Pieta



Pumasok kami sa isa pang bahay. Tulad ng iba, maliit lang ito. Lupa lang ang sahig. Meron ding kwarto na nakaangat sa lupa na nagsisilbing tulugan ng mga Ati. Maliit lang pero hindi mainit sa loob. Ang pinaka dekorasyon ng bahay ay mga ribbon ng mga bata galing sa eskwela. Iba’t iba ang kulay at may nakasulat tulad ng ‘Best in English’ at ‘Best in Math’. Merong maliit na radyo, “I Won’t Last a Day Without You” ang tumutugtog, ang bersyon ni Sarah Geronimo. Hindi ganong malinaw, malakas ang halong static.

Hindi na naming natanong ang pangalan niya pero pinapakinis ni Manong ang isang eskultura na kahoy gamit ang papel de liha. “Manong,” tanong ni Edmund, “Ano po yan?” Halatang nahihiya si Manong, di siya nakasagot kaagad.

“Pieta yan,” sabi ni Arthur sabay kuha ng litrato gamit ang digicam.

“Tama, Pieta.” sangayon ni Manong.

“Alan,” bulong ni Edmund sa akin, “ano yung Pieta?” Hindi na ako nagulat, hindi si Edmund ang pinaka-rehilyosong taong kilala ko.

“Yan yung sculpture na nagpapakita kay Virgin Mary na dala ang katawan ni Jesus.” paliwanag ko, “Michael Angelo yata ang original na gumawa nyan.”

“A, okay, naalala ko na.” Hindi naman talaga halata. Parang mataba ang katawan ni Virgin Mary. Pero kung pag aaralan mo talaga, makikita mo ang ganda ng representasyon. Marami pang marka ng pait. Ito ang pinapakinis ni Manong.

“Binibenta niyo po yan?” tanong ulit ni Arthur. Mga pito kaming magkaklase ang nasa loob ng bahay, pinagmamasdan ang trabaho ni Manong.

“Oo,” sagot ni Manong, “Marunong din akong ginagawa ng iba, mga keychain, bracelet, mga ganun.”

Nagtanong-tanong pa ang ibang kaklase ko. Magkano ang benta? Saan binibenta? Sino ang nagturo? Pagkalipas ng ilang minuto lumabas din kami para makihalubilo sa iba pang mga Ati.

“Astig ah,” sabi ni Edmund, “Buti pa ang Ati, may alam tungkol sa Pieta.”

Tawanan.

–0–

Mga alas dies na kami dumating sa port ng Jordan. Sabi ni Sir Dani, kailangan naming makapag-field trip bago magbakasyon. Pinili niya yung pinakamalapit, ang Ati Settlement sa Guimaras. Mga 35 din kami sa klase namin sa Anthropology.

“Konting tiis nalang…” sabi ni Arthur. Nakatipon kami sa isang gilid habang nakikinegosyar si Sir Dani sa tsuper ng jeep.

Nakikita ang pag-unlad ng Guimaras sa port nito. Nakaparada ang mga jeep, traysikel, multicab na merong iba’t ibang ruta. Pinaayos na din ang dungkaan mismo ng barko. Sistematiko na ang pagbenta ng ticket. Tuloy ang paggawa ng Guimaras Tourism Center. Siempre bawal parin magpapasok ng manga.

“Bilis ng panahon no?” sabi ni Robert, “Pasko na naman.”

“Badtrip nga eh,” dagdag ni Edmund, “International Human Rights Days pa naman ngayon. Nagkataon pang-Sabado.”

“Akala ko ba nag rali na kayo noong Huwebes?” tanong ni Arthur.

“Oo naman, pero iba talaga sana.”

Tinawag na kami para sumakay. Malaki at mahaba din ang jeepney. Tulad ng Miag-ao, pang maramihan at pang long distance din ito. Aakyan na sana ako nang pinigilan ako ni Edmund, “Teka lang Alan, paunahin mo sila.” Halos puno na pero marami pa kaming hindi nakasakay.

