Delayed: Hingil sa Temporal na Dimensyon ng Edukasyon


Pagkalipas ng limang taon, ga-graduate na rin ako ng college ngayong buwan. Pang apat na taon lang ang kurso (Sociology) ko pero inabot ako ng lima. Nag-transfer kasi ako ng school at hindi na-credit ang karamihan sa mga subjects ko. Ang disisyon na yon marahil ang isa sa pinakamatapang na bagay na nagawa ko sa buhay ko. Ang hindi mag-atubiling ma-“delay” sa pag-aaral. Ngayon, marami rin akong mga kakilala, at mga malalapit sa akin, ang made-“delay” rin. Parati kong sinasabi na ayos lang yan, “delayed” naman ako. Ang parating sumbat nila sa akin, iba naman ang sa kaso ko. Karamihan sa kanila may bagsak o kailangan ulitin na subject. Bale para sa kanila, ang tipo ng kanilang pagka-“delay” ay nakakahiya. Dahil mahirap na buhayin ang kanilang loob, susubukan ko nalang himay-himayin ang pinagdadaanan nila. Bakit sila nalulungot, nahihiya, nadidismaya sa kanilang mga sarili? At ano ang mga pwersa ng lipunan na nagdudulot nito?

Dahil na rin sa personal na karanasan, hindi na ako naniniwala na ang pagkahuli sa pag-aaral ay awtomatikong sanhi ng pagka-bobo ng isang estudyante. Meron ng mga tulad ko na huli nalaman kung ano talaga ang gusto nila. Meron din nahuhuli dahil hindi masigurado kung ano talaga ang gusto nila, kaya palipat-lipat ng kurso (mas mabuti na ito kesa sa mga martir at cynical na wala planong tuklasin kung ano talaga ang gusto nila). Meron din nagka-problema sa thesis halimbawa: sa data, sa teacher, sa partner, atbp. Meron din financial ang problema, walang pera para makapag-aral. Paano naman ang mga lugar na magulo, mga conflict-zones halimbawa. Meron din naman yung mga batugan talaga. Ang pagka-“delay” ay kailan man hindi naging isang homogenous na karanasan. Kailangan maghukay pa ng mas malalim. Ano ba ang nature ng sistema ng edukasyon sa bansa? Kapag nasagot na yan, saka lang lilitaw na ang mga ugali at paniniwala hingil sa temporal na dimensyon ng edukasyon ay parte ng mas malaking sistema ng paaralan at ng buong lipunan mismo.

Sa isang bansa na lantad ang kahirapan at ekonomikong di pagkapantay-pantay, isang investment o puhunan ang pag-aaral. Hindi lang na panahon, dedikasyon, talino, pero lalo na ng pera o ekonomikong kapital. Madalas marinig ang biro na ibibenta na daw ang kalabaw sa bukid para magkapag-aral ang isang estudyante. Nakakatawa pero may kasamang ‘sipa’ ang biro na ito. Pera pa lang yan, isama mo pa ang mga usapin ng availability ng eskwelahan (ilang oras naglalakad ang ilang bata para makarating sa klase?), mga isyu ng diskriminasyon (may alam akong mga kaso kung saan ayaw mag-aral ng mga batang katutubo dahil nilalait sila sa klase) at siempre bullying. Isama ang kalidad ng edukasyon (materials, teacher-student ratio, etc). Kung makatapos ka ng pag-aaral sa kolehiyo (plus points kung sa “magandang” pamantasan), ito ay isang tagumpay hindi lang sa iyo kundi ng buong pamilya mo, pati kumunidad mo. Kaya talagang pinapa-frame ang diploma (isama na mga medal, ribbon, trophy, etc) sa pader katabi ng ibang simbolo na sinasamba tulad ng santo o krus. Hindi simpleng pride lang ang binigigay ng mga simbolong ito kundi pati na rin lakas at dahilan (meaning) sa buong pamilya sa pagtahak sa masalimuot na lipunan.

Dahil nga isang investment ang edukasyon, ang kapitalistang lohika ay nagdidikta na may dapat babawiin (return of investment) at tubo (profit) pa nga. At siempre may temporal dimension ang prosesong ito. Mag-aral sa pinakamadaling panahon, para makabawi sa pinakamadali ring panahon. Ngayon kung “delayed” ka, isa kang magastos (sa parehong pera at panahon) na parte ng operasyong ito. Taliwas ka sa ninanais ng sistema. Kaya ka hinugusgahan, nilalait, ng ibang tao at madalas pati na rin ng sarili mo. Merong napakaraming paraan para ma-reinforce ang mga ugali at paniniwala na sumusuporta sa sistemang panlipunan na ito. Halimbawa, bakit sumusulpot ang mga “success stories” ng mga henyong bata na “advanced” o mas naunang nakapagtapos ng pag-aaral kesa takdang panahon? Alam kong sikat ay yung nag-graduate na 16 lang yata yun sa UP, hindi ako sigurado, basta youngest graduate ever daw (by 21 yata nya, youngest PhD holder din sya). Meron ding isa pang version ng “success stories” na ito: yung mga matatanda na pero nagsumikap pa rin mag-aral. Yung mga nanay o tatay o lolo o lola na pinilit mag-aral sa night class man o sa regular na paaralan. Nafa-facinate tayo ng mga kwentong ito, pero sa likod ng spektakulo nakalatag ang isang kaayusan na pinapaboran ang isang minorya at lumilikha ng isang abang uri.

