Kain Tayo! →Itadakimas!



Photo Credits: Christian Antiquiera

Sa mga unang araw ng JENESYS Programme, may iniinom akong gamot. Gamot yon para sa kakabunot ko lang na ngipin. Para yata hindi mamaga o mag-bleed. Martes akong lumipad papuntang Manila pero Sabado bago nun bumisita muna ako sa dentista. May sira akong ngipin na medyo matagal na actually sira. Na chip-off na ang parte nito, kaya masakit kapag napasukan ng kanin o ano mang pagkain. Hindi naman naging problema ang ngipin na yon. Pero mga isang linggo bago ang JENESYS, sumakit ito at nahihirapan na akong kumain. Buong buhay ko, takot ako sa dentista. Lahat ng ngipin ko dati ay natangal sa natural o tradisyonal na paraan. Hindi naman kagandahan pero hindi rin problemado masyado ang mga ngipin ko. Hindi ko na matiis at naisip ko rin na malaking problema to kapag lumala ito habang nasa Japan ako. Kaya sa dentista ang punta. Salamat sa anestisya, halos wala akong naramdaman. Isang maghapon na pahinga at tiis sa sakit, ayos na ulit ang mga ngipin ko.

Photo Credits: Francis Luis Torres

Sabi ng kuya ko importanteng aksyonan agad ang problema ko sa ngipin dahil isa sa pinaka-highlight ng JENESYS ay mga PAGKAIN. Magiging hipokrito ako kung sasabihin kong na enjoy ko ang food trip sa lahat ng oras. Pero sa pangkabuohan, isang magandang karanasan ang pagkaing-Hapon. Sa eroplano palang, nabinyagan na ako. Pagkatapos kumain ng tanghalian na parang pancit na may seafoods ba yon, tinanong kami ng stewardess kung ano ang gusto naming pantulak. Katabi ko si Karl nun, at humingi sya ng green tea. Sabi ko eto na, minsan lang to sa buhay ko, kaya enjoyin ko na ang cultural exposure ba. Humingi din ako ng green tea. Hindi ko na ma describe na detalyado pero sigurado akong hindi yon lasang C2. Medyo mapait sya, lasang tya-a talaga. Sana humingi nalang ako ng tubig.

Pagdating sa hotel sa Tokyo, pagkatapos ng konting orientation, hapunan na naman. At dun ko na tikman ang una kong box meal. Merong tempura, gulay, may soup din yata, merong din parang beef patty. Ang pinaka interesante ay yung kanin. Ang Japanese rice ay parang malagkit. Parang suman nga e. Dapat lang malagkit sya, kasi kung hindi, hindi mo sya makakain gamit ang CHOPSTICKS! Buti na lang mga ilang buwan bago ang JENESYS, may class activity kami na kinailangan namin pag-aralan ang gumamit ng chopsticks. Nagpaturo ako sa tita ko at na gets ko na naman. Basta dapat lang tandaan, isang chopstick lang ang gumagalaw. Yung nasa taas.

Merong pulang parang cherry sa gitna ng kanin. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa akin at agad ko itong isinubo. At agad ko ring iniluwal. Napakaasim ng lasang hindi ko maintindihan. Yun pala, parang flavoring yon para sa kanin. Patingi-tingi lang ang pagkain nun. Walang namang nakapansin sa katangahan ko kaya pasimple lang ako. Narinig ko nalang si Bhobby sa sinasabihan si Francis na tikman din ang parang cherry na yon. “Oy, alam ko yan!” sabi ko. Natawa lang si Bhobby, “Masarap di ba? Sibukan mo Francis!” sinubukan ni Francis at yun din ang nangyari. Subo-luwal. Tawanan. Masarap ang dessert yata nun. Parang malambot na tinapay na may cream sa loob.

Nagsimula na ang adventure namin.


Photo Credits: Francis Luis Torres

Pagdating sa hotel sa Chitose City sa Hokkaido, medyo swabe pa naman ang lahat. Sa hotel kami kumakain ng agahan bago lumabas para sa activities ng araw na yon. Masaya ako kasi medyo East meets West ang trip ng restaurant ng hotel. In short may pagkaing pamilyar at pagkaing kikilanin pa lang. At natural pinili ko muna ang medyo alam ko. Kumpleto siempre ang buffet na pang umagahan. Iba’t ibang klase ng tinapay, sausages, soups, cereals, yogurts, juices, atbp. Interesante at memorable sa akin ang drinks section nito. Merong iba’t ibang klase ng fruit jiuces, gatas, kape, tya-a, siempre tubig. Parati akong nagkakape kasi puyat kami parati. Pero after ako kumain na talaga, tinitikman ko ang mga juices. At gusto ko talaga matikman lahat. Merong apple, orange din yata, di na ako sigurado. Basta one time, nagtaka ako kung ano ang isang inumin. May katabi akong isa pang guest at tinanong ko sya. Sabi nya, “Chinese ice tea” daw. Inisip ko, lasang ice tea pa rin siguro to. Kumuha ako ng isang baso. Nang ininom ko na, sabi ko ito ang kapit bahay ni green tea. Di ko maintindihan ang lasa. Hindi ako sigurado sa salita, pero ‘mapakla’ para sa akin. Sa Hiligaynon, “las-ay”. So, medyo, tiniis ko nalang, at naubos ko naman. Sa isang pang araw, may panibagong adventure naman ako sa drinks area ng buffet. Merong isang juice na parang malabong puti ang kulay. Inisip ko na guyabano. Nagtaka din ako kung may guyabano ba sa Japan? So, nagtanong ako ulit. Sabi ng isang Hapon, “Grapefruit” dw. Sabi ko sa sarili, talaga? Ma tikman nga. FYI lang, magkaibang prutas ang “grapes” as in “ubas” sa “grapefruit” as in “ewan”. So, tiis ulit. Pagkatapos nun, nakontento na ako sa gatas at tubig kapang nag aalmusal.


