Wikang Walang Ambisyon


Hindi na ako sigurado pero malamang sa klase namin sa sociology yun nang pinag-usapan namin ang kultura natin. Kultura ay tumutukoy sa pangkalahatang paniniwala at mga gawi ng particular na lipunan. Tinanong kami ng prof namin kung ano sa tingin namin ang mga katangian ng mga Filipino. Susubukan daw naming tukuyin ang kulturang Filipino.

Mag tinanong si ma’am at sumagot ang kaklase ko na, “Filipinos are known to be hospitable…” Medyo swak naman ang sagot para sa kanya kaya tuloy ang diskusyon. Nabangit din ang pagiging masayahin natin at pati na ang tibay ng family bonds sa Pinas.

Mga ilang araw pagkatapos ng meeting na yon, may nabasa akong libro yata yun ni Rio Alma na nagpa-isip talaga sa akin. Ayon kay Rio Alma, parating binabangit ang pagiging hospitable ng mga Filipino pero kung iisipin walang salita sa Filipino o sa mga dialekto na katumbas ang salitang ‘hospitable’. Napa-isip ako at nagpasya na wala nga. Tuloy pa ni Rio Alma, pero may salitang Kastila at siempre Ingles na ibig sabihin ay ‘hospitable’.

Pinapakita nito na di likas na ‘hospitable’ ang mga Filipino. Ang pagiging ‘hospitable’ ay isang katangiang banyaga na inimpose sa atin. Kaya siguro tayo naging (at patuloy) hospitable sa mga mananakop. Sa punto na inuuna pa natin ang kanilang mga interes kesa sa atin. Isang salita lang pero malaki ang naging epekto nito sa takbo ng ating mga buhay at ng ating lipunan.

-0-

Hindi ako mapakali. Sinubukan kong suriin ang wikang Filipino at marami akong mga salita na nadiskobre na meron mga kahulugan na malaki ang epekto sa lipunan. Sabi nga ni Wittgenstein, ang kahulugan ng salita ay depende sa paggamit nito.

Ang unang salita na napansin ko ay isang household word na sa mga Filipino. Hindi siguro nakukumpleto ang araw ng isang Filipino kung hindi nya to nababangit o naririnig man lang. Ito ang ‘pulitiko’. Sa simpleng dipinesyon ang ‘pulitiko’ ay taong nakikisangkot sa pulitika. Inihahalal sila tuwing eleksyon. Responsibilidad nila na pagsilbihan ang mga tao. Simple lang di ba?

Pero ang gamit natin ng ‘pulitiko’ ay para tukuyin ang mga kurap na opisyal na dahilan kung bakit hindi umaasenso ang bansa. Ironic isipin kasi integral ang parte na ginagampanan ng mga pulitiko sa ano mang lipunan. Lahat ng mga ‘pulitiko’ kurap. Basta ‘pulitiko’ kurap. Tapos ang usapan. Dahil walang kwenta ang mga ‘pulitiko’, sino ang tutulong sa atin? At naalala ko ang ikalawang salita: ‘aktibista’.

Ang ‘aktibista’ ay isang tao na nanawagan ng repormang political, sosyal at pati na rin pangkalikasan. Kaya sila ‘aktibista’ kasi ‘aktibo’ sila. Ang isa pang term sa mga ‘aktibista’ ay mga ‘progressive groups’. Kaya sila ‘progressive’ kasi gusto nila ng ‘progress’. Simple lang di ba?

Ang problema, ang imahe ng mga aktibista ay inuugnay sa gulo at terorismo. Mga ‘komunista’ daw sila. Nakakamangha isipin na maraming tao ang ayaw sa mga ‘komunista’ pero hindi naman nila alam kung ano ibig sabihin nito. Kahit nga siguro mga edukadong tao ay hindi lubos na nauunawaan ang ibig sabihin nito. Ugat nito? Hollywood at pati na rin media. Pinapakita na ang mga ‘komunista’ ay mga kalaban lalo na noong Cold War. Diumano kalaban ng demokrasya ang komunismo. Mali ito dahil kapitalismo ang kalaban ng kumonismo. Nagpapalabas ang US ng ganitong klaseng mga media dahil may mga interes silang makakapitalista. (mahaba at ibang usapan na to…)

Sa bansa naman, pinapakita ng balita na ang mga ‘aktibista’ pa yata ang gumagawa ng problema. Lumalabas lang sila kapag sila ay nagrarali. Pero tinatanong ba sila kung ano dapat gawin? Hindi. Binibigyan ba ng diin kapag may pinatay na ‘aktibista’ o journalist? Wala.

Ang hindi alam ng nakakarami, ang mga pinakamayaman at pinakastable na mga bansa sa mundo ay madalas mga Social Democrats, lalo na yung Norway. Masigla ang partisipasyon ng mga worker’s union sa pulitika ng mga bansang ito. Malaki ang impluwensya ng mga Marxist na ideologies sa mga polisiya nila. At dahil dito, nagawa nilang bawasan ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap na halos nonexistent na ito. At dahil dito wala na ring masyadong krimen sa mga lugar na to.

So ang mga tao sa Pinas, parehong walang tiwala sa mga ‘pulitiko’ at mga ‘aktibista’. So sino na lang? Wala.

