya.

“Nagkatabi kami. Sa sitting arrangement mismo. Tapos ‘yun, nagkatabi kami sa klase, hangang nagkaroon ng free time yata. Walang pasok. Absent ang prof tapos nagkakwentohan kami.”

“Idle minds are the devil’s workshops, tama ba ‘yon?” sabi ni Victor. Tawanan.

“Dun na. Masarap pala s’ya kausap. Tuloy-tuloy na yon. Nagulat nga ako na pwede pala akong maging malapit sa isang babae. Ewan.”

“Gender issues?” tanong ni Danny. Tawanan.

“Teka, magsiayos nga kayo. Nang panahon na ‘yon,wala akong hilig sa babae.”

“Bakla ka pala dati?” tanong ni Victor. Tawanan.

“Uy, gender issues.” Sabi ni Bernard, “Tuloy.”

“Hindi, mahilig na kasi ako sa libro noon.”

“Nagsisimula ka na maging nerd…” sabi ni Danny, “Ikaw Victor kung ano-ano agad iniisip mo.”

“Pwede patapusin nyo ako?” sabi ko, “baka ma-late tayo sa klase.” Halos ‘di pa ako nakakain sa kakatawa. Tumahimik din sila. “Hindi ako mahilig sa mga babae dahil, kaka-basted lang sa akin noon. Sa kanya ko lang ikinukwento ang mga ‘yun. Alangan naman sa barkada kong puro lalaki.”

“Gender issues na naman.” Sabi ni Danny, “S’ya, kamusta yung status n’ya?”

“Yun. Papunta na ako dun. May boyfriend s’ya. Pero ‘yung lalaki, sabihin na natin na hindi isang asset.” Tawanan.

“Hindi asset?” tanong ni Danny, “Okay, writer nga pala kausap ko. Sige, tapos ano nangyari?”

“Exchange notes yung trip namin. Kwentuhan ko s’ya, kwentuhan n’ya rin ako sa mga kung ano man ang mga hinaing n’ya.”

“Sigurado ka bang hindi ka bakla?” tanong ni Victor, hindi ko na pinansin.

“So sa duration ng mga kwentohan, na sabi ko na hiwalayan n’ya yung lalaki. At ginawa n’ya. Hindi lang naman kasi ako mag-isa ang nagsasabi. Masaya ako kasi akala ko mawawala na ang mga kadramahan n’ya sa akin. Yun pala madadagdagan lang. Kung s’ya lang papipiliin, ayos lang kapag nasasaktan s’ya, ayos lang umiiyak s’ya. Siempre,” huminga ako nang malalim, “mahal n’ya ‘yon e.”

Nagtinginan ang mga siraulo. Sabi ni Bernard, “Tuloy mo lang, tsong. Gusto mo pa ng softdrinks?” Nilagyan ni Bernard ang mga baso namin ng pare-parehong dami.

“Tapos yun, akala ko mawawala lang yung nararamdaman n’ya or something. Lalo kaming naging malapit hangang mag-fourth year kami. Sa mga panahon na ‘yon, hindi ko na gusto ang nararamdam ko.”

“Alam ko ‘to,” sabi ni Victor, uminom muna sya ng Pepsi, “mahal mo ang matalik mong kaibigan.”

Napatigil muna ako. Nakatingin lang sila sa akin, “Tama,” tuloy ko, “kaya iniwasan ko s’ya.”

“Ha?” tanong ni Danny, “Bakit?”

“Kasi sa tingin ko problema lang ang dinadala ko sa kanya. Sinabi kong hiwalayan n’ya yun boyfriend n’ya, tapos malalaman n’ya naman na may gusto ang bestfriend n’ya sa kanya. Parang sobra-sobra.”

“Tapos ano nangyari? Paano naging kayo?”

“Hindi ko matiis e. Pagkatapos ng ilang buwan. Mga August ko s’yang sinimulang hindi pansinin tapos mga January na kami nagkausap ulit. Sa mga panahon nang hindi kami magkasama, nagisip-isip ako. Tinanong ko kung ano ba talaga gusto kong mangyari? Kaya ko bang panindigan? Ano na? Mga ganun na trip. Tapos napagpasyahan ko na, totohanin ko na to.”

“Astig a,” sabi ni Victor, “Gano mo s’ya katagal niligawan?”

“Wala—” sabi ko.

“Ano ibig mong sabihin na wala?”