Photo Credits: Christian Antiquiera


Photo Credits: Francis Luis Torres

Isa sa mga unang araw namin sa Chitose, sinabihan kami na kakain kami ng “barbeque” for dinner. Pumunta kami sa isang building at sa pang ilang floor pa ang resto. Sabi ko paano mag-iihaw dito? With uling and all. Nalaman namin na ibang ang style ng “barbeque” ng mga Hapon. Sa mga mesa mismo ang parang stove at mga costumer mismo ang luluto ng hapunan nila. Exciting kung iisipin. Pero hindi ako marunong mag ihaw, ganun din ang mga groupmates ko. So paano namin malalaman kung luto na ang karne? Guessing game ang kinalabasan. Minsan sunog, minsan hilaw pa. At mas naging mas challenging kasi, isa lang yata ang pakang kimpit sa pag ihaw. Apat sa isang mesa. So ang iba, chopsticks mismo ang ginagamit para balibaliktarin ang karne. Ewan, nakakangawit sa mga braso pero masaya din. Habang hinihintay na maluto, tuloy ang kwentohan.
Meron ding isang pagkakataon na sa hotel kami nagdinner. Nagtaka ako kasi sabi ng mga supervisor ko, breakfast lang ang inihanda ng resto sa hotel. Pagdating sa resto, naka-set na ang box meals namin. At ito na ang talagang Japanese food trip. Fresh seafoods ang dinner, hilaw halos lahat. Talagang malinaw pa ang parte na to sa akin. Ang aming dinner ay binubuo ng kanin, soup, at isang fresh na hipon, fresh na shellfish (lampirong tawag sa Iloilo, hindi lang ako sigurado sa iba), isang slice ng tentacle ng giant squid, isang hiwa ng steamed salmon, at mga dalawang klase ng isda pa na magkaiba ang kulay. Parang kinilaw pala ang shashimi. Fresh sya pero yung parang lumuluto ay ang sauce. So kumain kami. Para sa akin, halos sauce lang na lalasahan ko. Walang lasa ang isda. Pero ang problema, kasi nga hilaw, kaya mahirap nguyain. So, habang ningunguya mo, wag mo lang isipin na hilaw ang kinakain mo, okay ka. May mall na sa harap lang ng hotel namin, sabi ko, “Pare, punta tayong Mcdo.” Sinabihan naman ako ni Joseph na, “Nandito ka na nga sa Japan, sa Mcdo ka pa kakain.” Dahil sa words of wisdom na yon, kinontrol ko na ang aking prejudice sa pagkain. Dinamihan ko nalang ng kanin.




Photo Credits: Francis Luis Torres

Nang nasa host family na ako kasama si Karl, pinatikim kami ng iba’t ibang uri ng desserts, cake, ice cream, at iba pang nakalimutan ko na ang pangalan. Nag-grocery kami at pinaliwanag sa amin na mahal ang karne sa Japan. Kaya mga tao dito, mahilig sa seafoods at gulay. Sa bahay, nag “barbeque” kami ulit. Ang dami namang pagkain. Dito ko nalaman na ang “tempura” pala ang tumutukoy sa pagkain na naka deep fry sa partikular na breading. Ang pamilyar lang kasi sa akin ay ang “shrimp tempura”. Meron ding gulay na tempura. Tapos ang parang binili naming bacon sa grocery, ay niluto namin. Tapos ang interesante, may sauce ang karne: itlog. As in hilaw na itlog. Dinidip dito ang karne at kinakain at masarap sya.


Photo Credits: Karl Buñag

Kinaumagahan, pagkatapos kami pinasyal, sabi ng foster mother ko hindi kumpleto ang stay kung hindi namin matikman ang ramen. Maraming restaurant na may bentang ramen sa Pilipinas pero hindi ko pa nasubukan. Hindi naman ako interesado. Parang Batchoy lang ng Iloilo. Nang makita ko na ang ramen mismo, parang nalaglag ang baba ko. Ang laki ng serving. Parang Batchoy nga, may noodles , maraming gulay at spices, at malalapad pero maninipis na slices ng karne. Tulala kami ni Karl, sabi ng foster mother namin, wag daw pilitin kung hindi kaya. Talagang malaki, kasi yun daw ang pinaka special ang inorder nila. Pwede rin syang sabayan ng kanin. Habang kumakain kami, nagulat kami ng tapos na ang foster parents namin. Sabi ni foster maerts, sanay kasi sila sa mabilisan na kainan. Malapit lang ang restaurant sa bahay at kami na raw ang bahala sa buhay namin. May kailangan pa kasi silang gawin at gusto pa namin ni Karl mamili-mili. So, tuloy lang kami sa kain. Eventually, sumuko rin kami.


