. . .


Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Hindi ako pwedeng umalis kung umaga kasi
tumutulong pa ako sa bukid.
Kung pagkatapos naman ng tanghalian ako aalis,
masyado nang mainit at maalikabok,
tumanda lang ang Lolo ko hindi pa sya
nakakita ng kalsadang de semento sa amin.
Wala na sa usapan kung hapon kasi alas kwatro
umaalis ang huling traysikel papuntang bayan,
maliban na lang kung okuparin mo, na hindi ko rin kaya.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Pwede sa plaza na lang tayo mag-ikot
pagkatapos mag-simba?
Walang aircon tulad sa mall pero presko
ang hangin, yung nga lang
hindi ka makakapag-libot kung umuulan.
Wala ring Jolibee o Mcdo pero masarap ang
siopao nina Mang Arturo o ang fishbol ng
kaibigan kong si Jojo.
Kung gusto mong manood ng sine
merong mga murang DVD sa palengke,
pwede akong magpaalam sa Tiyo Rolando ko
na hihiramin ang kanyan TV,
hindi madilim o kasing komportable ang sala nya,
pero pelikula pa rin yon, matatapos nga
lang agad ang palabas
kung biglang mawala ang kuryente.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Gusto ko sana mag-propose sayo sa isang
hotel o restaurant , candle light dinner, may dala
akong bulaklak at may tumutugtog ng violin
pero hindi ako pwedeng gabihin di ba?
Kung magkapera ako ng ganun kalaki,
ibibili ko na lang na kalabaw
para makatulong sa pag-araro ng lupa na
inuupahan namin.
Mahal, patawad pero
hindi kita mabibigyan ng singsing na pinamana
sa akin ng aking Lola at Nanay para sa babaeng
papakasalan ko.

Mahal kita pero hindi
kita mapapasyal sa syudad.

Wala talaga akong maiialay sayo, di tulad
nina John Lloyd o Dingdong.
Kung makapanood ako ng mga kwento
nila, tila ba sa syudad lang pwede mabuo
ang isang pagmamahalan.
Pero kung swertihin, may eksena na may
nangyayari sa mga tulad mo at sa mga tulad ko,
nagkaka-usap higit pa sa kamustahan.

Mahal kita pero hindi kita
mapapasyal sa syudad.

Mahal, marami na ang nangyayari sa bayan natin
niyaya na nga akong mamundok at magprotesta
Maraming isyu pero konti lang
ang naiintindihan ko, tulad kung kailan dapat
mag-ani, mag tanim, at magtiis.
Kaya laking pasalamat
ko nang ang syudad na mismo ang
lumapit sa amin,
pagkatapos mapatayo
ang subdivision nyo katabi ng barrio namin
nabuhayan ako ng loob.

Mahal kita pero hindi kita
mapapasyal sa syudad,
pero bigyan mo lang ako
ng pagkakataon at bubuo tayo
ng sarili nating mundo
tulad ng sa pelikula.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s