“Magkakilala naman kami, nang mabuti. Kaya tinanong ko lang s’ya na pwede ba s’yang maging alam n’yo na. Oo daw. Tapos ‘yun.”
Nakatingin lang sila sa akin, parang ‘di mapipinta ang mga mukha nila.

“Tapos?” tanong ni Bernard.

“Mga ilang buwan din naging kami. Madalas kami mag-away dahil sa mga maliliit na bagay. Tapos noong summer, tinawagan nya ako at nakipaghiwalay sa pinaka-absurdist na paraan.”

“Ano sabi n’ya?” Tanong ni Danny, “Norman nagising ako kanina at napuna ko na hindi na kita mahal?”

Ngumiti ako, “Malapit. Pero ang sabi n’ya parang Norman kailan man hindi kita minahal higit pa sa kaibigan. Sinagot lang kita dahil mahalaga ka sa akin at ayokong masaktan ka.”

Blangko ang mga mukha nila. Huminga nang malalim si Bernard, “Parang kulang yata Norman.” Nakatingin kami sa kanya, “Siempre nag-sorry sya.”

“Tama, yung sorry.” Hindi ko akalaing na pwedeng maging ganun kabigat ang dibdib ko.

“Mga tol,” sabi ni Victor sabay tumayo, “baka ma-late tayo, tara bili tayong ice cream.”

Nagbayad kami at umalis sa karinderya. Nilibre kami ni Danny ng ice cream. Pabalik sa W— sinabi ko na pagkatapos ng tawag na ‘yon, hindi na tayo nagkita o nag-usap. Sabi ko lahat pala ng mga konti away natin ay parte ng mas malaking plano na ikaw lang nakakaalam. Pumasok din sa isip ko na gusto mong hiwalayan kita pero hindi ko ginawa.

Masaya ako kasi naramdaman ko na hindi na nila ako kukulitin pa. “Ayos lang yan,” sabi ni Danny, “ang dami pa d’yan. Hindi mo naman pala niligawan. Easy come, easy go.”

Ngumiti ako at sinabing, “Salamat sa ice cream Danny.”

-0-

Isang weekend ng October, lumipad ako papuntang Manila para sa isang libing. Namatay ang Lolo ko sa side ni Mama. Nakwento ko naman sayo na Tagala si Mama. Sa Quezon City ang lumang bahay nila. Ang Tita Lisa ko ang nag-aalaga kay Lolo. Nakatira sila mismo sa loob ng UP Diliman. Umuwi din galing Korea ang Tito Cesar ko para sa libing. Meron akong dalawang pinsan dun. Sabi ni Tito, ngayon na wala na si Lolo, wala na talagang lalaki sa bahay. Sinabi n’ya sa akin na pag-isipan ang mag-transfer at mag-aral sa UP. Ayos din lang kay Mama at Papa.
Nagtatrabaho naman kasi ang ate at kuya ko, ako nalang estudyante sa bahay. Pangarap kasi ni Kuya Bert na mag-aral dati sa Diliman, kaso hindi kaya nina Mama yung gastos noon. Pero ngayon na may trabaho na sila, pwede na. Solve na tirahan ko kung sakali.

Sa libing ni Lolo una kong naisip ang konsepto ng dalawang uri ng paalam. Hindi ko ganong kakilala ang Lolo kong to. Noon kasi nag-away sila ni Mama dahil gustong maaga magpakasal nila ni Papa, halos 21 lang daw si Mama noon. Tampuhan at layasan. Nagpasya si Mama na sumama kay Papa sa Iloilo. Nagpaalam si Mama kay Lolo pero hindi s’ya pinigilan. Nang tumagal, naging okay rin naman ang lahat. Bongga ang love story no? Tapos ang paalam na sinabi sa mga namatay na. Yun na yun e.

Pagkatapos ng libing, pinasyal ako ng mga pinsan kong sina Marian, first year din at nag aaral sa UP, at si Camille, second year high school. Isang maghapon naming nilibot ang campus bago kami bumalik sa Iloilo. Namangha ako sa lugar. May sariling komyunidad ang pamantasan at maraming pasyalan. Dumaan ako sa colleges ng Arts and Letters, Engineering, Law, Fine Arts at yung pinakanakaakit sa akin, Social Sciences and Philosophy.

“Maganda mag-aral dito Norman,” sabi ni Marian, “Kaso, hindi ‘to Iloilo. Dapat maging mapagmatyag ka dito. Mabilis ang pamumuhay.”

“Yun nga e.” sabi ko.

