The Big Bang Theory at ang Kulturang Nosebleed


Ang The Big Bang Theory ay isang sitcom sa US tungkol sa buhay ng isang barkada ng mga ‘nerds’ at ang kanilang ‘social struggles’. Ang sentro ng kwento ay tungkol kay Lenard, isang theoretical physicist, at kanyang paghanga sa kanyang ‘hot’ na kapitbahay, si Penny.

Dahil patay-patay sya kay Penny, nag-effort syang mapalapit dito. Dito na nagkakagulo. Pinapakita kung gaano ka laki ang agwat ng kanilang lifestyles. Si Lenard at kanyang mga kaibigan ay mahilig sa mga computer games, comics, sci-fi, ang siempre science mismo. Si Penny naman ay isang ordinaryong tao, lay man kung baga.

Yung mga punch line ng sitcom ay nakasentro sa di pagkakaintindihan ng mga ‘nerd’ at ng mga ‘lay men’ (sa simpleng pananlita, sa mga gawi, sa mga paniniwala). Napaka-enthusiastic ng mga kaibigan ko nang initroduce nila sakin ang show na to. Hindi naman ako na disappoint.

Dahil isa din akong ‘nerd’ hindi lang ako natuwa kundi may nakita pa akong mga patterns sa takbo ng show. At ang mga patterns o structures na to ay merong mas malaki at malalim na kahulugan hindi lang sa kwento kung pati sa lipunan sa pangkalahatan.

Ako ay nagconclude na ang The Big Bang Theory ay isang subersibong sitcom!

-0-

Ayon sociology, ang isang function ng humor ay tension relief. Nagbibiro tayo sa mga bagay na masyadong seryoso. Minsan mga bagay na taboo, mga bagay na di kanais-nais pag-usapan kaya biroan na lang. Magandang halimbawa ang pulitika, rehiyon, lalo na ang sex. Meron pa ngang ‘genre’ ang mga biro tungkol sa sex: green jokes. Minsan naghahalo-halo pa; rehiyon at sex, pulitika at rehiyon.

Sa kaso ng The Big Bang Theory, ang tension na binabawasan ng sitcom ay tungkol sa social distance ng mga intellectuals sa mga simpleng tao. Pinapakita sa nakakatawang paraan ng sitcom na marami ang problema na dulot ng social isolation ng intellectuals. Matatalino nga sila, hindi naman sila marunong makihalubilo o di kaya mga weirdo ang bansag ng mga ordinaryong tao sa kanila. Kung iisipin ang ‘nerd’ ay isang derogatory na term.

Ang nangyayari, ang kaalaman na naninipon ng mga intellectuals ay nagagamit lang ng iilang tao, at madalas sa kanilang interes lamang. Magandang halimbawa ang theory of relativity ni Einstein. Na depress pa nga si Pareng Albert nang malaman na ginamit ang kanyang theory para idevelop ang atomic bomb at ginamit para patayin ang mga Hapon. Siempre nandyan din ang imbensyon ni Nobel na bomba.

-0-

Ang phenomenon ng ‘nosebleed’ ay nangyayari kapag sinubukan ng isang tao na ipaliwanag ang isang bagay sa isang technical na paraan. Ito ay isang uri ng ridicule. Ang ridicule ay isang uri ng informal na social control sa deviance. Iba ka, kaya pinagtatawanan o ginagawa kang katawatawa.

Nosebleed no?

Ang natural na reaksyon ng isang tao kapag sya ay nakaka-noosebleed ay tigilan ito. Walang tao gustong pagtawanan, kaya lahat ay nagko-conform. Sinusubukan mo ngang gamitin ang napag-aralan mo sa pang araw-araw pero pinagtatawanan ka. Ayos lang sana kung ang ‘nosebleed’ ay nangyayari lang sa mga kalye o sa pagitan ng mga di-edukadong mga tao. Pero nakaka-alarma na pati ang mga estudyante sa kolehiyo ay ginagawa ito. Kaya ka nga nag-aral para may malaman, hindi mo naman pwedeng gamitin.

Hindi naman limitado ang ‘nosebleed’ sa bansa. Iba lang tawag nito sa ibang lugar, galing ngang US ang The Big Bang Theory. Iba lang ang pag-execute, tulad pagkatapos mong magpaliwanag sasabihan kang, “And in English?”

-0-

Rebelde ang sitcom na The Big Bang Theory dahil sinasabi nito na, “Nakakataw di ba? Mga gago, totoo ito. Gumising ka sa realidad!”

Ang agham at ang sining ay hindi trip-trip lang. Ginawa ang mga ito para mapabuti ang ating mga buhay. Kailangan natin unawain ang mga problema sa ating lipunan para ma sulusyonan ito. Kahit simple dyaryo nga lang di pa magawa ng mga Filipino. Ang trip ng mga tao ay mga chismis sa showbiz. Kung nagbabasa naman sila, gusto nila yung Harry Potter, Twilight, atbp.

Ilan ba ang nakakakilala sa mga intellectuals tulad nina Randy David, Walden Bello, Ambeth Ocampo, Mike Tan, Rolando Tolentino, atbp? Sa mga artists tulad nina Virgilio Almario, Bienvenido Lumbera, Jun Cruz Reyes, Jose F. Lacaba, atbp? Ito yung mga tipo ng mga tao na gusto talaga tulungan ang ating lipunan gamit ang kanilang expertise sa kani-kanilang larangan.

