Ang Rebolusyon sa Pransiya


Sabi ng mga libro, ang rebolusyon sa
Pransiya ay ipinanganak sa inuman.
Sa pag-agos ng serbesa, nakikisabay
ang mga pananaw ng mga intelektwal.
Nakikipagdebate sa magsasaka,
karpentero, at ibang tao.
Nagsusulat sila ng mga babasahin na
pwedeng pag-aralan ng kahit sino.

Pagkatapos ng ilang daang taon,
lahat ng bagay ay nagbago.
Wala ng gustong mag simula ng
diskusiyon sa bahay-inuman,
nagpunta ka nga doon para
magpahinga hindi para mamoblema.
Ang mga libro ay mas mahaba na,
at iilan lang ang nakakaunawa.

Ang kasalukuyang katumbas ng pagmamalabis
noon sa Pransiya ay mas laganap at
mas mahirap mapukna. Ang mga opiniyon
ng tao ay iisang makina lang ang nagdidikta.
Kung gusto mo maging intelektwal, kailangan
mong sumulat at magbasa, madalas wala
ka ng panahon para sa bahay ay lumabas pa.

Ang Pagromansa sa Romansa at Ligo Na U, Lapit Na Me (2011)


Matagal ko nang alam ang libro ni Eros S. Atalia na Ligo Na U, Lapit Na Me. Nabasa ko ang sinopsis, pero hindi ko pa nabasa. Pagkatapos ko mapanood yung interpretasyon ni Erick Salud, maghahanap na ako ng paraan para mabasa ang lahat ng libro ni Atalia.

Ang kwento ng Ligo Na U ay umiikot sa relasyon ni Intoy (Edgar Allan Guzman); isang karaniwang binata, estudyante sa kolehiyo, galing sa conservative na pamilya, at si Jen (Mercedes Cabral) ; kaklase niya, anak mayaman, at isang dalaga na mahilig sa adventure lalo na yung ginagawa ng walang saplot. Isang araw, nagulat nalang si Intoy na nakipagkaibigan sa kanya si Jen na pinagpapansiyahan ng mga lalaking klase. Nagkamabutihan sila, swabe lang ang pagdala ni Intoy, hanggang isang araw, nangyaya si Jen ng sex, on the spot. Dito na nagsimula ang pagiging ‘friends with benefits’ nila. Sex lang, walang drama.

Si Intoy, masiyadong reflective. Sa takbo ng pagsasama nila, maraming taong tungkol sa pagkatao ni Jen at sa pinaggagawa nila. Minsan okay sila, minsan hindi. At nang patapos na ang kolehiyo, nasigurado na ni Intoy na may nararamdaman siya para kay Jen. Pero dahil sa isang pangyayari, mauudlot ang kwentong romansa sa isip ni Intoy.

Ang Ligo Na U ang tipo ng kwentong pag-ibig na babasag sa lahat ng kwentong pag-ibig na alam mo na. Naalala ko si Tom (Joseph Gordon-Levitt) mula sa (500) Days of Summer kay Intoy at si Jamie (Mila Kunis) sa Friends With Benefits kay Jen. Pero hindi tulad ng dalawang nabangit na pelikula, walang malinaw na resolusyon sa pagitan ng mga tauhan nina Intoy at Jen—tulad ng pag-ibig na nararanasan ng karamihan. Sa isang eksena nga, binatikos si Intoy bakit ginawa pa ang salitang ‘closure’.

Maganda ang takbo ng kwento dahil maraming pagkakataon na hinihila ng realidad ang namumuong pag-ibig ni Intoy. Nangunguna na dito ang mga babae niyang prof, sa Ethics (isang die hard religious), sa Literature (isang Feminist Lit Critic), at sa Physics (wala lang, no nonsense na prof). Sa tingin ko ang tatlong ito ang representasyon ng pag-unawa natin sa pag-ibig at mga relasyon. Kung ano dapat (ethics),kung ano gusto natin (literature), at kung ano talaga (physics).

Merong pa ngang pagkakataon na ginasta ni Intoy ang graduation gift ng mga magulang niya sa puta at beerhouse para makalimutan si Jen. Ang bagay na akala niyang may espisyal na kahulugan ay hanapbuhay ng ibang tao. Pagka-umaga, naghanap na ng trabaho si Intoy. Ang pagka-graduate ni Intoy ay pagkamulat sa pag-ibig at ibang realidad.

