Please Be Careful with Our Hearts: Saan na Ngayon Papunta ang Telenobelang Filipino Pagkatapos ng Kasal ni Maya at Sir Chief?


HINDI ako isang fan ng kakatapos lang na palabas na Please Be Careful with My Heart. Hindi rin ako minsan lang nanonood. Talagang hindi ako nanood. Noong nagsimulang sumikat ang drama at nalaman kong kwento ito ng isang babaeng kasambahay, si Maya (Santa Maria) na tumulong para maghilom ang sugat at krisis ng isang pamilyang kamakailan lang nawalan ng isang nanay, alam ko na rin kung papano ito matatapos. Magkakatuluyan sila ng mayaman na amo, na isa ring Chinoy, si Sir Chief. Rich man falls in love with poor woman, isa na namang naratibo na muling ia-assert na ang pag-ibig ay kayang i-transcend ang class kung di man class antagonism mismo. Para sa akin, wala ng bago dito. Pero ang di inaasahan ng lahat, kabilang na ang gumagawa ng show, nagkaroon ng malaking following ang palabas.

Sabi ng marami, innovative ang show, bago o iba ang atake sa isang luma at gasgas na kwento; mas may humor, konti lang ang iyakan, para kang nanood ng isang drama na teenagers ang target market. Maliban sa mga formal na aspeto, sinusunod pa rin ng Please Be Careful with My Heart ang lumang structure ng telenobela. Imbes na meztisong haciendero, ang bidang lalaki na magbibigay ng katubusan sa mahirap na babae ay isang negosyanteng Chinoy. Siempre, Chinoy na maputi rin ang balat para madali ang transition o adjustment ng audiences. Ang pagbabago sa anyo ng telenobela na kinakatawan ng Please Be Careful ay para sa akin isang rin bintana para makita ang mga pagbabago sa lipunang Filipino na tumatangkilik sa nasabing palabas.

NOONG panahong feudal, isang karaniwang practice ang pagtulong ng isang babae sa bahay ng haciendero kung nagtatrabaho ang kanyang pamilya. Dahil tenants lang ang mga magsasaka, kailangan nilang magbayad ng buwis sa may ari ng lupa. At madalas sa panahon ng krisis, crop failure halimbawa, nababaon sa utang ang mga magsasaka kasi hindi naman nagbabago ang porsiento ng haciendero sa ani. Ang isang remedy ay ang pagbigay ng serbisyo ng mga babae, anak man o asawa, para mabawas-bawasan ang utang. Ang sitwasyong ito marahil ang nanganak sa fantasya ng isang mabait na senorito na mahuhulog ang loob sa isang pobreng babae. Ang kanilang pagmamahalan ang sasagip sa isang pamilya mula sa kahirapan. Ang kwento ay iikot sa kung paano susubukang sirain ang kanilang relasyon ng byanan, mayamang kasintahan ng haciendero, o kahit ng tadhana mismo. Ang mga kwentong ito ay nag-survive kahit tapos na ang kolonialismo dahil na rin malapyudal pa rin naman ang kondisyon ng bansa. Ang mga hit na Mexican drama noon ay gumagana rin sa formulang ito.

Pero dahan-dahan, mga 2000 onwards, umusbong ang mga (Northeast) Asian dramas at inagaw ang trono mula sa mga Mexican dramas. Nagsimula sa Taiwanese, Japanese, tapos ngayon, Korean naman. Dahil iba ang kultura ng mga bansang ito, natural iba din ang approach nila sa drama. Ang teorya ko naging madali ang transition sa mga bagong tekstong ito, maliban sa mapuputi din ang balat ng mga bida at pamilyar na structure ng love story, dahil matagal ng nakikisalamuha ang mga Filipino sa Instik, Hapon, at nang tumagal Koreano.

Bago pa sinakop ang mga islang naging Pilipinas, madalas na ang pakikisalamuha ng mga Instik sa mga natibo, madalas para sa kalakal, minsan nangangasawa pa. Noong panahon ng Kastila, inferior citizens ang mga Instik, mas mababa pa sa Indio. Magaling sila sa negosyo at madalas silang i-harass at abusuhin pero unti-unti nai-integrate din sila sa lipunan. Kahit si Rizal nga ay may lahing Instik, pero kinahihiya nya ito na isa ring natural na sentimiento noong kapanahunan nya. Gumuguho na ang Imperyo ng Kastila, naghimagsikan na ang mga Filipino, nanalo, biglang dumating mga bagong mananakop, mga Amerikano. Tulad ng Espanya, marami ring palusot ang mga Kano sa kolonialismo, sabi ng mga Kastila, para daw sagipin ang mga kaluluwa (religion bale), mga Kano naman para daw i-civilize ang mga tao (education naman). Pero kahit ano mang sabihin nila, isa lang ang intensyon nila, ito ay para abusin ang resources ng bansa para may panggatong sa pag-unlad ng bansa nila. Pinanatili ng mga Amerikano ang agricultural at feudal na kaayusan para may pagkukunan ng raw materials. Dahil industrial capitalist na sila, kailangan din nila ng mapagbabentahan ng mga produkto nila, at naging ideal na market ang Pilipinas. At kung iisipin hanggang ngayon ganito pa rin ang sistema.

Ngayon dahil may edukasyon na para sa lahat, unti-unting umusbong ang isang (maliit na) middle class. Ito yung mga taong hindi na lupa kundi skills na ang capital. Ang bagong kaayusan ay naging beneficial sa mga Instik kasi sila ang pumapagitna sa processo ng production (US) at consumption (Pinas at ibang colonies), bale yumaman sila bilang mga middleman. Ang mga tindahan nila sa Chinatown ay naging mga malls na. Pero hindi porket mayaman, ayos na ang lahat. Dahil matibay ang close network ng mga Chinoy, pakiramdam ng mga Hispanized na mga Filipino merong isang conspiracy na nangyayari. Kaya umusbong din ang imahen ng isang manipulative na Instik (tulad ni Ah Tek sa Maynila sa mga Kuko ng Liwanag). Kaya ang mga Instik ay naging at patuloy na nagiging biktima ng kaliwa’t kanang kidnap for ransom at extortion.

