‘Magkano ang samurai?’


Habang naghahanda pa lang ng entry forms para sa JENESYS Programme kasama ang kuya ko, meron isang parte na masasabi kong tumatak sa akin. Natatangi ang tanong. Hindi ko na maalala ang ensaktong mga salita pero yung idea ng tanong ay, “Kung mapalad na mapili ka para sa programme, ano sa tingin mo ang magiging problema mo doon?” Interesante. Pero yung pinakalayunin ng tanong na yon ay tukuyin at mapaghandaan ng organizer ang mga posibleng problema sa takbo ng programme. Madalas na sagot doon ay yung mga isyu ng mga food allergies, o mga sakin, o whatever pa. Pero gaya ng kuya ko, at malamang marami sa mga nakasama ko, ang sagot ko ay, “Language barrier”

Ang wika ng mga Hapon ay isang wika na well exposed ang mga Pinoy. Dyan yung anime o mga pelikula, pati na yung JPOP. At siempre ang mga Hapon ay may parte sa kasaysayan natin. Dyan din yung mga negosyanteng Hapon. Kaso, isa ang Nipponggo sa mga wika na kailangan talaga pag-aralan ng isang karaniwang Filipino. Hindi tulad ng Kastila na medyo na hiram na ng Filipino pati na rin ng dialect kong Hiligaynon, ang Hapon ay banyaga in the real sense of the word. Ang Ingles ay very common din sa takbo sa buhay ng mga Filipino. Dyan yung media, at siempre sa edukasyon, sa negosyo, sa pulitika, sa batas.

Pero nang nagsimula na ang programme mismo, nagulat ako hindi lang pala sa wikang Hapon magiging interesante sa byahe ko, kundi pati sa Filipino. Isama mo na dyan ang Bisaya, Ilocano, Hiligaynon at iba pang dialect. Ang mga napili para sa JENESYS Programme ay galing sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Natural iba’t iba din ang mga dialect namin. Pero siempre parang may distribution din yata ang pagpili sa amin. Parang ganito karami ang galing sa Luzon, sa Visayas, sa Mindanao, sa NCR. Sa una, medyo naging evident ito. Ako, yung kinakausap ko yung mga kapwa ko Ilonggo tulad ni Karl, ang mga Bisaya ganun din. Pero yung tumagal, halos hindi mo na to mararamdaman. Saka ko lang lubos na na-appreciate ang wikang pambansa.

Yung masaya pa, sa umpisa, pinagsasabay namin yung mga dialects namin at ang Filipino. Pinakainteresante yung kaso ni John. Si John ay Bisaya talaga pero nag-aral sya sa UP Miag-ao, sa Iloilo kung saan sya natuto ng Hiligaynon at marahil pati ng Kinaray-a. Ang nangyari, kapag ako ang kausap nya, Hiligaynon kami, kung ibang Bisaya, tulad ni Francis, Bisaya din, kung iba naman, Filipino na. Meron isang punto na nagkahalo-halo na. Mga sitwasyon tulad ni John kung saan very evident ang convenience ng isang common language.

Sa orientation palang sa Manila, sinabihan na kami, isa pa alam naman namin, na mahina sa Ingles ang mga Hapon. So, binigyan kami ng isang Nipponggo useful phrases booklet. Nandoon ang mga salin ng mga salitang Ingles sa Hapon. Meron ding mga phrase na madalas ginagamit ng isang banyaga o turista. Tulad ng ‘saan ang banyo?’ ‘magkano ang samurai?’ ‘galing ako sa Pilipinas’ at iba pa. Useful nga. Siempre ang mga unang Hapon na natutunan ko ay ‘watashiwa eric-san’ o ‘ako si eric’, ‘arigato gozaimas’ o ‘maraming salamat’, ‘kunichiwa’ o ‘magandang hapon’. Basta mga basics ika nga. Ang bagay lang na sigurado ako, hindi ko sineryoso ang pag-aral ng Nipponggo. Isa pa, marunong mag Ingles ang mga supervisor namin na mga Hapon.

Sa eroplano at sa airport na mismo sa Japan, okay pa, kasi may Hapon, may Ingles. At kung may tanong ka, lapit ka lang sa supervisors. Sa tour na mismo, hindi marunong mag Ingles ang mga nakilala namin, pero ayos lang, may translator naman. So, swabe lang. Pagpahinga sa hotel, doon na medyo nag iba ang pag-absorb ko sa sitwasyon namin.

May TV, gusto naming manood ng TV. Yung problema, eleven lang ang channels, isa lang ang Ingles: CNN. Merong isang channel na may palabas na Hollywood na pelikula, pero naka dub at may subtitles na Hapon. Mga ilang minuto din kami nanood ng makukulay na Japanese game/gag show na hindi namin maintindihan kung bakit sila tumatawa. Ang radio sa room namin ay ganun din. AM man o FM, lahat Hapon ang salita. Medyo mabuti din ang naidulot nito, at least nag-bonding nalang kami na mag groupmates. Saka ko lang na realisa na kaya kami nagkukwentuhan kasi kami lang ang nagkakaintindihan.

