Mga Alaala ng Isang Panahon ni Jacob Laneria


Tinawag ang pangalan ni Juan Macario Buendia para umakyat sa entablado, at gamit ang natitirang lakas, pinilit nyang magmukhang kasing tuwa ng kanyang mga magulang.

Sa isang karaniwang nursing graduation ceremony nagsimula ang infamous na nobela ni Jacob Laneria, kung saan sabay lumutang ang tagumpay na makikita sa mga mata ng mga magulang at ligalig naman sa mga bata hingil sa kanilang kinabukasan. Sa tulong ng isang tiyahin, agad makakalabas ng bansa si Jun papuntang Canada at magsilbing nursing aid kay Ireneo de los Santos; isang Filipinong tumanda na sa labas, walang kamag-anak sa Canada at walang komunikasyon sa Pilipinas o saan mang panig ng mundo, dating guro, manunulat sa Ingles, at isang loyalista ng diktadura ni Ferdinand Marcos.

Sa araw-araw na pagsasama malalaman ni Jun ang kwento ng buhay ni Tatay Rene bago ito lubusang burahin ng dementia. Sentral sa kanilang diskurso ng paglimot at pag-alala ang paghanap ng isang nawawalang nobela ng matanda, Mga Alaala ng Isang Panahon, kung saan di umano binaliktad nya ang mga dating pananaw hingil man sa sining, pulitika, o nakaraan. Habang tinutukoy ni Jun kung ang libro ba ay aktwal o guni-guni lang, dadahin nila tayo sa panahon ng batas militar, sa sirkulo ng mga manunulat at intelekwal, sa mga palabas para sa mga nangungulilang OFWs sa Toronto, pabalik sa lupang tinubuan na patuloy na nagiging espasyo ng dahas, tago man o hayag.

Ang libro ni Laneria na nagsimula sa isang daang kopyang self-published na pinagpasapasahan, phinotocopy, pinirata sa Internet, at ngayon patuloy na pinagtatalunan, ay naglalayon na tukuyin kung ang paglimot ba, ng isang tao o isang bayan, ay isang biyaya or isang trahedya.

___________________________________________________________________________________________________________________

Samu’t saring reaksyon sa
Mga Alaala ng Isang Panahon

Lahat ng panahon, hindi lang panahon ni Marcos, ay mas maganda kesa sa panahon ngayon. Pinakita ni Laneria na ang pangungulila sa isang tiwasay na panahon sa nakaraan ay gawain ng isang talunan, duwag.
–Gabby Lacson, Remate

Si Tatay Rene ang epitome ng isang manunulat na piniling ipikit ang mga mata sa kanyang paligid at magpaanod ng kanyang cosmopolitan na mga fantasya, nagsulat sa banyagang wika para makipag-usap sa mundo, lumabas pa ng bansa para makipagsapalaran. Panandaliang nakahuli ng atensyon ang kanyang mga kwento tungkol sa barrio at tropiko, pero pagkatapos ng isang araw o dalawa, nabaon din sa limot. Kabilang sya sa isang kasaysayan ng mga manunulat kung saan ang isang henerasyon ay nangarap maging Ernest Hemingway, ang sumunod dito maging Gabriel Garcia Marquez, at sa kasalukayang ninanais maging Haruki Murakami. Tanong si Laneria, eh ano ngayon kung mabasa kayo ng mundo?
–Sonia Cervantes, Taliban

Kilala ko si Jacob Laneria. Hindi nya yan tunay na pangalan. At sumasangayon ako sa kanya na itago nalang ang katauhan. Lubhang maselan ang kanyang proyekto. Malaki ang panganib ng mga pumiling ihalungkat ang nakaraan na mapagkamalan na problema kesa maging tagabungad ng problema. Eh madalas pa naman mag-jaywalking tong si Jacob. Di pa sine-segregate ang basura. Mahirap nang paliitin ang debate ng nakaraan ng isang bayan sa mga gawi ng isang hamak na manunulat.
–Marcus Tengco, marcusteng.wordpress.com

Minsan pinost ni Jacob Laneria sa kanyang Facebook page na muling iimpreta ang Mga Alaala ng Isang Panahon. Magandang balita ito sa lahat ng gustong magkakopya at mabasa ito. Dagdag pa ni Laneria lalagyan daw ng reviews at blurbs ang unang bahagi, pero may twist. Dahil nga ang libro ay tungkol sa pagpuksa sa ugali ng nostalgia, sa umpisa pa lang, gusto na ipaalam ni Laneria na hindi lahat nagustohan ang libro nya. Hindi lang puro puri tulad ng iba. Dapat alam ng mambabasa ang pinapasok nya. Kukunin ko na ang pagkakataong ito para ilabas ang aking saloobin. Naniniwala ako na mahirap, kundi man mapanganib, ang proyekto ng pagsanib ng pulitika at panitikan, at madalas masalimuot ang resulta nito. Halimbawa dito ang nobelang ito ni Laneria. Maganda ang intensyon, matalas, engrande, pero mahina ang panulat. Ang resulta, propaganda. Ang tunay na panitikan ay ang nabubuklod sa mga tao hindi ang naggagatong ng away. Bibigyan ko ng anim na buwan hangang isang taon ang kasikatan ni Laneria, saka sya mababaon sa limot. O maalaala sa mga maling dahilan.
–Danika Francia, Philippine Free Press

Habang binabasa ito, umuusad din ang isang pelikula sa aking isipan. Humanap agad ako ng paraan para makausap si Jacob Laneria. Prinisinta ko ang aking mga ideya para sa posibleng pelikulang bersyon ng libro. Hindi sya pumayag.
–Lav Diaz, direktor

Hayaan nyo sana ako magbigay ng isang spoiler para sa mga hindi pa nakabasa, at dahilan na rin kung bakit kailangan nila itong basahin. Sa libro na ito nabuhay muli si Marcos! Literal na nabuhay, parang si Lazarus, sabay sira ang high tech nyang libingan sa Ilocos. Napaiyak si Imelda, nagpunyagi ang buong bayan, napakumot lang ang ulo ng mga militante. Naghanda ng isang piging, imbitado lahat ng VIP; mga haciendero, pulitiko, artista, pati mga ambassador at banyagang negosyante sa bansa. Pinaaalam sa buong mundo ang isang himala. Pagkakataon din ito para inanunsyo ang planong pagtakbo ni Marcos muli sa pagkapangulo. Sa engradeng pagdiriwang, habang kumakanta si Imelda, kinagat sya ni Makoy. Dito na nagsimula ang mini-zombie apocalypse. At nagpatayan at kainan ang lahat ng mga mayayaman at ‘importanteng’ tao kasama ang kanilang mga tagasuporta, lalo na yung mga masigasig mag-nostalgia trip sa Facebook. Hindi kumalat ang mga zombie. Sila-sila lang ang nagkainan at tahimik silang namatay. Natinginan ang mga natirang tao sa bayan. Ngayong wala na kukontra, binago ang dapat baguhin. Pinamigay ang lupa sa mga magsasaka, bumaba ang mga rebelde, tinangal ang mga base military ng mga Kano, siniguradong mabubuhay ng may dignidad ang bawat mamamayan. At sa wakas umunlad din ang Pilipinas. Hindi mabigyang hustisya ng buod ko ang talas at pilyo ng panulat ni Laneria na sadyang natatangi sa panitikan ng Pilipinas.
–Jan Alex Garcia, Hublas

Okay ‘to.
–Bob Ong

Sabi ng iba, ‘preachy’ ang librong ito. Ito din ang akala ko noong una. Pero napag-usapan namin sa isang klase ko ang nobela at sabi ng isang estudyante ko hindi daw ito ‘preachy’ kundi isang parody ng mga librong mistulang neutral pero mas ‘preachy’ pa kesa kay Laneria.
–Joseph Eclarino, propesor, UP Visayas Miag-ao

Ang buong libro ay karaniwang angst ng isang batang manunulat na hindi makuhang makapanalo ng Palanca. Maraming sako ng asin pa ang kakain mo Jacob.
–F. Sionil Jose, National Artist for Literature

Dinisenchant ng nobelang ito ang konsepto ng batas militar bilang isang madilim na parte ng kasaysayan. Parang bang naiintindihan ng lahat ang lahat na nangyayari. Pero noong panahon na yun, karamihan talaga ang naniwala dito. Yung mga nagsabi na, “Para din naman ito sa ikakabuti nating lahat” “Wala pa nga kinukontra na” “Wala kang dapat ikatakot kung wala ka namang masamang ginagawa” Ang mga salitang ito din ang umikot sa internet sa kasagsagan ng debate hingil sa cybercrime law. Paikot-ikot lang ba ang kasaysayan? Bakit ba kadalasan napakahirap ang tumingin sa hinaharap? May ilang sagot sa librong ito. Matipid sa salita si Laneria, pero hindi mekanikal ang tunog. May pagkakataong mabulaklakin din, pero hindi yung ililipad ka sa langit, ang tama lang para magawa mo ang susunod mong hininga.
–Hans Nakpil, Bulgar

Inapproach ko si Laneria para sa isang posibleng English translation ng nobela. Agad akong tinangihan. Sabi ko dapat tong mabasa ng mundo. Eh mag-aral sila ng Filipino, sagot nya.
–Victor Bernal, publisher

This is book is a desecration of a national hero, of my husband’s legacy! There is no art here.
–Imelda Marcos

May dalawang bahagi ang librong ito. Ang una, sa Canada, ay umiikot kay Jun at kanyang pakikipagsapalaran sa labas ng bansa, at ang dahan-dahan na pagbalikwas ng mga ekspektasyong sinubo sa kanya. Existential ang tono, halaw sa bildungsroman o coming of age ang porma. Ang ikalawa, sa Pilipinas, ay nakatuon sa lumalalang sakit ni Tatay Rene at ang paghanap nito ng kapayapaan bago mamatay. Malakas naman ang daloy ng repleksyon sa parteng ito, nagiging pilosopikal sa pinaka-sublime na parte. At ang talento ni Laneria ay lubos na lumitaw sa kung paano nya hinabi ang internal na pakikibaka ng dalawa sa iisang resolusyon. Isang resolusyon na para sa ating lahat.
–Roberto Javier, Philippine Daily Inquierer

Kung ayaw mo kay Marcos (o sa mga kamag-anak nito), gusto mo si Aquino (o ang mga kamag-anak nito). Nakakabahalang isipin na hindi mo kailangan maranasan ang batas militar para makisali sa debateng ito. Kung iisipin, kung susundan mo ang argument ng dalawang kampo, parang hindi lang nangyari ang dekadang yun. Heto si Laneria para ipaalala sa atin na nangyari nga iyon, at hindi pa ito natatapos. At tsaka si Aquino at Marcos ay dalawang magkaibang mukha lang sa iisang barya.
–Marcelo de Leon, Philippine Star

May nagpatayan dito sa baranggay namin sa isang beerhouse. Walang kumanta ng ‘My Way’. Ang pinag-awayan, ang libro ni Laneria. Ilang linggo ang nakaraan, may mga estudyanteng nag-outreach program dito. Ang isa sa kanila, subsob sa pagbabasa ng kopya nya ng Mga Alaala ng Isang Panahon. Tinanong ng isang tanod na tumulong sa kanila kung tungkol saan ang libro, pinaliwanag naman ng bata. Natunugan ng lalaki ang pamagat dahil na rin sa mga balita ng isang insidente ng pagsunog ng mga libro sa Maynila. Dahil ikalawang ulit na nya itong basahin, binigay ng estudyante ang kopya nya sa lalaki. Binasa, pinasa ang kopya. Pinasa at pinasa. Sabado ng gabi, inuman sa tabi ng merkado. Naging mainit ang pagtatalo. Dinidiin ng isa na mas maganda noong panahon ni Marcos (disiplinado ang mga tao, mas mura ang bigas, ikalawa ang Pinas sa Japan sa Asia hingil sa yaman, atbp.) at mahusay na natugunan ng tanod na nakabasa ng mga kontra-argumento. Napikon at wala nang maisagot, bumunot ng baril ang taga-suporta ni Marcos, at kinalabit ang gatilyo. Barbarismo ng masang dukha? Sumilip ka lang sa paligid at malalaman mong hindi ito natatanging kaso.
–Jessica Umali, ulila sa ama.

