Multo ng Union (Busting)


Talo ka talaga sa trabaho natin

Dapat kasi may unyon yan basta ganyang general labor

Ah, kung may unyon, magbabago mukha ng lugar na yan

Di yan pwedeng siyam o labingdalawang oras tayong nagtatrabaho

Mas mahaba ang break

Mas maikling mga oras at hindi ganyan kapaspasan

Tapos umiikot ka talaga, di pwedeng parehong trabaho lang parati

Tsaka yung maangas na leadhand, di pwede yan, di pwedeng nagmumura-mura

Maraming kalokohan talaga mawawala kung may unyon

Problema lang, kung ang unyon tulad sa Pinas, sindikato rin

Pinapaboran pa rin ang management

Wala pa rin

Sige, pangsamantala lang naman to

Oo nga

Sige, bukas naman…

Advertisements

Karaniwang Byahe Pauwi Galing Trabaho at Di-karaniwang Pangungulila


Dahil Taglamig, kahit wala pang alas-sais,
paglabas ko, aakalain mong oras
na ng hapunan o pagtulog
sa dilim at tahimik ng paligid,
saka ko maalala sa parating tahimik
sa lugar na ito, at mababawasan
ang aking pagkabalisa kahit papano.

Kamakailan, oras pa ito ng pananabik,
pagkatapos na maghapon sa klase,
magpapalitan tayo ng mga kwento
na buong araw na itinabi’t itinago
para lang sa isa na namang
takipsilim ng pagtatagpo.

Hindi biro ang paglakad sa nyebe
sa kahit anong anyo nito; nanigas,
natunaw, at lalo na bagong hulog
na may mapaglinlang na lambot.
Maingat pero dapat mabilis ako,
dalawang kanto pa ang tatahakin,
at dapat eksakto kong maabutan ang
bus na kada-tatlumpong minuto lang
dumadaan. Ilang beses na rin ako
naiwan, di na mahalaga ang dahilan,

basta nagtataka kung paano ko
nalagpasan ang mga byahe
natin na nakangiti, kahit puno
rin ang mga ito ng mga
paghihintay, lakaran,
pagtatalo at sisihan,
sa ilalim man ng araw o ulan.
At sa pagkamanhid ng mga dulo
ng aking mga daliri, lalo ko
nararamdaman na ako’y mag-isa.

Pagkasakay, babatiin ako ng drayber,
ng mga bakante upuan at iilang pasahero,
syudad ito ng lumbay at mga pribadong sasakyan.
Ang karaniwang byahe ay matagal,
nakakagutom, pero kailan man hindi
ako nababagot. Ito lang ang panahon
na nabibigyan ko ng kulay ang mapanglaw
na tanawin mula sa aking binta
gamit ang alaala ng iyong pagtawa,
pati na bulong ng iyong pagtampo.

Isang oras pagkalipas, bababa ulit sa nyebe,
dito babalik na sa lupa ang kamalayan,
maaalala na malamang ako unang tao
sa bahay, kailangan muna magluto at magsaing,
pero lahat ng ito ay balewala,
pagkat natatangi ang aking pangungulila,
pag-asam hindi sa nakaraan kundi sa hinaharap,
saan wala nang mga gabi ng
paulit ulit na malalayong panaginip,
saan maaaliw na lang ako sa mga
madramang tula, tulad nito,
saan pagtatawanan ko na lang
ang bawat anyo ng dinaanang hirap
dahil doon, uuwi na ako papunta sa iyong mga yakap.

Anibersaryo


Isang taon
na ang nakalipas
noong
nilunod ng sigwa
ang bawat
telebisyon, radyo,
at komputer
ng mga
imahe at hiyaw
ng
hinagpis at putik,
kamatayan at lampastaong baha,
nawawalang kamag-anak at mga bubong,
kawalang katiyakan
sa mga mukha
ng biktima at nagresponde,

At para matakpan
ang bangungot
na ito,
ngayon, makinig tayo,
sa mga salaysay ng mga natira,
sa pagitan ng mga salita
ang pagnanasa na pati
sila ay kinuha na rin.
Mapupukaw ang
iyong damdamin
sa kanilang tibay ng loob,
ipagdadasal mo sila
mamyang gabi,
at pipigilan ang isip
sa pag-alala
sa pangmadlang libingan
na kanilang
binisita.

Ibubulong sayo ng balita
na normal na ulit
ang takbo ng buhay
ng mga nasalanta
dahil bukas na ang
McDonald’s sa Tacloban.

Pero hindi pa tapos
ang daluyong
-nagsisimula pa lang-
Hindi nila bukambibig
ang mga salitang
‘resilience’ o ‘pag-asa’,
sumisigaw sila ng hustisya.
Kailangan nila ang iyong
tapang, paninindigan,
at pag-unawa
na para ganap na
makabangon
kailangan may itumba.

Wag kang mag-alala,
ang iyong ambag
ay hindi mapapanis.

