Dasal Pagkatapos Manood ng Balita Tungkol sa mga Nasalanta ng Bagyong Yolanda


Naiyak pa rin ako sa mga imahen
ng lugmok na mga bahay, gusali,
puno na pinaliligiran ng bangkay
at iyak kahit isang linggo na ang
nakalipas. Sana po ay bigyan
nyo sila ng timbay ng sikmura
para matiis ang hinagpis
at hindi humawak ng patalim
o di kaya gatilyo
saka sisimutin ang mall
at mga bodega na pinaghirapan
ding ipundar ng mga may-ari,
takot pa naman at walang magawa
ang mga kawal na sinanay
lang yata tumugis
ng rebelde, tunay man o hindi,
at na babalisa
kapag kapayapaan ay hinihiling
sa kanila at hindi digmaan.
Salamat sa Dyos
para sa mga reporter na
namigay ng sobra pagkain ng crew
sa mga batang namamasura
at naglalaro sa guho ng paaralan.
Salamat sa Dyos
para sa hukbong Amerikano
na tinupad ang pangako na babalik
sa Leyte sakay ang dambuhalang
aircraft carrier para sa ating katubusan.
Salamat sa Dyos
sa mga volunteers at donors na
masipag na nagbabalot
ng dalawang kilong bigas,
limang galon na tubig, tatlong lata
ng sardinas, at ilang pakete ng noodles
para makaraos ang mga kababayang
wala ng hanapbuhay, kuryente at palikuran.
Salamat sa Dyos
at tapos na ang balita at magsisimula
na ang sinusubaybayan kong teledrama
na pinagbibidahan ni Daniel at Katrin
Salamat sa Dyos
at ligtas ako at ang aking pamilya.

Salamat sa Dyos
hanggang sa susunod
namang unos.

One thought on “Dasal Pagkatapos Manood ng Balita Tungkol sa mga Nasalanta ng Bagyong Yolanda

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s