“Ayos lang yan,” sabi ng kundoktor, “may extension naman eh.” Gaya din ng Miag-ao na jeep, nilalagyan ng silya sa gita para sa dagdag na upuan.

“Okay lang manong,” sabi ni Edmund, “sa bubong lang kami.” Sabay akyan gamit ang maliit na hagdan sa likod ng jeep. Sinundan ni Arthur at Robert, kaya umakyat na rin ako. Ang ibang mga kaklase namin, umakyat na rin.

Nag alala si Sir Dani pero alam rin niyang wala siyang magagawa. Sinabihan niya kaming magingat at sumakay na rin sa front seat. Unang beses akong nakasakay sa bubong. Parang nakaupo ka lang sa sahig na gumagalaw. May hawakan naman. Habang papaalis kami ng Jordan, nagtitinginan ang mga tao. Halatang hindi kami taga rito.

–0–

Naging mabilis ang byahe. Ang Ati Settlement ay nasa sunod na bayan lang ng Buenavista. Dumaan muna sa banwa bago lumiko sa kaliwa papunta sa bayan ng S–. May senyas naman, sa kanan papunta sa Macopo Falls. Pagkalipas ng ilan pang minuto, naging rough road na ang dinadaanan namin. Sa magkabilang parte ng daan ang malawak na mga taniman o di kaya manukan.

Unti-unti na rin umiinit ang sikat ng araw. Umulan kaninang madaling araw at naging malamig. Naka jacket pa nga ang ibang kaklase namin. Nakarating kami sa arko na nagsasabing “Welcome to S–”. Bumagal ang takbo ng jeep at lumiko pakanan. Tumigil ito sa harap ng isang tiangge at ilang bahay. Meron pang malakas na tugtog na pangdiskohan. Nagtinginan kami sa bubong.

“Dito na ba?” tanong ng kaklase naming si Lisa. Pare-pareho naming hinahanap ang mga Ati. Tinawag kami si Sir Dani na bumaba. Pumasok kami sa parang pulutong ng mga bahay. Mga apat lahat. Nakapalibot na parang bilog. Parang ‘assembly area’ o ‘common hall’ ang sa gitna. Meron pang malaking puno. “Akala ko kung saang bundok tayo pupunta,” sabi ni Edmund, “ang lapit-lapit, kahit magpa-Iloilo pa ako araw-araw.”

Pinakilala kami ni Sir Dani sa ilang taong nandoon. Mga ilang bata. Meron ding tatlong kalalakihan ang nagbibisak ng kawayan. May ginagawa silang parang maliit na bahay. Hindi mo aakalain na mga Ati sila. Magkasingkulay lang ang mga balat namin. Hindi naman ganon kakulot ang buhok nila. Payat silang lahat pero hindi mga pandak. May mga damit din sila. Nagsasalita din sila ng Hiligaynon at Kinaray-a.

“Eto na yon?” tanong ni Edmund. “Akala ko naka bahag sila?”

“Akala ko nga,” dagdag ni Arthur. “may mga pana pa sila eh.”

“Tara,” sabi ni Sir Dani, “punta tayo sa iba pa.”

Nagsimula kaming maglakad.

–0–

“Uy Alan,” tanong ni Arthur, “Nakabayad ka na ba para sa Christmas party?” Nilabas niya ang dalang digicam at nagkuha ng ilang litrato.

“Hoy, Art,” sabi ni Alan, “Sino ba yang kinukunan mo? Mga Puno?”

Malawak ang ‘settlement’ ng mga Ati. Siempre maraming puno. Hindi naman mga bundok. Parang maburol lang. Dahil sa umulan kagabi, maputik ang ilang parte ng daanan. Sabi ni Sir Dani, hunting and gathering ang type ng society ang meron ang Ati dito. Pero siempre, hindi na to ganun ka pure. May nadaan kaming mga palayan pero walang tanim. Naka-terraces pa nga sa gilid ng burol.

“Tapos na. Bakit, ikaw?” tanong ko.