-0-

Dahil ang mga Filipino ay walang inaasahang mangyayaring matino sa sariling bansa, saan sila pumupunta? Dito na pumapasok ang mga salitang ‘abroad’ ‘OFW’ at ‘imported’. Kung gusto mong umasenso (kung sa socio pa, upward social mobility), lumabas ka sa bansa. Ang dulot nito ay tinatawag na brain drain. Ang mga pinaka-dekalibreng membro ng labor force ay nasa labas ng bansa. Okay lang sana kung lalabas ka, mag-iipon o mag-aaral, tas babalik ka na sa Pinas para dito naman magserbisyo. Pero yung nangyayari, karamihan, umuuwi lang kung retired na, yan ay kung umuuwi nga sila. So lahat ng productive years mo ay nasa labas. Ewan ko nga kung matutuwa ako sa mga ‘pinoy achievers ‘ sa labas na fini-feature sa TV. Dahil sa kanilang sipag at pagpupursigi, umangat sila. Pero in the end of the day, banyaga parin ang nakikinabang sa talento at serbisyo nila.

Yun ay kung mapalad ka sa labas. E paano kung TNT ka, hindi ka sinusweldohan, ginahasa ka, nasangkot ka sa gulo, naloko ka? Hindi pa yan kasama ang racial discrimination, homesickness, at loneliness. Ang pagtatrabaho sa labas ay hindi isang biro o isang sure ball na bagay. Ang padala ng mga OFW ang pundasyon ng ating ekonomiya. Dapat ginagamit ang pera na to para makapaglikha ng mga trabaho sa bansa na mismo. Yung nangyayari, lalo pang lumalabas ang mga tao. Isipin mo nalang ang libo-libong kumukuha ng nursing.

Madalas hindi nakikita ng mga OFW ang paglaki ng kanilang mga anak. Pero para ipakita na mahal parin nila ang mga ito, bigay luho sila kahit ano. Madalas ‘imported’ ang mga luhong ito. Ang nangyayari nagiging mataas ang halaga ng ‘imported’ na bagay kesa sa ‘lokal’ na produkto. Epekto? Nalulugi ang mga negosyo sa bansa at yumayaman naman ang ibang bansa (China halimbawa, at siempre US).

-0-

Malinaw ang sitwasyon at siguradong hindi lang ako ang nakakapansin nito. So bakit nandito pa rin ang problemang ito? Malamang natatakot ang mga taong nakapansin nito na tawagin silang, ‘matalino’ ‘wais’ o ‘pilosopo’.

Ang pagiging ‘matalino’ sa bansa ay inuugnay sa pagiging baliw. Hindi malinaw? Isipin si Sen. Miriam Defensor-Santiago. Walang gustong mapansin dahil baka bansagan silang ‘matalino’. Ganoon din ang paggamit sa mga salitang ‘wais’ at ‘pilosopo’ : ‘wise’ at ‘philosopher’. Pero ang ‘wais’ ay tumutukoy sa pagiging mapag-abuso o sa madiskarte sa masamang paraan. Ang ‘pilosopo’ naman ay sinasabi sa mga taong sistematik magdahilan (may Logic eh), pero masama din ang tingin dito. Sa ibang bansa, tulad ng France, mga ‘moral compass’ ang turing sa mga pilosopo. Pero sa bansa, mas mabuting tumahimik ka nalang at sumang-ayon sa status quo. Bale, theoretically, maging bobo ka.

Ang mga bagay na to ay hindi natin napansin dahil kinalakihan na natin ang mga ito. Yung magagawa nalang natin ay siguraduhing hindi na ito mangyayari pa sa susunod na henerasyon. Sigurado akong hindi bobo ang mga Filipino pero sigurado din ako na takot silang maging ‘matalino’ ‘wais’ o ‘pilosopo’. Ito ay isang realisasyon sa atin na hindi lang mga kurap na pulitiko ang problema sa bansa.

Napakalalim na ng problema na pati sa wika natin nagreflect na ito. Ang wika mismo natin ay isang intrumento ng oppression. Pero lahat ng ito ay socially constructed. Ibig sabihin, ang mga tao mismo ang gumagawa at nagbibigay kahulugan. Kailangan natin baguhin ang paggamit sa mga salitang ito hindi lang para iahon ang ating mga sarili kundi pati ang ating bayan. Kapag may nagsabi na kurap ang mga ‘pulitiko’, bat di kaya natin sagutin na, ‘uy may kilala akong pulitiko ha, at sigurado akong hindi magnanakaw yun’.

Sa sociology, merong labeling theory of deviance. Kung ano man ang ating bansag (label) sa mga tao merong tendency na mag self-fulfill ang mga ito. Halimbawa meron isang batang ‘pulitiko’ na sincere at gustong magserbisyo. Ano ang magagawa nya kung kurap ang tingin ng lahat ng tao sa kanya? Malamang iisipin nun, “Bahala kayo sa buhay nyo! Kurap kung kurap!”

Hindi mahirap ang bansa dahil naglalamangan ang mga tao. Ang mga Filipino ay alam kong matatalino, masisipag, talentado. Pero yung structure ng wika natin ay kinakahon ang ating isipan at pananaw sa ating mga sarili. Mahirap i-absorb ng pinagsasabi ko. Ewan ko lang kung may maniniwala sa akin. Dahil malamang para sa nakakarami, masyado akong ‘ambisyoso’.

One thought on “Wikang Walang Ambisyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s