Hindi naging simple ang proseso ng pagsakop ng mga Kastila sa mga ninuno natin. Ang iba, tahasang nakipaglaban tulad ni Lapu-lapu, ang iba naman nakipagkaibigan sa mga dayuhan. Noon, basta makuha mo ang loob ng datu o pinuno ng isang baranggay, kuha mo na rin ang buong pangkat na iyon. Ang mga datu (bilang tao at pangkat ng mga makapangyarihan) ay ang mga naging principalia o mayayaman ng kolonial na panahon.
Magkakalayo ang mga tinitirahan ng mga sinang-unang Filipino. Kailangan ng mga Kastila na tipunin sila sa isang lugar para lalo mapadali ang pagsakop sa kanila. Gamit ang dahas at iba pang paraan ay natipon din ang karamihan ng mga ‘indio’. Pinatayo nila ang plaza-complex kung saan magkakalapit ang mga simbahan, paaralan, tindahan, sementeryo, at mga importanteng institution. Hanggang ngayon ay in place pa rin ang arrangement na ito. Pero marami pa rin ang hindi na enganyo sa mga Kastila partikular ang mga misyonario at sa kanilang dalang pananampalataya.
Ang ginawa ng mga Kastila ay gawing engrande ang mga selebrasyon ng simbahan. Ginawa ang mga naunang fiesta sa kapuluan. Binigyan ng mga Kastila ang bawat lugar at barrio ng kanya-kanyang patron na santo. Kada taon, pinagdidiwang ang pista ng santong ito. Maraming pagkain, musika, palaro, at iba pang gawain. Ngayon meron ng dahilan ang mga ‘indio’ na nanatili sa mga bundok para bumaba. At para mapabilis ang pag-indoctrinate sa mga ‘indio’ dinala din ng mga Kastila ang kanilang mga dula at mga kwento galing Europa. Hindi ganito ka engrande magselebra ang mga European ng mga pista, sa mga former colonies lang ito tulad ng Pinas at karamihang bansa sa Latin America.
Natutunan ng mga ‘indio’ ang tungkol sa mga kaharian, hari, reyna, prinsipe, at mga prinsesa ng Europa. Nakita nila kung paano dapat umasta na isang ‘binibini’ at ‘ginoo’, ang ‘alipin’ at ‘dugong bughaw’. Isa sa mga uri ng dula na napakinabangan ng husto ay ang komedya. Madalas kwentong pag-ibig at tungkol sa pagbabangaan ng mga ‘cristiano’ at ‘moro’. Siempre parating panalo ang mga Kristiano. Dahan-dahang nakuha ng mga Kastila ang loob ng mga ‘indio’ at dumami ang mga conversion o mga binyag. Natuto rin ang mga ‘indio’ kamuhian ang mga ‘moro’ sa Timog na nakasama nila sa di hamak na mas mahabang panahon kesa sa mga Kastila.
photo credits:http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/Tagalog_Homepage99/impacts_of_spanish_rule_in_the_p.htm
Mahirap paniwalaan na mababago ng isang dula ang pananaw ng mga tao pero kailangang isipin na nangyari ang mga produksyon ng mga dulang ito sa halos tatlong daang taon, ilang beses kada taon. Kahit wala na nag kapangyarihang kolonial ay nanatili ang mga dula na ito. Hanggang ngayon ay nanatili pa rin ang mga ideya na dinala ng mga ito. Makikita mo ito tuwing nanood ng teleserye sa telebisyon at balitang pulitika, at kahit sa pag-aaral ng kasaysayan.
-0-
Si Andres Bonifacio ay dating aktor sa mga moro-moro o komedya. Ito nga ang ginamit na parang controlling metaphor sa pelikulang Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio (Mario O’Hara, 2010). Sinalaylay ng kwento ang mga huling araw ni Andres at kanyang kapatid na si Policarpio habang nililitis sila ng Pamahalaang Rebolusyonario na tinatag ni Emilio Aguinaldo at ng kanyang mga tagasuporta. Ibang klaseng period drama ito. Halos lahat ng mga historical movies na ginagawa, sa loob o labas man ng bansa, ay gino-glorify ang nakaraan. Reni-reenact ang mga pangyayari na dapat ipagmalaki ng mga kasalukuyang henerasyon. Pero sa huling pelikula ni O’Hara parang sinasampal sa mukha ng mga kasalukuyang henerasyon ang isang pangyayari na hindi na resolba, o tahasang pinagtatakpan.