“Hindi pa eh. Mamaya na pala yon. Wala pa akong gift.”

“Mamaya Art,” dagdag ni Edmund, “sama tayo. Bago bumalik ng Miag-ao.”

“Christmas party sa ano yan?” tanong ni Robert.

“Sa dorm.” sagot ko.

“Bilis ah. Sa amin sa Martes pa. Pasama na rin sa pagbili mam’ya.”

Pagkalipas pa ng sampung minutong paglalakad, nadaanan namin ang isa sa mga bahay. Maliit lang ito. Merong lang parang kwarto para tulugan. Pagka-umaga, nililigpit din ang mga unan at banig. Ito ang pinaka sentro ng bahay. Tapos dyan ang bangirahan o parang kusina. Dyan sila nagluluto gamit ang dapog. Sabi ni Sir Dani, yun lang ang standard na bahay nila: bedroom/living room at kitchen, hindi mo na kailangan ang banyo dito.

Pagkalipas ng mga sampung minuto, nakarating kami sa parang cluster ng mga bahay. Tatlong bahay na magkakaharap at sa di kalayuan may dalawa pang bahay. Medyo malaki ng konti ang mga bahay pero ganun pa rin ang structure. Dito na nagsulputan ang mga batang Ati. Nasasabik, pinagmamasdan kami. Wala naman silang sinasabi. Nahihiya pa ang iba nang subukang kausapin ng iba kong kaklase. Agad na kumuha si Arthur ng mga litrato, para photographer ng National Geographic.

Sa labas ng mga bahay, kapansin-pansin ang mga damit sa mga halaman o matataas na damo. Akala kong noong una, mga tinapon na tela. Pagkakita ko na marami pa pala, tinanong ko na kung para saan.

“Ah,” sabi ni Sir Dani, “ewan, siguro dahil dyan naman ang araw. Pwede naman dyan, bakit ka pa gagawa ng sampayan.”

Pagtingin-tingin ko wala ngang mga sampayan. Hindi maiinit sa mga kabahayan kasi nakatabi ang mga ito sa mga puno.Nagkalat din ang mga basura, karamihan mga plastic. Meron parang pinagtipunan pero andami pang nasa paligid. “Badtrip na to ah,” sabi ni Robert.

“Pabayaan mo na,” sabi ni Arthur, “Wala naman silang alam na konsepto tulad ng biodegradable at nonbiodegradable o kahit basura man lang. Lahat ng kailangan nila galing sa kalikasaan. Kaya ayos lang kung kahit saan mo itapon mabubulok naman eventually.”

Sangayon ako kay Arthur. Lahat ng basura, mga supot ng junk foods, shampoo, at iba pa. Iisipin mong mga tamad ang mga Ati at marurumi. Technically hindi kasalanan ng mga Ati ang kanilang poor waste management.

Halos wala kaming makitang matandang Ati. Kalaunan may nahanap na isa na tinawag ni Sir Dani na Aleng Maria. Nagulat ito nang nakita kami. “O, sir. dadating pala kayo. Buti na abutan nyo kami.” Nagtatahi siya ng zipper sa isang purse.

“Nag-text naman ako na dadalhin ko klase ko ngayon a.”

“Ah, wala akong natanggap. Nagpalit kasi ako ng sim.”

Nagtinginan lang kami habang nag-uusap sila. Nagpakuha ng litrato si Robert kay Arthur katabi ang isang bata.

–0–

Nag-ikot pa kami. Sa isang bahay pinakilala kami kay Aleng Loren, isa sa mga parang elders ng komunidad. Natural ‘elder’ sya kasi siya ay 90 anyos lang naman. Pumasok ang ilang klasmates namin. Naka upo sila sa bedroom/living room ng bahay. Tinuturuan sila ni Aleng Loren gumawa ng basket. Isa pa sa mga sources of income nila.

