Nagulat ako nang si Papa mismo ang nangyaya na dumaan sa WindJammer, ang bar sa harap ng apartment namin. Nabangit lang ni Kuya Carlos na hindi pa siya nakainom sa labas simula nang dumating siya dito. Nag-exit na kami sa Appleby Line mula sa QEW, halos wala nang sasakyan sa madaling araw. “Sige na nga!” sigaw ni Kuya Carlos mula sa manibela, “Hindi naman tayo magpapakalasing.”
“Hindi naman siguro tayo sisitahin ng lispu, sa tapat lang ng plaza bahay natin,” biro ni Papa. Saka ko lang naisip na ito ang unang beses na magkasama kami iinom. Nag-park si Kuya Carlos sa tapat mismo ng bar, may ilang sasakyan at motor din. Pagbaba sa van, tahimik ang malawak na carpark, iniilawan ng matataas na poste. Sarado at madidilim na ang harap ng Food Basics, Shoppers, at Tim Hortons. Suot-suot pa namin ang mga overalls namin. Binuksan ko lang ang zipper ng sa akin hangang sa dibdib para mas makahinga.
Pagpasok namin tinanong namin agad anong oras ang last call. Nakahabol daw kami, ala una sila nagsasara. Konti lang ang tao, maliit na grupo din tulad namin. May bandang tumutugtog sa maliit na stage. May mga bakante sanang booth pero masyadong malapit sa stage. Umupo nalang kami sa isang high table na saktong may tatlong upuan. Hindi ako kumportable sa suot pero pinabayaan ko na.
“Ok din dito ah,” sabi ni Papa.
“Baka pagod ka na Jacob ha,” tanong ni Kuya Carlos sakin. Tapos na naman ang isang rotation ng panghapon na shift. Off namin bukas. Sa Huwebes, alas sais ng umaga ulit pasok namin. “Okay lang kuya, di naman ako natutulog agad pagdating sa apartment,” sagot ko.
“Ako nga din, baliktad na oras mo eh. Pagod ako pagkatapos magtrabaho pero kapag nakaligo ka na, iba na. Nanonood pa ako ng Walking Dead eh.” Tawanan. “Alam mo ba ‘yun Kuya?”
“Ah hindi ako nanonood niyan,” sabi ni Papa. “Pero hindi ko rin namamalayan alas dos na pala, kaka-Facebook lang ‘yan.”
“Isa pa ‘yang FB na ‘yan.” Lumapit ang waitress sa amin. Hindi kami nakasagot agad kung anong beer gusto namin. Wala akong maalala na brand. Mabilis na nagmungkahi si Kuya Carlos ng Molson Canadian. Umoo kami, kahit ano. “Sa totoo lang hindi ko pa natikman yun pero subukan natin,” sabi ni Kuya Carlos pag-alis ng waitress.
“Sige nga,” sabi ni Papa. “Matagal na ako hindi nagbi-beer.”
Sinubukan kong kilalanin ang kinakanta pero hindi ko magawa. Konti lang ang mga tao pero buong atensyon sa banda. Parehong mga taga-Burlington din malamang ang nagtatanghal at ang nanonood. Dumating ang inorder namin, at tinikman ko agad. Malamig, at hindi masyadong matapang. Matagal na rin akong hindi nakainom.
“Nakatabi niyo ba si Janet kanina?” kuwento ni Kuya Carlos. “Langhiya pogi na tawag sa akin. Si Kuya Ely siguro nagturo doon. Pogi, faster! Pogi, help me! Langhiya, hinahabol mo na nga ang linya, tawang tawa pa ako sa kanya.”
“Ako yata tinawag din akong pogi noon,” dagdag ni Papa. “Si Miguel naman, Pacquiao tawag sa akin.”
“Eh lahat ng naman ng Pinoy Pacquiao tawag ng isang ‘yun.”
“Nalito pa ako nang una kami magkita,” kuwento ko. “Unang tanong niya sa akin, are you Pacquiao? Sabay boksing sa hangin. Sabi ko no, hindi ako masyadong mahilig sa boksing. Akala ko kasama kayo ni Carlos, tanong niya. Sabi ko oo, isang apartment lang kami. Edi Pacquiao ka rin. Nalito na ako. Ako, tuloy niya, taga-Mexico ako pero idol ko si Pacquiao. Saka ko lang na intindihan.” Tawanan. “Parang sira ulo lang ‘yun pero maganda kasama sa trabaho ‘yun.” sabi ni Kuya Carlos. “Production din kasi ‘yun dati tapos inapplyan lang ang mag-folk lift.”
“Oo nga,” sabi ni Papa. “‘Yung puting folk lift operator parang wala pakialam sa iyo.”
“Si Brent, ‘yung bata. Mabait din ‘yun, mukhang suplado lang.” paliwanag ni Kuya Carlos. “Bago pa kasi kayo.”
