Mga Panaginip


Naglalakad si Edmund papunta sa karinderya. Lampas alas-nuebe na pero hindi pa sya nakapaghapunan. Malamang, isip ni Edmund, wala na akong tirang ulam. Wala syang kasama maliban sa kanyang payong. Nakakain na ang mga roommate nya at tinatamad nang lumabas, subsob sa mga gawain sa klase. Mahamog din ang paligid dahil sa ulan nang hapon na yon. Sa wakas, isip ni Edmund, handa na rin ang lahat para bukas.

Marami pa namang estudyante ang nasa labas ng mga dorm at ibang boarding house. Malayo pa lang ay pinagmamasdan na nya nang maigi ang taong makakasalubong nya. “Uy, Ed,” sabi nito, “Ano pa ginagawa mo dito?”

“Lintik naman Tim, ikaw lang pala.” Magkaklase sila sa Humanities pero magkaibang kurso. Sa kalibang freshman dorm nakatira si Tim.
“Hindi pa ako nakakain e. Ikaw?”

May ilang mga estudyante grupo-grupo naglalakad. Sa banwa nakatira o nagbo-board pero namamasyal sa dorm area dahil sa mga kakilala. Sa harap ng isang dorm nakatipon ang limang estudyanteng lalaki. Ang tatlo ay nakaharap sa kanikanilang laptop habang ang dalawa nanonood. Maya’t maya naghihiyawan dahil sa DOTA.

“Timing pala e. Sama na tayo.”

-0-

Nakaupo sila malapit sa telebisyon ng kainan. Drama na ang palabas. Konti na rin ang mga tao. Naglilinis na nga ang may ari.

“Sakit ng ulo ko, badtrip talaga.” sabi ni Tim.

“O? Bakit naman?”

“Nakatulog kasi ako.”

“Ah, kaya pala hindi ka pa nakakain.”

Nakita ni Edmund na may pumasok na lalaking naka sombrero at brown na jacket. Tinitigan nito si Edmund habang nasa parang counter ng kainan. Taga-Miag-ao siguro, kakilala nina Manang, isip nya.

“Hangang 5:30 kasi klase ko kanina. Sabi ko, mag-iidlip lang ako sandali bago kumain. Ang sampung minutong idlip, naging tatlong oras. Hindi naman ako ginising.”

“Alam ko yan,” sabi ni Edmund. “Good luck sa pagtulog mamya.”

“Oo nga e. Ikaw? Bat hindi ka pa nakakain?”

“Wala, may meeting kasi kami para sa rally laban sa budget cut bukas. Final instructions nalang. Yun, marami pa palang gusot, natagalan. Ikaw, baka gusto mong sumama.”

“Hindi na siguro Ed. Malaman pa ni Mommy, pagalitan pa ako. Buti ka pa, may panahon ka dyan.”

“Ewan, karapatan natin to e.” Umupo ang lalaki sa mesang nasa likod nila. “Also alam kong pagagalitan din ako ni Mommy,” tuloy ni Edmund, “Pero alam mo yung pagagalitan nya ako dahil alam nyang mapepeste naman si Daddy ko.”

“Bakit naman?” tanong ni Tim.

“Konsehal Daddy ko sa amin. Galit sa mga aktibista yun. Wala daw nagawang matino e, puro ingay lang.”

“Teka, di ba Psych major ka?”

“Oo, bakit?”

“May problema kasi ako. Pero parang hindi. Kasi hindi lang pagod ang nagdulot ng sakit ng ulo ko. Napanaginipan ko na naman.”

“Ha? Ang alin?”

Huminga ng malalim si Tim, “Mga ilang buwan na, paulit-ulit ang panaginip ko.”

“Bangungot ba? Bat mo nasabing problema?”

“Ewan nga e. Hindi ko alam ang gagawin. Kada panaginip ko. Alam ko nang mangyayari, halos bawat detalye. Di ba Psych ka? Baka pwede mong sabihin kung ano ibig sabihin ng panaginip ko.”

Natawa si Edmund, “Tol, freshmen pa lang tayo. Psych 101 pa lang major ko. Dapat sa guidance councilor or sa psychiatrist ka pumunta hindi sa akin. Aware ako sa mga something na ganyan, Freud yan e. Dream interpretation, interpretation ng dreams, whatever.”

