13 Libro Naging Parte ng 2013


Meron akong isang nakasanayan na hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpatuloy o itigil: nililista ko ang bawat libro natapos kong basahin (cover-to-cover) at pelikulang napanood. Gusto ko sanang malaman kung gaano ako ka-“efficient” sa usaping ito pero tila wala pa rin akong napala.

Sa mga libro, bumibili ako (used man o otherwise) pero naghihiram pa rin ako sa university library, ang labas patuloy na dumadami ang mga libro ko. Ewan. Para mapakinabangan naman ang “tally” ko, gumawa nalang ako ng lista sa mga librong pinakanagustohan ko sa nakaraang taon. Magandang excercise ito ha. Habang pumipili, kinailangan ko alalanin ang nilalaman ng mga librong nabasa ko at ang impresyong iniwan nila. At medyo marami sila. Hindi ko na nakayang i-rank pa.

Ito nalang ang gagawan ko ng blogpost, sabi ko sa sarili. Hindi naman ako naniniwala na may nadudulot na mabuti ang paglista ng New Year Resolution. Hindi ko naman kailangan ng Bagong Taon para ipaalala sakin na kailangan ko pang magbasa ng mas marami pang libro.

1. Makinilyang Atlar ni Luna Sicat-Cleto. Sinulat ng anak ng batikang manunulat na si Rogelio Sicat ang librong ito na pinaghalong memoir, pagpupugay, at meditasyon sa pagsusulat at buhay manunulat. Tinuloy ni Luna ang nasimulan ng kanyang ama pero hindi nya nalunod sa anino ito.

2. If on a winter’s night a traveler by Italo Calvino. Sana’y hayaan nyo ako maging pormalista. Ito na siguro ang pinakahenyong halimbawa ng metafiction na nabasa ko. Binubuo ng mga kwento na hindi matapos-tapos, pero isa ring reinterogasyon sa papel ng manunulat at mambabasa.

3. Mga Agos sa Disyerto. Isang landmark na libro sa development ng panitikang Filipino. Nauna ko pang nabasa ang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Reyes at Dugo sa Bukangliwayway ni Sicat pero mainam pa rin basahin ang koleksyong ito para makita ang nilang dalawa at iba pang manunulat na magiging haligi ng panitikang ng pakikisangkot.

4. Feast and Famine: Stories from Negros By Rosario Lucero-Cruz. Witty, may humor, at hindi mayabang ang mga kwento ni Lucero-Cruz. Hindi mo rin masasabing ‘progresibo’ ang akda pero may pinaghuhugutan sa lipunan at kasaysayan at hindi nakalutang sa langit. Exemplar na halimbawa ng panitikang Filipino sa Ingles.

5. Bilanggo at Iba Pang Akda ni Wilfredo Pa. Virtusio. Membro ng henerasyong bumubuo ng antolohiyang Sigwa; kalapit sa koleksyong ito ang iba pang mas mature na obra ni Virtusio. Ikoniko pa rin ang mga kwento na umiikot sa buhay sa bilangguan; mapa preso man o kamag-anak, hinihikayat kang kwestyonin ang hangganan ng iyong kalayaan.

6. Mga libro ni Jun Cruz Reyes. Magkaaminan na; sinasamba ko si Jun Cruz Reyes. Ngayong taon, apat na libro nya ang natapos ko. Tutubi, Tutubi, Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe ay isang political coming of age na nobela at isa ring mayaman na dokumento ng batas militar. Etsa-pwera naman ang kanyang engrandeng nobela na sinalaysay ang kasaysayan ng iba at mga taong nasa laylayan. Mga sanaysay naman sa Ilang talang luma buhat sa talaarawan ng isang may nunal sa talampakan ang nagbigay buhay sa manunulat sa likod ng mga obra; kanyang mga karanasan, hinaing, at tapang. Maganda rin ang ilan nyang tula na makikita sa librong Negros.

