May Mali sa Mundong Ito


Pinilit ni David na buksan ang mga mata. Masakit ang kanyang katawan at mabigat ang ulo. Nasilaw sya sa sinag ng araw. Agad din nyang sinira ang mga mata. Araw ng Linggo, wala pang pasok.

Tinitigan nya ang kisame ng kanilang kwarto sa dorm. Bukas pa magsisimula ang mga klase para sa second sem. Tinignan nya si Victor sa kabilang dulo ng kwarto. Tulog pa yata at nakatalikod ito sa kanya. Hinanap nya ang cellphone at tinignan ang oras. 12:45. Mga alas singko ng madaling araw na sila nakapasok sa dorm. Ang huling alaala nya ay inaalayan sya ng mga kasama na lumakad.

Pinilit nyang tumayo. “Vic…” sabi nya, “gising na, tanghali na, literal.” Lumabas sya sa kwarto para magbanyo. Apat sila sa kwarto pero dalawa palang sila ni Victor ang nagcheck in para sa second sem. Habang naglalakad sya papunta sa banyo, lalo nyang nararamdaman ang bigat ng ulo.

Nakasalubong nya si Chris, “O David?” sabi nito, “Anong oras kayo nakauwi?”

“Kanina lang, mga alas-singko.”

“Wala pang pasok, inuman na agad ah.”

“Yun nga ang point. Wala pang pasok.”

“Ikaw bahala. Sayang hindi ako nakasama. Sabog din sa kwarto sina Bong at Ron. Natututo na kayo ha.” Napangiti silang dalawa.

Habang umiihi sa urinal naalala ni David ang pinagsasabi Victor. Mga problema sa bahay. Sa mga magulang. Yung lola nya. Wala daw saysay ang buhay. Ewan. Ang gulo. Na gulat sya sa bilis ng pag-inum ni Victor kagabi. Halos ayaw nga nyang uminom dati. Sya ang unang nalasing kagabi.

Bumalik si David sa kwarto, tulog pa rin si Victor. Nilapitan nya ito. Nasa sahig malapit sa kama nya ang cutter nya. Pinulot ni David at nilagay sa study table ni Victor. May isang peraso ng yellow pad na may nakasulat: may mali sa mundong ito.

Tinignan nya si Victor. Hindi sya makapaniwala sa nakita. Nawala ang hangover nya habang sumisigaw,humihingi ng tulong.

-0-0-0-

“Lola’s boy ka kasi.”

Ngumiti si Victor, “Hindi kaya.”
ako na yata ang pinaka lola’s boy sa lahat ng lola’s boy tito ewan nag aadjust ka palang siguro sa college lola’s boy

“Hindi naman nakakagulat e. Mabait talaga si Tyay Merci.”

“Oo nga po.” Tinignan ni Victor ang mansion ng Tito Herbert nya. Bago lang ang bahay nato. Noong maliit sya, dinadala sya ng Lola nya sa Miag-ao para bisitahin ang Lola Lisa nya, ang nanay ni Tito Herbert nya. Nakikipaglaro sya sa mga anak ng mga kapitbahay ni Lola Lisa. Nag-iisa syang anak at parating wala ang mga magulang nya sa bahay.
Nagkakape sila sa hardin. Maraming mga magagandang halaman. Kita ang kalsada pero halos walang dumadaan dito sa sasakyan. Nakakatamad ang hapon.

lintik ang ganda ng lugar na to ayoko nang umalis dito impierno ang bahay

“Kamusta pag-aaral mo?”

Matagal nang namatay si Lola Lisa. Ang Tito Herbert nya ang nakatira sa kanilang parang motherhouse. Sya rin ang nagpaganda nito. Ngayon retiradong seaman na ang Tito Herbert nya. Malaki ang katawan pero may ilang puting buhok na. Suot-suot pa ang gintong kwintas at mga singsing. Binata pa rin ang Tito Herbert nya.

“Ayos naman po.” nag aadjust ka palang siguro sa college nag aadjust ka palang siguro sa college

“At least parati ka na rito. Pwede ka nga rito tumira, libre pa. hindi mo na kailangan mag-dorm.”

“Masaya po sa dorm e.”

“Ewan ko sayo. Nagta-tricycle ka pa di ba? Papuntang college nyo. Kung dito ka, ganun din. Pareho lang naman.”

“Yan nga po eh. Pero ayos lang.”

“Dito walang curfew, pwedeng mag inuman dito. Umiinom ka ba?”

“Minsan lang po.”

“College ka naman e.Yung Papa mo, ang lakas uminom nun.”

“Alam ko naman po.”

“Malamang kilala ng mga prof mo si Papa mo. Respitado sya noon nang dyan pa sya nagtuturo.”