Ang totoong Big Bang Theory ay gusto ipaliwanag ang pinagmulan ng mundo at kalawakan, sa sitcom naman ay gustong ipaliwanag ang ugat ng problema ng lipunan. At sana mawakasan natin ito at maging ganap na malaya tayo mula sa ignoransya.


photo credits :
http://www.clicker.com/blog/cbs-posts-full-episodes-of-the-big-bang-theory-online-for-the-first-time-7030.html

Wikang Walang Ambisyon


Hindi na ako sigurado pero malamang sa klase namin sa sociology yun nang pinag-usapan namin ang kultura natin. Kultura ay tumutukoy sa pangkalahatang paniniwala at mga gawi ng particular na lipunan. Tinanong kami ng prof namin kung ano sa tingin namin ang mga katangian ng mga Filipino. Susubukan daw naming tukuyin ang kulturang Filipino.

Mag tinanong si ma’am at sumagot ang kaklase ko na, “Filipinos are known to be hospitable…” Medyo swak naman ang sagot para sa kanya kaya tuloy ang diskusyon. Nabangit din ang pagiging masayahin natin at pati na ang tibay ng family bonds sa Pinas.

Mga ilang araw pagkatapos ng meeting na yon, may nabasa akong libro yata yun ni Rio Alma na nagpa-isip talaga sa akin. Ayon kay Rio Alma, parating binabangit ang pagiging hospitable ng mga Filipino pero kung iisipin walang salita sa Filipino o sa mga dialekto na katumbas ang salitang ‘hospitable’. Napa-isip ako at nagpasya na wala nga. Tuloy pa ni Rio Alma, pero may salitang Kastila at siempre Ingles na ibig sabihin ay ‘hospitable’.

Pinapakita nito na di likas na ‘hospitable’ ang mga Filipino. Ang pagiging ‘hospitable’ ay isang katangiang banyaga na inimpose sa atin. Kaya siguro tayo naging (at patuloy) hospitable sa mga mananakop. Sa punto na inuuna pa natin ang kanilang mga interes kesa sa atin. Isang salita lang pero malaki ang naging epekto nito sa takbo ng ating mga buhay at ng ating lipunan.

-0-

Hindi ako mapakali. Sinubukan kong suriin ang wikang Filipino at marami akong mga salita na nadiskobre na meron mga kahulugan na malaki ang epekto sa lipunan. Sabi nga ni Wittgenstein, ang kahulugan ng salita ay depende sa paggamit nito.

Ang unang salita na napansin ko ay isang household word na sa mga Filipino. Hindi siguro nakukumpleto ang araw ng isang Filipino kung hindi nya to nababangit o naririnig man lang. Ito ang ‘pulitiko’. Sa simpleng dipinesyon ang ‘pulitiko’ ay taong nakikisangkot sa pulitika. Inihahalal sila tuwing eleksyon. Responsibilidad nila na pagsilbihan ang mga tao. Simple lang di ba?

Pero ang gamit natin ng ‘pulitiko’ ay para tukuyin ang mga kurap na opisyal na dahilan kung bakit hindi umaasenso ang bansa. Ironic isipin kasi integral ang parte na ginagampanan ng mga pulitiko sa ano mang lipunan. Lahat ng mga ‘pulitiko’ kurap. Basta ‘pulitiko’ kurap. Tapos ang usapan. Dahil walang kwenta ang mga ‘pulitiko’, sino ang tutulong sa atin? At naalala ko ang ikalawang salita: ‘aktibista’.

Ang ‘aktibista’ ay isang tao na nanawagan ng repormang political, sosyal at pati na rin pangkalikasan. Kaya sila ‘aktibista’ kasi ‘aktibo’ sila. Ang isa pang term sa mga ‘aktibista’ ay mga ‘progressive groups’. Kaya sila ‘progressive’ kasi gusto nila ng ‘progress’. Simple lang di ba?

Ang problema, ang imahe ng mga aktibista ay inuugnay sa gulo at terorismo. Mga ‘komunista’ daw sila. Nakakamangha isipin na maraming tao ang ayaw sa mga ‘komunista’ pero hindi naman nila alam kung ano ibig sabihin nito. Kahit nga siguro mga edukadong tao ay hindi lubos na nauunawaan ang ibig sabihin nito. Ugat nito? Hollywood at pati na rin media. Pinapakita na ang mga ‘komunista’ ay mga kalaban lalo na noong Cold War. Diumano kalaban ng demokrasya ang komunismo. Mali ito dahil kapitalismo ang kalaban ng kumonismo. Nagpapalabas ang US ng ganitong klaseng mga media dahil may mga interes silang makakapitalista. (mahaba at ibang usapan na to…)

Sa bansa naman, pinapakita ng balita na ang mga ‘aktibista’ pa yata ang gumagawa ng problema. Lumalabas lang sila kapag sila ay nagrarali. Pero tinatanong ba sila kung ano dapat gawin? Hindi. Binibigyan ba ng diin kapag may pinatay na ‘aktibista’ o journalist? Wala.

Ang hindi alam ng nakakarami, ang mga pinakamayaman at pinakastable na mga bansa sa mundo ay madalas mga Social Democrats, lalo na yung Norway. Masigla ang partisipasyon ng mga worker’s union sa pulitika ng mga bansang ito. Malaki ang impluwensya ng mga Marxist na ideologies sa mga polisiya nila. At dahil dito, nagawa nilang bawasan ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap na halos nonexistent na ito. At dahil dito wala na ring masyadong krimen sa mga lugar na to.

So ang mga tao sa Pinas, parehong walang tiwala sa mga ‘pulitiko’ at mga ‘aktibista’. So sino na lang? Wala.

