‘When Harry Met Sally’: How Nora Ephron Sold Woody Allen to the Masses


Flavorwire

The film opens with simple, white-on-black titles, backed by an elegant, evocative jazz standard. The story that follows, framed by documentary-style straight-to-camera interviews, concerns a witty, urbane Jewish neurotic and his relationship with a sunny, fashionable shiksa. They stroll in through an autumnal Central Park and discuss death, sexual hang-ups, and New York real estate; the borough of Manhattan is captured in loving beauty shots, often backed by the music of Louie Armstrong. From that description, it would be easy to assume I was describing any number of Woody Allen films (Annie Hall in particular). But no, I’m talking about director Rob Reiner and screenwriter Nora Ephron’s When Harry Met Sally… which hit theaters 25 years ago today and made a mint — its $92 million gross easily besting any Allen film to this day. So how did Harry do so well (big money, cultural capital, ongoing influence…

View original post 1,069 more words

Isang Araw sa Buhay


Ang unang hampas ay nangaling kay L. 32, pitong taong sa pagkapulis, may dalawang arak, isang lalaki at isang babae, ilang beses na madestino sa rali pero unang pagkakataon na kaharap mismo ang mga aktibista. Tubong Ilocos si L, minsan pinangarap manging enhinyero, paboritong pagkain ang chopsuey. Laging meron tuwing may okasyon at kapag makakaluwag. Tinamaan ng batuta nya si V, 25, dating estudyante ng mass communications, hindi nakapagtapos, pinangarap maging abogado, ngayon ay walang masasabing masama sa pagiging organizer ng urban poor. Kinalakihan ang mga kilos protesta. Araw ng pagbisita ng pangulo ng Amerika para pirmahan ang isang panibagong kasunduang military. Natigil lang ag gulo pagkatapos gumamit ng tatlong water canon. Labinlima ang sugatan sa mga militante, pito ang sa mga pulis. Umuwi si L na namamaga ang mukha. Napabuntonghininga lang ang kanyang asawa. Ibinalita na nakapag-utang sya ulit ng bigas. Malapit na ulit ang pasukan. Di bale, isip ni L, kahit papano nandito na ang mga Amerikano sakaling lusubin ang Pilipinas ng Tsina. Hindi yan naintindihan ng mga kampon ng mga komunista. Nagbibihis na sia L nang pumasok ang kanyang bunso. Babae, anim na taong gulang. Sabik na maging grade one sa pasukan. Yayakapin sana ang tatay nya pero naramdaman ang konting pagpalag ni L. Humingi ito ng paumanhin. Pinagsabihan ng nanay na matulog na. Pabayaan mo na, sabi ni L. Napabuntonghininga ulit ang asawa. Nagtanong ang bata kung ano ang nangyari. Hindi na rin malinaw kay L. Sinabi nya nalang, “Ginawa lang ng tatay ang trabaho nya.” Napanatag ang bata kahit papano. Lingid sa kaalaman ni L, yun at yun din ang ginawa nya.

Ang Bisita


Nasasabik ngayon si K.

May bisitang makata ang campus. Naghintay pa siya ng isang oras bago magsimula ang workshop, tumambay sa mga upuan mag-isa, sinubukang magbasa at nakipaglaban sa mga lamok. Bakit kasi alas-singko pa ng hapon ang schedule. Dumidilim na at walang tao ang mga bulwagan ng gusali. Pumasok siya sa AVR. Nakaandar ang aircon. Konti lang ang mga estudyante. Mga ka-kurso din nya sa B.A. Literature ang karamihan. Mga pamilyar na mukha ang iba. Kumpleto din ang faculty ng humanities department. Napatigil si K nang makitang handa na ang bisita sa harap. Doon din ang may bakanteng upuan. Nakipangsiksikan muna siya, tumingin sa dinadaanan at iniisip na hindi sana sya masyadong pinapansin ng bisita. Nakaupo rin sya sa wakas. Puti na ang buhok ng makata. Retired na pero maaliwalas pa rin ang mukha. Naka-puting polo at maong na pantalon. May salamin pero hindi sinusuot, nakakwintas. Katamtaman ang tangkad, medyo malaki ang tyan.

Nagsimula na.