Ngayon, paano mula sa pagiging imahen ng kasakiman ang Instik o Chinoy tulad ni Sir Chief ay naging imahen na ng katubusan?

ASIAN Tiger Economies ang tawag sa mga bansang mabilisang umasenso at nag-industrialized. Kinabibilangan ito ng Japana, South Korea, Taiwan, Singapore, China (Hong Kong at Macau). At lately mabilis na sumusunod ang Vietnam at Thailand. Ang Pilipinas? Naunsami ang pangarap na ito ni dating pangulo Ramos dahil na rin sa financial crisis noong 90s. Pero ang isa pang malaking dahilan ay ang malakas na kapit ng US sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Kung mag-industrialize ang bansa, hindi na lang tayo isang market, isa na rin tayo competition sa global na ekonomiya.

Ang remedy ng pamahalaan sa kawalan ng industriya sa bansa ay ilabas ang labor; tao na mismo ang produkto. Una mga kalalakihan sa Middle East, at noong umasenso ang ilang Asian na kapitbahay, mga entertainers sa Japan at DH sa Singapore at Hong Kong. Nitong huli, mga Koreano na ang dumayo sa bansa para sa murang pag-aaral ng English, kaya ang imahen ng Koreano ay naging kasingkahulugan na rin ng trabaho. Ngayon karamihan pa rin ng mga artista ay meztiza’t meztizo pa rin (Caucasian) pero dumadami na ang mga Chinoy, pati ang mga may lahing Hapon o Koreano.

Kaya ang happily ever after ni Maya ay hindi na sa nangyari sa isang engrandeng masyon na pinalilibutan ng malawak na kalupaan kasama ang asawang haciendero na tagapana kundi sa isang middle class at modernong bahay sa lungsod na ipinundar ng isang negosyanteng Chinoy sa kanyang sariling pagsisikap.

KUNG saan man ngayon papunta ang telenobelang Filipino, hindi ito masyadong malayo sa dating direksyon na tinatahak nito. Masalimuot pa rin ang kondisyon ng buhay ng nakakarami. Dahil hindi organisado, umaasa na lang na may darating na prince charming o knight in shing armor na magliligtas sa lahat. Malakas ang resonance ng pamagat na ‘please be careful with my heart’, dahil madalas itong sabihin ng taong naghihintay na lang ng himala ng pagbabago.

Malabo yatang magka-bayag ang mga kapitalistang producers para gumawa ng palabas na tumatalakay sa karanasang Filipino na mas kritikal at makakatotohanan; kung saan ang kwento ay hindi lang limitado sa krisis ng pamilya kundi pati sa krisis ng komunidad, trabaho, pulitika, at lipunan, kung saan ang babae at lalaki ay patas at hindi pinag-aagawan ng mga babae ang isang lalaki, kung saan ang mga tauhan ay may mas mataas na pangarap kesa sa paghanap ng tunay na pag-ibig.

Ang pagbabago sa telenobelang Filipino at lipunang Filipino ay maaaring sabay na mangyayari.

Advertisements

6 thoughts on “Please Be Careful with Our Hearts: Saan na Ngayon Papunta ang Telenobelang Filipino Pagkatapos ng Kasal ni Maya at Sir Chief?

  1. I beg to disagree…from the start cnabi mo na d ka nman nanonood ng serye ano ang basehan ng komento mo??? FYI c Maya pinasok Nya lhat ng klase ng trabaho pra makapagtapos ng pagaaral pra maging flight attendant… D xa basta yaya lng na inihahalintulad mo sa panahon noon…

  2. Ang panget mo mag sulat, walang dating ,magulo at walang kabuluhan. Magbasa basa kapa ha ng makakuha kapa ng mga istilo sa ibang writers.

  3. Regardless of what’s next after the marriage sequel, one thing is sure. People will keep on watching and following this serye for obvious reasons. There are no stressful scenes, , no kontrabidas and very light flow of story (very predictable). Let’s admit, people are tired and already stressed in every aspects of their lives. At workplace, on the roads, in every public places. If you call watching TV is a form of relaxation..then this one program that really will relax the viewers. You will always be living a smile or laugh in every day watching. The serye always leaves its viewers a smile on their faces, and a reason to look forward to another day of viewing without feeling the headache of watching the usual teleserye where you always palpitates due the the villains (even cursing sometimes), or be puzzled by what the bidas/contrabidas will be doing on the next scenes. With all due respect to you MR JACOB LANERIA..it’s really obvious you’re not watching this serye, and probably even other primetime seryes, so there’s no point explaining more or arguing your points.

  4. I don’t think you should put it this way. Kailangan lang na maging commercial ng story para mas marami ang nakaka relate. Besides, Maya did NOT wait for a miracle. She worked hard for her dreams even if she was already 25 years old without any college degree, even if it meant working as a nanny.

    Suntok sa buwan yung mga pangarap ni Maya sa first episode palang. It mirrored the Philippine setting because most Filipino families have limited resources even though they have big dreams, and most of us are used to hard toil just to get a few meals a day, not to mention pay for college. It isn’t another teleserye crap, because it inspires us to fight, even in the midst of economic recession and in the face of this chaotic hostile world.

  5. Pingback: Muling Pagbisita sa Please Be Careful with My Heart | Ang Mundo ni Jacob Laneria

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s