Ang Salot ni Italo Calvino


Meron isang bansa kung saan lahat ng mga tao ay isang magnanakaw.

Ang bawat mamamayan ay lumalabas pagkagabi daladala ang kagamitan at lampara para pasukin ang tahanan ng isang kapitbahay. Pagkaumaga, babalik sila sa kanilang mga bahay, para lang malaman na ang kanilang mga kasangkapan ay ninakaw din.

Sa ganitong paraan, lahat sila ay nabuhay nang matiwasay at walang problema dahil ang isa ay nagnakaw sa isa, at ang isang ito ay nanakaw din sa isa pa, at patuloy ito hangang sa huling tao, at ang huling taong ito ay nanakaw naman sa una. Ang kalakal sa bansang ito ay puno ng pandaraya, sa parehong nagbebenta at bumibili. Ang pamahalaan ay isang sindikato na may layuin na pagsamantalahan ang taong bayan, pero ang taong bayan wala ding ginawa kundi dayain ang pamahalaan. Ang buhay ay payapa at walang mayaman o mahirap.

Isang araw ay may isang tapat na tao ay sumulpot sa bansa, at walang nakakaalam kung paano. Kung gabi, imbes na lumabas at magnakaw, nananatili sya sa kanyang bahay para magsigarilyo at magbasa ng mga nobela.

Kapag papalapit na ang mga magnanakaw sa bahay nya, makikitang bukas pa ang ilaw nya, at aalis.

Ganito ang nangyari sa mahabang panahon, hangang sa sinabihan sya na ang determinasyon nyang mabuhay na walang ginagawa ay hindi sapat na dahilan para mawalan ng trabaho ang iba. Bawat gabi na nanatili sya sa kanyang bahay, isang pamilya ang nagugutom kinabukasan.

Hindi kinontra ng tapat na tao ang mga dahilang ito; sinimulan din nyang lumabas kada gabi, pero hindi sya nagnanakaw. Sya ay tapat na tao, hindi nya ito magagawa. Maglalakad sya papunta sa tulay at pagmamasdan ang ilog. Tapos uuwi sya para malaman na pinasok na ang bahay nya.

Wala pa isang lingo, wala nang pera ang tapat na tao, wala na syang makain at wala na ring laman ang kanyang bahay. Wala namang problema dahil ginusto nya ito. Ang totoong problema ay nagkakagulo dahil sa kanyang ugali, hinahayaan nyang nakawan sya pero hindi sya nagnanakaw sa iba. Sa ganitong paraan, may isang tao na uuwi sa bahay nya at ang lahat ng gamit nya ay nandoon pa rin—iyon ang bahay na dapat pinasok ng tapat na tao. Sa madaling salita, pagkalipas ng panahon, ang mga taong hindi nya ninanakawan ay unti-unting yumayaman at nagpasyang may sapat na silang yaman at tinigil na ang pagnanakaw. Sa kabilang banda, ang mga taong magnanakaw sana sa tapat na tao ay aabutan ang kanyang bahay na wala ng laman, at unti-unti silang naghihirap.

Nang tumagal, ang mga taong yumaman ay lumabas tuwing gabi para pumunta sa tulay at pagmasdan ang ilog. Lumala ang kagulohan dahil dumami pa lalo ang mayayaman at dumami din ang mahihirap.

Ngayon, napuna ng mayayaman na kapag tinuloy nila ang pagpunta sa tulay kapag gabi ay unti-unti silang hihirap. Naiisip nila, “Pwede nating bayaran ang mahihirap para magnakaw para sa atin.” Hinanda ang mga kontrata, mga sweldo at ang sistema ng bayaran ay inayos. Magnanakaw pa rin naman silang lahat, at siempre, sinubukan pa rin nilang dayain ang isa’t isa. Pero ang nangyari, yumaman pa lalo ang mayayaman, at lalong humirap ang mahihirap.

Ang ilang mayayaman ay napakayaman na, hindi na nila kailangang magnakaw o magpanakaw sa ibang tao para manatiling mayaman. Pero kapag tumigil sila sa pagnanakaw, maghihirap sila dahil nanakawan sila ng mga mahihirap. Dahil dito sinimulan nilang bayaran ang mga pinakamahirap para protektahan ang kanilang mga ari-arian laban sa natitirang mahihirap, ito ang daan para naipatayo ang pulisya at mga kulungan.

Sa madaling salita, ilan taon pagkatapos unang magpakita ng tapat na tao, ang patakaran ay hindi na tungkol kung sino ang nagnanakaw at sino ang ninanakawan, kundi sino ang mayaman at sino ang mahirap. Gayunpaman, mga magnanakaw pa rin silang lahat.

Iisa lang ang taong iyon na naging matapat, at mabilis syang namatay sa gutom.

Advertisements

Maling Diskarte


Hindi nga ako nakapasok
sa mga panaginip mo,
kinulong mo naman
ako sa’yong kalawakan.

Ang karaniwang babae kapag
makakasalubong ang hinahangaang
binata ay nagpapaganda,
inaayos ang buhok, binabandera
ang ngiti sabay bati.
Ikaw, medyo baliktad, malayo pa
lang ako, napapatigil ka rin
naman, pero tsaka bumibilis ang
‘yong paglakad, kumikirot ang noo,
at nabubura ang ngiti.

Hindi nga ako nakapasok
sa puso mo
kinulong mo naman
ako sa’yong isipan.

Balang araw, baka magkausap
tayo, (sana hindi ka pa
rin kalmado)
ipaliliwanag ko sayo
na parang ganun
na rin ‘yon.

