Walang Uusbong Bayani


Kahit isa-isahin pa natin sila;
si Jose ay hindi nagpakasal,
si Juan at Antonio
ay pawang marahas,
si Andres ay anakpawis
at lampang sundalo
habang si
Emilio nama’y modelong
Pulitiko.

Maraming binawas para
gawing Bayani ang isang tao
para ang kasaysayan maging banal
puno ng mga Santo.

Pinatayuan ng munomento
tinakda ang araw ng mga pista.
Sinagot ang mga naghahanap
ng mga bagong matutularan,

“Walang uusbong Bayani
kung ang pagbabago ay
dinadaan nalang sa dasal.”

Tag-ulan at Tag-araw ng Magsasaka


I
Marso at sabik na bumalik sa syudad
ang mga estudyanteng nag-aaral
sa kanayunan naghahanap ng mga ilaw

gayun din ang mga kabataan
na nangulila sa magaan na hangin
at hapon pinagkait ng mga gusali,

mabilis lang nila madadaanan
ang mga magsasakang nakayuko
sinasabay ang pagtanim

at pagdasal para sa mabuting ani
sa pagdating ng Kapistahan ng Santo.

II
Wala nang pumapansin sa putik
gumagapang hanggang sa kanilang
tuhod habang naghahanap

ng susunod na mapag-uutangan
para mapalitan ang lumang payong
ng kanilang estudyante sa bahay,

pagtapos ng ani sa katapusan ng
Septiembre saka sila mabibilang
sa mga araw, kasama ang mga

taga-syudad, bago sumapit
ang mas mabuting ginaw ng Pasko

III
Ang mga panahon sa taon
ng magsasaka ay hindi tulad

sa lungsod, ang buhos ng ulan
ay walang pinagkaiba sa tirik ng araw

kaya ang oras at buhay sa nayon
ay halos hindi rin umuusad.

Hindi Nakasulat sa Papel


Apatnapung taon
na ang nakalipas
noong idiniklara
ang mahabang
dekada ng dilim
pero hindi
pa rin natatapos
ang debate sa
mga nangyari.

Baka matapos
ang mga pagtatalo
dahil hindi na pwedeng
ipahayag ng malaya
ang iyong opinyon
sa mundong virtual
pero para naman
ito proteksyonan
nating lahat.
“Narinig ko na rin
yan minsan,” sabi
ng aking Tiyo, “Noon
bata pa ako, apatnapung
taon na ang nakalipas”

Nakakatuwa dahil
pagkalipas ng apatnapung
taon, estado pa rin
ang nagsabi na buhay pa
ang mga paniniwala at
dapat masugid na
binabantayan
kahit hindi nakasulat sa papel.

Kabayanihan ni Lapu-Lapu


Sinasamba dahil unang
tumanggi sa banyaga.
Tinalo ng kanilang baranggay
ang hukbong may damit
na bakal at pinatay ang
Kastilang muntik nang
umikot sa mundo.

Ang madalas ibawas sa kwento;
habang pinagtatangol ang isla ng Mactan
nakapagsimba na ang mga tao sa Cebu.
Ang kabayanihan ni Lapu-Lapu
ay naging mainam na modelo:
ilagay sa pedestal ang isang bayani
para mapagtakpan ang isangdaang
nagkompromiso.

Dinamiko ng Panitikan


Mahal, magunaw man ang mundo
binabasa mo pa rin ang
napili mong libro,
tila wala ng lugar ang
mga biro ko na
naririnig ng buong klase
sa nilikha mong uniberso.

Mas nakakabihag ang iyong mga mata
kapag may inaatupag, sa wakas
hindi mo malalaman na hindi ko tinigilan
ang pagnakaw ng panandaliang tingin.

Habang inaaliw mo ang sarili sa libro
saka dumating sa akin ang dinamiko
ng panitikan, ilang daangtaon nang
pinag-iisipan ng mga pilosopo:

Magugunaw ang tao sa kapayakan ng
mundo; ang bato ay hindi pwedeng
bato lamang. Dapat maging luha ng
isang diwatang nagluluksa
hangang nabuo ang kalawakan.
Kailangan ang mga mito at bugtong
para manatiling matino ang mga tao,

kaya iingatan ko parin ang ating
kwento kahit gaano man pait,
pagkat sa araw na ito’y aking kalimutan
tila magiging malinis na ang hangin
pero wala nang makakadaan sa aking dibdib.