Totoo nga na marami pa rin ang hindi nagbago mula noong batas militar, pero marami pa rin ang pagbabago. Merong na tayong freedom of speech, democratic elections, at marami pa. Unti-unti, sa maliliit nating paraan, kaya nating baguhin ang ating kalagayan gamit ang proactive actions at dialogue sa tamang channels. Hindi lang puro reklamo. Isang bagay na kinukunsinte ng librong ito.
Rappler.com

How dare him sabi na wala pinagkaiba si Mom and Dad kay Marcos! They gave their lives in service ng bawat Pilipino. I so hate you Jacob Laneria. I’ll pray for you na lang.
–Kris Aquino

Sabi ng iba, noong sinalin ni Agoncillo sa ‘Pilipinas’ ang ‘Katagalugan’ ni Bonifacio nagsimula ang mito ng isang nasyon na hindi naman umiiral. May katotoohan ang mga paratang na ito. Pero para lang sa pananaw, isang pananaw na namamayani sa institusyunal na antas, na ang kasaysayan ay patay na at isa lamang pinitensya ng pagmemorya ng mga pangalan, lugar, at araw. Kaya marami ang nagagalit, nababalisa sa isang nationalistang obra pareho ng Mga Alaala ng Isang Panahon. Hinihingi nito ang isang alien na gawain ng pagiging kritikal at tanggapin ang isang pundamental na katotohanan na kailangan ng mga tao ang isa’t isa kung gusto nilang makaligtas sa sari-saring mga delubyo, likas pero madalas gawang tao. Iba’t iba ang nakaraan, iisang hinaharap.
–Salvador Pineda, propesor at historyador, UP Diliman

Sa huli, habang iniintindi ni Jun ang katotohan hingil sa nawawalang nobela ni Tatay Rene, naalala ko ang eksena kung saan nabasa rin sa wakas ni Aureliano Babilonia na ang tagumpay at trahedya ng kanyang pamilya, ng buong Macondo, ay matagal na palang nakasulat. Malaki ang traces ng impluwensya ng libro ni Garcia Marquez kay Laneria. Pinagkaiba lang, maliban sa Marcos-zombie-dream/nightmare sequence, realista na si Laneria. Nagsimula sa wala, nagtapos sa wala. Ang wakas ay sya ring simula. Pagdating sa full circle na ito, saka lalabas ang panawagan ng libro, hamunin ang kasaysayang tila paikot-ikot. Hamunin ang mga kuro-kuro.
Hamunin ang mga alaala.
–Sofia Contreras, Manila Bulletin

__________________________________________________________________________________________________________________

Preface:

Aking mga Alaala sa Mga Alaala ng Isang Panahon

Umalis ako ng syudad ng Iloilo mga alas-tres papuntang Miag-ao, ma-init-init pa ang hapon. Pwede ko pa sana ipabukas ang pagbalik pero may bisita kami sa aming liblib na kampus. Hindi ko na pinalipas, matagal-tagal na rin ako hindi nakadalo ng isang writing workshop.

Sa bus may nakatabi akong lalaking tumatawa’t ngumingiti pa habang nagbabasa ng isang libro na mas malaki at makapal lang ng konti sa karaniwang romance pocketbook. Pasimple kong sinilip ang pamagat ng libro. Mga Alaala ng Isang Panahon. Nahuli nya ako at mabilis akong lumingon palayo, tumingin sa harap ng bus.

Nabasa mo na to? Tanong nya sabay abot ng libro.

Hindi pa, sabi ko. Para mabawasan ang pagka-awkward, tinanong ko kung maganda ba. Pinagmasdan ko muna ang itim na cover ng libro. Saka ko kinuha at binuksan.

Ewan. Sabi ng iba, sabi ng iba hindi rin.

Ano naman sa opinyon mo?

Hindi gaanong valid ang opinyon ko. Ako ang sumulat ng librong yan.

Nalito ako. Talaga?

Oo. Natatawa nga ako eh. Ang papangit ng ibang parte, ang ilang parte naman gusto ko nalang punitin.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin.

Actually, tuloy nya, ni-review ko na to. Na-publish pa nga eh.

Nireview mo sarili mong libro?

Oo naman. Blangko lang mukha ko. Hindi ka mabubuhay kung writer ka lang. Dapat critic ka rin, o journalist, o teacher, o speechwriter, o ewan. Isa pa, isang barkada rin lang naman mga manunulat sa Pinas. Madaling malunod ang isang batang manunulat sa komunidad na ito. Sila sila din ang mga editor, guro, judge sa contest, speaker sa workshop. Kung hindi ka pang-Palanca, pang-Liwayway ka. Alam mo ba ang tungkol doon?

Saka nya pinaliwanag sa akin. Sunod nyang ikinuwento na may iba’t ibang dahilan kung bakit nagbabasa ang tao, at lohikal na may iba’t ibang dahilan din bakit nagsusulat ang tao. Ang problema, ang ikalawang tanong lang ang sinusubukan sagutin ng isang manunulat at kinakalimutan na ang nauna. Kukonti nga lang sila, madalas pa ang bangayan. Mga manunulat na nagugutom sa isang lipunan na nagugutom at walang pambili ng libro.

Lalo lang ako nasabik sa writing workshop na dadatnan ko sa Miag-ao. Tinanong ko sya kung ano dapat ang gawin ng isang manunulat. Sabi nya, lumipad nang hindi umaalis sa lupa.

Minsan nabasa ko ang isang edition ng mga kwento ni Lu Xun, tuloy nya, isang haligi ng modernong panitikan ng Tsina, at masugid na tagasuporta ni Mao. May introduction ni Ha Jin, isang Tsino pero sa America na tumira pagkatapos ng masaker naganap sa Tiananmen Square, at nagsusulat sa Ingles tungkol sa Tsina. Nilait ba naman ang buhay at obra ni Lu Xun! Hindi masyadong maganda ang obra at konti lang kasi masyadong nagbabad sa pulitika, inaksaya lang daw ang panahon sa pagsulat ng mga pulitikal na komentaryo na hindi naman daw ‘timeless’. Matatawa ka lang sa mga kontradiksyon sa pinagsasabi ni Ha Jin. Sa pag-atake sa pulitika ni Lu Xun, pinalitaw rin nya ang pulitika nya. Saan na napunta ang letseng universality nya? Ha ha ha! Pero maganda pa rin yung intro nya kasi mauudyok ka talaga pumanig sa isang kampo. Para kanino ka nagsusulat? Sa panahon ng krisis, maliit ang halaga ng pino at porma.

Noong nabalitaan kong sinunog ng isang grupo ang ilang kopya ng libro sa isang demonstrasyon, naalala kong ang mga panahon na nagkausap kami ni Jacob Laneria. Maniwala kayo, hindi sya natatakot o nagsisisi sa mga pinagsusulat nya. Sawang-sawa na sya sa Pilipinong masayahin, mapagtiis, mapagdasal. Wala namang nangyayari. Bigyan naman ng pagkakataon ang Pilipinong galit, matapang, kayang pamahalaan ang sarili at kolektibong kapalaran.

Sabi pa nya, ilalagay nya ang blurb nya tungkol sa sarili nyang libro sa susunod na maimprenta ito ulit. Sabi nya, kung sipagin ako, masulat din tungkol sa libro. Baka din masali. Maya’t maya pa, bumaba na sya sa bus. Hindi ko na matandaan kung saan banda, sinimulan ko nang basahin ang libro at agad akong nalulong dito.

Halos isang oras din ang hinintay ko bago magsimula ang workshop, tumambay ako sa parang park malapit sa admin building para siguradong walang dadaan na kakilala. Walang istorbo. Marami nga lang lamok. Bakit kasi alas-singko pa ng hapon ang schedule. Dumidilim na at walang tao ang mga bulwagan ng College of Arts and Sciences. Pumasok ako sa AVR sa basement. Nakaandar ang aircon. Konti lang ang mga estudyante. Tahimik. Mga ka-kurso ko din sa B.A. Literature ang karamihan. Mga pamilyar na mukha ang iba. Nagtatanong saan ako galing. Kumpleto din ang faculty ng humanities department. Napatigil ako nang makitang handa na ang bisita sa harap. Doon din banda ang may bakanteng upuan. Nakipangsiksikan muna ako, tumingin sa dinadaanan at iniisip na hindi sana ako masyadong pinapansin ng bisita. Puti na ang buhok ng makata. Retired na pero maaliwalas pa rin ang mukha. Naka-puting polo at maong na pantalon. May salamin pero hindi sinusuot, nakakwintas. Katamtaman ang tangkad, medyo malaki ang tyan. Mga sampung minuto bago magsimula, kinausap nya mga estudyanteng kanina pang nakatingin lang sa kanya. Ilonggo ba kayo lahat dito? Sino-sino ang binabasa nyo? Ano wika kayo nagsusulat? May sumagot na Ingles. Alam nyo, sagot ng speaker, para malaman talaga paano magsulat ng Ingles, kailangan nyong basahin at pag-aralan ang buong kasaysayan ng panitikang Ingles. Kaya nyo ba yun? Baka Shakespeare pa lang ayaw nyo na? Ha ha ha.

Nagsimula na.

Introduction of the speaker. Taga-Leyte, retired na professor, sumusulat sa dalawang wika. Isang libro ang mga tulang Waray, pitong libro ng mga tulang Ingles. Pinanganak sa Iloilo, taga-Pavia ang nanay. Huminga ako ng malalim. Sana hindi ang tula ko ang unang isasalang. Karaniwang takbo ng workshop. Konting lecture kuno. Tsaka ang madalas madugong paggisa sa mga obra. Ang pinadala kong tula ay tungkol sa isang lider magsasaka na pinatay sa harap ng palengke namin, komentaryo talaga. Masaya to mamya, double-trouble. Siguradong puro mga tula ng pag-ibig at kasawian ang pinadala ng iba. Nagsalita na ang bisita.

Disappointed daw sya.

Hilaw na hilaw ang mga tulang pinadala namin. Hindi pa kami handa sa isang writing course kaya naghanda nalang sya ng isang reading course. Wala kaming kapit sa wika at porma. Sa madaling salita, sa tradisyon ng panulaan.

Pinamigay ang handouts. May mga lumang kanta/tulang Hiligaynon. Pinakanta. Pinabasa. Pinabilang ng syllables.

Pinahanap ng mga tugma.

Isang tula ni e.e. cummings. onetwothreefourfive pigeonsjustlikethat.

Jesus.

Tanungan. Bakit ganyan? Bakit ganyan ang pagkasulat? Ano ibig sabihin nito? Ano ang epekto? Pinagalitan ang isang kasama ko.

Over-reading daw.

Tumawa ako pero mahina lang.

Tuloy ang pasyon.

Wala nang oras. Gabi na sa labas, kami nalang natitirang taong sa gusali. Binasa nya ang isang tula nya tungkol sa pinsala ni Bagyong Yolanda sa Tacloban. Tahimik. Madamdamin ang pagbasa. Binaba ang papel, tumingin sya sa amin. Tapos na pala. Palakpakan. Huling payo: gusto nyong sumulat? Matuto munang magbasa.