Maraming dahilan bakit naakit ako sa Diliman. Mas maraming opurtunidad, magandang skwelahan, malapit kina Tita. Pero yung pinakagusto ko ay halos walang may nakakakilala sa akin sa lugar na ‘yon. Kung sa Iloilo kasi masyadong maraming alaala. Higit pa sa mga alaala, ang mga posibilidad. Hindi ko mapaliwanag pero ayaw kong makasalubong ka. Hindi ko alam ang gagawin ko bakasakali. Kapag papunta o pauwi ako galing W—, kinakabahan ako kung makita kita. Pero minsan, hinahanap din kita. Akala ko sa umpisa lang ang anxiety na ‘yon, pero tumagal. At sa tingin ko kailangan may gawin ako.

Isang linggo pagkabalik ko sa Iloilo, sinimulan ko nang alamin kung ano ang dapat gawin maka-transfer sa Manila.

-0-

Isa sa mga pinagkakaabalahan ko nang nasa W— ako ay ang mga isyung lokal at nasyonal. Unang siempre ang banta ng charter change ni Pangulong GMA. Sumali pa nga kami sa rally nang huling SONA n’ya. August nang namatay si Pangulong Cory Aquino. Napaguusapan na ang eleksyon sa 2010. Sumunod ang mga bagyong Ondoy at Pepeng. Tapos ang kontrobersya ng National Artist Award. Tapos ang karumaldumal na Maguindanao Massacre. Malakas ang tama nun lalo na sa amin ni Bernard na mga campus journalist. Sumali kami sa tila timing na human rights day rally nang December. Naaalala ko pa ang mga pinagsisigaw namin papunta sa Provincial Capitol, “AYOKO! AYOKO! SA MARTIAL LAW NI ARROYO!”

Sa Iloilo naman, yung lumalalang traffic management at ang isang pang flyover sa harap ng San Agustine. Pagbukas ng taon, umpisa ng panahon ng kampanya. Madalas ang mga diskusyon namin tungkol dito. Hindi lang sa pagitan namin magkakaibigan pero pati narin sa klase. Kailangan aware kami sa mga nangyayari dahil sa kurso namin. Ito mahirap sa kolehiyo e, dito mo nalalaman ang lahat ng bagay. Natutunan natin sa hayskul na lahat ay posible, pero sa kolehiyo lumalabo ito. Makikita mo ang lahat lang kabulastugan sa mundo.

Mga March nagpag-usapan namin ang kukunin naming major. Second year idi-divide na ang klase na batay sa major. So, Bachelor of Arts in Social Science major in Political Science, Economics, o Psychology. Si Bernard, Pol Sci. Si Victor naman Economics. Si Danny, Psychology. Ako sana ang tie breaker pero nang tinanong nila ako, sabi ko,
“History.”

“History?” tanong ni Victor, “Meron ba nun?”

Tinignan ko si Bernard, “Meron,” sabi ko, “sa Diliman.”

“Norman, ano pinagsasabi mo?” tanong ni Danny.

“Lilipat akong school next sem. Sa Manila na ako mag-aaral.”

“Kaya pala dalawang uri ng paalam…” sabi ni Victor. “Bakit ‘di mo sinabi agad?”

“Alam ni Bernard pero—”

“Bernard?” sabi ni Victor, napipikon, “Bakit ‘di mo sinabi?”

“Ayaw ni Norman,” sabi ni Bernard, “S’ya daw mismo ang magsasabi. Nalaman ko lang bago ang kwentuhan tungkol sa dalawang uri ng paalam. Aksidente nga lang e. Nakita ko ang application form n’ya sa locker n’ya sa office.”

“Bakit ka paalis? Ayos naman tayo dito ‘di ba?” tanong ni Victor.

“Oo, ayos kung ayos.” Sabi ko, “Pero mas gusto kong mag-aral ng History kesa Pol Sci. Ayos naman kina Mama at Papa. Sayang yung pagkakataon. May tirahan na ako dun, mga pinsan.”

“Norman,” sabi ni Danny, “ang hirap ng buhay sa Manila. Hindi ‘yon Iloilo. Dito, dito ka lumaki, dito mgakaibigan mo. Bakit ka pa magsisimula ulit?”

“Alam ko naman yun e. Masaya ako dito sa W—, pero paglabas ko. Ewan.”

“Aalis ka dahil kay Kate?” tanong ni Bernard.

“Hindi na parang oo. Gusto kong magsimula ulit. Simula talaga. Ewan.”

“Putik naman o,” sabi ni Danny. Katahimikan. Mga limang minuto din kaming hindi nag-imikan.

