Pisay (2007) at Ang Paghubog sa Mga Totoong Intelektwal


Higit sa lahat, ang Pisya ay isang kwentong hayskul: naive, nostalgic sa punto ng pagiging idealistic, nakaka-kilig, etc. Pero sa ilalim nito isa rin itong imbestigasyon sa kung ano ba talaga ang posisyon ng isang bata, isang estudyante, isang intelektwal sa kanyang lipunan at panahon na ginagalawan. Ang pelikula ay tinatalakay ang buhay hayskul ng walong estudyante na nakapasok sa Philippine Science Highschool noong 80’s, patapos na ang Martial Law. Binase ito ni Aureous sa mga ka-batch niya mismo.

Hinati ang kwento sa apat na taon ng hayskul. Noong freshmen year, ang focus ay sa relasyon ni Rom, matalino pero mahirap at ni Wena, anak mayaman. Tindera ang nanay ni Rom habang OFW ang tatay sa Saudi, malaking tulong ang scholarship at stipend ng Pisay sa kanya. Si Wena, anak ng importanteng tao (malamang isang cronie ni Marcos) at taga-Negros (malamang haciendera). Mahilig siyang masulat ng mga kwento at mga tula pero hindi pinayagan mag-aral sa Philippine High School of the Arts, masyado raw malapit sa mga rebelde. Usual na problema, love over studies. Sophomore year, nakatuon ang kwento kay Mat, probinsyano, taga-Cebu. Magulo ang buhay dorm, halos niya lang maplantsa ang uniporme, may mga bully pang roommates. Nagkaletse-letse na ang grades ni Mat. Malaki ang pressure sa kanya, hindi lang ng pamilya kundi ng buong kumunidad.

Third year, kwento na ni Liway at Andy. Si Liway, may lahing katutubo, aktibo ang tatay sa kilusan, magaling sumulat (EIC ng school paper kasama ni Wena), matinik sa social science pero mahina sa chem. Si Andy, applicant for officer sa CAT ng school, matinik sa chem pero mahina sa social science. Habang lalong umiinit ang sitwasyon sa labas ng skwela, nagtulungan sila para parehong makapasa. Pagkatapos ng taon, umalis na si Liway. Lastly, senior year, malapit na silang gumaduate, kailangan science or applied science course ang kukunin kung hindi babayaran ang lahat ng gastos ng Pisay. Hindi matanggap ni Euri kasi gusto niya mag-aral ng theater. Gamit ang talento at sa tulong na rin ng ilang prof, sumulat siya ng isang dula para banatan ang sistema na kinaroonan nila. Tinawag niya ang Pisay na isang ‘Manukan’ kung saan hinuhubog lang ang mga estudyante para i-pagsabong sa isa’t isa. Natural, sinensor ang play. Kaya tinanghal nila ito sa kalsada. Hanggang sa sumali na sila sa EDSA People Power, nag-graduate at mas nakilala ang mga sarili.

-0-

Ang Pisay ay mas isang critique kesa isang tribute sa PSHC at pati na rin sa sistema ng edukasyon sa bansa. E ano ngayon kung ‘the best of the best’ ang mga estudyante? Isa ba itong garantya na magiging mabuti siyang mamayan? Kung iisipin ang mga taong nakagawa ng pinakagrabeng pinsala sa kasaysayan ng mundo ay yung pinakamatatalino.

Malaki ang pagpapahalaga ng mga Filipino sa Edukasyon. Nakatatak sa kamalayan ng mga tao ang mga kasabihan na “kabataan ang pag-asa ng bayan” at “edukasyon lang ang yaman na hindi mananakaw”. Nilalagay ang sa frame ang diploma, graduation picture, awards, certificates, medals. At hindi lang nilalagay kung saan-saan, dapat sa sala para makita ng mga bisita. Dahil sa hirap ng buhay at sa kakulangan na rin ng matinong suporta galing sa estado, ang edukasyon ay isa nang pribelehiyo hindi isang karapatan. Tulad sa pinakita sa Pisay, ang mabuting edukasyon ay mabuting investment. Kaya hinati ang klase sa dalawang pangkat, yung magagaling at mga kulelat at ang gustong gawin ng admin ay i-focus pa ang efforts sa mga magagaling. Sa panahon na magrebelde ang mga estudyante, laking dismaya ng mga teachers kasi ‘sayang ang talino’ nila. Ito ang edukasyon sa bansa; tinuturuan kang magsulat, magbasa, magbilang, pero wag ka nang tanong sundin mo na lang ang kung ano ang dapat. Kung sinunod ito ng mga kabataan noong Martial Law, malamang hindi nangyari ang EDSA.

-0-

Tapos na ang Martial Law at EDSA, ano ang gustong sabihin ng Pisay? Marami. Malaki ang inimprove ng sitwasyon pero may kahirapan pa rin, human rights violations, pagkukulang sa serbisyong sosyal. Ang mga estudyante ng Pisay ay produkto ng panahon nila. Namulat sila dahil sa mga malawakang rali, pagpatay kay Ninoy, etc. E, ngayon, wala na ang mga ito.

Kaya nandito ang Pisay para ipakita na mas kailangan maging kritikal ng mga estudyante dahil sa dali ng buhay ngayon. Kailangan baguhin ang pananaw na ang edukasyon ay para lang mapabuti ang sariling kalagayan at madalas ng pamilya. Nag-aaral ang mga tao para makatulong sa kanyang lipunan, kaya nga pinaggagastusan ng estado. Kung mauunawaan ng mga tao ito, malaking pagbabago siguro ang makikita sa ugali ng mga taga-Pisay o UP o kahit sinong may pinag-aralan. Ang totoong intelektwal ay hindi lang alam ang mga tamang sagot kundi alam din kung ano ang mga tamang tanong. Matutunan mo lang yan sa labas ng klasrum, at marahil sa loob ng sinehan sa mga pelikula tulad ng Pisay.

Gasgas na ang geist ng pelikula, “follow your dreams, break the rules, love your country, love yourself”. Pero kailangan itong sabihin ulit sa simpleng dahilan na iilan na lang ang gumagawa nito ngayon

.
photo credits: http://en.wikipilipinas.org/images/e/e7/Pisay.jpg

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s