“Parang biro nga eh,” sabi ni Sir Dani, “Isa sa mga programa ng pamahalaan ay ang pagturo sa mga indegenous people ng mga ‘crafts’ na to. Mga basket, keychain, purse, siempre pag benta nila sasabihing gawa ng mga Ati. Iisipin mong indigenous crafts din, pero yung totoo hindi.

“Maiisip mong bakit pa nila ginagawa? Exposed na sila e. kailangan nilang makipag interaction na, kailangan nila ng mapagkikitaan para mabuhay. Pambili ng pagkain, nag-aaral ang mga bata.”
–0–
“Alam niyo, buti dinala tayo dito ngayon,” sabi ni Edmund, “Hindi tayo nag-iingay sa kalye pero at least mararanasan natin ang pinagdadaanan ng mga taong pinagkaitan ng kanilang human rights.”

Ngumiti lang si Sir Dani habang narinig nagkukwento si Edmund. Nagte-treking naman kami. Sumama kami para maghanap ng bagakay, mga batang kawayan. Kailangan sa bahay, inutusan ni Aleng Loren ang dalawang bata. Ang nakakatanda, teenager na, mga katorse anyos na dalaga. Ang kasama niya ang pinsan niyang sampungtaong gulang na lalaki.

“Huwebes ng umaga, napadaan ako sa bangko. Andaming tao, akala ko mga nagpoprotesta. Yun pala nakapila sila para sa conditional cash transfer. Halos puro mga nanay ang nakapila. Ang iba, kasama pa ang mga mababatang anak. Maghapong nakapila para ilang daan. Hindi nga nakakalahati ang dami namin sa rali kumpara sa kanila.”

Sa ilalim ng araw, dumaan kami sa pagitan ng mga palayan. Maliit lang ang mga palayaan at walang tanim pero may tubig. Makitid ang daan at maputik. Pagkatapos ng mga palayan, tumawid kami sa ilang maliit at mababaw na mga ilog kung saan nanggagaling ang tubig para sa irigasyon.

“Pagdating sa syudad, konti na nga lang kami, inulanan pa kami. Buti na lang medyo marami ang sa ibang eskwelahan at sektor na sinalubong namin sa harap ng kapitolyo. Sa liit ng numero namin, parang hindi kami nag poprotesta sa kapabayaan ng estado sa mga serbisyong sosyal, kabilang siempre ang edukasyon, at human rights violations. Para kaming mga delinquent na nang gugulo sa trapiko.”

Dumaan kami sa dalawang Ati, mag-asawa, na nag-uuling. Kinamusta kami nila at tinanong sila si Sir Dani kung pwede nilang ipaliwanag ang ginagawa nila.

Nakatumbok ang mga kahoy sa isang bilong. Tatakpan daw ito mamaya tsaka susunugin. Masyado pa raw preska ang kahoy. “Maganda sana kung i-document niyo yung paggawa ng uling no?” sabi ni Sir Dani, “Gawin niyong project…”
Binulong sa amin ni Robert, “Feeling ko hindi maganda sir, hirap kaya nun.”

Tawanan. “Isa pa,” dagdag ni Edmund, “baka maubos ang battery ng digicam ni Art, hindi tayo makapag-wacky shots” Mas malakas na tawanan. Tuloy lang sa pagkuha ng litrato si Arthur.

“Tsaka sir,” banat ulit ni Robert, “nakadadagdag sa global warming ang pag-uuling at paggamit ng uling.”

Pinatulan na kami ni Sir Dani, “Yun nga ang problema. Wala alam ang mga Ati sa global warming pero naaapektohan rin sila nito.

Pagkalipas ng halos tatlumpong minuto ng paglalakad, wala pa rin kami sa mga bagakay. Sabi ng mga bata, kung wala sana kami, sa mga ganitong oras pabalik na sana sila. Tumawa lang si Sir Dani.

“Dyosko ang init,” sabi ni Arthur sabay punas ng pawis niya sa noo at leeg.

“Ayos lang yan,” sabi ni Edmund, “At least malinis ang pawis natin dito. Walang halong alikabok tulad sa syudad.”

