Oda Sa Kritisismo (I) ni Pablo Neruda


Sumulat ako ng limang berso:
ang isa’y berde,
ang isa’y bilog na tinapay,
ang ikatlo’y isang itinatayong bahay,
ang ikapat ay isang singsing,
ang ikalimang berso’y kasing ikli ng kidlat
na ang talim ay tumatak sa aking katwiran
habang ito’y aking isinusulat.

Nang magkagayon, may nagsidating na kalalakihan,
kababaihan,
at kuniha ang aking mga payak na gamit,
piraso, hangin, ningning, luwad, kahoy,
at mula sa mga karaniwang bagay na iyon
nagtayo sila
ng mga pader, sahig, pangarap.
Sa isang linya ng aking panulaan,
nagpatuyo sila ng kanilang sampay.
Inulam nila sa hapunan
ang aking mga salita,
itinago sa ilalim ng kanilang unan,
nabuhay sila sa panulaan,
sa liwanag na nagmumula sa aking tagiliran.
Pagkaraan,
dumating ang isang piping kritiko,
at isa pang matabil ang dila,
at marami, marami pang nagsidating,
ang ilan ay bulag,
ang ilan ay maraming nakikita,
ang ilan ay eleganteng tulad ng bulaklak
na may pulang sapatos,
ang ilan ay nakadamit pamburol,
ang ilan ay pumapanig sa hari
at sa tinitingalang kaharian nito,
ang ilan ay nasalalak sa kilay ni Marx
habang tinatadyakan ang balbas nito,
ang ilan ay Ingles,
Ingles na Ingles lamang
at lahat sila’y nagsipaghanda
ng mga ngipin at patalim,
ng mga diksiyonaryo at iba pang maiitim na sandata,
ng mga kapita-pitagang sipi,
nagsipaghanda silang agawin
ang aking pobreng panulaan
mula sa karaniwang mamamayang
nagmamahal dito:
binitag at nilansi nila ito,
ibinilot,
tinusukan ng daan-daang aspile,
tinakpan ng pulbos ng bungo,
nilunod sa tinta,
dinuraang tila taglay ang
mabining kabaitan ng mga pusa,
ipinambalot sa mga relo,
pinangalagaan at isinumpa,
inimbak katabi ng gasolina,
pinarangalan ng mga basang kasunduan,
binanlian ng gatas
pinaulanan ng maliliit na bato,
kaya’t nabura ang mga boses nito,
halos pinatay ng kanilang
mga pantig at buntonghininga,
nilamukos nila ito at isinilid
sa isang maliit na pakete
at ipinadala sa kanilang mga imbakan at libingan.
Pagkaraan,
isa-isa silang nagsialis,
mabaliw-baliw sa galit
dahil hindi sapat sa kanila ang aking kabantugan,
o kaya’y punong-puno ng matatamis na pag-alipusta
dahil sa aking pangkaraniwang kakulangan ng kamangmangan,
nagsialis sila,
lahat sila,
at pagkaraan,
muli,
nagsidating ang mga lalaki at babae
upang mabuhay sa aking panulaan.
Muli silang nagsigȃ,
nagtayo ng mga bahay,
nakihati ng tinapay,
nakibahagi ng liwanag,
at sa pag-ibig ay pinagsanib
ang kidlat at singsing.
At ngayon, mga ginoo,
ipagpaumanhin ang pagputol ko
sa istoryang aking ikinukuwento
at ako’y aalis na upang habangbuhay
na makipamuhay
sa mga karaniwang tao.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s