Araw ng Mga Buhay


SA bayan ni Aling Zelda hindi nila pinagdiriwang ng Halloween.

Walang mga batang nagdadamit ng makukulay, nakakatakot, at malilikhaing mga costume. Pagkatapos ay pumupunta sa bahay-bahay para humingi ng kendi. Alam ng mga tao ang tungkol dito dahil nakita nila ito sa mga palabas, pelikula, at mga litrato. Ang mga may-kaya at panahon ay unti-unti na itong ginagawa. Pero kahit wala kang costume party na pupuntahan, hindi ka pa rin mahuhuli sa selebrasyon. Makikita sa telebisyon at maririnig sa radyo ang mga kwentong kababalaghan. Ang mga dating haka-haka, sa loob ng ilang araw ay nagiging balita.

Parang naging bata ka ulit dahil sa mga aswang, tikbalang, at multo. Hindi sangayon ang simbahan sa mga kakatakutan na ito. Takot ang pananampalataya sa hubad nitong anyo. Ang araw ng mga patay ay dapat dinadaos kasama ang pamilya at sa pagdadasal, ayon sa mga pari.

HINDI pa naluluto ang sinaing ni Aling Zelda ay maliwanag na sa labas ng bahay. Malapit nang matapos ang taon. Pagkatapos niyang magkape ay umalis na siya. Iniwan niya ang dalawang niyang binata. Tutulong ang mga ito sa pagbenta ng bulaklak malapit sa sementerio sa kanilang lugar. Halos wala ng mga sasakyang dumadaan sa kalsada pero nakasakay din siya agad ng jeepney papuntang syudad ng Iloilo.

Wala pang tao sa memorial park. Mainam na oras para siguraduhing maayos ang lote ng kanyang mga kliyente. Isa lang sa maraming pinagkakakitaan niya ang pag-maintain ng mga dalawangpung lote sa sementeriong hindi nakakapatong-patong ang mga patay. Apat na beses sa isang taon niya itong pinupuntahan at inaayos. Minsan kasi, bumibisita ang mga kamag-anak kahit hindi araw ng mga patay. Isang libo kada taon ang bayad sa kanya. Kalahati dito pambayad sa inutang na bermuda grass. Ang ibang trabaho ni Aling Zelda ay paglalaba at pagluluto sa karinderya. Tuwing araw ng mga patay ang pinakamalaking kita niya.

Binati siya ng guardiya na kinaibigan na niya. Memoriado na niya ang lokasyon ng mga lote. Ang ilan magkakalapit pero karamihan malalayo ang agwat. Meron ng mga iilang mga bumibisita sa kanilang patay. Wala namang pumipilit sa mga pamilya na palagyan ng bermuda grass ang kanilang lote. Hindi ito sakop sa renta sa memorial park. Pero wala namang gustong payak ang libingan ng kanilang mahal sa buhay habang berdeng-berde ang mga katabi nito. Kinuha niya ang mga supot at layang dahon kung meron man.

May nag-text sa kanaya. Di kilalang numero. “Aling Zelda, si Peter po ito. Mamayang hapon pa ako makakapunta sa Iloilo. Mga alas siete na ako darating diyan. Pwede niyo po ba akong hintayin?” Siempre naman, isip ni Aling Zelda, alangan naman hindi kita singilin. Alam na ni Aling Zelda kung mga anung oras dumadating ang mga bisita. Naghihitay naman siya matapos magdasal ang pamilya bago singilin ng bayad para sa taon na iyon.

Nag-reply siya, “Walang problema iho. Hihintayin kita.” Tumingin siya sa kalsada sa labas at konti lang ang mga sasakyang dumadaan. Pero karamihan ay tumitigil sa sementerio.

MGA alas siete nang dumating na si German Salinas sa puntod ng kanyang asawa. Puti na ang buhok nito at kubkob ang likuran pero naka-formal na damit. Puting polo at itim na pantalon. Ang dala niyang bulaklak ay hindi pang patay. Isang dosenang rosas at walang kandila. Hindi nagdadasal si German. Lumapit si Aling Zelda, at nang makita siya ay ngumiti ang matanda.

“Kamusta ka na Zelda?” tanong nito saka nilabas ang pitaka. “Magkano nga ulit akin?”

“Isang libo ho,” sagot ni Aling Zelda, “Ang aga niyo po ah.”

“Ah oo. Di ka na nasanay sa akin.” Binigyan niya ng isang libo’t dalawang daan si Aling Zelda. Ngumiti si Aling Zelda. “Mamya pa siguro darating ang mga anak at apo ko. Alam mo naman pag may maliit na bata. Hindi ka na pwedeng gabihin at hindi rin pwedeng umalis nang maaga.”

