Tag-ulan


Pagpatak ng alas dose nagbago ang mga pangalan ng may mga kaarawan sa kanang bahagi ng screen. Ang laptop na lang ni Tony ang nagbibigay ilaw sa kwarto nya. Nagfe-Facebook siya bago matulog.

Isa lang ang may kaarawan. Si Beth. Pumunta siya sa profile ni Beth at nag post sa wall nito, “Uy, happy bday, baka sundin mo ang sinabi ni nick joaquin na magdala ng kandila sa harap ng salamin ha…hehehe”

Lumitaw bigla ang chatbox ni Efren, kabarkada niya. “Tony, gising ka pa ba?”

“natural, online pa ako dba? bakit?”

“labas tayo bukas, wala akong trabaho sa OJT, makapag celebrate din tayo.”

“sa wakas, malilibre mo na rin ako sa inuman.”

“gago bukas lang ako libre, dinner lang tayo.di ako pwedeng maglakwatsa.”

Tatlong araw na ang nakaraan nang nag-birthday si Efren. “cge2, kita lang tayo bukas, o mamya, ewan.” Nag off-line na si Efren.

Pinatay na ni Tony ang laptop at natulog. Pagkalipas ng isang minuto pagkataps nyang ipikit ang mga mata, nag-vibrate ang cell phone niya. Nagtext si Greg, “Tony, sama ka bukas? Rali tayo, alas dies.’

Nag-isip muna si Tony. Nag reply, “cenxa tol, may lakad ako eh.”

Malalim na ang gabi pero mainit pa rin.

-0-

Hindi sanay kumain sa restaurant ang barkada nina Tony. Nagkita sila sa bahay ni Cris sa gitna ng syudad. Malapit lang ito sa mall at sa sakayan. High school pa lang sila, dito na sila nagtatambay. Nagkahiwahiwalay lang nang iba-iba ang pinasukan na mga kolehiyo pero nagkikita pa rin sila tuwing may okasyon at pagkakataon.

Si Cris ang magaling magluto. Siya na ang nangyaya na sa bahay nila kumain kesa sa labas para matikman nila ang bagong dessert na natutunan niyang gawin. Tinutulungan din siya ng Nanay niya. Si Tony at Efren and nag-grocery para sa hapunan.

“Kamusta bakasyon mo tol?” tanong ni Efren.

“Ewan,” sagot ni Tony habang kinakapkapan ng guardia ng mall, “Pelikula at internet. Paulit-ulit lang. Hindi naman ako nababagot pero parang ang routine na ng bakasyon ko. Siguradong masisiraan ako ng bait kung masira laptop ko.” Tawanan.

“Ako, boring din. Tambay lang sa opisina. Konting utos-utos, yun na. Dinadala ko nga ang laptop ko para maglaro. Ang dami kong libreng oras.”

Habang pababa sa ground floor ng mall may ilang tao ang nakaupo sa hagdan at may sinusulatan na parang form. Ang daming tao. Sa activity area ng mall may isang job fair. Merong hilehilera ng mga mesa at mga aplikante na ini-interview. Naka-office attire ang karamihan. Ang babata pa, mga freshgrad malamang. Maraming kompanya ng call center ang naghahanap ng bago empliyado. Meron ding mga trabaho sa labas ng bansa.

-0-

Kumuha sila ng isang kilo baboy, apat na pack ng pancit canton, dalawang pack ng ice tea. Si Cris na ang bahala sa dessert. Parang cheesecake daw. Si Efren ang nagbayad. Tinanong sila ng kahera, “May 25 cents lang kayo sir?”

“Wala po eh.” sagot ni Efren.

Tatanungin sana ni Tony kung bakit sila may trabaho tuwing Labor Day. Kaso nagmamadali sila, magluluto pa sila. Umalis sila agad, isa pa, isip ni Tony, kung tinanong ko naman, malamang sasagutin nun,

“Wala po eh”

-0-

Naglalakad silang dalawa sa overpass nang bumuhos ulit ang malakas na ulan. Kaninang hapon pa umuulan. Hindi naman ganong trapik kasi konti lang ang mga sasakyan.