Interesante ang karanasan naming sa isang high school. Nag tour kami at nag sit-in din sa klase. Nagustohan ko ang calligraphy class. Nakakamangha pagmasdan at subukan din ang magsulat sa tradisyonal na Hapon. Mahirap ito, at ilang subok bago ko na sulat ang pangalan ko ng maayos. Grabe ang pagpapahalaga sa heritage na to, lalo na ngayon na panahon ng computers at cellphones. Sining ang turing nila dito.


Pero paborito ko ang lunch namin. Pinaupo ang ilang estudyanteng Hapon para makipag-interact sa amin habang kumakain kami. Ilabas ang useful phrases booklet! Nakakatuwa na naghanda din ang mga estudyante ng mga useful phrases sa Ingles. Halatang nahihirapan at nahihiya pero tuloy ang daloy ng kwentuhan, ‘What is your name? Do you enjoy Japan so far? Etc’. Hindi naiwasan ang mga dead air moments kung saan nagkalituhan. Agad akong, ‘Pare, ano ibig sabihin nito? Paano mo sabihin ang ganito?’ Sa tingin ko nagsasabihan din sila, ‘Ano daw? Ano sa English ang ganito? Bat ba tayo pinili dito?’ habang tinitignan ang notes nila.

Tuloy ang tour at natututo rin kami, este ang mga groupmates ko ng mga bagong mga Japanese word o phrases man. Nalaman ko lang ang pagkatamad ko nang umabot na sa Home Stay na part ng programme. Sa loob ng dalawang araw at isang gabi, makikitira kami sa isang Japanese family para lalong maranasan ang pamumuhay ng mga Hapon. Yung catch, walang supervisors. Sabi ng kuya ko, okay lang yan, hindi naman siguro pipili ang organizers ng isang pamilya na wala talagang alam sa Ingles. Medyo mahirap mag Ingles pero sabi ng kuya ko dyan naman ang ‘sign language’. Natakot na ako. Baka magkaproblema o ano man.

Kinabukasan, na meet na namin ang mga foster family namin. Bago sila dumating, binigyan kami ng parang profile nila. Siempre, mga pangalan, mga trabaho, ilan ang mga anak, edad ng mga anak, mga hilig, pati mga alaga nila nandoon sa profile. Ulit, may isang detalye na nakaagaw ng pansin ko. Meron isang part na ‘languages’. Ang nakalagay sa amin, “Japanese, English, Filipino” Tinanong ko ang makakasama ko, si Karl, isa ring Ilonggo, bale foster brother ko sya. Pareho kami makikitira sa Hirakawa Family.

Sabi ko, “Karl, ano ibig sabihin ng part na to? Mga language na kaya natin o ang kaya nila?” Sabi ni Karl, malamang yung kaya nila, profile nila to e. May point sya. Tinignan ko ulit ang profile, at nakita ko ang dahilan bakit may ‘Filipino’ sa profile nila. Ang pangalan ng mag-ama ay Japanese, pero yung mother namin, ‘Christine’. Aha! Pinay ang foster-mother namin! Parang lilipad ako sa tuwa. Sabi ko pa nga kay Karl, “Nako, kung ito maging Ilonggo pa, saksakan na talaga tayo sa swerte.”

Pagdating nila, nahirapan pa kami sa paghanap ng mukhang Pinoy. Yun pala, sa klima na rin siguro sa Hokkaido, nagmukhang Hapon na rin ang foster-mother namin. Taga-Baguio sya at matagal na sya nagtatrabaho sa Japan, at eventually dito na rin nakapangasawa. Ang asawa nya at anak ay medyo magaling na rin sa Ingles, pero hindi ito ganong ginagamit sa bahay. Tinamad na rin kami mag-Ingles, sa dalawang araw, Filipino lang kami nang Filipino.

Sa pag-uusap palang namin, mararamdaman mo talaga na may natatanging bond ang mga kapwa-Filipino. Halimbawa, sa grocery, sya pa ang nagtatanong at nagsa-suggest ng bibilhin namin, “Ito gusto nyo to? Yan masarap yan, subukan natin? Ano pa gusto nyo tikman?” Ang luwag sa pakiramdam. Iniisip ko ang ibang groupmates ko na siguradong hindi nila naranasan to. Mag e-effort pa sila at ang foster parents nila mag Ingles para lang makaintindihan.

Pagdating sa bahay, “O ano plano nyo? Pahinga muna? Kayo bahala.” Pagkatapos matulog ng ilang oras, “O, ano masyal kayo? Kayo na bahala, ang tatanda nyo na. Basta tandaan nyo bahay natin ha. Balik kayo bago mag alas-siete. Ingat.” Ang simple, walang echos.