-0-

Dahil ang mga Filipino ay walang inaasahang mangyayaring matino sa sariling bansa, saan sila pumupunta? Dito na pumapasok ang mga salitang ‘abroad’ ‘OFW’ at ‘imported’. Kung gusto mong umasenso (kung sa socio pa, upward social mobility), lumabas ka sa bansa. Ang dulot nito ay tinatawag na brain drain. Ang mga pinaka-dekalibreng membro ng labor force ay nasa labas ng bansa. Okay lang sana kung lalabas ka, mag-iipon o mag-aaral, tas babalik ka na sa Pinas para dito naman magserbisyo. Pero yung nangyayari, karamihan, umuuwi lang kung retired na, yan ay kung umuuwi nga sila. So lahat ng productive years mo ay nasa labas. Ewan ko nga kung matutuwa ako sa mga ‘pinoy achievers ‘ sa labas na fini-feature sa TV. Dahil sa kanilang sipag at pagpupursigi, umangat sila. Pero in the end of the day, banyaga parin ang nakikinabang sa talento at serbisyo nila.

Yun ay kung mapalad ka sa labas. E paano kung TNT ka, hindi ka sinusweldohan, ginahasa ka, nasangkot ka sa gulo, naloko ka? Hindi pa yan kasama ang racial discrimination, homesickness, at loneliness. Ang pagtatrabaho sa labas ay hindi isang biro o isang sure ball na bagay. Ang padala ng mga OFW ang pundasyon ng ating ekonomiya. Dapat ginagamit ang pera na to para makapaglikha ng mga trabaho sa bansa na mismo. Yung nangyayari, lalo pang lumalabas ang mga tao. Isipin mo nalang ang libo-libong kumukuha ng nursing.

Madalas hindi nakikita ng mga OFW ang paglaki ng kanilang mga anak. Pero para ipakita na mahal parin nila ang mga ito, bigay luho sila kahit ano. Madalas ‘imported’ ang mga luhong ito. Ang nangyayari nagiging mataas ang halaga ng ‘imported’ na bagay kesa sa ‘lokal’ na produkto. Epekto? Nalulugi ang mga negosyo sa bansa at yumayaman naman ang ibang bansa (China halimbawa, at siempre US).

-0-

Malinaw ang sitwasyon at siguradong hindi lang ako ang nakakapansin nito. So bakit nandito pa rin ang problemang ito? Malamang natatakot ang mga taong nakapansin nito na tawagin silang, ‘matalino’ ‘wais’ o ‘pilosopo’.

Ang pagiging ‘matalino’ sa bansa ay inuugnay sa pagiging baliw. Hindi malinaw? Isipin si Sen. Miriam Defensor-Santiago. Walang gustong mapansin dahil baka bansagan silang ‘matalino’. Ganoon din ang paggamit sa mga salitang ‘wais’ at ‘pilosopo’ : ‘wise’ at ‘philosopher’. Pero ang ‘wais’ ay tumutukoy sa pagiging mapag-abuso o sa madiskarte sa masamang paraan. Ang ‘pilosopo’ naman ay sinasabi sa mga taong sistematik magdahilan (may Logic eh), pero masama din ang tingin dito. Sa ibang bansa, tulad ng France, mga ‘moral compass’ ang turing sa mga pilosopo. Pero sa bansa, mas mabuting tumahimik ka nalang at sumang-ayon sa status quo. Bale, theoretically, maging bobo ka.

Ang mga bagay na to ay hindi natin napansin dahil kinalakihan na natin ang mga ito. Yung magagawa nalang natin ay siguraduhing hindi na ito mangyayari pa sa susunod na henerasyon. Sigurado akong hindi bobo ang mga Filipino pero sigurado din ako na takot silang maging ‘matalino’ ‘wais’ o ‘pilosopo’. Ito ay isang realisasyon sa atin na hindi lang mga kurap na pulitiko ang problema sa bansa.

Napakalalim na ng problema na pati sa wika natin nagreflect na ito. Ang wika mismo natin ay isang intrumento ng oppression. Pero lahat ng ito ay socially constructed. Ibig sabihin, ang mga tao mismo ang gumagawa at nagbibigay kahulugan. Kailangan natin baguhin ang paggamit sa mga salitang ito hindi lang para iahon ang ating mga sarili kundi pati ang ating bayan. Kapag may nagsabi na kurap ang mga ‘pulitiko’, bat di kaya natin sagutin na, ‘uy may kilala akong pulitiko ha, at sigurado akong hindi magnanakaw yun’.

Sa sociology, merong labeling theory of deviance. Kung ano man ang ating bansag (label) sa mga tao merong tendency na mag self-fulfill ang mga ito. Halimbawa meron isang batang ‘pulitiko’ na sincere at gustong magserbisyo. Ano ang magagawa nya kung kurap ang tingin ng lahat ng tao sa kanya? Malamang iisipin nun, “Bahala kayo sa buhay nyo! Kurap kung kurap!”

Hindi mahirap ang bansa dahil naglalamangan ang mga tao. Ang mga Filipino ay alam kong matatalino, masisipag, talentado. Pero yung structure ng wika natin ay kinakahon ang ating isipan at pananaw sa ating mga sarili. Mahirap i-absorb ng pinagsasabi ko. Ewan ko lang kung may maniniwala sa akin. Dahil malamang para sa nakakarami, masyado akong ‘ambisyoso’.