“Ako nakausap ko ‘yun, okay naman.” sabi ko.
“Alam mo dati sa barko,” simula ni Kuya Carlos. “Ingat na ingat kami magturo ng Tagalog sa mga kasamang hindi Pinoy. Pero marami kaming kasama na grabe din mang-alaska ng ibang lahi. ‘Yung kinukuha talaga ang tono. Kamusta ka na mate, kain ka na mate, natatae ako mate. Eh yung mga Australian game na game din ‘yan sa kalokohan. Gustong matuto ng mga ‘yun, lalo na mga mura. Ayaw mapag-iwanan sa mga biroan. Minsan tatanungin kung ano yung bwiset or tangina. Sabihan namin, wala expression lang ‘yun sa Tagalog. Kasi kung malaman nila, hangang sa pagtulog mo, tangina pa rin maririnig mo.”
“Totoo ‘yan,” sangayon ni Papa. “Minsan nga kung pwede lang ayoko kumausap sa hindi Pinoy eh. Nang sa Saudi ako, grupo grupo din kami. Iba mga Pinoy, mga Indian o Pakistani, mga puti naman mga bisor. Halos walang pakialaman.”
“Namamasyal din ba kayo doon Kuya?”
“Minsan, pero boring din. Maganda pa mga mall sa Pinas. Bili lang siguro ng pagkain o pasalubong bago umuwi. Isang beses, naghapunan kami sa labas para maiba naman. Pambihira, nakalimutan yata namin na oras ng dasal ang alas otso, sana inagahan namin ang dating. Sa gitna kami ng pagkain tapos gulat nalang kami nang sinabihan kami na pakibilisan daw ang pagkain, magsasara na para makahabol sila ng evening prayer. Edi binilisan din namin!” Namula na si Papa sa kakatawa. “Pagkatapos noon, sabi ko, magluto nalang tayo sa dorm! Wag na wag na tayo kakain sa labas!” Tawanan.
“Ibang kase, alangan naman umalma ka,” sabi ni Kuya Carlos. “Eh kayo ‘yung dayo doon.”
“Tama, ayaw mo ng gulo sa lugar na ‘yun. Daming Pinoy nakukulong doon, bitay pa nga eh.”
“Narinig ko rin mga kuwento tulad niyan.”
Sandali kaming natahimik, tuloy lang tugtog ng banda.
“Pero kumpara dito,” tuloy ni Papa, “Mas magaan trabaho doon. Wala nang naghahabol sa linya doon. Automatic na lahat. Computer lang harap ko buong araw. Gulat ako pagpasok ko sa Ippolito, sabi ko ang luluma ng mga makinang ‘to ah.”
“Oo, mga kasama natin babae diyan na tumanda.” kuwento ni Kuya Carlos. “Unang trabaho nila pagdating galing Portugal. Hindi na sila umalis. Maintenance lang talaga sa mga makina. Ayaw nga tayong turuan paano gumamit eh, ang simple-simple lang naman ng controls ng mga ‘yun.”
“Alam din nila siguro na edukado mga Pinoy, mabilis palitan ang mga operator.”
“Oo nga eh.” Napatingin si Kuya Carlos sa bote ko. “Gusto niyo pa? Ikaw Kuya?”
Sabi ko okay na ako. Isa pa daw sabi ni Papa. Tinawag ang waitress kung pwede pa. Pinagbigyan kami. Sabi ni Papa sagot naman namin ang round na ‘to. Nilabas ko agad ang wallet para tignan ilan ang cash na dala ko. Pero mas mabilis si Kuya Carlos, umalis agad ang waitress pagkakuha ng pera. Bumalik dala ang tatlong bote.
“Buti nalang pwede tayo mag-relax pagkatapos ng shift dito,” sabi ni Kuya Carlos pagkatapos simulan ang bagong dating na bote. “Bawal doon diba?”
“Bawal pero pwedeng patago, sa kwarto lang. Pero dahil black market, mas mahal.”
“Parang kasing mahal na dito,” sabi ko.
Natawa si Kuya Cris, “Oo, laki kasi ng buwis dito.”
“Tuloy na rin yata sin tax sa atin Kuya.”
“Talaga? Pambihira, edi parang hindi na rin sulit kung hintayin mo pang makauwi para magpakalasing sa atin.”
“Bwisit na gobyerno ‘yan. Pati alak titirahin nila” komento ni Papa.
“Oo, hindi naman bumabalik sa tao ang buwis,” sagot ni Kuya Carlos.
“Pero iba pa rin talaga makipag-inuman doon sa atin.”
“Totoo ‘yan. Masaya talaga doon.”
Hindi mahirap makita ang ngiti nilang dalawa sa dilim.