Habang namamasyal, pumasok kami sa isang video games, CDs, mangas, book store. Bumili si Karl ng ilang manga para pasalubong at naghanap ako ng mga libro. Halos wala akong may naintindihan, puro Hapon ang mga libro. Hanggang may nakita akong isang maliit na parte ng isa sa mga shelf na puro mga libro sa Ingles ang nakabenta. Nagulat ako kasi meron isang kopya ng paborito kong libro, Sophie’s World by Jostien Gaarder. UK edition yata yon at iba ang cover kaya na intriga ako at nagpasya na bilhin ko na para sa kapatid ko. At isa pang factor? Ang presyo, 105 yen, o halos 53 pesos lang. Ang kopya ko ng Sophie’s World nabili ko sa National Book Store ng halos 400 pesos. Nakabili din ako ng libro ni Kenzaburo Oe, Nobel Prize winner, modern novelist ng Japan, sa Ingles siempre. At tsaka isang libro ng mga pictures at tungkol kay Audrey Hepburn. Pati yun, pinatulan ko, kasi ang mura. Sa Pinas, halos wala ngang binibenta ng mga libro tungkol sa photography. Pero sa Japan, etsa pwera lahat ng libro sa Ingles.

Nang lumabas kami sa store na yon, humanga ako sa pagtangkilik ng mga Hapon sa kanilang mga produkto, komiks man o libro, mga kanta. Sa isa pang bookstore, mas humanga ako. Isang kopya ng Twilight, New Moon, Eclipse, at Breaking Dawn ni Stephanie Mayer in Japanese! Naisip ko kung gano kagaga ang mga Pinoy sa librong ito, pero mga Hapon, kailangan pang isalin kasi hindi lahat nakakaintindi ng Ingles.

Nang bumalik kami sa bahay para sa hapunan, meron mga bisitang mga Pinoy din. Mga tatlo sila malapit sa lugar naming at naki-‘party’ sa amin. Walang humpay ang kwentuhan. Kamusta na kami, ano ang kurso namin, ano ang tingin namin sa Japan, sa Hokkaido, ano mga hilig namin, ano mga plano namin sa buhay. Nag kwento din sila tungkol sa mga trabaho nila, sa takbo ng buhay sa Japan, kamusta naman ang programme, sa kung gano na nila na miss ang Pinas. Nagtatanong kung ano na ang nangyayari sa bansa, kamusta naman ang bagong presidente. Tawanan at kwentuhan. Sa ilalim ng mga pinag-uusapan namin, naramdaman ko na masaya lang talaga sila na may mga bagong Pinoy silang makakausap. Gaya nga ng sinabi ko parang may sense of bond sa kapwa-Filipino.

Inisip ko na apprehensive ako na manatili sa Japan ng ilang araw dahil sa language barrier. Nahihirapan na nga ako na nandito ako para mamasyal, sila pa kaya na nandito para magtrabaho, malayo sa kanya-kanyang pamilya. Kaya sila tuwang-tuwa dahil hindi araw-araw na nagkakaroon sila ng pagkakataon na ganito lang: tambay lang, kwentuhan lang, sa Filipino.

Naalala ko ang mga seryosong usapin ng multilingual na society, ang epekto ng Ingles sa Pinas, and miseducation ng mga Filipino. Sa Pinas, mataas ang value ng abilidad sa Ingles kasi ito ay para maging globally competitive ang Pinoy. Pero napabayaan na yata natin ang sariling wika at kultura. Ang mga Hapon, di nga magaling mag-Ingles, pero mayaman naman. Ang mga banyaga pa ang nag-aaral ng Hapon para makipagnegosyo sa kanila. Matibay ang pundasyon ng lipunan nila. Lumalabas na tayo, nag-aaral para makapaglingkod sa banyaga, pero mga Hapon, para makapaglingkod sa kapwa. (Hindi lang Japan, kundi pati China, Korea, Singapore, Taiwan, Malaysia, Thailang, at malamang Vietnam)

Sabi nga ni Jacob Burckhardt, ang wika ang kaluluwa ng isang nasyon. Kahit saan man tayo mapadpad, daladala natin ito. Kahit magaling ka na mag Ingles o Hapon, sa kalalim-laliman, Filipino ka rin. At hahanap at hahanap ka ng paraan para ipahiwatig ito. Dahil nga kaluluwa natin ito, dapat lang siguro na bigyan natin ito ng halaga at lalong ipayamanin. At sana darating din ang araw na hindi na tayo mag-aaral ng Hapon para magtanong ng ‘magkano ang samurai?’ kundi ibang lahi naman ang mag-aaral ng Filipino para magtanong ng ‘magkano ang bolo?’

(Ikatlong Yugto sa ‘Kung Paano Tinuro Ng Mga Cherry Blossoms at Mga Likha Ni Vicente Manansala Sa Akin Ang Natatanging Pinagkaiba Ng Bansang Japan At Ng Pilipinas’)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s