“Oo nga po,” tinago ni Aling Zelda ang pera at umupo kasama ang matanda. Nakalagay sa lapida na limang taon nang patay ang maybahay nito. “Parang aakyat lang kayo ng ligaw ah?”

Tumawa ang matanda. “Mga binata lang ang nanliligaw. Kapag umaayos ang mga kaedad ko ng ganito, parang routine na lang yan.” Ngumiti si Aling Zelda habang pinagmamasdan ang ganda ng mga bulaklak. “Hindi niya ako binabalik sa aking pagkabata pero hindi niya rin ako binabawasan ng dahilan para mabuhay. Alam mo yan, may asawa ka rin.”

“Oo nga po.”

“Sakit pa rin ba sa ulo ang bana mo?”

“Hindi na po ngayon.”

“Mabuti naman kung ganun.”

Ngumiti ulit si Aling Zelda. Nang makilala niya ang kanyang asawa ay sinabi nitong nagpapaganda ito ng mga patay. Akala ni Aling Zelda ay biro lang. Nagpaalam siya kay Sir German at umalis. Malungkot ang kanyang ngiti.

MATAAS na ang araw nang makita ni Aling Zelda na may tao na sa puntod ni Javier Francisco. Dalawang batang lalaki, isang dalaga kasama ang kanilang nanay. Matagal nakatayo si Aling Zelda bago siya pinansin ng babae. Nakatingin lang ang mga bata.

“Good morning po ma’am…” sabi ni Aling Zelda.

“Ay pasensya na ho…” sagot ng babae, tumalikod at naglabas ng cell phone. Tahimik na nakatingin ang mga bata.

“Ma’am, ako ho ang umaayos ng bermuda grass niyo…”

Nagulat at humarap agad ang babae. “Dyosko! Akala ko humihingi kayo ng abuloy. Nagtaka nga ako bakit wala kayong dalang sobre!” tumawa ang babae at naging maamo ang mukha nito. Ngumiti rin si Aling Zelda at ang mga bata.

“Hindi ko rin nga po kayo kilala eh. Kaano-ano niyo po si Ma’am Tina?”

“Ah, bale bayaw ko siya. Mga pamangkin niya ang mga ito.”

“Babayaran niyo po ba ang bermuda?”

“Yun nga ang problema. Wala akong dalang pera. Pwede po bang sina Ate Tina nalang singilin mo?”

“Ayos lang po yun.” ngiti ni Aling Zelda, “Sige po mauuna muna ako.”

Umalis siya at pumunta sa ibang kliyente. Dumarami na ang pumapasok na sasakyan at taxi sa memorial park. Nakita niya ang tinutukoy na mga humihingi ng abuloy. May mga babaeng may dalang sobre. Meron ding matandang lalaking bulag, inaalayan ni isang bata. Sinubukan ni Aling Zelda pagmasdang maigi ang ayos ng mga tao. Hindi naman magagarang damit ang suot nila. Karamihan nga wala pang alahas. Hindi naman sila espesyal. Hindi naman sila matatangkad o iba ang kulay ng mga balat. Mga taong makikita mo araw-araw. Naiintindihan niya ang mga sinasabi nila pero parang hindi niya lubos maunawaan. Ang kanyang suot na t-shirt ay may mukha pa ng kandidato, pero maputi naman at malinis. Hindi siya mukhang pulubi pero iba siya. Sintunado tignan ang lugar na to kung nandoon siya.

ORAS na ng tanghalian pero hindi nabawasan ang mga tao sa sementerio. Ang iba nagdala ng mga tent, mesa at mga upoan. Nagbaon na rin sila ng tanghalian at nagpicnic ang pamilya at kamag-anak. Sa mga walang dalang pagkain meron ding mga kiosk na nagbibenta ng orders ng kani-kanilang restaurant. Matagal ding pinagmamasdan ni Aling Zelda ang mga naggagandahan at naggagwapuhang mga empliyado. Nakauniporme na nagde-deliver ng pizza sa mga tao. Halos lahat ng kliyente niya ay nakabayad na. Gagabihin pa rin siya dahil kay Peter. Dahan-dahan na niyang nalalasahan at naaamoy ang pizza sa pagtingin pa lang. Nagpasiya siyang bumili.

Masayang nagkukwentuhan ang mga empliyadong sa kanilang pwesto. “Ate, gusto niyo po ng pizza?” mabait na tanong ng isa. Masama ang tingin na parang supervisor, may suot na ibang uniporme. Humingi siya ng dalawang hiwa at nang maiinom. Nagbayad siya ng isang daan at halos wala ng sukli. May tatlong tagasilbi, dalawang lalaki at isang babae. Ang isa ang nagbabalot ng pizza, ang isa ang bahala sa inumin, ang babae ang tagasukli.