“Nakaka-badtrip nga po minsan eh. Grabe ang atensyon.” basta kung may problema ka, lapitan mo lang ako sir terry nag aadjust ka palang siguro sa college

“Siempre kasama na yun. Ibang klase si Papa mo e. Hangang ngayon nga hindi parin ako makapaniwala.”

Huminga nang malalim ang Tito Herbert nya, tahimik lang si Victor.

“Sorry talaga. Kamusta na yung Mama mo?”

gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito nakakahiya bat ba hindi ka naging matalino tulad ng papa mo puro problema

“Hindi na kami nagkausap. Wala na rin akong pakialam.” Pinilit ni Victor na ngumiti.

“Mula naman noon, badboy ka daw e. Basta wag mo lang kalimutan na pamilya mo rin ako. Dyan din yung Lola mo.”

“Salamat po Tito.”

“Naka-enroll ka na? Kailan ang klase nyo?”

“Opo, sa Lunes pa po. May inasikaso lang po ako kanina sa campus.”

“Ah, ganun ba…”

“Ganda po talaga dito sa inyo,” sabi ni Victor. “Gusto ko ring mamuhay sa ganitong klase ng lugar. Ang gulo ng syodad.” lintik ang ganda ng lugar na to ayoko nang umalis dito impierno ang bahay

Tumawa ang Tito Herbert nya, “Ang bata-bata mo pa, gusto mo nang mamuhay sa ganitong klaseng lugar? May pelikula dati, ka-henerasyon ko, ganito din ang sitwasyon. Sabi ng matanda, hindi bagay ang isang bata sa lugar na to. Kailangan mo munang ikutin ang mundo at umipon ng mga alaala bago magpahinga sa ganitong klaseng lugar. Tulad ng ginawa ko. Retired na ako at gusto ko nalang magmuni-muni dito hangang sa…alam mo na. Ganito ko gusto tapusin ang kwento ko.”

lintik ang ganda ng lugar na to

-0-0-0-

“Ate, magkano po yung amin?” tanong ni David. Libre ni David ang kanilang tanghalian. Umupo sila sa mesa sa harap ng tv ng karenderya.

“Bawas mo to tol sa utang ko ha.” sabi ni David kay Victor. “Dumating din ang scholarship ko. Nakakabadtrip. Ilan na ba utang ko sayo?”

“Ewan.” Nanonood si Victor ng balita sa tv. Mag-iisang taon na, wala paring nangyayari sa kaso ng Maguindanao Massacre.

“Lintik na pulitika yan o.” sabi ni David. “Seryoso, babayaran ko yung utang ko.”

“Wag na.” sabi ni Victor, “Ipunin mo nalang yang allowance mo. Bayaran mo nga ako, pero kung maubos yan, uutang ka na naman sa akin.”

“Oo nga no?” ngumiti si David, “Sensya na, babawi rin ako sayo.” Pinapakita sa tv ang isang demonstrasyon sa harap ng DOJ sa Manila.

“Lintik na buhay to. Bagong administrasyon nga, wala naming nagbago.”

“Ano ka ba?” sabi ni Victor, “Hindi mo naman pwedeng madaliin mga ganyang usapin e.”

“Pwede rin pero tignan mo nga ang sitwasyon. Ako, kung kapamilya ako ng isa sa mga pinatay dyan, mawawalan na ako ng pag-asa. Konti nga lang ang sweldo ng pagiging journalist, papatayin ka pa. Ewan ko lang kung maiintindihan mo yan, anak-mayaman ka e.”

“Buti na lang anak-mayaman ako, kung hindi, walang magpapa-utang sayo.” Tawanan. “Pero seryoso, na kwento ni Papa ko yun noon e. Noon, aktibista talaga sya, pero nang magtrabaho na sya para sa gobierno, nagbago ang pananaw nya. Ang dami-dami ng problema. Hindi naman sa titigilan na natin ang pagbatikos pero hindi dapat tayo makontento sa pagbatikos lang.”

Patuloy ang kanilang pagkain.

“Tama rin, pero ewan ko. Buti sana kung lahat ng mayayaman katulad mong mag-isip, e parang nag-iisa ka lang e.” sabi ni David, “Ang gulo e. Sa dami-dami ng lugar sa mundo, dito pa tayo pinanganak sa Pinas.”

“Yun nga e,” sabi ni Victor.

“Saan nagtatrabaho si Papa mo? Tatay mo ba yung city councilor na de Guzman?”

“Gago, Tito ko yun. Junior kaya ako. Sa DOST dati si Papa.”

“Lintik na pamilya naman yan.” Napatigil si David. “Naalala ko na. May secretary na Victor de Guzman ang DOST dati, yun yung nag—”

“Nag-suicide,” dugtong ni Victor.

“Sorry tol.”

“Ayos lang.”