“Hindi malagkit kapag natuyo,” dagdag ko.

–0—

“Sir?” tanong ni Edmund, “May religion po ba sila dito?”

“Hmmm..” sagot ni Sir Dani, “Wala eh. Kung ano lang meron.”

Nalito si Edmund. Nakikinig din ang iba naming kaklase.

“Halimbawa, kung may pari, Katoliko sila, kung may pastor, Protestante din sila. Kinakasal sila, binibinyagan, lectures, ganon. Kung may imam na pumunta dito, makikinig din sila sa kung anong sasabihin ng imam.”

“Paano po kung Christmas?” tanong ng kaklase naming si Lea, “Mga holy week, Pista Minatay, ganun.”

“Ganun din, depende lang kung anong meron. Kung may magdadasal dito kung holy week, nakikinig din sila. Kung may mag bibigay ng pagkain tuwing pasko, edi celebrate din sila ng pasko.”

“Psst. Alan,” bulong ni Edmund sa akin, “Tanungin mo tungkol sa Dinagyang.”

“Bakit hindi ikaw ang magtanong?” sagot ko.

“Sige na, kanina pa ako nagsesermon dito eh.”

Huminga ako ng malalim, “Sir, paano po yung Dinagyang?” lalong nakuha ang atensyon ng mga kaklase ko. Lalong bumagal ang paglakad namin.

“Bakit?” tanong n Sir, “para kanino ba ang Dinagyang?” Kinuha ko yung baon kong tubig at uminom. “Ang ipinagdiriwang ng Dinagyang ay ang pagtangap ng mga indio sa pananampalatayang Katoliko. Kanya-kayang papel lang yan eh. May agenda ang simbahan, ang estado, ang mga negosyante, at ang mga ordinaryong tao. May mga espesyal na misa, may tribe competition na inoorganisa ng estado, may malakas ang benta ng mga negosyante sa foodfest, ganun. Ang mga tao, nanonood ng mga palabas ng may mga artista at banda galing sa Maynila.

“Dapat sana meron yung cultural rights eh. Binabayaran ang mga Ati kasi ginagamit sila at kanilang kultura para kumita. Mga costume, mga body paint or something. Pero sa milyong kita ng Dinagyang kada taon, walang pumupunta sa mga Ati.

“Pulubi sila noong panahong kolonial, pulubi pa rin sila ngayon. Lupa ng mga ninuno nila ang kinatatayuan ng syudad ngayon. Kung iisipin hindi sila nanlilimos, nagsisingil sila ng renta!” tumawa si Sir Dani, sinubukan din ng iba sa amin ang matawa.

–0–

Nakarating din kami kung saan ang mga bagakay. Dalawa lang ang daanan. Pwede sa lupa pero masyadong matarik ang dadaanan o sa tubig na hangang tuhod lang naman ang ilang parte. Nagsihubad ng mga sapatos at medyas ang lahat, tinaas din ang mga pantalon. Nagkalusungan na, ni hindi nga namin alam kung para saan ang bagakay.

“Alan,” tanong ni Edmund, “games committee ba tayo? Nag-text si Sally sa akin o.”

“Siguro. Bakit ba?”

“Wala pa raw games mamaya. Mag-isip daw tayo.”

Nainis na ako, “Sabihin mo, nagwi-wilderness adventure pa tayo. Reply lang tayo pagkatapos.”

“Sige, teka lang.”

“Nakukuha mo pang mag-text ha.”

“Diskarte lang yan. Si Art nga, nagpi-picture pa eh.”

“Lintik,” sumbat ni Arthur, “Ako na naman nakikita niyo. O, picture muna.”

Lumingon kami kay Arthur.

Naglakad kami sa ilog hindi naman kalakihan, mga dalawang metro lang ang pinakamalapad na mga bahagi. Malamig ang tubig at ang ilalim ay malambot na putik, paminsan-minsan ay mga maliliit na bato. Dapat dahan-dahan kami kasi hindi mo makikita, biglang lalalim pala ang susunod mong hakbang. Malakas ang kantsawan, “Uy, may naramdaman ako! Ahas pa yon? Mag ingat kayo dyan sa likod ha!”

