Napanood ko rin sa wakas ang pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Pagkakita ko pa lang ng poster nito, naakit na ako dito. Itabi mo ba naman sa ibang entries ng Metro Manila Film Festival. Naka-amerika si Asiong pero may daling tommy gun. Nang humakot na na ito ng mga awards kabilang ang Best Picture at Best Director, wala nang atrasan, kailangan ko tong mapanood bago matapos ang film festival.
Natatangi ito sa maraming dahilan. Una, ito lang ang remake na entry. Ikalawa, ito lang ang period film. Ikatlo, ito lang ang nasa (halos patay na) genre ng action. At ikaapat, ito lang ang kinuha gamit ang black and white na kamera. Film noir kung film noir.
-0-
Lumaki ako sa mga Pinoy action films. Tulad ng iba, alam ko na madalas ang takbo ng kwento. Matagal din ako hindi nakapanood ng isa, wala naman kasing ginagawa. Pagkalipas ng ilang taon, natutuwa akong hindi ordinaryong action movie ang Asiong Salonga.
Ang pinakatumatak para sa akin ay ang two-dimensionality ng bida, si Asiong. Madalas kasi parang ‘messiah’ ang bida, isang perpektong nilalang. Hindi ito ang makikita sa Manila Kingpin. Kahit mahal ni Asiong ang kanyang pamilya, marami pa rin syang mga babae (sa totoong buhay, mas marami pa daw). Nang binugbong sya para turuan ng leksyon, ang unang ginawa nya ay gumanti. Kaaway nga nya ang mga gangsters pero, technically, gangster din sya.
Ang katangian ng one dimensionality ay makikita sa lahat ng traditional ng pelikulang Filipino, ano man ang genre. Kung ‘mabait’ ang karakter mo, imposible kang makasakit ng iba o maging masama. Kung ‘masama’ ka naman, hangang sa huli, pure evil ka. Pinakamakikita ang tungalian ng good versus evil sa action genre. Dito kasi, patayan, buhay ang sentro ng dikurso. Kailangan ng mga mabubuti ang kasamaan. Action movie ang pinaka mabuti medium para sabihin na parating mananalo ang kabutihan laban sa kasamaan. Ang paniniwalang ito ay siempre, hinamon ng Manila Kingpin.
-0-
Ang gusto kong pagtuunan ng pansin sa sanaysay na to ay ang paggamit ng Tondo bilang gangland. Bihira ang isang pelikula o kwento na ang mismong lugar ay may sariling kwento o may gustong sabihin.
Bata pa lang ako, alam ko na ang Tondo. Ilang beses na akong napunta sa Maynila pero hindi pa ako ni minsan dumaan sa Tondo. Wala naman akong gagawin doon. Ang Tondo ay isang lugar kilala dahil sa kahirapan, krimen, at kaguluhan. Pero pagsinabing ‘batang Tondo’ ka, ito ay isang mabuting bagay. Ibig sabihin, ikaw ay street smart, sanay sa hirap, hindi umaayaw sa laban.
Matapos mapanood ang Manila Kingpin, ang tanong na hindi maalis sa isip ko ay, “Hangang kailan maging Tondo ang Tondo?” Ang Tondo ay isang breeding ground ng mga bayani. Maliban kay Asiong, taga-Tondo din si Andres Bonifacio (na inidolo din ni Asiong). Sa panahon ng Kastila, dahil sa kahirapan, nagsimula ng himagsikan si Bonifacio. 1950’s na, pero ganun pa rin, lumala pa nga. Sa kasalukuyan, ganun pa rin, lumala pa lalo.
-0-
Sa isang banda, ang ‘batang Tondo’ ay matapang at madiskarte, pero sa isang banda din ang ‘batang Tondo’ ay isang resulta lamang ng kanyang kapaligiran. Kaya nyang makipagsabayan sa sitwasyon pero hindi nya iniisip kung paano ito baguhin. Mas pipiliin pa nyang umalis na lang ng Tondo para sa mas mabuting buhay.
Marami marahil ang nagtataka, e ano naman pakialam ko sa mga taga-Tondo? Kung titignan mo ng mabuti, ang Tondo ay representasyon ng buong Pilipinas. Mahirap at magulo ang buhay, ang yaman at kapangyarihan ay nasa kamay lamang ng iilan. Ang Pinoy ay malikhain, madiskarte, kung gayon ang bawat Pinoy ay isang ‘batang Tondo’. Sa Tondo, merong uusbong na bayani tulad nina Asiong at Bonifacio. Kaya nilang lumipon ng lakas, kinakatakutan nga si Asiong ng ibang gangsters. Tinawag pa sya ng media na ‘kingpin’. Pero kahit sila ay matatapang at sincere, parati pa rin silang nabibigo.
-0-
Ang Manila Kingpin ay hindi isang karaniwang action movie kung saan gino-glorify ang ang pagkalalaki gamit ang mga baril at mga seksing babae. Pinapakita nito na ang tunay na bayani ay tao lamang. Isang taong nagkakamali. Isang taong dapat may malasakit sa mga kasamahan. Isang taong prone o vulnerable sa mga traidor (Sa kwento, si Erning, isang dating bata ni Asiong ang pumatay sa kanya. Pareho din sa kapalaran ni Bonifacio at ng kanyang kapatid.)
Ang Manila Kingpin ay isang silip sa ating pambansang kondisyon. Sa huling eksena, ang barilan sa libing ni Asiong, sinasabi ng pelikula, “Marami na ang namatay para sa bayang ito. Kailan kayo magkakaisa at sabay lalaban para baguhin ang mapag-aping sistema?”
photo credits: http://www.starmometer.com/2011/12/12/manila-kingpin-the-untold-story-of-asiong-salonga-movie-poster-and-full-trailer/