“O? Alam mo naman pala. May nabasa ka na tungkol dito?”

“May nabasa pero hindi ko alam kung paano yun ginagawa. Isa pa, wala naman akong pakinabang dyan e. Kasi kung managinip man ako, pagkagising ko, wala akong natatandaan. Wala, aware lang ako na nanaginip nga ako.”

“Sige na. Kahit ano lang. Basta sabihin mo lang interpretation mo.”

“Lintik naman,” uminom si Edmund ng tubig, “kwento mo na.”

Sa labas, nagsimulang umulan.

-0-

Dyosko, isip ni Edmund, ano ba tong pinasok ko.

“Basta,” simula ni Tim, “nagsisimula palagi ang panaginip nang nakatingin ako sa daan, sa kalye. Tapos kasama ko Mommy ko. Maraming tao. Nakaputi lahat. Umaga o hapon pero may kandilang hawak ang mga tao, maliban sa amin ni Mommy. Tapos merong tunog. Parang unified voice, pero hindi malinaw, parang murmur lang. Parang dasal. So sa isip ko, nasa prosisyon ako. Tinignan ko sa harap at sa likod na rin pero walang mga santo.

“Tapos yung lugar, parang sa lugar namin. Pero hindi ko ma-pinpoint kung saan. Alam mo na, dinadaanan ng prosisyon. Tapos, maya’t maya, syudad na. Mga gusali, mga traffic lights. Tapos habang pinagmamasdan ko ang mga gusali—sinusubukan kong i-pinpoint ulit—tsaka nawala ang dasal o tunog. Tapos pagtingin ko, wala na rin si Mommy. Pero hindi ko naramdaman ang impulse na hanapin sya. Tuloy lang ang lakad ko.

“Tapos, nakaputi na rin ako. Tinignan ko nga katabi ko, wala, pareho na damit namin. Ito yung medyo creepy na parte. Wala na ang dasal kasi wala nang mga bibig ang mga kasama ko.”

Tumaas ang mga kilay ni Edmund, “Paano yun?”

“Wala, as in wala silang bibig. Imbes na mga labi, balat lang. Pero, hindi sya nakakatakot. Parang wala lang. Mas nakuha ng atensyon ko ang mga mata nila. Tumingin ako sa kaliwa’t kanan at pare-pareho ang mga mata nila. Parang ang focused nila, determined, matapang, diretso ang tingin. Korni na kung korni, parang may apoy mga mata nila. Pagtingin ko sa harap, nakita ko ang tinitigan nila. Isang puting palasyo o mansyon. Malayo palang nakikita ko na yung matataas na mga pader.

“Hindi ko naramdaman pero nasa harapan na kami ng gate at mga pader. Tumigil kami sandali. Nagkapit bisig ang lahat—hindi ko napansin pero pati na rin ako. Tapos nabuksan ang gate dahil sa pagtulak ng ilang beses ng nasa harapan. Tapos merong pakiramdam na maraming nakatingin sa amin. Hindi ko nakita pero naramdaman kong meron. Sa lahat ng direksyon. Pero hindi na aapektuhan mga kasama ko.

“Tapos, pumasok na kami sa palasyo. Madilim ang loob nito. Halos walang laman. Puro bakanteng espasyo. Walang pumigil sa amin. Pero lumala yung pakiramdam ko na tinitignan kami. Parang may maling galaw lang kami, may mangyayari sa amin. Sa dulo ng silid o parang hall merong parang isang altar. Tapos may taong nakatayo, naka harap sa amin. Hindi ko alam kung babae o lalaki, ang dilim kasi. Tapos may ilaw sa likod nya. So parang silhouette lang sya. Tapos wala. Tahimik pero may tension.

“Habang nasa ‘face off’ na yon, may humila ng kamay ko. Pagtalikod ko, nandoon si Mommy. ‘Tara,’ sabi nya, ‘ano ginagawa mo dito? Wag ka nang sumali dito.’ Parang pinapagalitan nya ako at the same time grabe yung concern sa pagsasalita nya. Hindi ko alam ang gagawin ko, nagpakaladkad naman ako kay Mommy. Sa pinto may nag aabang na dalawang lalaki.”

