Binyag


Tinaas ni Congressman ang kanyang baso,
“Isang toast para sa aking bagong inaanak!”

Ininom ng mga bisita ang kanilang champagne ,
Palakpakan, tuloy ang kwentuhan, inaantok na
ang bagong binyag.

“Naku, kumare,” sabi ng isang ninang, “Nabalitaan mo ba
Ang nangyari sa Compostela?”

“Dyosko, kumare!” buti ubos na ang kinakaing paella,
“Wag na nating pag-usapan yan!”

“Hindi lang ako mapakali, bakit pa kasi doon sila nakatira,
Bawal na nga sabi ng gobierno, ang titigas ng mga ulo.”

“Kinalbo na nga ang gubat, hinukay pa ang bundok,
Yan tuloy gumuho.”

“Ewan ko ba bakit may mga ganyang tao,
Kaya tayo nagkaka-global warming!”

“Hay, nakakapanlumo, nag-donate nga ako ng ilang libo.
Tsaka nga pala, orig ba yang kwintas mo? Ang ganda ng pagkaginto.”

“Ay, orig pa sa orig day, mas mahal pa siguro ito kesa sa buhay mo!”
Tawanan, tuloy ang kwentuhan, tulog na ang bagong binyag.

Thank you for calling…


Pauwi na ang karamihan
pero papunta pa lang
ako sa syudad para
simulan ang isa namang
araw ng trabaho sa gabi.

Kailangan kong makipagtulungan
sa mundong de kahon para
maipadala ng maayos ang
mga bulaklak ng aking kliyente
sa kanyang mahal sa buhay.

Doble-doble ang aking mga damit
para hindi ginawin, kahit nga boses
ko ay naka-business attire na rin,
sigarilyo ang pangtapat sa antok,
habang nagdya-jogging ang iba sa labas.

Bago ako tanggapin sa trabaho, binago
ko muna ang aking tono, pananalita.
Sunod ang oras ng aking pagkain hanggang
sa oras ng pagtulog, bawal rin aminin ako’y taga rito.
Mabuti na yung maging bagong tao kesa magutom.

Papunta na ang karamihan sa syudad pero pauwi
pa lang ako. Mag-isa sa jeep pabalik sa amin, sino
pa namang matino ang uuwian ang ganda ng araw.
ninakaw na yata ng puyat at gabi ang mga panaginip ko
bago ako napadpad sa hanapbuhay na ito.

Jebs


Ni-lock ni F ang pinto ng cubicle at umupo sa inidoro. Sa kanilang banyo sa dormitory merong tatlong cubicle at tatlong urinal. Ginamit nya ang nasa gitna. Bagong linis ang banyo. Nililinisan ang banyo at shower room kada dalawang araw. May pumasok sa cubicle sa kanan ni F. Maya-maya pa ay umabot na sa kanya ang usok ng sigarilyo galing dito.

May narinig si F na kwento na kaya maraming lalaki ang naninigarilyo habang nagjejebs ay dahil kinokontra ng usok ang amoy ng jebs. Wala daw itong basehan ayon kay Roland, kaibigan ni F na Chemistry major. Ang (masamang) hangin na galing sa jebs o sa utot ay carbon dioxide habang ang kinokunsumo ng sigarilyo o ng apoy ay oxygen. Madalas nangingibabaw lang ang amoy ng sigarilyo kesa sa jebs pero hindi kinakain ng isa ang isa. May narinig din si F na kwento na kaya maraming lalaki ang naninigarilyo ay dahil lalaki sila.

Pinagmasdan ni F ang mga pader ng cubicle, umaasang makakita ng vandal. Kulay peach ang mga tiles kaya hindi madumihin at magaan sa mata. Walang mga vandal. Sino ba naman ang magdadala ng ball pen o marker habang nagjejebs. Sabi nila mas marami daw ang mga vandal sa banyo ng mga babae. Nagsisiraan pa daw. Ang mga vandal daw ay mga testimento ng mga hinaing ng mga tao. Mga bagay na hindi nila madalas masabi. Kaya karaniwang kabataan ang mahilig mag-vandal, natutunan na ng mga matatanda na ilibing ang kanilang mga hinaing. Depende din sa lugar; sa banyo, sa library, sa pader, sa classroom. Depende din sa medium; ball pen, marker, spray paint. Mas malaki, mas marami ang nakakabasa, mas matapang, mas malalim ang hinaing. Minsan may nabasa ni F na vandal sa arm chair nya sa klase. “Sex tayo!” ang nakasulat. May sumagot, iba ang kulay ng tinta, iba ang sulat kamay, “Kailan ba pwede?” May dumugtong pa, ibang sulat kamay naman, “Gusto mo ba akong tikman?” Malamang puro mga lalaki to, kung alam lang nila.

Nag-ring ang cell phone ng nasa kabilang cubicle. Umalingawngaw ang ring tone na “Don’t Stay” na kanta ng Linkin Park. Sinagot ito. “Hello?…Hello Ma?…Opo, kakatapos ko lang maghapunan…Bukas may exam ako sa bio at report sa history…Susubukan ko pong matulog nang maaga…Payat naman po ako talaga, noon pa…Kumakain po ako ng mga gulay…Opo…Sige po…I love you too Ma…”

Hindi kilala ni F ang boses. Upperclass malamang. Sa ngayon puro mga second year lang mga kaibigan nya sa dorm. Mga nakasama din nya sa freshmen hall. Flinush ang inidoro sa kabilang cubicle. Lumabas ang gumamit. Amoy sigarilyo pa rin ang banyo.

May pumasok ulit na tao. Ginamit ang cubicle sa kaliwa ni F.

“Teka, F, ikaw bay an?” Si Rick, roommate ni F.

“O, ano kailangan mo?” sagot ni F.

“Wala naman, putik dito ka pa rin? Kanina ka pa lumabas ah.”

“Ewan.”

“Tsaka nga pala. May photocopy ka bas a readings natin tungkol sa Filipino-American War para bukas?”

“Oo naman.”

“Pahiram mamya ha.”

“Okay.”

Tumahimik sandal, tsaka nagpatuloy si Rick, “ Ang weird F no? Nag-uusap tayo tungkol sa history habang sabay nagjejebs.” Tumawa si Rick.

Nairita na si F. Tumayo sya at lumabas sa cubicle. “Ayos lang. Hindi naman ako tumae.” Lumabas sya sa banyo. Unti-unti nang nawawala ang amoy ng sigarilyo.