Ang zone of peace na programa ng DepEd ay para sa mga paaralan na nasa conflict-zones sa bansa, sa Mindanao halimbawa. Pero nilagay na rin ito sa ibang paaralan sa bansa dahil tumutukoy rin ito sa iba't ibang anyo ng kaharasan (e.g. bullying). Dapat daw parating neutral ang paaralan. Ang problema ay ganito: ang espasyo ng skwelahan ay kung saan nangyayari ang intelektwal at ideolohikal na pagkahubog ng mga bata. Dito dinidikta kung ano ang "tama" o "mali", ang "kanaisnais" sa "di kanaisnais". Sa ganitong aspeto, paaralan ay likas na espasyo ng karahasan. imahe mula sa http://depedmandaluyong.wordpress.com/2013/10/14/zone-of-peace-banner/. Tignan din ang artikulong http://www.mindanews.com/top-stories/2013/12/02/deped-12-declares-all-schools-as-zones-of-peace/

Ang zone of peace na programa ng DepEd ay para sa mga paaralan na nasa conflict-zones sa bansa, sa Mindanao halimbawa. Pero nilagay na rin ito sa ibang paaralan sa bansa dahil tumutukoy rin ito sa iba’t ibang anyo ng kaharasan (e.g. bullying). Dapat daw parating neutral ang paaralan. Ang problema ay ganito: ang espasyo ng skwelahan ay kung saan nangyayari ang intelektwal at ideolohikal na pagkahubog ng mga bata. Dito dinidikta kung ano ang “tama” o “mali”, ang “kanaisnais” sa “di kanaisnais”. Sa ganitong aspeto, paaralan ay likas na espasyo ng karahasan. imahe mula sa http://depedmandaluyong.wordpress.com/2013/10/14/zone-of-peace-banner/. Tignan din ang artikulong http://www.mindanews.com/top-stories/2013/12/02/deped-12-declares-all-schools-as-zones-of-peace/

Kaya maraming umalma sa K-12 (at isama na rin ang usapin ng calendar shift), mga espesyalista man o karaniwang tao. Una, dahil dagdag gastos ito (production costs ika nga). Ikalawa, alam ng iba na ang ugat ng problema ay mas malalim pa kesa sa usapin ng curriculum o competitiveness ng mga estudyante, mga “produkto” ng edukasyon. Kaya ngayong panahon ng pagtatapos, hindi ko rin sasabihin na gasgas nang kasabihan na magsisimula pa lang ang totoong pag-aaral. Walang simula o katapusan ang pag-aaral dahil mula noon ang paaralan ay parte ng lipunan, hindi ito hiwalay sa mga kontradisyon at antagonismo nito. Hangat hindi yan nauunawan at nasasabuhay, kahit pa punong-puno na ang pader ng sala at opisina mo ng mga diploma, hindi ka “edukado”. E ano ngayon kung inabot ka ng limang taon (o higit pa) sa kolehiyo? E ano rin kung natapos mo ito sa loob ng dalawang taon? Ang pagiging estudyante ay isa lamang sa maraming aspeto ng iyong pagkatao. Kung meron mang sukatang magaganap hindi ito base sa iyong nalalaman kundi sa iyong ginagawa (o hindi ginagawa). Meron pang mito na ang karamihan (kung hindi man lahat) ng problema sa mundo ay sanhi ng mga “bobong tao”. Ang mga totoong at mas malaking sulirain na lipunan ay gawa ng mga “matatalinong tao” sa simpleng dahilan na kaya nila itong lusotan. Kaya ba ng isang “bobo” na magmaniobra ng isang scheme tulad sa ginawa ni Napoles sa pork barrel? O ang mga taktika ng mga punong-maylupa at malalaking negosyante para ipagkait ang mga karapatan at benepisyo ng mga magsasaka at manggagawa? Sa huli, hindi lang kwestyon kung sino ang may nalalaman, kundi para kaninong interes nya ito ginagamit.

Ang pagpuksa sa mga problema ng lipunan ay meron din temporal na dimensyon. Maganda kung magagawa sa lalong madaling panahon, pero mas mainam kung ang mga solusyon ay yun ding pangmatagalan.

One thought on “Delayed: Hingil sa Temporal na Dimensyon ng Edukasyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s