Palakpakan.

May pahabol. Alamin ang tradisyon na pinagmulan. At para na rin may bumili ng mga libro namin. Tawanan.

Tumawa ako pero mahina lang.

Melvin Hernandez,
Unang nalathala sa BUSAY,
opisyal na literary folio ng College of Arts and Sciences,
UP Visayas Miag-ao

___________________________________________________________________________________________________________________

Para sa mga nabura
Sa mga alaala
Ng iba’t ibang panahon

___________________________________________________________________________________________________________________

Always historicize!
Fredric Jameson

___________________________________________________________________________________________________________________

I

Tinawag ang pangalan ni Juan Macario Buendia para umakyat sa entablado, at gamit ang natitirang lakas, pinilit nyang magmukhang kasing tuwa ng kanyang mga magulang.

Advertisements

Dagli 005


Pilosopo Tasyo version 2.0. Nalalakad syang may makasalubong na bata. May hawak na ibon at itinago sa likod nito. Tinanong sya kung buhay o patay ito. Kung sasabihin nyang buhay, pipisilin ito ng bata hanggang mamatay. Kung sasabihin nyang patay, pakakawalan ito ng bata. Wala syang lusot. Kaya sinabi nyang, nasa iyong kamay ang sagot. Unang alternatibong nangyari: hinampas ni Tasyo gamit ng baston ang bata sa mukha at lumipad ang ilang ngipin at dugo nito. Sabay sigaw, putangina ina mo, wag mong aksayahin oras ko, gago. Nakawala ang ibon. Ikalawang alternatibong nangyari: dumating ang mga batang sinuhulan ni Tasyo at pinagtulungan ang batang wais. Nakawala ang ibon. Ikatlong alternatibong nangyari: dumating ang galit na nanay ng bata, hinahanap ang inutos na bilhing suka sa tiangge. Uuwi ang bata at makakawala ang ibon. Ikaapat na alternatibong nangyari: hindi pinansin ni Tasyo ang bata. Ikalimang alternatibong nangyari:inisip ni Tasyo ang walang katapusan posilbleng mangyari at sinabi sa bata. Hindi lang sa kamay mo nakasalalay ang sagot.

Dagli 004


Nanood ako kanina ng palabas pagkatapos ng kantahan tuwing Linggo ng hapon. Bukas pa ako babalik sa Miag-ao. Panandalian akong sumuko sa kababawan ng Facebook. Mga bagong artista naman. Mga teen-agers at ang kanilang mga problema sa pag-ibig. Puro baguhan. Ginawa ang show para sa mga baguhan na to. Puro magaganda at gwapo. Maputi, matangos ang ilong, matatangkad, payat. Halatang may halong dugo ng dayuhan. May Chinita, may Amerikana, may isa pang French kung ang pangalan nya ang pagbabasihan. May ilang hindi talaga marunong umarte. May ilang medyo okay na rin. Parang mga batang umuwing pa-ekis ang paglakad pero pilit na pinapaliwanag sa mga magulang na hindi sila lasing. Dyosko ano ba tong nangyayari. Nakikita ang mga imahen ng mga kabataan na to hindi dahil sa kakayahan kundi dahil sa, yun nga imahen. Hindi maganda magsalita, baluktot. Umuwi sila sa Pilipinas para mag-artista. Okay lang sana kung model pero kung artista? Bawat bagay na nakikta ko mali pero hindi ko pinatay ang TV. Kahit alam kong hindi sila magbabago. Alam ko kung ano ang magiging takbo ng kwento. Hindi nga marunong mag-Filipino na diretso, ipaliliwanag pa ang nararamdam?

Dagli 003


Sabi ni Hemingway, dapat ginagawang disiplina ang pagsusulat. Hindi pwedeng kung kailan lang may inspirasyon. Walang may mangyayari sayo kung ganun. Dapat araw-araw may sinusulat ka. Kahit hindi seryoso basta sumusulat. Kwento mo sa sarili mo kung ano ang nangyari sa araw mo. mga problema mo, gusto mong mangyari. Dapat may desenteng pwesto, walang distraksyon. Dapat may mga minimun words para disiplina. Kung wala talaga, simple lang payo niya. Sumulat ka lang ng isang totoong pangungusap. Walang pinapaliwanag kundi katotohanan. Nagustohan ko si pareng Ernest kasi simple ang mga kwento nya, at pangungusap. Pero kung pagtyagaan mo talaga, maliligaw ka rin. Binabasa ko ngayon ang libro nyang A Moveable Feast, memoir daw nya tungkol sa panahon na kinalagi niya sa Paris. Dito ko nakuha ang ewan na payo tungkol sa isang totoong pangungusap kada araw. Kung kailan sya namatay saka lang nalathala ang librong ito. Kasi huli na nya itong sinulat. Wala na sya sa Paris. Ibang klase. Parang work of fiction na. Dreamy ang Paris na binibigay nya sa akin. O ang Paris na kanyang kamalayan, isang kamalayan ng matandang manunulat na kalaunan ay papatayin ang sarili nya. Natakot ako baka ito rin ang mangyayari sa Miag-ao dahil sa pinagsusulat ko. Hindi mo na mararanasan ang lugar sa kung ano sya, kundi ayon na lang kung ano sya para sa iba. Mga Amerikano lang naman ang mahilig magromansa sa Paris. Mga dayo. Tulad ko. Ang mga dayo ang mahilig bumuhay ng mga lugar. Lahat tayo lumalaki sa paniniwalang may isang lugar sa labas ng ating kinalakihan na mas makapagbibigay ng kahulugan sa buhay natin. Pagdating doon, madidismaya tayo kasi wala naman palang pinagkaiba ang mga lugar sa mga tula kesa sa mga lugar na hindi ginagawan ng tula. Pero ayaw natin magpatalo sa payak na realidad. Basa parin ng tula o kwento, kinig ng mga awit, nood ng mga pelikula. Mahirap tandaan na bilog ang mundo. Walang mga sulok, tuluyan. Ang laki yata ng ulo ko ah. Hemingway na agad. Sabi nya araw-araw. Sabi ko seseryosohin ko to ngayong taon. Ako pa lang mag-isa sa kwarto, bukas pa malamang darating ang room mates ko, nakatayo pa ang tatlong kama. Ibang klase. Unang araw pa lang palpak na. Mabuti nga.

Huling Tango sa Cinematheque


Natapos ang pelikula ng alas-siete imedya. Naghahanda nang magsara ang cinematheque. Salamat. Balik kayo sa sunod. Oo. Maganda ang kwento. Hindi ito pinansin ni Philip. Maliban sa upoan ng security guard. Pareho sa upoan sa loob, pang-sine. Swabe. Ngimuti siya. Lumabas sya at tinext kung saan na ang pinsan nya. May kasama sya sa labas ng cinematheque. Babae. May tinatawagan. Tahimik na ang Dalan Solis. “Hello?” sabi ng babae sa telepono. “Kakatapos lang. Sayang.” Sinubukan ni Philip na hindi makinig. Hindi nya napigilan ang sarili.

Ang babae ang unang kumausap sa kanya, “May hinihintay ka rin?”

Ngumiti lang si Philip. Tinignan ang telepono kung may sumagot na text.

“Ang kulit naman ng kasama ko.”

“Ako nga rin.”

“Maganda pa naman ng palabas.”

“Oo nga.” Pepot Artista ang kakatapos lang na pelikula. Sinulat at dinirek ni Doy del Mundo. Sa wakas, nag-direk din si del Mundo. Tungkol ang kwento sa isang batang gustong maging child-star para maiahon sa hirap ang pamilya.

Binuksan ng babae ang telepono. Hindi napigilan ni Philip ang tumitig. Kahit malabo ang lighting, maganda pa rin ang babae. Naaliw si Philip sa sarili nya. “Nakahapunan ka na ba?” Bahala na.

“Ha?” nag-isip ang babae. Tinignan ang oras sa relo. “Hindi pa nga eh.”

“Sasakay ka ng SM?”

“Naku, baka anong oras na tayo makarating doon.”

“Oo nga no?”

“May Chowking malapit dito.”

“Sige.”

Naglakad sila. Lena ang pangalan ng babae. Magdalena, pinaikli. Binuksan ng guard ang pinto para sa kanila. Marami pang tao. 24/7 ang branch na to. Pumila sila. Iniwan si Philip sa pila para makareserba ng mesa si Lena. Umupo sya sa mesang pang dalawa lang. Binayaran na ni Philip ang order. Masungit ang kahera. Sige lang.

“Alam mo, may writer na Magdalena din ang pangalan.” sabi ni Philip dala ang numero ng order nila.

“Talaga?”

“Oo.”

“Ano mga nasulat nya?”

“Marami. Napakarami. Pero walang may nagbabasa.”

“Malungkot.”

“Kahit ako.”

“Bakit mo sya kilala?”

“Alam ko lang.”

“Writer ka rin ba?”

“Sinusubukan.”

Dumating ang order nila. Kumain sila.

“Ako, tamad akong magbasa.” sabi ni Lena.

“Bakit naman?”

“Ewan.”

“Pero mahilig ka sa pelikula?”

“Sinasamba ko sila.”

“Hindi lang sine ang may kayang magkwento.”

“Totoo din.”

“Lahat ng tao dito ay may kanya-kanyang kwento.”

Tumingin sila sa paligid.

“Yan ba ang mga sinusulat mo?”

“Ang alin?”

“Tungkol sa araw-araw.”

“Minsan tungkol sa gabi din.”

Ngumiti si Lena. “Sige nga, gumawa ka ng kwento.”

“May kwento na ako tungkol sa isang 24/7 na fast food restaurant. Pero hindi ko pa nasulat.”

“Talaga?”

“Basta isang gabi may iba’t ibang tao sa restaurant. Empleyado, gwardya, manager, costumer, pulubi.”

“Tapos?”

“Basta may mangyayari sa kanila.”

“Yun na yun?”

“Oo.”

“Boring.”

“Ang buhay ay boring.”

“Kaya ka nga nagsusulat eh.”

“Basta.”

“Gawin mong horror.”

“Multo sa fast food?”

“Oo naman.”

“Bakit may magmumulto sa fast food?”

“Wala, dahil namatay sa sunog.”

“Hindi ito nasunog.”

“Pero yung sa taas.”

“Sa taas lang.”

“Nakita mo ba?”

“Hindi. Isang umaga, papunta ako sa klase. Sa West. Konti lang ang jeep sa Iznart. Sabi may sunog. Grabe ang traffic. Noong pauwi na ako saka ko nakita. Wala naman daw nasaktan.”

“Pero may sunog. Sapat na yun.”

“Paano?”

“Nakakatakot.”

“Gusto mong malaman kung ano mas nakakatakot?

“Ano?”

“Yung mga namatay noong Batas Militar.”

“Wag.”

“Bakit?”

“Basta.”

“May mas nakakatakot pa doon.”

“Wag.”

“Yung mga namatay pagkatapos ng Batas Militar.”

“Wag.”

“Bakit?”

“Magiging masyadong seryoso ang usapan na to.”

“Tapos?”

“Masama yun. Kakatapos lang natin manood ng sine.”

“Tapos?”

“Masyadong mabilis ang pagbalik sa realidad.”

“Tapos?”

“Ngayon lang tayo nagkakilala, dapat mababaw lang muna ang pag-usapan.”

Sasagot pa sana ni Philip. Nag-vibrate ang telepono nya sa bulsa. Napatigil si Philip. Tinignan nya ang telepono. Una na raw syang umuwi sabi ng pinsan nya. Pasensya. Bawi lang sa susunod.

“Konti lang kasi ang nangyayari sa Iloilo.”

“Hindi yan totoo.” sagot ni Philip.

