Ang panahon ngayon


Ang panahon ngayon ay
panahon ng walang katiyakan;
namamayani ang gal-um at
malakas na hangin
na parang mga hiyaw.
Gigising ka sa awra
ng pangamba pero wala
kang makukuha maliban
sa munting tarithi,
hindi na ito panahon ng peligro
kundi mga mahahabang sandali
ng lumbay.

Hindi ko lubos natamasa ang
katahimikan ng nakaraang ilang
hapon dahil pilit bumabalik ang
imahen ng kanyang mga mata
pawang may buhawi ng pananabik
at pag-alala, sabi nya, “Hindi
ko pa nagawang lumabas ng ganito.”
At nahirapan akong ipaliwanag
na medyo pareho kami pero
hindi rin. Pinakamatamis na
sandali noong sinubukan din
nyang mambola; mga fantasya ng
pagtanda kasama ang isang makata.

Hindi ko akalain mabilis palang
maguguho ang sigla sa aming
hapunan nang isa-isa ko nang
iladlad ang aking mga multo sa buhay.
Hinanda ko ang sarili para sa
sampalan, sigawan, eskandalo
pero napurnada ang mga eksena
sa aking ulo nang sinagot nya sa ako
ng titig at katahimikan. Minsan sya’y
bibigay, magtatanong, saka ako naman
ang matatameme.

Lalo lang giminaw
ang syudad na nagsimula na ring
magpahinga; gusto ko syang yakapin pero
tiyak walang init na mabubuo;
gusto ko nang matapos ang gabi,
lamunin ako ng lupa, halimbawa,
pero baka iyon na rin ang huling
pagkakataon na sya ay makasama.
Nauwi nalang ako sa pagbilang
ng tibok sa aking dibdib; lalong
bumibigat at humahaba
ang pagitan sa bawat pintig,
sinasabayan ang kanyang pagkamuhi.
Pinakamasalimuot na sandali ang
hindi na nya sinubukang mambola,
“Hindi naman ako sayo ganun kahalaga.”

Nagpatuloy ang maiikling ulan
at hiyaw ng hangin,
at higit sa isang beses kong inasam
na sana tama nalang sya.
Para matigil ko na ang pagromansa
sa malagim na panahon,
at makuha malang ang konting pahinga
maidlip sa Linggo at mga awit nito, halimbawa.
Di makapakali pero pagod,
humabi ng mahabang tula
na nagpapaliwanag
pero nagpapalabo din,
hindi alam ang dadatnan
sa panahon ng walang katiyakan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s