Ang Talumpati ng Speaker na Binawian ng Inbitasyon


>lalapit ang lalaking naka-barong sa podium<
Alam nyo, bata pa lang ako, pinakaayaw
ko nang parte ng isang talumpati ay yung
binabati mo yung mga importanteng tao;
yung principal, mayor, dean,
district supervisor,ewan.
Pinaupo mo na nga sila
sa harap ng lahat, babatiin mo pa, para
mong kinaka-uusap ang mga santo
na nakadilat pero gawa sa bato
o kahoy.

>tumawa ang ilang estudyante<
Dapat ‘good morning’ o ‘good afternoon’
lang, tira na agad. Nagugutom na kaya
ang mga graduates, ilang taon ka ba namang
mag-aaral. Nag-gel pa ang mga lalaki, may make-up
ang mga babae. Naka-heels at bestida ang mga nanay
habang naka-tuck in ang polo ng mga tatay.
Lahat ay nagpakahirap para sa okasyong ito,
dapat mabilisan na ang programa, naghihintay
na ang lechon manok sa bahay!

>tumawa ang ilang magulang<
Inaasahan ng lahat na magbabahagi ako
ng mga aral at pagmunimuni sa karanasan
sa loob ng hayskul, nagbalik tanaw ako
at nangibabaw agad sa akin ang unang
beses akong umiyak dahil sa pag-ibig.

>awwww sabi ng mga estudyante<
Pero hindi yun sweet o romantic, pinapakita
lang nito kung gaano tayo tinuruan
ng hayskul na mangarap para sa sarili.

>tahimik<
Paano na yung nagtahi ng inyong uniporme
o yung tagakarga ng mga librong ginamit nyo?
Yung mga nagsiayos
ng mga upuan nyo ngayon, na malamang
yung magliligpit din mamaya? O yung
maghuhugas ng pingan na pinagkainan
nyo sa restaurant?

>tahimik kinuha ang mikropono at bumaba
mula sa entablado<

Paglabas nyo dito, lahat kayo ay mag-uunahan
para maging karapatdapat na maging guest speaker,
ewan ko nga paano ako nakaabot dito.

>tawanan<
Walang gusto dito sa ilalim; maiinit,
masikip, magulo, pero
nakikita mo nang malapitan ang mga bagay.
Mula dito ang tunay na paaralan,
dito ka mangangarap para sa hindi marunong,
walang panahon at walang lakas.
Dito mo natutunang
makipagtulungan
para patagin ang entablado!

>hiyawan at nagpasamat sa lahat ang naka-barong
na parang rockstar<

. . .


Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Hindi ako pwedeng umalis kung umaga kasi
tumutulong pa ako sa bukid.
Kung pagkatapos naman ng tanghalian ako aalis,
masyado nang mainit at maalikabok,
tumanda lang ang Lolo ko hindi pa sya
nakakita ng kalsadang de semento sa amin.
Wala na sa usapan kung hapon kasi alas kwatro
umaalis ang huling traysikel papuntang bayan,
maliban na lang kung okuparin mo, na hindi ko rin kaya.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Pwede sa plaza na lang tayo mag-ikot
pagkatapos mag-simba?
Walang aircon tulad sa mall pero presko
ang hangin, yung nga lang
hindi ka makakapag-libot kung umuulan.
Wala ring Jolibee o Mcdo pero masarap ang
siopao nina Mang Arturo o ang fishbol ng
kaibigan kong si Jojo.
Kung gusto mong manood ng sine
merong mga murang DVD sa palengke,
pwede akong magpaalam sa Tiyo Rolando ko
na hihiramin ang kanyan TV,
hindi madilim o kasing komportable ang sala nya,
pero pelikula pa rin yon, matatapos nga
lang agad ang palabas
kung biglang mawala ang kuryente.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Gusto ko sana mag-propose sayo sa isang
hotel o restaurant , candle light dinner, may dala
akong bulaklak at may tumutugtog ng violin
pero hindi ako pwedeng gabihin di ba?
Kung magkapera ako ng ganun kalaki,
ibibili ko na lang na kalabaw
para makatulong sa pag-araro ng lupa na
inuupahan namin.
Mahal, patawad pero
hindi kita mabibigyan ng singsing na pinamana
sa akin ng aking Lola at Nanay para sa babaeng
papakasalan ko.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Wala talaga akong maiialay sayo, di tulad
nina John Lloyd o Dingdong.
Kung makapanood ako ng mga kwento
nila, tila ba sa syudad lang pwede mabuo
ang isang pagmamahalan.
Pero kung swertihin, may eksena na may
nangyayari sa mga tulad mo at sa mga tulad ko,
nagkaka-usap higit pa sa kamustahan.

Mahal kita pero hindi kita
mapapasyal sa syudad.

Mahal, marami na ang nangyayari sa bayan natin
niyaya na nga akong mamundok at magprotesta
Maraming isyu pero konti lang
ang naiintindihan ko, tulad kung kailan dapat
mag-ani, mag tanim, at magtiis.
Kaya laking pasalamat
ko nang ang syudad na mismo ang
lumapit sa amin,
pagkatapos mapatayo
ang subdivision nyo katabi ng barrio namin
nabuhayan ako ng loob.

Mahal kita pero hindi kita
mapapasyal sa syudad,
pero bigyan mo lang ako
ng pagkakataon at bubuo tayo
ng sarili nating mundo
tulad ng sa pelikula.

Deodorant


Maraming tao ang papasok sa kristal na pinto ng mall. Tigdadalawa lang ang makakapasok dahil sa mga pag-inspeksyon ng mga guardya, isang babae, isang lalaki. Kasama ni Alice ang kaklase nyang si Alfred. Magkakabitbahay sila at magkasamang nag-aaral sa isang unibersidad sa Miag-ao. Araw-araw umuuwi si Alfred sa bahay nila sa syudad habang nagdo-dorm naman si Alice. Biernes, nagkasabay sila sa jeepney pauwi at nagkataong pareho silang may kailangan daanan sa mall.