Ang Bisita


Nasasabik ngayon si K.

May bisitang makata ang campus. Naghintay pa siya ng isang oras bago magsimula ang workshop, tumambay sa mga upuan mag-isa, sinubukang magbasa at nakipaglaban sa mga lamok. Bakit kasi alas-singko pa ng hapon ang schedule. Dumidilim na at walang tao ang mga bulwagan ng gusali. Pumasok siya sa AVR. Nakaandar ang aircon. Konti lang ang mga estudyante. Mga ka-kurso din nya sa B.A. Literature ang karamihan. Mga pamilyar na mukha ang iba. Kumpleto din ang faculty ng humanities department. Napatigil si K nang makitang handa na ang bisita sa harap. Doon din ang may bakanteng upuan. Nakipangsiksikan muna siya, tumingin sa dinadaanan at iniisip na hindi sana sya masyadong pinapansin ng bisita. Nakaupo rin sya sa wakas. Puti na ang buhok ng makata. Retired na pero maaliwalas pa rin ang mukha. Naka-puting polo at maong na pantalon. May salamin pero hindi sinusuot, nakakwintas. Katamtaman ang tangkad, medyo malaki ang tyan.

Nagsimula na.

Introduction of the speaker. Taga-Leyte, retired na professor, sumusulat sa dalawang wika. Isang libro ang mga tulang Waray, pitong libro ng mga tulang Ingles. Pinanganak sa Iloilo, taga-Pavia ang nanay. Huminga ng malalim si K. Sana hindi ang tula nya ang unang isasalang. Alam na nya ang takbo ng mga workshop na ito. Konting lecture kuno. Tsaka ang madalas madugong paggisa sa mga obra. Ang pinadala nyang tula ay social commentary. Masaya to mamya, double-trouble. Siguradong syang puro mga tula ng kasawian ang pinadala ng iba. Nagsalita na ang bisita.
Disappointed daw sya.

Hilaw na hilaw ang mga tulang pinadala namin. Hindi pa kami handa sa isang writing course kaya naghanda nalang sya ng isang reading course. Wala kaming kapit sa wika at porma. Sa madaling salita, sa tradisyon ng panulaan. Pinamigay ang handouts. May mga lumang kanta/tulang Hiligaynon. Pinakanta. Pinabasa. Pinabilang ng syllables. Pinahanap ng mga tugma.

Isang tula ni e.e. cummings.

Tanungan. Bakit ganyan? Bakit ganyan ang pagkasulat? Ano ibig sabihin nito? Ano ang epekto? Pinagalitan ang isang kasama ko.

Over-reading daw.

Tumawa ako pero mahina lang. Tuloy ang pasyon. Wala nang oras. Nagbasa sya ng isang tula nya tungkol sa pinsala ni Bagyong Yolanda sa Tacloban. Tahimik. Madamdamin ang pagbasa. Binaba ang papel, tumingin sya sa amin. Tapos na pala. Palakpakan. Huling payo: gusto nyong sumulat? Matuto munang magbasa.

Palakpakan.

May pahabol. Alamin ang tradisyon na pinagmulan. At para na rin may bumili ng mga libro namin. Tawanan.

Tumawa si K pero mahina lang.

Kung ang Tula ay Isa Lamang ni Jesus Manuel Santiago


Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya’y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

Sabi ng Tumatanda ni Rio Alma


Marami tayong minahal
Na hindi natin kailangan
Tulad ng hiyas ng layaw
Na kumukumpas sa taguan.

Marami tayong inibig
Dahil iyon ang nasambit
At nawawaglit sa isip
Pagkalipas ng tamis.

Marami tayong pinangarap
Dahil musmos pa ang ugat;
Kaya natiis ang mga sugat
Ngunit kumikirot ang pilat.

Marami tayong galak nilusong
Na itinakwil pagkaahon.

Sa Poetry ni Rolando Tinio


Sa Poetry
Ni Rolando Tinio

Sa poetry, you let things take shape,
Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig.
You start siyempre with memories,
Yung medyo malagkit, kahit mais
Na mais: love lost, dead dreams,
Rotten silences, and all
Manner of mourning basta’t murder.
Papatak yan sa papel, ano. Parang paet,
Kakagat ang typewriter keys
You sit up like the mother of anxieties.
Worried na worried hanggang magsalakip
Ang odds and ends ng inamag mong pag-ibig.
Jigsaw puzzle. Kung minsan, everything fits.
Pero sige ang pasada ng images
Hanggang makuha perfectly ang trick.

At parang amateur magician kang bilib
Sa sleight-of-hand na pinapraktis:

Nagsilid ng hangin sa buslo, dumukot,
By golly, see what you’ve got—
Bouquet of African daisies,
Kabit-kabit na kerchief,
Kung swerte pa, a couple of pigeons,
Huhulagpos, beblend sa katernong horizon,
You can’t say na kung saan hahápon.