“Buti pa ang Paris.”

“Hindi yan totoo.” ulit ni Philip.

“Napanood mo na ba ang Paris, je t’aime?”

“Oo naman.”

“Di ba maraming nangyayari sa Paris.”

“Pelikula lang yun.”

“Dito, tamad ang mga tao kahit sa pangalan. Iloilo ang syudad, Iloilo din ang probinsya.”

“Ano masama doon?”

“Hindi sigurado. Wala na ba ibang pangalan?”

“Kastila ang nagbigay ng pangalan sa Iloilo. Parte sa pagbuo ng imperyo ang pagpangalan sa mga lugar, pagguhit ng mapa.”

“Ano tawag ng mga ninuno natin sa lugar na to?”

“Wala.”

“Bakit?”

“Hindi importante kung taga saan ka noong unang panahon.”

“Malungkot pala noon.”

“Masaya noon.”

Hindi pinansin ni Lena ang banat nya.

“Ngayon kung gagawa tayo ng Iloilo, palangga ta ka masyadong magulo.”

“Mas maganda pakinggan, Iloilo, gugma ko.”

“Pwede rin.” Lumiwanag ang mukha ni Lena. “Gumawa ka.”

“Ha?”

“Sumulat ka ng mga kwento sa Iloilo, gugma ko.”

“Hindi pwede. Masyado akong matapang. Hindi cheesy.”

“Kahit na.”

“Ewan.”

“Dapat may kwento tungkol sa Iloilo Cinematheque.”

Tumawa si Philip. “Gusto ko parang Last Tango in Paris.”

“Ano yun?”

“Basta—”

Tumayo bigla si Lena at sinagot ang telepono. Inisip ni Philip paano ipaliwanag ang kwento ng Last Tango in Paris sa pinakasimpleng paraan. Mahirap. Sige lang. Bumalik si Lena sa mesa. “Kailangan ko nang umalis.”

“Bakit?”

“Dyan na ang nobyo ko. Yung kasama mo, anong sabi?”

“Uwi nalang daw ako.”

“Ganun ba? Sige mauna muna ako.”

“Ingat.”

“Isulat mo ha.” Ngumiti si Lena.

Hindi mapigilan ni Philip na marinig ang mga sigaw ni Marlon Brando.

Ngumiti din si Philip.

last-tango-in-paris
image from http://mymillionthblog.wordpress.com/2012/11/17/80/

Noypi Noir


KUNG maglandian ang magnobyo sa harap ko parang nasa loob sila ng sinehan. Malamig, madilim, komportable, at sa mga dambuhalang larawan lang nakatingin ang lahat. Kabaliktaran ng sinehan ang jeepney. Masikip, mainit, at gusto mo na lang matapos ang byahe mo. Ako si Felipe Marlowe at dalawampung taon na akong hindi nakababalik sa Miag-ao. Limang taon nang huli akong bumalik sa Iloilo. Ito ang problema sa mga balikbayan, kahit sa Maynila lang naman ako, isang oras na eroplano, ang mga lugar ay parehong pamilyar at banyaga. Habang tumitingin ako sa bintana ng lumilipad na jeepney paraang nanood ako ng pelikula. Pero hindi tulad ng karaniwang panonood ng sine, may kinalaman ako sa kwento at ang kwento ay may kinalaman din sa akin.

[Mrs. Feliza Pascual, 48, dorm manager ng biktima]

Kamusta naman si Marion bilang dormer?
Pascual: Okay naman. Mabait. Sumusunod naman sa mga patakaran. Hindi pa siya nabigyan ng GR. Wala naman akong naririnig na reklamo tungkol sa kanya.

Malapit ba siya sa mga ka dorm niya? Sumasali sa mga activities?
Pascual: Makikita mo naman siya parati. Pero hindi siya madalas sa lobby. Tapos iilan lang ang mga lalapit na kaibigan. Pero alam mo, galanteng bata yan.

Paano mo nasabi?
Pascual: Noong nag-dorm sportfest kami. Sa closing, may program lang kami pero walang handaan. Hindi naman napag-usapan. Nagulat ako nagpresinta siya sagutin ang hapunan ng lahat. Simpleng salo lang naman. Nagkataon pa lang birthday niya.

Maliban doon, may napansin ba kayong kakaiba sa kanya?
Pascual: Ito madalas tong mangyari. Parati siyang wala dito. Hindi siya natutulog dito. Wala naman problema kasi nagfa-file naman ng permit. Sabi daw kasama ang nobyo. Hindi naman ko naman pinag-isipan masyado kasi hindi si Marion ang tipo ng babae na madaling mapahamak. Alam mo na.

NASA Iloilo ako dahil sa anak ko. Hikain at maya’t mayang nasa hospital. Hindi kami kinasal ng nanay niya pero sinusustetuhan ko siya. Mga tatlong taon din kaming nagsama, at isang hikaing batang babae ang naging bunga. Bago sa kanya may kinasama din ako ng limang taon, buti walang bunga. Hindi madrama ang isang ‘yon. May pinupormahan na naman ako ngayon, hindi naman isyu ang anak. Ang lalaki naman, binata habang buhay.

Pumunta ako sa boss ko isang hapon para humingi ng advance. “Wag na,” sabi nito, sabay hithit sa tabaco nakaipit sa mga matatabang daliri, “May kaso ako para sayo. Sa Iloilo pa. maresolba mo lang to, malaking maitutulong nito sa anak mo.” Sampung taon na akong pulis, dalawang taon bilang inspector, halos tatlong taon na ring freelance ika nga. Ilang beses din ako nagpalipat-lipat ng presinto sa Maynila. Hindi naman problema kasi wala naman pamilya, walang pirmanenteng tirahan, walang problema. Ngayon lang ako napadpad sa Iloilo dahil sa trabaho. Wala namang espesiyal sa mga kaso na hinahawakan o tinutulungan kong ma resolba; rape, ninakawan, patayan, ni-rape, ninakawan at pinatay.

Dalawang araw na ang nakalipas nang pinatay ang isang estudyanteng babae habang papauwi sa dorm, sa loob ng kampus. 17 lang ang dalaga at unang beses na may nangyari ganito. Wala sanang problema kung taga-Miag-ao lang ang biktima. Pero ang unibersidad na to ay binubuo ng mga dayo. Isa lang ito sa maraming kampus ng unibersidad sa buong bansa. Hindi ko pa inabutan to. Iba mag-isip ang mga kabataang dayong ‘to. Kaya siguro ako ang pinadala nila. Alanganing taga-rito, alanganing dayo. Mapapabilis-bilis man lang ang kaso.

[Kristopher Larios, 19, upperclass ng biktima]
Ano pagkakilala mo kay Marion?
Larios: Ayos naman. Marunog makisama.

Bakit kanga ulit dito? Kahit pang freshman lang ang dorm na to?
Larios: Parang peer councilor ako. Mag ate at kuya kami dito. Kung may problema sila, pwede kang lapitan

Kamusta naman relasyon ni Marion sa mga ka batch niya?
Larios: Konti lang kaibigan nyang malapit. Nagulat nga kami noong sumali siya sa isang partido eh

Yung nag-organize ng candle lighting?
Larios: Oo. Doon siya yata huling nakita kasama si Joel.

Ikaw wala ka bang partido?
Larios: Ah, bawal kaming mga peer councilors. Bawal ang partido, bawal ang frat o soro

Bakit?
Larios: Siempre baka gamitin namin ang posisyon para ma-recruit sila. Gusto kasi ni Maam, dapat maranasan nila walang org na demanding para sila mismo ang makapag set ng priorities nila kalaunan.

[Daisy de los Santos, 2, anak ng imbestigador]
Hello?
De los Santos: Low?

Kamusta ka na?
De los Santos: Low?

Pasensya ka na ha. Trabaho si Papa eh.
De los Santos: …

Dalhan kita ng pasalubong.
De los Santos: Papa.

Oo si Papa mo to.
De los Santos: Papa.

Sige, babye.
De los Santos: Papa.

BUMABA ako sa Union Building ng unibersidad. Pilit kong inalala kung ano ang mukha ng lugar na to bago pinatayo ang eskwelahan. Wala akong maalala. Sinalubong ako ng isang estudyante. Payat na lalaki, naka-maong at itim na t-shirt. Karamihan sa mga tao sa paligid ay naka-itim din. Sinamahan niya ako papunta sa opisina ng student affairs. Masikip ang opisina ng head guidance councilor, si Mrs. Elsa Severino, matabang babae, chinita, parang nanay kung magsalita. Kasama na sa trabaho. Pinakilala niya ako sa lalaking na naka-uniporme ng university police, si Mang Jack Monteverde, may bakante pang upuan para sa akin. Mas gusto kong nakatayo. Lumabas sa kwarto ang estudyanteng naghatid sakin.

“Kailan ka dumating inspector Marlowa?”

“Kaninang umaga lang.”

“Kamusta naman ang byahe mo?”

“Ayos lang. Pagkatapos kong magtanghalian sa syudad, dumeretso na ako dito.”

“Salamat. Nabasa mo yung report na i-email sayo?”

“Oo, pero pag-aaralan ko pa siguro ng mas mabuti.”

“Nakatulong ba yung interviews?” tanong ni Mang Jack.

“Oo, siempre. Pero gusto ko pa sanang magtanong-tanong pa.”

Pumasok ulit ang estudyante kanina. Nag-usap ang mga mata nila ng guidance councilor. “Tsaka nga pala,” sabi nito. “Gusto ni Raymond na mag-volunteer bilang assistant mo. Student assistant siya namin dito.”

“Wala kayong sinabi tungkol sa isang assistant. Makakadistorbo lang ang imbestigasyon sa pag-aaral niya.” Hindi ko man lang tinignan ang binata.

“Si Marion ay malapit kong kaibigan. Kaya rin gusto kong personal na tumulong.” Tumahimik ang buong kwarto. Mararamdaman mo pa ang bigat ng hangin. Mukhang desidido naman ang bata. Nalito ako nang bumigay ako at pumayag. Nagbago ang itsura nito. Parang bata na binilihan ng bagong laruan. Hindi ko gusto ang angas ng batang ito.

[Anna Bernal, 16, roommate ng biktima]
Ano si Marion bilang roommate?
Bernal: Mabait. Malinis. Wala kang problema

Nagkukwento ba siya ng mga problema?
Bernal: Minsan pero madalas tungkol sa klase. Mga hindi niya maintindihan, o may ayaw na schedule, tanghali, alas-siete ganun.

Nag birthday daw si Marion sito sa dorm. Galante din ba sya sa inyo?
Bernal: Minsan dinadalhan kami ng pasalubong pagkain galing sa syudad. Kung kailan nga lang may dala. Parati ring nagyaya kung kumakain.

Itong nobyo na si Joel. Gaano niyo siya ka kilala?
Bernal: Hindi masyado. Gulat nga kami eh.

Hindi ba siya nagkukwento? Tuwing nag-aaway, mga ganun?
Bernal: Wala eh. Nahihiya rin kami magtanong.

Hindi ba pinagsasamantalahan ni Joel si Marion? Sa usapin ng pera, halimbawa?
Bernal: Hindi naman. Kung tutuusin nga yan pa ang pinag-awayan nila minsan. Parati kasing binibilhan ng regalo ni Marion. Lalo noong binilhan nya ng sapatos. Nalaman ng lahat. Medyo masama yung pagkakwento.

