Ang inyong mga magulang ay hindi nyo mga magulang


(Pasintabi kay Khalil Gibran)

Ang inyong mga magulang
ay hindi nyo mga magulang.

Marahil sila ang kumakayod para
may pagkain kayong pagsaluhan
pero sila din nagpapagutom
sa bata na hindi nyo nakikita.
Marahil sila ang pumapasan
sa bubong na inyong sinisilungan
pero sila din ang naglalanda sa ulan
ng bata sa lansangan.
Marahil sila tumutustos ng
edukasyon na inyong sinusumpa
pero sila din ang tagatulak ng
kamangmangan sa kalasda.
Ang inyong pamilya ay hindi isla,
ang inyong mga magulang
ay hindi nyo mga magulang

Ang inyong mga magulang ay
minsan din naging tulad nyo;
sinasamba ang mga bituin tuwing gabi
at sa lansangan ay nakakarinig ng musika
hindi rin mabilang ang kanilang mga pangarap,
mas baduy pa sa kung ano meron kayo.
Ngunit dahan-dahan ang mga kanta ay
humina at kada araw ang mga payo ng
mga magulang nila ay naging mas makatwiran.
Niyakap nila ang mundo ng kontradiksyon,
ang dating pag-asa ng bayan ngayon
bawat gabi bago matulog ay sinasabi,
“Paubos na ang gatas ng bata,
wag ka nang magpagkabayani…”
Kaya madalas, sa tingin mo
sila ay nakukulang,
ang inyong mga magulang
ay hindi nyo mga magulang.

Para ang inyong paglaki ay maging komportable,
ang inyong mga magulang ay nagkompromiso,
ang tahanan ay ginawang hawla at
sa inyong pagkamulat, sila’y
lalo nagiging reaksyonaryo.
Kaya wag mong baguhin ang mundo
para lang sa mga anak at apo,
isipin din ang iyong mga magulang,
mga nagpatalo sa kasaysayan,
hanggang dahan-dahan din sila
muli maging bata, muling maniwala.
Ang inyong mga magulang ay
hindi nyo mga magulang
sapagkat sila ang di inaasahang kasama
sa kilusang mapagpalaya

Kaya sana wag nyo gawing literal ang pag-unawa sa
sinabi ni Rizal na kabataan lamang ang pag-asa ng bayan
wag nang ipamana ang mga problema ng lipunan
pagkat ang tunay na hukbo ng makabayang Filipino
ay binubuo ng sanlahi na parehong luma at bago.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s