Sabi ni Freud


Magkaharap tayo sa mesa,
hinihintay lumamig ang ating mga kape.
Nasa gitna tayo ng kalsada
nagpapahinga sa anino ng mga gusali.
Mabibilang ko ang dumadaan na
mga kotse pero hindi ko marinig
ang kanilang ingay. Pinagmamasdan mo
ang usok at alikabok ng lungsod pero
tila hindi ka nila nagagambala. Mapaglaro
ang iyong ngiti nang sinabi mong,
“Alam mo napanaginipan kita…”
Kahit papano, ako’y natuwa kasi sabi ni Freud,
“Ang mga panaginip natin ay mga katuparan
ng ating mga pagnanasa na hindi kayang
aminin ng ating rasyonal na sarili.
Siguro kahit hiwalay na tayo at may iba
ka nang…ewan.” Tinitigan mo ako ng iyong
inosenteng mga mata, sinusubukang unawain
ang mga sinabi ko. “Hay nako,” sabi mo,
“Hindi ka pa rin nagbabago…”
Tumayo ka at napansin kong wala nang
laman ang tasa mo, ngumiti ka ulit at
naglakad palayo hanggang nalunod
ka sa mga tao ng syudad. Uminom
ako sandali ng aking kape, pagtingin ko
ulit wala na ang syudad. Ang mga gusali
ay naging mga puno at ang sementong kalsada
ay naging damuhan. Unti-unting dumilim at
tsaka bumagsak ang malakas na ulan
sa akin, sa mesa, at sa mga puno.
-0-
Nagising akong pawisan at nabibingi sa
ingay ng ulan sa bubong. Nanibago ako nang
ako’y tumayo at maglakad sa kwarto, nagtaka
bakit di ko to ginawa sa syudad.

malamang gustong sabihin ng aking di-kamalayan
na ang iyong alaala ay dapat ko nang bitawan

Sonnet 141 ni William Shakespeare


Sa totoo lang, hinding hindi ako magkakagusto sayo,
Sa simpleng dahilan na ang tanging nakikita ko’y problema;
Pero aking puso ay mahal ang natataw ng mga mata ko,
Kahit na ang anyo mo ay di kanais-nais tila ito’y natutuwa pa.
Nahihirapan na nga ako sa pakikinig lang sa boses mo,
Ayokong mahawakan mo, hindi ka naman maganda,
Hindi mahinhin, pag nandyan ka kumukulo aking dugo
Ang laki ng kamalasan ko kapag makasama kang mag-isa.
Pero hindi yata kaya ng aking imahenasyon o ng talino
Na pigilan ang pusong baliw na pagsilbihan ka,
Babaeng kayang burahin ang kalahati ng aking pagkatao,
Para maging alipin sa mga nais ng pusong mong marangya.
Sa tingin ko ako ay pinalad dahil lang sa aking kasawian,
Na lalo kitang minamahal habang ako’y iyong sinasaktan.

Halaw kay William Shakespeare

Kasaysayan ng Wika, Wika sa Kasaysayan


Bago pa man napasailalim ang Pilipinas sa Imperyal Espanya meron nang natatanging mga kultura at mga wika ang bansa. Este, wala pa pala ‘Pilipinas’ noon. Pero madalas ang interaksyon ng mga tao di lang sa kapwa Filipino kundi pati sa mga banyaga. Madalas silang nagkakalakal pero minsan nakikipagdigma din sila. Meron ding mga epiko, alamat, kaalamang bayan, paniniwalang espiritwal. Meron ding sistema ng pagsusulat, ang Alibata. Nakasulat ito sa mga dahon, kawayan, o bato. Ayon sa mga historians kung medyo natagalan lang ang mga Kastila sa pagdating, maaring nakabuo ang mga ninuno natin ng sariling nasyon at wika.

Noong nasakop na ang mga ninuno natin, malaki ang kampanya na ginawa ng mga Kastila para burahin ang sinangunang kultura. Pinagsusunog nila ang karamihan sa mga ‘documents’ sa Alibata. Notable na instrument siempre ang relihiyon. Isa sa mga polisiya ng mga Kastila para mapanatiling watak-watak ang mga Filipino ay ang hindi pagturo ng wikang Espanyol. Sa halip, sila ang nag-aral ng mga wika sa kapuluan. Natakot sila na dahil sa isang common na wika, maaring magorganisa ang mga Indio laban sa kanila.

Pero siempre meron ding natuto ng Espanyol sa pagitan ng pag-aaral. Ang sistema ng edukasyon noon ay kontrolado ng mga prayle at eksklusibo lang sa mga mayayaman. Noong patapos na ang 19th na daantaon ay may mga pagbabago sa polisya ng Espanya. Nangibabaw ang liberalism at nagkaroon ng pagkakataon ang mga mayayamang Pilipino na mag-aral sa Europa. Doon ay na expose sila sa mga modernong ideya lalo na kina Locke at Rousseau.

Kabilang sa mga ilustrado sina Rizal, Lopez-Jaena, Del Pilar, atbp. Tinatag nila ang Kilusang Propaganda na ang layunin ay gawing probinsya ng Espanya ang Pilipinas. Kapag nangyari na ito, magiging mamayang Kastila ang mga Filipino at kasama na dito ang mga karapatan at representasyon sa Cortez. Binuo nila ang La Solaridaridad, ang peryodiko na naglalaman ng mga artikulong tumatalakay sa reporma sa Pilipinas. Espanyol ang wikang ginamit nila. Hindi nagtagumpay ang Kilusang Propaganda sa maraming dahilan kabilang na ang kakulangan ng kasangkapan at pagaaway-away ng mga ilustrado.