7. Writing Literary History: Mode of Economic Production and Twentieth Century Waray Poetry by Jose Duke S. Bagulaya. Dekalibreng kritika at pagsulat ng kasaysayan ng panulaang Waray. Walang manunulat o tulang nilagay sa pedestal. Mahusay na modelo para sa patuloy na proyekto sa pagbuo ng mapagpalayang pambansang panitikan.


8. Nickeled and Dimed by Barbara Ehrenreich. Underground journalism! Sinubukan ni Ehrenreich ang buhay minimun wage earner sa US; waitress, tagalinis ng bahay, empleyada sa Walmart. Medyo ‘modest’ pa ang suhestyon ni Ehrenreich sa huli (ang muling pagpapaigting ng mga labor unions) pero pwede na rin. Dapat may sumulat ng Filipino/Third World/Developing country version nito. Marami na ako suhestyon; call center agent, empleyado sa mall, at English tutor sa mga Korean.


9. Mga libro ni Rolando B. Tolentino. Tatlong libro ni Rolando Tolentino ang nabasa ko ngayong taon! Patuloy pa rin nya akong pinapangaha sa talas at tinik ng kanyang mga kritika. Hingil sa pelikula at media, mainam basahin ang National/Transnational: Subject Formation, Media and Cultural Politics in and on the Philippines, sa panitikan naman, ang Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas: Politikal na Kritisismong Pampanitikan, at kanyang ‘manifesto’ para sa mga guro at estudyante, Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan

10. Literary Theory: An Introduction by Terry Eagleton. Ke baguhan o beterano sa kritisismo at teorya, mahalaga ang libro ni Eagleton. Hindi cryptic ang panulat pero hindi ka rin naman sinusubuan. Mahusay na gabay para matutunan ang pinakamakabuluhan na potensyal ng panitikan.

11. Knife’s Edge: Selected Essays by Edel Garcellano. Isa pang beteranong kritiko, makata, at nobelista. Medyo kailangan ng practice at rereading sa umpisa, pero kung ito’y malampasan, mumultuhin ka ni Garcellano gamit ang kanyang mga banat hingil sa panitikan, pulitika, pelikula, pakikibaka, at iba pa.

12. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 by Reynaldo Clemeña Ileto. Isa pang landmark na libro, ngayon ukol naman sa Philippine historiography. Isang importanteng ambag sa proyektong tinaguriang ‘history from below’. Kahit may mga limitasyon ang poststrukturalismo ni Ileto, nanatili itong ‘must read’ sa estudyante ng kasaysayan, panitikan, sosyolohiya, at iba pa.


13. Displaying Filipinos: Photography and Colonialism in Early 20th Century Philippines by Benito M. Vergara, Jr. Maikli, madaling intindihin, at mahusay na pagtanggol sa mga argumento tungkol sa pulitika ng photography at papel nito sa kasaysayan. Mahalagang babasahin sa panahon ng mga selfie!

One thought on “13 Libro Naging Parte ng 2013

  1. These are great books read for 2013. Congratulations to you. This is a very writerly and academic choice of books here. Reminds me of the kind of books I read when I was a student.

    Also found Sipat Kultura, Knife’s Edge, and Writing Literary History useful back then although on hindsight I now find the eclecticism of these works a bit of a drawback.

    However, I found Ileto’s Pasyon and Rebolusyon overrated as a historical work though and should be categorized as literature instead. I particularly find Scalice and Guillermo’s critiques of Pasyon and Rebolusyon more appealing than the book itself.

    My own opinion is that Feast and Famine is Lucero-Cruz’s best collection so far (better than her earlier and more recent fictions). More people should read her. And Jun Cruz Reyes too. I liked Negros too. Have you read his biography of Armando Teng? It’s very good.

    Also liked that Calvino and the formal devices he puts to play there (and that of his companions in Oulipo in general). Do you happen to have copies of either Queneau or Perec? Want to borrow if you have.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s