Ang Sining ng Isang Dolphy


Nang lumabas ang balitang namatay si Dolphy, hindi na ako nagulat. Matagal naman kasing binabalita na marami siyang problema sa kalusugan. Isa pa, may edad na rin siya. Hindi na nakakagulat kung bawian na siya ng buhay. Hindi rin ako ganoong nalungkot kasi tignan mo naman ang mga nagawa niya. Ika nga, he lived a full life.

Hindi ako isang avid fan ni Dolphy. Naaliw ako sa kanya, pero hindi ko siya sinusubaybayan talaga. Kung iisipin, medyo galit pa nga ako kay Dolphy. Bilang artista, may mga nosyon siyang pinasikat na para sa akin ay hindi nakabuti sa lipunan sa pangkalahatan.

Una, ang stereotype ng bakla bilang katawa-tawa. Ang turing sa mga bakla ay hindi na mga tao, pero para bang mga artista na dapat lagi tayong inaaliw. Naalala ko yung kaso ni Boy Abunda noong nachismis na gagawin siyang Tourism Secretary, chismis pa nga lang, nag-react na ang mga tao. Ang bakla ay isang lamang ‘entertainer’ at hindi pwedeng ilagay sa mga mahahalagang posisyon. Matalino naman at edukado si Boy Abunda, masasabi ko ito dahil The Bottomline at hindi The Buzz ang pinapanood ko. (Ngayon nilagay din siya sa late night news pero siya pa rin ang nagha-handle sang showbiz news. Ewan.) Para sa akin, isa si Dolphy sa mga pasimuno ng imaheng ito ng mga bakla sa kulturang popular. Hangang sa minana na nina Rodereck Paulate hanggang kay John Lapuz at siempre ni Vice Ganda.

Ikalawa ay ang gawing katawa-tawa ang kahirapan. Ang naabutan kong palabas ni Dolphy ay ang Home Along Da Riles. Title pa lang, may kahirapan ng nakasulat sa paligid nito. Problema sa pera at pamilya ang tema ng palabas. Ang mensahe, kahit gaano kahirap ang buhay, makakaraos din kaya pagtawanan na lang natin ang mga problema natin. Ang problema, ang mga tumatangkilik ng mga palabas na to ay madalas mahihirap din. Di tulad sa palabas, walang director o writer na masusunod sa takbo ng kwento ng buhay nila at lulutas ng problema nila para sa kanila. Tinatawanan na lang ang lahat. Tumatatak sa akin ang mga coverage ng mga tao na nasalanta ng bagyo at baha. Wala silang bahay, pagkain, kuryente, atbp. Pero kumakaway pa rin sila sa camera ng news crew.

Matagal ko ring pinaniwalaan ang mga ito. Sinisi ko ang mga tulad ni Dolphy kung bakit walang may nangyayaring matino sa bansang ito. Tsaka ko lang na napuna na very cynical, self-righteous, and naive pa nga ng mga pananaw kong ito. Tinanong ko kung bakit madami pa rin ang nagmamahal kay Dolphy. Pinag-aral ko itong mabuti, nagbasabasa ng konti, na handa ko rin ang sanaysay na ito. Pinatapos ko muna ang libing at mga special features tungkol sa kanya para hindi ako madala. Lalo na nang lumabas ang panawagan na gawin siyang National Artist. Nagduda ako sa mga tagasuporta ni Dolphy, kung talagang hinahangaan niyo siya bakit kailangan pa niyang mamatay para bigyan siya ng pansin?

Ang nahanap kong pinakaangkop na konsepto para ipaliwanag ang phenomenon ng isang Dolphy ay ang “the author is dead” ng Pranses na kritiko Roland Barthes. Ayon kay Barthes, ang pinakakaluluwa ng panitikan o sining ay hindi dinidikta ng author o artist. Halimbawa, hindi alam ng mga tauhan na parte na pala sila ng isang kwento. Tanging ang mambabasa lang ang makakatukoy nito. Kung gayon, patay na ang author, dahil nakasalalay sa mambabasa o manonood ang paggawa ng kahulugan ng isang teksto o sining.