Dahil walang nangyari sa mapayapang reporma, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan na ang layunin ay ang ganap na kasarinlan sa pamamagitan ng armadong paraan. Malaki ang papel na ginapanan ng wika, particular ang Tagalog, sa rebolusyon. Merong revolutionary organ ang Katipunan, ang Kalayaan. Meron itong mga artikulo ni Emilio Jacinto at iba pa. Pinakita ng Kalayaan ang plano ng Katipunan. Kinalat ito sa iba’t ibang kalapit na probinsya at nakatulong ito sa paglaki ng pwersa ng Katipunan mula 300 naging 3000 (Agoncillo, 1977). Pinakita lang nito na nagkakaintindihan ang mga tao sa sariling wika at pwede ito gamitin para isulong ang interes ng mga tao. Yun nga lang, isang copya lang ng Kalayaan ang na imprenta at nakalat. Nalaman agad ng mga Kastila ito at nagpasya ang Katipunan na tigilin na ang proyekto.

Naging matagumpay ang rebolusyon pero saka naman dumating ang mga Amerikano. Ang mga bagong layang mga Filipino ay may bago namang kaaway. Binenta pala ng mga Kastila ang Pilipinas sa US sa pagitan ng Treaty of Paris. Bakbakan ulit. Natalo ang mga Filipino dahil mas armado at may angkop na pagsasanay ang pwersa ng Kano. Para tuluyang na sakop ang mga Filipino, gumamit ang mga Kano ng psychological tactic na pagbigay ng bagay na ipinagkait sa mga Filipino, edukasyon. Nagtatag ng secular public system of education ang mga Kano. Pero ang ginamit sa mga paaralan na ito ay Ingles bilang medium of instruction. Tumaas nga ang literacy ng mga Filipino, pero tuluyan din silang na pacify.

Ang mga Kano ay nagpatupad ng mga hakbang para sugpuin ang mkabayang dyornalismo at panitikan. Ayon sa Sedition Law ng 1902, sino man ang magsabi o magsulat ng mga bagay laban sa US at Insular Government ay pwedeng ikulong sa mahabang panahon at pagbabayarin ng malaking multa. Marami ang nakulong na mga manunulat sa dyaryo, mandudula, atbp. Dito na nagsimula ang proseso ng ‘miseducation’. Dahil nga Ingles ang medium og instruction, kailangan ng mga Ingles din na mga kasangkapan. Ang mga Filipino ay natuto tungkol kina Lincoln at Washington kesa kina Rizal at Bonifacio. Dahan-dahan naging mataas ang pagtingin nila sa kulturang Amerikano.

“They had to be disoriented form their nationalist goals because they had to become good colonials. The ideal colonial was the carbon copy of his conqueror, the conformist follower of the new dispensation. He had to forget his past and unlearn the nationalist virtues in order to live peacefully, if not comfortably, under the colonial order. The new Filipino generation learned of the lives of American heroes, sang American songs, and dreamt of snow and Santa Claus.” (Constantino, 1966) Yung mga promising na estudyante, pinadala pa sa US para mag-aral o para tuluyang ma-immerse sa kulturang Amerikano.

Tinatag noong 1935 ang Commonwealth of the Philippines na si Manuel L. Quezon ang pangulo at Sergio Osmena bilang bise. Ang Pilipinas ay magkakaruon ng transition period ng sampung taon bago ganap na maging malayang bansa. Ayon sa mga delegado ng 1935 Constitutional Convention kailangan ng wikang pambansa na sariling atin. Dagdag pa ni Quezon, magiging instrument ito para mapagkaisa ang mga Filipino. November 13 1936 nang tinatag ang Institute of National Language. Ang pinakalayunin nito ay manaliksik at tukuyin ang pinakaangkop na wika sa bansa na pwedeng gawing basehan ng wikang pambansa.

Ang napili ay Tagalog. Marami ang nagsasabi na Tagalog ang napili dahil Tagalog si Quezon. Isa sa mga prominenteng kritiko ay si Osmena, isang Bisaya. Bakit Tagalog e magkasing dami naman ang nagsasalita ng Bisaya at Tagalog (at ibang major dialects tulad ng Hiligaynon at Ilocano). Ang sagot ay nasa tanong na mismo. Kahit anong dialect pa ang mapili, kokontrahin pa rin ito. Isa pa ang Tagalog ay isang basehan lamang. Iba ang Tagalog sa Filipino. Ang Filipino ay naghihiram ng mga salita mula sa ibang dialect para lalo itong mapayaman.

Magandang halimbawa ang mga salitang ‘bana’(husband), ‘kawatan’(thief), ‘palawig’ (extend). Ito ay mga salitang Hiligaynon pero dahil na rin sa convenience, ginamit na ito sa Filipino. Isa pa, ang mga dialect sa bansa ay galing lang sa isang pangkat ng mga wika. Ibig sabihinm magkakahawig lang ang mga ito at medaling pag-aralan. Meron ding mga salita na pareho ang kahulugan sa iba’t ibang dialect. Halimbawa ang ‘mata’. Kahit saan ka sa Pilipinas, ang ‘mata’ ay ‘mata’.

Balik sa kasaysayan. Hindi natapos ang ten-year transition period ng Commonwealth dahil sa World War Two. Ang mga Hapon ay may sariling agenda. Nagtatag sila ng sistema ng edukasyon para burahin ang impluwensya ng mga Amerikano sa mga Filipino. Ginamit ang Filipino bilang medium of instruction, pero at the same time, ang Niponggo. Ang layunin ng mga Hapon ay diumano ipakita na lahat ng mga Asyano ay magkakapatid at mga salot ang mga Kano. Promising di ba? Pero tulad ng US, may imperial interests din ang mga Hapon. May hawig sa taktika ng mga Kano. Pero hindi ito naging matagumpay kasi siempre digmaan, halos wala na nga makain ang mga tao, mag-aaral pa sila. Yung malala pa, pagkatapos ng digmaan, ang tingin ng mga Filipino sa mga Kano ay mga tagapagligtas. Lalo pang tumibay ang attachment ng mga Filipino sa mga Kano at sa kanilang kultura.