Ang ilang bahagi ng ilog ay madilim dahil sa mga dahon ng mga bgakay. Habang naglalakad kami, mabilis na nag akiyatan ang mga bata para pumutol ng ilang pirasong bagakay kailangan nila.

Naging madali nalang ang pabalik namin. Lampas alas dose na at pagdating sa mga bahay, saka pa lang maghahanda ng tanghalian. Hindi na gaanong mahirap ang daan. Ilang puno at damuhan. Kahit basa at madumi ang mga paa, sinuot na namin ang mga sapatos. Maraming damu na may tinik. Mainit rin ang lupa.

“Parati nyo bang ginagawa to?” tanong ng kaklase kong si Antonio habang binuksan ang kanyang payong. Nakisilong ang batang lalaki.

“Oho. Marami po kasi tayo eh. Mabilis lang naman to.”

Tinignan ko ang relo ko, nadudulas na sa braso ko, halos isang oras na rin kami naglalakad.

“Hindi ba kayo nawawala?”

“Hindi po. Dito naman kami lumaki at naglalaro.”

–0–

Bumalik kami sa ‘assembly area’. Nagtulungan para magsaing at lutuin ang baboy na pinabili ni Sir Dani. Ang ilang wala maitulong, nagpahinga nalang.
Sabi ni Sir Dani, “Alam niyo ba na malakas ang visual memory ng mga Ati?

Nalaman sa isang research na habang tinuturuan mong magbasa, magsulat, at magbilang ang tao, humihina yung visual memory niya. Umaasa nalang kasi tayo sa ilang simbolo, mga letra, numero, para i-organize ang ating mga thoughts. Kaya kailangan natin ng mga mapa at road sign etc. Ang mga Ati at ibang indegenous people kayang tandaan ang pasikot-sikot ng malalawak na lugar. Ganoon din sa mukha ng tao.”

Habang naghihintay na maluto ang sinaing at ulam ang nagkwento pa lalo si Sir,
“Walang silang striktong konsepto ng pamilya. Sa atin, isang pamilya, isang household, isang economic unit. Dito, communal, mahina din ang konsepto ng babae-lalaki dito. Di porket lalaki ka, ikaw na ang nasususnod. Sa katunayan, puro mga babae ang elders nila dito. Dahil halos walang health services dito, mataas yung maternal mortality rate. Sakaling mamatay yung nanay, yung bata, aalagaan pa rin ng isang membro ng komunidal. So lalaki pa rin siyang may nanay at pamilya.

“Nag-aaral ang karamihan sa mga bata dito. Ang problema lang, ginagamit na parang project ang pag-aaral sa kanila. Binibigyan sila ng uniform at school supplies, mga ganun. Dapat nag-aaral sila dahil karapatan nilang mag aral hindi dahil sa effort ng kung sinong pulitiko.

“Tapos yung lupa, state owned ito. Wala pa rin silang grasp sa konsepto ng private property. Ang problema pwede silang irelocate anytime without consideration sa hanapbuhay nila, etc. Kita niyo yung malapad na area dinaanan natin kanina, yung walang mga puno. Doon sila planong ilipat. Ang liblib na nga ng lugar na to, ililipat pa nila. Parang tinatago sila. Ang malala, pwedeng ibenta to anytime.

“Hindi tulad ng sa mga Ifugao sa Luzon o mga lumad sa Mindanao, wala pa rin silang gaanong political concoinseness. Bumuboto naman sila, pero para sa kandidatong tinulungan sila or something. Wala pa silang mismong representative nila na siya mismong ipaglalaban ang mga interest ng mga Ati.

Bigyan lang sila ng ilang bag ng groceries tuwing eleksiyon, okay na.”

Mga ala una imedya, naka tanghalian na rin kami.