“Basta,” sabi ni Victor, “Inuman tayo sa boarding house ko pagkatapos ng finals.”

Ngumiti ako, “Hangang malunod tayo.”

Dalawang linggo pagkatapos nun, nagkita tayo.

-0-

Pagkatapos ng klase kami nagtatrabaho sa press. Malapit lang to sa W—, pwedeng lakarin. Sa graduation iniri-release ang literary folio. Priority kasi ang seniors. Yung iba, sa pagsimula na ulit ng klase. Inaabot kami minsan hangang alas dies sa press. Dun na rin kami naghahapunan. Palabas na kami ni Bernard ng office para sumunod sa press nang makasalubong ka namin sa hallway ng Quezon Hall.

Maganda kay Bernard kasi nauunawaan n’ya agad ang sitwasyon. “Norman,” sabi n’ya, “mauna na ako sa press. Marami pa akong atraso kay Kuya Jeff e. Ikaw na bahala dito.”

Walang maayos na lugar sa college namin kaya sa grandstand kita dinala at least pwede tayo umupo dun. Kita mula sa grandstand ang dalawang gate ng W—, lampas alas kwatro at pauwi na ang karamihan. Huling araw ng finals. Nasasabik ang lahat sa bakasyon. Hindi ko akalaing makikita ko ulit ang sarili ko dito. Tapos kasama pa kita. Sabi ko, “Ano ginagawa mo dito?”

“Namasyal lang ako kina Beth at dito na rin lang ako, pumunta ako sa college mo. Baka sakaling makita kita.”

Ngumiti ako, “Nakita mo na ako, ano pa kailangan mo?” Tawanan.

“Norman naman e. Ano pa ginagawa n’yo ngayon?”

“Staff writer ako sa paper. May press work pa kami. Patapos naman e. Excited na nga ako.”

“Grabe, active ka pa rin sa mga ganyan.”

Ika nga nila, dead air. Mga limang minuto.

“Kamusta ka na?” sabi ko.

“Ayos lang, ikaw?”

“Siempre ayos din. Medyo pagod, pero ayos din.”

“Galit ka ba sa akin?”

“Noong una, pero di rin tumagal. Kung kailangan kitang ilarawan, sasabihin kong ikaw yung tipo ng tao na takot na makasakit ng iba. Maganda ka kasi, ayaw mong mag-disagree, oo lang nang oo. Kaya ikaw lang na hihirapan.”

“Hindi kita maintindihan.”

“Ako nga rin e. Ewan. Basta sabi ko noon, tutulungan kitang palayain ang sarili mo. Nagawa ko lang ito noong nakipaghiwalay ka sa akin. Sabi ko, eto na ‘to! Hindi ko akalain na hindi pala ako kasama sa pagtupad ng pangarap ko para sayo.”

Namumula ang mga mata mo. Ngumiti ka habang pinapahiran ang mga luha mo. “Ewan ko kung naintindihan kita pero ang saya ko ngayon.”
Ako naman ang ngumiti, “Ako rin.” Huminga ako nang malalim, tinignan kita pero wala na talaga ako maisip na sabihin. “Umuwi ka na, baka gabihin ka.”

“Oo nga e.” Tumayo tayo, “Ewan. Masaya talaga ako ngayon.”
Nagulat ako nang niyakap mo ako.

“Kate, bitawan mo ako. Baka pagalitan tayo, PDA to e.” Binitawan mo rin ako, tumatawa.

“Oo na, sige baka hinahanap na ako nina Beth. Excited na ako magkita tayo ulit.”

Pinilit kong ngumiti, “Sige, paalam. Kailangan ko nang umaalis.”

-0-

Bakit kaya ganun Kate? Sa ilang buwan na hindi tayo nagkita, araw-araw kong iniensayo sa isip ko kung ano ang sasabihin ko sayo kung sakaling magkita tayo. Minsan galit, minsan parang okay na ang lahat, at madalas hindi ko maintindihan. Pero nang nagkausap tayo parang nagkasalubong lang tayo sa mall.

Lalo yatang humahaba ang kwentong ito. Pansin mo naman na mas kwento s’ya kesa sa liham. Hindi nga ako sigurado sa mga pinagsusulat ko. Hindi ako sigurado sa mga linya na sinabi o sa mga nararamdaman ko. Si Marcel Proust yata ang nagsabi na habang tumatagal, umiiba rin ang pag-percieve at paginterpret natin ng mga nakaranasan at mga bagay. Meron din yatang nagsabi na, “We can’t change history but we can rediscribe it.”

