Hell Week


Do you remember still the falling stars
that like swift horses through the heavens raced
and suddenly leaped across the hurdles
of our wishes—do you recall? And we
did make so many!

Rainer Maria Rilke, Falling Stars

GUMISING ako mga lampas alas-nuebe ng umaga sa dorm. Araw ng Sabado at huling araw namin sa pagtira sa freshmen hall. Bukas pa naman siya hanggang Martes, pero ngayon na ako uuwi sa amin. Pagbalik namin sa Miag-ao sa Hunyo, upperclass na kami. At kung ano man dapat ibig sabihin nun. Hindi na nga ako nakapagbihis ng damit pangtulog. Pati medyas ko hindi ko na hubad. Ang pantalon kong may konting putik pa. Natural nadumihan ang bed sheets ko. Di bale. Ipapalaba naman ang lahat ng ito pagdating sa bahay. Mataas na ang araw sa labas.

Pagbalik ko sa dorm kagabi lampas alas-onse na. Buti nga naisipan pang papasukin ako. Maingay sa loob at nguminginig ang salamin na pinto dahil sa lakas ng sound system sa lobby. Hindi na ako nakisayaw sa mga dormmates ko. Humanap nalang ako ng mauupoan at pinagmasdan ang lahat. Pagpumasok ako sa kwarto, titingala rin lang ako, mabuti na to. Isa pa, hindi lang naman ako ang mas piniling panoorin nalang ang mga sumasayaw. Halos sampung buwan din akong nakatira dito pero hindi makakalahati ang mga kilala ko. Hindi ko nalaman ang mga kurso nila, kahit pangalan ng karamihan. Pumasok ako sa isang dagat ng mga masasayang mga mukha, nagtampisaw ng konti, at muling aalis sa parehong dagat ng mga mukha.

Di nagtagal nahanap din ako ni Edmund. Pawisan at tuwangtuwa, inabutan agad ako ng isang plastic bottle ng “juice” di umano ang laman. Hindi ko nakita ang kulay ng “juice”, pabago-bago ito kasabay sa ilaw ng disco lights. Pag-inom ko, lasang juice nga, strawberry pa yung flavor, pero may sipa. Lumapit siya sa tenga ko at tinanong, pasigaw, “Saan ka galing?!” Nag-isip muna ako. Hindi ko sinigaw ang sagot ko kaya hindi rin narinig. Pinabayaan nalang ako at bumalik sa sayawan. Sabi ko, “Nakakita rin ako ng bulalakaw pero kung kailan hindi na ako naghahanap.”

LUNES nang gabihin ako sa boarding house ng isang kaklase. Tinapos namin ang isang written report ng isang presentation sa klase namin sa Envi Sci. Mga 10:30 na kami nakatapos pero pakiramdam ko maaga pa. Huling linggo na lang ng klase para sa second sem. Karamihan ng mga exam at deadlines dito pumapatak. Lahat ng estudyante (o karamihan sa kanila) subsob sa mga gawain. Hell week ika nga. Sinuot ko na ulit ang knapsack ko, at lumabas kami sa boarding house. Medyo liblib ang boarding house na parang hindi naman. Mga sampung minuto ang lalakarin para makarating sa pinakapulotong ng mga dorm at boardng house, kabilang na ang tinitirahan ko. Wala sanang problema ang maglakad. Kaso magkakalayo ang mga street lights, at sa isang side lang ng kalye. Wala ka ring masyadong madadaanan maliban sa football field, mga puno, at ang seradong covered court. Ang pagkapayak at tahimik ng lugar na to ay nakakatakot kung mag-isa ka.

“Okay lang yan, Alan, isipin mo na lang may kasama kang chicks,” biro ni Francis.

“Hatid mo na nga ako, ang lapit-lapit naman eh.”

“Yun nga, ang lapit-lapit lang.”

“Ang problema kung nahatid nga kita. Sino kasama ko pabalik? Ako naman ang dehado nyan.”

Paikot-ikot lang ang pagtatalo namin. Parehong kaming marami pang gagawin kaya bumigay na rin ako. Naka-file naman ako ng late permit. Pwedeng hanggang 12 ako sa labas. Pero kung mag-isa mong tatahakin ang tinaguriang lover’s lane, babahain ang isip mo ng kung ano-anong kalokohan at kababalaghan. Nakakapraning.

IMG_2079

NAKAKATAKOT na nga mag-isa, ano pa kaya kung may makasalubong ka? Kung grupo, malamang mapagkakamalan kang weirdo. Aakalain ko rin naman silang mga adik. Malamang mga estudyante din na kumain sa mga karinderya. Kung magkasintahan naman, medyo awkward. Iba yung dating pagmakita mo ng malapitan ang dalawang tao na sinasamantala ang kadiliman. Wala naman silang dapat ikahiya, wala naman pakialaman sa unibersidad. May sariling pag-iisip na rin sila. Pero iba pa rin ang dating ng dilim sa magkasintahan. Nagbabahagi sila ng isang bagay na mailap, kaya ba dapat itago? Kaya siguro ang linya na naghihiwalay sa ingit at pag-ibig ay hindi malinaw.

