Deodorant


Maraming tao ang papasok sa kristal na pinto ng mall. Tigdadalawa lang ang makakapasok dahil sa mga pag-inspeksyon ng mga guardya, isang babae, isang lalaki. Kasama ni Alice ang kaklase nyang si Alfred. Magkakabitbahay sila at magkasamang nag-aaral sa isang unibersidad sa Miag-ao. Araw-araw umuuwi si Alfred sa bahay nila sa syudad habang nagdo-dorm naman si Alice. Biernes, nagkasabay sila sa jeepney pauwi at nagkataong pareho silang may kailangan daanan sa mall.

Nakapasok na si Alfred. Malamig at maliwanag sa mall, maraming taong namamasyal, ang ilan naka-uniporme pa sa skwela. Binuksan ni Alice ang bag nya para tignan ng isa sa mga guardya. Walang emosyon sa mga mukha ng mga guardya. Bukas ng bag, kapkap sa baywang, sunod na tao. Buong araw ganito, mekanikal. Patapos na sana ang pagtingin sa bag ni Alice nang napatigil ang guardya at may kinuha sa bag. Isang deodorant.

Lumapit na si Alfred. Tumabi sila para makapagpatuloy pa rin ang pag-inspeksyon ng ibang guardya at pagpasok ng mga tao. “Miss, bakit ka may ganito?”

Hindi mapinta ang mukha ni Alice, “Kasi kailangan ko?” tumingin kay Alfred, nalilito, “Para hindi ako mambaho?” ngumiti si Alice, pero seryoso ang guardya.

“Oo, gumagamit din ako. Pero bakit dala mo to sa mall?”

Si Alfred na ang sumagot, “Manong, galing po kasi kami sa dorm. E may mga personal pong gamit. May mga maruming damit pa nga po sa bag nya e.” Hindi kumbinsido ang guardya.

“Ganun ba? Hindi nyo ba alam ang nangyari dito nakaraang buwan?”

Wala silang maisip.

“Kamuntik nang malugi ang mall dahil sa isang deodorant.”

Lalong nalito sina Alice at Alfred.

“Nagsimula ang lahat sa isang batang gustong kumain sa Jolibee. Nakaupo sila ng nanay nya sa mga upoan para sa mga matatanda. Buong maghapon silang nagpaikot-ikot sa at nagpalamig sa mall. Gusto ng bata na magmerienda ng nakita ang matitingkal na kulay ng Jolibee. Wala daw silang pera at uuwi naman sila para maghapunan. Nagtampo ang bata. Pagkatapos magsisigaw sandal ay tumahimik na rin ito. Tsaka nya pinagdiskitahan ang hand bag ng nanay nya. Pinabayaan lang ng nanay, madalas naman daw kasi itong gawin ng bata. Kinuha ng bata ang deodorant na nagkataong na nasa bag ng nanay. Tinapon ng bata ang deodorant at natamaan ang isang babae.”

“Bawal magdala ng deodorant dahil lang sa ginawa ng bata na yon?”

“Umpisa lang yun,” patuloy ng guardya, “hindi naman nasaktan ang babae. Pinulot pa nga nya ang deodorant. Pero habang nakayuko sya, hindi sya nakita at nabangaan sya ng isang estudyante. Wala sa sarili ang binata, tulala, malalim ang iniisip. Nalaman namin na isang nursing student ang lalaki at nagpa-part time sa call center para makapag-aral. Ang problema nya ay bumabagsak na sya sa klase. Isa pa, hindi nya talaga gustong mag nurse. Hindi nya masabi sa pamilya nya, na nalubog na sa utang para mapaaral sya, na sa call center nalang nakasalalay ang kinabukasan nya. Hindi rin nya gusto ang ideyang ito. Kaya sa araw na yon, kinuha nya ng walang paalam ang baril ng ka-boarding house nya, dinala at magpapakamatay sana. Pinag-isipan nyang mabuti ang binabalak nya. Nang tumagal, nagbago din ang isip nya. Pumunta sya sa mall para magpalamig.”

“E ano ngayon?” naiirita na si Alice.

“Nabangaan nya ang babaeng pinupulot ang deodorant at natumba sya. Unang bumagsak ang sling bag nya ang nauna at pumutok ang baril. Wala namang nasaktan. Sa sahig tumama ang bala. Nasira lang ang tiles. “

“Alice,” sabi ni Alfred na naiirita na rin, “Magbabayad nalang siguro muna ako.” Walang nagawa si Alice kundi pumayag. Pumunta sila sa mall kasi magbabayad si Alfred ng bill sa kuryente at tubig. Titingin lang sana si Alice ng mga second hand na mga libro.

“Teka lang ha,” sabi ni Alice, “So may nakalusot na baril sa inyo. Pumutok pero walang may nasaktan. Dahil lang dun, bawal nang magdala ng deodorant? Kalokohan.”

“Hindi lang yun ang nangyari,” sabi ng guardya, kalmado at walang pakialam sa perwisyo nya kay Alice, “Malakas ang putok ng baril. Nangyari ang lahat ng ito malapit sa isang kapihan. Sa hapong iyon, may isang grupo ng mga matatandang nagkakape at nagtatalo. Tungkol sa negosyo at pulitika. Mainit ang debate, kumukulo na ang dugo ng mga matatanda nang biglang pumutok ang baril. Ang isa sa kanila ay may sakit pala sa puso, inatake.”

Hindi na nakikinig si Alice.

“Namatay ang matanda. Nagsampa ng kaso ang pamilya dahil sa kakulangan ng seguridad sa mall. Magastos ang kaso, nagkaayosan na lang. Nagpa-media blackout din ang mall para protektahan ang reputasyon ng mall, hindi lang dito kundi sa buong Pilipinas, sa buong mundo.”

Kahit anong sikap ni Alice, wala sya makitang lohika sa pagbawal ng deodorant sa loob ng mall. “Hindi kasalanan ng deodorant,” sabi nya, “Bakit hindi nyo pagbawalan ang mga matatandang nagdedebate sa kapihan?”

Tumawa lang ang guardya, “Iha, hindi naming pwedeng gawin yan…”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s