Nakapasok na si Alfred. Malamig at maliwanag sa mall, maraming taong namamasyal, ang ilan naka-uniporme pa sa skwela. Binuksan ni Alice ang bag nya para tignan ng isa sa mga guardya. Walang emosyon sa mga mukha ng mga guardya. Bukas ng bag, kapkap sa baywang, sunod na tao. Buong araw ganito, mekanikal. Patapos na sana ang pagtingin sa bag ni Alice nang napatigil ang guardya at may kinuha sa bag. Isang deodorant.

Lumapit na si Alfred. Tumabi sila para makapagpatuloy pa rin ang pag-inspeksyon ng ibang guardya at pagpasok ng mga tao. “Miss, bakit ka may ganito?”

Hindi mapinta ang mukha ni Alice, “Kasi kailangan ko?” tumingin kay Alfred, nalilito, “Para hindi ako mambaho?” ngumiti si Alice, pero seryoso ang guardya.

“Oo, gumagamit din ako. Pero bakit dala mo to sa mall?”

Si Alfred na ang sumagot, “Manong, galing po kasi kami sa dorm. E may mga personal pong gamit. May mga maruming damit pa nga po sa bag nya e.” Hindi kumbinsido ang guardya.

“Ganun ba? Hindi nyo ba alam ang nangyari dito nakaraang buwan?”

Wala silang maisip.

“Kamuntik nang malugi ang mall dahil sa isang deodorant.”

Lalong nalito sina Alice at Alfred.

“Nagsimula ang lahat sa isang batang gustong kumain sa Jolibee. Nakaupo sila ng nanay nya sa mga upoan para sa mga matatanda. Buong maghapon silang nagpaikot-ikot sa at nagpalamig sa mall. Gusto ng bata na magmerienda ng nakita ang matitingkal na kulay ng Jolibee. Wala daw silang pera at uuwi naman sila para maghapunan. Nagtampo ang bata. Pagkatapos magsisigaw sandal ay tumahimik na rin ito. Tsaka nya pinagdiskitahan ang hand bag ng nanay nya. Pinabayaan lang ng nanay, madalas naman daw kasi itong gawin ng bata. Kinuha ng bata ang deodorant na nagkataong na nasa bag ng nanay. Tinapon ng bata ang deodorant at natamaan ang isang babae.”

“Bawal magdala ng deodorant dahil lang sa ginawa ng bata na yon?”

“Umpisa lang yun,” patuloy ng guardya, “hindi naman nasaktan ang babae. Pinulot pa nga nya ang deodorant. Pero habang nakayuko sya, hindi sya nakita at nabangaan sya ng isang estudyante. Wala sa sarili ang binata, tulala, malalim ang iniisip. Nalaman namin na isang nursing student ang lalaki at nagpa-part time sa call center para makapag-aral. Ang problema nya ay bumabagsak na sya sa klase. Isa pa, hindi nya talaga gustong mag nurse. Hindi nya masabi sa pamilya nya, na nalubog na sa utang para mapaaral sya, na sa call center nalang nakasalalay ang kinabukasan nya. Hindi rin nya gusto ang ideyang ito. Kaya sa araw na yon, kinuha nya ng walang paalam ang baril ng ka-boarding house nya, dinala at magpapakamatay sana. Pinag-isipan nyang mabuti ang binabalak nya. Nang tumagal, nagbago din ang isip nya. Pumunta sya sa mall para magpalamig.”

“E ano ngayon?” naiirita na si Alice.

“Nabangaan nya ang babaeng pinupulot ang deodorant at natumba sya. Unang bumagsak ang sling bag nya ang nauna at pumutok ang baril. Wala namang nasaktan. Sa sahig tumama ang bala. Nasira lang ang tiles. “

“Alice,” sabi ni Alfred na naiirita na rin, “Magbabayad nalang siguro muna ako.” Walang nagawa si Alice kundi pumayag. Pumunta sila sa mall kasi magbabayad si Alfred ng bill sa kuryente at tubig. Titingin lang sana si Alice ng mga second hand na mga libro.

“Teka lang ha,” sabi ni Alice, “So may nakalusot na baril sa inyo. Pumutok pero walang may nasaktan. Dahil lang dun, bawal nang magdala ng deodorant? Kalokohan.”

“Hindi lang yun ang nangyari,” sabi ng guardya, kalmado at walang pakialam sa perwisyo nya kay Alice, “Malakas ang putok ng baril. Nangyari ang lahat ng ito malapit sa isang kapihan. Sa hapong iyon, may isang grupo ng mga matatandang nagkakape at nagtatalo. Tungkol sa negosyo at pulitika. Mainit ang debate, kumukulo na ang dugo ng mga matatanda nang biglang pumutok ang baril. Ang isa sa kanila ay may sakit pala sa puso, inatake.”

Hindi na nakikinig si Alice.

“Namatay ang matanda. Nagsampa ng kaso ang pamilya dahil sa kakulangan ng seguridad sa mall. Magastos ang kaso, nagkaayosan na lang. Nagpa-media blackout din ang mall para protektahan ang reputasyon ng mall, hindi lang dito kundi sa buong Pilipinas, sa buong mundo.”

Kahit anong sikap ni Alice, wala sya makitang lohika sa pagbawal ng deodorant sa loob ng mall. “Hindi kasalanan ng deodorant,” sabi nya, “Bakit hindi nyo pagbawalan ang mga matatandang nagdedebate sa kapihan?”

Tumawa lang ang guardya, “Iha, hindi naming pwedeng gawin yan…”