Pero ang naranasan ko ng gabing iyon ang pinakadiskomportable sa lahat; naglalakad akong mag-isa at may nakasalubong akong nag-iisa din. Malayo palang halata nang babae ang makakasalubong ko. Babae, naglalakad mag-isa, halos alas-onse ng gabi, isang puta agad ang pumasok sa isip ko. Hindi naman ako nasa syudad kaya malabo. Mas dapat nga syang hindi nasa labas kasi sa Miag-ao kami. Ang sexist ko palang tao. Ang sunod na pumasok sa isip ko, aswang. Nalaman kong hindi lang ako sexist, saksakan pa ng sexist, ignorante, at gago pa. Walanghiya. Hindi mo naman ako masisisi. Ano naman kaya ang tumatakbo sa isip niya? Isang lalaking naglalakad ng dis-oras ng gabi, mag-isa. Psychopath? Magnanakaw? Holdapper? Rapist? Habang lumalaki tinuturuan tayong pagnasahan ang membro ng kabilang kasarian pero tinuruan din tayo katakutan sila. Walanghiya. Nilabas ko nalang ang cellphone at kunwari nagte-text. Hindi tumatanda na diskarte.

Tinuloy ko lang ang palabas ko, meydo binilisan ko rin ang paglakad. Napahinto ako nang marinig ang boses na matagal-tagal ko ring hindi na pakingan, “Hoy Alan, ba’t ba parating may lakad tayo pag nagkikita?” Nablangko ang ulo ko ng mga sampung segundo. Saka lang ako naniwala na si Emily ng ang nasa harapan ko. Ganun pa rin ang porma niya, pero wala yung gitara. “Anong nagyari sayo?” pautal-utal kong tanong.

“Wala naman. Ikaw, anong meron?”

“Alam mo bang nangyari sa akin?”

“Ewan. Ano naman sakin yun?”

Alam kong dapat akong matakot, magalit, o magdasal. Pero hindi pa rin nagsink-in sakin na si Emily ang kausap ko. Hindi nangyari ang mga dapat kong maramdaman. Nakalimutan kong lahat na yon. Pati yung mga kailangan kong gawin sa dorm, nakalimutan ko rin.

“BALE,” sabi ni Edmund, “Monday night pa lang, nagkausap na kayo?”

Tatlo kami ni Arthur ang kumakain ng almusal. Maraming estudyante ang nag-iiwan ng mga kahon o bag ng kanilang gamit para sa bakasyon. Karamihan mga taga-dorm din, karamihan taga-freshmen hall. Halos tanghali na pero hindi pa rin kami nakapagsimula ng pag-aayos ng mga gamit.

“Oo,” sagot ko, “kaya nga ako ginabi.”

“Bakit hindi mo yata na mention sa amin?” tanong ni Arthur habang may inaasikaso sa cellphone.

“Baka pagtawanan niya lang ako.”

Pinilit ni Arthur pigilin ang ngiti. Nakatingin si Edmund sa TV ng karenderya. Nag-ring ang cellphone ni Arthur, “Teka lang ha, check ko kung makakauwi ako sa amin—hello Ma?” At lumabas para sa makahanap ng mas malakas na signal.

“Ano ginawa nyo?” tanong ni Edmund.

“Nag-usap at nag-stargazing.”

Binitawan ni Edmund ang kutsara at tinidor; pinikit ang mga mata at hinimas-himas ang noo. “Ginagago mo ba ako Alan?” Galit pero tatawa.

NASA gitna kami ni Emily sa football field na “walang katapusan”. Walang mga bakod o upuan, mga ilaw. Bale malaking bakanteng lote lang na nagkataong pinaglalaruan ng mga tao. Dito rin ginagawa ang graduation. Ang pinakaupoan ng mga tao ay nagiging stage din. Marami pang mga hayop tulad ng manok, kambing, at kalabaw ang pinapagala o iniiwan dito.

Gaya nga nang nasabi ko walang ilaw dito. Ang idyllic ng scenery ala painting ni Amorsolo tuwing umaga at hapon ay nagiging wasteland kung gabi, no man’s land ang drama. Nakatsinelas lang ako at agad na nangati sa damo (at sa mga nakatira dito). Nagsinula na rin akong lamukin, nang biglang humiga sa lupa si Emily. Komportableng-komportable siya sa posisyon niya. “Samahan mo ako Alan.”

“Ano ba ginagawa mo?”

“Nag-aabang ng bulalakaw.”

Tinignan ko ang langit at malinaw nga. Wala akong nakitang ulap. Maraming pulutong ng mga bituin na mukhang pamilyar at sigurado akong mga constellations. Hindi ko nga lang alam ang mga pangalan. Tinignan ko siya ulit, “Ano ba ginagawa mo?” tanong ko ulit.

“Nag-aabang nga ng mga bulalakaw.”

Binalewala ko na ang langit at tinitignan siya. Kabaligtaran ang ginagawa niya sakin. “Ano naman ang nakukuha mo?”

“Wala. Pwedeng mag-wish—Ayun yung isa!”

Mabilis akong lumingon sa taas pero di ko naabutan. Ganun pa rin ang mukha ng langit. Pinagtawan niya na ako. Pagtingin ko ulit sa kanya, nakatingala pa rin siya sa langit. “Sabayan mo kasi ako…” Pinagbigyan ko ng ilang segundo at nag-abang din sa langit— “O? Ano ginagawa mo?” Hindi ako humarap sa kanya, “Eh di nagsa-stargazing din.”

“Ba’t ka nakatayo?”

“Eh nakatingin naman ako sa langit ah.”

“Hindi yan stargazing! Dapat nakahiga ka sa lupa.”

Nalito na ako, “Saan mo naman na pulot yan?”

“Basta ganyan yan. Hindi ka makakahanap ng bulalakaw kung nakatayo ka. Masyadong kang desidesido, arogante, aggresive. Dapat relax lang. matatakot ang mga falling stars sayo eh.”

Huminga ako ng malalim, bumilang hanggang sampu. Sinubukan ko munang i-absorb ang mga pinagsasabi niya. “Alam mo ba…” sinimulan ko, mahinahon, “na sinabing mong natatakot ang mga falling stars sa mga taong desidido, inaabangan sila…”

“Na nakatayo.”