Introduction of the speaker. Taga-Leyte, retired na professor, sumusulat sa dalawang wika. Isang libro ang mga tulang Waray, pitong libro ng mga tulang Ingles. Pinanganak sa Iloilo, taga-Pavia ang nanay. Huminga ng malalim si K. Sana hindi ang tula nya ang unang isasalang. Alam na nya ang takbo ng mga workshop na ito. Konting lecture kuno. Tsaka ang madalas madugong paggisa sa mga obra. Ang pinadala nyang tula ay social commentary. Masaya to mamya, double-trouble. Siguradong syang puro mga tula ng kasawian ang pinadala ng iba. Nagsalita na ang bisita.
Disappointed daw sya.

Hilaw na hilaw ang mga tulang pinadala namin. Hindi pa kami handa sa isang writing course kaya naghanda nalang sya ng isang reading course. Wala kaming kapit sa wika at porma. Sa madaling salita, sa tradisyon ng panulaan. Pinamigay ang handouts. May mga lumang kanta/tulang Hiligaynon. Pinakanta. Pinabasa. Pinabilang ng syllables. Pinahanap ng mga tugma.

Isang tula ni e.e. cummings.

Tanungan. Bakit ganyan? Bakit ganyan ang pagkasulat? Ano ibig sabihin nito? Ano ang epekto? Pinagalitan ang isang kasama ko.

Over-reading daw.

Tumawa ako pero mahina lang. Tuloy ang pasyon. Wala nang oras. Nagbasa sya ng isang tula nya tungkol sa pinsala ni Bagyong Yolanda sa Tacloban. Tahimik. Madamdamin ang pagbasa. Binaba ang papel, tumingin sya sa amin. Tapos na pala. Palakpakan. Huling payo: gusto nyong sumulat? Matuto munang magbasa.

Palakpakan.

May pahabol. Alamin ang tradisyon na pinagmulan. At para na rin may bumili ng mga libro namin. Tawanan.

Tumawa si K pero mahina lang.

Kung ang Tula ay Isa Lamang ni Jesus Manuel Santiago


Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya’y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

Sabi ng Tumatanda ni Rio Alma


Marami tayong minahal
Na hindi natin kailangan
Tulad ng hiyas ng layaw
Na kumukumpas sa taguan.

Marami tayong inibig
Dahil iyon ang nasambit
At nawawaglit sa isip
Pagkalipas ng tamis.

Marami tayong pinangarap
Dahil musmos pa ang ugat;
Kaya natiis ang mga sugat
Ngunit kumikirot ang pilat.

Marami tayong galak nilusong
Na itinakwil pagkaahon.

Sa Poetry ni Rolando Tinio


Sa Poetry
Ni Rolando Tinio

Sa poetry, you let things take shape,
Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig.
You start siyempre with memories,
Yung medyo malagkit, kahit mais
Na mais: love lost, dead dreams,
Rotten silences, and all
Manner of mourning basta’t murder.
Papatak yan sa papel, ano. Parang paet,
Kakagat ang typewriter keys
You sit up like the mother of anxieties.
Worried na worried hanggang magsalakip
Ang odds and ends ng inamag mong pag-ibig.
Jigsaw puzzle. Kung minsan, everything fits.
Pero sige ang pasada ng images
Hanggang makuha perfectly ang trick.

At parang amateur magician kang bilib
Sa sleight-of-hand na pinapraktis:

Nagsilid ng hangin sa buslo, dumukot,
By golly, see what you’ve got—
Bouquet of African daisies,
Kabit-kabit na kerchief,
Kung swerte pa, a couple of pigeons,
Huhulagpos, beblend sa katernong horizon,
You can’t say na kung saan hahápon.

Paglalakbay ni Joi Barrios


Bawat pagsinta’y paglalakbay.
Paglalayag sa malawak na dagat,
pag-akyat sa pinakatuktok ng bundok.

Sumasakay ka sa pag-asa,
kumakapit sa pananalig.
Bawat pagsinta’y paglalakbay.

Tandaan:
Huwag kay-bagal at baka may hindi maabutan.
Huwag kay-bilis at baka may malampasan.

Sa pagitan nitong paglalakbay,
saglit na humimpil.
Salatin ang pawisang noo,
hagurin ang napupudpod na talampakan.
Kamustahin ang sarili,
na minsa’y nakakaligtaan sa gilid ng daan.

Huwag hayaang mapagod ang puso
sa bawat paglalakbay.
Ngunit huwag,
huwag ring papigil sa pangamba
kahit ang paroroona’y hindi tiyak.

Walang huling biyahe sa mangingibig
na handang maglakbay
nang may pagsalig.