“Feeling ko,” sabi ni Edmund, “mas masaya kung mag Pinoy Henyo na lang tayo.”

–0–

Nag-request si Sir Dani na si Aleng Marcia ang mag dasal. Ngayon lang siya namin nakita. 87 anyos lang naman, ikalawang pinakamatanda sa kanila. Naglalakad pa at masigla. Nagsitayuan kami at sinimulan ang dasal. Sa salitang Ati pero nakinig pa rin kami, saka pinaliwanag sa amin si Sir Dani. Kumuha ng assistant si Aleng Marcia para sa dasal. Si Manong Doy, isa sa mga nagkakrpentero kanina. Tumayo sila sa magkabilang dulo ng mesa, ang pagkain sa pagitan nila. Nagsimula si Aleng Marcia sa pasasalamat sa pagkain. Binangit din nila ang ilang namayapang kamag-anak nila. Sabi ni Aleng Marcia, ‘yung tatay ni kwan’, ‘ah, oo tsaka yung lola nina kwan’. Mga apat na pangalan ang binangit nila.

Tapos kumuha si Aleng Marcia ng maliit na piraso ng kanin at ulam at tinapon sa ilang dereksyon. Para daw iyon sa mga hindi nakikita. Tapos parang idi-drag nila ang pingan na nang paabante at paatras. Hinila ang mabubuti habang tinutulak ang masasama. Mga limang minuto din ang dasal.

Inatake na namin ang pagkain. Nagkasya naman para sa lahat. Kahit walang lasa yung baboy dahil hindi minarinate, wala nang nagreklamo o nag bangit man lang. Nag share pa nga ang iba kasi kinulang yung mga pingan. Ito yung sinabi ni Sir Dani sa amin. Isang shared meal lang kasama ang mga Ati, wala sa plano ang pagkuha ng bagakay kaya naka maong at sapatos ang lahat.

–0–

“Goodluck sa buhok ko mamaya,” sabi ni Edmund habang sinusuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Mga alas tres na kami umalis sa Ati settlement. Nasa bubong ulit kami. Marami na ang naingit, mas marami nang tao ang sa bubong kesa sa loob ng jeep. Papunta kami sa Alubihod. Nagulat si Aleng Maria na hindi pa pala lahat sa amin naka punta doon.

Nakisakay na si Aleng Maria sa okupado naming jeep. Maraming tourista ang namamasyal doon kada weekend. Sabado ng hapon siya pumupunta, doon natutulog at umuuwi kinabukasan, araw ng Linggo. Napakaraming bisita at kung swertehin, nakakarami ang benta ng gawa niyang keychain.

Mas malayo ang Alubihod. Tatlumpong minuto pa kaming nagbyahe ulit. Sabi ni Sir Dani parang Iloilo-Miag-ao lang ang layo. Mainit ang hapon pero presko naman ang hangin. Mabilis din ang takbo ng jeep. “Hindi kaya tayo gabihin dito?” tanong ni Robert.

“Wala yan,” sabi ni Edmund, “Alam naman ni Sir Dani na may lakad pa tayo.”
Pagdating doon hindi na kami pinabayad ng entrance fee. Kakilala na si Aleng Maria at pinaliwanag niya na namamasyal lang talaga kami. Sabi ni Ines, nakapunta na dati dito, marami na nagbago sa resort. Mas maraming mga cottages at ilang gusali kung saan pwedeng mag overnight. Parang masikip na.

Hindi karamihan ang mga tao nang hapon na yon. Halos puro mga bata ang naliligo sa malinaw na tubig. Pino at maputi rin ang buhangin. May ilang-ilang foreigner. Nag merienda at nag picturan ang klase.

Pagka alas kwatro, alis naman kami. Pagod na ang lahat at mahirap gabihin nang hindi pa nakabalik sa Iloilo.