“Na nakatayo,” ulit ko. “Pero okay lang magpakita sila sa mga kalmadong tao tulad mo?”

“Na nakahiga sa lupa.”

“Na nakahiga sa lupa!”

“Parang ganoon na nga…Ayun isa pa!”

Lumingon ako pero hindi ko pa rin nakita, napipikon na ako. Gusto kong makakita rin ng bulalakaw kasabay niya. Hindi ko alam kung ano ang dahilan pero gusto kong makakita. Alisto ulit ako sa langit.

“Ba’t mo dinrop ang algebra?” tanong ko.

“Sino bang may sabi na enrolled ako dun?”

“Eh nandoon ka sa klase!”

“Hindi ba pwedeng magsit-in?”

“Sabi mo classmates tayo.”

“Nagsinungaling ako.”

“Bakit?”

“Bakit ka nagagalit?”

“Kasi hindi na tayo nagkita pagkatapos ng hapon na yon.”

“Hinanap mo ba ako?”

“Oo naman.”

“Baka hindi ka ganun ka desidido, hindi mo napagbutihan.”

“Desididong-desidido kaya ako.”

“Baka yun naman, na sobrahan.”

“Bahala ka sa buhay mo.” Nangangawit na leeg ko at nagsimulang maglakad pa puntang dorm. Tinignan ang oras sa cellphone: 11:30. Pwede pa. Pero dapat bilisan, mahirap na.

“Alan!” paglingon ko sa kanya, nakahiga pa rin, nakatingin sa langit, at sumisigaw sa kawalan. “Hindi ka kasi marunong eh! Baka gusto mo akong samahan pag malamig na ang ulo mo. Dito lang ako buong linggo…Ayun isa pa!” Pagtingin ko, hindi ko pa rin na abutan. Bwisit. Mabilis akong nalakad pauwi. Nagmumura sa kawalan.

NANG lumabas kami sa karenderya, tuloy-tuloy pa rin ang mga estudyante kanya-kanyang dala ng mga gamit. Kinailangan pa namin tumabi para makadaan sila. “Kayo, saan niyo iiwan gamit nyo?” tanong ni Arthur.

“Ewan,” sabi ni Edmund. “Hindi pa sumagi sa isip ko. Ikaw Alan?”

“Ewan. Susubukan kong pagkasyahin lahat sa bag. May box din ang electric fan. Ewan ko lang kung paano ko dadalhin lahat sa bahay.”

Dumating kami sa harap ng isang upperclass hall. Marami na ang nag-aabang ng traysikel. Nang dumating ang isa, diskarte naman ang drayber para mapagkasya sa taas ang mga bag at hindi mahulog. “Sama na lang ako sa inyo mamaya papuntang banwa ha. Kukuha lang ako ng pera sa Palawan.” sabi ni Arthur.

“Ikaw Art, saan mo iiwan ang mga gamit mo?” tanong ulit ni Edmund.

“Ewan. Hindi pa kasing pwedeng mag-iwan sa dorm na papasukan ko.”

“Bakit naman?”

“Open pa para sa summer eh.”

“Ah…kailan uwi mo?”

“Sunday ng hapon. May ticket na nga ko eh. Pamasahe na lang papuntang airport.”

“Bakit kasi ang daling magdala ng gamit dito pero ang hirap dalhin ulit sa bahay.”

Para kaming mga palaboy. Hindi tumatagal sa dorm, hindi rin tumatagal sa bahay. Mararamdaman mo na ang init ng tanghali. Hindi pa naman ako nakabihis ng pagtulog. Ang lagkit sa balat. Puyat pa. “Gusto ko lang munang maligo,” sabi ko

“Mam’ya na. Maglalampaso pa tayo eh.”

“Ha? Lintik naman oh.”

“Saan nyo nga pala iiwan ang gamit nyo?” tanong ulit ni Arthur.

“Oo nga Alan?”

“Ewan. Doon na lang kaya sa karenderya?”

“Pwede ba doon?”

“Oo naman. Ang dami na nga nating nakasalubong.Suki naman tayo doon.”

“Baka hindi na pwede mam’ya.”

“Pwede ba yon?”

“Hindi natin nasubukan eh.”

“Eh di balikan natin,” sabi ni Arthur.

ISA lang ang exam noong Martes. Nagkataong pang pangtangahalian ang schedule, 12-2 pm. Ang init, nakaka-antok, ewan. Ala-una palang tapos ko na. Saka lang ako nakakain ng tanghalian ko. Dalawa ang exams ko kinabukasan. Sabi ko kailangan kong mag-review sa hapon para mabawasbawasan ang gawain pagkagabi. Algebra pa naman ang isa, at medyo alanganin pa ako. Pagdating ko sa kwarto, walang tao. Sinubukan kong magbasa-basa pero hindi umubra. Natulog ako, pagkagising ko, tinamad na ako, hinintay ko nalang ang oras ng hapunan. Kung hindi ka sanay mag-aral sa ganitong oras, wala talagang papasok. “Buti ka pa nga,” sabi ni Edmund, “ni hindi nga ako sanay mag-aral!” Tawanan.

