Masikip na ang jeepney pero nagpapaakyat pa rin ng mga pasahero.
Halos alas sais na at dumidilim na ang daan. Malamig na rin ang hangin. Hindi lang mga pasahero ang nasa loob ng jeepney. Merong ilang kahon at mga gamit sa gitna. Hindi mo na magalaw ang mga paa mo. Nangangawit na rin ang pwet ni Myra pero nakakalimutan niya ito. “Usog lang ho ng konti,” sigaw ng konduktor, “Kasya pa yan. Isa pa sa kaliwa.”
Kasama niya ang Nanay niya galing sa syudad. Mga apatnapung minuto na silang nagtitiis sa byahe. May bata sa harapan niya na kinukundang ng nanay niya. Natutulog ang bata at naiinitan. Kinalakihan na ni Myra ang ganitong sitwasyon. Nakaupo na kahit papano ang mga pasahero at tuloy ang byahe pabalik sa Miag-ao. Wala namang nagrereklamo kung bakit pinapaakyat pa ang mga tao kahit puno na. Patuloy rin lang namang umaakyat ang mga pasahero. Nakatingin lang sa bintana si Myra. Nangingibabaw ang tugtog galing sa earphones niya.
-0-
Dalawang araw na silang hindi nag-uusap ng Nanay niya. Simpleng ‘opo’ at ‘hindi’ lang ang sinasagot ni Myra pagtinatanong siya nito sa bahay. Nag-text ito kahapon na magkasama silang uuwi kasi may bibilhin ito sa syudad.
Dalawang araw na ang nakalipas nang magdedisyon ang mga magulang niyang hindi na muna siya magkokolehiyo. Magte-third year na kasi ang kuya niya sa pagse-seaman at lumalaki na ang gastos. Hindi na kakayanin kung may isa pang kolehiyo. May apat pa siyang nakababatang kapatid, mag sisimula na rin mag aral ang bunso. Tumulong muna siya sa gawaing bahay at magbantay sa mga kapatid. Nagtampo nang husto si Myra dahil ang Nanay niya mismo ang nagkumbinsi sa Tatay niya na sa syudad siya mag-high school.
Huli na nang mapansin ni Myra na may sinasabi pala ang Nanay niya. “Ano po?”
Nagulat ang Nanay niya. “Babaan mo nga ang boses mo.” Nagtinginan ang ilang tao kay Myra. Nangingibabaw pa rin ang tugtog galing sa earphones niya.
“Ano ba sabi niyo?”
“Kailan ka ko ang graduation niyo?”
“March 21 pa.”
“May honor ka ba?”
“Opo.”
“Mabuti naman.”
-0-
Tumigil sandali ang jeepney sa isang bahay. Bumaba ang isang babaeng pasahero. Galing pa siya sa pinakaloob. Kinailangan pa niyang dahan-dahang umiwas sa mga gamit at paa ng ibang pasahero habang hindi nawawala ang balanse. Nagpatulong pa ang konduktor sa pagbaba ng mga dalang kahon sa bubong ng jeepney.
“Kamusta na si Dexter? tanong ng Nanay niya. Nangingibabaw pa rin ang tugtog galing sa earphones niya.
“Busy ho yun ngayon. Sa Maynila mag-aaral yun.”
“Ano kukunin niya?”
“Biology daw. Gusto talaga magdoktor nun e.”
“May honor din ba siya?”
“Meron.”
Umalis na ulit ang jeepney. Madilim na ang paligid. Mas maliwanag pa ang ilaw galing sa mga bahay kesa sa mga magkakalayong mga streetlights. Kulay asul ang ilaw sa kisame ng jeep. Parang diskohan, pero puro pagod ang tao.
“Parang hindi ka niya yata hinatid kanina sa paradahan ah?”
“Wala na po kami.”
“Hiniwalayan ka ba niya?”
“Wala.”
Nangingibabaw pa rin ang tugtog galing sa earphones niya. Kahit malapit na silang bababa, pinikit niya ang mga mata para bang natutulog.
-0-
Pinalitan ni Myra ang kanta. Love song pa rin. Ngayon niya lang na pansin na halos lahat ng mga kanta sa cell phone niya ay love songs. Mas marami pang malulungkot na kanta. Mula noon hangang ngayon, pag-ibig pa rin pinagkakanta ng mga tao. O ang pinaparinig sa mga tao.
“Bakit naman?” tanong ni Dexter sa kanya.
“Doon din naman pupunta yun. Aalis ka, mami-miss mo ako, hangang sa hindi mo na ako nami-miss.” Hindi na nakasagot si Dexter.
Minsan napag-usapan sa klase nilang English kung sino ang mas magaling na poet, babae o lalaki. Lalaki ang napili, e puro lalaki na mga poet lang ang nasa libro nila. Sabi ng teacher niya, para bang ang mga lalaki ang tagasulat ng mga tula at mga babae and tagabasa. Parang pinaglalaruan lang tayo ng mga tula. Pinalitan ni Myra ang kanta. Love song pa rin.
May sinasabi na naman ang Nanay niya. Hindi niya ito pinansin, hangang sa hinila na nito ang earphones niya. “—parati ka na lang may takip sa tenga! Hindi ka na nakikinig sa akin. Para naman sa ating lahat ito.” Nagtinginan ang ilang tao sa kanya.
Sinubukan ni Myra na makinig pero tugtog ng makina at konduktor na naniningil ng pamasahe ang nangingibabaw.