Bakit kailangan natin ng Halloween special tungkol sa mga Halloween special


ISANG linggo bago mag araw ng mga patay, nag-Halloween special na ang palabas na Alisto sa GMA, si Arnold Clavio ang host, pagkatapos ng Saksi, kada Huwebes ng gabi (o madaling araw). Alisto ang Alisto, two parts kasi ang kanilang special. Basically parang public service din ang format ng show, mga simpleng case studies at investigative reports na masyadong mahaba at di nakasya sa news lang. Kagabi, ang topic ay tungkol sa Maharlika Highway sa Quezon, kung saan kamakailan lang may naaksidente na naman at dalawampu ang patay. Sabi ng marami, haunted daw ang kalye. At salamat sa Diyos, pinatunayan ng show na hindi ito totoo. Pero marami pa rin silang ginawang pakulo para sa ngalan ng Halloween special.

Siempre dyan ang interviews sa mga kamag-anak ng mga naaksidente. Dyan ang reenactment na pang horror movie ang aura. Sabi mismo ng isang nanay, kung naging mas bihasa lang anak nya sa pagmotor, sana di sya na aksidente. Bingo! Pero dahil Halloween special, dyan pa ang mga paranormal experts na nag-imbestiga. Gamit ang mga gadgets nila, marami silang nakuhang mga enehiya sa lugar. Okay. Pero alam ng nanay sa loob-loob nya na namatay ang anak nya dahil sa di nga ito masyadong magaling magmotor. Pagkatapos mapanayam ang mga paranormal experts, sa ibang experts naman ininterview ng show.

Sabi ng isang engineer, masyadong maliit ang kalye, dalawang lanes lang pero mga truck at bus ang dumadaan. Marami ring blind curve kung saan dapat mag-hinayhinay at wag na wag kag oovertake. Sunod pinakita ang isang damuhalang truck na nag-overtake sa isa pang dambuhalang truck, sa isang blind curve. At lahat ng ito ay mas delikado kung umuulan. Kinunsulta din sila ang isang head ng presinto na nakatoka sa traffic. Minsan kasi, ang mga driver, pagod na kung gabi kaya hindi alisto, kaya napapahamak. Kahit hindi sinabi ng pulis, malalaman mong maraming kulang na resources ang ahensya. Dapat sana mas maraming tao ang mga pulis, dapat sana may mga speed-meter-radar-gun, dapat sana mas mabigat ang parusa sa mga mahuhuling maglalabag ng batas. May proyekto na rin daw na nagpadagdagan ang streetlights, pero sa ngayon mga street signs lang muna.

So kahit gustong ng show na magpresinta ng aura ng kababalaghan, pinakita pa rin nito na walang mga multo, meron lang kakulangan ng pondo at mga komprehensibong programa. Malaking relief ang atake ng programa kumpara mo sa news features na tumatalakay sa mga kababalaghan at tinatapos ang kwento na open-ended. Parang ‘sa huli kailangan pa rin ng matibay na pananampalataya.’ Sayang at kakarampot lang ang gising para manood ng late night news. Takot din yata ang mga malalaking media corporations na ‘to na maging masyadong matalino at kritikal ang populasyon.