“Sorry talaga. Di ba nag-suicide si paerts mo kasi yung mama mo—”

“Oo. Nagsasama na nga sila ngayon e. Ayoko na ngang umuwi sa amin. Sa Lola ko nalang ako tumatambay. Kahit naman noon, yung Lola ko talaga kasama ko.”
may problema lang si mama at papa ha ayos din ang lahat may problema lang ayos

“Tangina, bat ba natin pinag-uusapan to? Ano nalang, kamusta yung removals mo sa Algebra?”

“Okay na, pasado na. Ayoko ngang maniwala.”
basta kung may problema ka, lapitan mo lang ako sir terry nag aadjust ka palang siguro sa college

“Bat naman?”

“Basta, parang may mali talaga.”

“Importante pasado na.”

“Ewan. Mas malaking problema naman kung bagsak ako dun.”
gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta nakakahiya nakakahiya

Natapos silang kumain at naglakad pabalik sa dorm.

“Nood tayo ng pelikula Vic.”

“Hindi ako pwede e. Pupunta ako sa bahay ng Tito ko sa banwa. Hiramin mo nalang laptop ko.”

“Sige, ikaw bahala. Tsaka nga pala, inuman daw tayo mamaya. Timing, mag-celebrate ka dapat na pasa mo na algebra mo. Sama ka ba?”

“Kakadating pa lang ng allowance mo, inuman na agad?”

“Kaya nga kita niyayaya, para may financer.”

Tawanan. Sabi ni Victor, “Lintik na buhay to o.”

-0-0-0-

Tinignan ni Victor ang test booklet.
lampas isang oras na ako dito kailangan ko to maipasa wala akong maintindihan kailangan ko to maipasa lintik na algebra napasa ko naman to nang nasa high school hanggang one hundred items sixty percent ang passing grade malabo yata kailangan ko to maipasa maraming blangko na number mas marami ang hindi sigurado ang ingay ng electric fan lagot naman ako nito kay mama gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta tangina nya ako nalang ang hinihintay ni sir mike na matapos kailangan ko to maipasa bahala na lintik

Tumayo si Victor at lumapit sa desk ng prof nya. “Eto na po sir.” Sabay abot ng test booklet at questionnaire.

“Upo ka muna Victor. Mabilis lang to, check ko lang.” Umupo si Victor sa silya sa katabing desk.

May pumasok na math faculty room, naka tingin kay Victor “Ikaw ba si Victor? Anak ni…Victor, yung junior nya.” Lumapit ang lalaki at nakipagkamayan kay Victor. “Ako si sir mo Terry, magkaibigan kami ni Papa mo. Magka-batch kami sa college noon e. College ka na pala. Ano kailangan mo dito?”

“Kumuha po ako ng removals.” Nagulat ang kausap nya.

“Anong subject Mike?” tanong nito sa prof ni Victor.

“Algebra po sir.”

“Ah, nag aadjust ka palang siguro.” Tinitigan nya ang prof ni Victor, “Mike ikaw na ang bahala.”

Nagtinginan ang dalawang prof. naguusap sa tingin natatalo nagkasang ayon din

“Okay na sir,” sabi kay Victor, “Vic, ayos na to, ipadala ko nalang to sa college secretary.”

may mali may mali may mali

“Sige, tapos ka na ba dito?” sabi ni prof Terry, “Sama na tayo palabas.”

Tumayo si Victor, “Okay po,” humarap sa prof nya, “Thank you po sir Mike.”

Lumabas sila ng faculty room ni prof Terry.

“So kamusta ka na? Pasensyahan mo na yung si sir Mike, bagohan lang yun e. Hindi na nya naabutan si Papa mo.”

“Ayos naman po.”

“Ano nga pala course mo?”

“Economics po.”

“Ah, di ka ba mahilig sa science tulad ni Papa mo?”

“Hindi po eh, nahihirapan nga po ako sa math e. Nag iisip na nga ako ng ibang course, hindi ako magtatagal sa econ.”

“Ayos lang yan. Nag aadjust ka palang siguro sa college or something.”

may mali may mali may mali

“Ewan ko po.”

“Magkaibigan talaga kami ni Papa mo. Pero nang tumigil syang magturo, medyo minsan nalang din kami magkita at magkausap. Dito pa ako sa Miag-ao. Nag lunch ka na ba?”

Palabas na sila ng building ng college.

“Hindi pa po, pero sa dorm area na ako kakain.”

“Ah, nagdodorm ka pa? Ang lapit lang naman ng bahay mo.”

“Molo pa kaya ako sir. Isa pa wala naman akong mapapala sa bahay e.”

Huminga ng malalim si prof Terry, “Oo nga pala. Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon. Parang ang hirap tangapin na nangyari ang…nangyari sa magulang mo, sa inyo.” Pinagmasdan ni prof Terry si Victor, “Sorry ha. Ang ingay ko.”

“Ayos lang po. Nasanay na rin nga ako e.”