Pagkatapos ng digmaan, naging malaya na ang bansa. Paherong mabuti at masama ang pagtuto ng mga Filipino ng banyagang wika (Agoncillo, 1977). Nakapaginterak ang mga Filipino sa buong mundo, perong naging mababa ang tingin nila sa sariling kultura. Ang polisiya ay hindi nagbago, Ingles pa rin ang medium of instruction, at official language sa business, governmental, at legal proceedings.
“A foreign tongue as a medium of instruction constitutes an impediment to learning and to thinking because a student first has to master new sounds, new inflections, and new sentence constructions. His innermost thoughts find difficulty of expression, and lack of expression in turn prevents the further development of thought. Thus we find in our society a deplorable lack of serious thinking among great sections of the population. We half understand books and periodicals written in English. We find it an ordeal to communicate with each other through a foreign medium, and yet we have so neglected our native language that we find ourselves at a loss expressing ourselves in this language.” (Constantino, 1966)

Noon, konti lang ang may access sa impormasyon sa pagitan man ng media o edukasyon.pero ngayon, kahit sino na ang makakabili ng dyaryo o radio o TV o Internet pa nga. Nakatulong din ang mass media para lumago ang Filipino, pero mas malaki ang epekto ng ipinasok ng mass media sa bansa, mga kanta, pelikula, palabas, libro. Hindi na limitado sa US o Western na kultura, pati na Hapon at Koreano na media (at kultura) ay tinatangkilik na rin.

Malinaw na sa bawat importanteng nangyayari sa bansa, parating may bagay na may kinalaman ang wika. Hindi ito nakakagulat, sabi nga ni Jacob Burckhart, ang wika ang kaluluwa ng isang nasyon. Kung gusto talaga natin baguhin ang sitwasyon ng bansa, hindi sapat ang pagsisi ng lahat ng problema sa mga kurap na pulitiko. Kailangan matuto sa kasaysayan. Ang wikang pambansa ay binuo hindi para mag away-away tayo o para maging mababa ang tingin natin sa atin sarili. Ang wikang pambansa ay para magkaisa tayo at magkaroon tayo ng pagkatao lalo na ngayon sa panahon ng globalisasyon.

‘Magkano ang samurai?’


Habang naghahanda pa lang ng entry forms para sa JENESYS Programme kasama ang kuya ko, meron isang parte na masasabi kong tumatak sa akin. Natatangi ang tanong. Hindi ko na maalala ang ensaktong mga salita pero yung idea ng tanong ay, “Kung mapalad na mapili ka para sa programme, ano sa tingin mo ang magiging problema mo doon?” Interesante. Pero yung pinakalayunin ng tanong na yon ay tukuyin at mapaghandaan ng organizer ang mga posibleng problema sa takbo ng programme. Madalas na sagot doon ay yung mga isyu ng mga food allergies, o mga sakin, o whatever pa. Pero gaya ng kuya ko, at malamang marami sa mga nakasama ko, ang sagot ko ay, “Language barrier”

Ang wika ng mga Hapon ay isang wika na well exposed ang mga Pinoy. Dyan yung anime o mga pelikula, pati na yung JPOP. At siempre ang mga Hapon ay may parte sa kasaysayan natin. Dyan din yung mga negosyanteng Hapon. Kaso, isa ang Nipponggo sa mga wika na kailangan talaga pag-aralan ng isang karaniwang Filipino. Hindi tulad ng Kastila na medyo na hiram na ng Filipino pati na rin ng dialect kong Hiligaynon, ang Hapon ay banyaga in the real sense of the word. Ang Ingles ay very common din sa takbo sa buhay ng mga Filipino. Dyan yung media, at siempre sa edukasyon, sa negosyo, sa pulitika, sa batas.

Pero nang nagsimula na ang programme mismo, nagulat ako hindi lang pala sa wikang Hapon magiging interesante sa byahe ko, kundi pati sa Filipino. Isama mo na dyan ang Bisaya, Ilocano, Hiligaynon at iba pang dialect. Ang mga napili para sa JENESYS Programme ay galing sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Natural iba’t iba din ang mga dialect namin. Pero siempre parang may distribution din yata ang pagpili sa amin. Parang ganito karami ang galing sa Luzon, sa Visayas, sa Mindanao, sa NCR. Sa una, medyo naging evident ito. Ako, yung kinakausap ko yung mga kapwa ko Ilonggo tulad ni Karl, ang mga Bisaya ganun din. Pero yung tumagal, halos hindi mo na to mararamdaman. Saka ko lang lubos na na-appreciate ang wikang pambansa.

Yung masaya pa, sa umpisa, pinagsasabay namin yung mga dialects namin at ang Filipino. Pinakainteresante yung kaso ni John. Si John ay Bisaya talaga pero nag-aral sya sa UP Miag-ao, sa Iloilo kung saan sya natuto ng Hiligaynon at marahil pati ng Kinaray-a. Ang nangyari, kapag ako ang kausap nya, Hiligaynon kami, kung ibang Bisaya, tulad ni Francis, Bisaya din, kung iba naman, Filipino na. Meron isang punto na nagkahalo-halo na. Mga sitwasyon tulad ni John kung saan very evident ang convenience ng isang common language.

