Malungkuting Filipino ni Salvador R. Barros


May banyaga, isang araw, na sa aki’y nag-usisa
Nang bakit ang Filipino’y malungkutin namang lubha.
Ang tula raw dito natin pawing malungkot na tula,
Ang Kundiman ng Dalaga ay kundimang luksang-luksa;
Banay-banay raw ang kilos ng lahat ng Matatanda
At may bakas ng pighating sa mata ay nakalagda.
Aywan ko ba! O! Hindi ko matatalos kung bakit nga
Tayong mga kayumanggi’y pawing alipin ng luha.
Tangin batid ko ay dito sa Bayan kong minumutya,
Ang lahat na’y inianak na kakambal ng dalita;
Dito, pati Kalikasa’y tila nagmamakaawa
Kung bagama’t tumututol sa Palad na itinakda;
Katunayan: Ang batisan sa pagdaloy na mahina’y
Bumubulong na anaki’y malulungkot na salita.
Iyang hangi’y dumaraing paghalik sa iyong mukha’t
Pati damo, kung yumuko’y tila nagpapakumbaba!
Ang gubat ay pasukin mo’t sa hunuhang walang sawa,
Niyong ibo’y maririnig ang hikbi ng Lahing Abȃ!
Ang lansangan, kung umaga’y malasin mo: basang-basa’t
Malay natin kung dinilig ng luha ng mga Tala…
At kung hapon, tumigil ka sa tapat ng isang Dampa,
Pakinggan mo’t tila daing ng sa sanggol naming uha.
At, O! Lahat…lahat dito’y humihikbi…aywan kaya
Kung ang ating kalungkuta’y sa anong sanhi nagmula;
Lamang, ang tanging talos ko’t talos ng bawat nilikha,
Tayo’t itong Bayan nati’y gapos pa ng Tanikala…
Ibon tayong nakukulong sa kulungan ng masiba
Sagana man sa l’wathati, ang nais di’y makawala!
Ganyan tayo: tila mandin nilimot na ni Bathala,
Ganyan tayo: Malungkutin pagkat salat sa Paglaya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s