Lumaki tayo na pinapaniwala sa mga konsepto ng ‘happily ever after’, ‘destiny’, o ‘true love’. Pinakita ng Ligo Na U, Lapit Na Me na ang pag-ibig ay malabo, nakakairita, at boring pa nga minsan. Ang pag-ibig ay hindi mo alam kung kailan dadating at kailan aalis. Sa panahon ng postmodernismo, pinakamabuting gawin ay huwag mo nang romansahin pa ang romansa.


photo credits:http://aliwanavenue.wordpress.com/2011/06/09/cinemalaya-2011-shouldnt-miss-erick-saluds-ligo-na-u-lapit-na-me/

Tag-ulan


Pagpatak ng alas dose nagbago ang mga pangalan ng may mga kaarawan sa kanang bahagi ng screen. Ang laptop na lang ni Tony ang nagbibigay ilaw sa kwarto nya. Nagfe-Facebook siya bago matulog.

Isa lang ang may kaarawan. Si Beth. Pumunta siya sa profile ni Beth at nag post sa wall nito, “Uy, happy bday, baka sundin mo ang sinabi ni nick joaquin na magdala ng kandila sa harap ng salamin ha…hehehe”

Lumitaw bigla ang chatbox ni Efren, kabarkada niya. “Tony, gising ka pa ba?”

“natural, online pa ako dba? bakit?”

“labas tayo bukas, wala akong trabaho sa OJT, makapag celebrate din tayo.”

“sa wakas, malilibre mo na rin ako sa inuman.”

“gago bukas lang ako libre, dinner lang tayo.di ako pwedeng maglakwatsa.”

Tatlong araw na ang nakaraan nang nag-birthday si Efren. “cge2, kita lang tayo bukas, o mamya, ewan.” Nag off-line na si Efren.

Pinatay na ni Tony ang laptop at natulog. Pagkalipas ng isang minuto pagkataps nyang ipikit ang mga mata, nag-vibrate ang cell phone niya. Nagtext si Greg, “Tony, sama ka bukas? Rali tayo, alas dies.’

Nag-isip muna si Tony. Nag reply, “cenxa tol, may lakad ako eh.”

Malalim na ang gabi pero mainit pa rin.

-0-

Hindi sanay kumain sa restaurant ang barkada nina Tony. Nagkita sila sa bahay ni Cris sa gitna ng syudad. Malapit lang ito sa mall at sa sakayan. High school pa lang sila, dito na sila nagtatambay. Nagkahiwahiwalay lang nang iba-iba ang pinasukan na mga kolehiyo pero nagkikita pa rin sila tuwing may okasyon at pagkakataon.

Si Cris ang magaling magluto. Siya na ang nangyaya na sa bahay nila kumain kesa sa labas para matikman nila ang bagong dessert na natutunan niyang gawin. Tinutulungan din siya ng Nanay niya. Si Tony at Efren and nag-grocery para sa hapunan.

“Kamusta bakasyon mo tol?” tanong ni Efren.

“Ewan,” sagot ni Tony habang kinakapkapan ng guardia ng mall, “Pelikula at internet. Paulit-ulit lang. Hindi naman ako nababagot pero parang ang routine na ng bakasyon ko. Siguradong masisiraan ako ng bait kung masira laptop ko.” Tawanan.

“Ako, boring din. Tambay lang sa opisina. Konting utos-utos, yun na. Dinadala ko nga ang laptop ko para maglaro. Ang dami kong libreng oras.”

Habang pababa sa ground floor ng mall may ilang tao ang nakaupo sa hagdan at may sinusulatan na parang form. Ang daming tao. Sa activity area ng mall may isang job fair. Merong hilehilera ng mga mesa at mga aplikante na ini-interview. Naka-office attire ang karamihan. Ang babata pa, mga freshgrad malamang. Maraming kompanya ng call center ang naghahanap ng bago empliyado. Meron ding mga trabaho sa labas ng bansa.

-0-

Kumuha sila ng isang kilo baboy, apat na pack ng pancit canton, dalawang pack ng ice tea. Si Cris na ang bahala sa dessert. Parang cheesecake daw. Si Efren ang nagbayad. Tinanong sila ng kahera, “May 25 cents lang kayo sir?”

“Wala po eh.” sagot ni Efren.