MARAMI akong malalayong kamag-anak pero hindi pa nila alam na nasa Miag-ao ako. Mas mabuti nga yon. Hindi na nila kailangan magpanggap na interesado sila sa akin. Nangako ang unibersidad ng matitirahan sa takbo ng imbestigasyon. Matutulog ako sa guest room ng isang dorm. Ito rin and dorm ni Raymond at dati ni Marion. Nagpresinta pa si Raymond na dalhin ang gymbag ko para ilagay sa traysikel. Habang papunta sa dorm area, nakita ko ang general na anyo ng kampus. Walang mga bakod, malalayo ang mga building, konteng mga ilaw, paraiso to sa mga kriminal.

Pagdating sa dorm, nakaharap ko ang dorm manager, si Mrs. Pascual, isang namang nanay ng mga estudyante. Halatang maraming iniisip at kulang sa tulog. Siya ang tumatayong nanay sa lampas isang daang kabataan na umuupa sa dorm. Namatay ang isa, natataranta ang iba, kasama na ang kanilang mga tunay na magulang. Tapos papasok pa ako.

“Ma’am, kaya ko na sarili ko. Gusto ko po kayong makausap mam’ya.”

Pumasok din sa guest room si Raymond. Habang hinuhubad ko ang mga sapatos ko pinapaliwanag niya ang ilan sa mga patakaran sa dorm. Kung saan ang kwarto niya, anong oras ang curfew, kung sino-sino ang ibang staff at student assistants. Nakaupo siya sa bakanteng kama ng guest room. Di ko na natiis, “Raymond, anong trip mo?”

“Po?”

“Bakit nandito ka?”

“Assistant niyo po ako.”

“Bakit nga sabi?”

“Pinaliwanag naman kanina…”

“Oo. Pero bakit mo ginagawa ang ginagawa mo?” napatigil siya. Seryoso ako, at seryosong bagay tong hinahawakan ko.

“Kasi po,” simula niya, mas kalmado, “matagal ko na pong gusto masangkot sa ganito.”

“Masangkot sa ganito?”

“Ang ibig ko pong sabihin, sa isang imbestigasyon.”

“Bakit?”

“Gusto ko eh.”

“Ano ba kinukuha mo?”

“Literature po.”

“Eh bakit hindi ka kumuha ng criminology?”

“Mahilig po akong magbasa eh.”

Hindi ko na napigilan ang pagtawa ko.

“Seryoso po, mahilig po kasi ako samga crime stories at detective fiction. Yung suspense. Hindi mo alam kung sino talaga yung pumatay hangang sa huli. Pati na rin ng pelikula.”

Tumigil muna kao sa paglalabas ng mga gamit galing sa bag. “Alam mo naman totoong namatay ang kaibigan mo di ba?” Nilabas ko ang case ng baril ko at pinakita sa kanta. “At totoo rin ang baril ko.” Malagkit ang tingin niya sa 9mm, manghang-mangha. “Sana pag-isipan mo yan ng mabuti para makatulong ka”

“Opo. Pasensya na po.”

“Ayos lang. Pahinga muna ako. Bumalik ka dito pagkalipas ng isang oras. Magsisimula na tayo.”

“Sige po. Pangako hindi magiging sagabal. Dapat alisto parati sa mundong walang moralidad.”

“Ano sabi mo?”

“Mundong amoral po. Wala ng tama o mali. Pinupursige lang ng mga tao ang kanilang mga pansariling interest. Mundong noir!”

Patay kang bata ka.

[Manuel Hernando, 52, ama ng biktima]
Hello po sir?

Hernando: Kamusta na?
Nandito na po ako sa Miag-ao.

Hernando: Mabuti. Kailan ka matatapos?
Biernes ng gabi. Balik na ako Maynila kinaumagahan.

Hernando: Ipapasundo kita.
Huwag na po.

Hernando: Ako na ang bahala.
Salamat po.

Hernando: Nakausap mo na ba si Joel?
Hindi pa.

Hernando: Hindi siya. Mabuting bata yan. Hanapin mo ang totoong pumatay.
Opo. Meron po ditong Raymond. Makulit. Malapit daw sila ni Marion.

Hernando: Hindi ko maalala.
Ganun po ba.

Hernando: Basta bilisan mo.
Opo. Ako po ang bahala.

Hernando: Sige.

ALAS kwatro dapat babalik si Raymond sa guest room. Quarter to four palang papunta na akong sementeryo. Hindi rin ako nagtagal doon. Saka ako nag-ikot-ikot sa banwa. Marami ang mga bagong gusali at mga establishamentong tsak na malulugi noon. Mga studio, bangko, internet shops at mga restaurant. Parang syudad din kahit papano ang dating ng banwa. Pero iba pa rin. Matagal humabol ang mga gawi ng mga tao. Nagmerienda ako sa isang 24/7 na tinapayan sa tabi ng munisipyo. Isipin mo yun, 24/7. Marami ang bumibili, pero karamihan sa mga hindi nag-take out ay mga kabataan. Yung mga medyo matanda, inuuwi pa rin ang tinapay. Nasa gilid ng highway papuntang Antique ang tinapayan. Maraming traysikel pero konti lang ang dumadaan na mga sasakyan. Kadalasan mga lumilipad na jeepney, L300, truck o bus na parang nauubusan ng lupa. Minsan mas nakakamatay ang ganitong klaseng kalye kesa sa mga tulad ng EDSA.

Nakatingin lang ako sa aspaltong kalsada. Habang ngumunguya, hindi ko rin naman tinatadaan ang mga mukha ng mga tao o kulay ng mga sasakyan. Blangko. May babaeng tumigil sa harap ko. Mahabang buhok, naka-berdeng uniporme, may bag, pero may bitbit pang malalaking libro at record book. Tulala din siya. Blangko. Patay kang bata ka.

“Ikaw pa talaga yan Felipe?” tanong niya, mahinhin na boses. Isa sa mga maraming boses na matagal ko nang tinangap na hindi ko na maririnig pa. Kapitbahay at kababata ko si Lourdes. Ni hindi ko nga alam na malapit lang bahay niya sa amin kung hindi ako nag-grade one. Pagkatapos ng klase, nilapitan ako ng tiyahin niya. Sasama na raw ako sa kanila pauwi kasi wala akong sundo. Siempre kinabahan ako. Pero siempre din, kilala ko ang tatay at hindi ito ang unang beses na walang sumundo sa akin. Sabi ko sa sarili, bahala na kung kidnapper to. Dalawa naman kami ang kukunin. Marami ang nagulat nang mas pinili ng tatay ko ang magpatayo ng clinic sa Miag-ao kesa sa syudad mag practice. Wala naman sanang problema pero bagong labas lang siya sa med school noon. Ang bata-bata pa. Ang tatay naman ni Lourdes US Navy, ang nanay teacher sa high school. At malamang sumunod si Lourdes sa mga yapak nito. High profile na kami noon, kaya mas madalas ipaalala samin ang wag-kumausap-sa-di-mo-kilala routine. Ngumiti ako. Yung hindi pilit. At niyaya siyang magmerienda.

“Kamusta ka na?”

“Mabuti naman. Ano ginagawavmo dito? Nag-internet lang ako dyan sandali.” Sabay turo sa kalapit na cafe.

“May trabaho lang. Doon pa nga ako sa dorm ngayon eh. Imbestigasyon tungkol sa estudyanteng namatay.” Nagbago agad ang mukha niya. Nalungkot, parang siya ang namatayan.

“Ah, oo. Nakakahinayang nga eh. Doon din ako actually papunta sa staff house. Teacher kasi yung nobyo ko. Naging estudyante pa nga yata niya ang bata.” Matagal-tagal din ako hindi nakaramdam ng kirot sa dibdib. Akala ko namanhid na ako ng trabaho. Hindi pa pala lubusan.

“Ganun ba. Sa dorm ako eh. Sa guest room ako. Sa Balay Napulak. Alam mo yun?”

“Yata, hindi ako ganong natandaan eh. Magkakamukha pa naman ang mga dorms.”

“Basta doon. Mga ilang araw din siguro ako dito. Kailnagan matapos to agad.”

“Oo nga. Gusto mo magkasama tayo mag-dinner mamya? Doon sa unit ni Victor. Marami namang karenderya doon, bili lang tayo ng ulam.”

Wala naman akong plano kaya pumayag ako. Hiningi ko nalang ang number niya. Mga alas-sais daw sana doon na ako. Hindi siya pwedeng gabihin. May pasok pa bukas. At baka wala nang masasakyan. Sabi ko susunod ako agad may pupuntahan lang ako. Walang problema, sabi niya, text mo lang ako. Sineyasan niya ang isang drayber ng traysikel na kulang nalang ng isang pasahero. Saka tumawid sa kalye kanina ko ang pinagmamasdan.

[Gretchen de los Santos, 32, dating kinakasama ng imbestigador]
Hello?

De los Santos: O, saan ka na?
Dito sa Miag-ao.

De los Santos: Sa mga kamag-anak ka ba?
Hindi sa dorm din ako.

De los Santos: Kamusta sitwasyon dyan?
Tahimik. Parang hindi unibersidad.

De los Santos: Hindi pa parating tahimik dyan? Malayo sa syudad.
Hindi ganito ka tahimik.

De los Santos: Kailan balik mo?
Sabado.

De los Santos: Sige.
Kamusta na siya?

De los Santos: Heto. Sumasakit na ulo ko.
Pati ikaw magkakasakit nyan eh.

De los Santos: Wala ako dito bukas. Nakiusap na ako kay Paula na bantayan siya.
Bakit naman?

De los Santos: Baka masisante na ako. Marami na akong absent.
Sige. Gasing ba siya ngayon?

De los Santos: Heto. Teka lang.

BAGO naubos ang ilaw ng hapon, pumunta ako sa dagat.

Kailangan kong kamustahin ang kaibigan kong si Dencio Santos o Den nalang. Ang Felipe ko nga ginawa nyang Feli noong college. Kaklase ko noong hayskul pero naging mas malapit kami noong sabay kami nag-aral sa syudad. Kasama ko pa sa boarding house sa Jalandoni. Habang pababa, kaliwa’t kanan na mga malalaki at magagarang mga bahay. May naka-park pang tigdadalawang sasakyan sa mga garahe. Hindi ko nga nakikita mula dito. Habang lumalakas ang simoy ng dagat, nag-aabang nalang ako ng isang palatandaan sa namakakaturo kung saan siya.

Pagkatapos ng mga malalaking bahay. Makikita mo na ang dagat, at ang mga maliliit na mga bangkang pang-isda. Naglalakad-lakad pa ako hanggang nakarating sa isang basketball court ng baranggay. Isa lang ang ring pero pinagtsatsagaan. Masigla ang laro. Tatluhan. Wala nang pantaas ang mga kalalakihan. Huling-huli ang atensyon ng lahat. Meron ding mga kababaihan ang nga kukwentuhan sa isang tiangge. Maraming mga bata ang naghahabulan, ang ilan naghihintay ng pagkakataon na makalaro din ng basketball. Karaniwan ang mga dalagita pa lang pero may bitbit ng sangol. Mukha pang sakitin, at walang salawal. Sa di kalayuan, nakita ko na hinahanap ko. Isang malaking paskil, welga laban sa konstruction ng isang resort. Kulay pula ang mga letra. Marami ring mga mas maliit na paskil at mga plakard. Parang campsite. Campsite karamihan ng mga taong pirmamenteng nagkakamping. Nakatayo lang ako nakatingin sa squatters. Lumabas din ang isang lalaking nakasalamin, mahaba nag buhok. Tinignan niya ako ng masama, lumapit nang dahan-dahan. Lumabas ang pilyong ngiti. Nagkaharap kami.

“Dito ka ba para bansagan akong komunista?”

Sinakyan ko na. “Basta hindi mo ako unahan at tatawaging pasista.” Hindi na namin napigilan ang pagtawa. Pagkatapos ang isang mahigpit na yakap, pinag-tripan pa ang mukha ko. “Feli ikaw ba to? Ilang taon na?”