“Nakabisita na ba kayo sa patay niyo?” tanong ni Aling Zelda.

“Mamya pa siguro manang.” sagot ng isang lalaki.

“May trabaho pa eh,” dagdag ng babae, “Kayo ho? May binisita ba kayo dito?”

“Mukha ba akong may patay dito?” Biro ni Aling Zelda. Tawanan. Sumali na pati ang supervisor.

“Ano po ginagawa niyo dito?”

“Naniningil. Ako ang nagme-maintain ng bermuda grass sa ilang puntod.”

“Ah…”

“Hindi ba nagtampo mga pamilya niyo na may trabaho kayo ngayon?” tanong ni Aling Zelda sabay kagat ng malabot at mainit-init pang pizza.

“Siempre. Isa pa araw naman to ng mga patay hindi ng mga buhay. Hindi naman nagsusumpong ang mga patay, di ba?” Tawanan.

“Oo nga naman. Sige. Salamat sa pizza. Wag kalimutan na bumisita sa patay ha.”

“Wala naman po sila ibang pupuntahan eh!” ang supervisor na ang nagbiro.

Tawanan ulit. Buhay na buhay.

Nagtinginan ang mga tao sa kanila, nalilito, naiinis.

BUONG maghapon na walang ginawa si Aling Zelda.

Mataas ang araw at tinatamad ang lahat gumalaw. Halos mawala na ang mga anino. Nakaupo siya sa ilalim ng isang puno malapit sa chapel ng sementerio. Wala ng tao ang chapel ngayon. Kaninang umaga ay nag-ikot ang isang pari para dasalan ang kaluluwa ng ilang bisita. Sa labas ay lumulutang ang ilang lobo na iba’t ibang kulay at hugis, nangaakit ng ilang bata. Meron ding nagbibenta ng fishboll, mais at kung anu-ano pang kakanin. Hindi sila pinapasok sa memorial park.

Masigla ang paligid pero tahimik ang araw ng mga patay ngayon ni Aling Zelda. Sa harap niya ay may isang pamilya na may kanya-kanyang ginagawa. Ang nanay ay nagliligpit ng kanilang pinagkainan. Ang binitang anak ay nakatingin sa kawalan habang nakikinig sa earphones. Ang dalawang nakakabunsong anak ang nag-aagawan sa tablet. Parang komputer na wala ka nang dapat pindutin. Nakita na ito ni Aling Zelda sa telebisyon. Sinusubukan ng tatay na mag-idlip.

Dise-nuebe lang si Aling Zelda nang makilala si Rolando, apat na taon ang tanda sa kanya. May bayle sa baranggay nang nangayaw ito sa kanila. Sa ilalim ng matitingkad na ilaw at malakas ng musikang tekno, niyaya niya ang dalagang Zelda para sa isang sayaw. Nagkakwentuhan sila pagkatapos, tinanong niya kung ano ang ginagawa nito. Nagpapaganda ako ng mga patay at buhay, sabi ni Rolando. Nalito si Zelda. Nag-aayos ako ng mga puntod, paliwanag ng binata, para magmukhang maganda ang mga patay at para hindi gaanong malungkot ang mga bibisita sa kanila. Tawanan.

Sa mapaang na gabing iyon sa bayan ng Tigbauan, naramdaman ni Zelda na tila umangat ang kanya mga paa mula sa kanyang mga tsinelas. Naging madalas ang pagbisita ni Rolando. Hangang sa namamasyal na sila sa syudad. Minsan din silang nag-date sa memorial park mismo. Iyon na siguro ang pinakamatamis na alaala ni Aling Zelda sa kanyang pagkadalaga. Mamasyal sa isang malinis at tahimik na lugar, maraming tao pero hindi ka nila binabantayan. Pagkatapos ng isang taong pagsasama bilang magnobya, nagpakasal sila.

Nang tumagal, nalaman ni Zelda na malakas palang uminom si Rolando. Madalas, pag lasing ito ay binubugbog siya. Kung hindi lang siya iniwan ng kanyang asawa, may kausap sana si Aling Zelda ngayon.

WALA pang alas sais ay madilim na. unti-unti nagsiuwian ang mga tao. Nagugutom na ulit si Aling Zelda pero nagligpit na rin ang mga kiosk. Mabuti nga, isip niya. Alas sais imedya nang dumating si Peter sa puntod ng kanyang lolo’t lola. Nagsindi lang ito ng isang kandila at mabilis na nagdasal. May dala itong malaking knapsack at hindi man lang umupo. Tinawag niya kaagad si Aling Zelda.