Tatanungin sana ni Tony kung bakit sila may trabaho tuwing Labor Day. Kaso nagmamadali sila, magluluto pa sila. Umalis sila agad, isa pa, isip ni Tony, kung tinanong ko naman, malamang sasagutin nun,

“Wala po eh”

-0-

Naglalakad silang dalawa sa overpass nang bumuhos ulit ang malakas na ulan. Kaninang hapon pa umuulan. Hindi naman ganong trapik kasi konti lang ang mga sasakyan.

“Lagot,” sabi ni Tony, “Saan tayo magsusugba ngayon?”

“Relax ka lang. Si Tita na bahala doon.”

Pagdating sa bahay, kakatapos lang magsaing ni Cris. Nagpainit ng tubig si Efren para sa pancit canton. Tumulong si Tony sa pagmarinate ng baboy bago isugba. Sadaling lumabas ang Nanay ni Cris para ihanda ang sugbahan. “Ako na bahala dito Tony,” sabi nito, “Mag simula ka na ng baga.”

Nakaupo si Tony sa pintuan, ipinuwesto ang sugbahan sa harap mismo ng pinto para hindi mapatay ng ulan. Dinala ng Nanay ni Cris ang baboy. Paglagay ng baboy sa grill ay nag labas ito ng usok na mabango at mahapdi sa mata. Tuloy ang ulan at pinapaypayan ni Tony para hindi pumasok sa bahay ang usok.

Halos isang oras bago natapos lahat at nakapaghapunan sila.

-0-

“Ang tatanda niyo na ah, parang kailan lang.” sabi ng Nanay ni Cris.

Nanonood sila ng telebisyon habang kumakain. Nasa channel na nagpapalabas ng mga pelikulang Filipino. Sister Stella L. ang palabas. Kwentuhan tungkol sa bakasyon, skwelahan, mga plano. Planong mag abogado ni Efren. Si Tony, pupunta sa Cebu para maghanap ng trabaho. Si Cris, gustong mag pari.

“O, timing pala eh, makinig ka sa sinasabi ni Ate V.” sabi ni Tony. Tawanan. Tapos na silang kumain at buong atensyon sa pelikula. Ang huling eksena si Ate V na mismo ang kumakausap sa kamera.

“Walang pinagbago,” sabi ni Cris, “Ang ipinaglalaban nila noon hanggang ngayon.”

“Eh paanong hindi magbabago,” dagdag ni Efren, “Kung hindi magle-Labor Day, hindi ipalalabas ang ganitong klaseng pelikula.”

Pagkatapos magligpit, nagsiuwian na rin sila.

-0-

Alas dies ng gabi at wala ng tao sa kalye. Ang mga jeepney ay nakapila sa labas ng mall. Buti nalang may nagpupuyat na mga tsuper. Karamihan sa mga kasabay ni Tony sa jeepney ay mga empleyado ng mall. Naka-tshirt nalang sila at wala ng make up ang mga babae. May dala din silang mga sapatos na may mataas ang takong. Tingnan ni Tony ang mga paa nila at naka-tsinelas nalang sila. Nagkamustahan, konting kwentuhan, nagpresinta na manglibre ng pamasahe. Nang mapuno ang jeep, binigyan ng tsuper ang barker ng barya.

Mabilis ang takbo ng jeep at malamig ang hangin na sinasalubong ng mukha ni Tony. Ilan lang kaya ang nakakaalam na may ikalawang pares na dala ang mga saleslady.

-0-

Tahimik na sa kalye nina Tony, mga drayber ng sikad na lang ang gising. Nag aabang ng mga pasaherong ginabi sa syudad. Tumila na ang ulan pero nararamdaman ni Tony ang usbong ng init galing sa lupa.

Tulog na ang mga tao sa bahay nina Tony. Habang nagbibihis, pina-andar na niya ang laptop. Maraming iniisip si Tony. Mga eksena sa syudad tuwing Labor Day; mga naghahanap ng trabaho, mga walang bakasyon, mga manggagawang inulunan habang nagpoprograma. Gusto niya sanang isalaysay sa isang blog post ang takbo ng araw niya pero pag log-in niya sa Facebook, nalingaw na siya sa pagbasa ng mga status update ng friends niya. Yung ilan sinabi pang Happy Labor Day, para bang fiesta ang okasyon.

Nag-Facebook pa si Tony hangang maantok. Inisip niya ang susunod na pelikulang papanoorin bukas. Nagsimula na ang tag-ulan pero hindi pa natatapos ang tag-araw.

Malalim na ang gabi pero mainit pa rin.