“Mga walo?”

“Gago halos sampu na kaya.” Tawanan.

“Ano kailangan mo? Aanib ka ba sa aming kausa?”

“Hindi imbestigasyon sa namatay na estudyante.” Sumeryoso din ang mukha niya. “Napadaan lang ako nang nabalitaan ko to.”

“Oo, si Marion. Mabait na bata yun. Kilala ako nun. Minsan napadaan din yan dito.”

“Ano ginawa niya dito?”

“Edi nag-volunteer. Tumulong dito. Hindi mo ba alam na ang mga estudyante na lang ang dahilan kung bakit hindi pa kami pinapadalhan ng bulldozer dito?”

“Ano bang merong dyan?” tanong ko.

“Pinapaalis ang mga tao. Magpapatayo daw ng resort dito ang isang kompanyang Koreano. Para daw may puntahan naman ang mga turista pagkatapos nila magpa-picture sa simbahan. Ang relocation site, kung saang bundok. Eh paano yan mga mangingisda mga tao dito. Ang mga bata sa banwa nag-aaral. Ano nalang mangyayari sa mga taong ito?”

Hindi ko alam ang isasagot ko.

“Mga ilang araw din ako dito. Kanina lang ako dumating. Pumunta na nga ako sa sementerio kanina eh.”

“Ganun ba? Baka gusto mong tumambay? Inum? Marami nang pwedeng inuman dito.”

“Oo nga eh. Depende. Bukas pa ako magsisimula talaga. Sana matapos ko agad.”

“Biernes ng gabi? Okay yun?”

“Sige subukan ko.”

“May student assistant pa nga ako eh. Tinakasan ko. Si Raymond. Kilala mo?”

“Ah, oo. Si Raymond. Cruz? Malapit yun kay Marion. Ikaw naman gusto lang tumulong ng bata”

“Ang kulet eh. Pakiramdam niya pelikula tong trabaho ko. Ewan ko ba.”

“Pabayaan mo na. Palabasa kasi yun eh. Medyo nag-aapaw ang imahenasyon.” Tawanan. Kinuha ko rin ang number niya at naglakad pabalik sa sakayan ng traysikel. Hahatid niya sana ako kaso may kailangan pang tapusin. Dumaan ako ulit sa mga magagarang bahay at parang hindi man lang pumasok sa kamalayan ko ang kalagayan ng mga pinagtatagol ni Dencio.

[Ruby Guzman, 17, roommate ng biktima]
Gaano mo kakilala si Joel?
Guzman: Siempre kasama ko sa kurso pero hind rin kami malapit. Gulat nga akong nalamang sila ni Marion.

Wala ba tong mga kaaway?
Guzman: Wala naman. Marunong din kasing lumugar eh.

Alam mo bang may nakitang droga sa kwarto niya sa boarding house?
Guzman: Yun nga ang pinaka hindi ko inaasahan. Ilang beses pa namang natutulog doon si Marion.

[Joel Lazaro, 17, nobyo ng biktima]
Kamusta ka na Joel?
Lazaro: Heto.

Nakausap mo ba mga magulang mo?
Lazaro: Binisita lang ako ng kuya ko. Hindi pa alam ni Mama.

Saan ba mama mo?
Lazaro: Sa Italy

Yung tatay mo?
Lazaro: Hiwalay na sila. Wala na kaming balita

Paano kayo nagkakilala ni Marion?
Lazaro: Naiwan ko ang isang notebook ko sa room na sila ang gagamit. Hinintay ko at nagpasalamat. Tapos tinandaan ko siya, bati-bati lang muna. Hanggang nalaman ko na pareho pala mga bakanteng oras namin. Doon na nagsimula.

Anong nangyari ng Lunes ng gabi?
Lazaro: Naghapunan kami sa banwa at bumalik sa boarding house ko. Doon lang muna kami. Sabi nya kailangan nyang umuwi sa dorm. Sabi ko mamya, papasakayin ko lang siya ng traysikel.

May pinagawayan ba kayo?
Lazaro: Wala. Nagbanyo lang ako. Pagbalik ko, umiiyak siya. Kailangan daw niyang umalis. Ayaw magpasama. Hindi ko maintindihan. Pinabayaan ko lang. Minsan ganyan talaga siya.

Pag-usapan natin yung drogang nakita sa kwarto mo.
Lazaro: Ano naman kinalaman nun.

Baka yun ang nakita niya.
Lazaro: Tapos?

Saka lang niya nalaman na gumagamit ka?
Lazaro: Oo. Siguro.

Gaano na katagal?
Lazaro: Nitong college lang

Dito ba sa Miag-ao ang kinukuhan mo?
Lazaro: Hindi.sa syudad. Para lang sa sarili ko

Tapos?
Lazaro: Wala.

Mga anong oras umalis si Marion?
Lazaro: Mga alas-dies.

KUNG kailan ako dumating sa waiting shed sa labas ng staff house saka umandar ang ilaw nito. Sa tabi ng mga dorms ang ilang units ng mga bahay. Iba’t iba ang mga desenyo at kapasidad. Pinatayo din ang mga ito para sa pangangailanan ng mga empleyado at guro ng unibersidad. At siempre sa mas murang halaga. Ang iba, mga empleyadong nag-sasama. Dito na pinalaki ang pamilya. Malaking ginhawa ang dulot ng malapit at murang pabahay sa mga empleyado. Ang nakapagtataka lang, bakit walang nilaan na mga housing units ang mga unibersidad sa syudad para sa mga empleyado nito. Nagpatayo nga ng unibersidad sa Miag-ao pero tila lalo lang ito tinulak sa laylayan.

Lahat nagtataka at nagsipagtinginan sa akin. Mga estudyante, empleyado, kapamilya nila. Ang iba naman marunong magdala. Karamihan, palpak. Nag-aabang muna ako sa mga bumababa ng traysikel baka si Lourdes na. Nagulat nalang ako tinawag niya ako galing sa likuran. Malapit lang ang unit ng nobyo. Mga tatlong unit lang galing sa waiting shed. Magkakamukha nga ang mga bahay pero hindi rin mapagkakaila na nagbago na. Ang mga halaman, bulaklak, palamuti. Sinalubong kami ni Victor sa pintuan, sabik sa bisita. Magkasing tangkad lang sila ni Lourdes, moreno, at matipuno ang pangangatawan. Naka-puting polo pa siya at itim na pantalon pero naka tsinelas nalang. Propesor ng Math at kasama nya sa bahay ang isa pang titser sa kanilang department. Pero wala ngayon kasi may dinaluhan na workshop sa syudad. May estudyante din silang kasama sa bahay, pinaparentahan ang bakanteng kwarto. Mamaya pa raw dadating ang estudyante, nakikitambay muna at sabay na ring naghahapunan sa mga kaklase.

Akala ko bibili kami ng ulam sa karenderya, pero nagtake-out na pala si Victor ng pritong manok at sisig sa banwa nang malaman na may bisita si Lourdes. Konti lang yung salo-salo pero sa tingin ko hindi yon mauubos naming tatlo. “So, Felipe—” simula ni Victor.

“Feli nalang” mabilis ko sagot.

“Kailan ka dumating?”

“Kaninang umaga lang. Nitong hapon lang sa Miag-ao.”

“Kamusta ang kaso? Tsk, tsk, malaking trahedya.”

“Bukas ko pa opisyal na sisimulan. Pero napag-aralan ko na yung reports. Mga dagdag na interviews pa siguro.”

“Ganun ba. Matagal ka na bang pulis?”

“Hindi na ako pulis. Pero mga ilang taon din ako nagserbisyo na pulis. Halos tatlong taon na rin akong parang freelance na imbestigador.”

“Anong mga kaso hinahawakan mo? Mga raid, sindikato ganun?”

“Minsan. Pero madalas kung ano lang lumalapit sakin. Nawawalang kamag-anak, nangangaliwang asawa, mga ganun. Minsan yung mga most wanted na ganyan, tina-track down ko rin.” Alisto silang nakikinig.

“Pasensya ka na. Alam mo namang parehong kaming titser nito si Lourdes. Sa TV o balita lang namin nalalaman ang mga ganyan.”

“Ayos lang.”

“May asawa ka na ba Feli?” tanong ni Lourdes.

“Wala eh. Binata pa rin. Pero may anak akong isa. Babae, magto-two years old na.” Pinakita ko ang litrato sa wallet ko. Aliw na aliw sila. “Pero hindi kami kasal ng nanay. At hindi na rin kami nagsasama.” Makikita ang dismaya sa mukha ni Lourdes. Parang wala lang kay Victor.

“Wala rin kasing kasiguradohan ang trabaho ko eh. Minsan okay, minsan hindi. Ang gastos sa kasal nilaan nalang sa bata. Sakitin pa naman.”

“Anong sakit?”

“Hikain. Alam mo naman ang Maynila. Sabi ko nga dalhin sa probinsya eh. Taga-Batangas ang nanay. Kaso ang trabaho sa syudad eh. So, iniingatan nalang.”

“So kamusta yung imbestigasyon? Ano ba talaga nangyari?” Binigyan ko sila ng pinakamaikli at simpleng buod. Lunes ng gabi umatend ng isang candle lighting activity si Marion sa harap ng College of Arts and Sciences. Natapos ang vigil mga alas siete imedya. Huling nakita kasama ang di umanong nobyo nito si Joel. Pumunta daw sa banwa para maghapunan. Nakapag-text pa si Marion sa room mate nya na gagabihin siya pero sa dorm siya matutulog. Madalas daw kasing sa banwa kasama si Joel, nagpapalipas ng gabi yung dalaga. Hindi na nakauwi si Marion. Mga alas siete ng umaga nakita ang bangkay sa damuhan sa gilid ng highway, malapit lang sa lupa sa entrance. Ang kinamatay, naubusan ng hininga. May mga pasa sa braso so nanlaban ang dalaga. Si Joel ang primary suspect, pero walang proweba. Ang ibang angulo baka napag-tripan, ninakawan.

“Kailangan ko pang mag-interview pa para malaman kung siya nga nakakita sa kanya. Mga naka-away, ganun. Kailangan ko rin gumawa ng report at recommendation kung ano ang dapat gawin. Sa madaling salita kung ano ang puno’t dulo nito.”

“Hindi naman sa minamaliit ko ang skills mo,” sabi ni Lourdes. “Pero bakit sayo binigay tong kaso?”

“Yun nga ring pinagtataka ko. Mabigyan lang ng sapat na oras at kooperasyon, kayang-kaya to ng Miag-ao pulis. Pero yung tatay ni Marion, kilala yung hepe ko dati. Naghahanap ng pinakama—, yung walang waring trabaho, focus lang sa kaso ng dalaga. Ako ang naisip ng boss ko. Ilonggo pa, sa Miag-ao pa lumaki. Kahit sa Maynila ako, pinauwi talaga ako dito.”

“Dyosko. Ang seryoso naman nyan.” sabi ni Victor. “Hayaan nalang natin si Feli gawin ang trabaho niya.”

“Oo nga,” sabi ko. “Kayo? Musta ang trabaho? Paano kayo nagkakilala?”

“Alam mo ba Feli,” nagbago na ang aura ng lugar. “Apat na taon akong nag-aral dito pero kahit kailan, hindi ko to nakita si Lourdes—”

“Baka kasi nag-aaral din ako sa Iloilo.”

“—Grumaduate, nagtrabaho dalawang taon sa syudad—”

“Tsaka naman ako bumalik dito para magturo.”