Kinagabihan, pumasok na naman si Emily sa isip ko. Nakatanga lang ako sa study table ko ng ilang oras. Kunwari akong nagpapractice ng mga problems pero nasa-isip ko, ‘sana alas-dies na, sana alas-dies na, sana alas-dies na, para hindi na ako pwedeng lumabas, para hindi na ako pwedeng lumabas, para hindi na ako pwedeng lumabas.’ Lumabas ako ng lobby para kumuha ng mainit na tubig. Nakita kong serado na ang pinto. Napakalma ko din ang sarili ko. Wala nang tsansang magkita kami ni Emily. Ni hindi nga ako sigurado na nagsa-stargazing ulit ang siraulo na yun. Nakuha ko ring i-distract ang sarili ko. Madaling araw na akong natulog. Tulog na ang lahat sa kwarto maliban sa aming dalawa ni Hans. Nakahiga na ako sa kama ko at ini-isa-isa ang mga gawain ko bukas. Balik ng libro sa lib, bili ng test booklet, etc. tsaka lumabas si Hans, bitbit ang laptop. Di hamak na mas malakas ang internet sa ganitong oras. Gamit ang braso, tinakpan ko ang mga mata, at sinubukang makatulog. Naisip ko na pwede na palang patayin ang ilaw. Nanibago ang mga mata ko sa dilim. Pagod at may konting kirot nang pilitin kong ipikit. Tumingin nalang ako sa kisame. Sumagi sa isip ko baka may bulalakaw na dadaan. Bwisit.

PAREHO din ang eksena sa harap ng dorm namin. Mga estudyanteng handa nang umuwi. Meron pang mga sasakyan sa sumusundo sa ilan. Nakasalubong namin si Juan, wing representative namin, tapos na ang klase pero marami paring iniisip. “O, kayong tatlo? Napirmahan ko na ba mga clearance niyo?” kanya-kanyang labas, maliban kay Edmund.

“Ikaw Ed?” tanong ni Arthur.

“Naiwan sa loob eh.”

“Kunin mo na. Hihintayin kita dito.” Sabay balik ng mga clearance namin ni Arthur.

“Tinatamad pa ako eh.” Napatingin kaming lahat sa kanya. Si Juan ang may pinakamasama.

WALANG akong exam noong Huwebes. Pagkatapos namin maghapunan Myerkules ng gabi, nagpaalam akong may pupuntahan lang mabilis. Nag-alok pa sina Arthur na samahan ako, tinatamad din silang bumalik sa dorm. Plano ko lang talaga tignan kung nandoon nga si Emily. Hindi ko siya kakausapin, hindi ako makiki-stargazing. Isa pa hindi ako nakapag file ng late permit. Dapat alas dies sa loob na ako.

Wala ulit tao sa lover’s lane. Naglakad–lakad pa ako. Panay ang lingon-lingon. Dahan-dahan pa lang bumilis ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko nangboboso ako. Wala talaga. Masyado yata akong maaga. Buti nga yon, hindi ko na siya kailangan maka-usap. Walang tao sa daan mismo pero natural saksakan ng dilim ang football field. Binantayan ko kung may gagalaw. Wala din. Isa pa wala namang paraan para masiguradong si Emily kung may tao nga. Kung may gumalaw nga.

Pabalik na sana ako sa dorm pero parang bumigat ang mga hakbang ko. Kung gaano ako ka-alisto pagdating ko, ganun ako katamlay ngayon. Pakiramdam ko hindi ako dapat umalis. Bawat hakbang ko, tumitindi ang debate sa utak ko kung dapat ko ba siyang hintayin. Lalo ring bumabagal ang mga hakbang ko. Busog pa naman ako. Para akong masusuka. Narinig ko nalang, “Hoy! Alan! Nakatira ka ba?!”

Tumigil ako at hinahap ng pinangalingan ng sigaw. Walang pagbabago. “Dito ulit ako! Hoy!” Lumapit ako at unti-unting ko nangkita ang korte ng isang taong nakahiga.Walanghiya. Sumigla ulit ang mga paa ko ang di ko na papunta na ako sa kanya. Ang malakas na debate sa isip ko kanina ay natahimik. Pagdating ko sa kanya, tulad parin ang pwesto niya dati. Pagtingin ko sa langit, maliwanag pa rin naman, pero ngayon, medyo may mga ulap-ulap na. Yung iba maliliit lang habang ang ilan malalapad at makakapal.

“Feeling ko hindi ka pa rin hihiga.”

“Tama ang kutob mo,” sagot ko.

“Musta exams?”

“Ayos naman.”

“Mukhang magka-college scholar ba tayo?”

Naalala ko ang exam ko sa algebra at napangiti. “Mukhang makokontento lang yata ako sa pasado.” Tumawa rin siya, “Wala namang kwenta ang grades, di ba?” patuloy ko.

“Uy, hindi ah. Importante kaya ang grades.”

Nagulat ako sa sagot niya, “Eh hindi naman masusukat ang tao sa grades. Alam naman ng lahat yan eh.”

“Oo, Pero bakit marami pa rin ang nagkakandarapa sa pag-aaral? Importante pa rin ang grades.”

“Ang mga grade,” heto na, sabi ko sa sarili ko, “idenisenyo lang para patakbuhin ang apat na sulok ng klasrum. Alam ng lahat na walang sulok ang mundo.” Pumalakpak siyang mabagal at mahina. Alanganing sarcastic, alanganin compliment.

“Ang angas ah.” Tamawa siya at di nagtagal sinabayan ko na rin, “Pero hindi yun ang point ko. Totoong walang kwenta ang grades sa labas ng kwarto pero nagbibigay pa rin ito ng ugat.”

“Ugat?”

“Parang angkla. It anchors you down, you know. Binibigyan ka ng isang bagay o gawain na dapat mong pagtuunan ng pansin. Hindi importante ang grades dahil nakakasakal sila, kundi dahil karamihan sa atin, ito lang ang meron.”

Nakatingin lang ako sa langit.