“Kanina pa po ba kayo?” hindi na pinansin si Aling Zelda ang tanong at ngumiti. Agad nilabas ni Peter ang bayad.

“Ay sobra ho.”

“Sige na po. Dyan na lang.”

“Ay salamat Peter. Ano ba nangyari sayo?”

“Sa Capiz pa po ako galing.”

“Ano ginawa mo doon?”

“Doon po kasi pamilya ng nobya ko. E sabay kaming pumunta doon galing Maynila.”

“Magpapakasal ka na ba?”

“Nag-iipon pa ho. Pero sana malapit na.”

“Mabuti naman kung ganoon. Dito na kayo sa Iloilo para may kasama ka dito.”

“Plano nga ho namin sa Maynila pa rin tumira e. Pero hindi pa talaga namin napag-uusapan.”

“Lahat nalang kayo umaalis. Wala nang bibisita kina lolo’t lola niyo. Kamusta sina Ma’am Gloria?”

“Ayun. Enjoy sa mga apo niya sa Arizona.”

“Mabuti naman kung ganoon.”

“Pasensiya po talaga. Hindi pa kayo siguro nakabisita sa patay niyo no?”

“Ayos lang yun. Mamya na.”

“Perwisiyo talaga ako. Gagabihin tuloy kayo.”

“Pabayaan mo na. Isa pa, ang mga may masarap na buhay lang naman ang takot gabihin sa sementerio.”

SINIGURADO ni Aling Zelda na ligtas ang pera niya sa kanyang bulsa saka umalis. Nagpaalam siya sa guardiya na sa Disyembre na niya makikita ulit. Wala na rin ang mga sasakyan at mga nagbibenta. Pinalitan na ng amoy ng naagnas na mga bulaklak at natutunaw na kandila ang simoy ng bagong gupit na damo na namamayani kaninang umaga.

DUMIRETSO si Aling Zelda muna sa sementerio bago umuwi sa bahay. Marami pa ring tao at ang mga kandila lang ang nagbibigay ng ilaw sa lugar. Maraming mga tapulin may nakasulat sa pasukan na may nakaemprenta na mga paalaala sa mga tao. Bawal ang sugal. Bawal ang alak. Bawal ang matutulis na bagay. Bawal magkalat. Meron pang pangalan at mukha ng mga taong hindi niya kilala, parang mga aparisyon sa kwentong kababalaghan sa telebisyon.

Nasa ikatlong palapag ng mga nitso ang kanyang asawa. Nagpatulong siya sa mga bata na magtayo ng kandila sa harap ng lapida nito. Kahit papano ay may bulaklak din ang kanyang asawa. Nag-text ang mga anak niya na aalis sila para pumunta sa bayle ng baranggay. May pagkain sa mesa at meron pang suman galing sa kapitbahay. Dalawang taon nang patay ang kanyang asawa dahil na sagasaan ng bus. Matutuwa sana itong malaman na may mga memorial park na sa labas ng syudad. Hindi na nila kailangang bumyahe ng matagal.

Habang nakatayo, may bumati kay Aling Zelda, ang isang kapitbahay, “O, Aling Zelda, kakarating niyo lang?”

“Oo, galing pa akong syudad. Naningil pa ako.”

“Ah, ako tinamad ako kanina kaya ginabi. Ang init. Wala naman akong payong.”

O tent, isip ni Aling Zelda. Sino ang gusto magtagal sa lugar na to?

MASAYA si Aling Zelda sa araw na to.

Gusto na niyang magpahinga nagbihis siya at naalala na may pasok na ulit sa Lunes malapit nang maubos ang bigas nila maganda sana kung may maitabi siya para sa noche buena nahilo nalang siya sa kakaisip nalasahan na niya ang suman sa mesa sa pagtingin pa lang nito hindi na niya maalala kung kailan siya huling kumain ng suman pinagpaliban niya lang muna ang mga problema parang tumamis din ang kanyang hapunan dahil sa kakaisip ng suman na panghimagas dapat parating nasa mas maliwanag ng dako ang pagtingin sa buhay, sabi minsan ni Rolando nang hindi naka-inum mahalaga ang kanilang trabaho sila pa nga siguro ang pundasyon ng lipunan wag na masyadong magreklamo at magpasalamat nalang sa mga biyayang natatanggap buhay sa hubad nitong anyo wala kang kawala…

Philippines All Saints Day
photo credits: http://therecord.blogs.com/.a/6a00d8341c465d53ef010535c4d5d9970b-pi

One thought on “Araw ng Mga Buhay

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s