Sa orientation palang sa Manila, sinabihan na kami, isa pa alam naman namin, na mahina sa Ingles ang mga Hapon. So, binigyan kami ng isang Nipponggo useful phrases booklet. Nandoon ang mga salin ng mga salitang Ingles sa Hapon. Meron ding mga phrase na madalas ginagamit ng isang banyaga o turista. Tulad ng ‘saan ang banyo?’ ‘magkano ang samurai?’ ‘galing ako sa Pilipinas’ at iba pa. Useful nga. Siempre ang mga unang Hapon na natutunan ko ay ‘watashiwa eric-san’ o ‘ako si eric’, ‘arigato gozaimas’ o ‘maraming salamat’, ‘kunichiwa’ o ‘magandang hapon’. Basta mga basics ika nga. Ang bagay lang na sigurado ako, hindi ko sineryoso ang pag-aral ng Nipponggo. Isa pa, marunong mag Ingles ang mga supervisor namin na mga Hapon.

Sa eroplano at sa airport na mismo sa Japan, okay pa, kasi may Hapon, may Ingles. At kung may tanong ka, lapit ka lang sa supervisors. Sa tour na mismo, hindi marunong mag Ingles ang mga nakilala namin, pero ayos lang, may translator naman. So, swabe lang. Pagpahinga sa hotel, doon na medyo nag iba ang pag-absorb ko sa sitwasyon namin.

May TV, gusto naming manood ng TV. Yung problema, eleven lang ang channels, isa lang ang Ingles: CNN. Merong isang channel na may palabas na Hollywood na pelikula, pero naka dub at may subtitles na Hapon. Mga ilang minuto din kami nanood ng makukulay na Japanese game/gag show na hindi namin maintindihan kung bakit sila tumatawa. Ang radio sa room namin ay ganun din. AM man o FM, lahat Hapon ang salita. Medyo mabuti din ang naidulot nito, at least nag-bonding nalang kami na mag groupmates. Saka ko lang na realisa na kaya kami nagkukwentuhan kasi kami lang ang nagkakaintindihan.

Interesante ang karanasan naming sa isang high school. Nag tour kami at nag sit-in din sa klase. Nagustohan ko ang calligraphy class. Nakakamangha pagmasdan at subukan din ang magsulat sa tradisyonal na Hapon. Mahirap ito, at ilang subok bago ko na sulat ang pangalan ko ng maayos. Grabe ang pagpapahalaga sa heritage na to, lalo na ngayon na panahon ng computers at cellphones. Sining ang turing nila dito.


Pero paborito ko ang lunch namin. Pinaupo ang ilang estudyanteng Hapon para makipag-interact sa amin habang kumakain kami. Ilabas ang useful phrases booklet! Nakakatuwa na naghanda din ang mga estudyante ng mga useful phrases sa Ingles. Halatang nahihirapan at nahihiya pero tuloy ang daloy ng kwentuhan, ‘What is your name? Do you enjoy Japan so far? Etc’. Hindi naiwasan ang mga dead air moments kung saan nagkalituhan. Agad akong, ‘Pare, ano ibig sabihin nito? Paano mo sabihin ang ganito?’ Sa tingin ko nagsasabihan din sila, ‘Ano daw? Ano sa English ang ganito? Bat ba tayo pinili dito?’ habang tinitignan ang notes nila.

Tuloy ang tour at natututo rin kami, este ang mga groupmates ko ng mga bagong mga Japanese word o phrases man. Nalaman ko lang ang pagkatamad ko nang umabot na sa Home Stay na part ng programme. Sa loob ng dalawang araw at isang gabi, makikitira kami sa isang Japanese family para lalong maranasan ang pamumuhay ng mga Hapon. Yung catch, walang supervisors. Sabi ng kuya ko, okay lang yan, hindi naman siguro pipili ang organizers ng isang pamilya na wala talagang alam sa Ingles. Medyo mahirap mag Ingles pero sabi ng kuya ko dyan naman ang ‘sign language’. Natakot na ako. Baka magkaproblema o ano man.

Kinabukasan, na meet na namin ang mga foster family namin. Bago sila dumating, binigyan kami ng parang profile nila. Siempre, mga pangalan, mga trabaho, ilan ang mga anak, edad ng mga anak, mga hilig, pati mga alaga nila nandoon sa profile. Ulit, may isang detalye na nakaagaw ng pansin ko. Meron isang part na ‘languages’. Ang nakalagay sa amin, “Japanese, English, Filipino” Tinanong ko ang makakasama ko, si Karl, isa ring Ilonggo, bale foster brother ko sya. Pareho kami makikitira sa Hirakawa Family.

Sabi ko, “Karl, ano ibig sabihin ng part na to? Mga language na kaya natin o ang kaya nila?” Sabi ni Karl, malamang yung kaya nila, profile nila to e. May point sya. Tinignan ko ulit ang profile, at nakita ko ang dahilan bakit may ‘Filipino’ sa profile nila. Ang pangalan ng mag-ama ay Japanese, pero yung mother namin, ‘Christine’. Aha! Pinay ang foster-mother namin! Parang lilipad ako sa tuwa. Sabi ko pa nga kay Karl, “Nako, kung ito maging Ilonggo pa, saksakan na talaga tayo sa swerte.”

Pagdating nila, nahirapan pa kami sa paghanap ng mukhang Pinoy. Yun pala, sa klima na rin siguro sa Hokkaido, nagmukhang Hapon na rin ang foster-mother namin. Taga-Baguio sya at matagal na sya nagtatrabaho sa Japan, at eventually dito na rin nakapangasawa. Ang asawa nya at anak ay medyo magaling na rin sa Ingles, pero hindi ito ganong ginagamit sa bahay. Tinamad na rin kami mag-Ingles, sa dalawang araw, Filipino lang kami nang Filipino.