“Napanood mo ba yung Himala? Medyo boring ang kwento pero pa-deep siya. Ganyan talaga basta pang export. Basta si Ate Guy pagsigaw niya ng, non-verbatim to ha, mga gago at gaga walang himala, gamitin niyo naman mga kokote niyo! Nagkagulo, nakastampede, dahil pinatay si Ate Guy. Ganun din ang mangyayari pang tinangal mo ang grades. At ang pera, at mga ari-arian, at mga likes sa Facebook at ang magandang mukha ng isang tao. Lalo na kung babae.”

“Paano ka naman nakaksiguro?”

“Kasi hindi ka nag-iisa sa paniniwalang ganyan. Marami nang nauna sayo. Ang iba nilagay sa mga libro ng kasaysayan, ang karamihan, tahimik nalang nawala. Pinagkaiba lang, sa sarili mo lang yan sinasabi mo.”

“Bakit hindi ko sila kilala?”

“Kasi—ah basta. Walanghiya naman, sinusubukan kong mag-relax dito eh. Ang seryoso mo naman.” Pareho kaming tumawa. May sayad talaga ang babaeng to.

“Hindi ako magtatagal ha…”

“Bakit naman?”

“Hindi ako nakapag-file ng late permit.”

“Eh ano ngayon?”

“Dapat sa dorm na ako bago mag alas-dies.”

“Akala ko hanggang alas-dose bukas ang dorm?”

“Oo, pero wala akong permit.”

“Pagkumatok ka doon, lampas alas-dose, pero wala kang permit, hindi ka nila papasukin?”

“Papasukin pero maji-GR ako.”

“Ano ibig sabihin noon?”

“Pasaway. Nasa contract yon eh. May rules, norms.”

“Pagnagka-GR ka nga, anong mangyayari sayo?”

“Baka hindi ka matanggap sa ibang dorms.”

“May dorm ka na ba next sem?”

“Meron na.”

“Eh yon naman pala eh! Ba’t ka pa natatakot ma-GR?”

“Basta ganun yun. Hindi pa kasi akong na-GR, kahit minsan.”

“Ang angas mong magsalita tungkol sa grades pero takot kang ma-GR. Walanghiya ka.”

“Pabayaan mo na ako. Isa pa wala naman sigurong pinagkaiba kung mag stargazing ako ng isang oras imbes na buong gabi.”

“Actually meron. Mas malaki ang chances na mas marami kang makita.”

“Eh ano ngayon?”

“Edi mas masaya.”

“Ewan ko sayo.”

“Remind lang kita. Hindi ka pa nga pala nagsa-stargazing kasi nakatayo ka.”

Tinignan ko siya ng masama, abot tenga ang ngiti niya. “Wag mo nang simulan.”

“Ayun isa!” Badtrip.

“Isa pa medyo maulap ngayon. Di hamak na mas konti ang makikita mo.”

“Okay lang yan. Isipin mo nalang na shades ang mga ulap na yan. Pinapahinga ang mga mata mo. Shades na panggabi. Na hindi baduy.”

PUMASOK kami sa room ni Edmund. Pinaandar niya ang laptop at nagsumulang magpatugtog. Nakaupo ako sa kama at pinagmasdan siyang hatiin ang mga gamit para dadalhin sa bahay at para itatapon. “Anong oras kang nagising noon Huwebes?” tanong niya.

“Mga 6:30 na. nakahiga akong mag-isa sa hagdanan ng grand stand. Grabe yung sakit ng leeg at likod ko. Natural wala na si Emily. Dalawang lalaki ang gumising sakin. Mga hardinero. Dala-dala ang mga gamit nila pang-trim sa damo para sa graduation. Medyo pawisan din ako. Madilim pa sa mga oras na yon. Ang iilang ulap noong gabi ay kompleto nang tinakpan ang langit. Nagpasalamat nalang ako sa mga hardinero at umalis agad.”

“Hangang anong oras kayo nagkwentuhan?”

“Yun nga ang problema, hindi ko maalala.”

“Alam mo ba pinagsasabi mo? Nakatulog kang mag-isa sa grand stand…”

“Kasama ko si Emily.”

“Akala ko di mo maalala?”

“Basta.”

“Ewan ko sayo. Pagnalaman to ni maerts mo patay ka na naman.”

“Wala naman ako pakialam eh.”

“Na-GR ka ba?”

“Wala. Bahala na!” Pinagtawanan nalang namin ni Edmund habang nilalagay niya sa isang plastik ang lahat ng photocopies na nagamit niya simula pa noon unang sem. Marami-rami din.

“Ibang klase,” sabi niya nang mahabol ang hininga, “pang upperclass ang angas mo ah.”

MALAKAS ang buhos ng ulan sa hapon na yon. At dahil doon, naging mabilis ang pagbawi ko ng tulog. Parang hele ang tunog ng ulan sa bubong. Maghapon akong nagkulong sa kwarto. Nakahiga lang. Meron pa akong exam sa literature kinabukasan. Wala ring kwenta i-review ang mga nakalipas na stories at poems na diniscuss namin. Malamang meron lang bagong story at poems na ii-interpret mo doon na mismo sa exam. Bahala na.

Nagising ako sa siesta ko mga 4:30. Kaya pa sanang dagdagan ang oras ng tulog ko pero hindi ko na nagawa. Malambot ang kama ko pero hindi ako mapakali. Parang nalulunod ako. Parang bumabalik sakin ang pakiramdam ng damo at lupa sa balat ko. Imposible. Ibig sabihin napahiga ako ni Emily. Hindi ako sigurado. Hindi ko rin gusto ang ideya na ito. Pinagbigyan din kami ng masamang panahon. Mga alas-siete tumila ang ulan at lumabas kami at nakapaghapunan. Tulad din ng nakalipas na gabi, pumunta agad ako sa field. Umulan pero hindi masyong malamig. Tama lang na umusbong ang init sa lupa. Wala rin namang hangin. Madilim ang langit at paminsan-minsan makikita mo ang mga hugis ng mga ulap dahil sa kildat na tinatakpan nila. Pagdating ko sa field, amoy bagong gupit na damo ang paligid. Maingay din ang mga palaka. Hindi rin ako nakamali dahil dyan pa rin si Emily sa pwesto niya. Nakaputi pa ang buang. Walang pakialam sa putik. Ang bago lang ngayon, dala niya ang gitara.