Pinagdidiwang ang Bonifacio Day tuwing November 30. Kaarawan ito ni Andres Bonifacio. Pero ang Rizal Day ay tuwing December 30, araw na pinatay sya. Ibig ba sabihin nito, naging bayani si Bonifacio sa araw na pinanganak siya habang si Rizal naman ay naging bayani noong pinatay siya? Isang paboritong isyu sa akademia ang Rizal-Bonifacio dichotomy. Sino ang mas karapat dapat na pambansang bayani? Technically parahe silang ‘national hero’ pero si Rizal ang ‘National Hero’ (alinsunod sa gusto ng mga Amerikano). Sabi ng ibang scholars, there’s no such thing as a Rizal-Bonifacio dichotomy. Mataas ang respeto ni Bonifacio kay Rizal. Nagpresenta pa nga ito na itakas si Rizal sa Dapitan. Bale, hindi naging magkasalungat ang mga paniniwala ng dalawa kailan man. Magkaiba nga lang ng approach (reform vs revolution). So ano dapat ang debate? Bonifacio laban Aguinaldo? Di hamak na mas magaling na rebolusyonaryo si Aguinaldo kesa kay Bonifacio. Sapat na ba ang military brilliance ni Aguinaldo para pagtakpan ang mga maling desisyon nagawa niya?
photo credits: http://todosabongga.blogspot.com/2011/06/kasarinlan.html
Isang bagay lang ang malinaw sa analisis na ito: sa kasaysayan, kapag ang debate ay nakasentro sa mga tao, walang patutunguhan ang pagtatalo. Ang mga bayani ay mga tao din. Mga imperpekto, at may kanya-kanyang baho. Ang mga tagasuporta ay iha-highlight ang mga mabubuting aspeto habang ang mga kalaban ay iha-highlight ang mga negatibo. Isang stalemate.
Kapag ang nakaraan ay hindi malinaw, hindi uusad ang kasalukuyan. Kapag ang nakaraan ay hindi malinaw, nawawala ang halaga nito sa kasalukuyan.
-0-
Mahalagang balikan ang ang kwento nina Rizal, Bonifacio, at Aguinaldo dahil na rin sa kasalukuyang sitwasyong pulitika sa bansa. Ang presidente ay anak ng dalawang ‘makabagong bayani’ pero ang performance niya ang nagfo-fall short sa ekspektasyon at pangangailangan ng mga tao. Ang isang senador ay anak naman ng diktador, pero para sa ilan isa ring bayani. Ang dalawang to ay hindi lamang embodiment ng problema sa political dynasties pero pati na rin sa paggamit sa nakaraan bilang kapital sa pulitika. At dahil nga magulo kahit ang recent history, kanya-kanyang gamit ang dalawang to (at ang iba, tulad ni Enrile at ang kanyang memoir) sa nakaraan para sa kanilang mga interes.
Marami akong nakikita sa Facebook ng mga post na binabanatan si PNOY at kanyang mga magulang, “wala namang nagawa si Ninoy, hindi pagmamay-ari ni Cory ang EDSA, etc…” Sa unang tingin ay maganda ang intensyon ng mga post na ito. Hero-worship bashing to e. Pero ang problema naman meron din ng mga post na tinatangol si Marcos, “umunlad ang bansa, pinatayo niya ang so-and-so, etc” Kung titirahin mo ang ‘Aquino Myth’ para lang palitan ng ‘Marcos Myth’, e wala pa ring mangyayari.
-0-
Hanggang ngayon patok pa rin sa mga Filipino ang komedya. Naghahanap pa rin sila ng mga bayani. May panalo at may talo. Kaya siguro maraming artista ang pumapasok sa pulitika. Malamang binuboto sila dahil masyadong magulo ang realidad na gusto nalang ng mga tao na ang bayani sa palabas ay maging bayani na rin sa totoong buhay. Ang tanong ngayon, saan na ang mga extra at supporting characters?
Mahirap ipaliwanag na ang kasaysayan ay magpapatuloy kahit walang mga bayani. Ang isang bayan na naghahapan pa rin ng mga bayani walang patutunguhan. Uusad nga ang kanilang kwento pero paikot-ikot naman. Sa araw ni Bonifacio hindi sapat na gunitain ang kanyang kabayanihan. Dapat tangapin ng lahat na hindi niya, o kahit sino,pagmamay-ari ang kasasaysayan. Ang kasaysayan ay sumatutal ng lahat ng desisyon ng isang bayan. Ang kasaysayan ay hindi kay Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Aquino o Marcos. Ang kasaysayan ay ating lahat. Kung ito’y nakakahiya, lahat tayo ay dapat laitin. Kung itong magiting, lahat tayo’y dapat purihin.
Dapat siguro ay itigil na natin ang pagtangkilik sa mga moro-moro o komedya. Ginamit ito noon para tayo’y watak-watakin at sakupin. Sa ganitong paraan pa rin ito gumagana. Wala tayo ibang sinasakup kundi ang isa’t isa. Panahon na para isulat ang ating kasaysayan. Hindi nabuhay sina Bonifacio at ang iba pang bayani para lang magkaron tayo nang mga long weekend.
photo credits:http://stinglacson.deviantart.com/art/Hipster-Andres-Bonifacio-214084621