Photo Credits: Camille Emiko Valdez Robles

Kinabukasan, kasama na namin ulit ang groupmates namin. Pagkatapos mamasyal, nag lunch kami, at ramen ulit ang nasa menu. Pero with a twist. May maliit na parang kandila sa harap namin, at kami mismo ang luluto ng ramen. Kami ang pipili ng sahog and all. Kakaiba sya kasi imbes na karne ang sahog, seafoods naman: hipon yata yon at lampirong.

Sa last dinner namin sa Hokkaido, kumain kami ulit sa isang retaurant na may barbeque. Pero this time, may mga lutong ulam naman. So ang kinuha ko, half na hilaw at half na luto. Habang nagluluto, gusto ko rin kumakain na ako. Ganun pa rin ang sitwasyon sa barbeque. Hindi alam kung kailan maluluto at nakakangawit. Nang nasa Tokyo na kami ulit, kumain kami ulit sa isang pang “barbeque” restaurant pero sumuko na ako. Hindi na ako kumuha ng karne para lutuin.

Paborito ko sigurong parte ng foodtrip namin ang mga desserts. Napakaraming desserts na Japanese, Western, at pinaghalo ng dalawa. Kahit breakfast buffet namin palang sa hotel, marami ka nang mapagpipilian. Iba’t-ibang klase ng yogurt, may fruit topping pa yan: strawberry, kiwi, etc. Hindi ko naman na tikman lahat. Pihikan talaga ako sa pag-kain. Sabi nga ng foster mother namin ni Karl sa aking, “Parang babae kung kumain”. Habang namamasyal kasama ang foster family namin, pinatikim din kami ng Hokkaido ice cream. Hindi ko mapaliwanag na detalyado o technically, pero iba ang lasa nya sa normal na ice cream. Meron ding parang pang mieryenda na potato chips na may chocolate. So parang naghahalo ang asim ng chips sa tamis ng chocolate.

Sa mga buffet, both sa Chitose at Tokyo, naman namin na tikman ang mga medyo pamilyar na desserts. Hindi ako mahilig sa mga buffet, pihikan nga di ba? Nagulat lang ako na merong mga desserts na to sa buffet. Una, cotton candy na ikaw mismo ang mag o-operate ng makina. Lagyan mo ng candy something tapos, switch mo lang. Ikaw din ang magpapaikot ng stick para makuha ang cotton candy. Ikalawa, parang crushed ice na may syrup. Ikaw din ulit ang mag o-operate. Kuwa ka lang ng ice cubes, i-on mo ang makina, crushed ice. Pili ka lang ng flavor ng syrup na gusto mo. Ikatlo at panghuli, umaapaw na ice crea. Merong parang sundae machine, pili ka ng flavor ng ice cream, tapos pili ka ng toppings. Chocolate or stawberry syrup, chocolate chips o M&Ms o marshmallows, ikaw ang bahala. Buffet to ha, kung gusto mo pa, kuwa ka lang. Ibang kombinasyon naman.
Hindi ko na actually na tikman ang mga pinagsamang West at Japanese na desserts. Nakita ko lang ang sa mga convenience stores. Simple lang naman, Hagen Dazz at Kitkat. Kulay green. Ewan ko lang kung green tea o wasabe o pareho ang flavor ng mga nun. Tawag dito sa sociology is ‘hybridization’ ng mga produkto. Naghahanap ang market ang mga tulad ng Hagen Dazz at Kitkat sa Japan kaya gumawa sila ng produktong pasado sa panlasa ng mga Hapon.

Sumatotal, ang pagkaing Hapon ay abundant at diverse. Isa pang katangian nito ay masustansya ito. Gulay at seafoods. Hindi pa niluluto, kaya fresh talaga. Yun siguro kung bakit ang kikinis nila at mahahaba ang lifespan. Hindi sila mahilig sa fast food. Kahit nagtatrabaho ka na, nagbabaon pa rin sila ng lutong bahay. Makikita naman sa mga anime e. Yung nakabalot sa tela.Sa pagkain palang marami ka ng malalaman tungkol sa mga Hapon. Mahal nila ang kanilang kultura at health conscious at the same time.

Buti na lang pinabunot ko ang ngipin ko.

(Ikalawang Yugto sa ‘Kung Paano Tinuro Ng Mga Cherry Blossoms at Mga Likha Ni Vicente Manansala Sa Akin Ang Natatanging Pinagkaiba Ng Bansang Japan At Ng Pilipinas’)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s