“Matagal ko rin hindi nakita yan ah,” pambungad ko.

Ngumiti siya, “Mas mangungulila ka dito pag narinig mo siya.” Stargazing sa kulimlim na langit, may gitara, hindi alintana ang putik. Ano naman kaya ang mangyayari ngayong gabi?

“DI ba, nasabi mo misan, gusto mong pag-aralan ang gitara?”

“Oo. Noon,” sagot ko.

“Bakit di mo tinuloy?”

“Wala, tinamad.”

“Hay talaga ngang taga-syudad.”

“Pabayaan mo na yan. Ba’t mo ba dala yan ngayon? Wag mong sabihin magja-jamming ka dito?”

“Hindi. Masyadong tahimik.”

“Maganda nga yon.”

“Anong maganda? Dapat ang musika ginagamit para talunin ang ibang ingay. Hindi para basagin ang katahimikan. Ang katahimikan ay isa ring anyo ng musika. Kung magja-jamming tayo ngayon, tayo ang gagawa ng ingay.”

Heto na.

“So?” tanong ko. “Anong nangyari kagabi?”

“Wala kwentuhan. Medyo pinagod mo ako. Pulitika, moralidad, paggamit ng dahas, karunungan, kasaysayan, kalikasan, Foucault, Lacan, Derrida. Lahat ng bagay na pwedeng magpabango sa pangalan ng isang intelektuwal, tinalakay natin lahat kagabi!”

“Humiga ba ako sa lupa?”

Hindi niya ako agad sinagot. Pansamantala siyang tinigil ang pagtitig sa langit at tumingin sakin. Unang beses niya itong ginawa. Sarcastic. Tinanong ako ng mga mata niya, “Seryoso tol?” sumuko rin siya at sabay namin tinignan ulit ang langit. “Alam mo kung anong nangyari sayo? Nalasing ka sa gabi.” Lumabas ulit ang ngiti. Hindi ko pinatulan. “Ano ba meron sa paghiga sa lupa?” tanong niya.

“Maliban sa madumi sa lahat ng panahon, mas madumi sa ilang pagkakataon, tulad ngayon, mas masama lang, hindi naman masama, basta may naalala lang ako.”

“Heto na. Mas madrama ba yan sa ikinuwento ko last time?”

“Oo, for one thing totoo nangyari to.”

“Ano bang meron sa kanya?”

“Wala naman. Pero iba eh. Pagnag-uusap kami—basta.”

“Hay, ganyan talaga yan. Ang pag-ibig ay walang iba kundi isang magandang kwentuhan na ayaw mo nang matapos. Mabigat pero magaan din. Mahaba pero maikli din.”

“Tama rin.”

“Tanong. Bakit natapos?”

“Wala eh. Wala nang dapat pag-usapan.”

“Emo.” Pareho kaming natawa. Lumiwanag ang buong langit sa isang kisapmata. Sumunod ang malakas na kulog. “Bale ayaw mong mahiga sa lupa dahil sa chicks mo?”

Huminga ako ng malalim. “Basta sabihin nalang natin may mga alaala ng mga partikular na bagay na gusto mo lang sa isang partikular na tao lang—.”

“Nakatali?” dugtong ni Emily, “Ang gulo mo!”

Tawanan ulit. Kumidlat at kumulog na naman.

“Feeling ko dapat na tayo magpasilong sa stage,” sabi ko. “Wala ka namang makikitang bulalakaw ngayon. Ni wala ka nga makitang bituin.”

“Hindi mo ba alam na ngayon ang perpektong pagkakataon—” Wala, dyan na ang ulan, palapit sa amin. “Bilis! Magpasilong ka na! Dalhin mo ang gitara!” Kinuha ko ang gitara at kumaripas ng takbo. Madulas pa ang lupa. Pagdating ko sa stage, nabasa pa rin ako at ang gitara. Agad kong pinunasan ang mga strings. Pagtingin ko, hindi malang gumalaw ni Emily sa kinahihigaan niya. Siraulo talaga. Hindi lang nakuntento sa pagliligo sa ulan, nakahiga pa. Umupo lang muna ako kasama ang gitara. Sinubukan ang ilang notes na tinuro sa akin noong high school. Walang laban ang gitara sa ulan. Pagkalipas ng mga dalawang minuto nag-alala na ako. Baka hindi siya makahinga. Siya ang unang taong nalunod sa ulan kung sakali.

Giniginaw na rin ako. Basa rina ng likuran ng tshirt ko. Bahala na. Iniwan ko ang gitara, cellphone, at wallet ko saka pumunta kay Emily. Tulad ng inaasahan, inalaska agad ako, “O? Ang takot ma-GR sa dorm ay naliligo sa ulan? Mali yata si Elsa nang sinabi niyang walang himala!” Napangiti rin ako. Kahit hindi ko pa napanood ang pelikula. Hindi ko na naalala ang huling beses na naligo ako sa ulan. Noong bata pa ako siguro. Iba ang pagligo sa ulan kesa sa banyo. Wala kang kapangyarihan. Sa banyo ikaw ang may hawak sa tabo, ikaw ay napapaandar at pumapatay sa shower. Sa ulan, wala kang magagawa. Pwede ka lang lumusong or magpasilong.

