Ang Pagmahal sa Bayan


para kay Sefa, sa PI100

Ang pagmahal sa bayan ay hindi
lamang sa pagtigil, paglagay ng kanang
kamay sa dibdib habang tumutugtog
ang Lupang Hinirang, na hindi naman
memoryado kung walang musika.

Ang pagmahal sa bayan ay hindi
lamang sa paggamit ng Filipino sa Agosto,
tuwing buwan na naging linggo na
maging araw na naging programa ng
wikang pambansa suot ang baro’t saya,
barong at iba pa.

Ang pagmahal sa bayan ay hindi
lamang sa pagtawid sa tamang tuwiran,
pagbayad ng buwis bago ang deadline,
pagdinig ng misa, o pagtangkilik sa
sariling atin (kung ano man ibig
sabihin nyan).

Ang pagmahal sa bayan ay hindi
pagpasyal sa parke o sarswela
na puno ng musika.

Ang pagmahal sa bayan ay higit
pa sa kritikal na pag-aral ng kasaysayan
hanggang maamoy ang sangsang ng nakaraan
at mabahiran ng dugo sa iyong mga kamay
na humahawak sa libro.

Ang pagmahal sa bayan ay higit
pa sa mga bangungot kung saan
binunot ang iyong buhok at mga kuko,
pagkagising nama’y nakatutok
ang mga riple na aakitin kang
manatili sa iyong pagtulog.

Ang pagmahal sa bayan ay
marahas at puno ng sigawan
parang pagsilang sa sangol
kung saan parehong nasa bingit
ng kamayan ang nanay at bata

Ang pagmahal sa bayan ay
hindi kanya-kanyang paraan
kundi sama-samang pakikipagdigmaan
sa mga halimaw ng kadiliman
buong magdamag para lang malunasan
ang daantaong pagkauhaw sa tunay
na yakap ng bukangliwayway.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s