Ang Salot ni Italo Calvino


Meron isang bansa kung saan lahat ng mga tao ay isang magnanakaw.

Ang bawat mamamayan ay lumalabas pagkagabi daladala ang kagamitan at lampara para pasukin ang tahanan ng isang kapitbahay. Pagkaumaga, babalik sila sa kanilang mga bahay, para lang malaman na ang kanilang mga kasangkapan ay ninakaw din.

Sa ganitong paraan, lahat sila ay nabuhay nang matiwasay at walang problema dahil ang isa ay nagnakaw sa isa, at ang isang ito ay nanakaw din sa isa pa, at patuloy ito hangang sa huling tao, at ang huling taong ito ay nanakaw naman sa una. Ang kalakal sa bansang ito ay puno ng pandaraya, sa parehong nagbebenta at bumibili. Ang pamahalaan ay isang sindikato na may layuin na pagsamantalahan ang taong bayan, pero ang taong bayan wala ding ginawa kundi dayain ang pamahalaan. Ang buhay ay payapa at walang mayaman o mahirap.

Isang araw ay may isang tapat na tao ay sumulpot sa bansa, at walang nakakaalam kung paano. Kung gabi, imbes na lumabas at magnakaw, nananatili sya sa kanyang bahay para magsigarilyo at magbasa ng mga nobela.

Kapag papalapit na ang mga magnanakaw sa bahay nya, makikitang bukas pa ang ilaw nya, at aalis.

Ganito ang nangyari sa mahabang panahon, hangang sa sinabihan sya na ang determinasyon nyang mabuhay na walang ginagawa ay hindi sapat na dahilan para mawalan ng trabaho ang iba. Bawat gabi na nanatili sya sa kanyang bahay, isang pamilya ang nagugutom kinabukasan.

Hindi kinontra ng tapat na tao ang mga dahilang ito; sinimulan din nyang lumabas kada gabi, pero hindi sya nagnanakaw. Sya ay tapat na tao, hindi nya ito magagawa. Maglalakad sya papunta sa tulay at pagmamasdan ang ilog. Tapos uuwi sya para malaman na pinasok na ang bahay nya.

Wala pa isang lingo, wala nang pera ang tapat na tao, wala na syang makain at wala na ring laman ang kanyang bahay. Wala namang problema dahil ginusto nya ito. Ang totoong problema ay nagkakagulo dahil sa kanyang ugali, hinahayaan nyang nakawan sya pero hindi sya nagnanakaw sa iba. Sa ganitong paraan, may isang tao na uuwi sa bahay nya at ang lahat ng gamit nya ay nandoon pa rin—iyon ang bahay na dapat pinasok ng tapat na tao. Sa madaling salita, pagkalipas ng panahon, ang mga taong hindi nya ninanakawan ay unti-unting yumayaman at nagpasyang may sapat na silang yaman at tinigil na ang pagnanakaw. Sa kabilang banda, ang mga taong magnanakaw sana sa tapat na tao ay aabutan ang kanyang bahay na wala ng laman, at unti-unti silang naghihirap.

Nang tumagal, ang mga taong yumaman ay lumabas tuwing gabi para pumunta sa tulay at pagmasdan ang ilog. Lumala ang kagulohan dahil dumami pa lalo ang mayayaman at dumami din ang mahihirap.

Ngayon, napuna ng mayayaman na kapag tinuloy nila ang pagpunta sa tulay kapag gabi ay unti-unti silang hihirap. Naiisip nila, “Pwede nating bayaran ang mahihirap para magnakaw para sa atin.” Hinanda ang mga kontrata, mga sweldo at ang sistema ng bayaran ay inayos. Magnanakaw pa rin naman silang lahat, at siempre, sinubukan pa rin nilang dayain ang isa’t isa. Pero ang nangyari, yumaman pa lalo ang mayayaman, at lalong humirap ang mahihirap.