“Bakit nga pala?” tanong ko.

“Ang alin?”

“Bakit kung kailan walang mga bituin pinakamagandang mag-abang ng bulalakaw?”

Tumawa siya. “Kasi ang mga maiilap na bulalakaw ay nagiging milyon-nilyon na mga patak ng ulan. Hindi mo nga nakikita lahat, pero niyayakap nila ang katawan mo, hinahalikan ang mukha mo.” Hindi ko masyadong gets ang logic pero pinabayaan ko na.

“Ikaw?” tanong niya, “Bakit ka nandito ngayon?”

“Tadaan mo po sinabi ko kanina tungkol sa mga alaala ng mga partikular na bagay kasama ang mga partikular na tao?”

“KORNI mo,” sabi niya sakin, hindi ko na pinatulan. Hindi ko nakuhang magalit sa ulan ng mga bulalakaw.

NAKAUWI naman ako sa dorm. Basa ang buong katawan. Halatang natutulog na si Manong Ronnie nang buksan niya ang pinto. Mga 11:45 to ng gabi. Hindi na ganun kalakas ang ulan. Nagulat siya sa sitwasyon at binalak pang tanungin ako kung ano nangyari sakin. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa, at kinalimutan nalang ang plano. Agad niya ring kinandado ulit ang pinto ng dorm. Malamang inisip niya na nalimpungatan lang siya. May iilang-ilang tao pa sa lobby. Lahat nakaharap sa laptop o libro o handouts. May ilang pinigil ang pagtawa. May ilang nag-alala. Wala naman bumati o kumamusta sakin. Hindi ako kinaya. Naglakad lang ako papuntang room at sinubukang hindi madulas sa sahig. Panagtawanan ko nalang ang mga bulong-bulongan nila. Ang aking sarili.

PAREHO kami ni Edmund na mag-iiwan ng isang kahon ng mga gamit sa karinderya pero marami pa rin dapat dalhin. Pag-iwan namin, halos alas-dose imedya na. Kahit pawisan kami at mababaho, nagtanghalian nalang kami. Pinasunod nalang namin si Arthur. Bagong ligo ang isa, basa pa ang buhok. Hindi maipinta ang mukha niya pagkakita (at pag-amoy) sa amin.

“Hindi man lang kayo naligo?” tanong nito.

“Natural,” sagot ni Edmund, “Bilis bili ka na ng ulam doon.

Konti na rin ang tao sa karinderya. Konti rin lang ang niluto nilang ulam. Pag-upo ni Arthur sa mesa, tinanong ako ni Edmund, “Anong nangyari bago ka bumalik sa sem-ender party kagabi?”

“Ah, hindi ka pa pala tapos magkwento?” pasok ni Arthur, “Ilabas mo na. Para pati yan mawala na sa sistema mo pagkatapos niyong maligo mam’ya. Mga walanghiya kayo kakapit ang amoy niyo sakin eh.”

PAGKATAPOS ng hapunan sa dorm, pasimple akong lumabas. Magte-text lang sandali, yun pala di na magpapakita. May program pa naman ang party. May ilang intermission number daw. Dalawang kakanta at isang sayaw ng mga ka-dorm na mahilig sa K-pop. Hindi na ako nanghinayang, nakita ko naman silang habang nagpapractice. Meron pa raw “dormer awards night”. Yung pinaka sa pinaka. Pinakamapagkaibigan, pinakamabagal maligo, pinakamalinis sa gamit, pinakapasaway (pinakamaraming GR). Mabuti hindi ako nominado sa huli.

Sa labas may mga tunog galing sa iba’t ibang lugar. Hindi lang ang dorm namin ang may party. Alam mong malalakas at masisigla ang mga tugtog pero kung sa labas ka, iba. Parang bulong lang, parang echo, iisipin mong sa isip mo lang ang tugtog. Maririnig pa rin ang mga tugtog hangang sa field. Pumunta ako sa kadalasang pwesto hinihigaan ni Emily pero wala siya. Napa-aga yata ako. Basa parin ang damo pero hindi na maputik ang lupa. Kadiring babae yon, nakahiga sa lupa habang umuulan. Gaga. Ano kaya dinatnan noon pagdating sa bahay nila? Naglakad-lakad muna ako. Maya’t mayang binubuksan ang cellphone para tignan ang oras. Pati na rin para magka-ilaw kahit papano. Nababalisa pa rin ako sa dilim ng paligid. Pagtingin ko sa langit, maulap pa rin. Pero hindi na yung uulan. May ilang bituin ka pa ngang nakikita. Wala nga lang buwan. Bagong buwan.

Alas nuebe na at sobra tatlumpong minuto na ako palakad-lakad. Umupo na ako sa lupa. Nakalimutan kong basa pa rin ang mga damo. Bwisit. Di bale, naka maong naman ako. Unang beses ko palang umupo sa lupa. Wala namang masyadong pinagbago. Tumaas lang ng konti ang mga puno at bundok sa paligid. Lumapad rin ang field mula sa kinauupuan ko. Hindi ako makapaniwala na tapos na ang hell week. Grabe yung pag-alala mo pero malalampasan mo rin. Todo sa pagplano ng mga gawain, dapat alisto sa oras. Akala mo mamatay ka. Wala rin naman pala. Nararapat lang na tawaging hell week. Wala pa rin si Emily. At lalong kong siyang hinnap nang makita ang langit. Medyo luminaw ang langit at tinignan din ako ng mga bituin pabalik. Bahala na. Tuluyan ko na silang hinubaran. Sa mahabang panahon, humiga din ulit ako sa lupa at pinagmasdan ang mga bituin.