“Tapos? Nakita mo ba mga mukha nila?”

“Siempre. Yung isa, si Daddy, yung isa yung Tito Fred ko. Nagtalo sila ni Mommy, ‘Hayaan mo yung bata’ sabi ni Tito ko, ‘Ang ginagawa namin ay para sa lahat.’ Nagdepensa naman si Mommy na, ‘Wala na tong patutunguhan. Bakit hindi nyo nalang tanggapin yun?’ Wala akong maintindihan sa mga pinagsasabi nila. Tahimik lang si Daddy. Hanggang sumuko si Mommy at umalis. Gusto ko sanang sumama pero hindi ko ginawa.

“Bumalik kaming tatlo sa grupo. Ang gaan ng pakiramdam kong makasama si Daddy at Tito. Tatanungin ko sana kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito. Pero di ko nagawa kasi nalaman kong wala na ring akong bibig. Pagtingin ko wala na rin yung sa kanila. Nataranta na ako. Sinubukan kong sumigaw pero wala.

“At doon ako nagigising.”

-0-

Huminga nang malalim si Edmund. Hindi nya alam kung saan magsisimula. “Basta,” sabi nya, “alam ko ayon kay Freud, ang mga panaginip ay ang tulay para malaman ang pinaka malalim na desires ng ating unconscious. Ang hindi natin magawa sa gising na mundo o conscious na mundo ay sa panaginip natutupad. Wish fulfillment ang mga panaginip.”

Napa-isip ng sandal si Tim, “Tapos?”

“Yung iniisip ko,” sabi ni Edmund, “Bakit ganun yung panaginip mo. Kwentohan mo nga ako tungkol sa Mommy mo.”

“Mabuti naitanong mo. Simulang mag-college ako, parati na kaming nag-aaway ni Mommy. Nagdi-‘drift apart’ na raw kami.” Lintik, isip ni Edmund, Oedipus complex, “Prangkahan na ha, Mama’s boy kasi ako. Ngayon daw nagiging pasaway na ako. Kada Linggo na lang raw kasi ako nagsisimba.”

Nalito si Edmund, “Ha? Paano naging pasaway yun?”

“Very religious at conservative ni Mommy. Noon, after nya akong sunduin sa klase, nagsisimba kami. Araw-araw, pati mga novena na yan, kompleto. Ngayon, dahil dito na ako sa dorm, hindi na ako nagsisimba. Totoo naman, tinatamad na ako.”

-0-

“Ewan ko ba,” sabi ni Tim, “nababalisa na ako dahil dito. Noong una, parang wala lang, pero nang lampas tatlong beses ko nang napanaginipan, wala na. Minsan kahit gising ako parang pini-play ko yung panaginip sa isip ko.”

Hindi sigurado si Edmund sa ano dapat sabihin nya. “Basta Tim, sabihin na lang natin na hindi mo alam kung saan,” nag-isip ni Edmund ng angkop na salita, “tumambay. Kapag nasa bahay ka, nababagot ka at gusto mong lumabas. Ayaw mo na ng routine na takbo ng buhay sa bahay. Pero kapag nasa labas ka naman, sa skwela halimbawa, andyan na lahat na wala sa bahay nyo pero nagdadalawang isip ka kung ito ba yung gusto mo. Hindi ka sigurado.”

“May punto ka Ed,” sabi ni Tim pagkalipas ng ilang segundong pag-iisip, “Grabe ah, hula-hula pa lang yan ha. Paano na kaya kung professional ka na.” Tawanan.

“Ikaw Ed,” dugtong ni Tim, “Bakit mo pa ginagawa yang ginagawa mo?”

“Minsan hindi ko rin alam,” nag-isip si Edmund, “Pwede naman wala tayong gawin. Wala lang, mag-aral lang tayo at maghanap ng trabaho pagka-graduate. Pero dahil pwedeng walang gawin, pwedeng may gawin din.”