ANG spiritual realm ng mga Filipino, o ng kahit sinong nasyon, ay parte ng isang narrative, o isang sistema ng mga paniniwala o paraan ng pag-make sense ng reality. Bago pa dumating ang mananakop, ito ang pinakamalakas ng narrative. Ang paniniwala ng tao, parte sila ng kalikasan kailangan nilang gawin ang parte nila para mapanatili ang kaayusan o harmony. Kaya merong mga alay at seremonyas bago magtanim, mangaso, o gumawa ng bahay. Ang konsepto ng aswang ay lumabas dahil noon mataas ang infant mortality rate, maternal mortality rate, so para maging scapegoat, sasabihin nilang, inaswang ang bata. O di kaya mga kwento na may mga enkanto o ‘mariit’ ang isang gubat. Ibig sabihin, wag kang pupunta dyan at mangagambala. Gusto mong pangalagaan? Wag mong pakialaman. Ito ang totoong environmentalism, hindi yung nagfa-fun run ka lang. Pagdating ng Kastila, nakita nilang medyo mayaman na ang kultura ng mga ninuno natin. Problema nila paano kumbinsin ang mga ‘indio’ na maging Krisyano (at maging alipin). So ang ginawa nila, sinabihan ang mga tao na totoo ang mga elementong yan pero mas makapangyarihan pa rin ang baon naming Diyos, at si Jesus Christ. Dito na umusbong ang folk Christianity, nagkahalohalo na ang mga practices at paniniwala. Kaya kung may mga masamang elemento o problema, hindi lang sa baybaylan o albularyo ang takbo, pati na rin sa pari. Ang lipunan ginawang mangmang ng rehiliyon ang kinalakihan at kinamuhian ni Jose Rizal, kaya isa syang malaking advocate ng edukasyon at kanurungan. Para umunlad, kailangan maging scientific ang mga tao sa paglutas ng mga problema nila, hindi yung dasal-dasal lang. Kaya si Rizal, hindi lang subersibo, erehe din kasi alam nyang magkakontsaba ang simbahan at pamahalaan sa pagpapahirap sa mga Filipino.

Kung natatakot ka dito pero wala kang pakialam sa mga taong kayang magnakaw ng billion-billion mula sa kaban ng bayan, malaki nga ang problema mo...image from http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Manananggal.jpg

Kung natatakot ka dito pero wala kang pakialam sa mga taong kayang magnakaw ng billion-billion mula sa kaban ng bayan, malaki nga ang problema mo…image from http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Manananggal.jpg

Pagdating ng mga Amerikano, pinalaganap nga ang edukasyon, pero sinupress naman ang nationalismo kasi wala silang pinagkaiba sa mga Kastila, nandito sila para i-exploit na bansa kahit ‘benevolent assimilation’ pa ang tawag nila. May edukasyon nga, pero bakit hindi pa rin naging scientific ang mga tao? Ito ay dahil ang edukasyon, tulad ng rehiliyon, ay ginamit na instrumento ng kolonialismo. So natuto ang mga tao na magsulat, magbasa, at magbilang. Pero English ang medium of instruction, at ang context, American o Western. Ito na ang pinakatawag ni Constantino na ‘miseducation’. Ang mga tao ay nahuhumaling sa kulturang Amerikano at ang tingin nila sa sariling kultura ay mababa o backward. Natuto nga silang kumain ng ice cream, manood ng sine, sumayaw ng swing, pero hindi ibig sabihin nun, ‘modern’ na sila mag-isip. Paano magiging modern ang kanilang intellectual na antas kung ang kanilang realidad ay pre-modern pa rin o feudal. Mahirap pa rin ang buhay, iilan lang may-ari ng lupa, at ang relasyon ay nakabase pa rin sa pabor. Bale feudal talaga. Hindi ka aasenso talaga kung wala kang kilala, hindi base on merit ang social mobility. At ang sistemang ito ay siempre nagse-serve ng interest na colonial master at ang kanilang intermediaries. Isang sistema na marahil nagbago ng mukha pero pareho parin ang pag-opera.

Hindi tinatalaban ng krus ang mga totoong halimaw ng lipunan...image from http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/02/20/13/2-kapamilya-teleseryes-close-race-no-1-tv-show

Hindi tinatalaban ng krus ang mga totoong halimaw ng lipunan…image from http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/02/20/13/2-kapamilya-teleseryes-close-race-no-1-tv-show

ANG lipunang Filipino ay isang malaking collage ng mga paniniwala, uneven ang development, heterogonous. Sabi naman ng ibang edukado, hindi naman sila naniniwala sa mga pamahiin pero sigurista lang. Ganun pa rin, in-aknowlege mo pa rin eh. At ang masalimuot na kaayusan na ito; kung saan kokonti lang ang mayayaman at marami ang nagugutom, kung saan inaasa sa swerte o dasal ang redemsyon, ay lalo pang mini-maintain ng media, consciously or unconsciously, gamit ang kanilang mga Halloween special. Kaya kailangan natin ng Halloween special tungkol sa Halloween special para mabulgar o ma-demystify ang lahat ng kaganapan na ating lipunan. Ayon nga kay Barbara Creed, ang horror o kababalaghan ay hindi na limitado sa mga pelikula o mga kwentong hayag na kathang-isip lang. Ang structure o formula ng horror ay makikita mo mismo sa format ng news. Subukan nating himayhimayin.