“Tapos, isang araw hindi ko na natiis, kailangan kong bumalik sa Miag-ao. Nag-apply akong lecturer, tagap naman. Litong-lito mga kaibigan at pamilya ko. Anong gagawin mo doon? Walang may mangyayari sayo doon. Siempre, naniwala ka rin ng konti. Nangamba rin. Sa unang sem ko palang bilang titser, nag-organize ang mga estudyante ko ng mata quiz bee. Inimbitahan ang mga schools sa Miag-ao. Si Lourdes ang isa sa mga titser na sinamahan ang mga estudyante. Talo sila agad pero wala akong paki-alam.” Tawanan. “Dahil sa araw na yon nakita ko sa ang dahilan bakit bumalik ako sa Miag-ao.” Nakangiti si Lourdes pero medyo naiirita. Malamang ilang beses na tong ikwento si Victor. Ngumiti na ako. “Sa Septembre, pista ng Miag-ao, magpapakasal kami.” Kinuha pa ni Victor ang kamay ni Lourdes at pinakita ang engagemet ring. “Pinag-ipunan ko yan. Konti pa naman ang sweldo ko. Pero okay lang. Kasi, pagkatapos namin magpakasal, pupunta kami Korea!”

“Talaga?” sabi ko, “Honeymoon?”

“Hindi! Doon kami magtatrabaho. May batchmate ako doon. May bakanteng daw na pwesto. Pinadala ko naman ang application. Okay daw. Kahit pa raw dalhin ko asawa ko. Sabi ko, teka, maghahanap muna ako ng asawa!”

Naalala ko tuloy nang magtrabaho ako sa Cebu. May isang lugar na aakalain mong Korea. May restaurant, hotel, convenience store, eskwelahan, simbahan, inuman, pang Koreano lahat. Dinadayo ng mga estudyanteng nag-aaral ng English. Kung Filipino ka at mapadpad ka doon, ibig sabihin trabaho habol mo doon. Hay. Mga taga-Miag-ao pumupunta sa Korea, ang mga Koreano pumupunta sa Miag-ao. Patay kang bata ka.

“Tsaka nga pala,” sabi ko, para maiba naman. “Lourdes, binisita ko si Dencio kanina. Hindi pa rin pala napapagod sa pagiging aktibista yon.”

“Ah, oo. Sa Baybay.”

“Yan ba yung pinapaalis na mga squat—illegal settlers?”

“Oo. Kaklase namin ni Lourdes yun noong hayskul.”

“Ganun ba.” Nagbago na ang tono ni Victor. “Sana paayuhan mo yung kaibigan mo na wag nang idamay ang mga bata sa kalokohan niya.”

“Bakit naman?”

“Wala naman silang mapapala sa protesta-protesta yang eh. Pati si Marion yata naenganyo sa kanila. Sayang. Kung gusto nilang makatulong sa bayan, mag-aral sila, at grumaduate sa oras. Dyosko.”

Mabilis na sinalba ni Lourdes ang kwentuhan. Mas komplikado pa pala sa inakala ko ang sitwasyon dito. Matalinong tao naman ni Victor. Ewan ko lang kung may pakinabang siya sa labas ng unibersidad.

[Hilda Reyes, 20, officer sa orgization]
Paano mo nakilala si Marion?
Reyes: Isa sa mga bagong members namin. Hindi na ako sigurado kung sino nag-recuit sa kanya.

Kamusta naman siya?
Reyes: Mabait. Masipag, masinop. Kung may utos ka o assignment kang ibibigay sa kanya, gagawin nya agad.

Wala ba syang kinukwentong problema sa inyo?
Reyes: Wala naman. Pero yung nga eh. Hindi siya makwento. Kung may meeting lang siya dyan. Kakausapin ka rin naman kung lalapitan mo. Pero yun nga. Introvert eh.

Kwento mo yung activity niyo.
Reyes: Candle lighting at konting program tungkol sa human rights violations. Konti lang kami. Hindi lampas sa tatlumpo. Kaya noong natapos, mga alas-siete imedya, nagkayayaan kami na sabay nang maghapunan. Tumangi si Marion at magkasama nalang raw sila si Joel. Yun ang huling beses namin siya nakita. Magkasama silang dalawa.

Mukha bang may pinagtatalunan sila? Tampuhan?
Reyes: Wala naman.

Kapartido niyo ba si Joel?
Reyes: Hindi, kahit sino man pwedeng sumali sa activity

BUMALIK ako sa dorm at dinatnan ang isa candle lighting sabay prayer vigil. Marami ang dumalo, lahat naka-itim. Nakasalubong ko si Raymond sa lobby. Mukhang wala sa sarili pero biglang nabuhayan pagpasok ko. Pinaliwanag kong may binisita lang ako sa banwa. Nakapaghapunan na rin ako. “Alam mo naman na hindi ako bisita dito di ba?” sabi ko saka lang siya tuluyang kumalma. Bukas kami magsisimula ng mga interview, pwede siya tumulong sa pag record at pagtranscribe. Sinabihan ko rin siyang magpahinga. Sinabihan ko rin ang sarili kong kailangan ko rin ito. Pumunta siya sa mga kasama. Tinignan ko ulit ang eksena. Sabi ni Dencio, watak-watak daw ang mga estudyante. Mukhang hindi naman.

BUONG araw kaming magkasama ni Raymond. Talagang nag-absent sa mga klase nya. Maliban sa isa. Mga 3:30 nagpaalam syang babalik sa dorm. May exam daw pagka-alas kwatro. Kakatapos lang namin kausapin si Joel. Dumaan muna ako sa tinapayan ulit para bumili ng makakain. Mukhang masisinan ang kwentuhan ng tatlong lalaki sa isang mesa. Naunang tumingin ang isa sa akin habang nagbabayad ako. Isa-isa din tumingin ang mga kasama nya. Ang plano ko, babalik na rin pero umupo ako sa katabing mesa para masiguradong hindi ako ang pinag-uusapan nila. Sinimulan kong kainin ang binili kong pan de coco. Tumahimik sila. Nakatalikod ako sa kanila pero alam ko na ang mga ekspresyon sa mga mukha nila. Naghintay pa ako. Sabi ng isa, “Paano yan, baka matagalan pa bago dumating ang sunod.” Walang sumagot sa kanya. Katahimikan ulit. Kumuha pa ako ng isa pang pan de coco. Nagyaya na ang isa, “Alis na muna ako.” Tumayo sila. Lumingon pa sa akin ang isa bago umalis. Ang isa, noong nasa malayo na lumingon. Malayo ang tingin ko nang tumigil si Anna sa harap ko, isa sa mga room mate ni Marion. Ngimiti lang siya at pumili ng tinapay. Sinabayan ko na sa pag-alis. Tumawid kami para makasakay ng traysikel pabalik sa dorm. “O, merienda?” tanong ko sa kanya.

“Opo. Kamusta na yung kay…”

“Heto. Dapat ko nang pagdugtungin.”

“Ganun po ba.”

“Di ba ikaw ang nagsabing nagulat ka nang makitang makasama si Joel at Marion?”

“Opo.”

“Ano nakakagulat doon?”

“Eh akala naming lahat sila ni Raymond ang nagkakamabutihan eh.”

“Bakit hindi mo yan sinabi kanina?” Hindi na ako umasa ng sagot.

DUMIRETSO ako sa boy’s wing ng dorm. Buti hindi ko nakalimutan ang room number ni Raymond. Nasa gitna ang kabinet ng apat na tao sa loob. Walang tao sa oras na yon. Iniisa-isa ko ang mga gamit nila sa kanilang mga kama at study table. Humanap ako ng palatandaan na kay Raymond ang pwestong yon. Inuukay ko ang photocopy sa isang mesa nang may pumasok. “Sino ka? Ano ginagawa mo dyan?” May takot sa mata ng binita. Pinahiran ko muna ang pawis sa noo ko. “Ah, wala. Hinahanap ko ang mga gamit ni Raymond.” Napuna na nya na ako ang imbestigador. Tinuro nya ang sa kabilang kama. Maraming libro sa mesa ni Raymond. At may black and white poster ni Humphrey Bogart sa pinto ng kabinet nya. Nagkataong hindi nakakandado. Nakatingin lang ang binata sa akin. “Basta may hinahanap lang ako. Wag kang mag-alaala.” Hinalukay ko ang mga damit nya, hindi sigurado sa hinahanap ko. Sa ilalim ng mga maruruming damit nya may isang bloke nakabalot sa duck tape. Nakilala ko agad. Mga isang kilo din ito. Ito malamang ang dahilan kung bakit umalis si Marion sa boardinghouse ni Joel. Tsaka nya nakasalubong si Raymond. Nakatayo lang ang binata sa gilid ko. Hindi nya nakikita ang ginagawa ko dahil sa pinto ng kabinet. Mukha ni Bogart lang nakatingin sa kanya. Nilabas ko ang 9mm ko, pinunasan at tinago sa mga damit. Bahala na. Basta may dahilan para maaresto siya. Sunod na ang kumpisal. Pasimple kong nilagay sa bulsa sa likod ko ang bloke. Nagkasya naman. “Okay na,” sabi ko, “Saan nga ulit ang banyo nyo dito?” Tinuro naman nya.

PAGBALIK ni Raymond sa dorm, nakita nya akong nakaupo sa labas. Kinamusta nya ako. Niyaya ko syang umupo katabi ang mga halaman ni Mrs. Pascual. Wala naman siyang ginawang kalokohan habang nag-iinterview. Alis na ako mamyang gabi kaya sinubukan ko na siyang kaibiganin. “Raymond,” sabi ko. “kwento mo nga yung tungkol sa pelikula na hilig mo?”

“Film noir po?”

“Huo. Yun.”

“Basta mga kwento tungkol sa mga krimen na sumikat pagkatapos ng World War One. Nang tumagal ginawan ng mga pelikula. Tungkol sa dective na hinahabol ang kriminal.”

“Pakiramdam mo ba a la film noir tong ginawa natin?”

“Wala. Masyadong boring.”

“Alam mo. Walang sapat na motibo si Joel para patayin si Marion. Hindi siya.”

“Heto na. Oras na para maghanap pa ng lead.”

Ngumiti ako. “Raymond bakit mo ginawa?”

“Wala si Marion sa sarili nya. Disididong-disidido syang isumbong si Joel. Iyak ng iyak. Niyakap ko sya. Pasimpleng pinuyuhan na masamang plano yan. Inisip sigurong kasama din ako sa operasyon. Tumakbo, sinabol ko, nang maabutan ko, nagsisigaw. Nataranta na ako.” Tumigil muna sya. Diretso ang mukha nya pero umaapaw ang pighati sa mga mata nya. “Mabuting tao si Marion. Pero baluktot mag-isip. Kung hinayaan ko siya, sisirain niya ang kanyang sarili, ang unibersidad, ang kanyang ama, ang Miag-ao.”

“Gusto mo ba talaga si Marion?”

“Hindi na importante yan eh. Tapos na eh. Ginampanan ko lang ang tungkulin ko sa plot.”

“Sinabihan ko na ang Miag-ao police. Papunta na sila dito. Huwag ka sanang gumawa ng gulo.”

“Teka, masamang—” Tumayo siya, pinigilan ko siya.

“Wag kang mag-alala. Tagapagbasa ka lang. Hanapbuhay ko to.”

SUMAMA ako sa presinto, kalmado naman si Raymond. Lumabas na ako, nanghihinayang wala na ang isang baril ko. Dumidilim na sa banwa saka ko lang naisipan na pagmasdan ng simbahan. Ito lang ang bukambibig ng mga makikilala ko tuwing binabangit ko taga dito ako. Papasok pa sana pero hindi natuloy. Nakalimutan ko rin kung bakit ko yon gusto gawin. Niyaya ako ng isang matanda na nakaupo sa isa sa mga bench sa gilid ng simbahan. Hindi ko siya namumukhaan. “Kamusta ka na iho?”