“Nang binata ako,” kuwento ni Papa. “Halos kada-off, kahit isang bote lang pagkatapos ng opisina, sapat na. Dito papatayin yata tayo sa trabaho.”
“Sa totoo lang, magaan naman eh,” sabi ni Kuya Carlos. “Kaya nga puro mga matatandang babae kasamahan natin. Siyempre, meron talagang mabibigat na gagawin diyan, kahit konti lang. Alangan naman umayaw ka, kaya nga may lalaki sa shift para sa mabibigat na gawain.”
“‘Yan din iniisip ko,” sabi ni Papa. “Marami kaya sa mga Portuguese na ‘yun mas matanda pa sa akin. Bibilis gumalaw. Hiya ka rin naman magreklamo.” Bigla siyang may naalala, nagsimula agad magkuwento. “Minsan tumawid kami sa Bacolod para sa isang conference at site visit. Dalawang araw lang naman. Pagkatapos palang ng unang araw, lumabas kami agad. Palihim lang sa boss namin. Pagdating ba naman sa bar, nauna pa siya sa amin, kasama din ang mga bisor ng ibang branch. Kinabahan kami. Kita niya kami pumasok at inunahan na, ‘walang magsusumbong sa HR ha.’ Tawanan kami.”
Si Kuya Carlos naman nagkuwento sa mga kalokohan na pinaggagawa nila nang minsan sila bumaba sa Rio de Janeiro. Tahimik lang ako, at pagod na rin. Ito ang unang pakakataon na nakita ko si Papa na ganito ka masayahin. Buong araw ito nakasimangot sa trabaho, kahit break. Alak lang pala ang sagot. Tumatama na rin ng konti sa akin ang Molson pagkatapos kong maubos ang ikawalang bote. Hindi ko alam kung bakit pero bigla ko naalala ang isang klase ko noong kolehiyo. Pinag-uusapan namin ang kuwentong My Father Goes To Court ni Bulosan. Sabi ng prof ko, alam niyo isa itong bihirang pagkakataon na nakakatawa ang obra ni Bulosan. Kasi ‘yung mga kuwento niya sa America, manlulumo ka nalang. Sa lahat ng pinag-aralan kong panitikan na nakasulat sa Ingles, na madalas gawa ng manunulat na nanirahan sa labas, halos walang hindi malungkot. May isang kuwento si Bienvenido Santos, hindi ‘yung The Day The Dancers Came. Kalimutan ko ang pamagat, dyosko ang ikuwentong ‘yun. Basta may Pinoy na puti yung napangasawa. Nangangaliwa, alam din naman ng lalaki pero takot siyang komprontahin ang babae. Bale naghihitay lang siya sa labas ng apartment hangang makalabas ang kung sino mang lalaki. Minsan nakikitulog siya sa ibang kaibigan niya sa building. Noong Christmas Eve, bumisita ang kaibigan niya sa apartment niya and hinintay siya mula sa trabaho. Nakapaghapunan na siya at nakilaro sa mga bata, wala pa rin ang kaibigan niya. Gumagabi na rin at kailangan niya nang umuwi. Laking gulat niya, paglabas niya nakita ang kaibigan na nakaupo lang sa hagdan, sa lamig. Grabe, inakala pa niyang pati ‘yung kaibigan niya niloloko siya. Isipin mo ‘yun. Halos lahat ng mga kuwento, iba’t ibang uri ng lungkot lang ang sinasalaysay ng buhay sa labas ng bansa. Bakit kaya ganyan, tanong ng prof ko. Bakit din, tanong ko naman sa sarili ko, mailap ang mga ganitong sandali ng inuman sa mga pahina ng panitikan.
Nagligpit na ang banda, pagkatapos ang masigabong palakpakan. Binuksan na ang ilang ilaw, at dahan-dahan na rin nagsi-uwi ang mga tao. Nagpasalamat kami at bumalik sa van, sinumulan ang maikling byahe papuntang apartment. Sa harap na kami ng gate ng basement parking nang tinuro ni Kuya Carlos kung saan madalas nakapwesto ang sasakyan ng pulis sa harap ng apartment. Buti wala sa gabing iyon. Bitbit na mga gamit namin, nakaramdam na ako ng antok papunta sa elevator, pero tuloy pa rin ang kuwentuhan ni Kuya Carlos at Papa. Maluwag naman ang elevator pero mas malakas at malinaw na ngayon ang mga kuwento at tawa nila. Pinindot ko ang 7th floor, si Kuya Carlos naman ang 9th floor. “Ang pinakamalala sa trabahong ‘to ang paggising ng alas kwarto ng umaga,” kuwento ni Papa nang simulang umakyat ang elevator. “Parang bumalik lang ako sa pagtitimpla ng gatas ng mga anak ko.” Tumawa si Kuya Carlos pero sa tingin ko hindi ‘yun biro, saka tumigil sa palapag namin at bumukas ang pinto.