Ang ba ang laman ng balita at paano ito pinipresinta? Una, may mga balita ng patayan, nakawan, holdapan. Ito ang mga krimen na madalas ginagawa ng mga lower class dahil na rin sa kahirapan. Ito yung mga balitang tatakutin kang lumabas sa bahay, yung tipo na sisiguraduhin mo parating naka-lock ang bahay nyo. Ikalawa, may mga balita ng katiwalian, korapsyon, anomalya, sa pamahalan man o malalaking kompanya. Ito ang mga krimen na madalas ginagawa ng mga tao sa taas, hindi dahil wala na silang makain kundi dahil pinapahintulutan ng sistema na gawin nila ito. Ito yung mga balitang uubos sa tilawa mo sa pamahalaan, tutulak kang mabuhay at mag-isip para sa sarili o para sa pamilya lang. Bahala kayo sa buhay nyo, sabi mo sa sarili, pero alam mo rin na maapektohan ka, direkta man o di direkta. Ang huling parte ng news ay yung ‘light’ (pero mas gusto kong tawaging ‘shallow’) jounalism. Tungkol sa sports, sa showbiz, sa lifestyle, at madalas nagkakahaluhalo na ang mga ito. So may balita tungkol sa artista na may nobyong basketball player na mahilig magbakasyon sa kwan dahil bla-bla-bla. Ito ang mga balitang pinapangarap mong mangyari rin sayo. Pagkatapos mong makita kung gaano ka problematiko ang mundo, sasabihin mong ‘hay, maganda pa rin ang mundo’. May gusto pa akong idagdag sa tatlo. Ito yung mga features tungkol mga efforts ng foundation ng media corporation mismo. So may baha, may lindol, may sunog, wag kayong mag-alaala nandito ang aming foundation para bigyan kayo ng isang bag ng grocery, goods na sapat lang talaga para magbigay ng ‘relief’. Sa libu-libong tsinelas na binigay ni Korina, paano kaya kung nagpatayo na lang sya ng maayos na kalsada para hindi na masira ang tsinelas ng mga bata? Malamang sasabihin nyang hindi ko na trabaho yan. Hindi ko naman sinasabi na in vain ang lahat na efforts ng mga taong ito, pero kailangan tangapin na ‘band aid solution’ lang ang mga ito. At ang mga features tungkol sa mga foundations na to ay sinasabing masalimuot nga mundo, pero hindi kami parte ng problema. Bakit ito masama? Ika nga ni Noam Chomsky, kahit gaano pa ka-inefficient ng isang estado dapat pa rin mag make ng demands ang mga mamamayan dahil ang pamahalaan, at the end of the day, ay liable pa rin sa populasyon. Ang mga private at capitalist na establishments, hindi.

Sabi minsan ng prof ko na manghang-mangha sa pista ng Nazareno na tumagal ng sobrang isang araw, paano kaya kung imbes sa Quipo ay pumunta sa Mendiola o Senado ang mga taong iyon? Tapos humingi sila ng mga concrete na demands, tulad ng pamimigay ng lupa o pag-abolish ng pork barrel. Sana ngayong Halloween, wag tayong malasing masyado sa mga orkistradong katakutan sa mga palabas at Halloween specials, sa punto na wala na tayong tapang harapin at talunin ang kababalaghan ng araw-araw, ng ating lipunan.

Nag-uumapaw na potensyal ng pagbabago...image from http://avg1103.blogspot.com/2013/01/pista-ng-nazareno-opinyon.html

Nag-uumapaw na potensyal ng pagbabago…image from http://avg1103.blogspot.com/2013/01/pista-ng-nazareno-opinyon.html

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s