Bituin. Tala. Kumikislap. Kumikinang. Kumukuti-kutitap. Leche. Lecheng tao at ang kanyang fetish sa mga bituin. Sa lahat ng aspeto ng buhay ngayon ginagamatin ang mga bituin. Pulitika, panitikan, relihiyon, digmaan, showbiz, alam naman ng lahat na patay na ang mga nakikita nila. Pinabasa pa nga kami sa literature ng kwentong Deadstars ni Paz Marquez Benitez. Balewalain mo nalang muna ang kultural na pulitika noong panahong ng Amerikano. Noong nasa kinder ako sabi ni Mama na kapag namatay ka ay pupunta ka sa langit bilang bituin. Walanghiya, napaniwala rin ako. Pinapahalagahan talaga ng mga tao ay mga hindi nila maintindihan. Mas mailap, mas mahalaga.

Ano kaya meron sa mga bulalakaw? Sayang at hindi napaliwanag ni Emily ngayon. Tatlong gabi kami nagsama dito at hindi ko man lang natanong. O hindi niya na sagot. Nang maayos. Walanghiyang babae yon. Hindi ko matandaan ang takbo ng mga kwentuhan namin. Kung tutuusin wala ring bulalakaw na pareho naming nakita. Hindi rin mapapaliwanag ni Emily kung ano ba talaga gusto niya. Kung ano ba talaga siya. Kung sasabihing kathang-isip ko lang siya, aaminin kaya niya. Matatanggap ko rin kaya? Leche. Niyayakap ako ng lupa at nalulunod sa langit nang biglang dumaan ang isang bulalakaw. Isang iglap. Nakakalula, nakalilito, vertigo.Wala na. Mabilis na kinaladkad ang isang bituin sa langit. Ang nakita lang ay ang panandaliang bakas nito. Yun na yun? Bakit kaya “falling stars” eh hindi naman mukhang nahuhulog? Parang dumaan lang. “Dropping by stars”? Hindi poetic. Hindi halata na nasusunog na bato lang ito galing sa kalawakan. Nabibighani tao sa isang apoy ng kamatayan, huling sigaw. Ang apoy na to ang ginagawan natin ng mga tula, kwento, mito. Dapat sa umpisa palang tingaggap ko na sa sarili ko na hindi bulalakaw ang habol ko dito. Tila ang nakalipas na ilang gabi ay ganun din. Apoy ng kamatayan. Kamatayan ng isang bagay na hindi rin naman nabuhay. Kaya siguro hindi man lang ako namangha.

PAGKATAPOS kong ikwento, pinag-usapan namin ng konti, hanggang sa nalunod na lang ito sa iba’t ibang topiko. Naligo kami at naghandang umuwi. Nagfi-fill up kami ng log-book para mag-check out nang sinabi ni Manong Ronnie na may iniwan sa pigeon hole ko ang isang babae habang nasa labas kami. Isang libro nakabalot sa brown na papel. Pagbukas ko, The Sun Also Rises ni Ernest Hemingway. Nakuha agad ang atensyon ni Arthur. “Saan galing yan tol?”

“Ewan ko.” Kinuha niya ang libro at binasa ang synopsis sa likod. Mabilis niyang tinignang pahapyaw ang mga pahina. Tumigil siya at binuksan ang unang pahina. May nakasulat. Binasa naming tatlo:

Alan,
Isipin mong ka boses ko si Nora Aunor.
“May ipagtatapat ako. Walang mga bulalakaw! Tayo ang gumagawa ng mga bulalakaw!”
-Emily

NANG makalabas kami, saka ko lang nalaman na wala na palang lugar sa bag ko. Kahit ang knapsack ko, punong-puno. Mukhang hahawakan ko nalang ang libro hanggang bahay. Tumawag kami ng traysikel. Tinulungan kami ng drayber ayusin ang gamit namin sa bubong ng traysikel. Biglang may tumawag kay Edmund. Sinagot niya ito habang pumuwesto na kami ni Arthur. Sumenyas pa si Edmund na sandali lang. Hindi naman nagmamadali ang traysikel. “Sige. Anong oras? Sino pupunta? Saan nga yon banda?” tinignan ako ni Edmund, “Sige, tatanungin ko siya.”

“Sino yon Ed?” tanong ko, at umandar na ang traysikel.

“Sina Vince, labas daw mam’ya. Tutugtog sina Veronika.”

Nagpasimple na lang ako, “Ganun ba? Pupunta ka?”

“Wala akong kasama eh. Ikaw?”

“Hindi ako sigurado eh.”

Pinabayaan nalang namin. Magkatabi kami ni Arthur sa likod ng traysikel papunta sa banwa. Kahit maingay, pilit niya akong kinausap. “Maganda magkwento si Hemingway!”

“Talaga? Nabasa mo na ba to?!”

“Hindi pa. yung isang libro niya lang. Higante na siya sa American Literature!”

“Sige, babasahin ko ngayong bakasyon.”

“Iba yung appeal niya eh. Simpleng mga salita. Simpleng mga kwento. Ilang henerasyon na ang tumatangkilik sa mga obra niya. Sa tingin ko, lalo siyang sisikat ngayon.”

“Bakit naman?”

“Wala naman siyang ginawa eh, kundi magkwento tungkol sa sarili niya.”

Sa isang bihirang pagkakataon, naintindihan ko agad ang ibig sabihin ni Arthur. Kinagabihan, kahit pagod, lumabas kami ni Edmund kasama ang mga kaibigan noong high school. Nakinig sa boses at musika na matagal-tagal ko ring hindi na pakingan

IMG_2068

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s