Ang ilang mayayaman ay napakayaman na, hindi na nila kailangang magnakaw o magpanakaw sa ibang tao para manatiling mayaman. Pero kapag tumigil sila sa pagnanakaw, maghihirap sila dahil nanakawan sila ng mga mahihirap. Dahil dito sinimulan nilang bayaran ang mga pinakamahirap para protektahan ang kanilang mga ari-arian laban sa natitirang mahihirap, ito ang daan para naipatayo ang pulisya at mga kulungan.

Sa madaling salita, ilan taon pagkatapos unang magpakita ng tapat na tao, ang patakaran ay hindi na tungkol kung sino ang nagnanakaw at sino ang ninanakawan, kundi sino ang mayaman at sino ang mahirap. Gayunpaman, mga magnanakaw pa rin silang lahat.

Iisa lang ang taong iyon na naging matapat, at mabilis syang namatay sa gutom.

Ang Pag-ibig na Binigay Ko Sayo Minsan ni Faiz Ahmed Faiz


Mahal,
Aking sinta,
Sana’y wag mong hilingin pa ang
pag-ibig na binigay ko sayo minsan.

Noon, naniwala talaga ako na
Ikaw lang ang makakabigay kahulugan
Sa aking tigang na buhay;
Na ang rumaragasang sakit na
Dulot ng di bumabalik na pag-ibig
Ay makakapagpalimot sa akin
Ng lahat na sulirain
Ng magulong mundo;
Na ang iyong mukha ang nagpapakalma
Sa di mapakaling tag-usbong ;
Na wala nang mas hahalaga pa
Sa walang saysay na mundong ito
Kundi ang iyong mga malalalim, mapangakit na mga mata.

Noon, naniwala talaga ako
Na kapag mapasaakin ka lamang
Kaya ko nang sakupin kahit Tadahana mismo.

Pero lahat ng ito ay mali,
Isang payak na ilusyon.

Ang mundo natin ay sugatan,
Sa hapdi na higit pa sa hapdi na dulot ng pag-ibig;
At mas marami pang tamis ang umaakit sa atin
Na higit pa sa tamis na madadama kapag magsama tayo muli.

Ilang daang taon na,
Ang naghaharing uri ay marami nang hinahabing kasinungalingan
Madilim at malupit at di maintindihan,
Pinasuot ng mga magagarang damit at alahas.
At sa mga panahon na iyon,
Sa bawat kalye at sa bawat perya,
Nilalako ang mga katawan ng mga tao,
Dinamitan ng alikabok at pinaliguan sa dugo,
Gutom, may depekto, niluto sa karamdaman.

Paulit-ulit ang pagkakataon,
Na di ko maiwasan tignan
Ang trahedyang ito.
Ang kagandahan mo ay walang paring kaparis,
Ang yakap mo ay nakakahalina tulad ng dati;
Pero paano ako magbubulag-bulagan
Sa lahat ng hinagpis, sa lahat ng pagdurusa ito?

Oo, mahal,
Ang mundo natin ay sugatan,
Sa hapdi na higit pa sa hapdi na dulot ng pag-ibig;
At mas marami pang tamis ang umaakit sa atin
Na higit pa sa tamis na madadama kapag magsama tayo muli.

Mahal,
Aking sinta,
Sana’y wag mong hilingin pa ang
pag-ibig na binigay ko sayo minsan.