Sa pag-uusap palang namin, mararamdaman mo talaga na may natatanging bond ang mga kapwa-Filipino. Halimbawa, sa grocery, sya pa ang nagtatanong at nagsa-suggest ng bibilhin namin, “Ito gusto nyo to? Yan masarap yan, subukan natin? Ano pa gusto nyo tikman?” Ang luwag sa pakiramdam. Iniisip ko ang ibang groupmates ko na siguradong hindi nila naranasan to. Mag e-effort pa sila at ang foster parents nila mag Ingles para lang makaintindihan.

Pagdating sa bahay, “O ano plano nyo? Pahinga muna? Kayo bahala.” Pagkatapos matulog ng ilang oras, “O, ano masyal kayo? Kayo na bahala, ang tatanda nyo na. Basta tandaan nyo bahay natin ha. Balik kayo bago mag alas-siete. Ingat.” Ang simple, walang echos.

Habang namamasyal, pumasok kami sa isang video games, CDs, mangas, book store. Bumili si Karl ng ilang manga para pasalubong at naghanap ako ng mga libro. Halos wala akong may naintindihan, puro Hapon ang mga libro. Hanggang may nakita akong isang maliit na parte ng isa sa mga shelf na puro mga libro sa Ingles ang nakabenta. Nagulat ako kasi meron isang kopya ng paborito kong libro, Sophie’s World by Jostien Gaarder. UK edition yata yon at iba ang cover kaya na intriga ako at nagpasya na bilhin ko na para sa kapatid ko. At isa pang factor? Ang presyo, 105 yen, o halos 53 pesos lang. Ang kopya ko ng Sophie’s World nabili ko sa National Book Store ng halos 400 pesos. Nakabili din ako ng libro ni Kenzaburo Oe, Nobel Prize winner, modern novelist ng Japan, sa Ingles siempre. At tsaka isang libro ng mga pictures at tungkol kay Audrey Hepburn. Pati yun, pinatulan ko, kasi ang mura. Sa Pinas, halos wala ngang binibenta ng mga libro tungkol sa photography. Pero sa Japan, etsa pwera lahat ng libro sa Ingles.

Nang lumabas kami sa store na yon, humanga ako sa pagtangkilik ng mga Hapon sa kanilang mga produkto, komiks man o libro, mga kanta. Sa isa pang bookstore, mas humanga ako. Isang kopya ng Twilight, New Moon, Eclipse, at Breaking Dawn ni Stephanie Mayer in Japanese! Naisip ko kung gano kagaga ang mga Pinoy sa librong ito, pero mga Hapon, kailangan pang isalin kasi hindi lahat nakakaintindi ng Ingles.

Nang bumalik kami sa bahay para sa hapunan, meron mga bisitang mga Pinoy din. Mga tatlo sila malapit sa lugar naming at naki-‘party’ sa amin. Walang humpay ang kwentuhan. Kamusta na kami, ano ang kurso namin, ano ang tingin namin sa Japan, sa Hokkaido, ano mga hilig namin, ano mga plano namin sa buhay. Nag kwento din sila tungkol sa mga trabaho nila, sa takbo ng buhay sa Japan, kamusta naman ang programme, sa kung gano na nila na miss ang Pinas. Nagtatanong kung ano na ang nangyayari sa bansa, kamusta naman ang bagong presidente. Tawanan at kwentuhan. Sa ilalim ng mga pinag-uusapan namin, naramdaman ko na masaya lang talaga sila na may mga bagong Pinoy silang makakausap. Gaya nga ng sinabi ko parang may sense of bond sa kapwa-Filipino.

Inisip ko na apprehensive ako na manatili sa Japan ng ilang araw dahil sa language barrier. Nahihirapan na nga ako na nandito ako para mamasyal, sila pa kaya na nandito para magtrabaho, malayo sa kanya-kanyang pamilya. Kaya sila tuwang-tuwa dahil hindi araw-araw na nagkakaroon sila ng pagkakataon na ganito lang: tambay lang, kwentuhan lang, sa Filipino.

Naalala ko ang mga seryosong usapin ng multilingual na society, ang epekto ng Ingles sa Pinas, and miseducation ng mga Filipino. Sa Pinas, mataas ang value ng abilidad sa Ingles kasi ito ay para maging globally competitive ang Pinoy. Pero napabayaan na yata natin ang sariling wika at kultura. Ang mga Hapon, di nga magaling mag-Ingles, pero mayaman naman. Ang mga banyaga pa ang nag-aaral ng Hapon para makipagnegosyo sa kanila. Matibay ang pundasyon ng lipunan nila. Lumalabas na tayo, nag-aaral para makapaglingkod sa banyaga, pero mga Hapon, para makapaglingkod sa kapwa. (Hindi lang Japan, kundi pati China, Korea, Singapore, Taiwan, Malaysia, Thailang, at malamang Vietnam)

Sabi nga ni Jacob Burckhardt, ang wika ang kaluluwa ng isang nasyon. Kahit saan man tayo mapadpad, daladala natin ito. Kahit magaling ka na mag Ingles o Hapon, sa kalalim-laliman, Filipino ka rin. At hahanap at hahanap ka ng paraan para ipahiwatig ito. Dahil nga kaluluwa natin ito, dapat lang siguro na bigyan natin ito ng halaga at lalong ipayamanin. At sana darating din ang araw na hindi na tayo mag-aaral ng Hapon para magtanong ng ‘magkano ang samurai?’ kundi ibang lahi naman ang mag-aaral ng Filipino para magtanong ng ‘magkano ang bolo?’

(Ikatlong Yugto sa ‘Kung Paano Tinuro Ng Mga Cherry Blossoms at Mga Likha Ni Vicente Manansala Sa Akin Ang Natatanging Pinagkaiba Ng Bansang Japan At Ng Pilipinas’)