“Pero,” sagot ni Tim, “habang tumatagal parang lalong lumalabo e. Kulang na yata ang aktibismo. Nang namatay ang Tito, parang wala lang. Siempre hustisya, demanda sa korte. Wala pa ring nangyayari. Parang tuloy lang ang buhay. Sabi nga ng mga kasamahan nya, nalampasan nya ang martial law, tapos kung kailan tapos na ang ikalawang EDSA, saka pa sya pinatay.”

Naisip ni Edmund na totoo ang sinasabi ni Tim, “Kaya nga minsan mas nagaganahan ako e. Pero ewan. Hipokrito ako kung sasabihin kong wala akong pagdududa sa ginagawa ko. One time, sa isang rally, napagmasdan ko ang mga tao. Lalo na ang mga nasa mga sasakayan. Yung isang lane ng kalye yung sa amin e. Sa mga binata ng mga jeep makikita mo yung mga nagsasalpukang kilay ng mga tao, mga estudyante man o empleyado. Wala na silang panahon para makinig sa mga pinagsisigaw namin o kung ano ang nakasulat sa mga placard namin. Sa tingin ko, naiinis sila kasi baka mahuli sila sa lakad nila o ano.”

“Alam ko yan,” sabi ni Tim, “high school pa lang ako noon. Umaga, papunta ako sa klase, tapos may rally sa harap ng capitol. Yung mga kasama ko karamihan mga estudyante din. Mga ilang minutong tumigil ang trapiko. Ang maririnig mo lang ang ingay ng mga sasakyan at ang mga sigaw. Biglang sinabi ng tsuper sa katabi nya sa frontseat, ‘Ang aga-aga nagbubulabog naman tong mga aktibista. Ang hirap na nga ng buhay e.’ Wala namang imik ang pasahero sa tabi nya. Nagkagulo talaga ang daloy ng trapiko nang umagang yon. Pero pagkatapos nun, wala din.”

“Gusto mo sila maging kritikal at vigilante pero parang lalo silang namamanhid. Yung sila mismo ang magtitipon-tipon kapag meron dapat pag-usapan. Yung susuportahan nila ang mga hakbang para protektahan ang mga manggagawa, mga estudyante. Pero kanya-kanyang trip nalang ngayon e.”

Tahimik lang si Tim. Tinignan ni Edmund ang kanyang relo: 9:40. May long exam pa sila ni Tim bukas sa Humanities: 8:30-10 ng umaga.

11:30 ang assembly time sa harap ng library. Alternative class. Excused sa klase basta’t mag paalam sa teacher na magra-rally sa syudad. Nakausaup na nila ang mga tsuper ng tatlong Miag-ao na jeep na magdadala sa kanila sa syudad. Lahat, kung pwede, naka itim na damit bukas para ikundena ang patuloy na pagkaltas sa budget ng mga state universities and colleges. Tumaas ang pondo para pangbayad utang at pambili ng mga bala at bomba ng military pero hindi ang pang edukasyon.

“Ed,” sabi ni Tim, “Ano sa tingin mo dapat kong gawin?”

“Ewan ko sayo,” sagot ni Edmund, “pwedeng wala, pwedeng meron.”

Sinubukan ni Edmund na gumawa ng imahe kung ano ngayon ang nangyayari sa isipan ni Tim. Ang mga Filipinong manggagawa na kakarampot ang sahod, ang mga magsasakang walang lupa, ang mga batang hindi makapag-aral. Ang iilang pamilya at banyaga na nakikinabang sa pinaghirapan ng anak-pawis. Ang mga dinudukot at pinapatay na mga kritiko ng estado. Malamang, isip ni Edmund, tinatanong ni Tim kung paano mababago ng mga rally ang lahat ng ito.

Humupa na ang ulan sa labas. Tapos na rin silang kumain. Pagtingin ni Edmund sa paligid nakita nyang static na lang ang palabas sa TV, wala na ring nanonood. Lumabas sila para bumalik sa dorm bago sila abutan ng curfew. Hindi pa rin tapos kumain ang lalaking pumasok kanina. Sya na lang ang natirang kostumer ng karinderya.

“So ano?” tanong ni Edmund, “Sama ka sa rally bukas?”

“Depende. Di ko alam.”