Kung hindi sineseryoso ng mga Filipino ang mga problema nila, walang pananagutan si Dolphy dito bilang isang artist o performer. Magandang halimbawa din ang mga nobela ni Rizal sa konseptong “the author is dead”. Ang mga nobela niya ang tumutalakay sa mga problema ng bayan pero hindi niya sinabi na magrerebolusiyon. Desisyon na yun nina Bonifacio. Pinatay lang si Rizal bilang palusot ng mga Kastilla para ipakita na may kapangyarian pa rin sila.

Balikan natin ang mga popular na tema na tinatalakay ni Dolphy: ang bakla at kahirapan. Ang mga ito ay mga isyu na noon pa lumitaw. Bilang artist, kailangang ipaalam ni Dolphy ito sa mga tao. Hindi niya naman ito pwedeng deretsahang gamitin bilang materyal. Siguradong mase-censor siya. Isa pa ayaw ng mga tao ng seryosong usapin kapag nanonood ng sine o telebisyon. Primarily, libangan pa rin ang pananaw sa mga bagay na ito. Sinubukan ni Dolphy na gawing seryoso ang pagtalakay ng bakla sa pelikulang Ang Tatay kong Nanay kasama si Lino Brocka. Hindi ko pa ito napanood pero tungkol ito sa isang gay parent. Makatotohan ang pag-portray. Pinuri ng mga kritiko, pero nilangaw sa sinehan. Hindi pa rin napaabot ang nais sanang mensahe ng pelikula. Bumalik na lang si Dolphy sa ‘tried and tested formula’ ng mga pelikula niya. Hanggang sa matapos ang career niya.

Ayon sa mga eksperto, hindi biro ang magpatawa. Ang comedy ay isang mahirap ng genre pero tila hindi pa rin nito nakukuha ang respeto na karapatdapat nitong angkinin. Ang mga awards ay napupunta lang sa mga drama at ‘seryosong likha’. Nakakalimutan na ang potential ng comedy o satire. Pwede ka kasing mangbatikos ng mga bagay pero at the same time, nakakaaliw. Hindi ka pwedeng kalabanin ng mga pinapatamaan mo kasi nga biro lang. Pero nagawa mo paring buksan ang diskurso tungkol sa isang importanteng isyu tulad ng bakla at kahirapan. Kaya napaka effective ng mga political jokes, satire, caricature, etc. kasi alam ng mga pulitikong tinitira kung gaano kapangyarian ang mga ito.

Hindi na si Dolphy ang may problema, kundi tayong manonood. Meron daw isang paraan para malaman mo kung ang pinapanood mo ang isang likha ng sining o simpleng negosyo lang. Kung negosyo lang daw, grabe yung viewing experience. Mabilis ang kwento, maraming pagsabog, bongga ang mga damit, exciting, pero pagkatapos mong panoorin ay parang wala lang, balik na sa realidad. Pero kung pinag-isipan talaga, kahit tapos na ang palabas, kasama mo pa rin ang kwento kahit saan ka mapunta. Nanatili ang kwento, ang mga damdamin na naramdaman mo tuwing nanood. Ang napanood mo ay isang classic. Kahit ilang henerasyon pa ang manood, walang kupas pa rin ang dating ng kwento. Medyo problematic ang kaso ni Dolphy, kasi marami siyang pelikulang halatang negosyo lang pero yung pag-arte niya, tumatatak sa madla.

Para sa akin si Dolphy ay isang classic. Hindi mahirap mahalin si Dolphy. Ang tanong ay kung nakukuha ng mga tao ang gustong sabihin ni Dolphy. Hindi nagpaptawa si Dolphy para sa pagtawa per se. Nagpapatawa siya para matulungan tayo sa pagharap sa realidad ng buhay. Ang nangyari, nakuntento na ang mga tao sa pagtawa lamang. Kaya ang mga isyu ni hinalungkat niya noon (kahirapan at diskriminasyon sa mga bakla) ay hindi pa rin nareresolba. Pinagtatawan pa rin nga. Sa tanong ng National Artist Award, naniniwala akong karapatdapat si Dolphy. Ang dapat pagdebatihan ng mga tao ay kung karapatdapat ba sila ng isang Dolphy.


photo credits: http://tadonggeniuskuno.wordpress.com/2012/07/11/paalam-mang-dolphy-1928-2012/

One thought on “Ang Sining ng Isang Dolphy

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s