“Mabuti naman po. Pasenya na po pero sino sila?”

“Pambihira. Di bale, hindi mo naman talaga ako makikilala. Tulad mo, madalas din akong wala dito. Pagbalik ko, ibang lugar na siya.”

“Trabaho eh.”

“Oo nga naman. Naaresto na ba yung talagang pumatay sa dalaga?”

“Huo. Pero hindi pa tapos ang trabaho ko.”

“Nakapaghihinayang. Ang babata, ang tatalino.”

“Ganyan talaga.”

“Ganyan talaga…pero ganyan ba dapat? Pasensyahan mo na ako. Ang tanda ko na pero mahilig pa rin akong mang usisa.”

“Ako nga ho eh, hanapbuhay ko yan.”

“Kasing talino ka rin ng tatay at kuya mo. Kahit ano pa sabihin nila.”

“Binisita ko nga ho eh.”

“Mabuti. Magsisimba ka ba sana?”

“Hindi ho. Gusto ko lang makita ulit.”

“Hay buong buhay tayong kumakayod tas babalik lang tayo sa Miag-ao para mamatay. Ganyan nalang ang pakinabang nya. Kung saan pinapanganak at kung saan nababawian ng hininga. Hiwalay na tayo sa lupa. Malalaman mo rin gusto kong sabihin. Habang tumatanda ka, napapagod ka ring lokohin ang sarili mo.”

“Magkaibigan ba kayo ng tatay ko?”

“Hindi masyado. Pero nandito ako nang namatay yung kuya mo. Kaya siguro nag-pulis ka no?”

“Hindi na po ako pulis. Tinigil ko na.”

“Ganun ba? Kahit na.”

Hindi ko maabot kung anong gustong sabihin ng lalaking to. “Pasenya na po pero kailangan ko nang umalis.”

“Sige. Mabuti at nabangit ni Lourdes na nandito ka.”

GINABI na kami ni Den sa hapunan. Kumain kami sa isang restaurant na resort na rin. Maraming mga umiinom, kabilang na ang mga estudyante. Biernes ng gabi pa naman. Niyaya ni Den si Lourdes pero baka maalanganin daw. Pagkatapos maghapunan, pumunta kami sa dalampasigan para mapalayo sa ingay ng karaoke. May dala kaming tig-iisang bote ng beer. Malakas ang hangin at maingay ang alon. Nagkakarinigan pa naman kami ni Den. Makikita ang ilaw mula sa mga barkong sa laot. Pambihirang tanawin. Puti at malilit din ang mga ilaw. Hindi mo malaman kung saan natatapos ang dagat at kung saan nagsisimula ang langit.

“Kailan balik mong Maynila?” tanong ni Den.

“Mamya. First flight eh. May maghahatid naman sa akin galing dito.”

“Hindi ako makapaniwala sa nagawa ni Raymond yun.”

“Ewan. Puro mapupusok.”

“Alam mo Fel, may mga kwento lang akong naririnig. Hindi lang daw simpleng tampuhan ang dahilan ng krimen.”

Uminom muna ako ng beer. “Alam ko yun. Kaya nga ako dito eh.”

Si Den naman ang uminom. “Ewan ko ba. Hindi ko na alam ang nangyayari sa lugar na kinalakihan natin.”

“Mula naman noon, marami problema eh.”

“Walang katapusang problema. Alam mo yan siguro ang dahilan kung bakit ko ginagawa ang ginagawa ko.”

“Maliban sa noon muntik ka ng malunod?”

“Siempre dyan yan parati. Ito yung gusto kong ituro sa mga bata. Walang mundo sa labas, o realidad, o outside world. Hindi sila ligtas na pamantasan. Bawat galaw mo, ay isang tungalian.” Pinabayaan ko lang si Den. “Baril mo ba yung nakita sa kwarto ni Raymond?”

“Oo. Malas nga eh.”

“Wala ka bang extra?”

“Meron.” Tinutok ko ang baril sa tagiliran niya. Hindi siya pumalag. Uminom ulit at lumingon-lingon pa.

“Magiging malinis ba yan?”

“Ewan. May silencer naman. Lasing ang mga tao sa loob. Ang may ari ng inuman, namanhid na sa mga nangyari.”

“Yun ang problema pare sa lugar natin eh. Masyadong mapagmahal. Kung may dadating, aarugain. Kung may aalis, ipag-iingat pa. Wala siyang boses.”

“Eto naman ang gusto mo di ba? Mamatay sa mga paniniwala mo?”

Tumawa siya. “Ano tingin mo sa akin, Rizal o Ninoy? Aanhin ko ang pangalan sa libro o mukha sa pera kung namatay akong talunan?”

Hinila ko ang gatilyo. Dalawang beses. Panandaliang lumabas ang kirot sa mukha ni Dencio. Pagkatapos ay parang natutulog lang siya. Umilaw at nag-vibrate ang cellphone si Den sa bulsa siya. Kinuha ko ito. May text galing kay Lourdes: “Papunta na ako. Dyan ba kayo sa dalampasigan?” Kanina pa sila nag-uusap. Mga sampung minuto na ang nakalipas ng pumasok ang unang text. May narinig akong mga hakbang sa aking likuran. Hindi na gumagalaw ang tao sa likod ko. Hinigpitan ko ang hawak sa baril at inubos ang laman ng beer ko. May narinig na akong mga hikbi. Patay kang bata ka, ang ganda ng dagat.

Kalagitnaan ng Tag-araw (pasintabi kay Manuel Arguilla)


Naghiwalay ang ating bida kay Stephen sa bandang J.M. Basa, sa kanto ng Guanco. Sumakay ito sa isang Jaro CPU na jeepney at hindi sya sigurado kung kailan sila magkikita muli. Tumawid siya pabalik sa bagong ‘restored’ na gusali sa Aldeguer. Bagong kulay ito, matingkad at de bricks na ang side walk nito. Pero ang mga parehong tinderang mga Muslim pa rin ang umuupa dito. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Mga alas-kwartro na pero mainit pa rin ang araw. Dumaan siya sa isa pang gusaling niri-restore. Nagtaka kung ano ang kalalabasan nito. Nagpasya syang dadaan nalang muna sa Robinsons bago umuwi. Masyado pang maaga. Kung sasakay sya ng jeepney dito, iikot pa ito sa Plaza Libertad at kung anong oras na sya darating sa mall. Naglakad-lakad nalang siya sa Aldeguer papuntang Iznart, doon pwede syang sumakay. Kahit papano may silong naman ang mga gusali at nakakaaliw pa nga pagmasdan ang bakas ng syudad na tinayo ng mga Amerikano noong kinalat nila ang kanilang romantikong proyekto. Neoclassical ang banat, mukhang abandonado pero ginagamit pa ang sa baba. Gagawin daw mala-Vigan o Intramuros ang tinaguriang ‘city proper’. Ang iba Paris pa daw.

Siguradong hindi magugustuhan ni Sabrina maglakad sa ulan sa Paris na to. Binabaha. Nasa gilid ng Iloilo Central Market ang ating bida nang may babae sa harap nya ang bigla nalang nabitawan ang dala. Shoulder bag, bukas, at natapon ang ilang laman. Agad na lumapit ang ating bida. Mukhang nahihilo ang babae. Nagtinginan na ang mga tao sa paligid. humingi siya ng tulong. Inalalayan nila. Inalis sa init.

“Ayos ka lang ba?” tanong nya.

Nakatingin lang ang babae sa ating bida. May dinaanan kaninang kainan o panederya at sumenyas ang ibang tao na lumapit, pahingi ng tubig. Mabilis naman na pumunta ang isang bantay may dalang tubig sa bote. Maginawginaw pa. “Magkano?”

“Pabayaan mo na. Anong nangyari sa kanya?”

Pinainom nila ang babae at nahimasmasan rin sya. Saka lang nakita ng ating bida kung gaano sya ka ganda. Maikli ang buhok nya at maliliit, maamo ang mga mata. Magkasingtangkad lang sila siguro. Kiniliti ang alaala ng ating bida. Nakita niya na ang bida. Kulay ube ang sapatos nito. Pagkatapos ng ilang minuto, wala nang nag-aalala. Nagsimula ng magbiroan. Nagtatanong. Walang nakain, tulog, may sakit, buntis.

“Ayos lang po ako.” Sabi ng dalaga.

Pinasakay lang nila ng jeepney sa Iznart papunta sa direksyon sa bagong Filipino-Chinese arch. Walang katapusan ang pasasalamat nya. Dahan-dahan, bumalik sa dati ang eksena sa lugar. Naparalisa ang ating bida. Sasakay din sana siya. Pero baka magkailangan kung sumabay siya. Mapipilitan siyang usisain ang babae. Kailangan din niyang magkwento tungkol sa sarili. Mahirap talaga magkwentuhan sa jeepney. Nag-isip-isip sya at nagpasya na lakarin nalang hanggang Robinsons. Pagdating sa De Leon, tuloy-tuloy naman. Nanibago ang ating bida sa mga lugar na nakikita nya lang noon mula sa sasakyan. May nadaan syang lalaki na akala nya pinagsisigawana ng mabuting balita. Pero hindi pamilyar ang sinasabi nito. “Lahat ay unibersal! Pero hindi lahat ay mapagkakakitaan! Mas madaling mabasa ang ilan kesa sa ilan! Mas ligtas!” Tinignan niya ito at tumingin din ito sa kanya. Agad siyang umiwas. Nakampante lang ang loob ng ating bida pagtawid niya ng Valeria.

Pagdating sa Simbahan ng Sta. Teresita, nakita niya ang babae mula sa malayo. Tumingin sa kaliwa at kanan, mabilis na tumawid sa kabilang banda ng Quezon. Mukhang maayos naman ang lakad nito. Hinabol niya ang hininga. Inayos ang buhok, pinahiran ang pawis. Dahandahan sinundan ang dalaga. Napatingin lang siya sa entrance ng mall. Kinalimutan na niyang ang ginaw sa loob, at patuloy sa paglakad. Biglang lumingon ang babae. Nakita rin sya agad.

“Ikaw pala.”

Kwentuhan. Saan ka ba pupunta. Sa Miag-ao. Dinaanan nila ang ilang empleyado ng mall na nagme-merienda sa mga sidewalk vendors. Ang ilan nagsisigarilyo.

“Ako din.” Sabi ng ating bida.

“Sama na tayo.”

Dumaan sila sa gilid ng Super. Masikip ang daanan. Marumi pa. Mga paninda, basura, gulay, kamatis, nakahilerang mga sasakyan sa harap ng mga nakahilerang mga tindahan. Mga truck at malalaking jeepney na nilimitahan ang biglang na pwedeng pumasok sa syudad. umabot sila sa paradahan ng Miag-ao. Malapit nang mapuno ang jeep sa naka pila.

“Kasya pa dalawa!”

Nagdadalawang isip ang ating bida pero pumasok pa rin siya. Masikip sa loob. Ang mga bakanteng upuan ay magkahiwalay. Naupo ang babae sa kaliwa, sa unahan banda. Umupo naman ang ating bida sa kanan, sa likuran banda. Nagsimula nang tumakbo ang sasakyan. Maraming tao ang nakikiukay sa mga damit na relief. Ngumiti lang dalaga sa ating bida mula sa malayo. Ano kaya ang aabutan nya doon? Kalagitnaan ng tag-araw. Malamang wala. Parang nabasa ko na ang lahat ng ito, sabi ng ating bida sa kanyang sarili. Pero di hamak na mas madrama yun. Konti lang ang matatawa sa sitwasyon niya. Mukhang kaya ng ating bida sundan ang babae hanggang sa dulo ng mundo.