“Alam mo, ang mag-ingay ay likas sa tao. Binigyan sya ng kakayahang ito para, one way or the other, mapabuti ang kanyang kondisyon. Hanggat pwede, mag-ingay. Mawawala ang ating pagkatao kung wala nang gustong mag-ingay.” Ngumiti si Tim, nakatingin sa dinadaanan nya.

“Humanities a,” sabi ni Tim, nagpaalam sya at naglakad papunta sa dereksyon ng dorm nya.

Pagkalipas ng ilang segundo, “Ed!” tumalikod si Edmund, “Oo na! Sama ako bukas! First time.” Sigaw ni Tim. Tawanan.

-0-

Nakabukas pa naman ang mga street lights at merong mangilan-ilang tao pa sa labas. Habang naglalakad, napansin ni Edmund na halos wala syang naririnig. Walang tunog ang kanyang mga hakbang. Pagtingin nya sa mga puno, nakikita nya gumagalaw ang mga dahon dahil sa hangin pero wala ito kahit anong ingay. Wala na rin ang ingay ng mga palaka o kuliglig.

“Ed” sabi ng pamilyar na boses sa kanyang likod. Agad sya lumingod at nakita ang lalaki na naka sombrero at jacket, dala ang kanyang payong. “Nakalimutan mo.”

Kinuha nya ang payong at saka hinubad ng lalaki ang kanyang sombrero. Hindi nya kilala ang lalaki, pero nakaagaw ng pansin nya ang mga mata nito. Pamilyar ito ngunit di nya masabi kung kanino. Saka tinangal ng lalaki ang kanyang mukha na parang maskara. Nanigas ang katawan ni Edmund sa harap ng kanyang ama. “Mahusay ang payo mo sa kaibigan mo Ed. Pero sana wag mo na syang isama sa kalokohan mo.”

“Wala ka nang pakialam dun. Hindi na ako bata.”

“Sabi ko na nga ba na hindi mabuting desisyon ang dito ka mag-aral.” Naglakad ng mabilis si Edmund. Pagkalipas ng ilang segundo, lumingon sya, inaasahang sinusundan sya. Pero nakatayo lang ang Daddy nya, parang naghihintay kung kailan mapapagod ni Edmund.

Luminaw ang paligid dahil sa sunod-sunod na mga kidlat. Hinanda ni Edmund ang payong pero hindi nya ito mabuksan. Saka kumulog nang malakas. Hindi nya parin mabuksan ang payon. Tumingin sya sa langit at na nakita ang libo-libong patak ng ulan bago ito bumagsak sa kanya.

-0-

Hinahabol ni Edmund ang kanyang hininga habang nakatingin sa kisame ng kanyang kwarto sa dorm. Malakas ang ulan sa labas. Tulog pa ang dalawa nyang roommate habang nagbibihis ang isa.

“O? Ayos ka lang Ed?” tanong ni Vince habang tinatali ang sapatos. “Saka nga pala, bago ko makalimutan. Binalik na ni Tim ang libro sa Humanities na hiniram nya kagabi. Sorry daw kasi na tagalan. Tulog ka na nang inabot nya. Dyan pa sa bintana. Akala ko kung sino.”

Umupo si Edmund sa kama at hinanap ang cellphone para tignan ang oras. Madilim sa labas na parang madaling araw. Nakabukas pa ang text ng Daddy nya: Kakatangap ko lang ng grades mo nang first sem. Pupunta ako ng Miag-ao bukas para kausapin ang teachers mo at para tigilan na yang kalokohan mo.

Muntik na nyang makalimutan.

“Tuloy pa ba rally nyo mamya Ed? Ang sama ng panahon o.” sabi ni Vince.

“Vince,” sabi ni Ed, “hindi ka maniniwala sa ikukwento ko sayo.”

“Oo nga pala. Kanina nang tulog ka, may sinasabi ka. Hindi ko maintindihan pero parang yun din ang pinagsasabi mo last time. Parang, ‘hindi na ako bata, hindi na ako bata.’Ilang beses na actually nagkataong gising ako habang nasi-sleep talk ka.”

Ilang beses, isip ni Edmund. Magsisimula na sana syang mag kwento nang nahirapan syang magsimula at nang tumagal, maalala ang mga detalye. Ang sigurado lang ay nanaginip sya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s