Halaw kay Faiz Ahmed Faiz

lumusong para sa mga panaginip


lumusong para sa mga panaginip
o magpatumba sa isang kawsa
(ang mga puno ay ang kanila ugat
at ang hangin ay hangin)
manalig sa iyong puso
kahit masunog pa ang karagatan
(at mabuhay sa ngalan ng pag-ibig
kahit mga bituin ay maglakad nang paatras)
gunitain ang nakaraan
pero tanggapin ang hinaharap
(at isayaw ang iyong kamatayan
hanggang matangal sa kasalang ito)
wag mo nang isipin ang mundo
at ang mga kaaway at bayani nito
(dahil mahal ng mabuti ang mga dalaga
at ang bukas at ang kalupaan)
-0-
kahit pa sa lahat
nang humihinga at gumagalaw, dahil ang katapusan
(gamit ang kanyang mahaba at maputing mga braso
aasikasuhin ang lahat ng gusot)
ay aayusin ng pinong pino ang ating mga isipan
-bago umalis sa aking silid
bumalik ako, at (yumuyuko
lampas sa umaga) hahalikan
ang unang ito, mahal,
kung saan ang atin mga ulo ay nabuhay at nangaling

Halaw kay e.e. cummings

-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-

dive for dreams
or a slogan may topple you
(trees are their roots
and wind is wind)
trust your heart
if the seas catch fire
(and live by love
though the stars walk backward)
honour the past
but welcome the future
(and dance your death
away at the wedding)
never mind a world
with its villains or heroes
(for good likes girls
and tomorrow and the earth)
-0-
in spite of everything
which breathes and moves, since Doom
(with white longest hands
neating each crease)
will smooth entirely our minds
-before leaving my room
i turn, and (stooping
through the morning) kiss
this pillow, dear
where our heads lived and were.

e.e. cummings

V=)

Maliliit na Bagay ni Adam Zagajewski


Ang aking mga kakilala ay mahilig sa mga maliliit na bagay,
tuyong kabibi na kinalimutan ng dagat,
orasang sinira ng kalungkutan, mga liham
na pinadala mula sa mga nalahung lungsod,
nangitim at hindi na maintindihan ang nakasulat,
kung saan nababasa pa nila ang mga salita
tulad ng “pangungulila” “karamdaman” o “ang wakas.”
Namamangha sila sa mga natutulog na bulkan.
Hindi nila gusto ang liwanag.

Sonnet 141 ni William Shakespeare


Sa totoo lang, hinding hindi ako magkakagusto sayo,
Sa simpleng dahilan na ang tanging nakikita ko’y problema;
Pero aking puso ay mahal ang natataw ng mga mata ko,
Kahit na ang anyo mo ay di kanais-nais tila ito’y natutuwa pa.
Nahihirapan na nga ako sa pakikinig lang sa boses mo,
Ayokong mahawakan mo, hindi ka naman maganda,
Hindi mahinhin, pag nandyan ka kumukulo aking dugo
Ang laki ng kamalasan ko kapag makasama kang mag-isa.
Pero hindi yata kaya ng aking imahenasyon o ng talino
Na pigilan ang pusong baliw na pagsilbihan ka,
Babaeng kayang burahin ang kalahati ng aking pagkatao,
Para maging alipin sa mga nais ng pusong mong marangya.
Sa tingin ko ako ay pinalad dahil lang sa aking kasawian,
Na lalo kitang minamahal habang ako’y iyong sinasaktan.

Halaw kay William Shakespeare

Pagsisikap ni Piet Hein


Pagsisikap

Ang ating mga ‘limitasyon’, sa tingin ko,
Ay para lang sa mga di ginagamit na kakayanan.
Hindi natin malalaman ang mga bagay na di magawa ng tao,
Kapag hindi tayo nagsisikap na ito’y subukan.

Making an Effort

Our so-called limitations,believe,
apply to faculties we don’t apply.
We don’t discover what we can’t achieve
until we make an effort not to try.

Piet Hein

Isang Paalala Sa Mga Mandirigma ni Piet Hein


Isang Paalala Sa Mga Mandirigma

Ito ang isang katotohanan
Na tutulong sa inyong pakikipag-away:
Ang mga bagay na hindi papatay sa inyo nang deretsahan
Ay gagawing kayong mas matibay.

A Maxim for Vikings

Here is a fact
that should help you fight a bit longer:
Things that don’t actually kill you outright
make you stronger.

Piet Hein