“Basta alam ko, naging masaya si Papa mo dito sa Miag-ao. Bilang estudyante man o bilang teacher. Marami syang nagawa at natulungan. Sana mag-enjoy ka rin dito.”

“Ayos nga po dito e.”

“Basta kung may problema ka, lapitan mo lang ako. Naka-enroll ka na?”

Dumating sila sa paradahan ng mga tricycle.

“Opo, kahapon pa po. Talagang kumuha lang ako ng removals ngayon.”

“Sige, see you around nalang Victor. Sabi ko na nga ba, pamilyar ang mukha mo e.”

“Vic nalang po tawag nyo sakin.”

“Sige…”

Sumakay si Victor ng tricycle papunta sa dorm nya.

-0-0-0-
may mali may mali may mali

Pumasok si Victor sa dorm. 5:30 ng hapon. Dumeretso sya sa kwarto. Isang semester na ang nakalipas pero wala pa rin sya ganong mga kakilala sa dorm maliban sa room mate at mga kasama sa boys wings. Lumalabas lang sya kung magbabanyo, kakain, o kung papasok sa klase.

Pumasok sa kwarto, wala si David. Humiga si Victor sa kama.

paulit-ulit lang araw araw kong naririnig ang kwento ng lintik kong pamilya si papa matalino at maprinsipyo teacher ng physics at naging aktibo sa gobierno mga libro sa kwarto at parating may trabaho first year high school ako nang kailangan nyang mag trabaho sa manila kasi doon sya kailangan sabi nya hindi nya gusto kami ni mama na lumipat sa manila kasi ayaw ni mama magulo ang manila iba pala ang dahilan ni mama may ibang lalaki si mama nakilala sa trabaho dahil daw wala nang panahon si papa sa kanya at sa akin si lola ang nagpaliwanag sa akin pinagusapan ng mga tao malakas uminom si papa nalasing sa manila nang nalaman ang pinaggagawa ni mama nagmaneho sa edsa naaksidente patay hindi pala aksidente kasi may suicide note ‘inialay ko ang buhay ko sa agham at kapwa pero ito pa ang isinukli sa akin’ siempre sa hiligaynon hindi sa tagalong ang suicide note frontpage agad dost secretary commits suicide sikat sa buong bansa nakiramay ang mga tao ang mga malalaking tao kontrobersya ilang linggo nag absent sa klase tumira kay lola baon-baon ang kwento kahit saan kahit sa miagao sa college kilala ng lahat ang mga magulang alam ng lahat ang kwento lahat nagso-sorry sorry sorry

Bumangon si Victor, hinanap ang cutter sa study table.

sabi ni tito herbert ikutin nag mundo ikutin ang mundo kahit saan sa mundo dala-dala ko ang kwento ko ikutin ang mundo ito ang mundo ko gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta ito ang mundo ko kalian man ayaw ni lola kay mama parati nagagalit at nagmumura gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta nang namatay si papa gusto ko si lola lang ang kasama mamamatay na rin si lola hindi lang naman ako ang apo ni lola gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta

Binuksan ni Victor ang blade at tinutok sa pulso. Malamig ang bakal ng cutter.

gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta sabi ni tito Herbert ikutin ang mundo ikutin ang mundo gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta ikutin ang mundo ikutin ang mundo mag ipon ng mga alaala mag ipon ng mga alaala mag ipon ng mga alaala gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta
Madilim na sa labas. Pinikit ni Victor ang mga mata, huminga nang malalim.
ikutin ang mundo sabi ni tito herbert ikutin ang mundo kahit saan ako mapunta hindi ako si victor ako si victor ang anak ni victor na matalino maraming nagawa anak nya si victor gago walang kang kwenta puro problema ang dala mo dito gago gago walang kwenta kahit saan sa mundo dala-dala ko dala-dala ko mula noon hangang ngayon ikutin ang mundo ikutin ang mundo victor anak ni victor saan kaya sa mundo si victor ay si victor lamang ikutin ang mundo ikutin ang mundo tito herbert may mali sa mundong ito

Nagulat si Victor nang may pumasok. “Vic? Kain na tayo,” sabi ni David, “Tapos diretso na daw.”

Binitawan nya agad ang cutter. Pawisan ang kanyang kamay. Hindi sya nakasagot. Tinignan ang cutter sa mesa. May pulang linya ang kanyang pulso. “Uy, Vic, ayos ka lang ba?”

“Ayos lang ako.” Huminga ng malalim si Victor.

“Tara na.”

“Tara.” sabi ni Victor at nagpasya syang maging katulad ng Papa nya at tapusin ang kanyang kwento sa isang inuman.

-0-0-0-
Madame, all stories, if continued far enough, end in death, and he is no true-story teller who would keep that from you.
Ernest Hemingway

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s