–0—

Walang ganoong traffic sa Guimaras. Diretso ang takbo ng sasakyan namin sa highway na dinaanan din namin kanina. Lalong lumalim ang hapon at hindi na masyadong maiinit. Lampas na kami ng Buenavista nang biglang lumiko kami papunta sa isang lugar na walang mga bahay. Tumigil kami at tinabi ang sasakyan. Nasa isang bangin kami na nakikita ang ilang burol ng Guimaras, ang Iloilo strait at syudad ng Iloilo. Maganda ang view. Nagtaka ang lahat kung ano pa ang ginagawa namin dito. Sabi ni Sir Dani, “Bago tayo uuwi, tignan muna natin ang sunset.”

Tawanan, hanggang sa narealisa na hindi pala nagbibiro si Sir. Naglalakad ang karamihan dahil sa ngalay ng pag-upo. Group picture naman. Nakaupo kaming apat sa gilid ng kalye. Ang presko ng hangin at walang dumadaan. “Kita pa yung coal fired power plant dito oh… ” sabi ni Robert.

“Ano kaya magandang exchange gift?” tanong ni Arthur.

“Sino ba SP mo? tanong ko.

“Si Claire…”

“Talaga?” nataranta si Edmund, “Gusto mong makipagpalit?”

“Ayoko nga. Ano ka? Jackpot na to. Sino ba sayo?”

“Si Randy. Ewan ko kung ano gusto ng gagong yun.”

“Tinignan mo ba yung wish list niya?” tanong ko.

“Anong wish list?” tanong ni Robert.

“Wala,” sagot ni Edmund, “parang pino-post ng mga tao ang gusto nilang makuha sa Christmas Party.”

“Seryoso?”

“Oo, parang joke nga eh. Pero nagpost ako doon. Niligay ko Ferrari.” Tawanan.

“Hindi ko na check eh.” sabi ni Arthur.

“Kalimutan mo yun. Kaya nga may SP, para siya mismo mag-isip ng gift para sayo. Hindi ikaw yung nagdidikta.”

“Ewan. Pussycat na lang siguro. Yung cute na pink, ewan. Gusto naman ng mga babae yun eh. Sana may makita tayong mura mamaya. Wala na akong pera eh.”

“Ayos na yun,” sabi ni Robert. “Basta, hindi ka namin sasamahan sa pagbili. Nakakahiya kaya.” Tawanan. Nilabas ulit ni Arthur ang digicam at kumuha ng litrato ng tanawin. Maganda ang kulay ng langit. Parang dalandan na tinapunan ng kulay ube na hindi mo maintindihan. Parang desenyo ng marmol sa simbahan.

“Art, mahilig ka ba sa photography?” Nagulat kami kay Sir Dani sa likod namin.

“Opo, hilig lang po.”

“Marami na may kamera ngayon no? Yung pang professional talaga, yung malaki at hi tech.”

“Okay na po ako sa digicam ko.”

“Dumarami ang may kamera pero ilan lang kaya ang nakakakita sa sitwasyon sa pinuntahan natin kanina?”

Nagtinginan kami.

“Kapag indigenous people kasi, ang nasa isip ng tao yung sa pelikula na nabubuhay sila sa idyllic na lugar. Kung hindi man, mga walang isip, savages tagala. Primitive lang buhay nila pero hindi sila inferior.”

Tinignan na lang namin ang langit. Pinagmasdan ko rin ang syudad sa malayo. Ang lawak at ang payapa. Parang ayokong matapos ang field trip na to.

“Kasalanan po to ni Indinia Jones eh,” banat ni Edmund. Tawanan.

“Nagbabayad ang mga tao sa sinehan para makita si Indinia Jones pero wala silang panahon para tulungan o kamustahin man lang ang mga Ati.”

“Naalala niyo po sir yung Pieta?” tanong ni Edmund, “Tayo po si Virgin Mary at ang mga Ati at ibang indigenous people si Jesus Christ. Parang nasa mercy sila natin.”

Sumangayon si Sir Dani. Gusto ko sanang sabihing baliktad pero hindi ko kaya ipagtangol ang ideyang ito. Isa pa, pagod na rin ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s