Ang Barker


Ang kanyang mga sigaw
ay nakikisabay sa mga
busina ng kalsado, nakakaakit,
parang musika,
sa ulan ng ingay ng syudad.

“Miss, may lugar pa sa kanan!
(hindi ka nga lang makakahinga!)”
“Kuya, sakay na! Aalis na to agad!
(pagkalipas ng sampung minuto!)”
“Opo, dadaan ito sa Robinsons!
(maglalakad ka nga lang ng isa pang kanto!)”

Barya ng tsuper ang bumubuhay
kay Manong Barker,
kapalit sa mga pasaherong
hindi na nagtataong.
Sa panahon ng agham at kalayaan
ang mga awit ni Manong Barker
ang patunay na ang mga byahe
sa syudad at sa bayan ay
nakasalalay sa tahol
ng mga aso.

Ang Pusa


Sunod-sunod ang klase ko kaya alas tres na ako ng hapon nakapagtangahalian. Halos walang tao sa karinderya at pagkatapos kong magbayad nanood ulit ng drama sa telebisyon ang bantay. Dahil na rin sa pagkabagot, nakinood na rin ako ng drama. Mag asawang ang nasa eksena, nag aaway dahil nalaman ng lalaki na may anak sa labas ang babae. Ang bata ay dalaga na at kerida pala ng lalaki. Medyo bago to ah, sabi ko sa sarili, pero hindi para sa mga taong kumakain ng tanghalian.

Natapos ang eksena na close up shot ng lalaki habang nanlulumo sa ginawa nya. Nagpatalastas ng napkin na kahit maghapong tumakbo ay kumportable pa rin ang gumagamit. Dahil sa tingin ko sira ulo lang ang tatakbo maghapon kapag nandyan ang dalaw nya, nagpatuloy akong kumain. Nagulat ako sa pusa na nakaupo sa mesa, tinitignan ako sa mata. Kulay kayumangi ito at may puti sa dulo ng buntot.

Sinubukan ko itong tabugin pero tinignan lang nito ang kamay ko. Naglakad ito at pumunta sa upuan kung saan nakalagay ang bag ko. Binuksan nya ito at kinuha ang isa sa mga notebook ko at ballpen. Binuksan nya ito sa malinis na pahina. Gamit ang kanyang mga paa sinulat nya ang mga salitang, “Tulungan mo ako, makinig ka sa akin.”

Tinignan nya ulit ako sa mata. “Nagsimula ang lahat kagabi,” sabi nya, boses babae, “matutulog na sana ako. Nakahiga na nga ako at patay na ang ilaw. Ipipikit ko na sana ang mga mata ko pero may pumasok sa kwarto ko. Isang lalaki. Isang kababata na matagal ko nang hindi nakita o nakausap.

“Lumabas kami ng bahay at sumakay sa dala nyang motor. Kumapit ako sa kanyang balikat habang nagmamaneho sya. Wala nang mga sasakyan sa kalye. Mabilis ang takbo namin. Hagang sa umabot kami sa isang burol kung saan lahat ay naka-motor. Pati ang kabaong ay nakaangkas sa single na motor. Kumakanta at nagdadasal ang lahat pero mas maingay ang makina ng mga motor.

“Tumigil ang burol sa isang beerhouse. Nagsipag-park ang mga nakikiramay at ipinasok ang kabaong sa gusali. Sa loob ay marami na ang nag iinuman habang nanonood sa babaeng sumasayaw ng malaswang sayaw. Wala nang damit pangtaas ang babae. Sa gitna ng kwarto ay may hukay. Dahan-dahan ibinaba ang kabaong habang dinadasalan ng pari.

“Ang malalapit na kamag-anak ay nagsitapon ng mga bote ng beer sa hukay tsaka nababasag sa kabaong. Niyaya ako ng kasama kong uminom. Sabi ko, ‘ayoko’. Umupo kami at nagsindi sya ng sigarilyo. Kulay asul ang usok na lumalabas. Binugahan nya ako. Nakatulog ako malamang kasi wala na akong maalala. Pagkagising ko, pusa na ako.”

Bumaba sya mula sa mesa at umupo sa isa sa mga hita ko. Tsaka sya tumalon sabay kagat sa kanang braso ko. Dalian ko syang tinapon palayo. Tinignan ko ang sugat. Maliit lang pero malalim. Nanmanhid ang buong braso ko. Lumalabas na rin ang ilang patak ng dugo.

Hinanap ko ang pusa pero isang dalagang nakahubad lang ang nakabulantang sa sahig ng karinderya. Tumayo ito at umupo sa harap ko. Mahaba ang kanyang buhok at makinis ang balat. “Salamat,” sabi nya, parehong boses.

Nawala ang hapdi sa sugat ko. Tapos na ang mga patalastas at nagpatuloy ang drama. Sa eksena, tumalon sa tulay ang anak sa labas-kerida dahil sa kahihiyan. Mukhang pamilyar ang artista. Hindi ko alam ang pangalan. Tinignan ko ang babae sa harap ko. Ngumiti ako. Tinapos ko ang tanghalian ko.

Ati


Gusto kong pumunta sa bundok
para maglakbay at mamuhay kasama
ang mga Ati; hindi sila marunong
sumulat o bumasa at magbilang ng pera.

Mas marami akong matatandaang
mga mukha at mga lugar
at kokonti ang makakalimutan kong
mga teorya at konsepto ng syudad.