Ang daming nangyari sa atin. Madaling malito o mailang ang ordinaryong tao sa mga ganitong pagkakataon. Kaya nga ako napamahal sa History, kasi nagbibigay linaw s’ya mga bagay-bagay sa kasalukuyan. Idealist man o materialist ang gamitin mong perspective. Hindi dapat tinitignan ang isang bagay o pangyayari na nagaganap lang nang basta-basta o nangkusa. Ang kada bagay ay resulta ng isang mahabang proseso ng pagbabangaan ng mga idea. Merong thesis na hahamunin ng antithesis. Kung ano man ang kakalabasan ng pagbangaan na yun lalabas ang synthesis. Tapos ang synthesis na yon ay magiging thesis ulit. Halimbawa, ang thesis ko ay gusto kong mag-aral. Hindi ko yun magagawa nang maayos kasi naaalala kita, yun ang antithesis. So, ginawa ko, naghanap ako ng skwelahan o lugar na hindi kita maalala. Napunta ako sa Manila, yun ang synthesis. Kaya ako nandito ngayon. Ganyan daw ang proseso ng history ayon kay Hegel. Medyo iba yung kay Marx, pero parang kalokohan na kung ipapaliwanag ko pa. Bottomline, s’ya ay linear, history doesn’t repeat itself. Ang mga pagkakamali lang ang nauulit. Ang tamad kasi ng mga tao mag-aral ng history.

Feeling mo sobra-sobra na? Feel ko rin. Pasensya ka na. Nasanay lang ako. Ang dami ko gustong sabihin, hindi naman lahat maiintindihan mo, hindi naman lahat may pakialam ka. Yun siguro ang problema din sa akin. Masyado akong rational, lahat ng bagay gusto kong ipaliwanag. Noong dapat pinabayaan ko lang, humanap ako ng mga dahilan. Sa dami kong gustong sahibin, hindi ka na nakakapagsalita. Kung hindi ako nagsasalita, nagbabasa naman ako. Akala ko ayos lang ang lahat, akala lang pala. Ngayon, kahit tapos na, gusto ko pa rin himay-himayin, hanapin kung bakit nangyari. Siguradong hindi kita madaling makakalimutan. Historians kasi forgive but don’t forget. Kaya nga sila nagsusulat ng makakapal ng mga libro. O sa sitwasyon ko, isang kwento.

Ewan.

-0-

Di ba may writer’s block ako dati? Sumasakit talaga ulo ko nang sinimulan na ang literary folio. Hindi na news o column ang isusulat, literary na. Wala nang research-research. Mag-research ka sa sarili mo. Swabe lang siempre para kay Bernard. Marami s’yang stories in reserve. Maganda yung mga kwento na pinasa n’ya. Main ifluence n’ya? Edgar Allan Poe.
Sabi ko nga kay Kuya Jeff, “Pwede sa lay-outing lang ako tutulong?”

“Ha? Akala ko ba poet ka?” Dahil dun lumabas ang tulang to:

Mahal, nang iniwan mo ako, sabi ko gagawa
ako ng tula ng sama ng loob.Wala ito
ngayon hindi dahil baka ‘di mo makayanang
basahin, kundi dahil ‘di ko kayang isulat.

Nagustohan agad ni Bernard. “Maikli, free verse, at sa Filipino! Gumagaling ka na Norman! Tuloy mo lang, explore! Kalimutan mo na mga rhyme pattern, o meter ng sonnets. Ilabas mo lang.” Problema, walang magandang title. Naisip ni Bernard na wala rin ngang mga pamagat ang mga sonnet, mga number lang. So, ang kinalabas, ang naging pamagat ay ‘Tula 001’. Bagong kabanata daw ng buhay ko bilang manunulat. Ewan. Sayang di nakaabot ang kwento na to. Ito yung tinutukoy ng tula e. Sabi ko gagawa ako ng kwento kung saan ilalabas ko ang lahat ng sama ng loob ko sayo. Palpak. Nahihirapan nga akong magalit sa mga kaaway ko e, sa taong mahal ko pa kaya.

Laking pasalamat ko nahilig ako sa pagbabasa at sa pagsulat. Naging iba ang mundo. Natuklasan ko kung gano kalawak ang mundo at manghihinayang ka talaga kung makukuntento ka lang sa libro mo at ‘di mo ito lalakbayin. Ito ang ginagawa ko, at malamang ito rin ang ginagawa mo, kahit magkaiba ang mga mundo natin.