“Lagot,” sabi ni Tony, “Saan tayo magsusugba ngayon?”

“Relax ka lang. Si Tita na bahala doon.”

Pagdating sa bahay, kakatapos lang magsaing ni Cris. Nagpainit ng tubig si Efren para sa pancit canton. Tumulong si Tony sa pagmarinate ng baboy bago isugba. Sadaling lumabas ang Nanay ni Cris para ihanda ang sugbahan. “Ako na bahala dito Tony,” sabi nito, “Mag simula ka na ng baga.”

Nakaupo si Tony sa pintuan, ipinuwesto ang sugbahan sa harap mismo ng pinto para hindi mapatay ng ulan. Dinala ng Nanay ni Cris ang baboy. Paglagay ng baboy sa grill ay nag labas ito ng usok na mabango at mahapdi sa mata. Tuloy ang ulan at pinapaypayan ni Tony para hindi pumasok sa bahay ang usok.

Halos isang oras bago natapos lahat at nakapaghapunan sila.

-0-

“Ang tatanda niyo na ah, parang kailan lang.” sabi ng Nanay ni Cris.

Nanonood sila ng telebisyon habang kumakain. Nasa channel na nagpapalabas ng mga pelikulang Filipino. Sister Stella L. ang palabas. Kwentuhan tungkol sa bakasyon, skwelahan, mga plano. Planong mag abogado ni Efren. Si Tony, pupunta sa Cebu para maghanap ng trabaho. Si Cris, gustong mag pari.

“O, timing pala eh, makinig ka sa sinasabi ni Ate V.” sabi ni Tony. Tawanan. Tapos na silang kumain at buong atensyon sa pelikula. Ang huling eksena si Ate V na mismo ang kumakausap sa kamera.

“Walang pinagbago,” sabi ni Cris, “Ang ipinaglalaban nila noon hanggang ngayon.”

“Eh paanong hindi magbabago,” dagdag ni Efren, “Kung hindi magle-Labor Day, hindi ipalalabas ang ganitong klaseng pelikula.”

Pagkatapos magligpit, nagsiuwian na rin sila.

-0-

Alas dies ng gabi at wala ng tao sa kalye. Ang mga jeepney ay nakapila sa labas ng mall. Buti nalang may nagpupuyat na mga tsuper. Karamihan sa mga kasabay ni Tony sa jeepney ay mga empleyado ng mall. Naka-tshirt nalang sila at wala ng make up ang mga babae. May dala din silang mga sapatos na may mataas ang takong. Tingnan ni Tony ang mga paa nila at naka-tsinelas nalang sila. Nagkamustahan, konting kwentuhan, nagpresinta na manglibre ng pamasahe. Nang mapuno ang jeep, binigyan ng tsuper ang barker ng barya.

Mabilis ang takbo ng jeep at malamig ang hangin na sinasalubong ng mukha ni Tony. Ilan lang kaya ang nakakaalam na may ikalawang pares na dala ang mga saleslady.

-0-

Tahimik na sa kalye nina Tony, mga drayber ng sikad na lang ang gising. Nag aabang ng mga pasaherong ginabi sa syudad. Tumila na ang ulan pero nararamdaman ni Tony ang usbong ng init galing sa lupa.

Tulog na ang mga tao sa bahay nina Tony. Habang nagbibihis, pina-andar na niya ang laptop. Maraming iniisip si Tony. Mga eksena sa syudad tuwing Labor Day; mga naghahanap ng trabaho, mga walang bakasyon, mga manggagawang inulunan habang nagpoprograma. Gusto niya sanang isalaysay sa isang blog post ang takbo ng araw niya pero pag log-in niya sa Facebook, nalingaw na siya sa pagbasa ng mga status update ng friends niya. Yung ilan sinabi pang Happy Labor Day, para bang fiesta ang okasyon.

Nag-Facebook pa si Tony hangang maantok. Inisip niya ang susunod na pelikulang papanoorin bukas. Nagsimula na ang tag-ulan pero hindi pa natatapos ang tag-araw.

Malalim na ang gabi pero mainit pa rin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s