Hingil sa On The Job (Erik Matti, 2013)


MCDONTH EC159

• Mga preso ginagawang hitman ng kung sino ang may pangbayad. Isang sistemang susubukang buwagin ng isang pulis at NBI agent. Magiging masalimuot na wakas ng kanilang mga pagsisikap.

• Pinuri sa Cannes.

• Pinag-awayan ni Gallaga at Matti kung bakit hindi ito napili bilang entry ng Pilipinas sa Oscars. Conspiracy theory: pinigilan ng military. Naalala ko tuloy ang kwento kung bakit hindi nanalo ng Best Picture ang Bagong Buwan (Marilou Diaz-Abaya, 2001).

• Magandang topic yan para sa isang research. Pelikula at military.

• Medyo hindi pa nag-sink in sa akin na Star Cinema ang nag-produce ng On The Job. Pati na rin ng Bagong Buwan. Pero sa totoo lang, konserbatibo pa ang tono ng mga pelikulang ito. ‘Realista’ lang, hindi pa sa antas ng ‘progresibo’. Pwede nang ihanay sa mga nobela ni Rizal, mga obrang hindi hayag ang banat pero gumagawa ng mga alon. Ganyan kamaingat ang mga tagapagnatili ng status qou.

• Bakit hindi pa ‘progresibo’ ang On The Job? Kasi political rivals at mga whistle blowers lang ang inotodas nila. Wala pa yung mga aktibista talaga. Pinakita lang ang mga taong pumapatay para mapreserba ang posisyon sa isang sistema.

• Ibang usapan na kung ang ipapakila mo yung pagpatay sa mga taong gustong buwagin mismo ang bulok na sistema.

Hingil sa Poltergeist (Tobe Hopper, 1982)


poltergeist_poster

• Kwento ng isang pamilya na ginulo ng mga kaluluwa sa kanilang magandang bahay sa isang subdivision. Ang tatay ay isang magaling na agent ng developer, doon sila nakatira bilang incentive at para na rin mapalapit sa trabaho. Patuloy ang pagpapatayo ng mga units sa malawak na property. Dating sementeryo pala ang lugar. Nilipat lang ang mga lapida at hedge stones pero hindi ang mga bangkay. Alam nyo na saan papunta yan.

• Maganda ang tema at kwento, pero medyo sablay sa narratibo. Minsan mabagal at madalas sobra-sobra ang special effects na kinabos din ng coherence o pagkadugtong-dugtong. Spielberg eh.

• Umaapaw ang pasaring nito sa mito ng American Dream kung saan may sentral na posisyon ang pagkakaroon ng isang tahanan. Maraming imahen na nagsisilbing komentaryo sa konsepto: pagbasa ng libro tungkol kay Reagan, pagtugtog na anthem sa telebisyon bago mag-sign off, etc. Ano kaya ang interpretasyon nito pagkatapos ng 2008 financial crisis/housing bubble? May remake at reboot daw.

• Naging worthwhile lang ang panonood ko nito dahil sa malamang malaking impluwensya nito sa Feng Shui (2004) ni Chito Roño. Pero sa tingin ko, mas maganda ang pagtahak ni Roño. Family friendly/blockbuster kasi masyado ang Poltergeist. Kahit nanalo ang mga multo/halimaw sa huli at nasira ang bahay, buo pa rin ang pamilya. Sa Feng Shui, baliktad. Nasira ang pamilya, namatay silang lahat, pero nanatili pa rin ang bahay. Vacant ulit, business as usual. Talo pa ang pasaring ng Poltergeist sa gahaman na developer.

• Pero interestingly blockbuster din ang Feng Shui.

Dazzling 19th-Century French Book Advertisements


Flavorwire

A popular figure in France’s social scene, and a successful poet and playwright, Victor Hugo spent nearly 20 years planning and composing Les Misérables. It received lukewarm reviews, but the book became a commercial success after its first printing in 1862.

The excitement the novel generated leading up to its publication was unprecedented. Advertisements displayed around the city of Paris introduced passersby to the characters struggling to start anew amid the 1832 June Rebellion in the City of Light. It was a bona fide media frenzy well before the age of the Internet.

View original post 58 more words

Dagli 005


Pilosopo Tasyo version 2.0. Nalalakad syang may makasalubong na bata. May hawak na ibon at itinago sa likod nito. Tinanong sya kung buhay o patay ito. Kung sasabihin nyang buhay, pipisilin ito ng bata hanggang mamatay. Kung sasabihin nyang patay, pakakawalan ito ng bata. Wala syang lusot. Kaya sinabi nyang, nasa iyong kamay ang sagot. Unang alternatibong nangyari: hinampas ni Tasyo gamit ng baston ang bata sa mukha at lumipad ang ilang ngipin at dugo nito. Sabay sigaw, putangina ina mo, wag mong aksayahin oras ko, gago. Nakawala ang ibon. Ikalawang alternatibong nangyari: dumating ang mga batang sinuhulan ni Tasyo at pinagtulungan ang batang wais. Nakawala ang ibon. Ikatlong alternatibong nangyari: dumating ang galit na nanay ng bata, hinahanap ang inutos na bilhing suka sa tiangge. Uuwi ang bata at makakawala ang ibon. Ikaapat na alternatibong nangyari: hindi pinansin ni Tasyo ang bata. Ikalimang alternatibong nangyari:inisip ni Tasyo ang walang katapusan posilbleng mangyari at sinabi sa bata. Hindi lang sa kamay mo nakasalalay ang sagot.

Dagli 004


Nanood ako kanina ng palabas pagkatapos ng kantahan tuwing Linggo ng hapon. Bukas pa ako babalik sa Miag-ao. Panandalian akong sumuko sa kababawan ng Facebook. Mga bagong artista naman. Mga teen-agers at ang kanilang mga problema sa pag-ibig. Puro baguhan. Ginawa ang show para sa mga baguhan na to. Puro magaganda at gwapo. Maputi, matangos ang ilong, matatangkad, payat. Halatang may halong dugo ng dayuhan. May Chinita, may Amerikana, may isa pang French kung ang pangalan nya ang pagbabasihan. May ilang hindi talaga marunong umarte. May ilang medyo okay na rin. Parang mga batang umuwing pa-ekis ang paglakad pero pilit na pinapaliwanag sa mga magulang na hindi sila lasing. Dyosko ano ba tong nangyayari. Nakikita ang mga imahen ng mga kabataan na to hindi dahil sa kakayahan kundi dahil sa, yun nga imahen. Hindi maganda magsalita, baluktot. Umuwi sila sa Pilipinas para mag-artista. Okay lang sana kung model pero kung artista? Bawat bagay na nakikta ko mali pero hindi ko pinatay ang TV. Kahit alam kong hindi sila magbabago. Alam ko kung ano ang magiging takbo ng kwento. Hindi nga marunong mag-Filipino na diretso, ipaliliwanag pa ang nararamdam?