Mga alas-otso namin natapos ang folio. Ang sarap ng pakiramdam. Ipi-print nalang ito at matatapos sa loob ng limang araw. Pagkatapos namin maghapunan, nangyaya ako ng inuman. Nakisingit na rin sina Danny at Victor sa amin. Pinaliwanag ko kay Kuya Jeff at sa ibang kasamahan sa college paper na lilipat na ako sa Manila. Noong una, nagulat sila siempre, pero pinabayaan na rin nila ako. Sayang daw at mababawasan naman ang staff, at kailangan mag-recruit ulit ng mga bago. Marami rin kasing staff na ga-graduate. Nagkabiruan pa, kung wala na ako, paano na si Bernard? Tawanan. Nagbaliktanaw na rin kami sa mga karanasan namin sa school year na ‘yon. Nagpag-usapan din ang performance ng paper at kung paano ito mas mapapabuti.

Sa huli, nagpaalam ako, gamit ang ikalawang uri ng paalam, sa ikalawang pagkakataon sa araw na ‘yon.

-0-

Tinignan ni Albert ang folder: “2.0 Read comments inside.”

“Maganda ang pag-narrate mo Albert,” sabi ni Prof. H, “at yung style ng pag unfold ng plot, bago ‘yon. Kaso yung problema , parang minadali. Parang sinabi mo lang lahat ng angst mo, halos walang konsiderasyon para sa form o kung maiintindihan ba ng readers mo ang kwento. Medyo melodramatic. Masyadong limited rin ng vocabulary mo sa Filipino. Tigilan mo na ang kakabasa kay Faulkner, at humiram ka ng mga libro sa Filipino sa library. Pero kung susumahin, very promising.” Ngumiti si Prof. H.

“Salamat po sir,” sabi ni Albert.

“Sabay na tayo lumabas?”

“Oo ba.” Lumabas sila sa faculty room at naglakad palabas ng College of Arts and Letters.

“So?” sabi ni Prof. H, “Kamusta na si Kate?”
Namula si Albert. “Wala po, gawa-gawa ko lang po to.”

“Talaga? Fiction is still based on facts ‘di ba? Meron ngang nagsabi na literature is just fancy history. Kapag nagbabasa ka ng Rizal, para ka na ring nagbabasa ng Agoncillo. Isa pa, di naman maiiwasan na ilagay ang writer ang kanyang sarili sa mga sinusulat n’ya e.”

“Totoo po yan, pero ewan. Trip-trip ko lang po to e. History talaga hilig ko. Isa pa, ang kwentong po to ay parang tribute sa W—, hindi po sa character ni Kate.”

“Ikaw bahala, uuwi ka bang Iloilo ngayong sembreak?”

“Malamang po, pero ‘di pa ako sigurado.”
Pumunta sila sa saksakyan si Prof. H. “Email mo sa akin kung may mga bago kang kwento. At siempre pag-aralan mo ang mga comments ko d’yan. Sabay ka na sa akin? Saan dorm mo?”

“Okay lang po. Maglalakad lang ako. Malapit lang bahay ni Tita ko dito.”

“Tita mo?” ngumiti si Prof. H, “Gaya ni Norman?”
Buti pa si Norman, isip ni Albert, nakausap si Kate bago umalis. Hindi lahat ng fiction ay based on facts.

Tumawa silang pareho. “Tuloy mo lang pagsulat. Sana mag enroll ka pa sa mga subjects ko.” Pumasok si Prof. H sa sasakyan.

Nagsimulang maglakad si Albert. Tumugil ang sasakyan sa gilid n’ya at bumukas ang bintana, “Albert,” sabi ni Prof. H, “Meron pang ikatlong uri ng paalam. Yung tipong paalam pero magkikita tayo ulit! Enjoy mo bakasyon mo!” Sinira ang bintana at umalis ang kotse.

Naglakad si Albert sa silong ng mga puno ng UP Diliman. Paano kaya, isip nya, kung sa gabing nakipaghiwalay si Monica, unang uri ng paalam ang ginamit n’ya? O ‘di kaya yung ikatlo? Ngumiti si Albert sa sarili. Sayang hindi n’ya pa alam ang tungkol sa mga uri ng paalam sa mga panahon na ‘yon.

-0-

“We are, all of us, molded and remolded by those who have loved us, and though that love may pass, we remain none the less their work—a work that very likely they do not recognize, and which is never exactly what they intended.”
François Mauriac

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s